Zygryd was her father’s headache. Wala na daw siyang ginawa kundi ang sumuong sa gulo. But she was simply a girl who wanted to taste life. Para sa kanya, wala na siyang ibang aasahan kundi ang sarili niya dahil tinalikuran siya ng taong importante sa kanya nang kailangan niya.
Until her father hired Lander as her bodyguard. He had no past but he taught her the best lessons in life. Natuto siyang magtiwala at magmahal.
Subalit hindi sa kanya ang puso nito.
Pakiramdam ni Raphael ay ligtas na siya sa lugar na pinagdalhan sa kanya ni Mang Karyo. “Hindi nila tayo matutunton. Kaya huwag kang matakot,” naalala niyang wika nito. Kaya naman malaya siyang maglakad-lakad sa gubat.
Sa isang maliit na kubo sa gitna ng gubat ang pansamantala nitong pinagdalhan sa kanya. Sabi nito ay malapit lang ang batis at maari na siyang maligo doon. Ilang araw na rin siyang hindi naliligo at konting-konti lang ang pagkain niya. Nakulong siya sa madilim na bodega na may mga nakakatakot na bantay.
“Kailan kaya ako makakauwi sa amin?” tanong niya sa sarili. Gusto na niyang makita ang magulang at mga kapatid niya. Sabi ni Mang Kadyo ay susubukan nitong pumunta sa bayan upang tawagan ang mga magulang niya at ibalik siya.
Naririnig na niya ang lagaslas ng tubig sa batis nang makarinig din siya ng isang malakas na putok. Nabulabog ang mga ibon at nagliparan. Nanlaki ang mata niya. “Si Mang Kadyo!” nag-aalala niyang bulalas.
Nagkukumahog siyang bumalik sa kubo. Mabilis siyang nagtago sa likod ng malaking puno nang matanaw ang mga masasamang lalaki na dating may hawak sa kanya. “Nasaan na ang bata? Ilabas mo!” utos ng lider ng grupo.
“Hayaan mo na siyang makabalik sa mga magulang niya.”
“Ang sabihin mo, gusto mo lang solohin ang pera!” Matapos iyon ay sunud-sunod na putok ang umalingawngaw sa gubat. Bumulagta si Mang Kadyo na wala nang buhay. “Halughugin ninyo ang gubat at ibalik sa akin ang bata!”
Nagsilbi iyong hudyat para tumakas siya. Tumakbo siya nang tumakbo sa gubat. Di niya pinansin ang matarik na dinadaanan niya. Ang importante sa kanya ay makatakas. Naririnig niya. Kasunod na niya ang mga yabag.
Nakaramdam siya ng pag-asa nang marinig ang ugong ng sasakyang dumaan. Malapit na siya sa kalsada. Nagmamadali siyang tumakbo at tumawid ng kalsada. Huli na nang makita niya ang humahagibis na sasakyan palapit sa kanya.