“Congrats, Kuya Leonard!” Niyakap ni Dashielle ang kapatid. “Successful ang play ninyo. Magagaling ang mga batang tinuruan ninyo.”
Katatapos lang nilang manood ng play na Epic of Lam-ang kung saan ang mga kabataan ng Sagada ang nag-perform. Kinuha na rin itong scholars ng foundation. At dahil sa magandang feedback mula sa mga audience, magkakaroon pa ng rerun ang naturang play sa susunod na dalawang araw.
Kaya naman nagse-celebrate ang lahat at sa villa ng Lizardo ginanap ang kasiyahan kasabay na rin ng Begnas Festival.
“Ikaw nga diyan ang hindi na ma-reach. Sikat na sikat ka na, sis!” anito ang ginulo ang buhok niya. Pakaway-kaway ka na lang kanina sa mga tao. Ni hindi mo nga ako pinansin. Suplada ka pala sa personal.”
Pabiro niyang sinuntok ang braso nito. “Luko-luko! Saka ang totoo, hiyang-hiya pa ako dahil isinama nila ako sa parade.”
She was considered as a heroine when she went home to the Philippines. Isang linggo din siyang nasa Manila para sa courtesy call, press conference at mga interview. Kaya siya pumunta sa Sagada ay para makapagbakasyon nang mas matagal at makasama ang mga kamag-anak.
“Pati nga si Wolf inirapan mo kanina.”
“Anong inirapan? Wala akong ginagawa, ha?” kaila niya.
“Totoo! Laging masama ang tingin mo sa kanya. Umamin ka nga sa akin. Ano na naman ba ang pinag-awayan ninyong dalawa?”
“Wala akong ginagawang masama sa kanya.”
Maganda sana ang Sagada. Ang presensiya lang ni Wyndham ang nakakasira sa magandang araw niya. Nasa Sagada rin kasi ito dahil isa ito sa mga trainor ng cultural group. At dahil madalas niya itong nakikita, nagsasawa tuloy siya sa kaiirap.
“Wala daw. Tuwing nakikita ka, basta na lang tumitiklop. Halata naman tuwing lumalapit ka, basta na lang tatahimik. Sinusungitan mo, eh!”
Humalukipkip siya at tumingin sa mga nagkakasiyahang tao sa bonfire. “Kasalanan niya iyon. Wala na siyang ginawa kundi pakialaman ang buhay ko. Mantakin mo, gusto pa niyang sumama sa date namin ni Wyndham? Gawin ko daw siyang bodyguard. Tama ba naman iyon?”
“Concern lang siya sa iyo.”
“Concern? Lahat ng kilos ko, sinusundan niya. Lahat na lang ng lalaking lalapit sa akin, nakabantay siya. Kailangang salain pa niya kung sino ang ide-date ko. Parang bata ako na kailangan pang I-check ang kilos.”
Humalakhak si Leonard. “Iyon lang ang pinag-awayan ninyo?”
Matalim niya itong tiningnan. “It is not funny! Hindi na nga ako makahinga kapag nasa paligid siya. Daig pa niya ang guwadiya sibil. Hindi ka naman ganoon kahigpit sa akin, ah! Samantalang ikaw ang kapatid ko.”
Biglang naging seryoso si Leonard. “Huwag mong masamain ang ginawa ni Wolf. Dapat nga matuwa ka sa dahil inaalagaan ka niya. Alalahanin mo, siya ang nag-aalaga sa iyo kapag wala kami ni Mommy.”
“Kuya Leonard, kinakampihan mo siya?” di makapaniwala niyang tanong. Akala pa mandin niya ay makakahanap siya ng kakampi dito. Hindi naman pala.
“Dashielle, listen! Malaking bagay ang naitulong sa iyo ni Wolf. Ang totoo, siya ang pumuno sa pagkukulang ko sa iyo bilang kapatid. Aaminin ko, naging makasarili ako noong kasali tayo sa cultural group. All I cared about is performing on stage. Wala akong pakialam kung napag-iiwanan ka na. Basta ang alam ko, umaangat na ako sa iba. Si Wolf ang umalalay sa iyo. Siya ang nagturo sa iyo sa lahat ng kailangan mong malaman. Kahit na inaayawan ka nang turuan ng iba, si Wolf ang nandiyan para sa iyo. Hindi ka niya iniwan.”
