Chapter FORTY-SEVEN

Pero mukhang mali ang mga tsismosa sa kanila dahil malinaw na nagbalik na sa bansa si Irma. At mas gumanda ang babae. Dati mukhang commercial model lang ng sabong panlaba pero ngayon, mukhang commercial model na ng shampoo, pabango at mamahaling alak.

Wala sa loob na malakas niyang kinabig pasara ang pinto ng kotse ni Kuya Tom pagkasakay niya sa passenger seat. Nagtatakang sinulyapan naman siya ni Kuya Tom bago nito ini-start ang makina.

“Nagkita na kaya ulit sila ni Bell? Bakit kaya bumalik pa dito si Irma? Don’t tell me balak niyang balikan si Bell. Pero posible. Kasi ano pa ba namang babalikan niya dito eh nasa Australlia na lahat ng pamilya niya. Tingin mo, Kuya, posibleng magkakabalikan pa sila?” sunod-sunod na untag niya sa kapatid.

Naka-arko ang mga kilay na sinulyapan naman siya ni Kuya Tom bago ito pumapalatak na umiling-iling.

“Aaminin ko, medyo duda pa rin ako kanina tungkol sa inyo ni Darrell. Pero ngayon, kumbinsido na akong wala nga talagang namamagitan sa inyo.”

“Ha? Ano’ng connect niyon kina Irma at Bell, Kuya?” nagtatakang aniya.

“Wala kang gusto kay Darrell dahil kay Bell ka may gusto.”

“Ano?!!!” umalingawngaw sa loob ng kotse ang puno ng indignasyon na pasigaw na sambit niya.

“Kung wala eh bakit interesado kang malaman kung nagkita na sila ni Irma at kung magkakabalikan pa sila?”

“Iyon lang ang basehan mo sa karimarimarim mong conclusion? Hindi ba pwedeng likas na tsismosa lang talaga ako, Kuya?”

Nagkibit-balikat lang ang kuya niya. “You can do a lot worse than Bell, Jing-jing. Kahit paano kilala ko na si Bell. Pasado siya sa akin kung sakaling siya ang---“

“Stop saying bad words, Kuya! Kinikilabutan ako! Makinig na nga lang tayo ng music,” maagap na putol niya sa sasabihin nito. Pinindot niya ang stereo ng kotse at malakas na sinabayan ang kantang nakasalang sa player. Parang nananadya naman talaga ang tadhana. Dahil “Jingle Bells” ang tumutugtog.

Napangiwing sinulyapan niya ang kuya niya. At huling-huli niya ang naaaliw na ekspresyon nito.

Kung hindi lang maagap na napigilan ni Jing-jing ang sarili ay malamang pumiyok na siya sa pagkanta at namali ng tinitipang nota nang mahagip ng tingin niya ang dalawang lalaking kapapasok lang sa loob ng bar. Hindi niya naisip kailanman na posibleng maligaw roon ang isa sa dalawang lalaking bagong dating. Bagamat mas matangkad ng kaunti iyong lalaking kulot kaysa sa lalaking naka-jacket at tila ilang araw nang hindi nag-aahit, mas nahagip pa rin ng tingin niya ang huli.

Sa unang tingin pa lang kasi ay halatang naliligaw lang sa lugar na iyon ang lalaking nakasuot ng black coat, black shirt at pants. At hindi dahil sa pormal na kasuotan nitong ibang-iba sa kaswal na suot ng karamihan sa mga parokyano ng bar. Kundi dahil parang mas bagay na bumandera sa Mount Olympus at makipag-debate kina Zeus at Poseidon ang lalaki. If he was an actor, he would look like the perfect guy to play the part of a young Hades, the god of the Underworld.

Ilugay lang ng lalaki ang naka-man bun nitong buhok, magsuot ng itim ding kapa, ilabas ang mga matutulis nitong kuko at mga pangil at---teka, si Dracula nga pala iyong may pangil. Pero pwede ring maging bidang bampira ang naturang lalaki. Hindi nga lang ito shining, shimmering tulad ni Edward Cullen. Mas papasa ito bilang ang bampirang si Lestat ni Anne Rice kung sakali. ‘Ika nga ng gasgas nang linyang hindi na niya matandaan kung sino ang unang nagsabi, ‘He was mad, bad and dangerous to know.’

