“Sige na. Tingnan mo na siya. Isang tingin lang. Huwag ka nang mahiya,” bulong kay Cindra ng boses sa isip niya. Parang inaakit siya na lingunin ang guwapong lalaki na kasunod niya sa paghuhulog ng coin kanina. Nakatayo ito di kalayuan sa kanya at nag-aabang din sa susunod na tren.
Pasimple niya itong sinulyapan. At ang simpleng sulyap ay nagtagal. Di kasi nakakasawang pagmasdan ang guwapo nitong mukha. Mukha itong masungit kapag di nakangiti. Pero nang ngumiti na ito kanina, parang napakaliwanag na ng mundo. Samantalang kanina lang ay parang pinagsakluban siya ng langit at lupa dahil sa ginawa ng mommy niya.
Naramdaman yata ni Guwapo na may nakatingin dito at lumingon sa direksiyon niya. Mabilis niyang binawi ang tingin at pakunwaring nagsulat na lang sa draft notebook ng ginagawa niyang play. “Ano ba ang nangyayari sa akin? Nakakahiya! Paano kung nahuli niya akong nakatingin sa kanya? Baka isipin pa niya na may gusto ako sa kanya. Huwag naman ganoon.”
Di niya maintindihan ang sarili. Marami namang guwapong lalaking pumaparada sa harap niya sa araw-araw pero di niya pinapansin. Di niya alam kung bakit ang partiklar na lalaking iyoon ang nakakuha ng atensiyon niya.
“Ay, Ineng! Dito ba ang tren papuntang Cubao?” tanong ng isang matandang babae sa kanya.
“Opo. Dito nga po,” sagot niya at tumango.
Tumawa ito. “Mabuti naman. Akala ko kasi naligaw na ako.”
“Huwag po kayong mag-alala. Tama po kayo.” Mabuti na rin na kinausap siya ng lola para mawala ang atensiyon niya sa lalaki.
Maya maya pa ay dumating na ang tren mula sa Recto. “Aalalayan ko na po kayo, Lola,” aniya at hinawakan ang matanda sa siko.
Napansin niya na may bakanteng upuan para sa kanila. Makakaupo na sana sila nang may tatlong kabataang lalaki na naka-uniform ng isang Criminology School na tumabig sa kanila at umupo sa upuang para sana sa kanila.
Napayukyok ang lola sa sahig ng tren. Ibinaba niya ang hawak na draft notebook at tinulungan itong tumayo. “Okay lang po kayo, Lola?”
“Oo. Salamat, Ineng.” Subalit halata naman na nasaktan ito.
Matalim niyang nilingon ang mga estudyanteng tumabig sa kanila. Nagtatawanan pa ang mga ito habang nagku-kwentuhan. Tila walang pakialam na may natabig itong matandang babae. At makapal pa ang mukha na umupo samantalang maraming babae at nakatatanda ang nakatayo sa tren.
“Lola, dito lang po kayo, ha?” aniya matapos itong pahawakin sa bar.
Saka taas-noo niyang nilapitan ang tatlong lalaki. Walang modo! Mga ungentleman. Dapat sa mga ito ay tinuturuan ng leksiyon. “Excuse me, mga estudyante ba talaga kayo?”
“Oo naman, Miss,” anang nasa gitna at ngumiti. “Bakit?”
Humalukipkip siya. “Parang wala kasi kayong pinag-aralan. Nakatabig na kayo ng matanda, hindi man lang kayo nag-sorry.”
“Ha? Sino?” tanong ng pinakamaliit sa tatlo.
“Iyong lola doon!” Itinuro niya ang matandang inalalayan kanina. “Tapos, kalalaki ninyong tao di man lang ninyo ibigay ang upuan ninyo sa nakatatanda at sa mga babae. Hindi ba kayo nahihiya? Sayang lang ang ipinampapaaral sa inyo ng mga magulang ninyo dahil wala kayong pinag-aralan. Philippine College of Criminology! Hindi ba kahihiyan kayo ng school ninyo?”
Di na niya mapigil magalit. Wala siyang pakialam kung maeskandalo man ang mga nasa tren. Ayaw niya sa lahat ay mga walang modong tao na naturingan pa mandin na nakapag-aral. Hindi maganda ang mood niya. Malas lang ng mga ito dahil ginalit siya nang todo. Dahil sa eskwelahan ng mga ito at sa klase ng magiging propesyon pag-graduate, akala yata ng mga ito ay pwede nang maghai-harian. Di pwede iyon sa kanya.
Tumayo ang pinakamatangkad sa tatlo. “Iyon lang ba ang gusto mo, Miss? Sige, pauupuin namin kayo. Pero sa isang kondisyon.”