“Alam ko naman iyon, Kuya.” Hindi niya makakalimutan ang mga panahon na pakiramdam niya ay si Wolf lang ang kakampi niya. Halos si Wolf na ang naging mundo niya noon dahil ito lang ang naniniwala sa kakayahan niya.
“Kahit noong nag-tennis ka, sino ang nanonood sa match mo? Hindi ba si Wolf pa rin? Siya ang nandoon kapag hindi kami nakakarating ni Mommy dahil nagpe-perform kami sa ibang lugar. Nakita mo naman ang ginagawa ni Wolf para sa iyo. Ni hindi na halos siya nagpapahinga mula sa trabaho para makahabol lang sa mga match mo. Tapos iniintindi lang niya ang kalagayan mo, minamasama mo pa. Don’t you think you are a bit arrogant, Dashielle? Hindi ba dapat nagso-sorry ka dahil parang bata ka sa mga inaasal mo?”
She was speechless for a long time. Noon niya naalala ang lahat ng mabubuting nagawa sa kanya ni Wolf. Ang masasayang pinagsamahan nila. She was grateful for all the things he did for her. Nangingibabaw nga lang ang inis niya. Naroon din ang sama ng loob dahil di siya nito nagawang mahalin tulad ng gusto niya. And it was unfair on Wolf’s part.
Hindi nito kasalanan kung di siya nito nagawang mahalin tulad ng gusto niya. But she was putting all the toll on him. Pinaparusahan niya ito sa sakit na nararamdaman niya. Tiyak na nasaktan niya ito nang todo.
Huminga siya nang malalim. “Magso-sorry ba ako sa kanya?”
“Aba! Dapat lang na gawin mo! O gusto mo kaladkarin pa kita?”
Natigil ang pag-uusap nila nang lumapit sa kanila ang Mommy nila. “Leonard, dalhan mo nga ng pagkain si Wolf. Kanina pa ako nag-aalala sa batang iyon. Niyaya kong kumain pero busog pa daw siya. Baka magkasakit iyon.”
“Dashielle, narinig mo ang sabi ni Mommy. Dalhan mo daw ng pagkain si Wolf. Kawawa naman iyong tao,” anang Kuya niya.
Nanlaki ang mata niya. “Ha? Bakit ako?”
“Hindi ba may pag-uusapan pa kayong dalawa? Sige ka, kasalanan mo kapag nagkasakit siya. Ikaw ang dahilan bakit hindi nagkakakain iyon.”
“Oo na. Ako na ang bahala.”
Vegetable soup at vegetable salad lang ang kinuha niya para kay Wolf nang hindi ito mabigla sa pagkain. Paborito kasi nito ang gulay.
Hinagilap ito ng mata niya. Natagpuan niya itong nakaupo sa gilid ng bonfire habang pinapanood ang pagkakasiyahan ng mga bisita. May kumakanta, sumasayaw, tumutugtog ng gangsa at umiinom ng tappey, ang ricewine ng Cordillera at tradisunal na inumin sa mga pagdiriwang.
“Wolf, kumain ka muna,” aniya at inabot ang pagkain dito.
Nagulat ito nang makita siya. “H-Huwag na lang. Busog pa ako.”
“Kung ayaw mong kainin, okay lang,” aniya at nagkibit-balikat. Baka isipin nito na sumakit pa ang tiyan nito kapag kinain ang galing sa kanya. “Sayang lang ang paghihirap ko na kumuha ng pagkain para ibigay sa iyo. Ayaw mo naman pala.”
Mabilis nitong kinuha ang plato sa kanya. “Hindi. Gusto kong kumain.”
He started to eat the soup with gusto. Gutom pa nga ito. And she was guilty. Hindi kasi makakain nang maayos si Wolf kapag may taong galit dito. At sa matatalim na tingin niya dito kanina, baka nga di ito matunawan.
“Wolf, gusto mo pang ikuha kita ng pagkain?”
Umiling ito. “Okay na ito. Thank you!”
“Wala iyon. S-Sige, babalik na ako sa loob.”
