“Hmmm… ano kaya ang mas masarap? Sweet and sour lapu-lapu o steamed na lang? Parang masarap pareho.” Ini-imagine na ni Zygryd ang kakainin niya para sa tanghalian. Kasama niya si Lander papunta sa bangkaan para mamili ng bagong huling isda. Sila na ang nagprisinta na mamili para makapamasyal na rin sila.
“Marunong ka bang mamili ng isda?” tanong ni Lander sa kanya.
“Hindi,” sabi niya at sinipa ng paa ang buhangin.
“Marunong ka bang magluto?”
Nilingon niya ito at umiling. “Hindi rin. Ang alam ko lang sa isda kapag luto na ang kakainin ko na lang.” Di naman niya forte ang pagluluto.
“Sa dami ng ginawa mo na nagpasakit sa ulo ng daddy mo, di ka marunong mamili ng isda. Di ka rin marunong magluto,” anitong may halong sarkasmo.
“It is not a part of my adventurous nature.”
“Paano ka makaka-survive sa isang isla kung na-stranded ka?”
“Wala akong planong magpa-stranded sa isang isla. Akala ko palengke tips lang ang ituturo mo sa akin. Pati pa survival tips.” Bahagya niya itong itinulak. “Sige na. Makipagtawaran ka na sa isda. Panonoorin kita.”
Pumalatak ito. “Ngayon pa lang sorry na sa lalaking pakakasalan mo.”
“Dapat siguro magpakasal ako sa katulad mo. Iyong pang-all around. May bodyguard na ako, may taga-palengke pa ako.”
“Wala ka nang mahahanap na katulad ko.”
Wala naman akong planong maghanap ng iba. Ilang sandali pa lang silang nagkakasama pero parang kilala na nila ang isa’t isa. Marami siyang natutunan dito. Kung dati ay lagi siyang nakasimangot at mapag-isa, mas gusto niya ngayon na laging may kasama at kausap. Di na rin gloomy ang pakiramdam niya. She felt good about life. Pati ang mga maliliit na bagay na di niya pinapansin dati ay napapansin na niya ngayon.
At kung dati ay pinipigilan niya ang sarili na magustuhan ito, ngayon ay hindi na. Oras na malaman iyon ni Regino, sasabinin nitong nai-in love na siya kay Lander.
“Lapu-lapu ang gusto mo, hindi ba?”
Idinipa niya ang mga kamay. “Iyong malaking-malaki, ha?”
“Yes, Boss,” sabi nito at iniisa-isa ang mga huli sa bangka.
Habang nakikipag-transaksiyon ito sa mga mangingisda ay nakuha ng isang taling alimasag sa kabilang bangka ang atensiyon niya. Di kalakihan ang mga iyon at di na rin gumagalaw. “Buhay pa kaya sila?” tanong niya at tinuktok ang alimasag. Di iyon gumalaw kaya pinitik niya ang isa pa.
Napasigaw siya nang maramdaman niyang may sumipit sa daliri niya. “Ah! Lander!” Galit na galit ang alimasag na pinitik niya at ayaw bumitiw sa kanya.
“Ma’am Zygryd!” Hangos siyang nilapitan ni Lander. Nang makita nitong nasipit siya ng alimasag ay kumuha ito ng stone coral at pinukpok ang alimasag.
Mangiyak-ngiyak siya nang bumitiw ang alimasag sa kanya. May maliit iyong sugat. Hinila agad siya ni Lander sa malapit na poso at hinugasan ang kamay niya. “Ano ba naman ang ginagawa mo at nasipit ka?”
“Tinitingnan ko lang naman kung buhay iyong alimasag. Sinipit na ako.”
Idinala nito ang daliri niya malapit sa labi nito at hinipan. “Pati alimasag na nanananahimik, ginagalaw mo. Iyan tuloy ang nangyari sa iyo.”
Di siya makasagot dahil nakatulala lang siya sa labi nito habang hinihipan ang nasugatan niyang kamay. Malakas na malakas ang kaba niya habang nakatitig sa labi nito. She could imagine those lips against hers. Ano kaya ang pakiramdam?
Napakurap siya nang maramdaman niyang binabalutan nito ng panyo ang kamay niya. “Baka mamaga pa ang sugat mo. Gamutin natin pag-uwi sa villa. Pasalamat ka na lang dahil di iyong alimangong malaki ang sumipit sa iyo. Baka buong daliri mo na ang matanggal pag nagkataon.”
“Bakit buong kamay ko ang binalot mo?” angal niya.
