Hindi iyon ang unang beses na napanaginipan niya ang naturang programa. Pero iyon ang unang beses na kasali si Bell sa panaginip niya. It was weird and frightening. Pakiramdam kasi niya ay totoong-totoo ang lahat ng nangyayari at nakain na talaga ng zombies si Bell.
Humihikab na pumihit siya sa gitna ng kama at inabot ang nag-iingay na cellphone niyang nasa ibabaw ng bedside table niya. Kumunot ang noo niya nang makita ang pangalan at mukhang nasa screen ng cellphone niya.
“Hello, Jing-jing?”
“Marie!? Napatawag ka?” nagtatakang untag ni Jing-jing
sa babae nang marinig ang malamig na pagbati nito mula sa kabilang linya.
“Ayokong makaistorbo sa iyo, Jing-jing. Pero may kailangan lang akong itanong sa iyo. Kailan mo huling nakausap si Darrell? Kailan kayo huling nagkita? Past two na kagabi ay hindi pa raw siya umuuwi sabi sa bahay nila.
“Nang mag-text siya kaninang four o’ clock, sabi lang niya ay lasing na siya kaya hindi na siya makakauwi sa kanila. Sa bahay ng kaibigan na lang daw niya siya matutulog. Ikaw ba ang tinutukoy niya? Nariyan ba siya sa bahay mo ngayon? Hindi ko ma-contact ang cellphone niya.”
Si Jing-jing ang tila hiningal sa halos walang pause at walang comma na pag-iinteroga ni Marie sa kanya. Hindi raw gusto ng babae na makaistorbo sa kanya. Pero may orasan naman siguro ito kaya alam nito na five-thirty pa lang ng umaga. Wala pang matinong tao ang gising ng ganoon kaaga! Well, okay, okay, ang mga matitinong tao ay usually ganoon nga ang gising sa umaga. Pero para sa mga tulad niya na panggabi ang trabaho, papipikit pa lang halos ang mga mata niya nang ganoong oras.
“Wala siya dito. Sina Santi at Cinda ang kasama niyang mag-inuman kagabi. Try mo tawagan si Santi, baka doon siya nakitulog. Kung wala roon, si Cinda ang i-text mo. Teka, ise-send ko sa iyo ang mga numbers nina Santi---”
“Hindi na kailangan. Hihintayin ko na lang na mag-return call sa akin mamaya si Darrell. Salamat.”
Siguro kung posible lang na umabot hanggang sa anit niya ang mga kilay niya ay iyon na ang nangyari ngayon matapos niyang marinig ang sagot ni Marie. Ano yun? Kung sakaling nandito sa condo unit niya si Darrell ay magpupumilit ang babae na pauwiin si Darrell? Pero dahil nalaman nitong posibleng nasa bahay ni Santi o ni Cinda ang lalaki, ayos lang?
Ayos lang kay Marie na hintayin na lang na umuwi si Darrell bago komprontahin? Hanggang ngayon ba praning pa rin ang babae tungkol sa kanila ni Darrell? Akala niya naipaliwanag na ni Darrell kay Marie na wala itong dapat ipagselos sa kanya. Iyon ang sabi ni Darrell sa kanya noong huli.
Ni hindi naman naging sila ni Darrell! Best friends lang sila ng lalaki. Magkaibigan. Kung tutuusin ay mas mahaba pa niyang nakilala sina Bell at Marie mismo kaysa kay Darrell. Ano ba talagang insekto ang pumasok sa isip ni Marie at hinahaluan nito ng romansa at malisya ang pagkakaibigan nila ni Darrell?
Iyon kaya nag dahilan kaya biglang lumitaw kagabi sa bar si Bell? Tinitiktikan siya ni Bell para tiyakin kay Marie na hindi sila palihim na nagtatagpo ni Darrell? At dahil nakita ni Bell na wala sa loob ng bar si Darrell kagabi, mabilis na umalis na rin ito. Paano pala kung naabutan ni Bell ang pagdating ni Darrell? Bubugbugin ni Bell ang future brother-in-law nito?
