Chapter Trick Vergara: Chapter 15

“Kirei! You are so pretty, Ate Vix.” Puring-puri siya ni Ayumi nang maisukat na niya ang belly dancing costume niya. Nasa Ayumi Creations siya at kahit siya ay di makapaniwala sa magandang epekto ng costume na iyon sa kanya. “Kundi ka pa pinakasalan ni Trick Vergara, ewan ko na lang.”

Inalis niya ang tingin sa salamin at nilingon si Ayumi. “Sa palagay mo ba magagandahan siya sa akin?”

“Oo naman. You look pretty and seductive. At oras na sumayaw ka, tiyak na hindi ka niya mapapahindian,” sabi ni Ayumi.

“Nakakatuwa!” sabi ni Summeria at sinapo ang sariling pisngi. “Naalala ko tuloy ‘nung gabing magsuot ako niyan para akitin si Drace.” Nobya ito ng may-ari ng Mist Fusion na si Alessandrace. Alam ng buong Stallion Island ang pang-aakit na ginawa ng dalaga para mapasama si Alessandrace sa kayaking exploration nito sa Tibet. Hiniram pa nito ang costume sa alipin ni Prince Rostam na si Jumeirah.

“Effective ba naman ang pang-aakit mo?” tanong ni Jazzmire na kakambal ng member na si Julian.

Ngumisi si Summeria. “Hindi. Ihinagis niya ako palabas ng cottage niya at muntik na rin niya akong ipa-ban sa Stallion Island.”

Ibinuka niya ang veil. “Hindi ko naman siguro dadanasin ang dinanas mo.”

Nabago naman na niya ang isip ni Trick na paalisin siya ng Stallion Island. At base sa reaksiyon nito sa seduction project niya nang nakaraan ay malapit na siyang magtagumpay. The belly dancing seduction project would simply nail it. Natitiyak niyang kasalan na ang susunod pagkatapos. Of course, she would learn from the rumored harem girl of Prince Rostam-Kaetria Mosqueda.

Lahat sila ay nagulat nang hangos na pumasok ng shop ang nakababatang kapatid ni TJ Javellana na si Akeesha. “Girls, may balita ako sa inyo.”

“Alam mo na kung sino si Daredevil Panthom?” tukoy ni Ayumi sa vocalist ng sikat na bandang Panthom. Under ang naturang banda ng record label ni TJ. Subalit walang nakakaalam ng tunay na identity ng miyembro ng banda dahil naka-maskara ang mga ito maliban sa ilang piling tao. Kilala ng mga regular residents at guests sa Stallion Island ang identity ng mga miyembro pero wala siyang planong ipaalam iyon kay Akeesha.

“How I wish I know,” humihingal nitong sabi. “Nag-away ang Sirens at ang mga contestant ng Stallion Shampoo Makeover Challenge.”

“Bakit?” tanong niya.

“Alam naman natin na mainit ang ulo ni Merian at mga Sirens sa mga contestant dahil naaagawan daw sila ng kasikatan,” sabi ni Jazzmire.

“Nakita ko kung ano ang nangyari,” sabi ni Akeesha matapos uminom ng tubig na ibinigay ni Summeria. “Fan kasi ni Merian si Trining. Naasar yata si Merian kasi sinabi ni Trining na siya ang susunod na Merian de Vera. Sinabihan pa niyang losers ‘yung mga contestant.”

“Ganoon naman talaga si Merian. Pero unfair na sabihan niyang losers ang mga contestants. Baka nabawasan na siya ng fan-base ngayon.”

At naawa siya sa mga contestants. They really transformed. Malaki na ang nabago sa mga ito kumpara nang unang ipakita ang mga ito sa TV. Some of them had finesse. Kahit si Carmilette ay gusto niya sana kundi lang nito pinag-iinteresan si Trick.

“Inisa-isa niya ang mga contestants na lait-laitin. Tapos lalayasan na sana siya nung contestant na si Josef pero hinabol pa rin ni Merian. Di sinasadyang natabig siya. Ayun! Natumba si Merian at naging histerikal na ang Sirens. Tumawag ng security at may papatay daw kay Merian.” Kwento ni Akeesha.

