Nakatulala lang si Trick sa medical report ni Vix na ipinadala ng doktor nito. Nasa opisina siya ni Nathaniella habang nasa LCD monitor naman ang family doctor ng mga Elizaga para sa video conference nila. Pilit siyang humahanap ng ebidensiya sa medical report kung totoo ang sinasabi nitong walang sakit ang kasintahan niya.
“Victoria Grace has a clean bill of health,” anang si Doctor Ternate na nasa sisenta na ang edad na mangilan-ngilan na lang ang buhok. “Nagtanong lang siya kung anong gagawin niya dahil mabilis daw siyang tumaba mula nang mag-twenty seven siya. Sana sinusunod niya ang diet regimen na ibinigay ko.”
“You mean there is nothing serious or deadly?” tanong niya sa doktor at inalis ang tingin sa medical report. “Nothing serious or deadly? Sigurado ba kayo na walang taning ang buhay niya?”
Inayos ng doktor ang salamin nito. “No. wala kang dapat na alalahanin, hijo. Wala naman siyang inaalala nang nagpa-check up sa akin kundi ang pagkakaroon ninyo ng anak kung sakaling kasal na kayo. Baka daw hindi agad siya mabuntis o mahirapan siya kapag buntis na siya. She’s almost thirty after all.”
“Are you sure, Doc?”
Tumango ang doktor at ngumiti. “She is healthy. Kailan nga ba ang kasal ninyo? Excited na siya doon.”
Napatingin siya kay Noah na nakaupo di kalayuan sa kanya. He didn’t know how to answer that one. Hindi rin kasi niya alam ang sagot. “Padadalhan po namin kayo ng invitation. Thank you.”
Inabutan siya ni Noah ng tubig. “Okay na si Ate Vix. Bakit mukha ka pa ring binagsakan ng langit at lupa diyan?”
“I am not sure.” Nanghihina pa rin siya hanggang ngayon. Parang ayaw niyang maniwala sa deklarasyon ng doktor. Sariwa pa sa isipan niya ang huling sinabi ni Vix kanina sa telepono. Trick, I am dying. Nilingon niya si Nathaniella. “Doc Nath, hindi ba nakamamatay ang seasickness?”
Umiling ito at pinagsalikop ang palad. “No. maliban na lang kung nalaglag ka sa tubig dahil sa hilo at nalunod ka. That one is fatal.”
Pumikit siya. “I am still worried about Vix.”
Tinapik ni Noah ang tuhod niya. “Relax, Kuya. Baka mamaya ikaw na ang ipa-confine ko dito. Baka bigla ka na lang mag-collapse diyan. Dalawa na kayo ni Ate Vix dito.”
“Trick, kung gusto mo ng second opinion, we can perform it here,” sabi ni Nathaniella. State-of-the-art ang mga medical equipments doon at katulad ng mga mamahaling ospital sa Maynila at sa ibang bansa. “Pero sa palagay ko kailangan lang ni Vix ng pahinga.”
“Please do.”
Nakatunghay lang si Trick kay Vix habang natutulog ito. Hindi pa rin siya matahimik. Bukas niya malalaman ang resulta ng panibagong examination kay Vix. Bahagya na itong nagising kanina pero natulog ulit. Kailangan nitong bumawi ng lakas dahil ilang linggo na rin itong walang pahinga sa trabaho.
Isang malaking tanong ang bumabagabag sa kanya. Kung ayon sa findings ng doktor nito ay walang sakit si Vix, saan nito nakuha ang ideyang mamamatay ito?
“Sa palagay mo ba nagsisinungaling siya?” tanong niya kay Noah nang dalhan siya ng hapunan. “Ikaw ang kasama niya kanina, di ba?” Imposibleng imahinasyon lang niya ang sinabi ni Vix kanina.
“Baka naman metaphor lang iyon. Figure of speech. Hindi naman literally mamamatay na talaga. She must be describing the pain she was feeling…”
Umiling siya at tumayo. “Spare me the semantics, Noah.” Ano bang laro ito ang nilalaro ni Vix? Hindi na siya natutuwa sa takbo ng mga pangyayari.
Tinapik nito ang balikat niya paglipas ng sandali. “Let’s go. Kailangan tayong makausap ng village lords ngayon sa security headquarters.”
Nagulat pa siya nang makitang may mensahe sa cellphone niya. Sa sobrang lallim ng iniisip niya ay hindi man lang niya iyon napansin.
Pagdating sa security office ay kaharap nila ang tatlo sa village lords – si Evandro, Rouen at Raddison. Naroon din ang head ng security na si Oliver at ang assistant nitong si Ridge. Nagsalubong na ang kilay niya nang makitang nandoon din sina Aric na executive ng manufacting company ng Stallion Shampoo at si Quillian na TV producer ng reality program na Stallion Shampoo Makeover Challenge.
“How’s Vix?” nag-aalalang tanong ni Rouen. Sa pitong village lords ay ito ang mas magiliw sa mga miyembro at bisita. “I hope she’s better now.”