“Bakit? Kailangan pa ba ng kapalit bago kayo matutong rumespeto?”
“Oo naman. Isang kiss lang naman ang hihingin namin,” anito at tumawa pa I ito. Nakitawa na rin ang mga kasama nito.
“Ano?” bulalas niya. Nuknukan pala talaga ng bastos ang mga ito.
Bumaling ito sa kanya at inilapit ang mukha sa kanya. “Ano na, Miss? Isang kiss lang naman.” Hinawakan siya nito sa braso at nanghaba ang nguso. “Alam ko naman na type mo ako kaya masyado kang papansin.”
Napaurong siya at pumiksi. Subalit di siya nito pinakawalan. Mas matangkad at mas malakas ito sa kanya. “Bitiwan mo ako,” mariin niyang utos.
“Isang kiss muna bago kita bitiwan.”
“May problema ba dito?” Her heart flipped inside her chest. It was that masculine voice again. Nang lumingon siya ay naroon si Guwapo at matiim na nakatingin sa lalaking may hawak sa kanya.
“Huwag kang makialam dito, Pare. Problema namin ito.”
“You heard the girl. She asked you to let her go. Pakawalan mo na siya at mag-sorry ka dahil sa pambabastos mo sa kanya.”
Padarag siyang binitiwan ng estudyante at hinarap si Guwapo. “Sinabi nang huwag kang makikialam sa amin, eh!”
Nagpakawala ito ng suntok. Napasigaw siya sa takot na masaktan si Guwapo. Halos magkasingtangkad lang ang dalawa. At sa klase ng background ng estudyante, alam niya na marunong itong lumaban. Nag-aalala siya para kay Guwapo.
Subalit walang hirap na sinalag nito ang suntok ng estudyante. His fingers were clawing the student’s closed fist. Sinubukang hilahin ng estudyante ang kamao nito pero di nito magawang makawala.
“Kapag nahatak mo ang kamay mo, matutuklap lang ang balat mo,” sabi ni Guwapo. “Kaya mabuti pa mag-sorry kayo kay Lola at sa kanya.” Tumango ito sa direksiyon niya. “Kapag nagmatigas ka, ikaw lang ang kawawa.”
Maluha-luha na ang estudyante sa sakit at bumaluktot ang tuhod. “Sorry na, Miss. Sorry na po, Lola. Hindi na ako uulit.”
“Ang mga kasama mo,” sabi ni Guwapo at tinanguan ang dalawang kasama nitong nakatulala pa rin dahil sa matinding takot.
“Hoy! Mag-sorry din kayo!” utos nito sa mga kasama. “Dali!”
Halos yumukyok ang dalawa pa sa sahig ng tren. “Pasensiya na po.” Nilapitan pa ng mga ito ang lola at pinaupo. “Okay na po kayo, Lola.”
Binitiwan ni Guwapo ang estudyante. “Huwag na kayong uulit.”
“Opo, Boss!” Saktong tumigil sa Betty Go Belmonte Station ang tren. “Sibat na tayo!” sigaw nito sa mga kasama at nagtatakbo palabas.
Sa panggigilalas nila ay nagtayuan din ang mga lalaking nakaupo sa tren at pinaupo ang mga babaeng nakatayo habang may takot sa mga matang nakatingin sa kanya. Mukhang natuto din ng leksiyon ang mga ito.
“Maraming salamat sa inyo, Ineng,” sabi ng lola.
“Wala po iyon,” sagot ng lalaki at ngumiti sa kanya. “Are you okay?”
Napatitig na naman siya sa mukha nito at marahang tumango. “Yeah! Thanks for the help. Pakiramdam ko kasi walang tutulong sa akin dito. I guess I created such a scandal. Mukhang maraming natakot sa akin. I was a bit harsh.”
“Those men should be really scared. Tama lang ang ginawa mo. Dapat lang na matutong rumespeto ang mga lalaki sa mga babae at nakatatanda. Kahit pa sabihin na modern age na ngayon.”
She smiled. She had just met him but she liked his character. A perfect gentleman. “Well, thanks for defending me. Kung di mo ako ipinagtanggol, baka kung ano na ang nagawa nila sa akin.”
“Ganoon naman dapat, hindi ba? Ipagtanggol ng mga lalaki ang mga babae.”
Tumigil ang tren sa Cubao Station at napasubsob siya sa dibdib nito. Maagap naman nitong inalalayan ang baywang niya. “I’m sorry…”
Natigilan siya nang malanghap ang pabango nito. Then she felt his strong muscular chest under her hands. Hay! Parang masarap na nakasubsob na lang ako sa kanya at huwag na akong bumaba ng tren.
