INIISIP na ni Berrie na magpakuha ng security. Hindi na siya komportable sa nararamdaman niyang nagmamatiyag at sumusunod-sunod sa kanya. The last time she felt that way, she had been followed by a stalker. Sa kabutihang palad, nahuli naman agad ang lalaki at tinigilan na siya pagkatapos niya itong ipahuli sa kanyang mga bodyguard.
Nakakatakot din naman ang magkaroon ng taong sunod nang sunod sa iyo.
“Berrie, this is my last warning,” deklara ni Miss Ariella. “Tanggapin mo ang movie offer sa `yo at i-renew mo rin ang kontrata mo.”
Naputol ang pagmumunimuni niya at dumako ang kanyang tingin kay Miss Ariella na kaharap niya sa mesa. Pinatawag siya nito sa opisina para sa importante raw na bagay. Kung alam lang niyang tungkol lang uli iyon sa movie offer, nagpanggap na lang sana siyang masama ang pakiramdam. “Miss Ariella, akala ko, malinaw na sa `yo ang sagot ko?”
Ngumiti ang babae. A cunning smile. Pagkatapos, inilabas nito ang isang brown envelope at marahang hinagis sa direksiyon niya. “Hindi mo pa nakikita ang mga `to noon. Siguradong magbabago ang isip mo sa oras na makita mo ang mga `yan.”
Kunot-noong kinuha ni Berrie ang envelope at binuksan iyon. Gaya ng inaasahan niya, pictures ang laman ng mga iyon. Pero hindi niya inaasahan kung anong klaseng mga picture.
Nathan...
Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang mga picture niya tuwing papasok siya sa loob ng unit ni Nathan. Mayroon ding litrato na ito naman ang nagpupunta sa unit niya. Ang iba sa mga litrato, nahuli pang naghahalikan sila ng lalaki. Hindi lang basta smack iyon.
Mas nagimbal si Berrie nang makita ang pictures nila ni Nathan nang sabay silang pumasok sa CR ng sinehan. May kuha rin noong pasimple at magkahawak-kamay silang lumabas ng banyo.
Ang pinaka-recent pictures ay ang kuha nila ng lalaki nang maghiwalay sila sa parking lot.
Napahawak si Berrie sa batok. Kung ganoon pala, tama ang hinala niya na may sumusunod-sunod sa kanya. Hindi stalker, kundi reporter.
“May video din ang mga eksenang `yan, Berrie,” nakangiti pa ring sabi ni Miss Ariella. “May video ako no’ng pumasok ka sa banyo kasama ang lalaking nasa picture. Kahit sino naman ang makakita n’on, alam na agad kung ano ang ginawa n’yo sa CR nang magkasama. Hindi lang `yon.” Kinuha ng manager ang phone nito at may ipinakitang video. Naka-zoom in iyon kaya kitang-kita niya ang sarili na kahalikan si Nathan sa parking space ng building nila. Siyempre, ang sumunod na eksena ay ang paghihiwalay nila ng lalaki.
“I mean, alam ko namang wala tayong romantic relationship. I’m also aware that what we have is purely physical. Pero ang sakit pa rin malaman na gano’n lang kababaw ang tingin mo sa `kin. Alam mo namang no’ng umpisa pa lang, gusto na kita. At hindi lang basta sex ang gusto ko sa `yo, Nathan.”
“Berrie...”
“Ayoko na. Ayoko nang maging steady sex buddy mo lang. I’m sorry, but this is my limit. Kung gusto mo rin ng higit pa sa sex, sabihin mo lang sa `kin. Let’s try dating each other, Nathan.”
“I’m sorry, Berrie. The last time I had a romantic relationship, I was devastated. Simula no’n, kinalimutan ko na kung pa’no tratuhin sa gano’ng paraan ang mga babaeng nakakasama ko. Tama ka, puro sex nga lang ang nasa isip ko. I can’t help it. What else do you want me to feel for you? Hindi ko na alam kung paano maging boyfriend o kung kaya ko pa bang maging gano’n kaseryoso uli.”
“Pero `yon ang gusto kong klase ng relasyon, Nathan. Kung hindi mo maibibigay `yon, tapusin na lang natin `to.”
