Chapter Raphael, Sunset Shadow: Chapter 4

Inunat ni Zygryd ang mga kamay para mabawasan ang pagod at stress na naramdaman niya sa katatapos pa lang na final exam. “Ah! Pwede na akong mag-relax.”

“Pwedeng-pwede ka nang mag-relax lalo na’t may bodyguard kang guwapo,” kinikilig na sabi ni Reggie. “It feels good to relax in his arms.”

Napangiwi siya. “Hindi ko pinagnanasaan ang bodyguard ko.”

Her friend’s idea was unsettling. Kung may nararamdaman man siyang atraksiyon kay Lander ay di niya pinapansin. Ipinaalala naman nito.

“Sana may ganyan ding guwapo na magtanggol sa akin. Ang swerte mo.”

“Swerte ba iyon? Maisip ko lang na may bodyguard ako, hindi na ako makahinga.”

“Isipin mo na lang, boyfriend mo siya.” Ngumuso naman ito sa direksiyon ni Lander. “Tingnan mo. Dinudumog na siya ng mga girls.”

“Ha?” Lumingon siya kay Lander na nasa kabilang table lang. May dalawang babae nang naki-share sa upuan nito at nagpapa-cute. Maging ang ibang table sa paligid nito ay puro babae na ang umookupa at lahat ay nakatingin kay Lander. Si Lander naman ay patay malisya lang habang nagbabasa ng libro.

“Hindi pa niya ipinapakita ang martial arts skills niyan. Lalo na siguro kapag nag-flex pa siya ng muscles niya? Titili na talaga ako!”

Kahit siya ay gustong magtitili sa kilig nang makita niyang makipaglaban si Lander. Naunahan nga lang siya ng pagkatulala.

“Huwag kang maingay at baka marinig ka,” saway niya.

“Puntahan mo na si The Bodyguard at baka agawin sa iyo ng mga girls na iyan. Look! Mukhang mimiryendahin na nila si Lander.”

Tumayo siya at nilapitan ito. “Lander, saluhan mo na kami doon ni Reg. Malungkot kumain nang mag-isa. Saka um-order kami ng extra para sa iyo.”

“Wait, Miss! Kami ang nauna sa kanya,” angal ng babaeng ka-share nito sa table.

Namaywang siya. “Ah! Anong nauna? May contest ba dito?” Naiinis siya. Siya lang ang may karapatan kay Lander. Binabayaran ng daddy niya ang oras nito para bantayan siya at di para hayaan ang ibang babae na magpapansin dito.

Tumayo din ang babae at namaywang. “Ikaw ba may karapatan sa kanya at ganyan ka umasta? Girlfriend mo ba si Lander?” naghahamon nitong tanong.

Napipilan siya nang tumayo si Lander. “Girlfriend ko siya, Miss. Excuse me lang.”

Tumiklop ang dalawang babae at tinaasan niya ng kilay. Natutuwa siya dahil sinabi ni Lander na girlfriend siya nito. Natahimik na kasi ang mga intrimitidang babaeng nagpapa-cute dito. “Sino ba ang mga iyon?”

“Naki-share lang sa table ko, Ma’am.”

“Kung kakain lang din naman, maki-share ka na sa akin.”

Masama ang timplada niya dahil nakamata pa rin ang mga babae sa kabilang table. Sige naman si Reggie sa paglalagay ng pagkain sa harap nito. “Kain ka nang kain, ha? Para talaga sa iyo iyan.”

“Thank you, Sir.”

Pinigil niyang bumulanghit sa pagtawa nang mapipilan si Reggie. “Sige. Mukhang di mo matanggap ang kagandahan ko. Ahitin ko kaya ang kilay mo.”

“Hina-harass mo na yata si Lander. Hayaan mong makakain,” saway niya.

Nangalumbaba si Reggie. “Ang gwapo mo naman kasi. Pwede ka ngang mag-artista. Pang-Asian action star ang dating mo. Ako ang presidente ng fan’s club mo.”

“Wala nang bodyguard si Ma’am Zygryd kung sakali,” pabirong sabi ni Lander.

“Gawin na lang natin siyang leading lady mo. Iyong ipinapakain sa pating, ibinibitin ng patiwarik para bongga ang beauty niya,” anang si si Reggie at tumawa. “O kaya ipinapakain sa bulkan. Bagay! Virgin na virgin pa iyan. Never been kissed. Never been touched. Hindi pa nagkaka-boyfriend.”

