“Teka, teka, wait, wait muna. Paki-repeat nga, hindi ko naiintindihan,” kunot-noong wika ni Jing-jing kay Chrisma matapos niyang sabihin sa mga kaibigan ang tungkol sa paghahabilin nina Xander at Michelle sa kanya sa mga pamangkin niya.
Naroon siya sa condo unit nila. Dumaan muna siya roon upang kumuha ng iba pang damit at gamit niya bago siya bumalik sa bahay nina Xander at Michelle. At para na rin ipaalam sa mga kaibigan ang posibilidad na hindi lang pansamantala ang pagtira niya sa bahay nina Xander at Michelle kung hindi permanente na. Or at least until the kids were old enough to take care of themselves.
“You mean dito na rin titira ang mga anak ni Michelle? Tayo ang mag-aalaga sa kanila? Hindi ako marunong mag-alaga ng bata, Chrisma! Saka paano ‘yun? Tatlo lang ang kwarto dito. Saka paano kapag may gigs tayo? Isasama natin sila? Kunsabagay, pwede natin silang isali sa set natin. The Silver Belles and the Kids! Kaso child labor ‘yun, di ba?” tila malapit naman nang mag-panic na paglilitanya ni Lucibelle.
“Gaga! Hindi sila dito titira, ako ang lilipat sa bahay nina Xander. Hindi naman kasya rito ang mga bata. At mas lalong hindi ko sila ipapa-alaga sa inyo, ‘no. Wala ka pa kayang alagang hayop na tumagal ang buhay. Lahat namamatay one week pa lang sa pangangalaga mo. At iyang si Jing-jing, malamang turuang maging praning din sa zombie apocalypse ang mga pamangkin ko. Kung sakali, sina Santi at Cinda lang ang pwede kong pagkatiwalaan na pwedeng mag-yayo sa mga pamangkin ko. Iyon ay kung wala na talagang choice dahil I’m sure, mata-trauma ang dalawang iyon at baka hindi na gustuhin pang magka-anak matapos bantayan ang mga pamangkin ko,” aniya sa mga kaibigan.
“Does this mean you’ll leave the band?” untag ni Cinda na ikinagulat nilang tatlo dahil ni hindi nila namalayan ang pagdating nito. Animo iisang tao na sabay-sabay pa silang napalingon sa nakabukas na pinto ng unit nila. Hindi lang pala si Cinda ang dumating kundi pati si Santi. At bakas sa mukha ng dalawa na narinig ng mga ito ang pinag-uusapan nilang tatlo nina Jing-jing at Lucibelle.
“Of course not! Hindi naman kailangang twenty-four-seven akong nakabantay sa mga pamangkin ko---“
“Yeah, right! At nasaan ka nga ulit nung Friday at may gig tayo sa Rancher’s Grill? At nung Saturday nang may sched tayo sa St. Peter College? Nagbabantay sa mga pamangkin mo na pupwede o naman iwan sa yaya nila since by the time na umalis ka ng bahay ay tulog naman na sila. Pero ano’ng ginawa mo?” nakataas ang mga kilay na ani Jing-jing.
“Pero---“
“I hate to do this, Chrisma, since you know how much I hate to agree with Jing-jing. Pero tama siya, palagi ka na lang wala sa gigs natin,” wika ni Santi na nagkibit-balikat pa.
Lumapit si Cinda sa kanya at ipinatong ang mga kamay nito sa mga balikat niya. Bigla siyang kinabahan sa kaseryosohang nakabakas sa anyo ni Cinda. Dumoble pa iyon nang makita niya mula sa sulok ng mga mata ang tila biglang naasiwang pagtitinginan nina Lucibelle, Jing-jing at Santi. Tila alam na ng mga ito ang balak sabihin ni Cinda sa kanya.