“Para hindi ka na masyadong magkikilos. Di ko alam kung ano na naman ang susunod mong gagawin. No wonder your father hired a bodyguard for you. You can turn a small event into a chaos.”
“Overrated naman ang description mo sa ginawa ko.”
“Sir, paano naman po ang paninda ko?” tanong na mangingisda na may-ari ng mga alimasag. “Hindi na po mabibili ang mga ito.”
“Kami ang bibili,” sabi ni Lander. “Magkano po?”
“Ano naman ang gagawin natin sa alimasag?” tanong niya.
“Iuulam natin,” nakangising sabi ni Lander.
Nanlumo siya. “Ayoko ng alimasag!”
“KAIN ka lang ng kain, Señorita. Masarap itong alimasag na nabili ni Lander kahit na medyo maliit. Ginataan ko talaga para sa inyo,” sabi ni Manang Minerva nang nanananghalian na sila.
Mamasid-masid lang siya dahil di siya makapaghimay ng alimasag. May sugat ang daliri niya. Si Lander ang naglagay ng kanin sa plato niya at tagahimay niya ng alimasag.
“Gusto mo ba medyo maanghang?” tanong nito at pinigaan ng sili ang sawsawan. Nagulat siya nang kumutsara ito at inilapit sa labi niya. “Sumubo ka na.”
“Lander, hindi naman ako imbalido. Daliri lang ang masakit sa akin.”
“Ipahinga mo lang ang sugat mo. Don’t overexert your self.”
Itinaas niya ang maliit na daliri na may benda. “Anong overexert? Daliri lang ito. Hindi naman ako naputulan ng kamay.”
“Kumain ka lang nang kumain. Masamang umaangal sa harap ng pagkain.”
Napilitan tuloy siyang ngumanga at magpasubo dahil gutom na rin siya. Parang bata tuloy siya na wala pang muwang sa mundo na kailangang subuan.
“Hindi ka ba kakain?” tanong niya. Siya na lang kasi ang sinubuan nito.
“Huwag mo akong intindihin. Kaya ko ang sarili ko.”
“Ang sweet naman nila Señorita Zygryd at Kuya Lander,” narinig niyang kumento ni Normita. “Nakakakilig. Parang eksena sa pelikula.”
“Normita, nakakahiya kina Señorita!” saway ni Manang Minerva.
“Kamukha naman talaga nila iyong nasa pelikula,” anang si Normita at ipinagpatuloy ang pagkain. “Huwag na lang po ninyong pansinin ang sinabi ko.”
Pasimple niyang sinulyapan si Lander na naka-concentrate sa pagbabalat ng alimasag. Nakakakilig naman ang lahat ng pag-aalagang ginagawa nito para sa kanya. Sana lang ay sweet pa rin ito sa kanya kahit na di na niya ito bodyguard.
Napapitlag siya nang hampasin ni Normita ang mesa. “Ay! Si Señorita! Baka mahipan kayo ng masamang hangin niyan.”
“Anong masamang hangin?” tanong niya.
“Titig na titig ka kasi kay Kuya Lander. Kapag hinipan ka ng masamang hangin, napagkit na lang ang tingin mo sa kanya,” nanunuksong sabi ni Normita.
“Oy, hindi ko siya tinitingnan,” kaila niya at sumubo kahit pa kaliwang kamay ang gamit niya. Bakit ba naman may kasama siyang intrigera? Ano na lang ang iniisip ni Lander sa kanya? Nahuli tuloy siyang nakatitig dito.
“Guwapo naman si Kuya Lander. HIndi nakakahiyang titigan,” hirit ni Normita.
“Lander, alimasag pa nga,” ungot niya kay Lander. Ginutom tuloy siya sa panunukso ni Normita. Sana lang ay di sineryoso ni Lander ang mga tukso nito.
HAPON na noon at seryosong-seryoso si Zygryd sa pagsusulat ng draft ng short story na ipapasa niya. Marami siyang ideya na nakuha habang nasa isla. At dahil oras ng siesta ay pinalipas niya ang oras sa pagsusulat sa halip na matulog, Nasa kubo siya di kalayuan sa villa. Dati iyong bahay nila Lander. Inayos nito para maging pahingahan nila kapag namamasyal at ayaw pa nilang bumalik sa villa.
Natigil siya sa pagsusulat nang may tumabing sa kanya. Pagtingala niya ay nakatayo si Lander sa harap niya at may nakatakip na sarong sa ulo. He was like some ancient pirate looming over her. At siya ang prinsesang bihag nito.
