Chapter SJ: TIJ 61

Nag-U turn si Gideon at tinahak ang direksyon papunta sa bar. Nagpasalamat siya sa Diyos dahil nasa bar lang niya ang dalaga. Mas ligtas ito doon dahil mababantayan ng mga tauhan niya at kaibigan. Tinawagan niya ang lola para sabihing natagpuan na niya si Yana. Para lang sa ikatatahimik ng lola niya.

Pagpasok sa bar ay katabi ni Yana si North na nakahalukipkip at matalim sa maiingay na grupo sa kabilang mesa. Habang may kausap si Yana sa cellphone nito. “Sangjang-nim, kausapin n’yo na po ako. Ubos na English ko. Mag-usap naman po tayo bago ako umalis ng Pilipinas. Mahal ko si Lee Dong Wook pero mas mahal ko si Gideon Lee. Pero dahil po di na niya ako mahal, sasama na lang ako kay Lee Dong Wook. Kahit magmakaawa ‘yang si Gideon Lee, who you siya sa akin. Di na ako sasama sa kanya. Ang sakit ng ginawa niya sa akin. Kung kaya niyang mawala ako sa buhay niya, e di kakayanin ko rin. Di ko kailangan na ipagsiksikan ang sarili ko sa kanya.” At saka ito tumungga ng soju.

“Anong nangyari dito?” tanong niya nang lapitan ng kaibigan.

“Di pa ubos ang isang bota, madaldal na ang girlfriend mo. Gusto na ngang pumunta sa airport dahil uuwi na daw siya ng Pilipinas. Wala ngang alang pera, passport pa kaya? Buti napigilan ko. Sabi ko kasi dadating si Lee Dong Wook kaya iinom lang daw siya. Ano ba ang ginawa mo?”

Bumuntong-hininga siya. “Mahabang kwento. Saka ko na ikukwento.” At nilapitan niya si Yana na kausap pa rin ang lola niya. Nang tingnan niya ay di naman umiilaw iyon at paulit-ulit lang ito ng sinasabi na parang sirang plaka. Sorry ito nang sorry pero Tagalog naman ang sinasabi. Umupo siya sa tabi nito. “Yana, let’s go.”

Pumitlag ito. “Don’t touch me.” Dinuro siya nito. “Sino ka?”

Sasabihin sana niya na siya si Gideon pero naalala niya na galit nga pala ito sa kanya. Baka di ito sumama. “Lee Dong Wook.”

Narinig niya ang pagtawa ni North sa gilid niya. Matalim niya itong tiningnan. He was enjoying this. Oras na para pagtawanan siya ni North dahil pinagtawanan din niya ito nang mabaliw ito sa pag-ibig.

Pinipi ng babae ang magkabila niyang pisngi. “Nagparetoke ka ba, Lee Dong Wook? Kasi kamukha mo ‘yung boyfriend kong bingi. Kahit kasi anong paliwanag ko sa kanya, di siya nakikinig. Ako namang si tanga, mahal ko pa rin.”

Inalalayan niya itong tumayo. “Halika na. Sumama ka na sa akin.”

“Bakit ka nagta-Tagalog? Koreano ka, di ba?”

“Naka-Tagalog dubbed ako.” Binuhat na niya ang babae. Mabuti at di ito pumiglas. Daldal lang ito nang daldal habang kinakausap si Lee Dong Wook. “Alam mo, Lee Dong Wook, fan na fan mo ako. Kayo ni Lee Da Hae. Bagay kayong dalawa. Pero sa palagay ko mas bagay kayong magkatuluyan ni Gong Yoo. Goblin and Grim Reaper. Mas nakakakilig kayo kaysa sa mga ka-partner n’yo. Teka, di naman siguro ikaw si Grim Reaper ngayon ‘no? Di mo naman ako dadalhin sa kabilang buhay. Kasi ayoko pang mamatay. Di ko pa nakikitang nagkaayos ‘yung boyfriend kong si Gideon Lee at ‘yung nanay niya.”

“Hindi ka pa mamamatay,” angil niya dito nang ibaba sa tabi ng driver’s seat at ikinabit ang seat belt nito. Nakadama siya ng kilabot. Paano kung napahamak ito dahil sa kanya? Di niya mapapatawad ang sarili niya.“Doon tayo sa bahay ko.”

