Chapter Trick Vergara: Chapter 20

Kalunos-lunos ang eksenang nadatnan ni Vix pagdating sa ospital. Maraming mga magsasaka ang nakaratay doon. Ang iba ay nabaril at ang iba naman ay natapakan nang magka-stampede. Nakakaawa ang mga ito. Gasino lang ba naman ang kinikita ng mga magsasaka? Minsan pa ay nasasalanta ang pananim ng mga ito kaya walang kinikita. Tapos ay mag-aangkat pa ang ibang gahamang negosyante sa ibang bansa. Sino pa ang bibili ng paninda ng mga ito?

“Titingnan ko po kung ano ang maitutulong ko,” sabi niya at ginagap ang kamay ng ama ni Carmilette. Kailangang mabigyan ng katarungan ang nangyari dito. Nabuksan ang paningin niya sa tunay na buhay ng mga magsasaka. Kung paanong pinagsasamantalahan ito ng iba. Hindi niya alam kung paanong uunlad ang Pilipinas kung maraming taong nagsisilbing backbone ng bansa ang pinababayaan naman.

“G-Gusto kong makulong ang Senator Benitez na iyon,” anang ama ni Carmilette. “Matagal nang nagpapahirap ang pamilya niya sa mga tulad naming malilit. Ayokong maging presidente ang katulad niya.”

Bumigat ang puso niya. Si Arnulfo ang standard bearer ng partido nila. Ano ang magiging reaksiyon ng Mama niya sa mga bagong akusasyon dito? Parang ayaw niyng tumakbo sa ilalim ng taong katulad nito. Di kaya ng konsensiya niya.

Palabas na sila ng ospital nang madaanan nilang ini-interview ng media ang congressman ng isang party-list na makamahirap. Hinarang sila nito. “Anong ginagawa mo dito, Miss Elizaga?”

“Good morning, Congressman Enchalado,” bati niya sa hostile na bungad nito. Ayaw niyang gumawa ng eksena hangga’t maari.

“Mrs. Vergara,” pagtatama naman ni Trick. “Dinadalaw namin ni Vix ang mga nasaktan sa rally. Bawal ba?”

“Wala akong problema sa iyo, Mr. Vergara. Ito lang asawa mo na sugo ng demonyong senador na iyon!” sabi ng solon at dinuro siya.

Humarang agad si Trick. “Walang kinalaman si Vix sa kalokohan ni Senator Benitez. Huwag na sana ninyong lagyan ng ibang kulay kung gusto man niyang tumulong. Matagal na ‘yong ginagawa ni Vix.”

Umiling ang matandang solon. Dati nang magkakilala ang mga ito dahil isa ang ama ni Trick sa tumutulong sa naturang grupo noong NGO pa lang ang mga to at wala pang party-list seat sa Kongreso ng Pilipinas. “Hindi ko alam kung bakit pinakasalan mo ang babaeng nakikipag-alyansa sa mga taong pumatay sa mga magulang mo.”

Nagulat siya at tiningala agad si Trick. “Totoo ba iyon? Si Senator Benitez ang pumatay sa pamilya mo?”

Hindi sinagot ni Trick ang tanong niya at hinila agad siya palayo. Hindi agad sila nakalayo dahil pinay sgkulupumpunan na sila ng mga reporters. Parang hinila ang kaluluwa niya hanggang ngayon. Lalong dumami ang tanong sa isipan niya. paano nangyari iyon?

“Trick, sagutin mo naman ang tanong ko. Totoo ba ang sinabi ni Congressman Enchalado?” tanong niya nang paandarin na nito ang kotse.

Ilang minuto itong hindi kumibo. Itinigil nito ang sasakyan sa gilid ng highway kung saan walang bahayan. There was sorrow and hurt in his eyes when he looked at her. “Oras na siguro para malaman mo ang totoo, Vix. Malaki ang kinalaman ni Senator Benitez at ng pamilya niya sa pagkamatay ng pamilya ko.”

“Akala ko nahuli na ang pumatay sa pamilya mo.”

In-expose ng Papa nito ang grupo ng mga negosyante na nagbebenta ng mamahalin at mapanganib na pesticide at pataba sa mga magsasaka sa probinsiya nila. Nai-present ang ebidensiyang iyon nang mamatay ang pamilya nito. Nahuli rin ang mga bumaril sa mga ito at naituro na ang mastermind. Ibig bang sabihin ay hindi pa iyon ang katapusan ng lahat?

Umiling ito. “No. Dahil hindi pa kasama si Senator Benitez. Nawala ang mga ebidensiya laban sa kanya. Walang gustong magsalita dahil walang ebidensiya. Hindi iyon mailabas ni Papa dahil nasira na ang mga ebidensiya laban sa kanya. Malaking gulo ang ginawa niya sa pamilya ko.”

