Chapter Trick Vergara: Chapter 17

Daig pa ni Trick ang sinabugan ng bomba sa pasabog ni Vix. Nakatulala ito sa kanya at hindi halos gumagalaw. “Ano ulit ang sinabi mo?”

“Buntis ako at ikaw ang ama,” taas noo niyang sabi sa pagkakataong ito.

Her toes curled. Isang malaking kasinungalingan ang sinabi niya. baka iyon nga ang pinakamalaking kasinungalingang nasabi niya dahil di naman siya sanay nang nagsisinungaling. Pero iba ang pagkakataong ito. She was desperate. Her back was against the wall. At wala na siyang ibang naiisip na paraan para bumalik sa kanya si Trick. Ito na lang.

“Vix…” anito sa boses na may kasamang pagbabanta. Binibigyan pa siya nito ng pagkakataon na bawiin ang kasinungalingan niya bago nito pilipitin ang leeg niya.

Hindi na siya pwedeng umurong pa. nandito na siya kaya pangangatawanan na niya. Matapang niyang sinalubong ang mga mata nito. Hindi siya kumurap kahit parang sinusunog siya ng mga mata nito.

“Bakit? Hindi mo matanggap na magkakaanak na tayo. Pagkatapos ng lahat ng ginawa natin.” Tinutop niya ang bibig. “Ganoon na lang ba kadali para sa iyo na talikuran kami ng anak mo,” mas malakas niyang sabi na nakakuha ng atensiyon ng mas marami pang tao.

Sinambilat nito ang braso niya. “Ano bang sinasabi mo, Vix?” mahina pero mariin nitong tanong. “Anong anak?”

“Hindi mo na ba ako mahal?” tanong niya at napahikbi. “Pababayaan mo na lang ang anak mo na lumaking walang ama?”

Tumingala ito at umungol. “Oh, God!”

Nilapitan siya ng kapatid niya at hinila palayo kay Trick. “Vix, nag-eeskandalo ka na. Pwede bang pag-usapan natin ito sa mas pribadong lugar? Nakakahiya na sa mga tao.”

“Kuya, ipinaglalaban ko lang ang karapatan ko.”

“Karapatan?” Tumigas ang anyo ni Trick. Magsasalita pa sana ito subalit nakita na nito ang grupo ng security sa pangunguna ni Ridge. Lumapit na ito kay Ridge bago pa sila malapitan. “We need to use the security conference room. And I need to inform Warren about the flight delay.”

Tumango si Ridge at may kinausap sa communicator nito. Matapos iyon ay nagbigay ito ng instruction sa isa sa mga security agents nito na ihatid sila sa conference area.

Kasunod ng pagpasok nila sa conference room ay dumating si Freezia. “Ate, anong nangyari? Nagkagulo daw kayo sa terminal kanina.”

“Your cousin is pregnant. I am the father,” deklara ni Trick nang hindi agad siya nakasagot.

Napanganga si Freezia at maang siyang tiningnan. “Ha?”

Pinili na lang niyang ipinid ang bibig niya at umupo nang tuwid sa swivel chair. Hindi naniniwala ang pinsan niya sa kanya. She knew the real score. May pang-uuri sa mga mata nito nang titigan siya. Kinokonsensiya siya nito. Basta hindi niya babawiin ang sinabi niya.

“Trick, do you want my sister to undergo a pregnancy exam first?” her brother asked.

Mariin siyang pumikit. Of course, alam nito kung gaano ka-conservative si Trick. Hirap na hirap itong maging intimate sa kanya. Paano kung pumayag si Trick sa pregnancy test para pasinungalingan ang sinabi niya? Mabubunyag ang kasinungalingan niya. Lalo na siyang hindi pakakasalan ni Trick nito.

That was stupid. Simply stupid. Iyon ang problema sa mga impulsive decisions niya. Hindi niya naiisip kung ano ang mga posibleng scenario. Mas malala pa ang magiging resulta nito. Mas malaking kahihiyan ang kakaharapin niya. Isang malaking sinungaling ang magiging tingin sa kanya ng lahat.

Nanatiling nakatayo si Trick habang nakahalukipkip at malamig ang matang tumingin sa kanya. Ihinanda na niya ang sarili. Oras na mag-request ng pregnancy exam si Trick, she was doomed for real.

“Sabi ng kapatid mo buntis siya. So be it.”

Muntik na siyang malaglag sa kinauupuan. Ganoon lang iyon? Hindi kokontrahin ni Trick ang claim niya na nagbubuntis siya?

“I just want to make sure that this isn’t just hysterical pregnancy.” Her brother gave her a warning look. Ang kasinungalingan niya ay kahihiyan ng pamilya. At mas gugustuhin pa ng kuya niya na ito mismo ang magbulgar sa kalokohan niya kaysa gumawa siya ng mas malaking gulo.