Napailing na lang siya. “OA talaga ng mga iyon.”

“Hindi mo ba dadamayan ang soul sister mo?” tanong ni Freezia sa kanya.

“Oo nga pala. Narinig ko pa na ipinagtanggol ka ni Merian. Sabi niya wala daw sa kalingkingan mo si Carmilette.”

Tinanggal niya ang veil. “That’s a bit harsh.” Hindi niya ikinumpara kahit minsan ang sarili sa mga contestants doon lalo na kay Carmilette. Pare-pareho lang naman silang tao. Hindi siya nakahihigit sa kahit sino sa mga ito sa kabila ng estado ng pamilya niya at tinatamasa niya sa buhay. Hindi lang niya ang gusto ang involvement ni Trick sa contest at kung paano naapektuhan ang relasyon nila.

Matapos magbihis ay naabutan niyang nagtatalo-talo ang mga ito kung saan magdi-dinner. Gusto ni Akeesha sa Windy Café dahil magpe-perform ang Panthom Band. At mukhang hindi ito titigil hangga’t hindi nito natutuklasan kung sino ang lalaki sa likod ng magandang boses at maskara.

“Ate Vix, sa Windy Café daw tayo magdi-dinner?” tanong ni Freezia.

“Sure!” Nag-ring ang cellphone niya. Na-excite siya nang makitang si Trick ang tumatawag. “Excuse me.” Lumabas siya ng shop at doon sinagot ang tawag. “Hello, Trick!”

“Vix, nandito na ako sa Stallion Island.”

Nagningning ang mga mata niya. “Really? Do you want me to meet you at the terminal? Papunta na ako diyan.” Excited na siyang makita ito.

“No. Nandiyan na ang susundo sa iyo. Hihintayin na lang kita dito.”

Pumasok siya ng shop para balikan ang bag niya. “Girls, hindi ako makakasama sa dinner ninyo. Kadarating lang ni Trick. I have to go.”

“Gusto mo bang ipadala ko sa cottage niya ang belly dancing costume mo?” tanong ni Ayumi at kumindat.

“I will call you for my plan,” aniya at humalik isa-isa sa mga ito.

Mabilis na gumana ang isip niya habang nakasakay sa e-jeepney na sumundo sa kanya. Hindi niya alam kung ano ang plano nito. Hindi rin siya nito nabigyan ng pagkakataon na maghanda sa pagdating nito. She needed a plan. Nauubusan na siya ng panahon. She must hook him soon.

Bumaba siya sa tapat ng security headquarters at nagulat siya nang salubungin siya ni Arjhilleyne. “Miss Vix, this way please…”

“Nasaan si Trick?” tanong niya.

“Nasa security office kasama ang mga village lord at si Sir Oliver.”

Anong meron at ipinatawag pa siya? Baka naman may kinalaman ito sa pagdalaw ni Senator Benitez. Irereklamo nga niya ang lalaking iyon para di na maglalapit sa kanya kapag nasa Stallion Island siya. Maiintindihan naman marahil ng mga ito kapag ipinaliwanag niyang di siya komportable sa presensiya nito.

Nadaanan pa niya ang ilang Sirens at ang ilang contestant ng Stallion Shampoo Makeover Challenge na nasa waiting lounge. Matalim ang tingin sa kanya nina Trining at ni Carmilette. Baka hindi pa tapos ang usapin tungkol sa pakikipag-away ng mga ito kay Merian.

“Anong nangyari kay Merian?” bulong niya kay Arjhilleyne.

“Nasa loob po siya, Miss Vix,” anito at binuksan ang conference room. Huli na para magtanong pa kung bakit nandoon siya. Kaharap na niya ang tatlo sa village lords, ang head ng security na si Oliver, sina Quillian at Aric, ang kapatid ni Merian na si Audric pati ang mga Prince Charming. Ngingiti sana siya at tatawagin si Trick subalit matiim ang anyo nito na parang galit ito sa kanya. Naguluhan siya. Bakit? Ano bang nangyayari?