“It’s okay. Saang station ka bababa?”
“Cubao Station,” she answered dreamily. “Nang makita niya ang nakalagay na asul na karatula sa may platform. Cubao Station na. “Oh, gosh! Dito na ang station ko. I have to go. Thanks for the help!”
Saka siya nagmamadaling bumaba ng tren. Saka lang siya nakadama ng panghihinayang nang makababa na ng tren. Sana pala ay nanatili na lang siya doon para makasama pa niya ang lalaki.
“Sayang! Hindi ko man lang nalaman ang pangalan niya. Hmmm… what shall I call him then? I gues Lam-ang would be great.”
“HAY! Guwapo talaga si Lam-ang. He got the most expressive eyes I’ve ever seen. Tapos parang matutunaw ang buto ko kapag ngumiti siya,” Cindra said dreamily. Parang nananaginip nga siya ng gising habang naiisip si Lam-ang.
Tinuktok ni Rose ng kutsarita ang tasa ng chamomile tea. “Hello, Cin! Come back to Earth. Isang oras na tayo at ilang beses mo nang paulit-ulit na ikinuwento sa akin ang Lam-ang na iyan. Sawang-sawa na ako. Saka bakit naman Lam-ang?”
“Wala siyang ipinagkaiba sa hero sa play na isinusulat ko. He is tall, gorgeous, charming and he was like a real warrior when he defended me. Kulang na nga lang magsuot siya ng woven g-string at maglagay siya ng mga necklace, pwedeng-pwede na siyang maging si Lam–ang.”
Nasa Bliss Café sila para pag-usapan ang development sa script na ginagawa niya. Madaling-araw siya dumating sa Baguio mula sa Manila. Dapat ay malungkot siya dahil binalewala ng mommy niya ang birthday niya. Pero nawala ang lahat ng lungkot at disappointment niya sa buhay tuwing naiisip si Lam-ang. She even slept with a smile and woke up gaily because she dreamt of him.
Inikot nito ang mata. “Ni hindi mo nga alam ang pangalan.”
“Paano ko nga malalaman? Umandar na iyong tren.” Nag-panic kasi siya. Nawala sa isip niya na hingin ang pangalan nito.
“Sana sumabit ka!” anito at humalakhak.
“Gaga! Ganyan ka siguro kay Glynn, no? Sasabit sa tren para mapansin.”
“Hindi, no? Siya ang naghahabol sa kagandahan ko. College pa lang magkakilala na kami. Hindi katulad mo. Minsan mo lang nakita, pinakawalan mo pa.”
“Hi!” bati ni Fawna, ang head ng cultural group ng Sagada. Humalik ito sa pisngi niya. “How is your birthday?”
“Okay lang,” aniyang di maitago ang ngiti.
“Huwag mong iku-kwento diyan. Late na dumating!” sabi ni Rose.
“Sorry. Galing pa ako sa conference ni Lycerge sa Camp John Hay. May kumausap kasi sa akin tungkol sa Begnas festival,” paliwanag nito. Nobyo nito ang Vice Mayor ng Sagada. Kaya naman suportado ito ng nobyo sa mga cultural projects nito. “Kaya ikwento mo na sa akin. Sige na.”
“May lalaki na sa buhay niya!” patiling sagot ni Rose.
“Uy! Bago iyan. Anong nangyari sa iyo? Anong itsura?”
Ikinuwento niya dito ang nangyari sa tren. Kung paano siya ipinagtanggol ni Lam-ang mula sa mga lalaking walang modo. “He is like a modern warrior, Fawna. And I love his eyes, his smile, his…”
“He must be gorgeous then,” Fawna expressed with a nod.
Napapitik siya sa ere. “You got it right!” She sighed. “Sayang nga dahil hindi ko nakuha ang pangalan niya. Kaya Lam-ang na lang ang tawag ko.”
“Cindra, kung hindi mo lang din naman siya makikita ulit, kalimutan mo na lang siya. Humanap ka na lang ng iba. Marami pang guwapo diyan,” ani Rose.
Nasapo niya ang pisngi at umiling. “Ayoko! Ayoko sa iba.”
“Huwag ka nang kumontra, Rose. Nakita mo naman kung gaano kapihikan si Cindra sa lalaki. Mabuti nga nagka-interes na siya at nalaman natin na normal pala siya. Tapos kontra ka pa nang kontra diyan.”
Itinaas ni Rose ang kamay. “Oo na. Si Lam-ang na kung si Lam-ang. Pero sana naman may pakinabang ang Lam-ang na iyan sa buhay mo. Siguro naman na-inspired ka at may nai-contribute siya sa scenes sa play natin.”
