Chapter Raphael, Sunset Shadow: Chapter 7

Matapos maligo at magbihis ay tumuloy sa kusina si Zygryd. Suot niya ang duster na ipinahiram sa kanya ni Aling Feliza dahil wala siyang baong damit. Naabutan niyang naghahanda nito ng miryenda na dala niya. “Tutulungan ko na po kayo,” prisinta niya at kinuha ang kutsilyo para hiwain ang cake.

“Bisita po namin kayo, Señorita. Nakakahiyakung tutulungan pa ninyo ako. Pasensiya na nga pala kayo sa duster.”

“Presko nga po sa katawan.” Matangkad siya kaysa dito kaya umabot hanggang sa ibabaw ng tuhod niya ang duster. “Nasaan po si Lander?”

“Nagsasampay na sa labas. Kausap niya si Oliver.”

“Susunduin ko na po sila para magmiryenda,” sabi niya at pumunta sa likod-bahay na nagsisilbing labahan at sampayan. Tatawagin na sana niya ang mga ito nang mapansin niyang seryoso ang pinag-uusapan ng mga ito.

“Umamin ka na, Kuya. Nai-in love ka na kay Señorita Zygryd,” tukso ni Oliver kay Lander. “Wala ka nang bukam-bibig kahit kay Kuya David kundi siya.”

Sumasal ang kaba sa dibdib niya. In love din sa kanya si Lander? Parang gusto niyang magsisigaw sa sobrang tuwa. Masyado kasi siyang naka-focus sa nararamdaman niya kay Lander. Di niya naisip na baka gusto rin siya nito.

“Natutuwa lang ako sa kanya. Hindi ako in love,” kaila ni Lander.

“Sobra ka naman kung matuwa. Ikaw na rin ang nagsabi na naiinis ka sa mga lalaking gustong manligaw sa kanya kaya minsan gusto mo na lang takutin. Hindi na iyon sakop ng pagiging bodyguard mo,” paalala ni Oliver.

“Gusto ko lang na makatagpo siya ng matinong lalaki. Iyong mga lumalapit sa kanya mukhang mga playboy o kaya walang buto. Paano siya ipagtatanggol ng mga iyon? Sagana lang sa pera at sa daldal. Buti na lang sinusungitan ni Zygryd.”

Humalukipkip si Oliver. “In love ka nga sa kanya!”

“Hindi pwede. Labag sa professional ethics ko na ma-in love o magkaroon ng relasyon sa kliyente ko. So off limits si Zygryd.”

Bumagsak ang excitement niya. Masyado nga palang maprinsipyo si Lander. Kahit pa siguro siya ang magtapat ng nararamdaman dito ay di nito papansinin. May professional relationship sila at iyon ang priority nito.

“Ibig sabihin liligawan mo siya kung hindi mo siya kliyente?” tanong ni Oliver.

“Bakit hindi? Maganda siya at mabait. Masungit nga lang noong una,” nakangiting sabi ni Lander. “Pero imposibleng maging kami. Kaya tigil-tigilan mo na rin ang katutukso mo sa akin.”

Ilang sandali niyang kinalma ang sarili. Magulo kasi ang isipan niya. Kung pipiliin niyang alisin itong bodyguard niya, ano ang garantiya na liligawan siya nito? Maliban na lang siguro kung siya mismo ang manligaw dito. tiyak na pagtatawanan lang siya ni Lander at di seseryosohin. O kaya ay magagalit pa ito.

Napansin niyang tapos nang magsampay si Lander kaya sumungaw na siya sa pinto. “Ipinapatawag kayo ni Nanay Feliza. Magmiryenda na daw,” aniya at pilit na ngumiti. Di niya alam kung paano aakto nang normal matapos ang mga narinig niya.

“Ayos! Kanina pa ako nagugutom sa school,” sabi ni Oliver at pumasok na.

Naiwan si Lander na nakatayo at nakatulala sa kanya. “Naka-duster ka?”

Napayuko siya at pinagmasdan ang suot na duster. “Ipinahiram ng nanay mo. Wala kasi akong damit. Maya maya daw matutuyo na ang damit ko. Pangit ba?”

Umiling ito. “Bagay pala sa iyo ang naka-duster. Mukha kang babae.”

Magaan niya itong sinuntok sa braso. “Ah, hindi pala ako mukhang babae.”