“Vix, take a seat,” anang si Evandro. “Ipinatawag ka namin dahil sa involvement mo sa huling gulong nangyari sa Stallion Island.”

Napanganga siya. “Anong gulo?” Akala niya ay tapos na ang isyu kay Senator Benitez.

Humawak sa kamay niya si Merian na tigmak ng luha ang mga mata. Nagkalat ang mascarra sa mukha nito pero wala itong pakialam. “Mayor Vix, ipagtanggol mo ako. Ipinaglaban ko lang ang karapatan natin. Ang karapatan natin na niyurakan ng mga cheap na babaeng iyon. Hindi ko matanggap na inaagaw nila sa atin ang mga taong importante sa atin. Our boys.”

Hindi niya alam kung paano iko-console si Merian. Mali naman kasi ang ginawa nito. But in a way, she was touched. Ipinagtanggol kasi siya nito. Sa huli ay hinayaan lang niya itong kumapit sa kanya at umiyak.

“Miss Elizaga, sinabihan mo ba si Merian na pagsalitaan ng hindi maganda ang mga candidates ng Makeover Challenge?” tanong ni Oliver. Great! The Spanish Inquisitor was back.

“And why would I do that?” she asked in an insolent tone.

“Revenge. Dahil nahuli ka nina Carmilette at Trining na kausap si Senator Benitez. Naipahiya ka nila,” panghuhuli nito.

Ngumisi siya. “I don’t have to ask other people to fight my battles. Kaya kong ipagtanggol ang sarili ko. At wala akong ginagawang masama nang kausapin ko si Senator Benitez.” Itinuon niya ang atensiyon kay Trick. “Kahit tingnan pa ninyo ang video namin, nag-uusap lang kami. We didn’t do anything indecent that would compromise our names. Wala ring epekto sa national security ang pinag-usapan namin. Wala akong dapat na ikatakot.”

Nanlumo siya nang iiwas ni Trick ang tingin sa kanya. Na parang di ito interesado sa paliwanag niya. Nakausap ba nito si Carmilette? Anong sinabi ng dalaga dito? Hindi niya alam kung paano siya lalaban.

She suddenly felt helpless. Wala siyang napagpilian kundi humingi ng tulong kay Merian. “Merian, sabihin mo naman sa kanila na wala akong masamang inutos sa iyo.”

“Basta ipinagtanggol kita. Kasi pareho lang naman tayong sinasaktan ng mga babaeng iyan. Akala mo kung sino sila, di ba?” sa halip ay wika ni Merian.

Mariin siyang pumikit. Pakiramdam niya ay ibinabaon siya ni Merian nang buhay sa lupa. Lumalabas kasi na inimpluwensiyahan niya ito. na siya ang nagtulak sa mga babaeng iyon para awayin ang mga contestants.

Ano ba ang kailangan niyang gawin para patunayang inosente siya?

MAHABANG katahimikan ang namagitan kina Vix at Trick habang pabalik sa cottage nito. Wala na itong sinabi pa mula nang matapos ang diskusyon nila sa security headquarters at i-dismiss sila ng mga village lords.

Hindi niya gusto ang katahimikan. Hindi niya gusto ang pakiramdam kapag tahimik si Trick at hindi niya alam kung anong tinatakbo ng isipan nito. Natatakot siya. Hindi siya sanay kapag ganoon si Trick.

“Trick, hindi mo pa rin ba ako kakausapin? Magsalita ka naman,” wika niya nang dumating sila sa cottage at di pa rin ito nagsasalita. The silence was killing her. “Pakiramdam ko may kasalanan ako kahit na wala naman.” Kinagat niya ang labi. She sounded guilty even if she was not.

Tumigil ito sa paglalakad at nilingon siya. “I am tired, Vix. Kaya nakapagdesisyon na ako. You are going home tomorrow.”

