Chapter Raphael, Sunset Shadow: Chapter 3

“Maldita talaga ang stepsister mo! Bruhita! Kung naging ako ikaw, ichi-chicharon ko siya nang buhay para wala nang peste sa buhay ko! Ikaw na nagtanggol sa kanya, ikaw pa ang ipinahamak,” nanggagalaiting sabi ni Reggie habang sinasaksak ng ballpen ang wooden table sa university grounds.

“Hayaan mo na iyon,” sabi niya habang di inaalis ang tingin sa ginagawang reviewer para sa final exam nila. “Hindi ko na lang iniisip.”

“Magpapaapi ka na lang? Masyado na siyang mapapel sa daddy mo. Pakialamera! Lagi siyang nakabuntot kahit na saan ka pumunta. Kaya tuloy di ka magkaroon ng boyfriend dahil sa pagka-intrimitida ng stepsister mo.”

Inilapag niya ang ballpen sa ibabaw ng libro. “Lalo akong igigisa ni Daddy oras na may kumausap na lalaki sa akin. Malamang forever na akong grounded. Maswerte ka na lang kung makakausap mo pa ako.”

“Buti di Cinderella ang drama ko.”

Nangalumbaba siya. “Kung makakapagsulat lang sana ako, hindi na ako mabo-bore sa bakasyon. Parang mababaliw ako.”

“Gusto mo pa ring ituloy ang istorya ng isang drug dealer?”

“I’d love to. Pero grounded na nga ako. Di na ako makakabalik sa rave party na iyon. Paano pa ako makakapagsulat nito?”

“Tutulungan kita sa story mo.”

“Ikaw ang magre-research para sa akin?” Niyakap niya ito. “You are really a dear. Sabi na nga ba’t love na love mo ako.”

“Who told you that it is about the rave party?”

“Saan mo ba ako tutulungan?”

Lumapad ang ngiti nito. “Write about my fabulous life!” He flipped his hair as if it was long. “Ang tungkol sa kagandahan ko at ang mga boylets ko…”

Kumalas siya sa pagkakayakap dito at bumalik sa pagsusulat. “Marami namang mga pulubi sa tabi-tabi. Sila na lang ang gagawan ko ng istorya.”

Padarag nitong binuklat ang pahina ng libro. “Mabuti nga sa iyo at grounded ka!”

“Mag-review ka na lang kaysa pangarapin mong maisulat ko ang istorya mo.”

Akala niya ay titigil na ito sa pangungulit nang maya maya ay kalabitin nito ang braso niya. “Zygryd, look!”

“Reg, wala akong oras sa kalokohan mo. Mag-review na lang tayo.”

“May guwapong nakatingin sa iyo!”

Inangat niya ang tingin at lumingon sa direksiyong tinitingnan nito. Isang lalaking naka-plain white shirt at dark blue jeans ang nakasandal sa puno sa di kalayuan at manaka-naka silang tinitingnan. His black hair was slightly longer than usual clean cut. At kahit sa malayo, napansin niyang singkit ang mata nito at moreno. He was assertive looking and he had a great body. At kung pagbabasehan ang standard ni Reggie ay makatulo-laway ang rating na ibibigay nito sa lalaki.

“Guwapo nga siya at sa palagay ko ikaw ang type niya,” matabang niyang sabi. Hindi siya interesado sa mga lalaking si Reggie naman ang type.

“Gaga! Ikaw ang tinitingnan niyan kanina pa. Noong bumili ako ng mirienda natin, napansin ko na di ka niya hinihiwalayan ng tingin. Sa palagay ko nahihiya lang iyang lumapit sa iyo. Torpe yata si Pogi.”

“Mukha namang di siya estudyante dito.” Sa tingin nga niya ay nasa mid-twenties na ang lalaki. “At ngayon ko lang siya nakita.”

“Gusto mo makipagkilala tayo?” tanong nito sabay hatak sa kamay niya.

“Heh! Wala akong oras sa mga lalaki. May exam pa tayo, no?”

“Sayang naman kung palalagpasin natin ang biyaya ng Diyos tulad niya.”

“Biyaya ng Diyos ka diyan.” Tiningnan niya ang relo. “Ipasa mo na muna ang project natin. Malapit na ang deadline natin.”

“OO nga pala. Diyan ka lang baka kailangan mo lang mapag-isa para di na mahiya ang biyaya ng Diyos na lapitan ka,” tukso nito.

Nangingiti na lang siyang nagpatuloy sa pagre-review nang may tumikhim sa tabi niya. “Ako ba ang biyaya ng Diyos na pinag-uusapan ninyo, Miss?” tanong ng isang lalaki na naka-uniform ng College of Engineering. Nasa kabilang building pa ang mga ito at di madalang din na may maligaw na Engineering student sa tambayan nila. May kasama pa itong dalawang lalaki na nakasuot din ng ganoong uniform.

