Chapter FORTY-SIX

Umarko ang isang kilay ni Bell habang nakapameywang.

“Ano pa? May bala ka pa? C’mon, give it to me!” hindi naman natinag na hamon pa nito sa kanya.

“Marami pa akong bala, wala kang laban sa akin. Kaya ngayon pa lang sumuko ka na,” nagmamalaking aniya naman. Itinutok niya sa binata ang kanang kamay na naka-pormang baril. Nagkunwari pa siyang ikinakasa iyon saka umaktong kinalabit ang gatilyo pagkatapos ay hinipan niya ang dulo ng hintuturo niya na para bang umuusok na dulo nga iyon ng baril.

Bahagyang umangat ang isang sulok ng mga labi ni Bell. Itinaas nito ang dalawang kamay sa pormang sumusuko.

“Fine, suko na ko.”

“Ano? Ganun-ganun lang, suko ka na agad? Eh wala ka pa ngang sinasabi,” angal niya dahil excited pa naman siyang isa-isahin dito ang lahat ng mga minemorya niyang dumb men jokes mula sa Internet site na hindi sinasadyang napuntahan niya.

“Sinabi ko bang makikipag-kompetensya ako ng jokes sa iyo? Hindi naman ah. Sabi ko lang go ahead, tell me your jokes. Baka kasi hindi ka makatulog hanggang bukas ng gabi kapag hindi mo nailabas iyang mga korning jokes mo,” nang-aasar ang ngising anito saka sumakay sa bike nito at nag-pedal na palayo.

“Asar ka talaga, Psycho Governor!!” sigaw niya sa papalayong likod nito.

“See you around, Misha!” anito na ikinaway ang isang kamay. At dahil nuno ito ng kayabangan, ipinagyabang pa nito sa kanya na kaya nitong mag-bike nang hindi nakahawak sa manibela ng bike nito.

“Sumemplang ka sana!”

Humalakhak lang ito.

Matapos kumurap ng ilang beses habang nakatitig sa seryosong anyo ng Kuya Tom niya ay muling dinampot ni Jing-jing ang tote bag niya na inilapag niya sa ibabaw ng coffee table. Tumindig siya mula sa pagkakasalampak sa sofa at akmang hahakbang na palabas muli ng sala ng bahay na kinalakihan nilang magkakapatid.

“Jinnee Jizah! Hindi pa tayo tapos mag-usap! Saan ka pupunta?!” dumadagundong ang boses ng Kuya Tom niya.

Sa tuwing galit ito ay nagiging iisa ang tono nito. Pasigaw. Kung ang Kuya Ace at Kuya Errol niya ay pababa ng pababa ang tono kapag nagagalit, si Kuya Tom ay kabaligtaran. Umaalingawngaw sa buong kabahayan ang boses nito. Tarantang napalabas tuloy ng kusina ang matagal na nilang katiwalang si Nanay Zita. Pero nang makita ang nakabusangot nilang mukha magkapatid, iiling-iling at pumapalatak na bumalik na ito sa kusina. Sanay na kasi itong masaksihan ang pananabon nang walang banlawan sa kanya ng Kuya Tom niya.

“Bumalik ka rito. Upo!” mataginting na utos ng kuya niya sa kanya.

Nagdadabog na umupo ulit siya sa sofa at humalukipkip.

“Ipaliwanag mo kung ano’ng kalokohan ang pumasok diyan sa utak mo at naggawa mo pang patulan si Darrell kahit na alam mo nang ikakasal na siya?!” pasinghal na untag ng kuya niya.

“Aw, Kuya Tom, naman! Seryoso ka ba talaga? Pinauwi mo ako rito dahil lang sa sumbong ng Marie’ng Pating na iyon?! Naniniwala ka talagang inaagaw ko si Darrell sa kanya?!” hindi pa rin makapaniwalang bulalas niya.

Akala niya dahil sa credit card nitong palihim niyang hiniram noong isang linggo para bumili ng regalo para sa Kuya Errol niya ang dahilan kaya siya nito galit na tinawagan sa telepono at pilit na pinauwi ngayon. Iyon pala, dahil lang sa sumbong diumano ng bruhang kapatid ni Bell kaya siya pinatawag ng kuya niya. Ayon raw kay Marie, inaakit niya ang fiance nitong si Darrell. Kaya raw nagdadalawang-isip na si Darrell na ituloy ang kasal ng mga ito sa January ay dahil sa kanya.

