“Raphael, magpapakasal ka na nga ba? Naku! Paano na si Sharmaine ko? Wala na pala siyang pag-asa,” biro kay Raphael ng isa sa mga konsehal.
Nasa munisipyo sila para asikasuhin ang papeles sa kasal nila. Tatlong linggo lang ang ibinigay sa kanila para maghanda. Kaya naman nahihilo siya sa mga pagbabago sa buhay niya. Noong isang araw ay dumating siya sa Sagada para magtrabaho. Ngayon ay nagkita silang muli ni Raphael at ikakasal na siya.
Tinapik ni Raphael ang konsehal. “Basta imbitado po kayo sa kasal ko.”
“Sino si Sharmaine?” tanong niya paglabas nila ng munisipyo.
“Kababata ko. Huwag mong sabihin na nagseselos ka?”
“Nagtatanong lang ako.” Ilang beses nang biniro nang ganoon si Raphael. He was considered as an eligible bachelor. After all, he was a Lizardo.
“Idadaan pa natin ang invitation sa ninong ko sa Ambasing.”
“Teka. Sunduin muna natin si Lawrenz.” Ini-enroll na ni Raphael si Lawrenz sa klase ni Keisha. Subalit gusto pa rin niyang I-monitor ang kilos ng anak. “May online class pa siya ngayon.”
“May online class pa siya? Naka-enroll na siya sa normal school.”
“International ang standard ng online school. Wala namang masama kung mag-aral din siya doon.”
“Sa palagay ko hindi na niya kailangan iyon,” anito sa final na tono.
Bumaba siya ng kotse nang matanaw si Lawrenz kasama ang pinsang si Ayeka na halos kaedad lang nito. Namutla siya nang makita ang nagtatakbuhang mga baka na hinahabol ng mga bata. At isa si Lawrenz sa mga iyon.
“Lawrenz! Come here!” pasigaw niyang utos sa sobrang tensiyon.
“Mommy!” anang si Lawrenz at yumakap sa baywang niya. “Nakita po ninyo, Mommy? Hinabol namin ang baka. I remember the Apaches and the buffalos.”
“Huwag mo nang gagawin ulit iyon, anak. Baka sa susunod kayo naman ang habulin ng mga baka.” Mamamatay siya sa sobrang takot.
Tumawa lang si Raphael at pumalakpak. “You did a great job, son.”
“Really, Dad? Kayo rin po ba naghahabol ng mga baka nila Tito James?”
“Yes. Kasama namin sila Tito Rohann at Tito Jet Lee. Kami kasi pinagpapastol ng baka ng lolo mo noon kapag bakasyon. We should try it sometimes.”
“Yehey! Magpapastol din ako ng baka!” tuwang-tuwang sabi ni Lawrenz. Ni hindi na nito matandaan na kanina lang ay sinabihan niya ito.
Nagdadabog siyang sumakay sa kotse ni Raphael. Sa Lizardo Farm na nito tumuloy. Doon na sila tumutuloy nila Lawrenz at maging si Reggie. Katulong na kasi nila ito sa paghahanda sa kasal niya.
“Mommy, are you okay?” tanong ni Lawrenz nang mapunang tahimik siya.
“I am okay, baby,” aniya at pilit na ngumiti.
“Lawrenz, ask Tita Fawna for carrot cake. Nagpa-bake siya kay Tita Au kanina. Di ba, favorite mo iyon?” anang si Raphael. Naiwan silang dalawa sa labas ng kotse. Hinila siya nito palayo sa villa. “What’s with that long face, Zygryd?”
“Ano naman sa iyo kung nakasimangot ako? Wala na rin akong karapatan?”
“Nagagalit ka dahil gusto mong ipatigil ko ang online class ni Lawrenz?”
“Naiinis ako dahil parang nawawalan na ako ng boses bilang nanay niya!” Mariin siyang pumikit. “For six years, ako ang nagdedesisyon para sa kanya. Tapos biglang-bigla ikaw na lang ang masusunod. Parang okay lang na ipagpalit niya ang online class niya sa pakikipaghabulan sa baka.”
Natawa ito. “Doon lang nagagalit ka. Wala namang masama kung mag-enjoy siya habang bata siya.”
“And my opinion doesn’t matter?”
Naging seryoso na ang anyo nito. “No. Gusto ko lang ma-realize mo na iba na ang buhay ninyo. Lawrenz is attending a normal school now. May permanente na siyang bahay at buo na ang pamilya niya.”