“Stop that damn video,” galit na utos ni Berrie. Pero nagtatapang-tapangan lang siya. Kung nakatayo lang siguro siya, malamang ay nanginig na ang mga tuhod niya. Ang lakas din ng kabog ng dibdib niya dahil sa sobrang kaba. Pero hindi siya artista kung hindi niya maitatago ang tunay niyang nararamdaman nang mga sandaling iyon.
Sinunod naman siya ni Miss Ariella. Pero sa ngiti nito, alam nitong ito na ang nanalo sa laban. “Technology is a very great thing, isn’t it? Akalain mo, sa sobrang advanced ng mga phone ngayon, malinaw na nakuha ang video na `to kahit may kalayuan sa inyo?”
“Sino’ng inutusan mo para i-record ang mga `yan?”
“Mahalaga pa ba `yon?”
Sumimangot si Berrie. Hanggang sa naalala niyang minsan niyang nahuli si Alexis na nasa unit niya. Pati na rin ang sinabi ni Eleanor na nakita nitong magkasama sina Miss Ariella at ang bastos na reporter. Nanlaki ang mga mata niya. “Inutusan mo si Alexis para sundan ako?”
Natawa nang mahina ang manager. “Sulit ang ibinayad ko sa pagrenta ng unit sa condo n’yo para masundan ka niya nang palihim.” Nangalumbaba ito at binigyan siya ng nanghahamak na tingin. “Alam kong lalaki ang dahilan kung bakit biglang tumigas ang ulo mo at bigla ay wala ka nang pakialam sa career mo. Kilala ko na rin kung sino `yang kinababaliwan mo. Nathan Copper, right?”
Napapiksi siya. “Huwag mo siyang idadamay dito, Miss Ariella.”
“Too late for that, honey,” kunwari ay sympathetic na sabi ng babae. “Ayon sa research ko, instructor ang Nathan Copper na `to sa university kung saan chairman din ang daddy niya. Kilala rin sa society ang pamilya nila bilang disente, malinis, at kagalang-galang.”
Naikuyom ni Berrie ang mga kamay. Alam naman niya ang lahat ng bagay na iyon.
“Ano kaya ang mangyayari sa buhay ni Nathan kung sakaling lumabas ang scandal n’yong dalawa?” playful na sabi ni Miss Ariella. God, this woman was evil. “Siguradong matatanggal siya bilang instructor dahil siguradong hindi papayag ang university na madamay ang pangalan ng school nila dahil lang sa isang eskandalo. Imagine how his family will react about this. Base sa video na ipinakita ko kanina, mukhang malalim ang feelings mo para sa Nathan Copper na `to. Paano ka magiging parte ng pamilya nila kung kakaladkarin mo ang apelyido nila sa magulong mundo ng showbiz? Naiintindihan mo naman siguro kung ano ang sinasabi ko, Berrie.”
Hindi nakapagsalita si Berrie. Bale-wala sa kanya kung siya lang ang masisira. Sanay naman siya sa eskandalo. Pero ibang usapan na kapag nadamay si Nathan. Hindi ito sanay sa mga ganitong bagay. Mas malala kung madadamay din ang pamilya ng lalaki.
Baka hindi pa niya nakikilala ang mga Copper, tumutol na ang mga ito sa kanya bilang future wife ni Nathan. Alam niyang masyado pang maaga para mag-ilusyon siya nang ganoon, pero hindi pa rin siya papayag na masira ang pamilya ng lalaking mahal niya dahil lang sa kanya.
Oh, shit.
Inamin ba niyang mahal na niya si Nathan?
“Tanggapin mo ang movie offer at i-extend ang kontrata mo,” utos ni Miss Ariella. “Kapag ginawa mo `yon, walang scandal ang kakalat tungkol sa inyo ng Nathan Copper mo.”
“BESH, papayag ka na talaga sa gusto ni Miss Ariella?”
Parang gusto nang maiyak ni Berrie dahil sa tanong ni Boo. Nanatiling nakadikit ang pisngi niya sa coffee table, nakatitig sa mga lata ng beer na nakakalat sa mesa. Dahil problemado siya, tinawagan niya ang PA para samahan siyang uminom sa unit niya. “Wala naman akong choice, Boo. Ayokong lumabas ang scandal na `yon dahil masisira ang buhay ni Nathan. Ayaw niya ng gulo. Sigurado akong ayaw din `yon ng family niya.”
“So, magsa-sacrifice ka na lang?”
