Chapter FIFTY-SIX

“Subukan mo lang, Jing-jing, at itatakwil na talaga kita! May kasalanan ka pa sa akin. Mahirap bang sabihin mo man lang sa akin, kahit sa text lang, na diyan na pala siya sa kabilang bahay titira? Na magiging kapitbahay ko na siya?! Ano’ng klaseng pinsan ka? Buong akala ko talaga ay si Gavin Sawyer ang bagong lipat diyan. Iyon pala si Cinda! At alam kong alam mo ang tungkol doon dahil imposibleng hindi. Pero hindi mo sinabi sa akin! Hindi mo man lang ako pinaghanda,” pagtatalak ni Marymae sa kanya.

Ex-boyfriend kasi ni Marymae si Cinda. At ngayon ay bagong kapitbahay pa ni Marymae ang kabanda niya. Nang maghiwalay ang dalawa almost a year ago ay halos hindi niya kibuin at kausapin si Cinda noon. Alam kasi niya kung gaano nasaktan si Marymae sa naging ending ng love story ng mga ito. Pero hindi rin naman niya maggawang tuluyang magalit kay Cinda dahil sa huli, nakita niya kung gaano kalaki ang pagsisisi at panghihinayang ng binata nang malaman nitong may bago nang boyfriend si Marymae two months after ng break-up ng dalawa.

Subalit ngayong hiwalay na si Marymae sa dating nobyo nito at mukhang desidido si Cinda na ligawan ulit ang pinsan niya, siya ang kinikilig. Gusto niya talagang magkatuluyan ang dalawa. Bagay na bagay ang dalawa. Tulad kasi niya, may pagkaloka-loka rin si Marymae. It runs in the blood siguro. Samantalang si Cinda naman, seryoso at tahimik. They balance each other out. North and south, hot and cold, summer and winter.

Parang sila rin ni Bell. Siya ang loka-loka at si Bell naman ang seryoso at---teka! Loka-loka na nga yata talaga siya. Hindi naman sila magkasintahan ni Bell! Kaya bakit niya ikinukumpara silang dalawa kina Marymae at Cinda?!

At hanggang ngayon, hindi pa rin niya madesisyunan kung ano ang gagawin sa bagong palabas ng binata tungkol sa pekeng relasyon na gusto nitong simulan nila. Nasa sixty-forty pa rin siya, pabor sa pagtanggi sa ideya ng binata. Pero mamaya na nga niya iisipin iyon. Mas gusto niyang tuksuhin muna si Marymae ngayon tungkol kay Cinda.

“Ano pa bang paghahanda ang gusto mong gawin? Magpapa-Botox ka? Magpapa-liposuction? Plastic surgery? Para kapag nagkita kayo ni Cinda ay ubod at sobra ka ng seksi at ganda? Para lalo siyang magsisi na pinakawalan ka niya?” pang-aasar niya kay Marymae.

“Oo, oo, oo! Kung binalaan mo sana agad ako na si Cinda pala ang bagong kapitbahay ko, sana inubos ko ang kayamanan ko sa pagpapaganda! Tumambay sana ako sa salon ng isang linggo! Bumili ako ng plastic surgeon at nagpabago ng mukha, iyong makakamukha ko na si Jennifer Lawrence!”

“Loka-loka! Hindi pa ba obvious na patay na patay pa rin si Cinda sa iyo kahit mukha kang tiyahin ko na imbes na pinsan lang?”

“Lasunin kaya kita?”

“Huwag naman. Teka nga, hindi naman ako nagpunta rito para makinig sa problema mo. Ako ang may problema at ikaw ang dapat makinig. Tutal expert ka or semi-expert sa mga love-love na iyan, tulungan mo nga akong i-analyze ang ginagawa ni Bell. Mabubuang na ako sa lalaking iyon, I swear!”

“Si Bell? Si Frenemy mo? Bakit? Ano na namang ginawa?”

Isinalaysay naman niya sa pinsan ang tungkol sa palabas na gusto ni Bell na gawin nila.

“Ano sa palagay mo?” untag ni Jing-jing sa pinsan nang matapos siyang magkwento rito. “Tama ba ang kutob ko?”

“Na may gusto siya sa iyo at ginagamit lang niya ang away ninyo ni Marie para mapalapit siya sa iyo? Haba ng hair mo, Jing!” nanunuksong tugon naman ni Marymae.