Iyon ang nababasa niya sa hitsura ng lalaki. Para itong mapanganib na nilalang na handang umatake anumang sandali. Hindi nga ito nakasimangot pero ramdam na ramdam niya ang tinitimping galit ng lalaki kahit mula dito sa stage.

Gayunpaman ay sino’ng babae ang makakatangging kilalanin pa nang mas mabuti ang lalaki? Makisig, medyo matangkad at walang tiyak na pamantayan ang kagwapuhang taglay ng lalaki.

Bagamat may hitsura din ang kasama nitong kulot na lalaking nakasuot ng puting polo at jeans, awtomatikong malalaman na alipin lang ang kulot na lalaki ng lalaking nakasuot ng jacket at may man bun. Sa kabila kasi ng tangkad ng lalaking nakaputing polo, hindi nito taglay ang parehong aristokratong tindig at determinadong paraan ng pagtitig ng naka-jacket na lalaki.

Hindi pumasok ng tuluyan sa loob ng bar ang dalawa. Sa halip ay nanatiling nakatayo lang ang mga ito sa tapat ng pinto ng bar. Sumusulyap sa stage habang nag-uusap. Inignora lang ng dalawa ang waiter na lumapit sa mga ito upang alukin ang mga ito na umupo sa isa sa mga bakanteng mesa malapit sa kaliwa ng stage.

Ipinagtataka man niya kung bakit naroon sina Bell at ang driver nito, ipinagpatuloy lang niya ang pagtipa sa keyboards niya at pagkanta sa chorus ng lovesong na kinakanta ng banda niya. Sa pagkakatanda niya, si Bell ang nanalo sa huling pagtutunggali nila. Kaya ano’ng posibleng dahilan ng kusang pagkakapadpad ni Bell dito sa teritoryo niya? Isa pa, paano nito nalaman na naroon sila ng banda niya gayong hindi naman isa sa mga regular na tinutugtugan

nila ang bar na iyon. Pero baka naman hindi siya ang tunay na pakay nito.

*******

“Jing-jing?! That’s Jing-jing!” kunot-noong bulalas at lingon ni Bell sa bagong driver niyang si Ramos na para bang mabibigyan siya nito ng negatibong sagot.

Kahit isandaang porsyento naman na siyang nakakasigurong si Jinnee Jizah ‘Jing-jing’ Mahusay nga mismo ang babaeng kasalukuyang kumakanta sa maliit na stage ng bar na kinaroroonan nila, umaasa pa rin siyang pasusubalian ni Ramos ang nakikita niya.

“Oo, sir! Si Miss Jing-jing nga iyan!” bulalas ni Ramos na pumalakpak pa.

Salubong ang kilay na ibinalik ni Bell ang tingin sa stage. His eyes were focused intently on the face of the strangely dressed female singing and playing the keyboards on stage. Natitiyak niyang walang mababasang kahit anong emosyon sa mukha niya. Subalit iyong mga matagal na siyang kakilala, madaling mababatid na sa sandaling maging blangko na ang anyo niya ay senyales na iyon ng abot-langit niyang pagngingitngit. Kanina ay simpleng iritasyon lang ang nadarama niya. Pero ngayon nagpupuyos na ang kalooban niya.

Kung bakit, hindi niya maipaliwanag. Siguro dahil hindi niya inaasahang makita ang babae ngayong gabi. At mas lalong hindi niya inaasahang makita ang babae na ganito ang hitsura. Kakarampot lang ang suot habang natututukan ng nakakasilaw na mga ilaw. Isang bahagi ng isip niya ang nais tumanggi na si Jing-jing nga ang nakikita ng mga mata niya.