“Nami-miss ko si Gideon,” usal ng babae nang nakaupo na siya sa manibela. “Maganda sana ang sorpresa ko sa kanya. May interview na ako bilang English teacher sa tatlong eskwelahan dito sa Jeju. Gusto ko kasing makasama si Gideon. Mas malaki ang kita sa pinapasukan ko dahil sales ako pero aanhin ko naman ang pera kung di ko kasama ang mahal ko? Gusto ko naghihintay ako sa pag-uwi niya at ako rin ang makikita niya paggising niya. Kahit na mas mura ang bilihin sa Pilipinas at kahit na iiyak ako lagi dahil sa anghang ng pagkain dito, titiisin ko lahat iyon para lang makasama si Gideon.”

“Bakit di mo sinabi sa akin na mag-a-apply ka na pala ng trabaho?” Akala niya ay dalawa o tatlong taon pa bago niya ito mayayang lumipat sa Jeju Island. Ayaw niya itong madaliin.

“Sorpresa nga. Saan ka nakakita ng sorpresa na sinabi agad? Kaso galit sa akin. Sabi niya mas gugustuhin niyang huwag na lang magmahal kasi traidor ako.” Pumikit ito at humikbi. “Hindi naman ako traidor. Ayaw lang niyang makinig. Mas masakit pa ang ginawa niya sa akin kaysa sa ginawa ni Dong Uk.”

Parang may sumaksak sa puso ni Gideon. Nang nakaraang sunduin niya ito sa bar nang lasing at dalhin sa bahay niya, iniiyakan nito si Dong Uk. Naulit na naman iyon pero sa pagkakataong ito ay siya naman ang nanakit dito. He broke his promise. Para kay Yana, mas masakit pa ang ginawa niya kaysa sa dati nitong nobyo dahil di niya ito pinakinggan. Dito niya ibinuhos ang galit sa nanay niya. Masisisi ba siya nito? Nakipagsabwatan ito sa nanay at lola niya.

Pero paano kung inosente nga ito? Paano kung di siya nito tinraidor?

That’s what you are, Gideon Lee. A double asshole.

“Lee Dong Wook, pwede mo bang idala sa bahay ng boyfriend ko? Saka kung pwede ibalik mo na lang ‘yung mukha mo sa dati? Ayokong may ibang kamukha si Gideon Lee. Arasso?”

“Nee,” usal niya. Sisikapin niya na ibalik ang lalaking minahal nito. Hayaan na lang sana siya nito sa isyu ng nanay niya.

Idinala niya ito sa guestroom na ihinanda niya para dito. Mahimbing na ang tulog nito nang ilapag sa kama. Inalis niya ang sapatos nito.at cardigan para mas komportable itong matulog. Iniwan niya ang dress na suot nito. Pinunasan niya ang mukha ng babae. Umungol ang babae pero hindi nagising. Kinumutan niya ito at iiwan sanang mag-isa nang tawagin siya nito.

“Gideon Lee,” usal ni Yana.

“Nee,” usal niya at nilingon ito. Nakapikit ang dalaga. Di niya alam kung gising ito.

“Kahit di mo ako mahalin, sana magkasundo kayo ng nanay mo.”

Malungkot itong ngumiti at inangat ang kamay, animo’y inaapuhap siya. Hinawakan niya iyon. “Aniyo,” tutol niya. “Don’t say silly things.”

“Marami ka pang matatagpuang Yana sa mundo hindi ang nanay mo. You don’t have to forgive her. Just… talk to her. Matagal na kayong di nag-uusap. Matagal na ang panahong dumaan. Baka mag-iba ba ang pang-unawa mo sa buhay kapag mas matanda ka na. Magiging masaya ako kapag sinubukan mo. Kahit na malayo ako sa iyo, gusto o maging masaya ka.”

Humiga siya sa tabi nito at niyakap ang nobya. “Di ka mawawala sa buhay ko. I won’t let you go.” Mariin siyang pumikit. Para sa babaeng mahal niya, susubukan niyang harapin ang ina kahit na minsan lang.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.