“Mapapatay kita, Alexander Graham Bell! Pati kaluluwa mo buburahin ko sa mundo! Akala ko si Dennis ang pabubuhusan mo ng tubig! Iyon pala ako!” gigil na gigil na singhal ni Jing-jing sa binatang halos gumulong sa katatawa sa gitna ng opisina nito. Sambakol ang mukha niya nang lumabas siya mula sa toilet at bathroom sa loob ng opisina nito.
Aparrently, the waiter obeyed Bell’s instructions. Dahil siya pala talaga ang balak buhusan ng tubig ng pesteng binata. Sa loob ng bathroom sa opisina ni Bell siya naghubad ng basang damit at nagbihis ng puting sweatshirt at puting jogging pants na ipinahiram ni Bell.
Sa halip na damit kasi ng isa sa mga babaeng staff nito ang ipasuot ni Bell sa kanya, mga malilinis na damit na gamit ng binata sa boxing gym ang ipinahiram nito sa kanya. Nakaimbak ang mga damit na iyon sa opisina ni Bell dahil kadalasan raw pagkagaling sa trabaho tuwing weeknights ay saka nagtutungo ang binata sa boxing gym na malapit lang roon sa restaurant. Pagkahubad ni Jing-jing sa basang-basang dress niya ay ibinigay ni Bell ang damit sa isang staff. Inutusan ng binata ang staff nito na patuyuin ang damit niya sa dryer na ginagamit ng restaurant sa paglalaba ng mga table cloths, table napkins at mga uniporme ng mga chef at empleyado sa restaurant.
Suot na ni Jing-jing ngayon ang sweatshirt at jogging pants ni Bell. O mas tama sigurong sabihing nakasampay sa katawan niya ang sweatshirt at jogging pants ni Bell. Mistula kasi siyang hanger na sinampayan ng mga basang damit dahil sa sobrang laki sa kanya ng mga damit ng binata.
Bumubungisngis pa rin si Bell nang lumingon sa kanya mula sa pagkakatungo nito sa hawak na folder. Pero nang makita siya ni Bell, nabitin ang ngisi sa mga labi ng binata at walang kakurap-kurap na napatulala ito sa kanya. Hindi niya mabasa ang ekspresyon sa mukha nito. Para itong namamangha na nasisindak na ewan.
“Bell! Hoy! Bakit?” takang untag niya sa binata.
Marahas na ipinilig naman ni Bell ang ulo. Malakas na tumikhim ito at inilapag sa ibabaw ng mesa ang hawak na folder.
“Nakakatawa ang hitsura mo, mukha kang kalansay sa loob ng damit ko, Jing-jing,” ngisi nito. Pagkuwan ay humakbang ito palapit sa kanya at tinulungan siyang irolyo paitaas ang sleeves ng sweatshirt nito.
“Siraulo! Ikaw ang gagawin kong kalansay diyan eh. Kung si Dennis ang binuhusan mo ng tubig eh ‘di sana hindi ko kailangang suotin ‘tong pang-higante mong mga damit!”
“The man’s a paying customer, Jing-jing. Kung siya ang binuhusan ko ng tubig, tiyak gumawa pa ng malaking eskandalo iyon. Besides, the end justified the means. I got you away from your horrible date, didn’t I? Hindi ba dapat nagpapasalamat ka sa akin imbes na nagrereklamo? Tinulungan na nga kita, pagbabantaan mo pa ako?”
“Siraulo ka talaga! Hindi naman ako humingi ng tulong sa iyo!”
“Hindi? Eh bakit lumingon ka sa kaliwa mo? Kung hindi mo kinailangan ang tulong ko, dapat hinalikan mo ang ka-date mo tulad ng nakalagay sa text ko sa iyo.”
Tumingkayad ito sa harapan niya upang irolyo paitaas ang laylayan ng jogging pants na suot niya. Sa sobrang haba kasi niyon sa kanya ay halos matapakan na niya iyon.
“Adik ka ba? Ngayon ko nga lang nakilala ang taong iyon, hahalikan ko na agad? Ano’ng akala mo sa akin, hindi expensive?!”
“I see. So this is your first date with that asshole, huh? Good. Make sure that it’s also your last,” tonong nag-uutos na ani Bell.
Bigla siyang natigilan. Gilalas na napayuko siya rito.
“Aba! At sino ka naman para utusan ako?! Hindi ako si Marie, FYI. Hindi ka isa sa mga kuya ko at kahit sila hindi ako pinangungunahan sa mga nakaka-date ko!” angil niya rito.
