Nagising siya sa malamig na dapyo ng hangin sa balat niya at sa hampas ng alon. Pagdilat niya ay namulatan niya ang pawid na bubungan. Pumikit ulit siya at dumilat. Saka niya iginala ang mata sa simpleng silid. Wala halos gamit. Gawa ang bubong sa pawid at ang dingding ay sa sawali. Nasa loob siya ng isang bahay kubo. Sa may bintana ay tanaw ang asul na langit. Nasa tabing dagat lang siya. Nakahiga siya sa may katigasang papag. Hindi pamilyar sa kanya ang lugar na iyon.
Tinangka niyang bumangon subalit mabigat ang katawan niya. Mabilis niyang sinapo ang ulo nang makaramdam ng kirot. Napaungol siya.
Pumasok ang dalawang babae. Ang isa ay nakasuot ng simpleng duster habang ang isa naman ay naka-blouse at pantalon. “Gising ka na pala, iho. Gutom ka na siguro. Ikukuha lang kita ng pagkain,” anang una at lumabas ng kuwarto.
Inalalayan siya ng naiwan upang bumalik sa pagkakahiga. “Sabi ng doktor, huwag kang masyadong magkikilos. Masakit pa ang mga sugat mo. Ilang araw ka nang walang malay at nilalagnat kaya nag-alala kami.”
Napatitig siya dito. “Sino po kayo?” Inikot niya ang tingin sa paligid. “Saka nasaan po ako? Ano pong ginagawa ko dito?”
“Nandito ka sa Isla Marina. Ako si Alia. Ako ang nagdala sa iyo dito. Nahagip ka sasakyan namin habang bumibiyahe kami sa highway. Hindi namin sinasadya dahil bigla ka na lang sumulpot.”
“Sa highway po?” Anong highway? Saan iyon?
“Idinala ka agad namin sa doktor. Mukha ka ngang gusgusin at palaboy. Walang sinuman ang nakakakilala sa iyo. Naisip namin na baka pulubi ka lang na pagala-gala. Idinala ka na namin dito sa isla dahil di kami pwedeng magtagal sa bayan. May mga masasamang taong humahanap sa amin ng anak ko. Di ka naman namin maiwan kaya isinama ka na namin.”
“Kaninong bahay po ito? Sino po ang babae kanina?”
“Nandito ka ngayon sa bahay ng kamag-anak kong sina Feliza at Simon,” kwento nito. “Dito kami pansamantalang tumutuloy.”
“Heto na ang sopas,” wika ni Feliza. “Pakainin mo na siya para naman makabawi agad siya ng lakas. Mamaya ay titingnan siya ni Doktor Federer. Siya ang nag-iisang doktor dito sa isla at tumitingin sa iyo.”
“Maraming salamat po sa tulong ninyo.”
“Ano nga palang pangalan mo?” tanong ni Alia. “Saan ka nanggaling at bakit ka palaboy-laboy? Wala ka bang magulang? Pamilya?”
Natigilan siya sa pagsubo ng sopas at napatingin dito. “H-Hindi ko po alam.”
“Anong hindi mo alam?” tanong ni Feliza.
“Hindi ko po alam kung sino ako. Kung ano ang pangalan ko. Kung may pamilya ako at saan ako nanggaling. Hindi ko po alam,” may bahid ng histerya niyang wika at nasapo ang ulo. “Wala po akong matandaan. Bakit po wala akong matandaan?”
Nakaramdam siya ng matinding takot. Parang nasa isa siyang isla na walang sinumang kasama. O sa isang madilim na kahon ng kawalan. Kahit anong tanong ang gawin niya ay wala siyang makuhang sagot.
Hinawakan siya ni Feliza sa balikat. “Huminahon ka. Baka nagka-amnesia ka dahil sa pagkakabunggo sa iyo. .Hindi matindi ang mga sugat mo sa katawan. Maaring ang ulo mo ang naapektuhan.” May ipinakita itong kuwintas sa kanya. May pendant iyon na letrang ‘L’. “Nakuha namin ito na nakasuot sa iyo. Baka sakaling may maalala ka.”
Kinuha niya ang kuwintas subalit nanatiling blangko ang isip niya. Mariin siyang pumikit. “Wala pa rin po akong maalala.”
“Babalik din naman ang alaala mo. Matatandaan mo rin lahat.”