“Gano’n naman kapag mahal mo ang isang tao, `di ba?”
Simula noong aminin ni Berrie sa sarili na matagal na niyang mahal si Nathan, mas maluwag na sa loob niya ang gagawin niya. Bahala na kung ano ang mangyari sa image o career niya. Hindi naman siguro ganoon kasama ang tumanggap ng role na hindi niya gusto. Magpapaka-professional na lang siya.
“I think you take your craft seriously, Berrie. Dahil do’n, tingin ko, eh, mahal mo talaga ang acting.”
Naalala rin niya ang sinabing iyon ni Nathan. Ngayon niya na-realize na naging mapili siya sa role noon. Na mas gusto niya ang interesting na minor role kaysa sabaw na bida role dahil gusto niyang makilala siya bilang magaling na artista at hindi sikat na aktres lang. Ganoon siya kaseryoso sa pag-arte. Kaya nga maingat din siya sa image niya.
Well, hindi siya naging maingat sa pakikipagrelasyon kay Nathan. She was always too horny to think straight when it came to him. Pero huli na para pagsisihan ang lahat. Nangyari na ang nangyari.
Imbes na magmukmok, gagawin na lang niya ang dapat niyang gawin.
Umupo nang tuwid si Berrie at tumingin kay Boo na nakahilata sa sofa. Dahil maputi ang PA niya, kitang-kita ang pamumula ng mukha nito. Pareho silang marami nang nainom. “Boo, tawagan mo si Miss Ariella. Sabihin mo sa kanya na gagawin ko na ang gusto niya.”
Naghikab si Boo. “Nakakatamad naman `yang inuutos mo sa `kin. Puwede bang bukas na lang tayo magpakalungkot?” Tumagilid ito ng higa, ala-Cleopatra. “Berrie, let’s party. Mas okay siguro kung may hangover ka sa pagpirma ng kontrata para hindi ka na masyadong mag-isip at ma-hurt sa desisyon mo. Kaya ngayong gabi, magpakalasing tayo. `Punta tayong bar.”
Bumungisngis siya. “May point ka. Wait. Magbibihis lang ako.”
Isang hikab lang ang isinagot ng kaibigan.
Tumayo si Berrie at pumasok sa kuwarto para magbihis. She wore her sexiest red dress with a plunging neckline. Isinuot din niya ang mataas niyang stilettos. Then she tied her hair in a messy bun. Dahil gabi naman, nag-heavy makeup siya at pulang-pula rin ang kanyang lipstick.
Paglabas niya ng kuwarto, malakas na ang hilik ni Boo.
Umiiling-iling na namaywang si Berrie. “Tingnan mo `tong baklang `to. Magyayayang mag-bar, `tapos tutulugan lang ako.”
Lalapitan na sana niya si Boo para gisingin ito, pero biglang tumunog ang doorbell. Naglakad na lang siya papunta sa pinto. Nang buksan niya iyon, nagulat siya nang sumalubong sa kanya ang isang brown and white teddy bear na mas malaki pa yata sa kanya.
Ang cute!
At mas cute ang lalaking may dala niyon—walang iba kundi si Nathan. Nahihiya pa ito nang ibaba ang dambuhalang teddy bear. “Hi.”
Hindi nakaimik si Berrie habang pinoproseso ang nangyari.
Heto sa harap niya si Nathan, guwapo, at pormal sa suot na navy-blue polo na nakatiklop hanggang siko ang manggas. Ipinakita niyon ang sexy forearms ng lalaki. Nakapantalon na ito na sapat lang ang sikip para ipakita sa kanyang malaki ang package nito at batak sa exercise ang mga binti nito. Ang sapatos naman nitong suot, makintab at kumikinang na parang kislap sa mga mata nito habang nakatingin sa kanya.
Kung titingnan ang lalaki ngayon, para itong nanliligaw.
“What are you doing here?” kunwari ay masungit na tanong niya.
Nanigas si Berrie sa kinatatayuan nang bumaba ang tingin ni Nathan sa katawan niya. Kung ano man ang nakita ng lalaki, mukhang masaya ito dahil damang-dama niya ang init sa pagsulyap nito sa kanya mula ulo hanggang paa, partikular na sa nakalabas niyang cleavage. Pagkatapos, nakakunot ang noong nag-angat ito ng tingin. “Where are you going?”