Natawa ito. “Mas bagay lang sa iyo kapag ganyan. Kaso huwag kang magsusuot ng dress sa school. Dudumugin ka lalo ng manliligaw. Mahihirapan akong magbantay sa iyo.”

“Dumagdag ka lang sa manliligaw ko para di mo na ako bantayan,” aniyang malapad ang ngiti. Gusto lang niyang malaman ang reaksiyon nito.

“Anong palagay mo sa akin? Bantay-salakay?”

Nakalabi siyang sumunod dito nang pumasok sa bahay. Kung ano ang virtue nito, iyon naman ang downfall niya. Pinahihirapan talaga siya nito. Bakit naman kasi mahirap ang ma-in love! Nato-torture lang ang puso niya.

“THANK you sa pagdalaw mo sa bahay. Natutuwa kasi si Nanay kapag may bumibisita sa kanya. Nakita mo ba na mas lumakas siya?” anang si Lander nang ihahatid na siya. Di na siya nagpasundo sa driver niyang si Mang Indo dahil ito ang gusto niyang maghatid sa kanya para mas matagal silang magkasama. Gamit nila ang second-hand na kotse ni Lander.

Nag-enjoy din siya sa pagdalaw sa mga ito. Maraming kwento si Aling Feliza. Makulit din si Oliver gaya noong mga bata pa sila. Si Mang Simon ay madalang magsalita pero mamatay-matay siya sa katatawa kapag nagkwento. Simple lang ang pamilya nila Lander pero masaya ang mga ito. At naramdaman niya na bahagi na rin siya ng pamilya ng mga ito.

Nang pumasok sila sa harap ng villa ay nagkakape sa terrace sina Fidel, Imelda, Avon at Oscar. Bigla nasira ang timpla niya nang makita ang huli. Mabuti na lang at sa bahay nila Lander sila nag-dinner kundi ay mawawalan siya ng gana.

“Lander, join us for coffee,” yaya ni Don Fidel dito.

“Thank you na lang po, Sir. Ihinatid ko lang si Ma’am Zygryd,” magalang na sagot ni Lander at saka bumaling sa kanya. “Magkita na lang tayo bukas.”

“Ingat ka sa pagda-drive mo.”

“I thought you have a very peculiar taste when it comes to men, Zygryd. Pero di ko alam na ang peculiarity mo ay babagsak sa isang bodyguard lang. What a pity! Wala ka na bang ibang mai-date at ang bodyguard mo na lang ang idine-date mo?” maasidong komento ni Oscar na sinundan ng tawa ni Imelda.

“What a pity indeed.” Ngumiti siya subalit pinipigil lang niyang sumambulat ang iritasyon niya. Bisita pa rin nila si Oscar. “Kumpara sa ibang lalaki, hamak na disente si Lander. He is a hard worker. Marangal na trabaho ang maging bodyguard. And do you know that he was once a PMAer? Kinailangan lang niyang unahin ang pamilya niya kaya nag-quit siya noong third year siya para magtrabaho agad. At least nakapag-aral siya sa PMA. Hindi ba hindi ka pumasa sa PMA, Oscar?”

Napipilan si Oscar at padarag na inilapag ang tasa ng iniinom na kape. “I must be going, Tito, Tita. Ihatid mo ako sa kotse ko, Avon.”

Malapad ang ngiti niyang umupo sa binakanteng upuan ni Oscar at nagtimpla ng sarili niyang kape. “This is heavenly!” komento niya at sumandal.

Nag-e-enjoy talaga siya kapag nababara niya si Oscar. Wala itong karapatan na maliitin si Lander. Sino ngayon ang nanliit?

“That was so rude, Zygryd. Bakit ipinahiya mo ang bisita natin?” sermon sa kanya ni Imelda.

“Ipinahiya ko ba siya, Tita? I just stated a fact.” Si Oscar nga ang unang nambastos. Ibig sabihin ay palalagpasin lang niya iyon?

“Fidel, teach your daughter some manners. I won’t have this! Hindi ako papayag na bastusin niya si Oscar ulit,” nanggigigil na sabi ni Imelda.

“I am sorry, darling but I didn’t hear anything,” anang daddy niya na naka-focus lang sa business magazine ang tingin.