Hinawakan niya ang braso nito. “Alam ko na mahirap para sa iyo na ikaw na lang ang natira sa pamilya mo.”

Huminga ito nang malalim. “Hindi lang iyon, Vix. Nawawasak na ang pamilya ko bago pa man mangyari iyon. Hindi sinasabi sa akin ni Mama na nagkakaproblema sila ni Papa. Nahuli niya na may babae si Papa. A minor. Ipinain ni Senator Benitez at ng miyembro ng mga sindikato. Noon pa lang sira na ang pamilya ko.”

Kinagat niya ang labi. Masakit nga iyon sa parte ni Trick. Nasa malayo ito nang mga panahong iyon dahil malapit na ang graduation nila. “Kailan mo lang nalaman ang lahat?”

“Nang gusto nang isiwalat ni Papa ang lahat ng nalalaman niya tungkol sa sindikato. PInagbantaan siya ni Senator Benitez na ilalabas ang tungkol sa minor na nakarelasyon ni Papa. Nang hindi nagpatakot si Papa, pinagbantaan na ang buhay ng pamilya namin. Gusto ni Papa na ihanda ko ang sarili ko sa mangyayari.”

Humigpit ang pagkakahawak niya sa braso nito. His father was not a bad man entirely. Dahil handa itong isiwalat ang katotohanan sa kagustuhan nitong maayos ang pamilya nito. “Kaya plano na ninyong pumunta ng ibang bansa noon?”

Tumango ito at lalong lumatang ang sakit sa mukha nito habang inaalala ang nakaraan. “Bakasyon lang sabi ko noon, di ba? Pero gusto ni Papa na makalayo na kami sa eskandalo at panganib. Pero hindi na iyon nangyari dahil tinambangan na sila.” Hinampas nito ang manibela. “At ang kapal ng mukha ng Arnulfo Benitez na iyon na pumunta sa libing ng pamilya ko.”

Niyakap niya ito nang mahigpit. Hindi umiiyak si Trick pero siya ang umiiyak para dito. Masakit para dito na hindi man lang nito naibigay ang katarungan para sa pamilya nito. Na wala itong mahanap na ebidensiya at ang taong may kagagawan ng lahat ay malaya pa rin.

“Naiintindihan ko na ngayon kung bakit ayaw mong tumakbo ako sa eleksiyon. At dadalhin ko pa ang taong pumatay sa mga magulang mo.”

Nagtagis ang bagang nito. “At alam ko na sinasadya niyang lumapit sa iyo noon para guluhin ang relasyon natin. Para gumanda ang imahe niya. Na lalaking-lalaki siya dahil naagaw ka niya sa akin.”

Umingos siya. “Trick, kahit na balatan ako ng buhay, hindi ko siya papatulan. At hinding-hindi kita ipagpapalit sa kanya. Kahit tutukan pa niya ako ng baril.”

Kinabig siya nito at niyakap nang mahigpit. “I don’t want to lose you, Vix. Natatakot ako na kapag pumasok ka sa pulitika, masira ang pamilyang bubuuin natin. Madumi ang pulitika. Dahil sa utang na loob, maraming nakakagawa ng mali at labag sa prinsipyo nila. There are so many strings attached. Ayokong mangyari sa atin ang nangyari sa pamilya ko. Hanggang ngayon natatakot ako na madungisan ang alaala ng Papa ko. Kaya gusto kong lumayo tayo kay Arnulfo Benitez at sa maduming mundo niya.”

Hindi kaya ng puso niya na naghihirap at nasasaktan si Trick. Hindi ito ang buhay na pinangarap niya para sa kanilang dalawa. Isang masayang simula ang gusto niya para sa kanilang dalawa. Mangyayari lang iyon kung tutuparin niya ang pangako niya dito. Ang huwag nang pumasok sa pulitika.

Pero paano ang Mama niya? ang pag-asam niya ng pagmamahal nito? Kaya ba niyang basta na lang talikuran ang Mama niya?

Naguguluhan pa rin ang puso niya subalit alam niyang kailangan niyang mamili. Kailangang malaman niya kung ano ang isasakripisyo niya.

“MY DARLING daughter. My Victoria Grace.”

Nagulat si Vix nang salubungin siya ng yakap ng Mama niya. Tigmak ito ng luha at magulo ang buhok. Nagpunta siya sa Villa Elizaga para kausapin ito tungkol sa pagtakbo niyang mayor. Mahabang usapan iyon at ihinanda na rin niya ang sarili niya sa susunod na mangyayari. Di niya inaasahan na iyon ang maabutan niya. Her mother was never untidy. Mukha itong laging tatanggap ng importanteng bisita. Kahit ang pambahay nito ay eleganteng-elegante. Not anymore.