Dumilat siya. “Talaga po? Matatandaan ko po lahat?”
“Oo,” wika ni Alia. “Ganyan naman amnesia. Bumabalik din paglipas ng panahon. Huwag mo na lang pilitin ang sarili mo.”
“Paano po kung hindi na iyon bumalik? Paano po kung wala na akong maalala?” tanong niya nang may kasama pa ring takot. “Paano na po ako? Saan po ako pupunta?” Natatakot siyang mag-isa. Ano na ang mangyayari sa kanya?
Nagkatinginan ang dalawa. Ngumiti si Feliza. “Aalagaan ka namin. Kung maaalala mo ang nakaraan mo at natuklasan mong wala kang pamilya at walang babalikan, nandito lang kami.”
“Kaya kumain ka muna at magpahinga pagkatapos. Huwag ka nang masyadong mag-isip. Mamaya dadating ang doktor para tingnan ka.”
AMNESIA. Pagkawala ng alaala. Sabi ng doktor na tumingin sa kanya ay dala iyon ng pagkakabagok ng ulo niya sa kalsada nang mabangga siya ng kotse. Maaring bumalik pa iyon o hindi na. Anong bukas ang naghihintay sa kanya kung ganoon?
Hinaplos niya ang ang pendant ng kuwintas niya. Parang may lungkot na humaplos sa puso niya. Subalit bakit wala siyang maalala mula doon? Ano ang kinalaman ng kuwintas na iyon sa pagkatao niya?
May kumatok at pumasok ang dalawang batang lalaki. Parehong moreno ang kulay ng mga ito. Ang isa ay mahaba ang pilik-mata na parang manika. Parang may iba itong lahi. Habang ang isa naman ay kahawig ni Feliza.
“Binisita ka lang namin dahil gising ka na daw sabi ni Nanay,” wika ng huli. “Hindi ka na ba nilalagnat?”
Umiling siya. “Sabi ng doktor gagaling na daw ako.”
“Ako nga pala si David at siya naman si Oliver,” pakilala ng una. “Anak ako ni Mama Alia. Huwag mong hahanapin ang Papa ko dahil wala siya dito. Nasa Italy siya. Ayaw sa amin ng lola kong masungit. Kaya nga kami tumatakas at nagtatago kasi…”
“Ang dami mo namang sinabi,” putol ni Oliver sa kwento nito.
“Eh, di ikaw naman ang ipapakilala ko. Anak naman siya nila Tita Feliza at Tito Simon. Ikaw naman? Ano ang pangalan mo?”
“Wala akong pangalan. Hindi ko alam,” malungkot niyang sagot.
“Sabi ko sa iyo. Huwag ka nang magtanong sa kanya,” paninisi ni Oliver kay David. “Sa tingin ko di nalalayo ang edad mo sa amin.”
“Ilang taon na ba kayo?” tanong niya. Kahit ang edad niya ay di niya alam.
“Nine!” sagot ni David. “Pati iyon hindi mo alam?”
“Hindi. Wala nga akong matandaan, eh!”
“Kawawa ka naman. Hindi ka rin marunong magbilang?” tanong ni David at ibinuka ang kamay. “Ilan ito?”
“Five,” sagot niya. Nagtanong pa ang mga ito. Hindi lang sa pagbibilang kundi maging ang mga napag-aralan ng mga ito sa eskwelahan. Lahat ay alam niya.
“Marunong ka naman pala, eh! Akala ko wala kang naalala,” wika ni David.
“Baka hindi lahat nakalimutan niya,” wika ni Oliver. “Sabi naman ni Doktor Federer makakaalala ka rin. Siya ang pinakamagaling na doktor dito. Sa Maynila pa kasi siya galing. Pagagalingin ka daw niya. Makakapaglaro din tayo sa dagat.”
Gusto niya ang dalawa dahil mukhang mababait ang mga ito. Kahit na di siya kilala ay parang kaibigan na ang turing sa kanya. May kakulitan nga lang si David pero sa palagay niya ay makakasundo niya ang mga ito.
Kinalabit ni David si Oliver. “Teka, anong itatawag natin sa kanya kung hindi pa niya matandaan ang pangalan niya?”
“Tayo na lang ang umisip,” anang si Oliver at tumingala.