“Seryoso ako, Mae. Saka nung hinalikan niya ako, parang---parang nag-connect ang mga...ewan ko, puso, kaluluwa, atay o intestines namin. Alam mo iyon?” frustrated na aniya dahil hindi niya malaman kung paano ipapaliwanag ang naramdaman.

Totoo nga kaya ang kutob niya na may gusto sa kanya si Bell at ginagamit lang ng binata ang magulong sitwasyon nila ni Marie para makalapit ito sa kanya nang hindi niya inaaway? O iniisip lang niya iyon kasi iyon ang gusto niyang mangyari? Gusto niyang isiping may gusto sa kanya si Bell pero ang totoo ay siya may gusto kay Bell. Gusto lang niyang isipin na may gusto rin ang binata sa kanya para hindi siya mapahiya sa sarili niya.

Naguguluhan siya! Kaya pinuntahan niya si Marymae kasi alam niyang sa lahat ng kakilala niya, ito ang mahihingan niya ng pinakamatinong payo tungkol sa love life. Kahit naman may loka-loka genes din ang pinsan niyang ito ay nagagamit naman nito iyon sa propesyon nito bilang romance writer. Basta usaping puso kumbaga, bihasa na ito.

“Hindi. And let me just say this, eww! Intestines? Sa lahat ng pwedeng mag-connect, intestines talaga? But seriously, yes, I get what you mean. Para kayong dalawang puzzles na sukat na sukat sa isa’t isa at nang maghalikan kayo, pakiramdam mo, nahanap mo na ‘yung lahat ng nawawala sa iyo.

“Pakiramdam mo, alam mo na kung bakit ka nandito sa mundo. Naging malinaw na lahat ng malabo dati. Para kang nabunutan ng tinik. Kasi dumating na ‘yung taong hindi mo alam na matagal mo na palang hinihintay. Dumating na siya,” mahabang saad ni Marymae na unti-unting naging seryoso mula sa pabirong pagsagot kanina. Bahagyang lumamlam din ang mga mata nito. Halatang may malungkot na alaalang biglang sumagi sa isip.

Gustuhin man ni Jing-jing na tuksuhin ang pinsan ay hindi niya maggawa. Dahil tinamaan siya direkta ng sinabi ni Marymae. Ang deskripsyon nito sa halik na namagitan sa kanila ni Bell ay ang eksaktong naramdaman niya noong hinahalikan siya ni Bell. She felt like she finally found that one thing missing in her life that she never knew was missing.

“Alam mo kung ano ang pinakamahirap aminin? Iyong handa kang magpakatanga, magpakagaga, magpauto at magpaka-alipin sa taong minsan mong itinuring na kaaway. And all because of love. Tingin ko iyon ang nangyayari sa iyo ngayon, Jing. Pero ang mas mahirap kaysa sa pag-amin na iyan ay ang pagtanggi sa nararamdaman mo. Hindi ka ba curious kung ano ang mangyayari sakaling aminin mo na lang ang totoong nararamdaman mo?”

“Sinasabi mo bang dapat akong pumayag na magpanggap kaming magboyfriend?”

“Hindi sa---“

“Iyon ang ang sinasabi mo, di ba? Iyon ang payo mo bilang love expert? You write romances and you know all about it. At ang advice mo sa akin ay pumayag akong magpanggap kami ni Bell na kami nga! In that way, mas maraming oras at tsansa para makasama ko siya. At nang malaman ko kung pareho ba kami ng nararamdaman o niloloko ko lang ang sarili ko! Iyon ang advice mo sa akin, tama?” mariin ang tonong aniya at bahagyang pinandilatan pa ang pinsan.

Biglang natawa naman si Marymae nang maunawaan kung ano eksakto ang gusto niyang marinig mula dito. Sunod-sunod na tumango ito.

“Oo, oo, iyon nga ang payo ko sa iyo.”

“Thank you. Thank you. Susundin ko ang payo mo. Malaki ang tiwala ko sa iyo eh. Alam kong hindi mo ako ipapariwara.”

Napailing-iling si Marymae.

“Loka-loka ka talaga, Jing-jing. Kung gusto mo naman pala talaga iyong tao, hindi mo na kailangan pa ng rason o palusot. Aminin mo na

lang.”

“Ha! Mana lang ako sa iyo. Deny to death ang peg. Besides, ako ang girl, dapat siya muna ang magtapat ng pagsintang tunay niya, hindi ako.”

“Ngayon ka pa nagpakipot eh nagpahalik ka na nga?!” paangil na pandidilat ni Marymae sa kanya.