“Malamang hindi. Sino ka ba?” mataray niyang tanong.

“At the rave party. Doon lang kami sa kabilang table.”

“Sorry. I don’t remember you at all.” Nasa research lang ang atensiyon niya noon.

Inilapit ni Elias ang mukha sa kanya. “Imposibleng di mo ako matandaan. Nagtanong ka pa nga kung pwede tayong mag-date.”

“Ano?” tanong niya sa mataas na boses. “Wala akong interes na makipag-date sa iyo o sa kahit kaninong lalaki! If you’ll excuse me, nagre-review pa ako.”

Nagulat siya nang sambilatin ni Elias ang braso niya. “Huwag ka nang magpakipot. Game na game ka kagabi tapos itinataboy mo ako?”

Umalingawngaw sa tainga niya ang sinabi nito. Game daw siya sa kahit ano. Ibig ba nitong sabihin ay cheap siyang babae? Pumiksi siya. “Mabuti pa umalis ka na lang dahil baka ano pang magawa ko sa iyo.”

Lalo siya nitong hinila palapit. “Sa palagay mo papayag ako na basta na lang sumakay sa pagpapakipot mo? Type mo naman ako bakit…”

Natigil ito sa pagsasalita nang may humatak sa kanya palayo dito. Nahigit niya ang hininga nang makitang iyon ang lalaki na kanina pa nakamasid sa kanya. Ang guwapong lalaki na di siya hinihiwalayan ng tingin. “Sinabi na niyang ayaw niya sa iyo kaya huwag mo na siyang pilitin. Pabayaan mo na lang siya.”

She was awed by his strong voice. Kahit sinong tao ay mapapatulala dito. Boses pa lang iyon. At mukhang di ito basta-basta lalaki lang. He was ready to protect her from the thugs. Kung ibang lalaki marahil ay maiinis siya dahil sa pagiging pakialamero. Pero dito ay di niya magawang tumutol samantalang di naman niya ito kilala.

Tinabig ni Elias ang lalaki. “Huwag ka ngang makialam dito! Kami lang dalawa ni Zygryd ang nag-uusap dito kaya pabayaan mo kami kung ayaw mong masaktan.”

Akmang hahatakin ulit siya ni Elias nang humarang sa pagitan nila ang lalaki. “Tigilan mo na siya!” mariing utos ng lalaki.

“Gusto mo talaga ng gulo, ha?” Sumugod ng suntok si Elias.

“Huwag!” sigaw niya. Ayaw niyang magkasakitan ang mga ito nang dahil lang sa kanya lalo na ang lalaki na ang tanging gusto ay ipagtanggol lang siya.

Walang kahirap-hirap na umiwas ang lalaki at nakita niyang may tinusok ang daliri nito sa leeg ni Elias. Napangudngod si Elias sa damuhan at di na magawang bumangon. Dumudugo ang ilong nito. Bago pa siya makapagtanong kung ano ang nangyari ay hinatak na siya ng lalaki. Sa isang iglap ay hinamig nito ang gamit at bag niya sa mesa saka sila nagtatakbo.

“Bakit tayo tumatakbo?” tanong niya. “Saan tayo pupunta?”

“Kailangan kitang ilayo sa kanya dahil baka ano pa ang gawin nila sa iyo.”

“A-Anong ginawa mo sa kanya? Humihinga pa ba siya?” nag-aalala niyang tanong. Galit man siya kay Elias, ayaw naman niyang mamatay ito.

“Pinaralisa ko lang ang isang parte ng ugat niya para di siya makagalaw. Baka magpilit na naman siyang lumaban. Babalik din siya nang kusa sa normal maya maya. Siguro naman matututo na siya ng leksiyon. Sa ngayon, kailangan mo munang iniwas sa kanila. Wala ka naman nang klase, di ba?”

Umiling siya. “W-Wala na.”

Di na siya nagtanong pa kung paano nito nalaman. Naliliyo pa siya para magtanong pa. Isa pa, mas appealing sa kanya ang ideya na kasama ito kaysa naman maglagi sa campus at makita ang mga impaktong nanggulo sa kanya. Ligtas ang pakiramdam niya habang kasama ito.

Binuksan nito ang isang kotse na naka-park at pinasakay siya sa tabi ng driver’s seat. “Mas mabuti pa siguro kung iuwi na lang kita,” sabi nito at in-start ang sasakyan.