“Francis! Gusto ko ng Francis!” wika ni David.
“Ayoko ng Francis,” angal ni Oliver. “Lander! Lander na lang. Kasi letter ‘L’ ang nakalagay sa kuwintas mo. Baka sa ‘L’ nagsisimula ang pangalan mo. Kung magkakaroon ako ng kapatid, gusto ko ng Lander.”
“Gusto mo ba ng bago mong pangalan?” tanong ni David.
Tumango siya at ngumiti. “Oo. Gusto ko.”
Kahit pansamantala, kahit di niya tiyak, may pangalan na siya at may pamilya. Subalit makakabalik pa ba siya sa tunay niyang pamilya. O may babalikan nga ba siya?
PINAPANOOD ni Lander sa pag-eensayo ng arnis sina Tatay Simon at Oliver habang nakaupo sa harap ng bahay-kubo na tahanan ng pamilya Estella. Katabi niya si David. Tatlong buwan na siya sa tahimik na isla. Nakabalik na ang lakas niya sa tulong ni Doctor Federer. Nakabuti daw sa katawan niya ang pagtira sa tabing-dagat. May makabagong kagamitan din sa clinic ni Doctor Federer dahil doktor ito ng pamilyang may-ari ng malaking villa sa isla. Kahit di na siya dalhin pa sa kabisera ay gumaling siya.
Umalis na ng isla ang nanay ni David. Kailangan din nitong maghanap-buhay sa ibang lugar. Ang importante daw ay di matunton si David. Mukha namang naiintindihan ni David ang sitwasyon at di nalulungkot sa pagkawala ng ina.
Bakasyon pa rin noon sa eskwelahan kaya tuwing hapon ay nag-eensayo ang mag-ama ng arnis. Si Mang Simon ang head ng security Villa Marina, pinakamalaking bahay sa isla. Kaya magaling ito sa iba’t ibang klase ng martial arts.
Matapos maglakad-lakad sa dagat ay pinapanood niya ang mga ito. Magaan ang pakiramdam niya kapag nakikita iyon. Parang pamilyar na ang ganoong eksena sa kanya. Pati ang galaw ng mga ito ay parang nakita na niya.
“Oliver, bilisan mo ang mga galaw mo! Huwag kang papatay-patay!” mariing utos ni Simon at hinampas ang magkakrus na yantok sa tapat ng ulo na hawak ni Oliver.
“Bata pa po ako, Tay. Mahirap ang ginagawa ko. Saka kailangan ko po ba talagang gawin ito? Ayoko pong makasakit ng kapwa ko,” angal ni Oliver. Walong taon pa lang kasi ito. “Sabi mo ni Nanay huwag daw po akong makikipag-away.”
Sumugod muli si Mang Simon. “Hindi ko sinabing makipag-away ka. Tinuturuan kita para ipagtanggol ang sarili mo.”
“Ayoko na po,” humihingal na wika ni Oliver na anumang oras ay babagsak sa sobrang pagod.
“Ang hirap talaga ng pinagagawa ni Tito kay Oliver,” sabi ni David. “Parang sa pelikula ko lang naman napapanood iyan.”
“Mukha namang hindi mahirap ang ginagawa ninyo,” nausal niya.
“Sige nga. Subukan mo,” hamon ni Oliver at ibinigay sa kanya ang dalawang piraso ng yantok. “Akala mo naman kasi madali. Di mo pa naman nasusubukan.”
Kinuha niya ang yantok dito at tumayo sa tapat ni Tatay Simon. Inilagay niya ang isang paa sa harap, ang isang yantok palihis sa tabi niya bilang depensa at ang isang yantok na hawak niya ay parang naghahanda para sumugod.
Tumango-tango si Tatay Simon. “Tama ang tayo mo na iyan.”
“Napanood ko po siguro sa inyo.” Pero parang sanay na siya sa ganoong tayo.
Umatake ito. Kaliwang balikat niya ang unang puntirya. Nagawa niyang iilag ang katawan at sanggiiin ng patpat ang pag-atake nito.
“Tsamba!” pabirong kantiyaw ni Oliver.
Parang inaalalayan lang naman kasi ni Tatay Simon ang paglaban sa kanya. “Tay, mas bilisan pa po ninyo!” wika niya.
