Chapter FIFTY-FIVE

“Tatawagan ko na lang si Lucibelle para tanungin kung ayaw mong sabihin,” ani pa nito.

“Bell!”

“See you later, Jing-darling!”

Akmang hahakbang na palayo si Bell pero pinigilan ni Jing-jing ang binata. Hinabol niya ang binata at pinigilan sa kaliwang braso nito. Pero bigla naman siyang hinapit ng kanang braso ng binata. Saka ito yumuko at walang babalang sinakop ng mga labi ang mga labi niya. Nanlalaki ang mga mata niya sa gulat. Dapat pumalag siya, hindi ba? Pero mamaya na siguro, ang sarap kasing namnamin ng mga labi nitong sinisimsim ang mga labi niya na para bang iyon na ang pinakamatamis na kending natikman nito.

Maya-maya ay naghiwalay ang mga labi nila. Nagsalubong ang mga tingin nila. Kapwa sila naghihintayan kung sino ang mauunang mag-react. Mas nauna naman siyang nakahuma kaya malakas na itinulak niya ito palayo. Kahit buong katawan niya ay gustong-gusto pang patuloy na magpakulong sa mga bisig nito. Kahit mismong mga palad niya na dumampi sa mga dibdib nito ay nais pang tagalan ang pagkakadikit sa dibdib nito upang mas madama niya nang husto ang matigas na dibdib nito. Pakiwari niya ay babaeng-babae siya sa loob ng mga bisig nito at habang nakadikit sa dibdib nito. Parang walang kahit na ano o kahit na sino na maaaring makapanakit sa kanya habang nakayapos sa kanya ang binata.

“B-bakit mo ako hinalikan?!” paangil na untag niya sa binata. Pero sa totoo lang, wala siyang pakialam kung bakit, ang mas gusto niyang itanong ay bakit ito tumigil agad sa paghalik sa kanya. Pwede pa naman niyang pigilan ang paghinga ng mga two minutes pa.

“Why did you kiss me back?!” balik-tanong ni Bell sa parehong tono.

“Ikaw ang naunang nanghalik kaya ako muna ang sagutin mo!”

Nagkibit-balikat lang si Bell matapos nitong matamang pagmasdan siya.

“Wala lang, na-curious lang akong malaman kung hahalikan mo rin ako kapag hinalikan kita. Kailangan nating magmukhang kapani-paniwala sa harap nina Marie at Darrell.”

“Na-curious ka lang? Na-curious lang pala ha? Ako rin curious! Curious akong malaman kung makakailag ka rito!” singhal niya sabay igkas ng kanang kamao niya.

Puntirya niyang tamaan ang nguso ni Bell. Pero maagap siyang nailagan ng binata. Sinalo pa ng kamay nito ang kamao niya sabay hatak sa kanya kaya’t napalapit na naman siya sa katawan nito. Parang milyon-milyong mga langgam ang gumapang sa buong katawan niya sa muling pagkakadikit nila.

“Ulitin mo pang suntukin ako at hahalikan ulit kita!” banta sa kanya ng binata. Pinandilatan pa siya nito ng mga mata. Pero hindi maikakailang hindi galit kundi pagnanasa ang mas nangingibabaw na ekspresyon sa asul na asul nitong mga mata.

Ulitin nga kaya niya ang pagsuntok sa binata? Pero hindi! Tama na ang minsang pagkakamali at kahinaan niya. Isinalya niya ang binata palayo sa kanya saka niya itinuro ang pinto.

“Layas!”

“See you later, Jing darling! And maybe I’ll kiss you again since you seem to like it too,” malawak ang ngising ani Bell. Kumindat pa sa kanya ang binata.

Kulang na lang sumipol-sipol ito habang naglalakad palayo sa sobrang pagka-bilib nito sa sarili. Bigla tuloy napalitan ng inis ang panlalambot ng kalooban niya. Kanina lang natutukso siyang halikan ulit ang binata. Pero ngayon natutukso na siyang sapakin ito.

Bahagyang napataas ang mga kilay ni Jing-jing nang marinig ang Pamaskong awitin na pumapailanlang mula sa stereo sa sala ng pinsan niyang si Marymae. May kutob kasi siya na ang naturang Christmas love song na pumapailanlang ang mismong theme song ng estado ng love life ngayon ng pinsan.