“Alam namin na mahirap ang pinagdaraanan mo nitong mga nakalipas na linggo, Chrisma. At kung kailangan mo ng tulong, nandito lang kami. Pero---“
“Aalisin na ninyo ako sa banda?! No! Huwag naman ninyong gawin sa akin ito!” gilalas na sigaw niya.
*******
Hanggang sa makarating si Wayne sa palapag na kinaroroonan ng condo unit ni Chrisma ay hind niya maipaliwanag sa sarili kung bakit niya pinaunlakan ang imbitasyon ng kaibigan at housemate ni Chrisma na si Lucibelle na magpunta siya roon ngayon din mismo. Or perhaps it was just his stubborn self who still refused to accept the real reason why he rushed over here after he realized what Chrisma’s band mates were planning to do today. Dahil aminin man niya o hindi, nag-aalala siya sa posibleng maging reaksyon ni Chrisma sa sasabihin ng mga kabanda nito.
Ayon kay Lucibelle, plano ng mga itong kausapin si Chrisma tungkol sa hindi pagsipot ni Chrisma sa mga commitments ng banda nito dahil hindi maiwan-iwan ni Chrisma ang mga pamangkin nila. Tingin ni Lucibelle, hindi na tama ang ginagawang pagtatago ni Chrisma sa likod ng mga pamangkin nila para maiwasang harapin ang pagdalamhati nito. Mas makabubuti raw kay Chrisma kung babalik na ito sa pagtugtog sa banda ng mga ito, bumalik sa normal na routines nito. Magpatuloy sa normal nitong buhay.
Bagay na hindi niya alam kung sasang-ayunan niya o hindi. Kung babalik na kasi si Chrisma sa dati nitong routine, mangangahulugan iyon ng pagbubukas ng pinto para matupad ang gusto ng mama niya na sila na ang magpalaki sa mga pamangkin niya. On the other hand, a part of him was hesitant about taking the kids away from Chrisma. Para siyang naiipit sa pagitan ng dalawang nag-uumpugang bato.
“No! You can’t do this to me! Malaking bahagi ng buhay ko ang banda natin! Bakit ninyo ako aalisin?!”
Dinig na dinig ni Wayne ang paghihinagpis at mariing pagtutol sa boses ni Chrisma mula sa bahagyang naka-awang na pinto ng condo unit nito. Kagyat nagsalubong ang mga kilay niya sa pagtataka at pag-aalala. Bumilis ang mga hakbang niya patungo sa pinto. Hindi na siya naghintay ng pormal na paanyaya mula sa mga okupante ng unit. Pumasok siya at agad nahagip ng mga mata niya ang dismayado at nagpipigil ng luhang anyo ni Chrisma habang kaharap ang drummer ng banda nito na inakala niya noon na nobyo nito. Until now he couldn’t remember the tattoed man’s name but he could still remember the crushing disapppointment he felt when he thought the man was Chrisma’s boyfriend a few months ago.
“Chrisma?” tawag niya sa dalaga.
“Wayne!” sambit ni Chrisma na tila nakakita ng kakampi at tagapagtanggol nang dumapo sa mukha niya ang tingin.
Bahagya nitong itinulak palayo si Tattoo Boy saka tumakbo palapit sa kanya. Halatang nagulat ang mga naroon sa unit dahil sa pagsulpot niya at sa pagtakbo ni Chrisma palapit sa kanya. Pero mas nagulat siya dahil hindi lang basta tumakbo si Chrisma palapit sa kanya, yumakap pa ito sa kanya. saka tila nagsusumbong na tumingala sa kanya at sinabi na balak na itong alisin ng mga kabanda nito sa Silver Belles dahil hindi raw ito nakakarating sa mga gigs ng banda.
Dahil sa narinig ay galit na napabaling siya sa mga kabanda ng dalaga. And here he thought they were her friends!
