Chapter FIFTY-THREE

Tirik na tirik na ang araw ay naghihilik pa rin sa gitna ng kama niya si Jing-jing. Paghihilik na biglang ginambala ng malalakas na katok sa pinto ng silid niya. Pupungas-pungas na napabalikwas siya ng bangon at iginala ang tingin sa loob ng silid niya. For a second or two, she thought there was an earthquake but then she realized that it was the loud banging on her door that woke her up. Nakita niyang ala-una ng tanghali na sa wall clock na nasa bandang itaas ng flatscreen TV niya. Ibig sabihin halos dalawang oras pa lang siyang nakakatulog.

Imbes na mabawasan ang sakit ng ulo na iniinda niya kanina bago matulog, tila dumoble pa iyon ngayon. Mukhang matutuloy na nga sa trangkaso ang sama ng pakiramdam niya. Tiniis lang niya kagabi ang masamang nararamdaman para matuloy ang gig nila ng banda niya. Inisip niyang kulang lang siya sa pahinga at tulog. Pero senyales na pala iyon ng sakit.

Kaya naman pagkauwi nila ni Lucibelle kaninang alas-nueve ng umaga mula sa dinaluhang fiesta sa isang bayan sa Batangas kung saan sila tumugtog ng banda niya kagabi, dumiretso na siya sa silid niya at nahiga sa kama niya. Ni hindi siya nagka-interes tikman ni isa sa mga naiuwi nilang pagkain na ipinabaon ng mga organizer ng show na pinuntahan nila sa Batangas. Wala siyang gana. Mas gusto niyang mahiga na sa kama niya.

Pero dahil hindi rin siya nakatulog agad pagkahiga niya sa kama, nanood na lang muna siya ng The WALKING ZOMBIES. Gising pa siya hanggang alas onse. Wala naman silang gig mamaya kaya balak sana niya ay buong araw na matulog at bumawi ng lakas. Pero sinalungat ng sunud-sunod at malalakas na katok sa pinto ng kwarto niya ang plano niya.

“Dammit, Luci!” galit na ibinato niya sa pinto ang unan na nakatakip sa mukha kanina at nagbubusang bumangon. “Tiyakin mo lang na nasusunog na ang buong building natin kaya ka kumakatok ng ganyan. Kung hindi, hahawaan kita ng virus ko!”

Sigurado siyang si Lucibelle ang kumakatok sa pinto niya dahil silang dalawa na lang ulit ang nakatira doon sa bahay nila. Umalis na kahapon pa si Yang matapos ang madramang sigawan at sumbatan na eksena nilang magpinsan. Nakuha pa nitong takutin siya na isusumbong raw siya sa mga kuya niya. Sasabihin raw nito sa mga kuya niya na may pinapatulog siyang lalaki roon kaya ayaw niyang naroon ito.

Nakuha pa siyang blackmail-in ng magaling na pinsan niya para lang huwag niya itong paalisin sa bahay nila. Pero malas nito dahil hindi siya nagpa-blackmail dito. Bukod sa tiwala siyang hindi ito paniniwalaan ng mga kuya niya dahil kilala rin ng mga kuya niya ang ugali ni Yang kapag hindi nasusunod ang gusto nito, kasama pa niya sina Lucibelle at Chrisma sa pagpapasyang paalisin na si Yang sa bahay nila.

Sunod-sunod at malalakas na kumatok muli si Lucibelle sa pinto niya. Kung manipis lang siguro ang dahon ng pinto ng silid niya ay malamang nabutas na iyon sa diin ng pagkatok ni Lucibelle roon. Bigla tuloy siyang kinabahan. Baka nga nasusunog na ang building nila kaya ganoon makakatok si Lucibelle.

“Teka lang! Sandali!” paos na aniya na pilit binilisan ang paghakbang kahit na parang pagkabigat-bigat ng bawat bahagi ng katawan niya.

“Ano ba’ng nangyayari? Nasusunog ba ang building natin at kung---”

Naputol ang anumang sasabihin niya nang imbes na si Lucibelle ay si Marie ang bumungad sa kanya pagbukas niya ng pinto ng silid niya. Napatda siya nang makita ang tila kinokombulsyon sa galit na anyo ni Marie.

“Marie! Ano’ng ginagawa mo dito? Bakit ka—”

“You bitch! You evil bitch! Kahit noon pa kontrabida ka na sa buhay ko! Hanggang ngayon kontrabida ka pa rin sa buhay ko! Lahat na lang ng meron ako inaagaw mo! Mang-aagaw kang, malandi ka! Malandi!” galit na galit na tungayaw ni Marie sa kanya. Noong una ay dinuduro lang siya nito pero sabay ng pagbanggit nito sa mga salitang ‘You evil bitch!’ ay hinablot na nito ang buhok niya.

“Aray! Marie, bitawan mo ako! Aray! Marie!” namamaos na sigaw niya. Hindi niya maialis ang kamay nitong nakasabunot sa kanya dahil nanghihina siya. Naisip niyang itulak ito palayo pero agad rin niyang naalala na buntis ito. Baka mapaano ang baby nito kung babagsak ito sa sahig. Kaya naman nagkasya na lang siya sa pagsigaw at paghingi ng saklolo kay Lucibelle.

