Chapter Leonard, The Wild Wind: Chapter 6

“Matutulog muna ako, ha?” sabi agad ni Cindra pagsakay ng van ni Lycerge. Kasabay niya ito at si Fawna pauwi sa Sagada.

“Alas sais na nga tayo umalis, inaantok ka pa rin?” tanong ni Fawna.

“Hindi ako nakatulog kagabi,” aniya at niyakap ang hugis-pusong unan na regalo sa kanya ni Nana Lupe noong birthday niya. “Tinapos ko ang draft ng script.”

“Script daw. Iniisip mo yata si Mr. Binsay,” tukso ni Lycerge.

Ipinikit agad niya ang mata. “Matutulog na lang ako.”

Ayaw niyang pag-usapan si Leonard. She was tempted to see him at the airport. Huling pag-uusap na nila nang mag-dinner sila. Hanggang late night sila nagkwentuhan. Wala pang isang araw itong nawawala ay na-miss na niya ito. Subalit di naman yata siya nito na-miss. Ni hindi man lang ito tumawag o nag-text.

Hmp! Isang araw pa lang nakalimutan na niya ako. Baka may nililigawan na siyang stewardess o kasakay niya sa eroplano.Baka nakalimutan niyang dadalaw pa siya sa akin sa Sagada at hihintayin ko siya.

Nakatulugan niya ang mga sama ng loob kay Leonard. Naalimpungatan siya sa pagtama ng araw sa balat niya. “Nakakasilaw,” ungol niya at tangkang itatabing ang kurtina sa bintana ng van.

Subalit bago pa niya nahawakan ang kurtina ay may humawi na niyon para sa kanya. “Is that okay?”

“Yeah. Thanks, Leonard.” It just slipped. Nananaginip pa yata siya dahil narinig niya ang boses ni Leonard. Itinuloy na lang niya ang pagtulog.

“Huwag ka nang matulog!” anang makulit na boses. Parang boses ni Leonard. Kasunod niyon ay may kumiliti sa tainga niya. “Gising na!”

Tuluyan na siyang napadilat. “Ano ba? Kitang natutulog ang tao…”

Natigilan siya sa pagwawala nang makita kung sino ang katabi niya. It was Leonard. And he was definitely having a good laugh. Is this a dream? Hinawi niya ang kurtina. Puno ng ulap ang paligid bagamat may sikat ng araw. It was a dream’s effect pero natural iyon sa dinadaanan nila. Kinusot niya ang mata niya. Baka nga nananaginip lang siya. But Leonard was still there, staring at her.

“Leonard?” she uttered in disbelief. “Ikaw iyan?”

“Oo naman. Tulog ka pa yata, eh!” He patted her head. “Wake up, Cindra.”

Ibinaon niya ang daliri sa buhok. The thoughts inside her heard were garbled. “What are you doing here? Hindi ba dapat nasa Manila ka na ngayon? You even asked me if I will see you when you catch your morning flight yesterday.”

Inilagay nito ang mga kamay sa likuran ng ulo at sumandal. “Nandito na ako, di ba? Ibig sabihin hindi ako umalis.” Bahagya nitong inilapit ang mukha sa kanya. “Pupunta ako sa Sagada.”

Umiling siya. “No! You can’t be serious.” Marami pa itong engagement kasama ang grupo nito. “Ano naman ang gagawin mo sa Sagada?”

“He will train the children for the play. In short, he is the foundation’s representative. Siya ang magte-training sa mga bata sa loob ng ilang buwan,” paliwanag ni Fawna. “Tulog ka kaya di mo nakita nang sunduin siya sa hotel.”

Na-excite siya. Hindi sila magkakalayo ni Leonard. Makakasama niya ito nang mas matagal. Kinurot niya ang braso nito. “Bakit hindi mo agad sinabi sa akin?”

“Bakit parang hindi ka masaya na makakasama mo ako?”

“Of course I am. Kaso…” She clamped her mouth shut. Muntik na niyang masabi dito na nagtatampo siya at nagseselos sa mga babaeng posibleng makakuha ng interes nito. Na baka hindi na siya nito maalala pa.