“And I should get used to a domineering husband?”
“No. We should learn to share responsibilities. Dalawa na tayong pwedeng magdesisyon para sa kanya. Di ka na solong katawan ngayon. Gusto ko rin namang maging parte ng buhay ng anak ko.”
Itinaas niya ang kamay at tumalikod. “Just let me breathe. HIndi na ako makahinga.” Naglakad siya palayo dito.
Iba na ang buhay niya ngayon. Isang buhay na di niya napaghandaan. Iba na rin si Lander. Bilang Raphael, di niya ito kilala. Paano niya pakakasalan ang isang lalaki na halos di niya kilala? Makikita pa ba niya ang lalaking minahal niya dito?
NASA private library ng villa si Zygryd at binabasa ang ilan sa mga studies sa Sagada na naroon. Malaki ang nai-contribute ng lolo ni Raphael sa iba’t ibang pag-aaral tungkol sa kultura ng Sagada bilang dating mayor doon. Kaya naman malaki ang nagawa niyon para sa mga research na ginagawa niya.
Pumasok ng library si Reggie. “Bakit hindi ka sumama sa mag-ama mo? Pupunta daw sila ngayon sa Lake Danom.”
Nanatili ang paningin niya sa binabasa. “Bakit pa ako sasama? Hindi naman ako kailangan ni Raphael. Si Lawrenz lang ang kailangan niya.”
“Naku! Ngayon ka pa natutong magsentimyento.”
Isinara niya ang libro. “Totoo naman. Lahat na lang ng kilos ko mali para sa kanya. Parang inilalayo rin niya sa akin si Lawrenz.”
“Haba-habaan mo naman ang pasensiya mo. Sa mga pinagsasabi mo sa kanya bago kayo maghiwalay, nasaktan iyon. Ang alam niya hindi mo siya mahal tapos inilayo mo pa sa kanya ang anak niya. Sobrang gusto niyang bumawi sa anak niya kaya akala mo nasasagasaan ang karapatan mo.”
“Kailangan din ba niya akong saktan para makabawi siya sa akin?” Alam naman niyang may kasalanan siya. Willing naman siyang sundin ang mga gusto nito. Pero sana maging considerate din ito sa nararamdaman niya.
“Hindi iyon intentional. You are just paranoid!”
Nangilid ang luha niya. “Isa ka pa! Kaibigan kita pero kay Raphael ka kampi.”
“Iniintindi ko lang ang pinagdaanan ni Raphael. Pakiramdam niya naapi siya. Kaya nga pinoprotektahan niya ang sarili niya para di na siya masaktan. Ikaw ang magiging asawa niya. Dapat intindihin mo siya.”
“Iniintindi ko naman siya. Nasasaktan lang ako kasi mahal ko siya. Hindi ko naman siya masisisi. Basta nasasaktan lang ako.”
“Turuan mo siyang mahalin ka ulit. Nagsisimula pa lang ang lahat sa inyo. Show him that you deserve to be his wife.”
MAAGANG bumangon kinabukasan si Zygryd para ipaghanda si Raphael ng agahan. Tumulong siya sa kawaksi na si Manang Bertha sa pagluluto. Ito na kasi ang tagaluto ng mga Lizardo bata pa lang si Raphael.
“Good morning!” bati niya kay Raphael nang pumasok ito sa kusina.
“Manang Bertha, bakit hinayaan ninyong magluto si Zygryd?” tanong ni Raphael at walang kompiyansa habang tinitingnan ang niluluto niya.
“Marunong na akong magluto. Wala kaming maid ni Lawrenz kaya ako ang nag-aasikaso sa kanya.” At dahil pihikan ang bata, natuto siyang maging creative. Di man tipong pang-gourmet cook ang niluluto niya, masarap naman iyon.
“Si Zygryd nga ang nagluto ng omelet. Hihingin ko nga ang recipe niya,” depensa naman sa kanya ni Manang Bertha.
Tahimik lang ito habang kumakain. Wala naman siyang narinig na komento mula dito. Kinakain nito ang luto niya kaya ibig sabihin ay nagustuhan nito.
“Magbihis ka. May importante tayong pupuntahan ngayon,” anito pagkatapos nilang mag-agahan.