“She’s recupperating,” he said in a formal voice then took his seat. He could feel the tension simmering around him. Kapag ipinatawag ka ng village lords sa security headquarters, ibig sabihin ay problema iyon. Malaking problema.
“We are in big trouble,” Evandro announced.
“I thought Gabriella Carinio is under control.” Ayon sa balita ay binigyan na ito ng permisong mag-observe sa Stallion Island at may access na rin maging sa Stallion Shampoo Makeover Challenge pero may sarili naman itong Prince Charming na magbabantay dito. “Wala naman tayong itatago, di ba?”
“Gabriella Carinio is not the main threat anymore.” Direkta siyang tiningnan ni Evandro sa mga mata. “It’s Victoria Grace Elizaga.”
Parang niyanig niya ng lindol sa deklarasyong iyon. Masyadong matinding akusasyon para sabihin ng mga ito na banta si Vix sa kanila. Well, she was a threat to his sanity. Pero di naman siya papayag na ituring itong banta sa isla.
“Hindi terorista ang pinsan ko!” depensa agad ni Noah. “Bakit bigla yatang nag-iba ang ihip ng hangin?”
“A woman scorned is the most dangerous type,” paliwanag ni Raddison. “I know women. Kapag hindi mo ibinigay ang gusto nila, gagawin nila ang lahat makuha lang iyon.”
“Idinala niya si Gabriella Carinio para makapanggulo. She’s out for blood. Mukhang napahiya siya dahil lumabas ka sa Stallion Shampoo Makeover Challenge, Trick,” sabi ni Quillian.
“Her political career is tarnished,” Ridge added. “At iniisip siguro niya na parang pinagtaksilan mo na rin siya sa ginawa mo. Gusto niyang gumanti.”
Umiikot ang ulo niya sa naririnig mula sa mga ito. They were talking as if Vix was a criminal. “It isn’t as bad as it looks.”
“Trick, nabulabog kaming lahat dito sa Stallion Island. Do you know that Rostam suddenly fled out of the country with his slave? Natatakot siya na baka kung anu-anong ikwento kapag nakita ni Jumeirah si Gabriella. Malaking gulo ‘yon. At mukhang kung babalik man sila dito nang nandito pa si Gabriella, baka ikulong na lang daw niya sa tore si Jumeirah na sound proof. The members are so tense. Lahat tayo apektado na sa ginawa ng girlfriend mo. Your relationship is affecting us,” sabi ni Evandro.
“She wants you back that’s why she’s doing this,” Rouen declared.
That one was the final nail in the coffin. His coffin. “Look! I am sorry. Hindi ko naman gustong maapektuhan kayo ng mga ginawa ni Vix.” Inilahad niya ang mga palad. “Anong gusto ninyong gawin ko? Quit the program? O gusto ninyong pakasalan ko si Vix para matapos na ang gulong ito.”
He hoped that they won’t choose the later. Pakakasalan lang niya si Vix kapag natupad na nito ang pangako nito. Wala sanang makaisip ng ideyang iyon.
“Just control her,” utos ni Raddison. “She’s your responsibility now. Kung anumang gawin niya, ikaw na ang mananagot.”
May halong simpatya ang ngiti ni Noah sa kanya at tinapik siya sa balikat nang matapos na ang pulong. “Its all in your hands now. Goodluck!”
VIX welcomed the clean flower-scented sheets with a smile. Nang dumilat siya at inunat niya ang dalawang kamay. Parang pagkahaba-haba ng tulog niya. Parang siya si Sleeping Beauty na isandaang taong nakatulog. It felt good. So good.
Naalimpungatan siya kagabi dahil ilalabas na daw siya ng medical center. Inakala niya na itatapon na siya palabas ng Stallion Island. Hindi naman siya pwedeng lumaban dahil ubos na ang lakas niya. Kahit pa siguro palutang-lutangin siya sa dagat ng mga ito ay wala siyang magagawa dahil hinang-hina siya.
Mabuti naman at may puso pa ang tao doon para sa kanya sa kabila ng gulong ginawa niya. Nasa Stallion Island pa rin siya. Hindi nga lang niya kung nasaan siyang bahagi ng isla. Wala siya sa villa ng pinsan niyang si Noah dahil hindi naman malapit sa dagat ang bahay nito. But she had a good idea.
Nakumpirma ang hinala niya nang bumukas ang pinto at pumasok si Trick. “I see. Gising na si Sleeping Beauty.”
“Trick…”
Gusto niyang iangat ang kamay at haplusin ang mukha nito kahit na bahagya pa siyang nanghihina. Her prince. She was looking forward to waking up everyday with him in sight. Kahit na simpleng pantalon lang at white T-shirt ang suot nito ay kaya na nitong pabilisin ang tibok ng puso niya. Sana araw-araw ay ito agad ang makita niya paggising niya. And that would make her day.
Tumayo ito sa harap ng kama niya. “Anong pakiramdam mo?”
