Kaya nga hindi na kataka-taka na isa itong NBI agent nang unang makilala niya.
Gustong-gusto niya ang pagiging seryoso, misteryoso, matalinong kausap, mapagkakatiwalaan, matapang at matapat nito. Ang hindi lang niya gusto ay ang pagiging dedma at immuned nito sa beauty at pang-aakit niya. Lumalapit pa lang siya sa lalaki ay kusa na itong lumalayo na para bang ipinagbabawal ng batas na mag-share sila ng space at oxygen. At kapansin-pansin na sa kanya lang ganoon ang lalaki. Bagay na nao-obserbahan mismo ni Xander kaya sabi sa kanya ni Xander, kakaiba raw ang ikinikilos ng kuya nito pagdating sa kanya. Kaya huwag raw siyang susuko sa panunungkit sa puso ng kuya nito dahil kutob nito, kaya tila naiilang si Wayne sa kanya ay dahil batid ni Wayne na siya ang tuldok sa pagiging binata nito.
Bagay na tila nagkaroon nga ng katotohanan noong araw ng binyag ng kambal na anak nina Michelle at Xander five years ago. Nang araw na iyon kasi sila unang nagkausap ng masinsinan ni Wayne. For once, hindi sila nagsagutan ng binata. Hindi ito nag-walk out matapos mapikon sa mga biro niya. He even managed to smile, chuckle at her jokes and make her laugh with his droll sense of humor. Natitiyak ni Chrisma na simula na iyon ng magandang relasyon sa pagitan nila ni
Wayne. Kaya hindi na siya nagulat nang sumunod na mga araw, imbes na dedmahin lang ang mga tawag at pangungulit niya rito, pinaunlakan ng binata ang mga tawag at paanyaya niya. Hindi niya naman matatawag na date ang paglabas-labas nila noon dahil lagi nilang kabuntot sina Michelle at Xander.
Biro ni Xander, ideya raw ni Wayne ang group dates nila dahil nangangamba si Wayne sa kalinisan ng intensyon niya. Binatang Filipino raw ang kuya nito, konserbatibo kaya hanggang group dates na lang muna sila. Saka na raw niya pwedeng masolo si Wayne kapag napatunayan na niyang seryoso siya sa binata. Gayunpaman, kahit kadalasan MH or Malaking Hadlang sina Xander at Michelle sa pagsosolo nila ni Wayne, wala pa ring pagsidlan ang kaligayahan niya nang mga panahong iyon. Unti-unti niyang nakikilala nang husto si Wayne at gayundin naman ito sa kanya.
But Chrisma’s hopes and dreams of a happily ever after with Wayne were dashed just a few months after the baptismal of Michelle and Xander’s twins. Dahil natuklasan nila na may anak pala sa dati nitong nobya si Wayne. Wayne found out that his ex-girlfriend Jemma, had his kid without telling him. Hiwalay na raw kasi ang dalawa nang malaman ng babae na buntis ito. At nang hindi sinasadyang makarating sa kaalaman ni Wayne ang tungkol sa anak nito dahil sa pagbabalita ng isang common friend ng dating magkasintahan, hindi na nag-aksaya pa ng panahon si Wayne. Kinompronta ng binata si Jemma. Matapos umamin ni Jemma na nagka-anak nga ito at si Wayne ang ama, nagkabalikan ang dalawa. At hindi tinantanan ni Wayne si Jemma hanggat hindi napapapayag ang babae na magpakasal kay Wayne.
American citizen si Jemma bagamat isa rin itong Filipina. Sa kagustuhan ni Wayne na makapiling ang mag-ina nito dahil walang balak na tumira dito sa Pilipinas si Jemma, iniwan ni Wayne ang dating trabaho nito sa NBI at mas piniling sa States na tumira. And that ended all of Chrisma’s romantic illusions about her own happy ending with Wayne.
That was five years ago. But now, Wayne is back. Ang totoo, dalawang taon nang nakabalik sa bansa ang lalaki. Ito na ang namamahala ngayon sa Indigo Bookstore, ang negosyong iniwan at ipinamana rito ng yumaong stepfather nito. Something she found a bit puzzling. Dating NBI agent si Wayne. Wala sa hitsura ng lalaki na isa itong negosyanteng ang negosyo ay mga libro. He looked more like a hot guy in uniform wth his strong built and tough persona.
Pero kung pagbabasehan ang mga kwento ni Michelle sa kanya, mukhang mahusay namang humawak ng negosyo si Wayne. Kwento pa ni Michelle, mukhang mas malaki raw ang kinikita ngayon ng Indigo Bookstore kaysa noong ang stepfather pa nina Wayne at Xander ang may hawak niyon. At iyon ay sa kabila ng dalawang taon pa lang personal na pinapatakbo ni Wayne iyon.
Ayon kay Michelle, sa kabila raw kasi ng malaking halagang nawala kay Wayne sanhi ng paghihiwalay ng lalaki at ng asawa nito ay nakabili pa rin si Wayne kailan lang ng bagong bahay na siyang tinitirahan na ng lalaki ngayon. Bumili rin daw si Wayne ng isang five-storey building na ginawa nitong bagong head office at main branch ng Indigo Bookstore. At may isa na namang bagong negosyong pinasukan ang lalaki. Nakisosyo raw si Wayne sa isang publishing company na pag-aari ng isang kaibigan ng amain nito.