Akala niya ay may aasikasuhin sila sa munisipyo para sa kasal nila. Sa halip ay inakyat nito ang sasakyan sa Campo Santo ng Sagada. “Sinong dadalawin natin?”
“Si Papa,” sagot nito.
“Bakit hindi natin isinama si Lawrenz?”
“Galing na kami dito kahapon. Ayaw mo namang sumama dahil sabi mo magtatrabaho ka pa,” anito at nagtirik ng kandila.
“Anong ikinamatay ng papa mo?”
“He died saving me.”
“Saving you? From what? Anong nangyari?”
“I was kidnapped when I was ten. Sikat na international correspondent noon si Papa. Sikat din ang pamilya namin kaya naging target kami ng kidnappers. Dahil na rin sa bilin ng mga kidnappers, di ipinalaam nila lolo ang nangyari sa akin sa mga authorities o sa media. Itinakas ako ng isa sa mga kidnappers na naawa sa akin. Ibabalik sana ako sa mga magulang ko. Natunton kami ng ibang mga kidnappers. Tumakas ako noon sa mga kidnappers nang mabundol ako nila Tita Alia at David.”
Mahirap pala ang pinagdaanan nito. Nalayo ito sa pamilya nito at sa loob ng ilang taon ay di nito alam kung sino ito. “Ano ang nangyari sa Papa mo?”
“The kidnappers gave an ultimatum. Pinalabas nila na hawak pa rin nila ako. Nakialam na ang mga authorities sa pagre-rescue sa akin. Nataranta ang mga kidnappers. Nagpaputok sila nang matunugan nilang may mga pulis. Papa was caught on crossfire. Di nila ako natagpuan kaya ipinagpalagay nilang patay na ako.”
Walang diyaryo o telebisyon noon sa Isla Marina. Tanging radyo lang ang paraan ng komunikasyon nila kaya di rin matatagpuan si Raphael.
“Naalala mo ba kung ano ang nangyari sa iyo?” tanong niya.
“Pakonti-konti ko siyang naalala.”
“Masakit siguro para sa iyo na maalala ang lahat.” Masyado pa itong bata noon para makaranas ng matinding trauma.
“Close kami ni Papa. Kung anuman ang nalalaman ko noon galing sa kanya. ”
Humawak siya sa braso nito. “I am sorry.” No wonder he was mad at her for missing the first years of Lawrenz’s life. Nailayo ito sa sariling pamilya. Nawalan ito ng ama dahil sa pagliligtas dito. Malaki nga ang kasalanan niya dito. Tinanggal niya ang kuwintas nitong nasa kanya pa rin at lagi niyang suot. “Ibabalik ko lang sa iyo ito.”
“Nasa iyo pa rin iyan? Akala ko wala na iyan?”
“Alam ko na importante iyan sa iyo. I tainted what it means to you. But I want you to know that I treasured that necklace so much.”
Kinuha nito ang kuwintas at inilapat sa dibdib nito. “This is Lawrenz’s now. He is a Lizardo after all. Thank you for keeping it for me.”
“It is nothing.”
“Next time dalawin naman natin ang puntod ng parents mo,” wika nito. “Matagal ka nang di dumadalaw sa kanila. Mabuti na lang nadadalaw ko sila.”
Saka niya naalala ang bulaklak na nasa puntod ng magulang niya. “Salamat sa pagdalaw mo sa kanila. I really appreciate it.”
“Okay lang. Madalas kong dalawin ang isang importante sa akin.”
“Sino?” Hindi naman doon nakalibing si Avon.
Makalugan ang tinging ibinigay nito sa kanya. “Bumalik na tayo sa farm. Gusto ni Lolo na personal nating dalhin ang invitation kay Governor.”
Hinawakan nito ang kamay niya at inalalayan siya pabalik ng sasakyan. Isang malaking palaisipan sa kanya kung sino ang importanteng tao na tinutukoy nito. Ano pa ba ang hindi niya natutuklasan kay Raphael?
“MAY gusto ka pang baguhin sa gown mo?” tanong ni Jenascia, ang nobya ni Michael James at designer ng wedding gown niya.
Simpleng gown lang ang pinili niya. Dahil na rin sa suhestiyon nito, nagkaroon ng ethnic touch ang wedding gown. Sa halip na lace ay strips ng Sagada weaving ang nasa gown. Ganoon din daw ang barong ni Raphael. Isa na iyong tradisyon sa Sagada na lagyan ng ethnic weaving ang mga gown.