Sinipa niya ang binti ni Reggie. “Shut up, you pimp!”

Hinaplos nito ang nasaktang binti. “Ouch! Paano ka magkaka-boyfriend kung pati akong bestfriend mo ginugulpi mo? Nakakahiya kay Lander. Baka akala niya mas maton pa sa kanya ang binabantayan niya.”

Nagkukulitan pa rin sila ni Reggie nang mapansin niya si Avon na dahan-dahang naglalakad palapit sa kanila. Sumenyas ito na huwag silang maingay.

Then she sneaked behind Lander and covered his eyes with his hands.“Guess who?” Avon said playfully.

“Ma’am Avon,” sagot ni Lander at tinanggal ang pagkakatakip ng kamay ni Avon sa mata nito.

“Ma’am? Si Zygryd lang ang ma’am mo at hindi ako.”Tumabi si Avon sa bakanteng upuan sa tabi ni Lander. “Eksakto pala ang dating ko. Nagsisimula pa lang kayong mag-lunch.” Inalabas nito ang plastic container na may lamang pagkain mula sa loob ng bag. Hinawi nito ang pagkain na bigay niya kay Lander. “Ipinagluto kita ng beef and mushroom. Ito na lang ang kainin mo dahil masarap ang pagkakaluto ko niyan.”

“Thank you, Ma’am,” sabi ni Lander at tumingin sa kanya. “Gusto ninyo, Ma’am Zygryd? Mukhang masarap ang luto ni Ma’am Avon.”

“Allergic ako sa mushroom. Salamat na lang,” mapait niyang sabi.

“Wala naman akong hilig sa beef. Vegetarian ako,” wika naman ni Reggie.

“This is really for Lander,” sabi ni Avon at kulang na lang ay subuan si Lander. Parang boyfriend na nito si Lander kung makaasta.

“Mukhang type ng sister mo si Avon,” bulong ni Reggie. “Hindi ba lagi niyang kinukuha sa iyo ang mga lalaking type mo? Remember your crush? Si Alex?”

“Hindi ko crush si Alex,” paglilinaw niya. “Siya ang nanligaw sa akin.”

“Well, just the same. Kinuha din ni Avon ang atensiyon niya hanggang siya na ang ligawan. Ayun! Nawalan ka tuloy ng manliligaw.”

“Hindi ko manliligaw si Lander. Bodyguard ko siya.”

“Malakas ang pakiramdam nating mga babae. Tulad mo, kahit I-deny mo halata naman na crush mo ang bodyguard mo,” tukso nito.

“Wala akong pakialam sa kanya. Hindi ko siya crush!” Kahit makipag-flirt pa si Lander kay Avon o magligawan ang mga ito, wala siyang pakialam.

Kinalabit siya ni Reggie sa braso. “Naku! Andito na si King of Darkness!”

Dinaluyong ng takot ang dibdib niya nang makitang palapit sa kanila si Oscar. Ito ang masugid na manliligaw si Avon. Tuwing nakikita niya ito ay kasama lagi nito ang mga bodyguards at parang laging naghahamon ng away. Bata pa lang ay takaw-gulo na ito at numero-unong pambwisit. Seloso rin ito pagdating kay Avon.

“Hi, Oscar!” bati niya bilang warning kay Avon. Napilitan pa siyang ngumiti kahit na mas sanay siyang irapan si Oscar.

Nataranta si Avon. Tumayo ito at sinalubong din ng ngiti si Oscar. “Hi! Hindi ko alam na dadating ka pala. Di ka man lang nagpasabi.”

“Anong ginagawa mo dito, Avon?” malakas ang boses na tanong ni Oscar. Nagtitinginan tuloy ang ibang customer sa kanila. Walang pinipiling lugar si Oscar para maghari-harian. “Nakalimutan mo na ba ang usapan natin na sabay tayong magla-lunch? Di ka dapat umalis sa room mo hangga’t di ako dumadating.”

“Dinalhan ko lang naman ng lunch si Zygryd,” katwiran ni Avon at humihingi ng saklolo na tumingin sa kanya.

“Kailan ka pa nagluto ng lunch para kay Zygryd?” naghihinalang tanong ni Oscar. Saka nito dinuro si Lander. “Baka naman itong lalaking ito ang ipinagluto mo. May gusto ba siya sa iyo? Nililigawan ka ba niya?”

“Boss, babanatan na ba namin?” tanong ng bodyguard ni Oscar.