Mas bumilis pa ang galaw nito kahit na nakaalalay pa rin. Nagawa niyang salagin ang lahat ng palo nito. Nakikita niya ang lahat ng atake nito. Isang matinding atake ang ginagawa nito sa ibabaw ng ulo niya. Mabilis niyang pinagkrus ang yantok sa ulunan niya at bahagyang ibinaluktot ang tuhod.
Natigagal si Tatay Simon nang itinulak ng patpat niya ang patpat na gamit nito. Tumilapon ang patpat na hawak nito at sinundan nito ng tingin. Tumayo siya at itinutok sa leeg nito ang yantok niya.
Napatayo sa sina Oliver at David at pumalakpak. “Ang galing mo!” wika ni David. “Natutunan mo ba lahat iyon sa panonood lang?”
“Tay, mas magaling pa po siya sa inyo!” kantiyaw naman ni Oliver.
Tinapik ni Tatay Simon ang balikat niya. “Mukhang sanay na sanay ka sa pakikipaglaban. Hindi mo makukuha iyon sa panonood lang. Saan ka kaya natuto?”
“Hindi ko po alam.” Anong buhay mayroon siya dati at kaya niyang lumaban?
“Simula sa araw na ito, kasama ka na sa pag-eensayo namin ni Oliver. Gusto ko pang makita ang ibang kakayahan mo. Papasok na muna ako sa loob. Tapos na ang ensayo sa araw na ito. Bukas na natin ito ituloy.”
“Hindi kaya anak ka ng action star, Kuya Lander?” tanong ni David. “Ang galing-galing mong lumaban. Saka singkit ka. Baka anak ka ni Jackie Chan.”
“Jackie Chan?” Nakita niya ang isang lalaki na singkit ang mata at lumalaban sa sampung lalaki nang sabay-sabay. “Hindi naman siya ang tatay ko.”
Isang lalaki na bahagyang singkit ang mga mata at maamo ang mukha ang dumaan sa isip niya. Subalit mabilis iyong nawala nang marinig niya ang sigaw ng isang batang babae. “Mommy! Mommy ko!”
Tumatakbo sa dalampasigan ang bata. Nakasuot ito ng pink na bestida at nakayapak. Tinatangay ng hangin ang kulot nitong buhok na may pink na ribbon. Sa palagay niya ay limang taon ang edad nito. Mukha itong manyika.
“Sino siya?” tanong niya kay Oliver.
“Si Zygryd. Anak siya ni Sir Fidel, ang amo ni Tatay,” paliwanag ni Oliver. “Kalaro ko siya dati. Pero mula nang mamatay ang nanay niya, di na siya lumalabas sa kuwarto niya. Ayaw na niyang makipag-usap sa iba at masungit na siya.”
“Kawawa naman. Malapit siguro sila ng nanay niya.” Malungkot sigurong mawalan ng isang taong importante. Siya kaya? May nagmamahal kaya sa naiwan niya?
“Maganda siya,” komento ni David na kahit bata pa lang ay mahilig na sa magaganda. “Teka, makikipagkilala lang ako.”
“Huwag na. Baka sungitan ka lang,” wika ni Oliver.
“Guwapo naman ako. Ang mga guwapo hindi sinusungitan!” sigaw ni David at patakbong nilapitan si Zygryd. “Hi! Ako si David. Pwedeng makipagkaibigan?”
“Ayoko sa iyo! Ayoko dito. Gusto ko sa mommy ko!” singhal ni Zygryd at itinulak palayo si David. Lumusong ito sa tubig sa kabila ng malalaking mga alon. Wala sa isip nito ang panganib na naghihintay dito. Nakikita niya na hirap na hirap na lumangoy si Zygryd. Di nito kayang sagasain ang mga alon.
Hangos siyang tumakbo sa dalampasigan. “David! Bakit hindi mo siya sagipin? Delikado ang tubig ngayon,” sigaw niya habang tumatakbo.
“Hindi ako marunong lumangoy!” anang si David na natutuliro.
“Kuya Lander, baka mapahamak ka din kapag sinagip mo siya,” anang si Oliver na tangkang pipigilan siya.
“Wala na tayong oras.” Di na sila pwedeng maghintay pa ng ibang tao para sagipin si Zygryd. Marunong din lumangoy si Oliver pero bata pa ito. Baka di rin nito kayang sagasain ang alon. “Tawagin ninyo si Tatay Simon! Humingi kayo ng tulong sa iba! Bilisan ninyo!” utos niya sa dalawa bago tumalon sa tubig.