“Don’t worry. Makakasama mo ako nang mas matagal. Now that you know that I am here, I guess I can get my well deserved sleep.” Isinandig nito ang ulo sa headrest at pumikit.

“Teka, bakit matutulog ka? Kagigising ko lang, ah!”

“Di ako nakatulog. I thought about you the whole night,” nakangiti nitong sagot subalit nananatili pa ring nakangiti.

“Ha? Bakit mo naman ako iisipin?”

Hindi na nito sinagot pa ang tanong niya. Tulog na ito. Niyugyog pa niya ito.

“Leonard?” pabulong niyang tawag sa pangalan nito. Magaan niyang dinuro ang matangos nitong ilong. “Gigising-gisingin mo ako tapos tutulugan mo.”

Sa huli ay sumandal siya sa tabi nito at ipinikit ang mga mata. Wala na siyang aalalahanin kahit na matulog pa siya. Dahil alam niyang paggising niya ay katabi pa rin niya ito. Di na ito mawawala pa sa paningin niya.

BINUKSAN ni Cindra ang bintana ng van niya. “This is Sagada! I could smell the sweet scent of the pine trees and the cold wind fanning my face. It is so refreshing.”

“Siguro dahil mas elevated ang lugar,” obserbasyon ni Leonard habang paakyat na ang dinadaanan ng sasakyan nila. Maya maya pa ay nakita na nila ang sign na Welcome to Sagada. “Nasa Sagada na tayo!”

“Huwag kang masyadong excited,” sabi ni Fawna. “Around half hour din ang biyahe bago makarating sa mismong town. Just enjoy the sights.”

“Tourist guide ko ang bahala diyan,” anito at tinanguan siya.

Inisa-isa niya ang mga tourist spots at mga lugar na nadadaanan nila. Interesado si Leonard dahil ang Sagada ang magiging tahanan nito sa loob ng ilang buwang pananatili doon. “Malapit lang ang bahay namin sa Poblacion,” sabi niya.

“May hotel or inn ba kayo na maire-recommend sa akin?” tanong ni Leonard.

“Sa Lizardo Farm ka na tumuloy. Nagpahanda na ako ng kuwarto. Mas maganda sa farm kaysa sa hotel,” alok ni Fawna.

Leonard gave her a tight smile. “I don’t want to impose.”

“Ilang buwan ka dito. My grandfather usually let important visitors to stay at the villa. Marami namang kuwarto doon. Mas maasikaso ka pa ng mga tauhan namin. After all, parang kapamilya ka na namin,” depensa ni Fawna.

Leonard’s expression became stone cold. Nagmamagandang-loob lang naman si Fawna dito. “Thanks but I prefer to stay at the hotel.”

“Sa Sagada Guesthouse ka na lang. Mas homey ang atmosphere,” rekomendasyon ni Lycerge at ngumiti. “Nasa sentro mismo iyon ng town. The church, the market, the restaurants and the municipal office are just nearby.”

Naging tahimik na si Fawna hanggang maikuha nila ng kuwarto sa Sagada Guesthouse si Leonard. Sila na lang ni Lycerge ang nakikipag-usap kay Leonard.

“Wala pang practice ang mga bata dahil sem break nila,” sabi niya. “Iyong iba sa kanila wala dito sa Sagada at nagbakasyon sa ibang lugar. But you will get the chance to meet them after All Soul’s Day,” sabi niya.

“Pwede mo ba akong ipasyal mamayang hapon?” tanong niya.

“Yes. Wala naman yata akong karapatang tumanggi,” pabiro niyang sabi.

“Sige. Magpahinga ka muna, Leonard,” sabi ni Lycerge.

“Gusto rin ba ninyong sumama, Fawna?” tanong niya pagbalik nila sa van. Siya naman ang ihahatid nito sa loghouse ng pamilya niya.

“Huwag na. Ikaw na muna ang bahala kay Leonard. I have to work on the music. Tapos na ang script kaya hindi na siguro ako mahihirapan.”

“Nagtatampo ka ba dahil di tumuloy sa farm si Leonard.”

Umiling ito. “Hindi. Naiintindihan ko naman siya.”