Kinumpirma sa kanya kagabi ni Darrell na buntis nga raw si Marie. Kaya iginigiit ni Darrell na imbes na sa January ay sa December na lang ganapin ang kasal ng mga ito. Saka na raw ang magarbong kasalan kapag nakapanganak na si Marie. Pero ayaw ni Marie. Mas gusto ni Marie na ituloy ang engrandeng kasal nito sa January dahil tutal three months pa lang naman itong buntis noon, hindi pa gaanong mahahalata ang tiyan nito sa gown.
“Teka, teka, Marie. Huwag mo munang ibaba ang phone. Ako ba talaga ang pinag-awayan ninyo ni Darrell? Saan mo naman napulot ang kalokohang ideya na may relasyon kami ni Darrell? Alam mo bang sinermunan pa ako ni Kuya Tom dahil sa pagsusumbong mo sa kanya ng kung ano-anong kwento? Hindi ko maintindihan kung paano mo naisip na niloloko ka ni Darrell. Hindi pa ba obvious na obvious na mahal ka nung tao?” diretsahang kompronta ni Jing-jing sa babae.
Hindi siya ang tipo ng taong pakialamera---well, okay that’s a lie. Medyo pakialamera nga siya. Pero sa mga taong malalapit lang sa kanya. At dahil itinuturing na niyang isa rin sa mga kapatid niyang lalaki si Darrell, mahalaga sa kanya ang kaligayahan nito. At malinaw sa iniaakto ni Darrell lately na tila hindi ito masaya sa bagong landas na tinahak nito. Gusto sana niyang sabihan ng ‘Beh, buti nga!’ si Darrell dahil hindi ito nakinig sa payo niya noon na maghinay-hinay muna sa desisyon nitong magpakasal na kay Marie. Pero magiging masyado naman na siyang malupit kapag ginawa niya iyon. Halatang-halata naman na kasi sa hitsura ni Darrell na mabigat ang dinadala nitong problema. Madalas palabiro at laging nakangiti si Darrell. Pero kanina, hindi nito maitago ang sakit na nakabakas sa mga mata. Pilit lahat ng ngiti at tawa nito kaya tuloy pati sina Cinda at Santi ay naawa rito, niyaya itong mag-inuman sa bahay ng mga ito.
“Sabi ni Darrell six weeks pregnant ka na raw. Excited na excited nga ang loko kanina habang ikinukwento sa amin nina Santi. Pero nabanggit din niya na parang hindi ka pa raw ready magka-baby kayo agad. Totoo ba iyon? Iyon ba ang pinag-awayan ninyo kaya pati ako nadadamay sa LQ ninyo?” dugtong pang pag-uusisa niya.
“Of course, he told you about our problems again. Hindi na ako magtataka kung pati lahat ng mga salitang sinabi ko sa kanya ay alam mo na rin ngayon. And let me guess, ikaw ang nagsabi sa kanya na huwag umuwi kagabi, tama?”
“Hindi ah! Wala akong sinabing huwag siyang umuwi. Desisyon niya iyon. Ang sabi ko nga sa kanya, kausapin ka dahil baka hindi ka lang niya naintindihan.”
“Do me a favor, Jing-jing. Huwag kang makialam sa buhay naming dalawa. Sariling buhay mo na walang direksyon hanggang ngayon ang ayusin mo at tigilan mo na ang pakikisawsaw sa relasyon namin ni Darrell!”
Labis na nagulat na bahagyang inilayo ni Jing-jing ang cellphone mula sa tainga niya. Lasing ba ang babaeng ito? Bakit kung ano-ano ang pinagsasasabi?
“Teka, teka! Ano’ng nakikialam? Kailan ako nakialam sa relasyon ninyo? Well, aside from telling Darrell na huwag magpadalos-dalos sa pag-aalok ng kasal sa iyo noon. At sa pagsasabi sa kanyang siguraduhin munang ikaw na nga ba talaga ang mamahalin niya forever and ever bago niya gastusin ang ninety-nine percent ng savings niya para sa nalalapit na kasal ninyo. Bukod roon hindi ko na kayo pinakialaman, no!” pagdedepensa niya sa sarili.
Wala na siyang narinig na tugon mula kay Marie. Walang paalam na pinutol na nito ang tawag. Iiling-iling na isinubsob ulit ni Jing-jing sa unan niya ang mukha niya.