Pero kilala niya ang babae. Kilalang-kilala. Kahit pa siguro sumali ang dalaga sa mga nauusong cosplay at mag-iba ng husto ang hitsura nito, makikilala pa rin niya ito. Matagal na niyang alam na nagbabanda si JIng-jing. Pero ni minsan sa loob ng nakalipas na apat na taon ay hindi pa niya ito napanood na mag-perform sa mga bars na tinutugtugan nito. Kaya wala siyang ideya na ganito pala ang hitsura ng dalaga kapag nagpi-perform. Alam kaya nina Ace ito? Bakit pinayagan ng mga iyon ang kapatid na magsuot ng ganoong damit?

He wasn’t a prude but he really doesn’t like the way most of the men inside that bar were staring hard at Jing-jing’s legs and cleavage.

In fact, just yesterday, she was the cause of another argument between him, his sister Marie and his grandmother. Ang babae rin ang siyang dahilan kung bakit umiiyak na tumawag na naman sa kanya si Marie noong isang araw. Pinagseselosan kasi ni Marie si Jing-jing. Sumbong ni Marie sa kanya, inaakit raw ni Jing-jing si Darrell.

Tulad ng ibang lalaking kostumer ng comedy bar na iyon, hindi ang magandang boses ng singer ang higit na nakakuha ng atensyon niya. Sa halip ay sa pulang pixie-cut na buhok, makapal na Goth make-up at suot na black skintight mini skirt, black tube, red leather jacket at red leather calf boots ng babaeng keyboardist siya nakatingin.

Kung hindi lang niya alam kung ano eksakto ang hitsura ng dalaga kapag hindi ito nakasuot ng ganoon, mahihirapan siyang makilala ito sa gitna ng mga kabanda nitong babae. Hindi lang kasi si Jing-jing ang pixie-cut ang hairstyle sa tatlong babaeng miyembro ng bandang iyon. Maging ang dalawang kasamang babae nito ay naka-pixie-cut din. Iyong isa blond na may pink highlights ang buhok samantalang iyong isa naman ay itim na may violet highlights. Samantalang iyong dalawang lalaki naman, ang drummer at lead guitarist ay parehong mahahaba ang mga buhok tulad niya.

Jing-jing is still quite attractive even if her usually shiny and dark as coal waist-length hair is now a pixie-cut vibrant red. Hindi niya alam kung kailan nito pinagupitan at pinakulayan ang buhok nito dahil nang huli niya itong makita noong isang linggo nang masiraan ito malapit sa vilage nila, hanggang balikat pa at itim na itim ang buhok nito. She’s still attractive even if her dark chocolate eyes was hidden behind black contact lens and her Angelina Jolie pouty red lips was covered with mud-colored lipstick. Mahirap pa ring ignorahin ang makurbang katawan nitong bumagay sa tangkad nito. She cannot quite hide her well-formed breasts, slim waist, shapely hips and a perty derriere in this Goth outfit she picked.

Ngunit sadyang hindi sanay ang mga mata niyang makita ito sa ganitong anyo. Mas sanay siyang nakikita ito sa mga ultra feminine and sexy outfits na madalas suot nito bilang si Jing-jing na kababata at dating kapitbahay niya at hindi bilang si Jing-jing na miyembro ng isang banda.

“Maganda pala talaga boses ni Miss Jing-jing, sir,” ani pa Ramos sa kanya.

‘’Umalis na tayo.”

“Sir? Aalis na agad tayo? Pero kadarating lang natin, sir? Akala ko gusto ninyong uminom?” gulat na bulalas ni Ramos.

Napatitig pa ito sa kanya na para bang hindi makapaniwala sa narinig na sagot niya.

“Nabingi ka na ba, Ramos? O hindi mo naintindihan ang sinabi ko?

I said let’s go,” kalmado pa rin ang tonong aniya dito.