“I am okay.” Iginala niya ang tingin sa paligid. “Nasa cottage mo ako?”
“Yes. Sabi ko kay Noah dito ka muna para mabantayan kita. Gusto mo bang ipa-serve ko dito ang breakfast mo?”
Mahabang sandali niyang tinitigan si Trick. He sounded so formal. Parang hindi ito ang boyfriend niyang malambing. He didn’t even attempt to kiss her or touch her. Akala pa mandin niya ay irresistable siya pagdating kay Trick.
Saka niya naalala kung anong itsura niya. Malamang ay gulu-gulo ang buhok niya. Kahapon pa siya hindi nagsa-shower kaya malamang ay maasim na ang amoy niya. She always looked chic. Pero nang mga oras na iyon ay mukha na siyang basahang manyika. She must be a terrible mess.
Paano siya hahalikan o yayakapin man lang nito? He was a real Prince Charming now. Sa paglabas nito sa TV, pakiramdam niya ay malaki ang nagbago sa personality nito. He looked more confident now. Hindi niya maialis ang tingin sa bawat galaw nito. Wala na ang mahiyaing Trick na kilala niya.
“I will just use the bathroom. Pwede ba?”
Tumango ito. “Okay. Kukunin ko lang ang breakfast mo.”
Mabilis ang naging kilos niya pagpasok ng banyo. She took a quick shower. Itinataktak talaga niya ang Stallion Shampoo sa buhok niya para mawala ang bakas ng dagat sa buhok niya. Kahapon pa siya di naligo kaya malamang ay amoy-lamang dagat na siya. Hindi talaga siya hahalikan ni Trick kung amoy talaba siya.
Pinapatuyo na niya ang buhok niya nang marinig niya ang pagkatok ni Trick. “Vix, breakfast is ready.”
“Yes. Give me a few more minutes. Susunod na ako.”
“Sumunod ka na lang sa verandah.”
Isang ngiti ang gumuhit sa labi niya. Paglabas niya sa verandah, tingnan lang niya kung di makalimutan ni Trick ang pagiging conservative nito oras na makita ang kagandahan niya. A man could lose his head to a beautiful woman. At iyon mismo ang gagawin niya.
Ilang minuto din niyang tinitigan ang mga damit niya at sa huli ay piniling isuot ang mint green na flowing summer dress. She looked pagan and goddess-like.
“Are you dressed?” tanong ni Trick nang katukin ang pinto. Hindi agad siya nakasagot dahil busy siya sa pagkukumpara kung anong shade ng eye shadow niya ang babagay sa damit niya. Bumukas bigla ang pinto. “Vix!”
Napapitlag siya at nilingon nito. “Bakit?”
Malalim ang paghinga nito at namumutla. “A-Akala ko nag-collapse ka na. Hindi ka kasi sumagot sa tawag ko.”
“Sinabi ko naman na okay na ako.” Ngumiti siya dahil sa pag-aalala nito. Trick still cares for her. “Magme-make up lang ako.”
“No!” Napatili siya nang bigla siya nitong buhatin palabas ng kuwarto niya. “Kanina ka pa nag-aayos. Hindi naman tayo pupunta sa isang party. It’s just breakfast, Vix.”
“I just want to look beautiful,” she whispered.
“You are beautiful. Hindi mo na kailangan pang magpaganda.”
Isang ngiti ang gumuhit sa labi niya at isinubsob niya ang mukha sa leeg nito. She inhaled his earthy masculine scent. Naririnig na niya lagi kay Trick na maganda siya. But only because she made an effort to look beautiful and different. Nasanay na lang siya na laging mag-ayos para masabihang maganda.
“Trick, you smell so good. Pwede bang huwag na lang tayo sa verandah mag-breakfast?” tanong niya. She really wanted to kiss Trick so badly. She wanted to devour him and eat him alive.
“Nandito na tayo,” deklara nito at ibinaba siya sa upuan. Nadismaya siya nang makita ang malawak na dagat. She suddenly felt exposed. Na kahit silang dalawa lang ni Trick doon ay parang nakikita na sila ng buong mundo. She suddenly hated that verandah. Doon siya tinanggihang halikan ni Trick. “Eat. Ipinahanda iyan ni Lord Rouen para sa iyo.”
Saka lang siya nakaramdam ng gutom nang makita ang masasarap na pagkaing nakahain sa harapan niya. That’s one of the things she loved about Stallion Island. May privilege siyang kumain ng masterpiece ng sikat na three-star Michelin chef na si Rouen Arezmendi.
“Thank you. Bigla kong na-miss kumain.”
“Hindi ka daw nag-agahan sabi ni Gabriella,” anito sa mababang boses subalit naka-concentrate din ito sa pagkain. Parang ayaw siyang tingnan man lang. Galit ito sa kanya kapag hindi siya kumakain nang tama.
“Sorry. Hindi na mauulit.”
“Hindi na talaga dapat maulit iyon. Kumain ka na. Kailangan tayo sa terminal mamaya. Alas diyes ang flight mo pabalik ng Manila.”