Dala ang ideyang iyon ay nakangiti niyang ipinagpatuloy ang pagsusulat. Magiging magandang parte iyon ng istorya niya. “Gising ka na pala.”
“At gising ka pa rin. Hindi ka ba napapagod? Sumali ka sa general cleaning ng villa kanina. Dapat nagpapahinga ka naman.”
“Di ako makatulog kapag may iniisip ako. Kaya nagsulat na lang ako.”
“Pero sobrang init naman dito.” Itinaklob nito ang sarong sa ulo niya. “Tungkol naman saan ang isinusulat mo?”
“Well, about ancient Asian pirates. Puro na lang kasi mga Western pirates ang naisusulat sa mga libro. Sa dami ng mga artifacts mula sa pre-Spanish vessels sa buong Orient, mukhang interesting din ang buhay ng mga pirates dito.”
“It will take a lot of research,” he remarked.
“I don’t mind. I love research.”
Inayos nito ang pagkakatalukbong sa kanya ng sarong. “Hindi ka rin dapat nagbababad sa init ng araw. Masisira ang balat mo.”
Ibinuka niya ang palad at kunwa’y ikinukulong ang araw sa kamay niya. “Ngayon ko lang naa-appreciate ang araw. Do you know that some tribes even worship the sun? Have you tried wishing on the sun?”
Pinagmasdan nito ang araw na unti-unting bumababa. “Mas gusto kong pag-isipan ang mga bagay-bagay kapag palubog na ang araw. Lagi kong tinatanong kung sino ba talaga ako, saan ako nanggaling at malalaman ko pa ba kung sino talaga ako.”
Napansin na naman niya ang lungkot sa mga mata nito. It must be sheer torture not to know who he really was. Parang isang malaking bahagi ng buhay nito ang nananatiling blangko. At hanggang ngayon ay di pa rin buo ang pagkatao nito.
“Wala ka bang natatandaan na kahit ano?” tanong niya.
“Bukod sa kuwintas na ito, wala na. Maliban sa madalas kong mapanaginipan.”
Nilingon niya ito. “Ano iyon?”
“Nasa isang lugar daw ako na maraming pine trees. Makapal ang fog pero tumatagos doon ang sinag ng araw. Pwede mong isipin na nasa paraiso ka. May naririnig akong nagtatawanan. Kinakawayan nila ako. Kapag lalapitan ko na sila, bigla na lang akong nagigising. DI ko tuloy alam kung totoo iyon o panaginip lang.”
“Malay mo paradise nga iyon at doon ka galing. Di ba angel ka?”
Pinisil nito ang pisngi niya. “Puro ka talaga kalokohan.”
Tumawa siya. “I am serious. Di ka man makabalik agad sa paradise na iyon, marami namang nagmamahal sa iyo dito.”
“Gusto mo bang manghuli ng talangka? Masarap iulam iyon.”
Lumabi siya. “Ayoko! Kasisipit pa nga lang sa akin.”
“Sige. Ihuhuli na lang kita,” wika nito at hawak ang kamay niya habang papunta sila sa tabing-dagat para isa-isahin ang mga butas na bahay ng talangka. Tinangay ng hangin ang mga tawa nila.
Kahit na bumalik pa ang alaala nito, gusto niyang maging bahagi siya ng masasayang alaala nito na hindi nito makakalimutan. Because he was a major part of her happy memories. And she would treasure those memories forever.
TUTOK na tutok sa laptop computer si Fidel nang pumasok si Zygryd sa opisina nito. “Hello, Dad! Lunch break na! Tapos na ang trabaho.” Kinintalan niya ito ng halik sa pisngi at di na ito nakahuma nang I-shut down niya ang computer nito. “Isusumbong kita sa doktor mo. Hindi ka kumakain sa tamang oras.”
“What are you doing here, hija?” he asked with an amazed look. DI naman kasi niya ito ugaling dalawin sa opisina. Kahit nga sa bahay ay di sila nag-uusap.
“Wala ka daw lunch date ngayon sabi ng sekretarya mo. So here I am. I will be your date,” sabi niya habang inilalatag sa coffee table ang dala niyang pagkain. “Ipinagluto rin kita ng sinigang na sugpo. Your favorite.”
“At nagluluto ka pa ngayon. What is the occasion?”
Pinaupo niya ito. “Na-miss kita ngayong bakasyon. Ipagbabalat ko pa kayo ng sugpo. Nag-enjoy ako sa isla kaso sana mas nag-enjoy po ako kung kasama ko kayo.”