“Para namang gugustuhin kong maging kapatid ka. Sa sutil mong iyan, baka sanggol ka pa lang ipinamigay na kita sa mga asong kalye. Pero seryoso ako, Jing-jing. Kilala ko ang Dennis na iyon. Hindi mapagkakatiwalaan iyon,” seryoso ang tono at anyo ni Bell. Tumayo na ito matapos mairolyo hanggang sa ilalim ng tuhod niya ang jogging pants nito na suot niya.
Napakunot-noong sinalubong niya ang tingin ng binata.
“Kilala mo si Dennis? Pero bakit parang hindi ka naman niya kilala?”
“He doesn’t know me and I don’t really know him personally. What I do know is he was Deeva’s ex-boyfriend.”
Nagulat siya.
“Deeva? Si Dida-Debra-Diba-Deeva? ‘Yung niligawan mong nambasted sa iyo? That Deeva?!”
“Kailangan bang laging banggitin na binasted niya ako?” nakasimangot na angal ni Bell.
“Oo. Mahalaga iyon para malugmok sa lupa ang oversized ego mo. Teka, sure ka? Ex si Dennis ni Dida-Debra-Diba-Deeva?”
“Oo. At nakipag-break sa Dennis na iyon na si Deeva dahil masyado raw seloso at dominante ang lalaking iyon. Lahat ng bagay kailangang ipaalam sa kanya, nagagalit kapag hindi sumusunod si Deeva sa lahat ng utos niya. Lahat daw ng galaw ni Deeva gusto niya alam at aprubado niya. Pati raw pamilya ni Deeva pinagseselosan at inaaway kaya nasakal na si Deeva at nakipaghiwalay sa kanya.”
Gustong matawa ni Jing-jing sa nakikitang ekspresyon ni Bell. Para kasi itong tsismosa sa kanto na itinitsismis ang kapitbahay na eskandalosa, humina ang boses at bahagyang tumungo pa. Para namang may ibang makakarinig sa kanila roon sa loob ng opisina nito.
“Fifty Shades ang peg ni Dennis, ganun? Monitored lahat ng galaw ni Dida-Debra-Diba-Deeva? Teka, paano mo naman nalaman ang tsismis na iyan? Nakausap mo ba si Dida-Debra-Diba-Deeva mismo? Nag-uusap pa kayo hanggang ngayon? Saan mo siya nakita? Kailan?” kunot-noong untag niya.
Parang hindi maganda sa panlasa niya ang impormasyong iyon. Binabalak bang ligawan ulit ni Bell ang commercial model na iyon na maganda lang naman sa paningin ng marami dahil tisay? Pero kung tutuusin, higit naman siyang mas maganda sa babae. At hindi iyon pagbubuhat ng sariling bangko ha. Mukhang kapeng Barako man siya kapag katabi niya ang mukhang maja blanca sa puting Dida-Debra-Diba-Deeva na iyon, mas litaw pa rin ang beauty at kaseksihan niya. Slim man siya, kahit papaano ay may korte, kurba at mga umbok pa rin naman sa mga mahahalagang bahagi ang katawan niya. Hindi tulad ni Dida-Debra-Diba-Deeva na hipan lang ng malakas na hangin ay mukhang lilipad nang parang saranggola.
Natatawang napailing-iling si Bell.
“Hindi mo ba itatanong kung ano rin ang suot niya nung magkita kami?” anito.
“Pakialam ko sa suot niya? Sagutin mo nang tanong ko! Nag-uusap pa rin kayo? Kahit matapos ka niyang bastedin noon? Aba, ano ka? Pumayag na ma-friend zone matapos mabasted? Okay lang sa iyong makipag-communicate pa rin sa kanya kahit sinugatan niya ang kawawang heart mo?” sunod-sunod na usisa niya rito na sinamahan niya pa ng panlalaki ng mga mata. Parang gusto niyang tuktukan ito sa ulo. Bakit pumayag itong tratuhin ng ganoon ni Dida-Debra-Diba-Deeva? May feelings pa rin ba ito para sa babaeng iyon?
Nakangisi pa ring tumango naman si Bell. Tila aliw na aliw pa sa nakikitang reaksyon niya. Ano, proud na proud na pa itong isipin niyang nagpapakatanga ito sa babaeng maja blanca na iyon?
“I haven’t seen her for more than a year before I saw her at a cafe inside the airport. Kaya hindi mo pwedeng sabihing nagkikita pa rin o nag-uusap pa rin kami hanggang ngayon. Nagkita lang kami sa cafe sa airport two months ago,” tugon nito.