Mabilis niyang hinila si Lander sa likuran niya. “T-Teka, huwag naman ninyong ganyan. Ako ang kasama niya.”

“Saka si Lander ang crush ni Zygryd,” salo pa ni Reggie. “Nagku-kwentuhan lang naman sila ni Avon. Malay mo magka-boyfriend na si Zygryd. Masaya, di ba?”

Umabrisyete siya kay Lander. “Kaya wala kang dahilan para magselos. Sige na. Mag-lunch na kayo ni Avon,” pagtataboy niya. Sana lang ay maniwala si Oscar sa pakulo nila. Kundi ay tiyak na magkakaroon ng rumble doon. Ayaw niya ng gulo.

Avon tugged Oscar’s arm. “Umalis na tayo. Nag-eeskandalo na tayo dito.”

Di pa rin nawala ang matalim na tingin nito kay Lander.“Oras na makita pa kitang lumalapit kay Avon, ipapapulbos kita sa mga tauhan ko. Nagkakaintindihan ba tayo?”

Yumuko si Lander at tumango. Sa kakayahan nito, kaya naman nitong labanan si Oscar pero pinili na lang nitong manahimik. Kung ibang lalaki lang marahil ito ay baka ito pa mismo ang naghamon ng away. And for that, she was thankful.

“I said let’s go!” At saka hinila ni Avon si Oscar palayo. Patuloy pa rin sa pagtatalo ang dalawa kahit na makalabas na ng restaurant.

“Sorry, Ma’am,” hinging paumanhin ni Lander.

“Hindi mo naman kasalanan iyon. Mahilig lang talagang manggulo si Oscar. May pagka-territorial kasi siya pagdating kay Avon.,” paliwanag niya. “Basta kapag nandiyan siya huwag mo na lang pansinin.”

“Tama,” dagdag ni Reggie. “Dito ka na lang kay Zygryd. Walang hassle. Wala ring Oscar na gugulpi sa iyo.”

“Ako na lang ang gugulpi sa iyo,” nakangising sabi niya kay Reggie. “Namumuro ka na sa akin, eh! Bakit mo sinabing crush ko si Lander?”

“Wala namang masama sa sinabi ko. Tinulungan ko lang kayo para mawala ang pagka-praning ni Oscar,” depensa ni Reggie.“Pwede naman ninyong totohanin ni Lander.”

“Lander, don’t listen to Reggie,” maagap niyang sabi kay Lander bago pa nito bigyan ng masamang kahulugan ang lahat. “Freak iyan.”

“Mas freak ka dahil ayaw mong magka-boyfriend.”

“Aanhin ko naman ang lalaki kung kaya ko nang mag-isa?”

“Iba pa rin kapag may nagmamahal, Ma’am,” wika naman ni Lander.

“Pagmamahal? Naniniwala ka bang totoo iyon?” Napailing na lang siya. “Parang kumuha ka ng kutsilyo na isinasaksak mo sa sarili mong puso. It is suicide. Buhay ka pa pero dahan-dahan ka namang pinapatay. Mas masaya na ako kung mag-isa lang ako.”

Natahimik ang dalawa subalit naramdaman niya ang titig ni Lander sa kanya. Ano ngayon kung iisipin nitong weird siya o abnormal? Mas gusto na niyang walang maramdaman kaysa naman ang masaktan. Sawa na siyang masaktan.

“SINABI sa akin ni Oscar na dikit daw nang dikit ang bodyguard mo sa anak ko. Kabago-bago pa lang niya dito, mapapel na agad siya. Kung siya lang ang pagseselosan ni Oscar, mabuti pang sesantehin mo na ang Lander na iyan,” mataray na wika ni Imelda nang solo siya nitong kausapin matapos ang hapunan. Pati pala iyon ay ginawang malaking isyu ni Oscar. At siyempre, sa kanya ang bagsak ng sisi.

“Tita, nagkataon lang na gumawa ng lunch si Avon at ipinatikim niya sa amin. You know how friendly Avon is,” paliwanag niya kahit na kailangan niyang pagtakpan ang mga ginagawa ni Avon. Ito naman kasi ang gumagawa ng sakit ng ulo nito.

“Mabuti nang kusang lumayo ang bodyguard mo sa anak ko. He should know his place. Ayokong magkaroon ng dahilan si Oscar para layuan si Avon,” anito at nagsindi ng ladies cigar. Halatang tensiyonado ito.