Umiling siya. “It is perfect.” Sa isang linggo na ang kasal niya. Pero hanggang ngayon ay di pa rin siya makapaniwala na ikakasal na nga siya. “Thank you.”
Kumatok si Amrita, ang mama ni Raphael. “Nakakaabala ba ako sa inyo?”
“Tapos na po kami,” sagot ni Jenascia. “Ia-adjust ko lang po ang gown. Ipapa-deliver ko na lang ulit two days before the wedding.”
Niyaya siya ni Amrita sa tabi ng bintana. “Halika! Tingnan mo si Lawrenz. Nag-I-sparring sila sa taekwondo ni Michael James.”
Dumungaw siya at nakita sa lawn ang pagkukulitan ng ng magtiyo. Nagkukunwari kasi na nasasaktan si James sa bawat pagtama ng sipa o suntok ni Lawrenz. Naging comical kasi ang dating at tawa naman nang tawa si Raphael habang pinapanood ang dalawa. Parang nag-iba ang aura nito. Naalala niya ang Lander na minahal niya. Na nagagawang ngumiti sa kabila ng problema.
“Huling beses kong narinig na tumawa si Raphael noong bata pa siya,” wika ni Amrita. “Nang bumalik siya sa pamilya namin, nagagawa niyang ngumiti pero parang wala siyang dahilan para tumawa. Iniisip ko tuloy kung ano ang nangyari sa anak ko at parang minsan galit siya sa mundo.”
“Baka po nawala ang isang taong importante sa kanya.” Nawala dito si Avon.
Nagkibit-balikat ito. “Sabi ng tumayong kapatid niya na si Oliver, nagulat na lang sila nang tumanggap ng mabibigat na misyon sa ibang bansa si Raphael. Ayaw daw kasi niyang umalis ng Pilipinas noon. He did dangerous missions. Iyong mga misyon na pwedeng di na siya bumalik ng buhay. Parang wala na siyang pakialam kung mabuhay man siya o mamatay.”
“Mabigat po ang pinagdaanan niya.”
“Ang sabi ni Oliver, naghiwalay sila ng girlfriend niya. Matapos ang isang linggo, basta na lang sinabi ni Raphael na pupunta siya sa Honduras. May isang anak ng mayamang negosyante na na-kidnap doon. He grabbed the mission right away. That was six years ago.”
Napalunok siya. Hindi ang pagkamatay ni Avon ang tinutukoy nito kundi ang paghihiwalay nila. Bakit pinili ni Raphael na lumayo samantalang hinihintay lang naman ito ni Avon? Nagbigay-daan na nga siya para magkasama ang mga ito.
“Pero hindi na po nagtatrabaho si Raphael sa agency na iyon.” Si Raphael ang head ng Lizardo Bus at mino-monitor ang iba pang kompanyang pag-aari ng pamilya. Ang tanging hinahawakan na lang nito ay ang security ng mga iyon.
“Dahil sa pakiusap namin. Ayaw na naming mawala siya sa amin sa pangalawang pagkakataon. He is a Lizardo now. Iba na ang buhay niya. Pero halos di nabawasan ang lungkot niya. Nakikita ko na parang may kulang sa buhay niya. Nag-iba lang iyon nang dumating kayo ni Lawrenz.”
Nakagat niya ang labi. “Tita, ayoko po sanang isipin ninyo na katulad kami ni Raphael ng normal na magpapakasal. We had our differences. Pwede rin ninyong sabihin na kasalanan ko kung bakit naging matigas siya. Hindi ko nga po alam kung dapat ninyo akong tanggapin bilang asawa ni Raphael.”
Ginagap nito ang kamay niya. “Hindi ka masamang tao. Nararamdaman ko iyon. Kung anuman ang nangyari sa inyo ni Raphael noon, labas na kami doon. Kung may nagawa ka man noon, maaring may dahilan ka. Ang importante nandito ka na ulit at maaayos na ninyo ng anak ko ang gulo ninyo noon.”
“Thank you po.”
May inabot ito sa kanya. It was a woven Sagada skirt at may kasamang woven blouse. “Ito ang isuot mo para sa kasal ninyo. After the church wedding, there will be the tribal wedding.”
“Ibinibigay po ninyo sa akin?”
Tumango ito. “It is a tradition that a mother gives it to her daughter for the wedding. During the ancient times, sila pa mismo ang naghahabi. Wala na ang mommy mo sabi ni Raphael. Ituring mo na rin akong nanay mo.”