“Ang sabihin mo, ayaw mo lang talaga akong makasama kaya nga di ka sumama sa akin sa Australia, di ba?”
Natigilan siya sa pagbabalat ng sugpo. Hindi ang daddy niya ang nagpadala sa kanya sa isla. Pakana lang iyon ng Tita Imelda niya. Gusto talaga nitong solohin ang daddy niya at pinaglalayo sila. Pilit siyang ngumiti. “Babawi po ako, Daddy. Kaya kainin ninyo ang lahat ng luto ko.”
“We never really did this. Iyong ipagluluto mo ako at sabay tayong kakain,” anito at may ngiti sa mga mata habang nakatingin sa kanya.
“Marami po akong na-realize habang nasa isla ako. Masama ang loob ko sa inyo dahil pakiramdam ko iniwan ninyo ako kung kailan kailangan ko kayo. And you remarried because you don’t want me anymore. At habang ginagawa ko ang magpapasaya sa akin bilang isang individual, parang di naman ako nagiging deserving bilang anak ninyo. But despite all those differences, I still can’t deny that you are my father. I really can’t hate you because I love you, Dad.”
Ginagap nito ang kamay niya. “Hindi ka magkakaganyan kundi dahil sa mga pagkukulang ko sa iyo. I am guilty and I don’t know how to make it up with you. I am sorry for being a rotten father, Zygryd. From now on, you can do anything you want. Di kita pipigilan na magsulat. Basta di ko aalisin si Lander. It is for your protection. Gusto ko lang matiyak na safe ka kahit saan ka pumunta.”
“Wala po akong problema kay Lander.”
Kakaiba ang tingin nito sa kanya habang kumakain. “Isla ba talaga ang dahilan ng pagbabago ng isip mo?”
“Yes, Dad!” sagot agad niya.
“Bumait ka na, natuto ka pang magluto. I think there is someone special in your life who changed your mind. Must be a very special guy.”
Nataranta siya. Di niya alam kung paano niyang babalatan ang sugpo. Bakit ba malakas ang pang-amoy ng daddy niya? Nabasa agad siya nito. “Naku, Dad! Huwag ninyo akong itutukso kay Lander. Nakakahiya!”
Humalakhak ito. “Wala naman akong sinasabi, ah! Nahuhuli ka tuloy.”
Naipadyak niya ang paa. “Daddy, huwag kang maingay. Baka malaman niya.”
“Si Lander? Dalaga ka at binata siya. Wala akong tutol. Gusto ko rin naman na may magmahal sa iyo tulad ng pagmamahalan namin ng mommy mo. Sa kabila ng maikling panahon na nagkasama kami, naging masaya kaming dalawa.” There was gentleness in his eyes while he was saying those words. She knew that he was missing her mom. At sa kabila ng mga taon, mahal pa rin nito ang mommy niya.
“Dad, secret muna natin, to. Ayoko pang may ibang makaalam.”
He shook his head. “I can keep a secret but can you?”
“I am trying!” Di nga lang niya maiwasan na mapangiti o kaya ay matulala kapag kasama si Lander. But she was trying to be normal. Mahirap nga lang.
“Masyado kang transparent. Mabilis basahin ang nararamdaman mo. Kung di iyan malalaman ni Lander, manhid siya.”
“Ano po ang gagawin ko, Daddy?”
“Walang masama kung malalaman niya. Mahirap na baka maunahan ka pa.”
“TAO PO! Tao po!” tawag ni Zygryd at kinatok ang gate ng apartment nila Lander. Day off ni Lander noon. At dahil wala naman siyang klase ay naisipan niyang dalawin ito.
“Sino po sila?” tanong ni Aling Feliza na nanay ni Lander at binuksan ang gate. “Ay, Señorita! Napadalaw po kayo? Kailangan po ba kayong samahan ni Lander?”
“HIndi po. Dadalaw lang po talaga ako.” Ibinigay niya dito ang cake na pasalubong niya. “Para po sa inyo.”
“Nakakahiya naman. Wala namang may birthday sa amin.”
Natawa siya. “Pasalubong lang po iyan. Nandiyan po si Lander?”
“Nasa likodbahay at naglalaba. Siya lang naman ang maaasahan ko dahil mahina pa rin ang katawan ko. Si Oliver naman nasa eskwelahan at nasa trabaho si Simon. Pumasok ka at tatawagin ko si Lander sa likod-bahay.”