Sa narinig ay dagling nabawasan ang indignasyon at inis ni Jing-jing. Pati na ang interes niya sa Dida-Debra-Diba-Deeva na iyon. Buti naman at hindi naman pala nagpapakatanga pa rin sa babaeng maja blanca si Bell. Mahigit isang taon na palang hindi nakikita ng binata ang babae. Mabuti naman. Ibig sabihin ay hindi na talaga interesado pa si Bell sa babae. Dahil kung hindi sa aksidenteng pagkikita ng dalawa sa airport, hindi na magkikita pa ulit ang mga ito. Akala pa naman niya sinadya ni Bell na patuloy na makipag-ugnayan sa babae nitong nakalipas na dalawang taon.
“Airport? International o domestic? Saan ka naman pumunta noon?” untag ni Jing-jing sa lalaki.
Alam niyang madalas ding bumiyahe si Bell, around the country and around the world. Both for business and pleasure. Pero kadalasan, para sa negosyo dahil very competitive businessman ito. Kung ano-anong seminars at conferences ang dinadaluhan nito para mas mapalago pa ang negosyo ng pamilya nito. Kaya hindi na siya magugulat kung mula sa tatlo ay maging tatlumpu pa ang branches ng Josephine’s Cuisine at madagdagan pa iyon ng iba’t ibang klaseng restaurants.
Nangunot ang noo ni Bell na tila nagtataka sa tila lumihis nga naman sa paksa na tanong niya. Gayunpaman ay sinagot pa rin siya ng binata.
“Nagpunta ako sa California, groomsman ako sa kasal ng kaibigan ko.”
“Ah, hindi ko nabalitaan na umalis ka pala ng bansa two months ago. Wala ka man lang bang pasalubong para---“
“Si Deeva ang pinag-uusapan natin, Jing-jing,” putol ni Bell sa pag-uusisa pa sana niya tungkol sa naging biyahe nito.
Eksasperadong napabuga siya ng hangin.
“Okay, fine. If we really must talk about her. Then after you saw Dida-Debra-Diba-Deeva, what happened?”
Nangunot ang noo ni Bell na tila nagtataka sa kanya. Pagkuwan ay nagkibit-balikat ito at nagpatuloy sa pagkukwento.
“Niyaya ko siyang magkape habang naghihintay ng flight namin. She was planning to take a vacation somewhere, hindi ko na matandaan kung saan ‘yung binanggit niya. Basta gusto raw muna niyang umalis ng bansa kasi nangungulit pa rin si Dennis sa kanya. Natatakot siya at baka raw ano pang gawin ni Dennis sa kanya kapag hindi niya pinagbigyan ang pakiusap na magbalikan sila,” anito.
“Teka, teka, wait lang. Rewind, rewind. So, nagkape kayo? Ibig sabihin matagal kayong nag-usap? Bakit niyaya mo pa siyang magkape?” pag-uusisa ni Jing-jing na muli na namang nabuhay ang inis sa dibdib.
Posible kayang pagkakita ni Bell sa babaeng maja blanca ay muling nabuhay ang atraksyon at interes nito sa babae? Parang gusto na naman niyang kutusan ang lalaki. Hindi ba nito pahahalagahan ang pride nito bilang lalaki? Binasted na nga ito ng babaeng iyon pero niyaya pa rin nitong magkape?!
Pinandilatan naman siya ng mga mata ni Bell.
“Pwede bang patapusin mo muna akong magsalita?! Sabat ka ng sabat diyan eh. I’m telling you why you should stay away from Deeva’s ex,” paangil na anito.
“Fine, fine, go ahead. My lips are sealed.”
Bumuka ang mga labi ni Bell pero bigla siyang may naalalang sabihin kaya bumuka rin ang bibig niya. Maagap namang itinakip ng binata ang kamay nito sa bibig niya para mapigilan siya sa pagsasalita.
“Just stay away from that Dennis, Jing-jing. He’s bad news. Nakita ko sa hitsura ni Deeva na takot siya sa Dennis na iyon. The man acted like an obsessed stalker after Deeva broke up with him. Kaya huwag mo nang i-entertain pa ulit ang lalaking iyon, baka sa iyo naman mabaling ang obsesyon niyon,” seryosong saad ni Bell bago nito inalis ang kamay mula sa pagkakatakip sa bibig niya.
“Teka, paano mo naman nalaman na si Dennis nga iyong tinutukoy ni Deeva na ex-boyfriend niya?”
“Nakita ko na sila noon na magkasama. Hindi nga lang nila ako nakita. Believe me, Jing-jing, seryoso ako. Delikado ang lalaking iyon.”