“When she says she’s pregnant and I am the father, I don’t need any pregnancy test to prove it. Panghahawakan ko ang salita ni Vix. Kung gusto niyang magpa-check up, nasa kanya iyon.” Umangat ang gilid ng labi ni Trick. “Sa palagay mo ba magsisinungaling ang kapatid mo? You told me that honesty is one of her virtues.”

Pinili ng kapatid niya na huwag sagutin ang tanong na iyon dahil hindi na niya virtue ang pagsasabi ng katotohanan at pawang katotohanan lamang. Subalit parang may tali na sumasakal sa leeg niya. Hindi lang si Trick ang tinraidor niya. Maging ang Kuya Guilbert din niya ay sinira niya ang tiwala sa kanya.

“Ano ang plano mo ngayon?” tanong ng Kuya Guilbert niya kay Trick.

Yumuko siya at pinagsalikop ang palad. Anong gagawin ni Trick sa kanya? Ibibitin siya nang patiwarik sa tuktok ng cliff ng Thunder Village? Ipapakain sa mga gagala-galang pating? O ipapamigay na lang sa mga pirata sa tabi-tabi?

“Made-delay ng ilang oras ang pag-uwi ninyo ng San Martin. I am coming with you. Gusto kong makasal kami ni Vix next week.”

Biglang umangat ang tingin niya at nanlalaki ang matang tiningnan si Trick. “Ano? Magpapakasal tayo? Next week na?”

Sa kauna-unahang pagkakataon ay ngumiti si Trick at umupo sa harapan niya. “I hope you won’t object to that, sweetheart. Sa kalagayan mo ngayon, hindi na natin kaya pang maghanda ng isang malaking kasalan at matagal na paghahanda. Ilang buwan na ba iyan? Two months? Three months?”

Napalunok siya dahil hindi niya matagalan ang nanunuyang tingin ni Trick. Hindi niya masagot kung ilang buwan na ang “ipinagbubuntis” niya.

“S-Saan tayo magpapakasal?” tanong niya.

Tumayo ito. “Sa farm ko sa San Martin. Isang civil wedding nga lang ang iyon kay Judge Montelibano. He is my godfather.” Iwinasiwas nito ang kamay. “I want this wedding as quick as possible.” Nilingon siya nito. “Any questions?”

Umiling siya. “W-Wala.” He was calling the shots now. Kahit na isang ermitanyo o taong grasa pa siguro ang gusto nitong magkasal sa kanila ay hindi na siya makakakontra pa.

“Sasabihin ko kay Mama na kakausapin ninyo siya,” sabi ni Guilbert. “I am sure magugulat siya sa mga pangyayari.”

“Sasama na rin ako pauwi ng San Martin,” sabi ni Freezia. “Baka kailangan ni Ate Vix ng katulong sa paghahanda sa kasal.”

“Well then, we’ll leave in a couple of hours,” anang si Trick at lumabas ng conference room.

Hinabol niya ito. “Trick, sandali!” Tumigil siya ilang metro mula dito nang makita niya ang matalim nitong mga mata. “I am sorry…”

“Sorry?” Pagak itong tumawa. “Wow! Ngayon ka pa ba magso-sorry? Nakuha mo na ang gusto mo. Sana masaya ka na.”

Nanikip ang dibdib niya sa hostile na pagtrato nito. “Nabigla ako kasi…S-sorry…”

Hinawakan nito ang baba niya at tinitigan siya sa mga mata. “Ako ang dapat na mag-sorry. Hindi ko maibibigay ang dream wedding na gusto mo. Due to the circumstances, we don’t have much time. Pero ang mahalaga lang naman sa iyo ay pakasalan ang lalaking mahal mo, hindi ba?”

“Yes,” sagot niya kahit na may lason ang mga salitang binitiwan nito.

Pinisil nito ang baba niya. “Then let’s make the most out of it.”

Nanlulumo siyang sumandal sa pader at minasdan ito habang papalayo. Ano bang ginawa niya? Nakuha nga niya ang gusto niya pero parang hindi dream wedding ang ibibigay sa kanya ni Trick. Hindi ang pagmamahal nito.

It was hell. He’d give her hell.

KINAKABAHAN si Vix habang nakasakay sa white vintage Mercedes Benz na maghahatid sa kanya sa farm ni Trick. It was her wedding. Isang linggo siyang aligaga sa paghihintay sa pagdating ng araw na iyon pero hindi pa rin siya mapirmi. Sa araw na iyon ay magiging Mrs. Patrick Vergara na siya.

Isang linggo niyang hindi nakausap si Trick. Pareho kasi silang abala. Halos di sila nag-uusap kahit nang mag-file sila ng marriage certificate sa munisipyo. Parang hindi sila ikakasal. Parang isang estranghero ang kasama niya. Mawawala na kaya ang sama ng loob nito pagkatapos ng kasal nila?