“Luci! Luci! Tulong!”

“Marie! Jing-jing!” narinig niya ang halatang nabiglang boses ni Lucibelle mula sa direksyon ng sala. Marahil sa pag-aakalang may kung anong pakay lang sa kanya si Marie ay magiliw na pinapasok ni Lucibelle si Marie dito sa condo nila. Siguradong ito rin ang nagturo kay Marie kung aling pinto ang silid niya.

Lumapit si Lucibelle kay Marie at sinubukang kalmadong kausapin ang nagwawalang babae.

“Marie, kumalma ka muna, please? Ano bang nangyari? Pag-usapan natin nang mahinahon ito, please. Bitawan mo muna si Jing-jing,” ani Lucibelle.

“Hindi! Kakalbuhin ko ang malanding babaeng ito!” hiyaw ni Marie.

Dahil sa pagtutulong nila ni Lucibelle ay naggawa nilang kalasin ang kamay ni Marie na nakasabunot sa kanya. Dali-daling umatras palayo si Jing-jing sa tila may saping babae. Muling tinangka ni Marie na hablutin ang buhok niya habang panay ang mura sa kanya at sa buong angkan niya. Hindi siya makapaniwala sa iniaakto ng babae lalo na sa pagiging bayolente nito.

Kahit noong mga dalagita pa sila ay ayaw na ayaw nitong nawawalan ng poise. Ayaw na ayaw na nagmumukhang cheap. Pero ngayon ay daig pa nito ang mga barumbado sa kanto sa ikinikilos at pinagsasasabi. Halos hindi niya makilala ito.

“Akala mo maaagaw mo si Darrell sa akin? Nagkakamali ka! Kahit na ano pang gawin at sabihin mo, kahit na ano’ng pang-aakit mo sa kanya, hinding-hindi niya ako iiwan! Tignan mo nga ang sarili mo sa salamin, negra! Ita! Ulikba! Pangit ka sa lahat ng pangit! Malanding mang-aagaw na negra!” patuloy na pagtutungayaw ni Marie habang patuloy na tinatangkang lampasan si Lucibelle na ihinarang ang sarili sa pagitan nila.

Nanlaki ang mga mata nila ni Lucibelle nang maunawaan nila kung ano ang dahilan ng panunugod at pagwawala ni Marie. Pilit hinahawakan ni Lucibelle ang mga kamay ni Marie na nagpupumilit abutin siya at kalmutin sa mukha. Kung hindi lang siya nanghihina at parang mauupos na sa kinatatayuan, lalapitan niya si Marie. Mas pantay ang taas nilang dalawa. Kung sakaling maisipan ni Marie na si Lucibelle naman ang sugurin dahil sa pagtatanggol ni Lucibelle sa kanya, dehado ang kaibigan niya. Five-two lang si Lucibelle kumpara sa five-seven na taas ni Marie.

“Marie, please stop it. Anuman ang ibinibintang mo kay Jing-jing, hindi totoo, okay?” ani Lucibelle.

“Natural kakampihan mo iyan, magkaibigan kayo. Pareho kayong imoral!” singhal ni Marie.

“Tama na, Marie! Nababaliw ka na, alam mo ba? Wala kaming relasyon ni Darrell kaya tumigil ka na!” gusto niyang sumigaw pero dahil paos siya, walang epekto ang pagtataas niya ng boses.

Sa sinabi niya ay biglang napabulalas ng iyak si Marie. Isinubsob nito ang mukha sa mga palad at parang biglang nawalan ng lakas ang mga binti nito na napasalampak ito sa sahig.

Nagkatinginan sila ni Lucibelle.

“Get my phone and call Darrell or her brother,” bulong niya kay Lucibelle.

Tumango naman si Lucibelle at pumasok sa loob ng kwarto niya para kunin ang cellphone niya na nakapatong sa ibabaw ng dresser niya. Samantalang siya ay humakbang palapit kay Marie. Dahan-dahang naupo siya sa tabi ng babae.

“Maniwala ka, Marie. Wala kaming relasyon ni Darrell. Magkaibigan lang kami,” malumanay ang tonong aniya.

“Sinungaling ka. Sinungaling kayong dalawa. Nababasa ko ang mga text ninyo sa isa’t isa. Pinag-uusapan ninyo lagi ako!” asik ni Marie sa kanya. Nag-angat ito ng luhaang mukha at pinukol siya ng matalim na tingin. At bago pa siya makahuma, malakas na sinampal na siya nito sa kaliwang pisngi. Isa pang sampal ulit ang dumapo sa kanan namang pisngi niya bago ito sapilitang pinatigil ng malakas, nakakagulat at halos dumagundong sa buong bahay na boses ni Bell.

“That’s enough, Marie!”

Kapwa nagulantang na napalingon sila sa bukana ng pasilyo kung saan nakatayo si Bell.

“Kuya!” sambit ni Marie.