Gusto niyang batukan ang sarili. She should apologize to him but she just didn’t know how to start. Nawawalan siya ng lakas ng loob.
“Dashielle, wait! I just want to apologize about what happened in Melbourne. Hindi kita dapat na sinundan-sundan o binawalan na makipag-date. I should have trusted your judgment more. Tama ka. Malaki ka na. You know what you are doing. Wala akong karapatan na pigilan ka sa dapat mong gawin. Nag-aalala lang naman ako sa iyo dahil baka saktan ka ni Wyndham.”
Na-guilty na naman siya. Ito pa ang nagso-sorry sa kanya ngayon. “No! You shouldn’t apologize. Ang totoo ako ang may kasalanan. Hindi ko inintindi na concern ka lang sa akin. Pakiramdam ko kasi bata ang tingin mo sa akin. Na parang wala na akong sariling isip at di ko alam ang dapat kong gawin.”
“Yes. I realized that.” Inangat nito ang tingin sa kanya. Malungkot ang mga mata nito. “Kaya nga hindi na ako sumunod sa date ninyo ni Wyndham.”
Natulala siya. “Ha? Wala ka sa restaurant?”
Tumango ito. “Yes. Gustong-gusto kong sumunod pero pinigilan ko ang sarili ko. Nakita ko kasi na galit na galit ka sa akin. Tapos sabi mo pa, di mo na ako kakausapin kapag ginulo ko ang date ninyo ni Wyndham.”
“Sigurado ka?” paniniyak niya. Sigurado kasi niya na nakita niya ito sa restaurant. Na parang nagbabanta itong manggulo kapag di siya bumalik sa hotel.
Tumango ito. “Nasa lobby lang ako naghintay sa iyo. Bakit?”
Umiling siya at alanganing ngumiti. “W-Wala.”
Kung ganoon, sino ang nakita niya sa restaurant na parang si Wolf pero bigla na lang nawala. Nasapo niya ang ulo. It must be her wild imagination. Masyado kasi niyang iniisip ni Wolf kahit na wala ito doon. At dahil sa kapalpakan niya, nasira ang date nila ni Wyndham. Isinisi pa niya ang lahat kay Wolf.
Nakagat niya ang labi. Nadadagdagan ang kasalanan niya dito. Lalong hindi niya alam kung paano hihingi ng dispensa dito. Sobrang kahihiyan na siya.
Itinuon ni Wolf ang tingin sa apoy. “Don’t worry, Dashielle. Things will change from now on. Hindi na kita susundan-sundan. You can do things on your own. I won’t interfere with your life. Di na kita guguluhin kapag may ka-date ka. I won’t bother you anymore.”
“ANO? Wala na daw siyang pakialam sa akin? Parang ayoko naman yata no’n!” sintir ni Dashielle habang naglalakad papunta sa log cabin na nasa cocoa farm na pag-aari ng pamilya nila. Katabi lang iyon ng Lizardo Farm kung saan siya kasalukuyang tumutuloy. Habang ang Kuya Leonard naman niya at si Wolf ay sa cocoa farm.
Nagulat siya nang sabihin ni Wolf na di na siya nito pakikialaman. Ibig sabihin ay bahala na siya sa buhay niya. Malamang ay madalang na itong magpapakita sa kanya. Baka di na rin ito manood ng match niya. At wala na rin itong pakialam sa mga lalaking makikipag-date sa kanya. At hindi siya sanay. Parang mababago na ang buhay niya sa desisyon nito. Ngayon pa lang, miss na miss na niya ito.
“Ngayon, hindi na siya pwedeng makawala sa akin. Hindi ako papayag. Okay lang sa akin kahit di niya ako mahal basta huwag siyang mawala sa buhay ko. Kahit pa mapilitan akong sabihin sa kanya na mahal ko siya.”
Pagdating sa log cabin ay si Cindra ang bumungad sa kanya, ang nobya ni Leonard. “Good morning, Dashielle!” nakangiting bati nito.
“O, bakit ikaw ang nagluluto ng breakfast? Nasaan si Kuya?”
“Mukhang tatanghaliin siya ng gising. Naparami yata ang inom niya ng tappey kagabi. Tiyak na masakit ang ulo no’n. Kaya ako na ang nagprisintang magluto.”