“Ma, ano pong nangyari? Nakainom ba kayo?”

Iwinasiwas nito ang kamay. “Konti lang. Pinaalis ko na kasi ang kuya mo dito sa bahay. Alam mo bang kumalas na siya sa partido?”

“Po?”

“Hindi na daw niya matatagalan na makasama si Arnulfo sa isang partido. Stupid young man! Hindi ba niya naisip kung gaano kahirap na kunin ang endorsement ni Arnulfo? It costs me so much.” Niyakap siya nito. “Kaya ikaw na lang ang inaasahan ko, Victoria Grace. Nag-alisan na silang lahat. Si Guilbert. Si Daniel. Minahal ko sila nang sobra-sobra tapos ito pa ang igaganti nila sa akin. Ikaw na lang ang natitira sa akin. Ikaw na lang ang mamahalin ko.”

Gusto niyang humagulgol ng iyak habang tumatawa nang malakas. Ano ba ang dapat niyang maramdaman? Matuwa dahil sa wakas ay napansin din siya ng Mama niya at sinabi nitong mahal siya nito? O awa sa sarili dahil kundi pa nawala ang dalawa niyang kapatid ay hindi siya nito mapapansin.

Subalit namayani pa rin ang pusong anak niya. Kaya ba niyang iwan ang Mama niya ngayong siya na lang ang aasahan nito? Paano naman ang magiging pamilya nila ni Trick? Maisusugal ba niya ang kinabukasan niya sa maruming pulitika. Nangako siya na di na iyon mauulit pa kay Trick. Na tatanggapin na niya ang mas tahimik na buhay sa piling nito.

“Bukas na bukas din magpa-file tayo ng certificate of candidacy mo.” Pinahid nito ang luha at sinuklay ang buhok. “Hija, tulungan mo akong maghanap ng damit na isusuot ko bukas. I want to look fabulous.”

Nakaupo lang siya sa kama habang pinagmamasdan ito sa pamimili ng damit. Nasa kanya na ang pagmamahal ng Mama niya pero hindi siya masaya. At alam niyang kailangan niyang sundin ang tibok ng puso niya.

“Ma, I am sorry. Hindi na po ako tatakbong mayor.”

“What?” bulalas nito at nilingon siya. “Victoria Grace, don’t be such a sissy. Tsismis lang naman ang mga sinasabi ng tao laban sa kanya. Siya pa rin ang nangunguna sa mga surveys. I assure you.”

Umiling siya. “Ma, nandoon kami ni Trick sa ospital kung saan idinala ang mga magsasakang nasaktan. Nabaril sila at sugatan. Hindi iyon biro. At responsible siya sa pagpapasok ng mga imported na produkto sa bansang ito habang binabarat naman nila ang ani ng kawawang magsasaka.”

Isinara nito ang closet at namaywang. “Ah! So naimpluwensiyahan ka pala ng asawa mo na huwag tumakbo. Isantabi mo muna ‘yang kabaliwan mo kay Patrick at isipin mo ang malaking perang inilabas ko para sa partido. We have an allegiance to the party.”

“And my allegiance is to this country. Not to the party. Not to Arnulfo Benitez. Minsan ko nang ikinompromiso ang prinsipyo ko nang makipag-alyansa sa kanya. Sabi ninyo para rin ito sa San Martin. But my conscience can only take so much, Ma. Katulad nang hindi ikinompromiso ni Kuya Guilbert ang prinsipyo niya.”

Naningkit ang mata nito. “Trick asked you to quit, did he? Sabi na nga ba’t di ka nakakapag-isip nang tuwid pagdating sa lalaking iyon.”

Itinaas niya ang noo. “No. Ako ang kusang nagbago ng isip. Kailangan kong gawin ito para sa magiging pamilya namin.”

“Huh!” nagsaliin ito ng alak sa baso. “Pamilya. Anong tawag mo sa pamilya natin? Ang lakas ng loob mong mangarap ng pamilya sa asawa mo samantalang heto nga at pinapabayaan ninyo ako. But you are the weakest of them all, Victoria Grace. Dahil lang sa lalaki nagkakaganyan ka.” Itinulak siya nito. “Hindi ko kailangan ng anak na katulad mo. Umalis ka!”

Nasaktan siya sa pagtataboy nito pero hindi na katulad nang dati. Mas nakaramdam siya ng awa sa Mama niya. She craved for power. Ilang beses niyang narinig ang pang-aaway nito sa Papa niya tuwing gusto na ng papa niya na tumigil sa pulitika. She pitied her mother. Without the limelight, she must feel so empty.