“What an unglamorous wedding, Victoria Grace. Kahit na ang mga simpleng magsasaka dito sa San Martin, mas magarbo pa ang kasal kaysa sa inyo,” sabi ng Mama niya na kuntodo ang postura para sa kasal niya. She was wearing a lacy dress. Parang nanay talaga ito na a-attend sa isang magarbong kasalan. Habang siya ay simpleng white flowing dress lang ang suot. Malayong-malayo kaysa sa elaborate na wedding gown na ipinagawa niya kay Ayumi.

“Alam naman ninyo na biglaan ang kasal, Mama.”

Pinanlakihan siya nito ng mata. “Yes. This is a far cry from the society wedding that I dreamt for you. From five hundred wedding guests, bumagsak tayo sa dalawampu. Well, pwede na ring five hundred kung isasama mga farmhands, fisherfolks, ang mga baka, kalabaw, kambing at mga kulisap sa farm…”

“This is the best we can do.”

Hindi na kailangan pa ng magarbong kasal. Iyon ang nararamdaman niya na gustong ipahiwatig ni Trick. Tama na ang simpleng kasalan para sa kanila at piling kamag-anak at kaibigan lang ang imbitado. Mabuti nga at pinakasalan siya nito.

She could plead for insanity when she told the world that she was pregnant with Trick’s child. Pero nanatili iyong sekreto sa loob ng Stallion Island. Umismid lang ang Mama niya nang sabihin ni Trick na buntis siya. Inaasahan niyang sesermunan siya nito subalit nanahimik ito. Hindi lang siya sigurado sa dahilan ni Trick kung bakit siya nito pakakasalan. Dahil ba ayaw nitong mapahiya siya o ayaw din nitong mapahiya sa maraming tao? Whatever the reason is, she didn’t get the chance to ask. Mas gusto nito kasing manahimik pag magkasama sila.

Hinaplos ng Mama niya ang pisngi niya. “But I must commend you for the job well done, Victoria Grace. Ipapatapon ka na lang ni Patrick palabas ng Stallion Island, bigla ka pa niyang pakakasalan ngayon.” Humalakhak ito. “I am starting to believe that you are indeed my daughter. You can be cunning and clever if you want to. I like that.”

Cunning. Clever. A proverbial liar. It didn’t make her so proud to be her mother’s daughter. Dapat ba niya iyong ipagmalaki? Minsan ay pinapakinggan niya ang konsensiya niya. Masama siyang tao dahil sa pagsisinungaling niya. Pero ayaw niyang mawala si Trick sa kanya.

Nakuha na niya ang gusto niya. Pero bakit natatakot siya?

Bridal jitters. This is just bridal jitters.

Nang dumating siya ay sinalubong agad siya ni Freezia na dala ang bouquet niya ng white stargazer. “Ate, late na kayo. Kanina pa kayo hinihintay.”

“Si Mama kasi,” bulong niya. Nakailang palit ito ng damit at alahas. Ayaw daw nitong magmukhang busabos sa kasal niya.

Humihingi siya ng paumanhin na tumingin sa mga bisita. Naroon ang ilang kamag-anak niya, si Noah at ang nobya nitong si Olay, si Cody, si Rouen na nagluto ng handa nila at nag-represent sa village lords pati ilang mga piling miyembro na malapit kay Trick.

Naghihintay na sa harap ng judge si Trick nang pumasok siya ng villa. Gaganapin ang simpleng seremonya sa sala ng villa. Noong 1930’s itinayo ang bahay na iyon kaya naman Colonial American ang architecture niyon. She felt the house welcoming her. Nang magsalubong sila ng mata ng may-ari niyon ay parang bumagal ang oras. Trick looked gorgeous in his dark gray suit. Naka-brush up ang buhok nito at mukhang kagalang-galang. There was warmth in his eyes as she walked towards him. Na parang hinihintay din nito ang sandali ng pagdating niya. Na parang ina-anticipate din nito ang sandali na makakasal sila.

Nang hawakan nito ang kamay niya at ngumiti sa kanya ay tuluyan nang nawala ang mga bagay na kinatatakutan niya. For better or for worse, she would accept this man. Pakakasalan niya ito hindi dahil isang laro sa kanya ang lahat. Nagsinungaling siya dahil ayaw niyang mawala sa kanya ang lalaking mahal niya.

Buong seremonya ay lumulutang ang isipan niya. She was thinking about a good life ahead of them. Mahal pa rin siya ni Trick. She was sure of that. Kung anumang galit nito sa kanya ay matutunaw din oras na ipinaramdam niya ang pagmamahal niya dito.

“Victoria Grace,” untag sa kanya ng judge.

“Po!” Nagulat pa siya nang tawagin ang pangalan niya.