“Huwag na po. Ako na lang po ang pupunta sa kanya,” aniya at pumunta na sa likod-bahay. Maayos at masinop ang maliit na apartment ng pamilya. Napaka-homey ng lugar. Pakiramdam niya ay welcome na welcome siya doon.
Nang sumilip siya sa pinto ay nagpipiga ng kumot si Lander na binabanlawan nito. Napahawak siya sa pinto at bahagyang nagkubli habang pinapanood ito. Walang suot na pang-itaas si Lander at maong na short lang ang suot nito. He looked tanned all over. Lean din ang katawan nito pero puro muscles ang mga iyon dahil na rin sa klase ng training at trabaho nito. Nanlalambot ang tuhod niya at napansandal sa hamba ng pinto. Parang gelatin ang tuhod niya at tutumba siya kung walang kakapitan.
“Ang macho naman ng labandero dito.”
Gulat na lumingon sa kanya si Lander. “Ma’am Zygryd, may problema ba?”
“Wala, no! Dumadalaw lang ako.”
“Sinong kasama ninyo?”
“Ihinatid lang ako ni Mang Indo. Sabi ko bahala kang maghatid sa akin.”
“Doon ka muna sa loob. Tatapusin ko lang ito.”
Kumuha siya ng bangkito at tinanghuran ito. “Hindi na. Panonoorin pa kitang maglaba.” She was fascinated with him. Kahit kasi gawaing pambabae ang ginagawa nito ay lalaking-lalaki pa rin ang dating nito. “Ideal man talaga kita. Di ka lang bodyguard. Di ka lang Palengke King. Labada King ka rin pala. Mahal na tuloy kita.”
“HIndi ko naman pwedeng paglabahin si Nanay. Bawal sa kanya ang mapagod.”
“Bagay nga sa iyo na maging model ng sabong panlaba. Hindi lang panlaba, pampaligo niya,” pabiro niyang sabi dito.
Naningkit ang singkit na nitong mata. “Sinasabi mo ba na sabong panlaba din ang ipinapaligo ko?” Sumalok ito ng tubig sa pamamagitan ng palad at isinaboy sa kanya.
Napasinghap siya dahil basang-basa ang mukha niya. “Lander!” sigaw niya at biglang tumayo. “Look! Pati damit ko basa na rin!”
“Sorry,” anito at itinaas ang kamay.
“Anong sorry?” Kinuha niya ang hose ng tubig at tinutok sa katawan nito. Humalakhak siya nang makitang halos malunod ito sa tubig. “Iyan ang bagay sa iyo.”
“Teka. Sumosobra ka na!” Kumuha ito ng tabo at sumalok ng tubig sa batya saka siya sinabuyan ng tubig. “Kung amoy sabong panlaba ako, fabric conditioner ka naman.”
“Lander! Ang lagkit noon!” Itinutok niya ulit ang hose ng tubig dito para makaganti. Di naman ito nagpatalo at patuloy sa pagsaboy sa kanya.
Nahilam siya at napaiyak dahil masakit ang mata niya. “Aray!”
Tumigil si Lander sa pagsaboy sa kanya at nilapitan siya. “Anong masakit?”
“Ang mata ko.” Pilit siyang dumilat. “Namumula ba?”
Hinapit nito ang baywang niya at saka hinipan ang mata niya. “Sorry. Maghilamos ka kaya? Baka may nakapasok na foreign object sa mata nito.”
Nakatunganga lang siya dito. Ang lapit-lapit ng mukha nito sa kanya. Kaunting tingkayad nga lang ay pwede na niya itong halikan. Nakatitig lang siya sa labi nito at pinagmamasdan ang pagbuka ng bibig nito. It was so tempting!
“Susmaryosep! Anong nangyayari dito?” bulalas ni Aling Feliza nang makita sila.
Bigla siyang natauhan. Natawa siya nang mapagmasdan ang itsura nila ni Lander. Pareho silang mukhang basang-sisiw. “Summer po kasi. Masyadong mainit kaya nagpalamig lang kami,” palusot niya.
“Señorita, baka po magkasakit kayo. Magbanlaw na po kayo sa loob,” yaya sa kanya ni Aling Feliza. Saka nito binalingan si Lander. “At ikaw, tapusin mo ang paglalaba. Huwag ka nang mag-aksaya ng tubig. Bilisan mo diyan at magsasampay ka pa.”
“Opo, Nay,” anang si Lander at binalikan ang binabanlawang kumot.
Humagikgik siya. Napaka-macho kasi nito pero tumitiklop naman sa nanay. At dahil doon, lalo lang siyang na-in love dito.