“You can’t do that to her! Alam ninyo kung ano ang pinagdaraanan ng pamilya namin ngayon. Wala ba kayong konsiderasyon?! Akala ko ba magkakaibigan kayo? Bakit imbes na tulungan at suportahan siya ay tatanggalin ninyo siya sa banda ninyo porket hindi siya makapagtrabaho ngayon dahil sa sitwasyon namin?!” singhal niya na halos sumingasing sa galit sa mga kabanda ni Chrisma.
Lalo pang umigting ang galit niya nang maramdaman niya ang pagpatak ng mga luha ni Chrisma sa dibdib niya kung saan nakasubsob ang mukha nito habang mahigpit na nakapalibot sa baywang niya ang mga braso.
“Listen, pal, you’ve got it all wrong---“
“I’m not your pal, boy,” nagbabanta ang tonong putol niya sa pagsasalita ni Tattoo Boy.
Hindi niya talaga gusto ang gagong ito. Parang nakatatak pa rin sa isip niya ang pagkaka-angkla ni Chrisma sa braso nito noong magkasalubong sila sa bahay nina Xander noong birthday nina Matt at Rachel. Dumagdag pa roon ang tagpong nadatnan niya kanina kung saan nakahawak ito sa mga balikat ni Chrisma. Halatang tinatangka nitong aluin si Chrisma matapos nitong sabihin sa dalaga na inaalis na ng mga ito sa banda si Chrisma.
Maagap na pumagitna sa pagitan niya at ni Tattoo Boy si Lucibelle.
“Hep! Bago pa lumala ito, makinig ka muna sa akin, Wayne. At pati na ikaw, Chrisma. Wala kaming sinabing aalisin namin sa banda si Chrisma. Read my lips, Wayne, hindi namin aalisin si Chrisma sa banda, okay? Kaya bago ka pa mag-ala Superman, Spiderman at Pacman diyan na ipinagtatanggol ang damsel in distress mong sarap sabunutan, relax muna, okay?” saad ni Lucibelle sa kanya na palipat-lipat ang tingin sa kanya at kay Chrisma na nananatiling nasa loob ng mga bisig niya.
“Hindi pa naman kasi tapos magsalita si Cinda ay kung ano-ano nang pumasok sa isip mo, Chrisma. In fact, kabaligtaran nga ng pag-alis sa banda ang gusto naming gawin mo. Gusto namin na sumama ka na ulit sa mga gigs ng banda, para kahit papaano ay mabaling sa ibang bagay ang isip mo,” iiling-iling na may kasamang palatak na wika naman ni Santi kay Chrisma.
Biglang nanigas si Chrisma. Dahan-dahan itong nag-angat ng mukha mula sa pagkakasubsob sa dibdib niya. At the back of his mind he was marveling at how beautiful she looked despite the tear strains on her cheeks.
“Oh! Iyon ba ang sasabihin mo, Cinda?” medyo alanganin ang tonong untag ni Chrisma kay Tattoo Boy.
“Oo. Pero siyempre, umiral na naman ang pagiging Drama Queen mo kaya hindi mo nalaman agad,” matabang ang tonong tugon naman ni Tattoo Boy sabay pukol ng masamang tingin kay Wayne. Dumako pa ang mga mata ni Tattoo Boy sa braso niyang nakahawak sa baywang ni Chrisma. Halatang hindi nito nagugustuhan ang nakikita. But Wayne doesn’t care if the damned tattoed man liked or didn’t like what he sees. Pinanatili niya ang braso na nakapalibot kay Chrisma.
“Ooops?” alanganin ang ngiti at mababa ang tonong sambit ni Chrisma.
“Oops ka diyan! Hindi ka muna kasi nakikinig bago ka nag-iisip ng kung ano-ano. Makakaya ba naming basta ka na lang tanggalin sa banda?” medyo paangil ang tonong wika ni Lucibelle kay Chrisma.
“Sorry na. Kasi naman ang mga expressions ninyo, nakakatakot talaga. Buti na lang dumating ang My Love, My Hero kong si Wayne para ipagtanggol ako sa inyo,” nakangiti nang wika ni Chrisma. Tumingala pa ang dalaga kay Wayne at kinindatan siya.