“Oo na, oo na. Wala rin naman na talaga akong balak na makipagkita pa ulit sa dentistang iyon. Pansin ko nga may pagka-narcisstic talaga siya. Wala nang ibinida kundi sarili niya eh. At pakialamero pa dahil gusto niya nung una, siya na ang mag-order para sa akin. Akala naman niya papayag ako? Sayang, gwapito macho pa naman,” palatak niya.
“Gwapo na sa iyo ang hitsurang iyon? Ang babaw ng taste mo, Jing-jing,” iiling-iling na komento ni Bell.
“Ano’ng mababaw? Kamukha kaya ni Derek Ramsey iyon.”
“Yeah, kamukha ng siko ni Derek Ramsey. At bakit magtitiyaga ka pa sa lokal kung may kakilala ka naman nang gwapong international?” anito na ginaya pa ang pamosong pose ng mga Mr. Pogi sa Eat Bulaga. Itinapat ang hintuturo at hinalalaki sa ilalim ng baba sabay kindat sa kanya.
Hindi dapat siya kinilig pero iyon ang naramdaman niya nang masalo ang kindat nito. Parang biglang lumundag ang puso niya papunta sa lalamunan niya. Tila bigla siyang kinapos ng hininga. Pakiramdam niya nag-init ang buong mukha niya. Kaya para mapalis ang kakaibang reaksyon niya sa iniakto ng binata, itinirik niya ang mga mata at winagayway sa tapat ng mukha nito ang isang kamay niya.
“Whatever, Alexander Graham Bell! Pakainin mo na lang ako. Nagugutom pa ako. For the first time in forever, nawalan ako ng ganang kumain kanina. Wala na kasing binanggit ang dentistang iyon kundi cavities, bad breath at bleeding gums. Yucky kadiri talaga! Kaya pakainin mo ako. At hindi mo ako pwedeng singilin dahil bayad danyos iyon sa pagpapaligo mo sa akin ng ice bucket!” aniya. Pinandilatan pa niya ang binata.
Natatawang umiling-iling naman ito. Dinampot nito ang menu mula sa ibabaw ng coffee table na nasa gitna ng dalawang puting leather sofa na katapat ng office desk nito. Iniabot nito ang menu ng restaurant nito sa kanya. Saka ito humakbang patungo sa mesa nito at pinindot ang intercom doon.
“Ano’ng gusto mong kainin? Dito ko na lang ipapahain ang pagkain,” tanong nito sa kanya.
“Smoked ham and grapes salad with honey-mustard dressing, pasta with fish and red cream sauce, pasta-chicken waldorf salad, mushroom and carrot spaghetti, creamy crustless ham and mushroom quiche, Hungarian sausage casserole saka beef lettuce rolls,” dire-diretsong sagot naman niya nang hindi na tinitignan pa ang menu.
Ang mga naturang dishes kasi ang inorder nina Chris, Yang at Dennis kanina. At kung hindi lang siya nawalan ng gana dahil sa ikinikwento ni Dennis sa kanya kanina, ang plano sana niya pagkatapos niyang ubusin ang sariling order niya ng spaghetti with shrimps and clams at shrimps and mussels saute Schezuan style, oorderin din sana niya ang mga inorder ng tatlo para matikman niya. Mukhang masasarap kasi ang mga iyon.
“Iyon lang? Baka gusto mo pang dagdagan ng dessert?” may bahid ng sarkasmong untag ni Bell sa kanya.
“Umaangal ka?! Ipapaalala ko lang sa iyo, kasalanan mo kapag ako nagkasakit dahil binuhusan mo ako ng nagyeyelong tubig!”
“Alright, alright, you can order dessert. What do you want?” nakasimangot na anito.
“Chocolate mousse, black forest cake at ube-macapuno ice cream.”
“Damn! Your future husband better be a millionaire, Jing-jing. Kung hindi mamumulubi siya sa lakas mong kumain,” iiling-iling na komento nito.
“Pero bawi naman siya dahil liligaya siya sa piling ko.”
“Liligaya o magdurusa?”
“Ikaw, bakit ba kontrabida ka lagi sa buhay ko?”
Umiling-iling lang si Bell. Pero hindi pa nito tapos kausapin sa intercom ang staff nito ay may kumatok na sa pinto ng opisina nito kaya natitiyak ni Jing-jing na hindi pa iyon ang ipinapahatid nilang pagkain.
“Come in!” ani Bell sa direksyon ng pinto.
Pumasok ang head waiter at sinabing hinahanap na siya ng mga kasama niya sa mesa kanina. Nalukot ang ilong na niyuko ni Jing-jing ang sarili. Pawang naka-pormal ang mga diners sa restaurant ni Bell. Ayaw man niyang lumabas roon nang ganoon ang hitsura, dapat pa rin siyang magpaalam ng harapan kina Yang na hindi na siya sasabay pa sa dinner at pag-uwi ng mga ito.