It was her stepmom’s ultimate dream to marry off Avon to a moneyed family like that of Oscar dela Merced. Hawak ng mga dela Merced ang pinakamalaking freight company sa bansa at si Oscar ang solong tagapagmana. Kung pakakasalan ni Avon si Oscar, di na nito kailangan pang magtrabaho.

“Don’t worry, Tita. Sinabihan ko na po si Lander.”

“One more thing. Hindi ka makakasama sa bakasyon namin sa Australia.”

Maang siyang tumingin dito. “But why? Naplano na po iyon.”

Nilingon siya nito nang may imbing ngiti sa labi. “Oscar said so. Siya ang magpo-provide ng lahat sa trip. At kung makikita ka niya, maalala lang niya ang pinagselosang bodyguard mo. It will ruin everything for him and Avon. Kaya nagdesisyon kami ng daddy mo na sa Isla Marina ka muna.”

“Isla Marina? Sino po ang kasama ko?”

“Bring your bodyguard along. Matagal ka nang di nakakadalaw doon. That island is your mother’s favorite. Hindi mo ba nami-miss ang isla?”

She could feel dread creeping all over her body. Her last memory of Isla Marina was when she was five. Namatay ang mommy niya noon. Mula noon, di na niya ninais pang bumalik sa isla. Naroon ang mga masasaya at malulungkot na alaala na ayaw na niyang balikan pa.

“P-Pwede bang dito na lang ako sa bahay, Tita?” aniyang may halong pakiusap. There was no way that she would step on that island again.

“Afraid of ghosts, Zygryd?” Imelda teased.

Alam nito ang kahinaan niya at gusto siya nitong tudyuin. Umiling siya. “No. I am not a beach person. Pero kung gusto ninyo sa isla ako, doon na lang ako magbabakasyon.” Pilit siyang ngumiti. “I must be going. Goodnight.”

She was still shaken when she left the room. Iniisip niya kung dapat nga ba siyang tumuloy sa isla o hindi na. Nasa malalim siyang pag-iisip nang maramdaman niyang may humawak sa balikat niya. “Ma’am, dahan-dahan lang po!”

Pagtingala niya ay si Lander ang nasa harap niya. Napapikit siya nang malanghap ang cologne nito. Other men’s cologne irritated her but his was gentle. Parang masarap laging amuy-amuyin. Di nakakasawa.

“Ma’am, okay lang kayo?” untag pa nito sa kanya.

Napadilat siya at biglang humakbang palayo dito. “S-Sorry. Masyado lang malalim ang iniisip ko.”

“Namumutla din po kayo, Ma’am. May problema ba?”

Pumormal siya. Di siya dapat magpaapekto sa nararamdaman niyang takot sa Isla Marina o sa nararamdaman niya kay Lander. “Sa Isla Marina tayo magbabakasyon. Sa susunod na bukas na ang alis natin kaya maghanda ka na.”

“Sino pa po ang kasama natin, Ma’am?”

“Tayong dalawa lang.” Bigla siyang natigilan. Silang dalawa lang ang magkasama sa isla. May mga tauhan nga silang tagabantay doon pero sa kabuuan ay ito ang makakasama niya dahil sa trabaho nito bilang bodyguard.

Lalo yata siyang di mapapakali. Cologne pa lang nito, nakakawala na sa sarili. Mas matindi yata iyong torture kaysa ang balikan ang mga multo ng isla.

“Hindi ninyo isasama si Sir Reggie?”

“Sa Thailand siya. Pero kung ayaw mo, okay lang sa akin mag-isa.”

“Gusto ko nga po sa Isla Marina. Matagal na akong di nakakadalaw doon,” excited nitong sabi. Sana lang ay mahawa siya sa excitement nito.

Mukhang magaganda ang alaala nito sa isla. Kung magiging masaya lang sana siya tulad nito sa pagbabalik niya sa Isla Marina.

NAGKULONG sa loob ng maliit na cabin ng private yacht si Zygryd habang bumibiyahe sila ni Lander patungo sa Isla Marina. Limang oras iyon mula sa pantalan kaya pinili niyang itulog na lang. Parang naghahanda siya sa isang malaking laban.

Nasa kalagitnaan siya ng pag-idlip nang katukin ni Lander ang cabin. “Ma’am, lumabas na po kayo. Malapit na po tayo sa isla.”