“That’s none of your business,” malamig pa ring sabi niya. Hindi niya akalaing gagamitin niya ang acting skills niya sa paglayo sa lalaking gusto niyang protektahan.
Akmang isasara na niya ang pinto pero pinigilan siya ni Nathan.
“I like you, Berrie,” parang desperado nang deklara nito. Pero naramdaman niya ang sinseridad sa sinabi ng lalaki. “Hindi lang naman sex ang habol ko sa `yo. No’ng araw na nag-away tayo, balak kitang yayaing magpa-body massage para gumanda ang mood mo. Pero iba yata ang nasa isip mong gusto kong gawin natin. I think about sex a lot, I admit. But lately, I think about you more.”
Nag-init ang magkabilang pisngi ni Berrie, hindi lang dahil sa confession ni Nathan, kundi dahil sa maling akala niya noong araw na sinabi nitong may naiisip itong paraan para maging good mood siya. Akala niya, yayayain lang siya nitong mag-sex uli. Siya lang pala ang marumi ang isip. Nakakahiya.
“Pero aaminin ko rin na hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng nararamdaman ko sa `yo,” pagpapatuloy ng lalaki. “No’ng una, iniisip ko lang naman kung pa’no kita ikakama. Pero nitong nakaraan, naiisip ko na rin kung saan kita yayayaing mag-dinner. Kung ano ang gagawin natin bukod sa sex. Tuwing napupunta ako sa isang magandang lugar, naiisip ko na sa susunod na punta ko do’n, isasama na kita. Kapag may masarap akong kinakain, naiisip ko na mag-take out para matikman mo rin. Pero pinigilan ko ang sarili ko kasi ayokong pumasok uli sa isang seryosong relasyon.
“When you confessed to me, I thought it was good that you already ended it for me. But I missed you. A lot. Hindi ako makapag-concentrate dahil lagi kitang iniisip. Maybe my feelings for you is stronger than the fear I have. So here I am, knocking on your door and asking you to take me back. Please teach me how to be a good significant other, Berrie. Sabihin mo sa `kin kung ano ba ang dapat kong gawin para hindi na uli kita masaktan. Because I never wanted to hurt you.”
Nagpigil ng iyak si Berrie. Nang nagsalita siya, basag ang boses niya. “Nasaktan mo na `ko.”
Namula ang mukha ni Nathan, halatang napahiya. “I’m so sorry about that, Berrie. Hindi ka naman kasali do’n sa mga babaeng ayokong maka-eye contact sa sex. Tinanong mo `ko kung bakit gusto ko ang posisyon kung saan nakatalikod sa `kin ang partner ko. Pero hindi mo itinanong kung bakit gusto kong nakatalikod ka sa `kin kapag ginagawa natin `yon.”
Kumunot ang noo niya. “What’s the difference?”
“Nasabi ko na sa `yo ang dahilan kung bakit gusto kong nakatalikod sa `kin ang ibang babae,” parang nahihiyang sabi ng lalaki. “Iba ka dahil tuwing ginagawa natin ang posisyon na `yon, ako ang nagtatago ng emosyon ko mula sa `yo. Sabi ko nga kanina, pinipigilan ko ang sarili ko. Hindi ko inaamin na malalim na ang pagkagusto ko sa `yo, pero alam kong posible mo `yong makita. Kaya tuwing may nangyayari sa `tin, mas gusto kong nakatalikod ka. I don’t want to be vulnerable to you. But if you take me back, I will show you how I really feel for you. Give me one more chance, Berrie. Please.”
Nanikip ang dibdib ni Berrie. Ilang beses niyang na-imagine na si Nathan naman ang kakatok sa pinto niya at magmamakaawa na pansinin niya.
Pero kung kailan hindi na puwede, saka naman nangyari ang ilusyon niya. Kilala niya si Miss Ariella. Ang pinakaayaw nito ay ang nadi-distract ang talent nito dahil sa lalaki. Kaya kung hindi pa siya lalayo kay Nathan, baka may gawin ang manager niya na ikasisira ng lalaki. Ayaw niyang madamay ito sa sobrang magulong mundo ng showbiz. Hangga’t hindi niya nababawi ang ebidensiyang hawak ng bruhang matanda, hindi siya puwedeng maging pabaya.
“I’m sorry, Nathan,” puno ng guilt na sabi niya. “I can’t take you back anymore.”