“Magsama kayong mag-ama!” At saka nagdadabog na umalis si Imelda.

“Thanks, Dad!” Sinuportahan kasi siya nito kung kailan kailangan niya ito.

Kinindatan siya nito. “Basta ba ikaw!”

At kung anuman ang mga susunod niyang desisyon at plano, tiyak niyang susuportahan din siya nito.

“Handa kang I-give up si Lander bilang bodyguard mo at sasabihin mo na sa kanya na mahal mo siya? Ano naman ang guarantee na tatanggapin niya ang love mo?”

Nasa library sila ni Reggie at nagre-research nang I-bring up niya ang plano niya. “This is a gamble. Kung hindi ko sasabihin sa kanya, walang mangyayari sa amin. Gusto na rin naman niya ako kaso nga lang, ayaw niyang lumabag sa ethics ng trabaho niya. Kapag di ko na siya bodyguard, wala na kaming problema.”

Mataman niyang pinag-isipan iyon. At wala na siyang iba pang naiisip na solusyon. Tiwala naman kasi siya na para iyon sa ikabubuti nila ni Lander. Kahit naman ang daddy niya ay matutuwa sa desisyon niya.

“Bahala ka na nga. Huwag mo lang akong sisisihin kapag sinabi ni Lander na ako ang mahal niya at hindi ikaw.”

Inirapan niya ito. “Ilusyunada! Mabuti pa puntahan na natin si Lander.”

“Natetensiyon na rin tuloy ako,” anitong mahigpit na ang hawak sa kamay niya. “Sasamahan na kita hanggang sa kotse ni Lander.”

“Thanks sa support,” bulong niya.

Palapit sa naka-park na kotse ni Lander ay napansin niya na wala ito sa puno na madalas nitong sinasandalan kapag hinihintay siya sa labas ng library. “Saan kaya nagpunta si Lander?” tanong niya.

Bigla itong tumigil pagtanaw sa kotse. “Zygryd, bumalik na tayo sa library. May nakalimutan akong I-research.”

“Bakit? Wala ba diyan si Lander?”

“Andiyan… Pero…” nauutal nitong sabi. Naipilig nito ang ulo. “Wala pala.”

Namaywang siya. “Niloloko mo yata ako. Nandiyan ba siya o wala?”

“Bumalik na nga lang tayo sa library,” giit nito at hinila siya palayo.

“Teka, gusto ko lang makita si Lander,” aniya at lumapit sa kotse.

“Zygryd, sabi kong huwag mo nang tingnan!”

Subalit nahuli na ang babala nito. Nakita niya si Lander sa loob ng kotse. Subalit di ito nag-iisa. May babaeng nakayakap dito. Si Avon.

Ilang sandali siyang naestatwa sa kinatatayuan. Pakiramdam niya ay tumigil sa pag-agos ang dugo niya sa katawan. She felt numb all over.

Niyugyog ni Reggie ang balikat niya. “Zygryd, okay ka lang?”

Umiling siya at tumalikod. Nararamdaman niyang durog na durog ang puso niya. But it wasn’t enough to turn her back when she felt the tears threatening to fall from her eyes. Tumakbo siya nang tumakbo. Gusto niyang lumayo kay Avon at Lander. She wanted to ease the pain.

Hinabol siya ni Reggie at pinigilan ang kamay niya nang tatawid siya sa kalsada kahit naka-stop ang traffic light para sa mga pedestrian. “Zygryd, get hold of yourself! Magpapakamatay ka ba dahil sa lalaking iyon? Halika nga!”

At hinila siya nito sa restaurant sa tabi ng university. Sa second floor sila para di matao. Um-order ito ng isang pitcher ng iced tea.

“Iyan! Inumin mo lahat ng iyan. Magpakalunod ka kung gusto mo.”

Uminom siya ng iced tea. Bahagya nga siyang nakalma pero lalo lang sumidhi ang sakit na nararamdaman niya. “Why do this happen to me, Reggie? I thought he is the one for me. Na di niya ako sasaktan. Pero bakit ngayon pa ito nangyari kung kailan handa na akong gumawa ng paraan para sa aming dalawa?” Bakit di niya pinansin ang pagiging malapit ni Avon kay Lander. Now it was too late. “Sa dinami-dami ng babae, bakit si Avon pa?”