Malalakas ang mga alon. Di pa siya lubusang magaling para makipaglaban sa masungit na dagat. Ipinagpatuloy niya ang paglangoy. Kaunti na lang ay maabot na niya ito. Nakita niyang lumulubog-lumilitaw ito sa tubig.
Hinagip niya ang kamay nito at pinanatili ang ulo sa ibabaw ng tubig. Umubo ito nang umubo dahil nakainom ng tubig. Namumutla na ang labi nito dahil sa sobrang lamig. Makulimlim kasi ang panahon nang araw na iyon.
“Huwag mo akong ibabalik sa isla. Ayoko na doon.” Gising pa ito at malinaw ang isipan. “Ayoko nang bumalik. Gusto ko malayo dito.”
“Hindi pwede. Kailangan nating bumalik sa pampang.”
Nagpapalag ito. “Pabayaan mo ako! Ayoko nang bumalik!”
Lalo niyang hinigpitan ang pagkakahawak dito. “Pareho tayong mamatay. Hindi mo ba naisip ang mga taong nag-aalala sa iyo at nagmamahal sa iyo?” mariin niyang wika. “Iyon na ang gusto mong mangyari? Matutuwa ba ang Mommy mo kapag ganoon ang ginawa mo?”
Nanginig ang labi nito at napaiyak. Yumakap ito sa kanya at humikbi. Di na siya nakaramdam ng pagtutol mula dito at lumangoy na siya pabalik sa pampang.
Maya maya pa ay nakita niyang lumalangoy si Tatay Simon. Kinuha nito si Zygryd mula sa kanya. “Señorita, Diyos ko! Bakit umalis kayo sa mansion nang walang pasabi? May lagnat pa mandin kayo,” takot na takot na wika ni Manang Minerva, isa sa mga kawaksi sa mansion. “Tiyak na pagagalitan kami ng Daddy ninyo.”
“Wala namang pakialam sa akin si Daddy,” malungkot na wika ni Zygryd.
“Ibalik na natin siya sa mansion,” wika ni Tatay Simon at lumingon sa kanya. “Magaling ang ginawa mo, Lander. Magpalit ka na ng damit mo at baka ikaw naman ang magkasakit.”
“Salamat sa pagliligtas mo kay Zygryd,” wika ni Nanay Feliza nang tapos na siyang maligo at nagbibihis. “Pero sa susunod mag-iingat ka. Baka pati ikaw mapahamak. Paano kung nalunod ka? Delikado ang dagat.”
Ngumiti siya. “Ligtas naman po kami pareho ni Zygryd. Naawa po ako sa kanya dahil nawalan po siya ng nanay. Mukhang nami-miss mo niya ang nanay niya.” Awtomatiko siyang humawak sa leeg subalit sa pagtataka niya ay wala na ang kuwintas niya doon. “Nasaan ang kuwintas ko?”
“Baka nalaglag lang sa may dalampasigan,” wika ni Nanay Feliza.
“Hahanapin ko lang po ang kuwintas ko,” wika niya at lumabas ng bahay.
“Oliver! David! Tulungan ninyo si Lander na hanapin ang kuwintas niya!” narinig niyang utos ni Nanay Feliza.
Maya maya pa ay kasabay na niyang naghahanap ang dalawa. Subalit di pa rin nila makita ang kuwintas hanggang sa kumagat na ang dilim.
“Hindi na natin iyon makikita. Baka naman nalaglag iyon kaninang sinagip mo si Zygryd,” wika ni David na nakasalampak na sa buhanginan. Napagod na ito sa paghahanap sa kuwintas.
“Hindi na natin iyon makikita kapag nalaglag sa dagat,” sabi ni Oliver. “Huwag mong sabihin na hahanapin pa din natin doon ang kuwintas?”
Malungkot niyang tinanaw ang madilim at malawak na dagat. “Ibig bang sabihin hindi ko na makikita ang totoo kong pamilya?”
“Nandito naman kami,” sabi ni Oliver.
“Di ba magkakapatid tayo?” sabi naman ni David.
Inakbayan niya ang dalawa. “Tama. Mga kapatid ko nga kayo.”