Noon lang niya naalala na nananatiling nakapalibot pa rin pala ang mga braso niya sa dalaga. Dali-dali niyang binitiwan ang dalaga. Humakbang pa siya paatras upang makalayo rito. Todo simangot naman ang dalaga at pinukol pa siya ng tingin na tila nagsasabing bakit niya ito biglang binitawan. Tinging tinugon lang niya ng pag-arko ng mga kilay.
“Kunwari ka pa pero feel na feel ko naman ang caring and concern mo kanina. Sabi ko na nga ba eh, pakipot ka lang. tingin ko hindi ko na kakailanganin pa ang mga advice ni Gus tungkol sa panliligaw sa iyo,” ani Chrisma na pilyang nginisihan pa siya.
Pero ang ngising iyon ay dagli ring nabura nang maalala nito, tulad niya, na noong araw na makilala nito si Gus ay ang parehong araw ng pagkamatay nina Michelle at Xander. Muling nagkaroon ng lambong ang mga mata nito. Awtomatikong umangat naman ang kamay niya upang marahang pisilin ang mga balikat nito bilang pang-aalo rito. It’s only been three weeks since that unfortunate day and the pain of it refused to leave them.
‘Sorry, hindi ko sinasadyang ipaalala na naman sa iyo ang araw na iyon. And just because I’m joking about that day doesn’t mean I don’t care that Michelle and Xander died that day too,’ ang tila sinasabi sa kanya ng malamlam na mga mata ni Chrisma. Hindi niya alam kung paano niya naunawaan lahat ng piping mensaheng iyon ng dalaga para sa kanya sa pamamagitan lang ng pagtitig niya sa mga mata nito. Pero nakatitiyak siya na iyon ang nais nitong iparating sa kanya.
‘It’s alright, Chrisma. Just because they died doesn’t mean we have to stop smiling and laughing too. Natitiyak kong hindi rin nila magugustuhan kung mangyayari iyon,’ tugon naman niya rito sa parehong paraan.
“Um, excuse me, mawalang-galang na sa moment ninyong dalawa. Pero bakit kayo nagtititigan wars diyan?” nagtatakang singit ni Lucibelle sa tahimik na pag-uusap nila ni Chrisma.
“Huwag ka nang umekstra pa diyan, Luci, panira ka sa romantic scene nila eh,” saway naman ni Jing-jing kay Lucibelle.
“Like I was saying before I was nastily interrupted, gusto naming bumalik ka na sa banda, Chrisma. Kung busy ka na ulit, hindi ka na masyadong made-depress. May ibang pagbabalingan ka na ng atensyon mo,” wika ni Tattoo Boy kay Chrisma.
Nginitian naman ni Chrisma ang lalaki. Bagay na hindi maipaliwanag ni Wayne kung bakit ikinayayamot niya.
“Thank you, Cinda. Pero sa tingin ko, hindi pa ako makababalik sa banda sa ngayon. Kami ni Wayne ang magiging guardians nina Matt at Rachel. Kailangan ko munang sanayin ang mga bata sa presensya ko sa buhay nila ngayon. After a few months siguro, pwede na akong bumalik sa pagbabanda. Pero sa ngayon, hindi na muna,“ ani Chrisma.
“Chrisma, being guardian to the kids doesn’t mean you have to put your own life on hold. Limang taong gulang na sina Matt at Rachel. At kahit noong buhay pa sina Michelle, sanay na silang si Yaya Raya ang kasama nila kapag nasa trabaho sina Michelle,” malumanay na wika ni Wayne kay Chrisma.