For the millionth time ay pinagsisihan niyang pinayagan niya ang totoong driver at asisstant niya na si Lennox na magbakasyon ng kalahating taon. Mas sanay siya sa klase ng serbisyo ni Lennox. Walang tanung-tanong, walang angal at mas lalong walang pagkukuwestyon na ginagawa sa mga desisyon niya. Hindi tulad ng bagong driver at asisstant niya ngayon na inirekomenda ni Lennox na pansamantalang pumalit sa posisyon nito. Sa totoo lang, nagtataka na nga rin siya sa sarili niya kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa niya pinapalitan ulit si Ramos ng driver na mas nalalapit sa ugali ni Lennox. Hindi niya maipaliwanag kung bakit pero mayroong gumugulo sa isipan niya tungkol kay Ramos.

Ramos seems eerily familiar. And yet he knew that though the man was a distant relative of Lennox, hindi niya pa nakikita si Ramos. Nakilala lang niya si Ramos nang ipakilala ito ni Lennox sa kanya noong isang buwan. Ngunit hanggat hindi niya natutuklasan kung ano eksakto ang gumugulo sa isipan niya ukol kay Ramos at kung bakit parang pamilyar ito sa kanya, nagpasya siyang hindi niya na muna basta-basta paaalisin ito.

“Yes, sir! Tara, alis na tayo. Pero sayang lang kasi talaga. Nandito na ho tayo. Saka dito rin pala kumakanta si Miss Jing-jing. Baka nakita na rin niya tayo. Hindi ba siya magtatampo kung aalis na agad tayo? Baka isipin ni Miss Jing-jing, napangitan kayo sa boses niya kaya tayo umalis, sir,” mahabang katwiran pa ni Ramos.

Biglang umarko ang mga kilay na napalingon si Bell kay Ramos. Tila switch ng blender na biglang pinindot kaya malakas na nag-ingay sa isipan niya ang sagot sa tanong niya kung bakit parang matagal nang pamilyar sa kanya si Ramos kahit na bagong kakikilala pa lang niya sa lalaki. Kaparehong-kapareho ng ugali ni Jing-jing ang ugali ni Ramos. Makulit, maingay at hindi nagpapatalo sa kahit na anong argumento. Kaya pala parang pamilyar si Ramos sa kanya. Female version ito ni Jing-jing!

“Gusto mong panoorin muna natin ang banda ni Jing-jing? Do you want me to drive us home so you can drink a few beers too?” malumanay ang tonong untag niya sa tauhan.

“Talaga, sir?! Sige, sir! Teka, tatawag na ako ng waiter---“

“No! We’re leaving! Let’s go!” asik niya rito. Kailan ba ito matututong alamin kung kailan siya sarkastiko at kailan siya seryoso? Dammit! Training this idiot is taking too much time. Mas mabuti pa siguro kung pabalikin na lang niya ito sa kung saanman ito napulot ni Lennox at kumuha na lang ng bagong driver.

“Yes, sir!”

Nawalan na siya ng ganang mag-unwind nang makita niya si Jing-jing. Imbes ma-relax at mabawasan ang pagod niya sa halos sixteen hours na pagtatrabaho ngayong araw ay lalo lang siyang maiirita kung ang makikita at maririnig niya ang babaeng pinakahuling taong gusto niyang makita nang gabing iyon. Hindi, mali. Ang pinakahuling tao pala na gusto niyang makita ngayong gabi ay ang fiance ni Marie na si Darrell. At kung biglang susulpot si Darrell dito ngayong gabi upang makipagkita kay Jing-jing, hindi na niya natitiyak kung makakayanan pa niyang pigilan ang sarili na huwag magwala. Kaya mas makakabuti para sa lahat kung aalis na siya doon ora mismo.

Hindi siya naniniwala sa akusasyon ni Marie na inaagaw o inaakit ni Jing-jing si Darrell. Kahit naman madalas ay aso’t pusa sila ni Jing-jing, kilala niya ang dalaga at nakasisiguro siya na hinding-hindi nito magagawang mang-agaw ng nobyo ng ibang babae. Kahit pa nobyo ng itinuturing nitong mortal na kaaway nito. Medyo kataka-taka nga lang talaga siguro ang pagiging malapit ni Jing-jing kay Darrell at nauunawaan din niya kung bakit nagseselos si Marie sa relasyon nina Jing-jing at Darrell.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.