Inilapag ni Marymae sa ibabaw ng dining table ang tray na kinalalagyan ng dalawang mangkok ng umusok-usok pa sa sobrang init na ginataang mais. Kanina pa iniluto ni Marymae ang ginataang mais dahil alam nitong darating siya. May isa pa rin daw itong hinihintay na bisita. Pinainit lang ulit ni Marymae ang ginataan dahil alam nitong mas gusto niya iyong umuusok pa talaga sa init na ginataan at ayaw niya ng medyo mainit-init lang na ginataan.

“Sarap ng amoy!” sambit ni Jing-jing na nilanghap ang mabango at nakakagutom na usok ng ginataan.

Bigla niyang naalala na pareho sila ni Bell na paborito ang mainit na ginataang mais. Ang totoo pa nga niyan, madalas silang mag-agawan sa ginataang mais na iniluluto ng Lola Josephine nito kapag bumibisita siya sa bahay ng mga ito. Hindi niya alam kung nagkakataon lang ba o hindi na tuwing bibisitahin niya si Lola Josephine ay nagkakataong naroon din si Bell. Kaya naman hindi niya masolo-solo ang ginataang mais ng lola nito.

Mula noon hanggang ngayon ay nananatiling magiliw sa kanya si Lola Josephine. Kahit kadalasan hindi niya kasundo ang mga apo nito, hindi nagbabago ang turing sa kanya ng matanda. Tuwing kaarawan nga niya at tuwing Pasko ay laging nagpapadala sa kanya ang matanda ng paborito niyang ube-macapuno cake na bini-bake nito mismo. At ang maipag-bake ng cake ni Lola Josephine ay isang hindi pangkaraniwang kaganapan. Dahil bukod sa pagtatayo ng Josephine’s Cuisine, isa rin sa pinakamahusay na chef at baker sa buong bansa si Lola Josephine. At maituturing na national treasure ang mga recipes nito.

Natikman na yata niya lahat ng klase ng ube-macapuno cake sa bansa pero tanging ang gawa lang talaga ni Lola Josephine ang sumasakto sa panlasa niya at hinahanap-hanap niya. Kung maaari nga lang ay linggo-linggo niyang hihilingin sa matanda na ipag-bake siya nito ng ube-macapuno cake. Pero nahihiya naman siya rito. Baka isipin nito abusado naman siya. Isa pa, tiyak niyang hindi rin iyon papayagan nina Bell at Marie. Mga killjoy na magkapatid!

“Uy, ayusin mo nga yung nakabusangot mong mukha. Nasa harap ka ng hapag, malas iyan,” saway sa kanya ni Marymae.

Pinalis ni Jing-jing ang simangot sa mukha niya. hindi bale, malapit naman na ang Pasko. Siguradong padadalhan na naman siya ni Lola Josephine ng ube-macapuno cake sa Noche Buena.

Nagsalin si Marymae ng malamig na gulaman palamig sa dalawang baso at inilapit iyon sa dalawang mangkok. Saka ito naupo sa silya sa gawing kaliwa niya.

“O, hayan na, lamon na, mahal na reyna,” ani Marymae sa kanya.

“Salamat! Sabayan mo na ako, huwag ka nang mahiya. Para ka namang others. Remember bahay mo ito.”

“Loka-loka! Sasabayan naman talaga kita. Ano’ng akala mo para sa iyo iyang dalawang mangkok?”

“Hindi ba?! Marymae! Parang ngayon lang tayo nagkakilala kung paghainan mo ako. Alam mo namang hindi ako mabubusog sa isang mangkok lang!” angal niya.

“Takaw mo talaga, Jing-jing! Ubusin mo muna kaya iyang ginataan sa mangkok mo bago ka mag-request ng pangalawang serving.” Pinandilatan pa siya nito.

“Fine, fine! Anyway, mabalik ako sa rason kung bakit ako napadpad dito sa bahay mo. Kayo na ba---“

“Kung tungkol na naman kay You-Know-Who ang itatanong mo sa akin, nag-aaksaya ka lang ng laway at panahon. Hindi kita sasagutin. Wala akong aaminin, wala kang maririnig mula sa akin at kahit torture-in mo pa ako hindi ako magkukwento,” maagap na putol ni Marymae sa sasabihin niya. Dinuro pa siya nito gamit ang hawak nitong kutsara.

Natatawang napailing-iling si Jing-jing. “You-know-who? Sino bang tinutukoy mo, si Cinda o si Voldemort? May pa you-know-you-know ka pang nalalaman diyan. Arte mo, ‘te! Eh kung ako na lang kaya mismo ang mag-interoga kay Cinda? Tatawid lang ako sa kabilang side ng street at kakatok sa bahay niya para sa kanya ko na mismo maitanong at malaman kung ano ang real score sa inyong dalawa.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.