Pero sa loob-loob niya ay mas pabor siya sa pasya ni Chrisma na isantabi muna ang pagbabanda nito upang maituon nito ang buong oras at atensyon nito sa mga bata. That was exactly what his mom did when he and Xander were still children. Ang mama niya mismo ang nag-alaga sa kanila. Bagamat may yaya sila na katulong nito sa pag-aasikaso sa kanila ni Xander, nasanay siya na habang lumalaki ay nasa loob lang ng bahay nila ang mama nila. Isang tawag lang nila ni Xander sa mama nila ay naroon na agad ang mama nila, handang ibigay kung anuman ang mga pangangailangan nila ay resolbahin ang anumang suliranin nila.
“Alam ko iyon, Wayne. Pero sa ngayon, nangangapa pa sila. Hindi nila maintindihan kung bakit bigla na lang hindi na uuwi ang Mommy at Daddy nila. Kung pati ako, tayo mawawala agad sa tabi nila, mas lalo lang silang malilito at malulungkot. Kaya hanggat maaari ayoko muna silang iwan nang matagal. They need me, they need us. And for now, they’re my priority,” paliwanag naman ni Chrisma bago ito bumaling sa mga kabanda.
“Sana maunawaan ninyo kung bakit ganito ang desisyon ko. Nagulat lang ako kanina dahil akala ko tatanggalin na ninyo ako ng tuluyan sa banda. Hindi naman permanente ito, hanggang sa makapag-adjust lang sina Matt at Rachel. Pero pansamantala, hanggat hindi pa ako nakakabalik, pwede kayong kumuha ng ibang bassist.”
Bumakas ang pagtutol sa mukha ng mga kabanda ni Chrisma. Ihinanda naman ni Wayne ang sarili bilang suporta ng dalaga. Kung pakaiisipin ay mas pabor sa kanya ang pagbabalik ni Chrisma sa banda nito nang sa gayon ay malaya na niyang makuha ang mga bata at makumbinsi si Chrisma na mas makabubuti para sa kanilang lahat na hayaan na lang nitong sila ng kanyang ina ang magpalaki sa mga bata. But for some insane and unnamed reason, he didn’t want her to go back to her old life yet and leave the kids to him and his mom.
*******
“Bakit ba kanina ka pa sulyap ng sulyap sa akin? Uy, don’t tell me, nagkaka-crush ka na rin sa akin, no?” tudyo ni Chrisma kay Wayne habang lulan sila ng sasakyan nito.
Kung wala lang siyang tiwala sa pagmamaneho nito, malamang kanina
pa siya napadasal ng sampung Hail Mary dahil sa takot na madisgrasya sila
sa dalas ng mga pagsulyap ni Wayne sa kanya.
Pabalik na sila sa bahay nina Xander. Nasa likod ng trunk ng kotse ni Wayne ang mga gamit niyang kinuha niya mula sa condo unit nila nina Lucibelle at Jing-jing. Maaari namang sa kotse na niya siya sumakay sa halip na iwan niya iyon sa condo building at pabalikan bukas sa driver nina Xander na si Mang Tonyo. Pero mas gusto kasi niya na makasama si Wayne sa sasakyan nito kaya niya isinuhestyon na sumabay na lang siya sa lalaki. Hindi naman tumutol si Wayne.
“You’re really going to do it, aren’t you?” tila nalilito at hindi makapaniwala na untag ni Wayne.
“Do what?”
“Put your life on hold for the sake of the children? Don’t you love your band? Isn’t music your passion? Paano mo naggawang basta isantabi na lang iyon?”
Bigla ay naliwanagan siya sa sanhi ng kalituhan ng lalaki. Sa isip nga pala kasi ng lalaki ay isa siyang babaeng walang ibang iniisip kung hindi ang sarili at ang mga bagay na mahalaga sa kanya tulad ng pagbabanda niya, mga luho sa buhay, pagsa-shopping at malamang kung ano-ano pang mga bagay na sa tingin nito ay pawang kababawan lang.