“Tinatanggap mo ba ang…”

“Opo. Opo,” sagot agad niya kahit di pa tapos ang tanong nito.

Humalakhak ang judge. “Masyado ka yatang excited na matapos ang kasal ninyo. Maya maya pa ang honeymoon, hija. Tapusin muna natin ito.”

Namula siya nang magtawanan ang ibang bisita. Hindi niya iniisip ang honeymoon kanina. Inosente ang takbo ng isip niya. Ngayon ay hindi na.

“You may now kiss the bride,” anang judge.

She trembled when Trick held her shoulders. Hindi siya halos humihinga habang nakatitig ito sa kanya at dahan-dahang lumapit ang mukha nito sa kanya. She could feel the air sizzle around them. He gave her a short yet hot kiss. Parang tinakam lang siya nito.

Mas lalo siyang natulala matapos ang halik na iyon. Hindi niya alam kung paano niyang nabati ang mga bisita niya. Kung paano niyang nasagot ang tanong ng mga ito sa kanya. Her head was reeling. Ano ang gagawin niya sa honeymoon nila mamaya? That one would be the real thing. Anong isusuot niya?

“Special ang regalo ko sa inyo,” sabi ni Cody kay Trick. “Edible underwear.”

“A-Ano…hindi ba lalanggamin iyan?” naiinosentehan niyang tanong.

“Kailangang ubusin ninyo para hindi langgamin.”

Sexy and erotic images flashed inside her head. Dinampot niya ang champagne. Ngayon pa lang ay ninenerbiyos na siya sa mangyayari sa honeymoon nila. Sana ay hindi siya mag-collapse sa sobrang kaba.

Ilalapit pa lang niya ang labi sa flute ng champagne ay inagaw agad iyon ni Trick. “Bawal sa iyo ang wine.”

“Pero hindi naman…” Sasabihin sana niyang hindi siya buntis subalit di na lang niya itinuloy ang sasabihin. Alam naman ni Trick ang totoo. Bakit hindi na lang siya nito pabayaan?

Inabot nito ang kopita ng juice sa kanya. “Drink that instead.”

Lahat ng iinumin at kainin niya ay ginuguwardiyahan nito. As if he was a real father-to-be. As if he really cared for her.

Naghikab siya nang bandang alas otso na ng gabi. Nag-uwian na ang ibang mga bisita nila at naiwan na lang ang mga trabahador ni Trick.

“Umakyat ka na sa taas. Hindi ka pwedeng magpuyat,” sabi ni Trick nang makaalis na ang Mama niya.

“O-Okay,” aniya sa mahinang boses pero excited siyang pumunta sa master’s bedroom. Matapos mag-shower ay isinuot niya ang sexy baby doll dress na regalo ni Ayumi. Wala pa si Trick kaya nagbasa muna siya ng Kamasutra. Dapat ay alam niya kung ano ang aasahan niya.

There’s one important thing when making love-kailangan ay hindi lang ang lalaki ang magpapasaya sa babae. It should be shared responsibility. Kaya responsibilidad din niya ang anumang mangyayari sa gabing iyon.

Dali-dali niyang itinago sa ilalim ng unan ang libro at humiga sa kama. Ipinikit niya ang mata at nagkunwaring tulog. Pinakiramdaman niya ang bawat kilos ni Trick. The rasp of the fabric of his clothes as he undress. Lumakas din ang tibok ng puso niya nang pumasok ito sa banyo at narinig niya ang lagaslas ng shower.

She could imagine his naked body under the shower. How would it feel to have his naked skin against her own?

Pigil niya ang hininga nang naglakad ito palapit sa kama at humiga sa tabi niya. Naghintay siya ng ilang segundo sa susunod nitong gagawin. Hindi ito gumagalaw. Isang minuto… dalawa…. Wala man lang itong ginawang kahit ano.

“Trick,” tawag niya dito.

“Matulog ka na. Alam kong pagod ka na,” sabi nito. “Goodnight.”

“Anong goodnight?” mahina niyang tanong at bumiling sa direksiyon nito. Pantay na ang paghinga ni Trick at mahimbing na ang tulog nito. Iyon lang? Goodnight? Ito ba ang ideya nito ng honeymoon? Magtutulugan lang sila?

Mariin siyang pumikit at bumilang ng sampu. Namayani ang pride niya. Ni hindi man lang siya nito hinalikan. Ano bang klaseng honeymoon iyon?

Nagdadalawang-isip siya kung gigisingin ito ng halik niya at aakitin ito. Sayang naman ang kaseksihan niya kundi siya nito papansinin.

Sa huli ay namayani ang pride niya. Kung ayaw nito sa kanya, ayaw din niya dito. Matitiis siguro siya nito ng isang gabi. Tingnan lang niya kung bukas ay matanggihan pa siya ng Hudas na ito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.