Bagot na bagot na si Jing-jing sa double date na sapilitan niyang sinang-ayunan. Isang hikab away na lang siya mula sa pagwo-walk-out sa ka-date na mula nang ipakilala sa kanya nina Yang at Chris kanina ay wala nang ginawa kundi magkwento tungkol sa sarili nito. Kung sina Yang at Chris ay mala-Aldub sa kalambingan at halos langgamin na sa ka-sweet-an, siya naman ay malapit na talagang pasakan sa bibig ng garlic bread ang ka-date na pinsan daw ni Chris.
Ewan ba niya kung ano ang pumasok sa isip niya at pumayag siya sa ideya ni Yang na sumama siya sa date na iyon para naman daw hindi maging third wheel sa date nito at ni Chris ang pinsan ni Chris. Dennis Yabong ang pangalan ng pinsan sa ama ni Chris at isang dentista ang lalaki. Kagagaling lang daw kasi ni Dennis sa pakikipaghiwalay sa dating nobya nito. Gusto raw sana ni Dennis na maglibang at makakilala ng ibang tao para malimutan ang sawing puso nito.
Sa malas, sa kanya naisip ni Yang na ireto ang pinsan ni Chris. Tutal naman daw ay matagal na rin siyang walang boyfriend o manliligaw man lang. Naaawa na raw si Yang sa kanya. Mukha na raw siyang desperada at kawawa dahil sa patuloy na kawalan niya ng boyfriend matapos nilang maghiwalay ni Bruce magdadalawang taon na ngayon. Since desperado raw na makahanap ng panakip-butas sa binakanteng espasyo ng dating nobya ang pinsan ni Chris, baka raw iyon na ang one and only chance niya na magka-love life bago matapos ang taong iyon. Nakuha pang sabihin ni Yang na hindi naman daw siya kagandahan kaya huwag na siyang umasam ng higit pa sa nararapat. Kung magugustuhan daw siya ni Dennis, patulan na niya ang lalaki.
Pagka-alala sa naging usapan nilang magpinsan kanina ay biglang natandaan na ni Jing-jing ngayon kung bakit napilitan siyang pumayag sa pesteng double date na iyon. Balak na kasi niyang tapatin si Yang at sabihin sa babae na kung hindi nito mamasamain ay maaari bang lumayas na ito sa pamamahay nila ng mga kabanda niya at huwag na huwag nang magpapakita sa kanya kahit kailan.
Malapit na talaga kasing mapuno si Lucibelle sa kawalan ng konsiderasyon ni Yang sa kanilang mga kasama nito sa bahay. Kinausap na siya ni Lucibelle at ayon sa kaibigan niya, kung ayaw raw niyang masabunutan na nito ang bruhang pinsan niya na tinatratong parang extension ng closet nito ang closet ni Lucibelle dahil sa pangunguha sa mga gamit at damit ni Lucibelle nang walang paalam, paalisin na raw niya ang pinsan niya sa bahay nila. Tutal naman daw kung gugustuhin ni Yang ay pupwede naman itong umupa ng sariling apartment nito o kaya ay bumalik
na sa bahay ng pamilya nito. Sang-ayon naman siya kay Lucibelle. Ang totoo ay stressed to the highest level na rin naman siya sa tuwing nakikita niya ang simot laging laman ng refrigerator at mga kitchen cabinets nila na laging nabibiktima ng mga kasamahan ni Yang. Pero siyempre, pinsan pa rin niya ang babae. Hindi naman siya pusong-bato.
Kaya noong una ay nagdadalawang-isip pa si Jing-jing kung itutuloy ba niya ang pagpapalayas sa pinsan. Pero matapos niyang marinig ang opinyon ni Yang sa love life niya o mas tamang sabihing kawalan ng love life niya, biglang napalis lahat ng agam-agam niya. Inisip na lang niya na ang pagpayag niya sa double date na iyon kasama ang kinaiinisan niyang hambog na nobyo ni Yang at ang mas hambog pa palang pinsan ng lalaki ay bilang pampalubag-loob na lang niya kay Yang.
Kanina nang ipakilala ni Chris sa kanya si Dennis the Dentist, akala niya natagpuan na niya ang forever niya. Malayong-malayo kasi ang hitsura ni Dennis kay Chris. Hindi mukhang love child ni Kermit the Frog at ng buwaya sa logo ng Lacoste si Dennis tulad ni Chris. Sa halip ay kamukha ni Derek Ramsey with hair ang lalaki. Pero dagli rin siyang na-turn off nang magsimula nang magsalita si Dennis. Siguro nasa DNA strands na talaga ng mga Yabong ang maging mayabang. Dinaig pa kasi ni Dennis sa kahambugan si Chris na akala niya ay hari na ng mga hambog.