Naluluha siyang yumakap dito. “Thank you po. You don’t know how much this means to me.” Sa kauna-unahang pagkakataon, unti-unti niyang nararamdaman ang kahalagahan niya. Na magiging bahagi na siya ng isang pamilya.
Sana ay maramdaman din niya ang pagtanggap ni Raphael sa kanya.
PARANG nakalutang si Zygryd habang isinasagawa ang pagbababasbas sa kanila ni Raphael. Matapos ang kasal sa simbahan ay isinagawa ang pagbabasbas sa loob ng bahay ng mga Lizardo bilang bahagi ng tribal wedding. Suot niya ang damit na bigay sa kanya ni Amrita. Ang elders o amam-a ng village ang namahala sa pagbabasbas.
Naroon ang tiya niya mula sa California at ang agent niya ang tumayong magulang niya. habang si Amrita naman ang para kay Raphael. Nagbigay ang mga ito ng payo at patnubay bilang mga magulang. Sa simabahan ay binati rin siya ng mga taong naging malapit sa kanya noon tulad nila Aling Turing, Manang Minerva at naroon din sina Simon at Feliza. Di niya inaakalang makikita pa niya ang mga ito.
Maganda ang okasyon na iyon kundi nga lang siya ang ikinakasal. Pakiramdam niya ay ibang tao ang ikinakasal. Naramdaman niya ang malamig na singsing na isinuot sa kanya ni Raphael. Asawa na niya ito. Nagagawa na nitong ngumiti ngayon pero pagdating sa kanya ay seryoso ito. Halos di siya kinakausap.
Pinatugtog na ang gangsa bilang bahagi ng ritwal. “Ipeyas nan gawis,” wika ng amam-a ng dap-ay o village.
“Ano daw?” pabulong niyang tanong kay Raphael.
“May all the good be poured and shared with everyone,” sagot nito.
Maya maya pa ay natapos na ang ritwal. Paglabas nila ay nagulat siya nang makitang maraming mga tao. Halos mapuno ang lawn. “Ang dami nating bisita.”
“The whole town is invited. Kahit ang mga bisita at di natin kakilala imbitado. Even the local and foreign tourists can join. Ganito kapag may kasalan dito,” paliwanag ni Raphael sa kanya. “Parang isang pamilya lang kaming lahat. This is the chance for the whole town to get together.”
Sa isang mahabang mesa sila ni Raphael. Sa harap nila ay nakapaikot ang mahahabang mga upuan habang kumakain ang mga bisita. Napaka-warm ng atmosphere ng lugar dahil parang lahat ay pwedeng magkwentuhan. She noticed that the people were wearing their best dress. Naka-woven skirt ang iba. Napaka-gandang tingnan. Nag-ayos pa ang mga ito para sa kasal niya.
Kakain na sana siya nang mapansing niyang walang kubyertos. “Raphael, nasaan ang kutsara at tinidor?”
“Killjoy ka kapag gumamit ka ng kubyertos. Lahat dito di gumagamit ng kubyertos. Finger food naman ang ihinanda natin.”
“Ha? Iniinis mo ba ako?” Sa mismong kasal niya pagkakamayin lang siya?
“Look at everyone. Lahat sila nakakamay. Kahit ang matataas na officials na invited, nakakamay din. Even Lawrenz is enjoying it. Part iyan ng tradition.”
Naghugas siya ng kamay. Mae-enjoy naman niya iyon kundi lang siya ang mismong ikinasal. Medyo nagulat lang siya. Bakit kasi di sinabi ni Raphael sa kanya? Mukha tuloy siyang walang alam. Parang nananadya ito.
“Exotic ang wedding mo!” tuwang-tuwang sabi ni Reggie. “Kahit iyong agent mong Amerikano gustong-gusto. Masaya pala dito kapag may ikinakasal. Saka hindi nakakailang. Parang pantay-pantay lang ang lahat. Lahat invited. Samantalang sa Manila maiilang ka pa rin kahit invited ka.”
“Siguro ito nga ang essence ng culture ni Raphael na sinasabi niya.”
Sa paghahanda pa lang sa kasal ay marami nang tumulong sa kanila kahit walang bayad. At kapag may okasyon naman sa iba, ganoon din ang gagawin nila. She was starting to love the town.