Inutusan naman ni Bell ang head waiter na isama na lang ng lalaki si Yang dito sa opisina nito para makusap niya.
*******
“Sigurado ka bang magkamag-anak kayo?” puno ng kuryusidad na untag ni Bell kay Jing-jing paglabas ni Yang sa opisina ng binata.
Sabay pa silang napangiwi ni Bell nang paglabas ni Yang ay malakas na ibalibag nito pasara ang pinto ng opisina ng binata. Muntik pa silang magtalo ni Yang dahil iginigiit ng pinsan niya na sumama siya rito at kina Dennis at Chris sa plano ng mga ito na manood ng stage play pagkatapos nilang mag-dinner. Kaya naman tinapat na niya ito na kung hindi siya nabuhusan ng tubig, balak na talaga niyang layasan ang mga ito dahil hindi na siya natutuwa pa sa pinsan ni Chris. Batid ni Jing-jing na kung wala lang roon si Bell ay malamang hindi na pinigilan pa ni Yang ang sarili sa pagtataray at pagdi-demand sa kanya na sundin niya ang gusto nitong mangyari. Pero dahil ayaw ni Yang na ipahiya ang sarili, nagkasya na lang ito sa pagigil na pagpisil sa braso niya bago nagdadabog na umalis.
“At bakit naman, aber? Ayusin mo ang sagot mo kundi mawawalan ka ng mata,” nagbabantang aniya na dinampot ang tinidor mula sa tray ng pagkain na ihinatid na ng staff ni Bell kaninang nag-uusap pa sila ni Yang.
Sanay na siyang masabihan at matanong kung ampon lang ba siya dahil bukod tanging siya ang black beauty sa kanilang magkakapatid. At dahil tisay rin si Yang, mas mukhang ito ang kapatid ng mga kuya niya kaysa sa kanya. Mas kahawig pa ni Yang ang Kuya Errol niya kaya kapag magkakasama sila, inaakala ng iba na si Yang ang tinutukoy na kapatid ng Kuya Errol niya.
“Malayo ang ugali mo sa kanya,” tugon naman ni Bell na malayo sa inaasahan niya. Akala niya dahil sa hitsura nila kaya nito nasabi ang komento nito tungkol sa pagiging magkamag-anak nila ni Yang.
“Paanong malayo? Slight maldita lang siya pero ako demonyita to the highest level, ganun?” naka-arko ang mga kilay na aniya habang nilalagyan ng pasta with fish and red cream sauce ang plato sa tapat ni Bell. Hindi pa rin daw ito nagdi-dinner kaya sasabay na rin sa kanya.
“No, it’s the other way around. Slight maldita ka lang, siya ang demonyita,” umiiling at pumapalatak na ani Bell.
Saka umangat ang kamay ng binata upang marahang haplusin ang kaliwang braso niyang gigil na pinisil kanina ni Yang. Napansin pa rin pala ng binata ang patagong ginawa ng pinsan niya. Bahagyang namumula ang braso niya at ang bahaging iyon ang marahang hinagod ng mga daliri ni Bell. Napaigtad siya sa kuryenteng dumaloy sa buong braso niya dahil sa ginawa ng binata. Napuna naman ni Bell iyon at inakalang nasaktan siya kaya lalong nangunot ang noo nito. Itinigil nito ang paghagod sa braso niya pero nanatili pa ring nakahawak doon.
“Lagyan natin ng hot compress, baka magkapasa ka,” nag-aalalang ani pa nito.
“Hindi na, hindi naman ganoon kadiin ang hawak niya. Balewala iyan. Kumain na lang tayo,” tanggi niya.
Inilayo na niya ang pasaway niyang braso rito. Bakit ba ganito ang reaksyon ng katawan niya sa paghaplos ng binata sa braso niya? Parang biglang naging napakasensitibo ng balat niya. Bawat hagod ng mga daliri nito tila may kuryenteng hatid sa bawat bahagi ng katawan niya. Hindi naman iyon ang unang beses na nahawakan siya nito. Noong mga bata pa nga sila ay madalas pumapasan pa siya rito kapag magkasundo sila.
“Sigurado ka? Hindi ba bumaon ang kuko niya? Namumula ‘o,” ani Bell.
“I’m sure. Kumain na tayo, mamamatay na ako sa gutom!” eksaheradong aniya.
Matamang minasdan pa muna ni Bell ang braso niya. Tila nais tiyakin sa sarili na wala nga siyang sugat o pasa bago nito binuksan ang bote ng wine at sinalinan ang wineglasses nilang dalawa.