At hindi lang iyon ang kamalasang nagganap sa kanya nang gabing iyon. Dahil bukod sa nakakabagot at napakahambog na ka-date niya, naging saksi pa si Bell sa kamiserablehan niya sa napakamalas na gabing iyon. Huli na nang ma-realize niya kanina na ang pupuntahan pala nilang restaurant ay ang Josephine’s Cuisine, ang restaurant na isa sa mga pag-aari nina Bell at kung saan ay manager ang lalaki.
Kaya naman buong gabing nakikita niya ang malawak at halatang nang-aasar na ngisi sa kanya ni Bell. Imbes na pumasok na lang kasi ang binata sa opisina nito at magbilang ng kinikita nito nang gabing iyon o kaya ay magbilang ng mga pako sa kisame ng opisina nito para lang may maggawa ito nang malayo sa kanya, sinadya pa talaga nitong maupo sa mesang malapit sa pintong patungo sa kusina ng kainan. Mula kasi sa mesang iyon ay direktang nakikita nito ang mesa nila ng tatlo niyang kasama.
May kung ano’ng sinasabi tungkol sa isang pasyente nito si Dennis the Dentist pero hindi iyon pinakikinggan ni Jing-jing. Sino ba naman kasing matinong tao ang gugustuhing makarinig ng tungkol sa cavities at gingivitis habang kumakain ng dinner? At hindi ba marunong makaramdam ang lalaking ito? Hindi pa ba nito mahalata na hindi siya interesado sa ikinikinwento nito gayong ilang beses na niyang sinubukang palitan ang paksa ng usapan nila?
*******
Maraming ibang dapat gawin at asikasuhin si Bell nang gabing iyon. Pero sa halip na harapin ang trabahong iniwan niya sa loob ng opisina ay mas pinili niyang maupo sa isa sa mga mesa sa loob ng dining area ng restaurant niya. Mas nakaka-aliw kasing pagmasdan si Jing-jing kaysa ang mga papeles sa office desk niya.
Nagulat at nagduda siya nang makita niya kanina si Jing-jing na dumating kasama ang pinsan nitong si Yang at ang dalawang lalaki. Iyon kasi ang unang pagkakataon na pumunta rito sa restaurant niya si Jing-jing nang hindi kasama si Ace. But his surprise at seeing her willingly steppin inside his restaurant swiftly turned to disgust and indignation when he recognized the man who was obviously Jing-jing’s date. Kung hindi lang niya agad napigilan ang sarili ay malamang sinugod na niya si Jing-jing at hinila palayo upang komprontahin.
What the hell was she thinking coming to his restaurant with that guy?! Ano’ng gusto nitong palabasin? Nananadya ba ito kaya isinama rito sa teritoryo niya ang ex-boyfriend ni Deeva? Pero base sa ekspresyon ni Jing-jing nang makita siya at ang tila nabiglang paglinga-linga nito sa paligid, malinaw na noon lang napansin ng dalaga kung nasaan ito. Kaya hula niya ay hindi si Jing-jing ang nagyaya sa mga kasama nito na magpunta rito. Posibleng hindi naman nito ipinagduduldulan sa mukha niya ang lalaking mas piniling sagutin ni Deeva noon kaysa sa kanya.
Still, it didn’t explain what Jing-jing was doing going out with that asshole. At bakit hindi nabanggit ni Ace sa kanya na may idini-date na naman palang ibang lalaki ang dalaga? Ano’ng silbi ng usapang-lalaki nila kung hindi naman pala ito tutupad sa napagkasunduan nila? Pero agad ring napalis ang pagkairita niya nang mapansin niya na nababagot at naaasar na sa ka-date nito si Jing-jing. Malinaw pa sa mga wineglasses nila na napipilitan lang ang dalaga na kausapin at pakinggan ang lalaki.
Sa tagal ng pagkakakilala nilang dalawa ng dalaga, masasabi niyang kaya na niyang basahin ang nilalaman ng isip nito. At base sa anyo ni Jing-jing, seryosong pinagdedebatehan na ng dalaga sa isip kung alin sa dalawa ang mas gusto nitong gawin: walang paalam na layasan ang ka-date nito o ibuhos sa ulo ng ka-date ang laman ng baso nito.
Isang ideya ang biglang nabuo sa isip niya. Kinuha niya ang cellphone niya at nagpadala ng text sa dalaga.