“S-Sige,” nausal na lang niya. She felt heady. Masyadong mabilis ang mga pangyayari. Kanina lang ay tahimik siyang nagre-review. Ngayon ay kasama na niya ang guwapong lalaki na nagligtas sa kanya. Hindi niya alam kung bakit handa siyang ipagkatiwala ang buhay niya dito samantalang noon lang sila nagkakilala. It was unusual for someone like her who didn’t easily trust people. “T-Thank you for saving me. Pasensiya na kung naabala pa kita.”

“Hindi kayo nakakaabala sa akin, Ma’am.”

“Ma’am? Zygryd na lang ang itawag mo sa akin. And you are…”

Nilingon siya nito at ngumiti. “I am Lander Estrella, your bodyguard.”

“DAD, why hire a bodyguard for me? Isn’t that enough that I am grounded. This is too much,” Zygryd complained when she got home. Nagkataon na di umalis ng bahay ang daddy niya at sa bahay lang nagtrabaho nang mga oras na iyon.

Sumandal ito sa swivel chair habang nakamasid sa kanya. “I know you, Zygryd. Nothing can stop you from doing what you want. I won’t wonder if your next project is picking up a callboy. As your father, I have to do something to protect you from your self.”

“Am I that hazardous, Dad?” Tingin ba nito ay mali ang bawat gagawin niya?

“Yes! But with Lander around, I will feel at ease. You can do anything you want. Alam kong babantayan ka niya,” nakangiti nitong sabi. It was a smile of victory. Her happy days were over. Matatakasan niya si Avon pero di ang bodyguard.

Humalukipkip siya at umingos. “Wala talaga kayong tiwala sa akin.”

“I don’t trust people who might pose danger to you. Sinabi sa akin ni Lander na may nangungulit sa iyo. Mabuti at naroon siya para ipagtanggol ka.”

“I can handle it myself,” she insisted.

Hinaplos nito ang buhok niya. “I am glad that he was there. I know we don’t really meet eye to eye, Zygryd. Lumayo na ang loob mo sa akin mula nang mamatay ang mommy mo. Iniisip mo siguro na pinabayaan kita nang hayaan kitang pumunta sa lolo at lola mo sa States. I just gave you time to heal. Hanggang hindi mo na ako kailangan. Gusto ko pa ring maramdaman na kailangan mo ako.”

“Hindi ba kayo natutuwa na naging independent po ako? Is that so bad? I thought you would be proud of me.”

“I am proud of you. But as your father, I must do my responsibility. Hindi ko alam ang gagawin ko kapag nawala ka rin sa akin.”

She was hit by those words. Pakiramdam kasi niya ay di siya mahalaga sa daddy niya. Mas marami kasi itong ibinibigay na atensiyon kina Avon at Imelda. Unang beses niyang narinig dito na gusto siya nito sa buhay nito.

“Okay. Papayag na po akong magkaroon ng bodyguard.”

“Just let Lander do his job. He is a professional at mapagkakatiwalaan pa.”

Lumabi siya. “Paano naman po ninyo nasiguro?”

“Anak siya nina Feliza at Simon, ang mga tagabantay natin sa Isla Marina noong bata ka pa. Kalaro mo pa nga si Oliver.”

Pinilit niyang alalahanin ang Isla Marina, ang isla na iniregalo ng kanyang ama sa mommy niya noong nabubuhay pa ito. “Kilala ko po si Oliver. Pero wala po akong naalala na may kapatid siyang mas matanda sa kanya.”

“Basta magkapatid sila. Si Lander lang ang pwede kong pagkatiwalaan sa iyo. Siya ang pinakamagaling na security agent sa company niya. Dapat nga ay escort siya ng isang politician pero mas pinaboran pa niya tayo. So be nice to him.”

“Yes, Dad,” napipilitan niyang sagot. Utang na loob pa niya ngayon na siya ang piniling bantayan ni Lander.

Paglabas niya ng study room ay nakaabang na si Lander sa dulo ng hallway. If he helped her out a while ago out of good will, she would be really grateful. Pero bilang bodyguard niya, she was not impressed at all. Nagpapasikat. Gustong magpa-impress first day pa lang ng trabaho nito.

“Saan po tayo pupunta, Ma’am?”

Napalingon siya nang marinig ang salitang ‘tayo’. Plano talaga siya nitong sundan siya kahit saan na parang anino. Ayaw pa mandin niya na may nakasunod sa bawat kilos niya. “Diyan lang ako sa may kubo. Magre-review.”

“Okay,” anito at sumunod sa kanya.

Pinakiramdaman niya kung di na siya nito susundan pa sa garden. Bawat hakbang niya ay nasa likuran pa rin niya ito. Papasok na siya sa kubo nang tumigil siya at hinarap ito. “Hanggang dito ba sa loob ng bahay kailangan mo akong sundan? Hindi naman kita tatakasan, ah!”