“Wayne, matanda na ako. Mas malawak na ang pang-unawa ko. Pero ang mga bata, maliit pa ang mundo nila. Kokonti pa lang ang mga naiintindihan nila. At nawala na sa kanila ang dalawa sa pinakamahalagang mga tao roon. Hindi ko maaatim na pabayaan sila at unahin ang sarili ko. Those children needs me, us. Sila na lang ang natitirang alaala nina Xander at Michelle sa atin. At pinagkatiwalaan nila tayo na mag-aruga at magmahal sa mga anak nila. Nakakahiya naman sa kanila kung pababayaan natin ang mga anak nila,” paliwanag niya. “Saka baka multuhin pa nila tayo kung pababayaan natin sina Matt at Rachel. Ewan ko sa iyo pero aminado ako, takot ako sa multo.”
Bahagyang napailing si Wayne pero ang mas pinagtuunan niya ng pansin ay ang munting ngiting saglit na sumilay sa mga labi nito nang sulyapan siya.
“Syanga pala, paano ang magiging set-up natin? Ilang beses kang bibisita sa bahay nina Xander? I know I’m awesome but I think they’d still need the steady influence of a father figure in their lives. Kaya tulad ng sinabi ko sa iyo kanina doon sa opisina mo, dapat ipakita mo rin na present ka sa buhay nila. Kailangan nilang makita ang pagmamahal at pagmamalasakit mo sa kanila. Hindi sapat na mga materyal na bagay lang ang ibibigay mo sa kanila,” mariing wika niya rito.
“Alam ko. Kaya nga iniisip ko kung mas makakabuti na lumipat na rin ako sa bahay nina Xander para araw-araw ko ring nakakasama ang mga bata. Pero---“
“Talaga?! Ibig sabihin titira tayo sa iisang bahay?! Tama! Iyon nga ang dapat mong gawin! Makakabuti iyon para sa akin, I mean, sa mga bata,” malawak ang ngisi at kulang na lang ay magkorteng puso ang mga matang maagap na aniya bago pa nito maisaboses kung anuman iyong ‘pero’ nito.
“I don’t think it would set a good example to the kids, Chrisma. Babae ka, lalaki ako at wala naman tayong relasyon. Pangit tignan kung sa iisang bahay lang tayo titira. We have to set a good example to the kids, remember?”
“Sus! Hindi naman na eighteen-whatever ngayon. Two thousand fifteen na, uso na ang internet Wala namang malisya ang pagsasama natin sa iisang bahay. Well, walang malisya siguro sa side mo, pero sa akin, hmm...medyo alanganin nga,” aniya na biglang napangiwi nang maisip na magiging masagwa ngang tignan kung titira sila ni Wayne sa iisang bahay gayong wala pa silang relasyon.
At kahit pa mas mapapadali niyon ang pagsungkit niya sa matamis na pag-ibig nito, duda siya kung magiging responsible parenting iyon. Hindi tamang ehemplo iyon para kina Matt at Rachel. And yes, she said ‘wala pa silang relasyon’. Dahil buo ang paniwala niyang sa pagkakataong ito ay mas magiging malapit na sila sa isa’t isa ni Wayne. Wala itong choice. May mga bata nang nagbubuklod sa buhay nila till do them part!
“Eh, kung hindi pwedeng tumira tayo sa bahay nina Xander at magkatuwang na palakihin ang mga bata, ano’ng gagawin natin? Pagpapasa-pasahan natin ang mga bata?” dismayadong tanong niya kay Wayne.
“Pinag-iisipan ko pa ang pinakamagandang solusyon sa sitwasyon natin. Pero sa ngayon, dadalasan ko ang pagdalaw sa mga bata. Makakaasa ka sa suporta at presensya ko. Here, these are all my contact numbers. Nariyan din ang contact number ng asisstant ko para kung sakaling hindi mo ako ma-contact, siya ang tawagan mo.”
“Okay.”
“Kung may kailangan ang mga bata, tawagan mo lang agad ako.”