Di na siya nagtanong pa. Pero parang may inililihim sa kanya sina Fawna at Leonard. O baka imahinasyon lang niya.

“THIS is the Church of St. Mary the Virgin. More than one hundred years na ito sa Sagada dahil sa pagdating ng mga American missionaries. Dito rin planong I-present ang play. Gagawa na lang ng makeshift stage sa harap ng altar. It has the same auditorium effect. At may multi-purpose hall sa likod na pwedeng gawing dressing room. What do you think?” anang si Cindra kay Leonard. Sinundo niya ito sa kuwarto nito nang hapong iyon at inikot sa Sagada.

“It is a nice venue.” Saka nito tiningnan ang mapa. “How about Calvary?”

“Do you see that trail? Iyong hagdan, paakyat sa Rectory. While the other one goes to Calvary. Doon tayo pupunta bukas para sa puntod ni Lolo. Wala kasi si Mommy. Na-extend ang bakasyon niya sa Bahamas kaya ako na ang bahala dito. How about you? Di mo ba bibisitahin ang puntod ng daddy mo?” Nabanggit sa kanya ni Ahmed na kasama ni Leonard sa grupo na patay na ang ama nito.

Umupo ito sa bench sa may Softball Ground. “Ang totoo, hindi ko naman nakilala si Daddy. Ayaw kay Mommy ng pamilya niya. Nang gabing mamatay siya, dapat sasama siya kay Mommy papunta sa London. It made his family hate her more. Siya ang sinisi sa pagkamatay ni Daddy. Ni hindi siya nasilip si Daddy nang iburol o nakalapit nang ilibing. Pumunta na lang siya sa London para ituloy ang buhay niya saka niya nalamang buntis siya. Pinalaki niya kami ni Dashielle nang mag-isa. At di kami humingi ng tulong sa pamilya ni Daddy.”

No wonder there was sorrow in his eyes whenever his father was mentioned. Masakit ang pinagdaanan nito. Wala silang pinagkaiba ni Leonard. Di rin niya nakilala ang ama niya kaya naiintindihan niya ang nararamdaman nito. Sa lungkot sa mga mata nito, gusto rin marahil nitong madalaw kahit ang puntod ng ama nito.

“Kung nasaan man ang daddy mo, proud na proud siya sa accomplishments ninyo ng kakambal mo. Your mother did a great job of rearing you up. Saka mabuti ka pa may idea tungkol sa daddy mo. Ako wala.”

Kumunot ang noo nito. “Bakit? Hindi mo ba siya kilala?”

“Walang gustong sabihin si Mommy tungkol sa kanya. Sabi ni lolo ayaw siyang pakasalan ni mommy. At least you know that you are a fruit of your parent’s love. Hindi ako sigurado sa bagay na iyon,” mapait niyang wika. Mas masakit pa sa kanya dahil di niya maramdaman ang pagmamahal ng sariling ina.

Inakbayan siya nito at pinisil ang pisngi niya. “Hey! Huwag na nating pag-usapan ito. I don’t want to see you sad.”

“It can’t be helped. Madrama ang buhay natin.”

“All I want are happy thoughts when I am with you.”

“Yes, you are right.” Ayaw din naman kasi niya itong nakikitang malungkot o nasasaktan. “So tell me something that could make you happy right now.”

“Hmmm…” Inayos nito ang hood ng jacket sa ulo niya. “I think a cup of hot coffee would be nice. Malamig na kasi. Saka gusto ko rin ng pansit.”

“I know a place. Doon tayo sa Sudimay.”

“Masarap ba ang pansit doon?”

“Ang alam ko, siya lang ang nag-o-offer ng pansit sa buong Sagada. And I could say that she makes the best in the world,” pagmamalaki niya. “Ma-imagine ko nga lang ang pansit niya, nagugutom na ako. Crunchy ang gulay at ang…”

“Pati ako ginugutom mo. Puntahan na natin ang Sudimay na iyan.”

Simple lang ang Sudimay. Kumpara sa mga restaurant sa paligid ng Sagada ay parang simpleng carinderia lang iyon. Pero magaling magluto si Manang Sudimay. Kapag tinatamad nga siyang magluto ay doon siya kumakain.