“Ayan! Ang kayabangan kasi. Akala mo kung sinong macho na ginagawa lang tubig ang rice wine. Bagsak tuloy!”
“Sinong may kayabangan ang sinasabi mo diyan?” galit na tanong ni Leonard na pababa ng hagdan. Magulo pa ang buhok nito. Halatang kagigising. Mapula pa ang mata. At gaya ng sabi ni Cindra, may hang-over pa ito.
“Good morning, Hari ng Hangover. Masakit ba ang ulo mo?”
Nasapo ni Leonard ang noo. “Hoy! Nagpunta ka ba dito para asarin ako? Umagang-umaga, maninira ka pa ng araw.”
“Wala naman akong pakialam sa iyo at sa hangover mo.” Namaywang siya. “I came here for Wolf. Magpapasama sana akong mamasyal sa kanya.” Iyon lang ang naiisip niyang palusot para magkasarilinan sila ni Wolf.
“Wala si Wolf. Umalis kani-kanina lang,” anang si Cindra.
“Saan siya nagpunta?” tanong niya.
“Pupunta siya sa simbahan. Magkikita sila ni Rose.”
Si Rose ang matalik na kaibigan ni Cindra at isa sa mga founding members ng cultural group. Nakita niya itong nagsayaw kagabi. Maganda nga ito at asset nito ang mahabang buhok. Di niya maiwasang magselos.
“Anong gagawin nila ni Rose?” tanong naman ni Leonard. “Magde-date?”
Magde-date ang mga ito? Hindi siya papayag! Pinigil-pigilan siyang mag-date ni Wolf. Dapat lang na bumawi ito sa kanya. Siya ang dapat na ka-date nito.
“Sige, aalis na ako, Kuya, Cindra.”
“Saan ka pupunta?” gulat na tanong ni Leonard.
“Mamasyal!” sagot niya at patakbong lumabas ng loghouse.
Nilakad na lang niya ang papuntang Poblacion, ang sentro ng bayan ng Sagada at ng lahat ng programa sa bayan. Sa bungad ng bayan ay marami nang sasakyan na nakaparada. Tanaw na rin niya ang hilera ng mga kubol sa gilid ng daan. Galing sa iba’t ibang bayan sa Cordillera ang mga namimili at ang mga nagtitinda. Isang linggo ang kasiyahang iyon. Saka na siguro siya magsa-shopping ng kung anu-ano. Kailangan muna niyang makita si Wolf.
Marami ring paninda sa vicinity ng simbahan. “Saan naman kaya magde-date si Wolf dito?” tanong niya sa sarili habang palinga-linga.
Di kasi niya alam kung saan ang ideal na lugar para mag-date kung pagkarami-rami naman ng tao. Inikot na kasi niya halos ang lahat ng lugar doon pero di pa rin niya makita si Wolf.
Kung tutuusin ay di naman ito mahirap hanapin. He was 6’ 3” and he would tower in the crowd. Napagod na siya kaiikot sa compound ng simbahan pero wala siyang Wolf na natatanaw. Nawawalan na siya ng pag-asang makita ito. Sasabog yata ang isip niya habang iniisip na kasama ito ng ibang babae.
Napilitan tuloy siyang pumasok sa simbahan at nagdasal. “Diyos ko, alam ko naman po na marami akong kasalanan kay Wolf. Naiintindihan ko po kung gusto na niyang lumayo sa akin. Naging malupit ako sa kanya. Di ko pinahalagahan ang mga bagay na nagawa niya sa akin. Pero huwag naman kayong malupit sa akin. Gusto ko lang namang makita kung masaya siya sa babaeng ka-date niya. Hindi po ako mangugulo. Promise po iyan.”
Malungkot siyang lumabas ng simbahan. Naisip niya na baka sa simbahan ang meeting place ng dalawa pero di naman doon magde-date. “This is useless. Hindi ko naman yata siya makikita dito.”
Naglalakad-lakad siya nang makarinig siya ng palahaw ng isang bata. “Waaa!!! Gusto ko ng cotton candy! Cotton candy!!!”
“No, Melody,” anang boses ng isang lalaki.
Natigilan siya sa paglalakad. She knew the man’s voice. It was Wolf!