“Bell!” bulalas ni Jing-jing. Ni hindi niya namalayan ang pagdating at pagpasok ni Bell sa loob ng bahay nila. Hindi rin ito nag-iisa dahil sa likod nito ay sumungaw ang nakakunot-noong anyo ni Chrisma. Malamang kasama ni Chrisma si Bell na dumating kaya malayang nakapasok sa loob ng unit nila ang binata.

Dali-daling lumapit sa kanya sina Lucibelle at Chrisma. Habang si Bell naman ay inalalayang tumayo ang kapatid nito.

“God! Ang init mo, Jing-jing!”

“Ang taas ng lagnat mo, Jing!”

Gilalas na halos sabay pang bulalas nina Chrisma at Lucibelle nang mahawakan ang braso niya at maramdaman kung gaano kainit ang balat niya. Lalong nagdilim ang anyo ni Bell nang sumulyap sa kanya bago nito ibinalik ang tingin kay Marie. Tila nagulat na biglang nanlaki naman ang mga mata ni Marie. Mabilis na dumaan ang pagsisisi sa anyo nito pero dagli rin iyong natabunan ng galit. Salubong ang mga kilay na tumingala ito kay Bell para lang mapangiwi nang makita ang nang-aakusang tingin dito ng kapatid.

“Hindi ko alam na may sakit siya, Kuya Bell---“

“Tama na, Marie! Sa bahay tayo mag-usap,” maawtoridad na putol ni Bell sa tangkang pagdedepensa sa sarili ni Marie.

Bumaling sa kanya ang binata at tipid na humingi ng paumanhin. Ni hindi man lang sinalubong ng binata ang tingin niya. Sa halip na tumingin ito sa mukha niya na pakiramdam niya ay namamaga dahil sa lakas ng pagkakasampal ni Marie sa kanya, lampas sa ulo niya nakatingin ang binata. Mahigpit na nakakuyom pa ang mga kamao nito, patunay ng pinipigilang galit. Hindi nga lang niya tiyak kung para kanino ang galit na iyon. Sa kanya o kay Marie.

“Pero kasalanan niyang lahat ng ito, Kuya Bell! Inagaw niya si Darrell sa akin! Hindi na matutuloy ang kasal ko dahil sa malanding babaeng iyan!” muling napahikbing wika ni Marie.

Para namang butter na biglang itinapat sa apoy na dagling napalis ang galit ni Bell rito. Masuyong inakbayan ng binata ang kapatid.

“Pag-uusapan natin ito sa bahay. Hindi makakabuti sa kondisyon mo ang pagsugod mo rito. Halika na, umuwi na tayo,” malumanay ang tonong ani Bell saka inakay palabas ng bahay nila si Marie. Mabilis na nagpaalam ito kina Lucibelle at Chrisma. Pero bago tuluyang umalis ay isang makahulugang tingin pa muna ang ibinato nito sa direksyon niya.

Pagka-alis ng magkapatid ay saka lang nakahinga ng maluwag si Jing-jing.

“Bruha sa lahat ng bruha ang babaeng iyon! Naku, kung hindi ko lang alam na buntis siya, inginudngod ko na siya sa sahig!” gigil na gigil na wika ni Lucibelle habang inaalalayan siya papasok sa kwarto niya.

“Ano bang nangyari?” naguguluhang untag naman ni Chrisma.

Si Lucibelle ang sumagot sa kaibigan nila. Para kasing hinang-hina na siya na tila kahit boses niya sumuko na. Giniginaw siya’t namimigat ang buong katawan. Pakiramdam niya may kumakaskas sa lalamunan niya.

“jing-jing! Ano’ng nangyari diyan? Kinalmot ka rin ba ng bruhang iyon?” bulalas ni Chrisma na nakatingin sa mga braso niya.

Niyuko niya ang mga braso. Mayroon ngang mahahabang galos sa braso niya na malamang ay resulta ng matutulis na kuko ni Marie.

“Ipaalala mo sa akin na kakalbuhin ko ang bruhang iyon kapag gumaling na ako, okay?” aniya kay Chrisma.

“Okay. Sasamahan pa kita at itsi-cheer!” tango naman ni Chrisma.

“Teka, kukuha lang ako ng gamot at tubig para sa iyo. Mukhang natuloy na nga sa trangkaso iyang sakit mo,” ano Lucibelle.

“Iyon nga rin iniisip ko kaya ako nagpunta rito. Bumili ako ng mga prutas at fruit juices. Sa elevator ko na nakasabay si Bell. Akala ko pa naman ikaw talaga ang sadya rito. Iyon pala sinundan lang niya ang baliw na kapatid niya. At ikaw naman, Lucibelle! Bakit pinatuloy mo pa ang Babaeng Krung-krung na iyon dito?” wika ni Chrisma.

“Hindi ko naman alam na balak pala niyang sugurin si Jing-jing. Akala ko may importanteng sasabihin lang siya kay Jing-jing kaya parang natataranta noong pagbuksan ko ng pinto. Iyon pala natatarantang makapanakit,” katwiran naman ni Lucibelle.

Papalayo na ang boses ng dalawang kaibigan ni Jing-jing. Kaya alin lang sa dalawa, lumabas na ang mga ito mula sa silid niya o malapit na siyang mawalan ng malay.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.