“Paano kung ako ang may kailangan, pwede rin ba kitang tawagan?”
“Chrisma,” palatak ni Wayne.
“Ngayong pareho na tayong guardians ng mga bata, hindi ba dapat maging bestfriends forever na tayo? Isipin mo na lang, sa susunod na eigtheen years ay magkakabit na ang mga buhay natin. Para tayong divorced couple na may joint custody sa mga anak natin. Malas lang na mukhang bago pa tayo ikasal ay nauna na ang pag-akto natin bilang divorced couple,” nakasimangot na aniya.
“Lahat ng bagay na may kinalaman kina Matt at Rachel ay dapat pareho tayong magdedesisyon. Sa pagkaka-alam ko ay naka-enroll na sila sa preschool. Next week, dapat siguro ay papasukin na ulit natin sila. Nakausap ni Mama ang teacher nila. Tinatanong kung kailan daw papasok ulit sina Matt at rachel. The sooner they get back to their old routine, the sooner we could get their lives back to normal,” saad ni Wayne.
“Tama ka diyan. Sige, next week papasukin na natin sila. Tingin ko makakabuti rin nga sa kanila na may makahalubilo na ibang bata.”
Huminto sila sa tapat ng bahay nina Xander. Bumusina si Wayne at maya-maya lang ay maagap nang binubuksan ng maid ang gate. Kinabig ni Wayne ang manibela papasok sa driveway ng bahay.
“Do you think we’d make it as a married couple?” biglang tanong ni Wayne na kagyat nagpatigil sa akmang pagbubukas ng pinto ng kotse ni Chrisma.
Gilalas na napalingon siya sa lalaki. Akala niya paglingon niya ay makikita niya sa ekspresyon ng lalaki na nagbibiro lang ito. Pero nananatiling seryoso ang ekspresyon ni Wayne. Dagli siyang napabaling paharap dito. Mariing pinagsalikop pa niya ang mga kamay upang mapigilan ang sarili na dambahin ito at ikulong ang mukha nito sa mga palad niya habang pinupupog niya ng halik ang napakagwapong mukha nito.
“Oo naman. Hundred percent sure! Teka, may balak ka bang mag-propose ng marriage of convenience? Iyon ang laging ginagawa sa mga pelikula at libro, di ba? Tapos kunwari sa umpisa hindi ka attracted sa akin. Pero unti-unti mari-realize mong in love ka na pala sa akin then ang ending magiging totoo na ang marriage of convenience natin! I love it! Sige, let’s do that!” halos walang hingang litanya niya.
She was just kidding but based on the look on Wayne’s face, he thought she was really serious about it.
“No! That’s ridiculous, Chrisma! I’m not marrying you! I was just asking hypothetically! Look, just forget I asked, alright? Hindi ko alam kung bakit ko nasbai iyon. Kalimutan mo na lang iyon,” mariing tanggi nito na para bang inutusan niya itong tumalon mula sa tuktok ng Mt. Everest nang wala ni isang saplot sa katawan. At kung hindi lang siya nakatingin mismo rito ay hindi siya maniniwala na posible rin palang mag-panic ang isang
Wayne Domingo.
“Okay, fine. Grabe ka namang maka-deny diyan. Kung ayaw mo ng marriage of convenience then let’s just live in sin,” aniya sa parehong tono niya kanina.
Iyong tipong atat na atat kahit na may dulot na pinong kurot sa puso ang reaksyon ni Wayne sa biro niya. Minsan hindi niya maunawaan kung bakit sa lalaking ito pa siya nagkagusto. Ang dami-dami namang ibang
lalaking nagkakagusto sa kanya. May pagka-masokista yata ang puso niya. Pero kung tatanungin naman siya kung ano ang pinaka-nagustuhan niya kay Wayne, hindi niya alam ang isasagot niya. Basta gusto lang niya ito, tapos.