“Manang, dalawang pansit po!” anunsiyo niya pagpasok.

“Cindra, ikaw na ba iyan?” Lumabas ito ng kusina at sinalubong siya.

“May kasama po akong kaibigan. Si Manang Sudimay, pinakamagaling na magluto ng pansit sa buong Sagada,” pagmamalaki niya. “Ito naman po si Leonard. Siya po ang magtuturo sa mga bata sa cultural group.”

“Nice meeting you po,” magalang na sabi ni Leonard.

“Ay! Susmaryosep!” bulalas ni Manang Sudimay at nabitiwan ang hawak na sandok. Nanlalaki ang mata nito na parang gulat na gulat. Katulad ni Fawna nang unang beses nitong makita si Leonard.

“Manang, may problema po ba?” nag-aalala niyang tanong at ikinuha ito ng tubig. Habang si Leonard ay inalalayan itong umupo.

“May kamukha ka kasi, amang. Pasensiya na,” anito kay Leonard. “Ano ulit ang order ninyo? Dalawang pansit?”

“Baka masama po ang pakiramdam ninyo. Tutulungan ko na kayo,” aniya.

“Hindi na. Dadating na ang pamangkin ko. Asikasuhin mo na ang bisita mo.”

“Sino kayang kamukha mo?” naitanong niya kay Leonard.

“Ewan ko. Ganoon talaga. Minsan may mga kamukha tayo.”

“Siguro nga. So sabay tayong magbe-breakfast bukas?”

“Yes. I want to start my day with you.”

“GOOD morning, Dianne!” bati ni Cindra sa nagbabantay sa reception ng Sagada Guesthouse. “Nandiyan ba si Leonard?”

“Ah! Ang hunk na wala ibang babaeng gustong tingnan kundi ikaw at dinedma ang beauty ko? Wala. Umalis siya,” anito at nangalumbaba.

“Ha? Saan naman siya pupunta?”

“Sabi niya sasaglit daw siya sa Calvary. Pero babalik siya agad. Hintayin mo na lang siya dito. Nagbilin yata siya kay Kevin ng lulutuin sa breakfast ninyo sa terrace. Ang sweet, hindi ba?” pabulong nitong sabi.

“Talaga? Nagpahanda siya ng breakfast para sa amin?”

“Yeah! Parang early morning date,” kinikilig nitong sabi.

“Dianne, bakit sinabi mo kay Cindra ang sekreto ni Leonard,” nanlalaki ang matang sabi ni Aki, ang manager ng guesthouse.

Natutop ni Dianne ang bibig. “Sorry, Ate Aki.”

“Pupuntahan ko na lang siya sa Calvary,” aniya at nagpaalam sa dalawa.

Kahit na nilalamig ay excited siyang pumunta sa Calvary. Inaasahan niyang makakasalubong niya si Leonard subalit di pa rin niya ito nakita hanggang makarating siya sa mismong Campo Santo. Bahagya pang may fog sa paligid subalit nakita niya itong nakatayo sa isang puntod. Titig na titig ito at di man lang nito naramdaman na lumapit siya dito.

“Anong ginagawa mo dito?” tanong niya.

Gulat itong lumingon. “Tumitingin-tingin lang. Marami palang Lizardo dito.”

Tiningnan niya ang nakasulat sa puntod. Martin Lizardo. “Tito siya ni Fawna. He is my mom’s friend. Namatay siya sa isang car accident twenty-six years ago.”

“What does he look like?” bigla nitong naitanong.

“I don’t know. Hindi ko nakita ang picture niya. Not even at the Lizardo’s house. Siguro masyado silang nasaktan sa pagkamatay niya. They are still grieving.”

Mahabang sandali pa nitong tinitigan ang puntod. His eyes were full of mix emotion. Wala na ang mga emosyong iyon nang nakangiti itong bumaling sa kanya. “Mag-breakfast na tayo. Kailangan natin ng energy para mamaya.”

“Yeah, right!” Isang beses pa niyang nilingon ang puntod ni Martin Lizardo. Saka siya sumunod kay Leonard. Siguro ay naalala nito ang daddy nito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.