“What’s the development with the script?” tanong ni Fawna sa kanya.
“Wait!” Kinalkal niya ang bag na kinalalagyan ng draft notebook ng script niya. Kailangan kasi niya ng approval at suhestiyon ng dalawa bago i-encode sa laptop niya ang script. Si Fawna ang bahala sa musical at si Rose naman sa choreography. Naalarma siya nang di makita ang notebook doon. “It is not here!”
“Baka naman naiwan mo lang ang draft mo sa bahay mo,” anang si Rose.
“Hindi ko inilabas ang draft ko nang makauwi ako ng bahay. Hindi naman kasi ako nagsulat pag-uwi ko. Saan naman kaya mapupunta iyon?”
“Baka naman nadukutan ka. At iyong draft ang nadukot,” sabi ni Fawna. “Wala naman sigurong mandurukot na magkaka-interes sa draft mo.”
Hinilot niya ang sentido. “Kailan ko ba huling inilas ang draft ko?” Nanlaki ang mata niya nang may maalala. “Sa tren. Hawak ko siya nang sumakay ako sa LRT.”
“O tapos?” tanong ni Rose.
“Ibinaba ko siya nang tulungan ko iyong lola na tinabig ng mga lalaki sa tren. Tapos nakalimutan ko na.” Napapadyak siya habang sapo ang ulo. “Naiwan ko sa tren ang draft ko. Nawawala na ang script ko!”
CINDRA was bothered. Hindi siya makapag-concentrate sa ginagawang report dahil hindi mawala-wala sa isip niya ang nawawala niyang script. Ipinahanap na niya iyon sa mga kasambahay sa Manila. Wala daw nag-surrender ng nawawalang notebook sa station. Sino ba naman ang mag-aaksaya ng panahon na magbalik ng notebook?
Now, she was in trouble. Even the cultural group was in dire jeopardy. Nakasalalay sa draft niya ang lahat ng ideas na ie-encode niya sa computer. May initial scenes na siya sa computer niya pero ang mga bagong ideas ay nasa draft niya. Nahihirapan siyang magtuloy kung wala ang draft niya. Ibig sabihin ay kailangan na naman niyang mag-isip nang panibago. At marami nang mababago sa original script dahil doon. Baka hindi na kasing ganda nang dati.
“Paano nga ako mag-iisip? Wala na ako sa mood!” maktol niya.
Nilapitan siya ng professor niya. “Cindra, are you through with the report?”
“Not yet, Sir Mike. I am sorry.”
“I just want to remind you about the deadline tomorrow. Wala nang pahabol. Baka magselos na naman ang mga kaklase mo at sabihing kaibigan kita kaya kita pinagbibigyan,” pabiro nitong sabi. Ito ang naka-impluwensiya sa kanyang kumuha ng ilang subject sa Anthropology. At kaedad lang niya ito. Pero di pa naman nangyari na binigyan siya nito ng special treatment. Professional kasi ito.
“Don’t worry, Sir. I will definitely submit it tomorrow.”
Bumalik agad siya sa ginagawang report. Pati iyon ay naapektuhan ng problema niya sa script. Wala namang mangyayari kung di na babalik ang script sa kanya. Mag-iisip na lang siya nang panibago.
“Cindra Abrillo?”
“Yes?” aniya at inangat ang tingin mula sa laptop. Natigagal siya nang makilala kung sino ang tumawag sa pangalan niya. Si Lam-ang. “You!”
“Leonard Gomez,” pakilala nito.
Bagay sa kanya ang pangalan niya. Pero siya pa rin si Lam-ang para sa akin. Very masculine. “What are you doing here and how did you know my name?”
“Through this!” anito at itinaas ang draft notebook niya.
“Ang script ko!” mangiyak-ngiyak niyang usal.
“I saw it at the train. Naiwan mo. Nakita ko ang sticker ng school mo at ang name mo. Pati na rin course at section mo. Naisip ko na maliit lang ang UP Baguio. Di naman ako nahirapang maghanap. Professor mo mismo ang nagturo sa akin kung nasaan ka,” kwento nito.
“Don’t tell me that you came all the way to Baguio just for this?” Masyado naman siyang maganda para gawan nito ng pabor. Maybe he likes me too.
“Nagkataon na papunta talaga ako sa Baguio. So I decided to personally give it to you,” nakangiti nitong paliwanag.
Di siya nadismaya. Masyado namang exaggerated kung aakyat pa ito ng Baguio para lang sa kanya. It must be purely fate. “Gusto mo ng coffee? My treat.”
Umiling ito. “No. You don’t have to.”
“I insist!” Ngayong narito na ito ay wala na siyang balak pakawalan ito.