Matagal na niyang kaibigan si Darrell. Naging classmates sila noon sa highschool pero nagkahiwalay na sila ng landas nang mag-college na sila. Sa Bicol na kasi ito nag-kolehiyo. Nagkita lang ulit sila ni Darrell tatlong taon na ang nakakaraan nang magpunta ito kasama ang ilang mga kaibigan sa isa sa mga gigs nila ng Silver Belles.

Aminado si Jing-jing na si Darrell ang puppy love niya noon. Pero matagal nang lumipas iyon. At ni minsan hindi naman siya naging crush man lang ni Darrell. Kabarkada lang ang turing nito sa kanya noon. At hanggang ngayon, magkaibigan lang talaga sila. Tulad lang din ng trato niya sa mga kabandang sina Cinda at Santi ang trato at tingin niya kay Darrell ngayon. In fact, dahil nga sa kanya kaya nagkakilala sina Marie at Darrell dalawang taon na ang nakakaraan. Tinulungan pa niya si Darrell noon na suyuin si Marie dahil biglang natorpe ang lalaking nagbilang na ng nobya bago pa nito nakilala si Marie.

At dahil sa pagkatorpeng iyon ni Darrell kay Marie noon kaya siya lalong nakumbinsing tunay nga ang nararamdaman ni Darrell para kay Marie. Bukod pa roon ay tiniis rin ni Darrell ang mga pasimpleng pagpapahirap ni Bell rito noong sinusubukan pa lang ni Bell ang kaseryosohan ni Darrell kay Marie. Hindi na uso ang probinsya-style na panliligaw sa panahon ngayon. Pero dahil overprotective si Bell kay Marie lalo na’t lumaki ang magkapatid na wala nang mga magulang, kung ano-anong pagsubok pa muna ang ipinaranas ni Bell kay Darrell bago pumayag si Bell na tumapak sa loob ng bahay ng mga ito si Darrell.

“Teka, alam ba ni Bell ang tungkol sa isinumbong ni Marie sa iyo, Kuya? Nagkita kami kanina pero wala naman siyang nabanggit,” biglang kinabahang kunot-noong usisa ni Jing-jing sa kapatid.

Pero agad din niyang naisip na malamang hindi pa iyon alam ni Bell. Dahil kung alam na ng binata ang tungkol sa akusasyong iyon ni Marie sa kanya, malamang hindi na siya nakarating ng buhay dito sa bahay ng pamilya niya. Pagdating kasi kay Marie, bulag, pipi at bingi si Bell sa lahat ng mga kamalditahan, kapraningan at kahinaan ng kapatid nito. Bagay na hindi naman niya maisisi kay Bell. Dahil ganoon din naman ang mga Kuya Ace at Kuya Errol niya sa kanya. Itong si Kuya Tom lang ang talagang madalas niyang hindi kasundo.

“Hindi ko alam. At wala akong pakialam. Ako ang sagutin mo---“

“Kanina pa nga kita sinasagot, Kuya, hindi ka lang nakikinig at naniniwala. Hindi ko inaagaw si Darrell kay Marie. Wala kaming relasyon at adik lang iyon si Marie o kaya may sapi nang magsumbong sa iyo kaya hindi ka dapat naniniwala sa pinagsasabi ng babaeng iyon!”

Sa halip mapaglubag ang loob ay lalo lang nangunot ang noo ni Kuya Tom.

“Sigurado ka ba talagang wala kayong ginagawang kalokohan ni Darrell? Ikakasal na sila ni Marie, Jing-jing. Ang sabi pa ni Marie, buntis na raw siya. Kaya hindi lang si Marie ang masasaktan sa gulong ito, Jing-jing. Pati na ang anak nila. Pinalaki kita ng tama. Maraming lalaki diyan, huwag mo nang habulin pa iyong may sabit na,” mariin at tila hindi pa rin naniniwala sa kanyang saad ni Kuya Tom.