Napahampas ito sa mesa. “As if you don’t know your wicked stepsister. Alam siguro niya na gusto mo si Lander kaya ayun! Binakuran na.”

It only added more agony. “Araw-araw kong kasama ang babaeng iyon. Marami na silang inagaw na mag-ina sa akin. Pati ba naman si Lander?”

“Tumahan ka na. Di ka dapat magpatalo Umisip tayo ng strategy. Kung isumbong kaya natin kay Oscar ang ginagawa ni Avon? Tiyak na di niya palalampasin ang pang-aagaw ni Avon kay Lander. Gagawa siya ng paraan para maghiwalay sila.”

Matindi ang tanggi niya. “Si Lander ang sasaktan niya. Ayoko!”

“Bodyguard mo pa rin si Lander. Kung gugustuhin mo, mas madalas pa rin kayong magkakasama kaysa kay Avon. You still have a hold on him.”

Umiling siya. “Not that way. I don’t want to own him that way. I want him to love me. Mamahalin ba niya ako kung iyon ang gagawin ko?”

Humalukipkip ito. “Don’t tell me that you will give him up? Mas lalong di mo siya makakasama. Masasabunutan na kita sa sobrang kamartiran mo.”

Mapait siyang ngumiti. “Mas mabuti na iyon kaysa magkasama nga kami at pinaasa ko lang ang sarili ko mamahalin niya ako. Samantalang alam ko naman na di ako ang mahal niya. Niloloko ko lang ang sarili ko.”

Hinawakan nito ang magkabilang sentido at ipinilig ang ulo. “Ewan ko ba naman sa drama mo! Ipaglaban mo naman ang pag-ibig mo! Mas deserving ka kaysa kay Avon. Sabihin mo kay Lander na mahal mo siya.”

“I guess that is the last thing that I will do. It is too late for that.”

NAKAUPO si Zygryd sa lounging chair habang nakatingin sa walang bituing langit. Narinig niya ang pagpapatugtog ni Avon ng CD ni Britney Spears. She was in a nice mood. Kabaligtaran ng nararamdaman niya. Habang masaya ito kanina kasama si Lander, she had her first broken heart. She didn’t even know how to ease the pain.

Narinig niya ang papalapit na yabag hanggang tumigil sa harap niya. “Zygryd, sa tagal nating magkasama ngayon mo pa ba ako tatakasan? Hindi ka nagpasabi sa akin na uuwi ka na. Nag-aalala tuloy ako sa iyo.”

She fought the urge to look at him. Lest he would see longing in her eyes. She kept on focusing it to the black sky. “Sorry,” nausal niya at nalunod na ng kalungkutan niya ang lahat ng paliwanag niya.

Umupo ito sa lounging chair sa tapat niya. “Anong problema?”

Bumangon siya at kiming ngumiti subalit di niya inalis ang pagkakahawak sa kamay nito. “It is not really a problem. I decided not to have a bodyguard anymore.”

Saglit itong natigagal. “But why? May problema ba sa akin?”

You broke my heart and I have to let you go. Huminga siya nang malalim. “Kaya ko nang alagaan ang sarili ko. Si Daddy lang naman ang may gusto na mag-hire ng bodyguard. And I think I am a hindrance to your growth. Marami kang talent at maku-cultivate mo iyon kung mas challenging assignments ang makukuha mo. Kakalawangin ka lang kung magbe-baby sit ka sa akin.”

Mataman siya nitong pinagmasdan at hinaplos ang pisngi niya. “If you are decided about it, why are you crying?”

Di na niya mapigilan at napahikbi siya. “Kasi mami-miss kita.” Yumakap siya dito nang mahigpit. “You aren’t even an ordinary friend to me. You are an angel.”

“I will miss you, too. And I am glad na nag-mature ka na. Dadalawin naman kita dito, di ba? Wala pa ring magbabago. We are still friends.”

Tango ang isinagot niya subalit alam niyang marami nang nagbago. She wasn’t sure if she could still call him friend. But that was the best he could offer. Dapat ay maging masaya na lang siya sa kung anong maibibigay nito.

“Promise me that you will be happy, Lander.”

“I already am,” he whispered.

Mariin siyang pumikit. She knew why. It was because of Avon. At kahit na nasasaktan, sapat nang maging masaya siya sa kaligayahan nito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.