“What?” bulalas niya. “But why? Narinig mo naman ang sinabi ni Merian, hindi ba? Hindi ko siya inutusan na awayin ‘yung mga contestant. Hindi ako nanggulo, Trick. Hindi naman fair na ako ang paalisin mo. Wala akong kasalanan. You know me better than that.”

His eyes turned into cold, black diamonds. “I don’t know, Vix. Minsan parang hindi na kita kilala.”

“Bakit? Iniisip mo ba na parang ako na rin mismo ang sumugod kay Trining at Carmilette dahil sa ginawa ni Merian. Kaya mo ako paaalisin.” Mapait siyang ngumiti. “Hindi ba nagiging unfair ka naman sa akin. O baka naman nagkausap na kayo ni Carmilette bago ka pa dumating dito?”

Marahan itong tumango. “Nagkausap kami kanina.”

She was at disadvantage. Naunahan na siya ni Carmilette. Siya pa ang isinumbong nito samantalang siya nga ang naagrabiyado. “Nakita lang naman niya kami ni Arnulfo. I am sure wala siyang narinig sa usapan namin. At kahit marinig pa niya, wala akong itinatago. At hindi ako nagtaksil sa iyo.”

Nanatiling madilim ang anyo nito. “Anong ginagawa ni Senator Benitez dito? Bakit ka niya kinausap? Sabi ni Lord Evandro, nang mga panahong dapat nakikipag-meeting siya, ikaw ang kasama niya.”

“It’s not as if we’re together. Hinanap niya ako. Gusto niyang sumama akong umuwi sa kanya. Kung gusto ko daw na pangatawanan ang pagiging mayor ng San Martin, kailangan ko daw makipag-cooperate sa kanya.”

Humalukipkip ito. “Cooperate in what way?”

“Gusto niyang i-repair ang damage na ginawa sa pangalan ko ng mga naglalabasang masasamang balita tungkol sa akin. Iniisip niyang makakatulong sa akin kung magiging active ako sa mga programs niya at charity function.”

Itinaas nito ang dalawang kamay pagkatapos ay ibinagsak din. “Mukhang gusto ka talaga niyang gawing first lady niya.”

Humawak siya sa braso nito. “Trick, I am here. Hindi ko gustong maging first lady niya. I want to be your wife.”

He searched her face. Parang lalong nadagdagan ang alalahanin nito sa sinabi niya sa halip na matuwa. “Nasabi mo na ba sa kanya na hindi ka na tatakbong mayor ng San Martin?”

Binitiwan niya ito at napaurong. “Trick, I won’t do that. Nangako na akong tatakbo akong mayor. Hindi ako uurong.”

“Kahit na iyon lang ang paraan para matuloy ang kasal natin?”

Mariin siyang pumikit at nagbilang ng sampu. No! Isa itong bangungot. Ito ang usaping ayaw niyang i-tackle kahit na kailan. “Bakit hindi mo ako hayaan na tumakbong mayor, Trick? Hindi naman kita pinipigilan na maging Prince Charming sa makeover Challenge na iyan.”

“Those are two are entirely different things, Vix. Wala akong choice sa Makeover Challenge. Nakapag-commit na ako. At alam mo kung gaano kaimportante ang commitment ko.”

She lifted her chin up. “Nakapag-commit na rin ako.” Hindi ba nito naisip na wala rin siyang choice nang sabihin ng Mama niya na siya na ang tatakbong mayor? Kung ito ang ihinarap ng Mama niya sa governor, tiyak na hindi rin ito basta-basta makakatanggi. Hamak mas seryoso naman ang commitment niya.

“But you committed yourself to me first. Nangako ka sa akin na walang kahit sino sa atin ang tatakbo sa kahit anong government position. And I am expecting you to fulfill that commitment.”

Bumagsak ang balikat niya. “Trick, pamilya ko ito. Inaasahan kong maiintindihan mo ako.”

“A promise is a promise, Vix. At inaasahan ko na tutuparin iyon ng babaeng nagsasabing mahal ako at pakakasalan ko.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.