Bahagya pa siyang hilo nang umakyat at tinabihan si Lander sa pagtanaw sa isla. It was a breathtaking sight. Asul na asul ang tubig at kitang-kita ang puting buhangin. She could feel the old excitement jump inside her chest. Iyon ang pakiramdam niya noong masaya pa ang pamilya niya at inaakala niyang parang isang paraiso ang buhay niya. Hanggang maging isang masamang panaginip ang lahat.

“Ma’am, may problema po ba? Masyado po yata kayong tahimik.”

Inayos niya ang sunglasses niya. Ayaw niyang makita ng kahit sino ang nararamdaman niya. Lalo na si Lander. Why was he so damn observant?

“I am okay. I just don’t like beaches,” she answered blandly. Saka niya ito tinalikuran para di na ito magtanong pa.

Maya maya pa ay dumaong na sila sa wooden dock ng isla. Di maikakaila ang tuwa sa mga mata ni Lander. “Ang ganda pa rin dito. Halos walang nagbago. Buti at di ginagawang resort ng daddy ninyo ang isla, Ma’am. Mabuti iyon para di masira.”

“Wala nga halos nagbago dito. Matagal na akong di nakakapunta pero parang kahapon lang ako umalis dito.”

“Gaano katagal na kayong di nakakapunta dito, Ma’am?”

“Since I was five.” Nangako siya na di na siya babalik pa sa isla. Ni ayaw nga niyang mababanggit ang pangalan ng isla noon.

Dalawang kababaihan ang sumalubong sa kanila. Ang mas matandang babae ang kumausap sa kanila. “Señorita, ako po si Minerva. Naalala po ba ninyo na ako ang nag-alaga sa inyo noong bata pa kayo?”

“Nanay Minerva!” Niyakap niya ito. “Kumusta na po kayo?”

“Tumatanda na. Akala ko nga po tatandang-dalaga na ako sa pag-aalaga sa inyo dati sa awa ng Diyos nakapag-asawa naman ako at ito ang anak kong si Normita,” pagpapakilala nito sa dalagitang kasama. “Dalaga na kayo, Ma’am at ang ganda-ganda pa. Kamukha po ninyo ang mommy niya.”

Malungkot siyang ngumiti. “Salamat po dahil nandito pa rin kayo.”

“Oo naman. Di ko maiwan ang villa dahil mabait ang mommy ninyo sa akin.” Napatingin ito kay Lander. “Sino po ang kasama ninyo?”

“Si Lander po. Bodyguard ko po,” pagpapakilala niya.

“Manang Minerva, di ba ninyo ako natatandaan? Ako si Lander, anak po ni Tatay Simon at Nanay Feliza. Di pa naman siguro kayo ganoon katanda para makalimot. Apat na taon lang po ang nakakaraan mula nang manggaling ako dito.”

Natawa si Aling Minerva at hinampas ito sa braso. “Ikaw iyong nakapasok sa PMA. Anong nangyari? Di ba dapat sundalo ka na ngayon?”

PMAer si Lander noon? Bakit ngayon ay bodyguard na lang niya ito? Kaya ba parang kakaiba ang galaw nito noong nakipaglaban ito noon? At di rin ito mukhang basta-basta bodyguard dahil mukha itong may pinag-aralan.

Napakamot sa ulo si Lander. “Naku! Saka na po natin iyan pag-usapan dahil mahaba pong istorya. Hayaan po nating magpahinga si Ma’am Zygryd.”

Parang may madilim na ulap na bumalot sa paligid niya nang humakbang siya papasok ng villa. Dahil halos walang nag-iba sa paligid, may alaala siyang nakikita sa bawat panig ng bahay. Nakadama siya ng ibayong lungkot lalo na’t naalala na naman niya ang mommy niya.

“Ma’am, gusto na po ba ninyong kumain?” tanong ni Manang Minerva.

“Doon po muna ako sa kuwarto ko. Magpapahinga po ako.”

“Saan po ninyo gustong mamasyal pagkatapos?” tanong ni Lander na nakasunod sa kanya hanggang pagpunta niya sa kuwarto.

Hinarap niya ito. “Gusto kong magpahinga,” aniya at isinara ang pinto.

Humiga siya sa kama at ipinikit ang mata. She just wanted to be alone. Pero mas gusto niyang umalis na lang sa islang iyon para di na siya makaramdam ng lungkot. Kaya ba niyang tumagal sa islang iyon nang di namamatay sa matinding lungkot na nadarama ng puso niya?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.