“Ginagawa ko lang ang trabaho ko, Ma’am.”

“So plano mo akong titigan habang nagre-review ako. Parte pa rin ba iyon ng trabaho mo?” Di siya makakapag-review kapag may guwapong nakatitig sa kanya.

Oh, yes! She was annoyed by the fact that she had a bodyguard. But she couldn’t also deny the fact that he was good-looking, Good looking na nakaka-distract sa pagre-review niya. Sana ay matanda na mukhang maton na lang ang bodyguard na kinuha ng daddy niya para di nakaka-distract.

“Doon na lang po ako sa may garden set, Ma’am.”

Tumalikod siya para di ito makita. Nagkukunwari na lang siyang di nararamdaman ang pagmamasid nito sa kanya. Mag-concentrate ka sa review mo, Zygryd. Huwag kang magpaapekto sa isang lalaki lang.

“Hi!” narinig niyang bati ni Avon. “Magmiryenda ka muna.”

Nang lumingon siya ay si Lander ang nilapitan nito. Feeling close na agad ito sa bago niyang bodyguard. Ganoon naman ito sa una. Feeling friendly.

“Thank you, Ma’am,” narinig niyang pasasalamat ni Lander.

“Huwag nang Ma’am. Call me Avon. I am Zygryd’s sister.”

Lumapit sa kanya si Lander dala ang pagkaing bigay ni Avon. “Ma’am Zygryd, kain po tayo,” yaya nito.

“No, thanks.” Mukhang para lang dito ang iniluto ni Avon. “Doon ka na lang kay Avon. Nakakahiya kung iiwan mo siya,” sarkastiko niyang sabi.

“Walang hilig magmiryenda si Zygryd kapag nagre-review,” sabi ni Avon at hinila pa si Lander palayo sa kanya. “Masungit talaga iyan. Ayaw niyang may kumakausap sa kanya. So if you need someone to talk to, I am here.”

Go ahead! Paint me black. Doon naman magaling si Avon. Ang pasamain siya sa tingin ng ibang tao. She didn’t really care. Wala siyang ginagawang masama.

“Thank you, Ma’am,” Lander answered politely.

“Basta sabihin mo lang sa akin kapag may gusto kang kainin. Ipagluluto kita.”

“Kahit naman ano kinakain ko, Ma’am.”

“Di ka pala mahirap ipagluto. Maswerte ang girlfriend mo.”

“Wala po akong girlfriend.”

“Wala rin akong boyfriend,” anang si Avon at humagikgik.

Nairita siya sa hagikgik ni Avon. She was flirting with her bodyguard. Wala siyang planong makinig sa usapan ng mga ito. kaso ay dinig na dinig naman niya. Nawawala tuloy ang concentration niya sa pag-aaral.

Lumabas siya ng kubo at nakapamaywang na hinarap ang dalawa. “Excuse me, perhaps you’d like to lower your voice. Kung di ninyo napapansin, nagre-review ako dito at nakakaabala kayo.”

“Nagkukwentuhan lang naman kami,” katwiran ni Avon.

“At dinig na dinig ko ang kwentuhan ninyo. Paano ako makakapag-review nang maayos? Kung gusto ninyo, doon kayo sa malayo,” pagtataboy niya.

“Huwag ka namang masungit. Nakakahiya kay Lander.”

Nanlaki ang mata niya. “Ako pa ang mahihiya sa inyo? Pasensiya na kung nakakaabala sa kwentuhan ninyo ang pag-aaral ko,” aniya at sarkastikong ngumisi.

“Babalik na ako sa kitchen. See you around, Lander,” sabi ni Avon.

“Ma’am, I’m sorry,” mapagpakumbabang sabi ni Lander.

Walang kangiti-ngiti niyang nilapitan ito. “Let me set the record straight, Mr. Estrella. Ayoko ng bodyguard. Pero bilang respeto sa daddy ko at sa trabaho mo, hindi ako kumontra. Sana lang gawin mo nang maayos ang trabaho mo.”

“Yes, Ma’am.”

“Isa pa pala…” At huwag kang makikipag-usap kay Avon, gusto sana niyang idagdag. Pero bakit naman niya gagawin iyon? Nagseselos ba siya? No way! Wala na siyang pakialam kung anuman ang gawin ng dalawa. “Mag-relax ka kapag nandito ka sa bahay. Hindi mo ako kailangang bantayan dahil di naman ako tatakas.”

Sumilay ang ngiti sa labi nito. “Thank you, Ma’am.”

Saglit siyang natigagal sa ngiti nito. Naniningkit kasi ang singkit na nitong mata. And it was cute. Binawi niya ang tingin dito at naglakad palayo.

She must be out of her mind. May crush siya sa bodyguard niya!

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.