Bagay na pinagtatakhan ni Michelle kung paano naggawa ni Wayne gayong sa pagkaka-alam daw nina Michelle at Xander ay malaki ang divorce settlement ni Wayne at ng dating asawa ng lalaki. Bukod pa sa malaki-laki ring child support na buwan-buwang ibinibigay ni Wayne sa anak nito na ang custody ay nananatiling nasa dating asawa ng lalaki. Bukod pa raw iyon sa trust fund na inilagak ni Wayne para sa bata na makukuha lang niyon pagtuntong niyon ng edad na eighteen.
Hindi mapigilan ni Wayne ang mga mata niya na tumutok kay Chrisma. Nauna silang dumating sa restaurant na iyon ng kaibigan niyang si Gus. Umo-order na sila nang mapansin niya ang pagdating ng grupo nina Chrisma. Pero hindi siya napansin ng dalaga dahil medyo malayo-layo ang mesa nila ni Gus mula sa mesa ng dalaga at ng mga kasama nito.
It’s been almost six or seven months since the last time he saw Chrisma at Xander’s house. Fifth birthday party iyon nina Rachel at Matt, ang fraternal twins na anak nina Xander at Michelle. Gabi na siya nakarating kina Xander dahil may trabaho pa siyang tinapos. Kaya naman maliban sa tipid na tipid na batian nang magkasalubong sila ni Chrisma sa pinto ng bahay nina Xander ay hindi na sila nagka-usap pa ng dalaga.
Pauwi na kasi si Chrisma kasama ang bagong nobyo nitong hindi na niya inalam kung ano ang pangalan. Basta mukhang tattoo na tinubuan ng tao ang lalaki. At dahil natitiyak rin naman niya na pagkatapos lang ng ilang buwan ay mapapalitan na ang lalaki ng kung sinumang magiging bagong nobyo ng dalaga, hindi na niya kailangan pang alamin kung ano ang pangalan ng lalaking iyon.
“Sino’ng tinitignan mo, Wayne?” pukaw ng tinig ni Gus sa pagkakatitig ni Wayne sa dalagang nakaupo sa isang mesa hindi kalayuan sa mesa nilang magkaibigan.
“Pinsan ng hipag ko,” tipid na tugon ni Wayne saka ibinalik ang atensyon sa pagkain at pinag-uusapan nila ni
Gus.
Ayaw niyang banggitin kung ano ang pangalan ni Chrisma dahil kilala ni Gus sa pangalan ang dalaga. Salamat sa minsang pagkakadulas niya habang nag-iinuman sila ng kaibigan. Pero may kutob siyang mawawalang saysay rin ang pag-iwas niyang iyon dahil ngayong nakita na rin siya ni Chrisma, tiyak na hindi papayag ang dalaga na hindi ito lumapit at makipag-usap sa kanya. Hindi nga siya nagkamali nang maya-maya ay marinig niya ang malakas na pagtawag ni Chrisma sa pangalan niya.
“Wayne! Wayne! OMG! You’re here!” malakas at puno ng katuwaan ang boses na ani Chrisma habang papalapit ito sa mesa nila. Kulang na lang ay kumaripas ng takbo ang dalaga sa pagmamadaling makalapit sa kanya. At aaminin niya, nakadama rin siya ng bahagyang pagbilis ng tibok ng puso niya nang magtama ang mga mata nila ni Chrisma kanina.
Nakatingin din sa gawi nila ni Gus ang dalawang babaeng kasama ni Chrisma sa mesa nito. Iyong isang babae ay kunot-noong nakatitig sa kanya na para bang may malaki siyang pagkaka-utang dito. Habang iyong isa pa ay tila sa kinakagat at nginunguyang garlic bread ibinubuhos ang gigil sa kanya. Sa pagkakatanda niya ay hindi pa naman niya nakikilala ang mga kaibigang iyon ng dalaga. Pero bakit parang malaki ang atraso niya sa mga ito kung pagmasdan siya ng mga ito?
Sa lakas ng boses ni Chrisma pagtawag sa kanya, pati ibang diners ay napagawi rin sa kanila ang tingin. Pero tulad ng karaniwan nang nangyayari, bale-wala lang sa dalaga ang atensyong nakukuha.
Tumayo na si Wayne dahil alam niya kung paano siya babatiin ng dalaga. Mahigpit na yayakapin siya nito at ibe-beso-beso na para bang higit pa sila sa magkakilala. Hindi niya matandaan kung kailan bumalik sa ganoong gawi ang pagbati nito sa kanya tuwing magkikita sila.
Pero noong unang beses silang magkita ulit ni Chrisma two years ago nang magbalik siya dito sa Pilipinas ay halata niya na tila hindi alam ng dalaga kung paano siya babatiin. Bakas ang pagka-asiwa ng dalaga at pag-distansya sa kanya. Halos hindi nga siya makapaniwala sa kalamigan at kapormalang ipinakita nito sa kanya.
At hinding-hindi niya aaminin kahit na kanino pero medyo nasaktan siya sa ginawang iyon ng dalaga. Hindi rin naman nagtagal at bumalik ang dating paraan ng pakikipagharap at pakikipag-usap ng dalaga sa kanya.
Nang makalapit ng husto si Chrisma sa kanya ay agad na mahigpit na niyakap siya nito at bineso-beso.
“Hindi kita agad nakita, Wayne! Please don’t think I intentionally ignored you. I’ll never do that to you!” malakas pa rin ang boses na pahayag ni Chrisma.