“I said forget it, Chrisma,” mariing ulit nito na pinanlakihan pa siya ng mga mata.
“Oo na, oo na, Forgotten na!” irap niya rito.
“Halika na, pumasok na tayo. Lumalamig na ang pagkain,” ani na lang ni Wayne na nagpatiunang bumaba ng sasakyan.
Lumigid ang lalaki sa harapan ng kotse. Lumapit ito sa pinto ng kotse sa passenger’s side at ipinagbukas siya ng pinto. Naka-alalay pa ang kamay nito habang pababa siya. At ginawa nito lahat ng iyon habang iniiutos nito sa lumapit na boy nina Xander na ilabas mula sa trunk ng kotse nito ang mga gamit niya at dalhin iyon sa silid na ginagamit niya.
Pagkuwan kinuha ni Wayne mula sa backseat ang paper bag ng take out meal na dinaanan nila sa paboritong pizza restaurant nina Matt at Rachel. Iyon kasi ang request ng mga bata na kainin ngayong gabi nang tawagan niya ang yaya ng mga ito kanina. Akala nga niya ay tututol si Wayne dahil batid niya ang kawalan nito ng hilig sa mga fastfood. Pero walang angal na binili nito ang hiling na Hawaiian pizza, spaghetti, fries at chicken ng mga bata. Kaya naisip niya na may pag-asa pa talaga na mapalapit ng husto si Wayne sa mga bata.
Akmang papasok na si Chrisma sa pinto ng bahay nang mapuna niya na tila nag-aatubili si Wayne na sumunod sa kanya. Eksakto ang paglingon niya kay Wayne kaya huling-huli niya ang pagkabahalang bumakas sa mukha nito.
“Bakit?” tanong niya rito.
“What if they’re mad at me? Matagal akong hindi nagpakita sa kanila. Baka isipin nila wala na akong pakialam sa kanila,” tugon nito na halatang hindi nito sinasadyang malakas na isaboses base sa gulat at pagsisising bumakas sa mukha nito matapos magsalita.
Chrisma’s heart clenched at the uncertainty and fear she saw on Wayne’s face. Isa iyong dagdag na patunay na mahalaga rin kay Wayne ang mga pamangkin nila. Siguro, hindi lang talaga ito sanay na magpakita ng emosyon at damdamin nito. O marahil, nag-aalala ito na baka mas lalo lang nitong maalala si Xander kung gugugulin nito ang oras nito kasama sina Matt at Rachel.
“Madaling magpatawad at makaunawa ang mga bata, Wayne. Ipakita mo lang sa kanilang importante sila sa iyo, kahit ano pang kasalanan o pagkukulang mo sa kanila, mapapatawad nila agad.”
“I don’t know how to deal with the kids, Chrisma,” tila napipilitang pag-amin nito.
“Ano ka ba? May anak ka, ‘di ba? Para ka namang hindi daddy kung magsalita---“
“I’m not a dad,” bahaw ang tonong pahayag naman nito.
Napakunot-noo siya at nagtatakang tinitigan ito.
“Ano? Pero ‘di ba may anak kayo ni Jemma?”
Tumiim ang mga bagang ni Wayne at mariing kumuyom ang kaliwang kamao. Hindi niya alam kung alin ang mas matimbang sa dalawang emosyong bumakas sa mga mata nito. Galit o pangungulila.
“Pumasok na tayo sa loob,” sa halip sagutin siya ay paanyaya nito.
“Pero, Wayne, ano’ng ibig mong sabihin---“ naputol ang pagtatanong niya rito dahil nang tumapak sila sa loob ng bahay ay animo mga torong nakakita ng kapang pula sina Matt at Rachel na patakbong sumugod sa kanya. Agad yumakap ang mga bata sa baywang niya at nagpapaligsahan sa pagbati sa kanya.
“Tita Chrisma! You’re back! You’re back!”
“I missed you, Tita Chrisma! Wag ka na alis, ha?”