“Iba naman iyon. Nabigla lang ako nun. Kumbaga sa law, hindi premeditated murder iyon, homicide lang,” katwiran niya.

“Pareho din ang ending nun, patay pa rin ang biktima. Mag-iingat ka lang na hindi ikaw ang maging biktima at sawi ang puso sa huli.”

“Okay, okay. Tatandaan ko po iyan, Nanay. Pero mabalik tayo tungkol sa inyo ni Cinda---“

“Shut up, Jing-jing.”

Malakas na napahalakhak na lang siya. And it wasn’t just because of Marymae’s refusal to talk about Cinda. It was also because she felt lighthearted just thinking about acting as Bell’s girlfriend.

*******

Pagpasok ni Bell sa loob ng bar kung saan kasalukuyang tumutugtog ang Silver Belles ay pumili siya ng mesang malayo sa stage. Gusto kasi niyang malayang pagmasdan si Jing-jing habang nagpi-perform ang dalaga. Iniiwasan niyang makita agad siya ng dalaga o ng sinuman sa mga kabanda nitong lahat ay nakakakilala sa kanya.

Nang matapos ang set ng banda ay saka lang tumayo si Bell at lumapit sa stage upang magpakita kay Jing-jing. Base sa reaksyon nito pagkakita sa kanya ay halata niyang nagulat ito nang makita siya. Bagay na hindi niya alam kung bakit. Hindi ba at sinabi naman na niya sa dalaga na susunduin niya ito ngayong gabi? Obviously she didn’t believe him. Pero si Lucibelle na siyang nagsabi sa kanya kung ano’ng oras ang set ng banda nito at kung paano pumunta sa bar na iyon ay kinindatan siya at nag-thumbs up sign pa sa kanya. Pero ang dalawang lalaking miyembro ng Silver Belles na sina Cinda at Santi ay may kasamang pagtataka at may bahid ng pagdududa ang tingin sa kanya.

Binati niya ang buong banda. Binati at kinausap din naman siya ng mga iyon.

“Oh! Bago ko pa nga pala makalimutan, guys. Kami na ni Bell. Kaya from now on, gabi-gabi na niya akong susunduin kapag may show tayo,” kaswal na kaswal ang tono ni Jing-jing nang ianunsyo iyon.

Umabrisyete pa ang dalaga sa kanya at matamis na nginitian siya.

“Hindi ba, my sugar cakes, honey pie, choco syrup? At hindi lang iyon, from now on ay libre na raw kayo lagi sa restaurant niya. The sky is the limit kapag kakain kayo roon. Right, my baby love?”

Bell should be glad. Mukhang nakumbinsi na ang dalaga sa plano niyang magpanggap silang magkasintahan para maalis ang pagseselos ni Marie sa dalaga. Pero sa halip na matuwa siya ay kinabahan siya. Para kasing may iba pang nilalaman ang ekspresyon ni Jing-jing nang tignan siya. At malinaw rin base sa mga sinasabi nito ngayon na handa itong samantalahin ang palabas nila para isahan na naman siya.

Hanggat maaari ayaw niyang may ibang makaalam tungkol sa kasunduan nila. Mas maraming nakakaalam, mas malaki ang tsansang matuklasan ni Marie na palabas lang lahat ng iyon. Kahit mga kabanda ni Jing-jing ay mas mabuting hindi malaman ang totoo tungkol sa pagiging magkasintahan nila. Lalo pa at alam niyang malapit din si Darrell sa mga ito.

“Right,” tango niya bilang tugon kay Jing-jing. “We have to go. See you!” saka siya maagap na nagpaalam na sa mga kabanda ni Jing-jing.

Halatang nabigla at hindi makapaniwala sina Cinda at Santi sa nalaman. Pero sina Lucibelle at Chrisma ay parehong malawak ang mga ngiti at nanunukso ang tingin sa kanila ni Jing-jing. May kutob siyang alam ng dalawang babae ang tungkol sa usapan nila ni Jing-jing. Pero posible rin namang boto lang ang mga ito sa kanya para sa dalaga. Hindi niya alam.

Pero ang alam niya ay kailangan na nilang makaalis ng dalaga roon bago pa maisagawa ni Jing-jing ang iba pang kapilyahang binabalak nito. Nasisiguro niyang may binabalak itong gawin laban sa kanya dahil kabisado na niya ang malditang kislap sa mga mata nito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.