“Kuya Tom, naman! Mukha ba akong mang-aagaw? Kung life-sized chocolate o cake o kahit na ano’ng klaseng pagkain pa siguro si Darrell, oo, pag-iinteresan ko siyang agawin kay Marie. Pero lalaki lang iyon at hindi pa ako desperada, no!” ismid niya na nagsisimula nang mainis. Tumayo na siya at isinukbit ulit sa balikat ang tote bag niya.

Bakit kung makapagsalita ang kuya niya parang duda pa rin sa sinasabi niya? Pero si Marie ang dali-dali nitong pinaniwalaan. Nakakasama ng loob. Parang hindi siya kilala ng kuya niya. Loka-loka nga siya kadalasan pero hindi siya si Galema. Hindi siya taong-ahas. Hindi niya maggagawang mang-agaw ng lalaki.

Ano na naman kayang nakain ng Marie na iyon at tila nag-ha-hallucinate na naman? Siya na naman ang nakitang biktimahin. Duda siya kung totoong buntis nga ang babae. Pero kung buntis nga ito, parang gusto niyang maawa sa magiging anak nito. Magkakaroon ang bata ng inang may saltik sa ulo.

“Aalis na ako kung wala ka nang ibang sasabihin, Kuya. Uulitin ko, wala kaming relasyon ni Darrell. At sa susunod na magpunta ulit si Marie dito at magsumbong ng kung ano-ano sa iyo, baka pwede namang isipin mo muna na ako ang kapatid mo. Kilala mo ako. Alam kong mukhang anghel na pagkabait-bait ni Marie pero hindi ibig sabihin na lahat na lang ng sinasabi niya papaniwalaan mo na agad, Kuya,” mahabang aniya sa seryosong tono. Saka siya tumalikod bago pa makita ng kapatid ang pangingilid ng luha sa mga mata niya.

“Jing-jing! Sandali lang!” tawag ni Kuya Tom sa kanya. Hinagip pa nito ang kamay niya para pigilan siya. Agad lumambot ang anyo nito nang makita ang pangingilid ng luha niya. Pasimpleng suminghot siya at iniiwas ang tingin rito.

“Pasensya ka na sa nasabi ko. Nagulat lang din kasi ako sa isinumbong ni Marie. Umiiyak pa siya nang magpunta rito at makiusap na pagsabihan daw kita. Hindi naman sa naniniwala ako sa kanya, naisip ko lang kasi na baka sa pagiging malapit ninyong magkaibigan ni Darrell, napagkakamalan ni Marie na higit pa roon ang turingan ninyo sa isa’t isa,” malumanay na at himig humihingi ng paumanhin ang tono ni Kuya Tom.

Bumuntung-hininga si Jing-jing. Nilingon niya ang panganay na kapatid na tumayong nanay at tatay na niya mula nang mawala ang mga magulang nila. Kahit naman madalas silang mag-away nito dahil sa pagiging diktador nito, mahal niya ito. Ito ang nagtaguyod at nagpa-aral sa kanya.

Nang ma-holdap habang pauwi galing sa bangko at mapatay ng holdaper ang mama nila noong fourteen siya, halos mawalan ng katinuan ang papa nila. Naroon nga at kasama nila ang papa nila physically pero mentally, emotionally at psychologically ay para na ring patay ang papa nila. Hindi nito nakayanan ang malagim na nangyari sa mama nila. Kaya sa parehong taon ding iyon ay inatake sa puso ang papa nila at sumunod agad sa mama nila.

Twenty-one pa lang noon ang Kuya Tom niya. Pero ito na ang pumalit sa naiwang posisyon ng mga magulang nila sa pamilya nila. Gusto nga sana ng ibang kamag-anak nila na kupkupin siya pero hindi pumayag ang Kuya Tom niya. Iginiit ni Kuya Tom na kaya siya nitong palakihin, pag-aralin at buhayin. Siya at sina Kuya Ace at Kuya Errol na eighteen at nineteen pa lang nang mga panahong iyon. Parang bigla ay naging ama ng tatlong teenagers sa napakabatang edad nito si Kuya Tom. Kaya siguro ito madalas masungit, istrikto, displinado at diktador. Napakabigat nga naman kasing responsibilidad na kinailangang saluhin nito. Financially, hindi naman sila gaanong hirap dahil may naiwan namang pera at ari-arian ang mga magulang nila bagamat paminsan-minsan kinakailangan pa rin nilang magtipid noon. Pero hindi niya gaanong naramdaman iyon dahil ang mga kuya niya ang kusang nagsasakripisyo ng mga luho ng mga ito maibigay lang lahat ng pangangailangan niya. Lalo na si Kuya Tom.

“Naiintindihan ko naman, Kuya. Kakausapin ko na lang si Darrell para maipaliwanag niya kay Marie na walang dapat ipagduda o ipagselos si Marie sa aming dalawa,” malumanay ang tonong saad ni Jing-jing.

Tumango naman ang kuya niya. Saka nito ginusot ang buhok niya tulad ng ginagawa nito noong bata pa siya.

“Kuya!” angal niya.

“Samahan mo muna akong mag-snack, mamaya ka na umuwi.”

“’Di ba may klase ka pa sa hapon?” untag niya rito. Highschool teacher kasi ito sa public school na malapit lang dito sa village nila.

“Meron nga. Hindi naman tayo kakain sa buffet na eat all you can. Hindi natin kailangang magtagal ng isang oras sa kakainan natin. Diyan lang tayo sa Goldilocks, gusto ko ng pancit malabon. At ikaw, isandaan lang ang snack allowance mo para konti lang ang kakainin mo, hindi tayo pwedeng magtagal,” anito.

“Isandaan? Drinks pa lang iyon na large sized, Kuya! Hindi ako mabubusog doon,” mariing protesta niya at ng tiyan niya. Kung magsalita ito ay parang hindi kabisado ang takaw niya.

“’Oy! Pasalamat ka, ililibre pa kita ng isandaan. May utang ka pa sa aking anim na libo. Akala mo hindi ko nabuko na ginamit mo’ng credit card ko noong isang linggo?” angil naman nito sa kanya.

Tabingi ang ngising nag-peace sign siya rito.

“Sabi ko nga, tubig na lang sa akin. Taralets, nasasabik na akong makatikim ng tubig sa Goldilocks.”

Pero siyempre, pagdating nila sa naturang kainan, hindi siya nagtipid sa pag-order. Umorder siya ng palabok, lumpiang shanghai, puto, barbecue, fresh lumpia, leche flan at halo-halo. May take-out pa siyang brazo de mercedes half roll. At lahat sagot ni Kuya Tom siyempre. Hindi naman siya matitiis nito.

Papalabas na sila ng kuya niya sa Goldilocks nang mahagip ng tingin niya ang mestisang nakapulang sweater na pasakay sa kotseng nakaparada sa bandang kaliwa nila. Hindi sila napansin ng babae dahil abala ito sa pakikipagtawanan sa kasamang beki na mas seksi pa ang suot kaysa sa nakapulang sweater na babae. Hanggang makasakay na sa kotse ang babae at beki ay habol pa rin ng tingin ni Jing-jing ang dalawa.

“Jing-jing! Sakay na! Sino bang tinatanaw mo diyan?” tawag ni Kuya Tom sa kanya na nakatayo na sa tapat ng driver’s seat ng kotse nito.

“Hindi mo ba nakita iyong sakay nung kotse, Kuya? Si Irma iyon!” bulalas niya.

Si Irma na ex-girlfriend ni Bell. Ang naturang babae ang huling naging seryosong girlfriend ni Bell. At masaklap mang tanggapin at isipin ay naging ex-girlfriend din ng Kuya Ace niya si Irma bago naging girlfriend ni Bell ang babae.

Hanggang ngayon ay hindi niya alam kung dahil ba kay Bell kaya nag-break sina Irma at ang Kuya Ace niya noon. Itinanggi iyon ni Kuya Ace nang usisain niya ito tungkol roon. Pero hindi maitatangging saglit din na hindi nagpansinan ang Kuya Ace niya at si Bell matapos ang pangyayaring iyon.

Nabalik lang ulit sa dati ang pagkakaibigan nina Kuya Ace at Bell makalipas ang limang buwan. Parang walang nangyari na friends na ulit ang dalawa at nag-iinuman at nag-a-out of town na ulit kasama ang ibang kaibigan. Pero kasunod niyon ay nakipag-break si Irma kay Bell. At ang huling balita niya mula sa mga tsismosang tagarito sa kanila, sumunod na raw sa pamilya nito sa Australlia si Irma at doon na permanenteng maninirahan.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.