“High blood pa rin ba si Mama? Mabuti ngang bumalik ka na lang sa kay bayaw, Ate Vix.”

Gulat niyang nilingon ang nagsalita. “Daniel?” Ngayon na lang ulit niya nakita ang bunso niyang kapatid.

“Isa ka pa!” Dinuro ito ng mama niya. “Impertinente! May lakas ka pa ng loob na bumalik sa pamamahay ko pagkatapos mo akong ipahiya sa buong bayan?”

“Aalis na lang ako kung ganoon. Sayang! I want to make ammends. Ako na sana ang tatakbong mayor kapalit ni Ate Vix,” sabi ni Daniel at humalukipkip. “May ilang kondisyon nga lang ako.”

“You are not in the position to bargain!” matapang na wika ng Mama niya.

“Number one, dapat kang mag-sorry sa lahat ng di magagandang nasabi mo kay Ate Vix. Sa lahat ng anak mo, siya ang nagmahal sa iyo at di nang-iwan sa iyo. At hindi tama na pigilan ninyo siyang maging masaya. Kundi ka magso-sorry, aalis na ako kasama niya at di na ninyo ako makikita kahit kailan.”

Nanlisik ang mata ng Mama niya. “I am sorry,” anito at bumuntong-hininga. “Why am I apologizing anyway?”

Her high and mighty mother. Para dito ay wala itong ginagawang mali. Ngumiti lang siya at hinalikan ito sa pisngi. “Goodbye, Ma.”

Nakaabang sa labas ng villa ang Kuya Guilbert niya. Niyakap siya nito. “Come. Ihahatid na kita sa asawa mo.”

Hindi na siya magagamitan ng emotional blackmail ng Mama niya ngayon. She won’t crave for her love. Hindi man siya nito mahalin gaya ng pagmamahal nito sa mga kapatid niya ay di na niya didibdibin pa. May iba namang magmamahal sa kanya nang buo. Si Trick.

Pagdating sa farm nito ay tumuloy agad siya sa kuwarto nila para mag-shower. Nagulat pa siya nang mahuli itong nagbabasa ng Kamasutra book niya. “Hoy! Huwag mong basahin iyan!”

Inilayo nito ang libro. “Ito pala ang binabasa mo kaya madami kang alam. Alam ko na ang sekreto mo, Mrs. Vergara. Dapat mag-share ka.”

Nag-blush siya nang matindi. “Trick naman!”

Hinila siya nito paupo sa tabi nito. “Bakit parang namumula ang ilong mo? Umiyak ka ba? Galing ka sa Mama mo, di ba?”

“Nagalit siya sa akin dahil hindi na ako tatakbong mayor.”

Lumambot ang anyo nito. “Why, Vix? Natatakot ka bang iwan kita? Hindi na kita pipigilang tumakbong mayor. Kahit na under ka pa ng partido ni Benitez, susuportahan pa rin kita. Alam ko na di ka masamang tao. Ang kailangan ko lang gawin ay protektahan ka sa mga pwedeng sumira sa iyo.”

Umiling ito. “Hindi na. Hindi ganoon kalakas ang loob ko sa paghawak ng posisyon sa gobyerno. Dati pa naman akong nakakatulong sa nangangailangan kahit na wala akong posisyon sa gobyerno. Pero hindi ko iri-risk ang magiging kinabukasan ng pamilya natin, Trick. Gusto kong ibigay ang pangarap mo na tahimik na buhay kasama ko at ng magiging mga anak natin.”

“Thank you, Vix. I am not expecting this but this means a lot to me.”

He kissed her gently and languidly. Oras na para si Trick naman ang isipin niya. Maliit na sakripisyo lang ang ginawa niya dahil alam niyang iyon ang mas makakabuti sa pamilya nila.

“May sorpresa din ako sa iyo,” anito at may inabot sa kanyang sobre. “Hindi pwedeng hindi tayo um-attend diyan.”

Binuksan niya ang envelope. “Trick, sinong Vergara at Elizaga ang ikakasal sa Stallion Island?” naiinosentehan niyang tanong. “Kapangalan pa natin.”

Humalakhak ito at pinisil ang ilong niya. “Silly. Ikakasal ulit tayo. And this time, church wedding na at maisusuot mo na ang wedding gown mo.”

Tumili siya at niyakap ito hanggang matumba ito sa kama. Pinupog niya ito ng halik. “Trick, hindi mo naman na kailangang gawin ito pero thank you.” Namasa ang luha niya. iba pa rin para sa isang babae na maikasal sa dream wedding nito kasama ang lalaking mahal nito.

“Hindi ako papayag na hindi maibigay sa iyo ang kasal na pinapangarap mo. You deserve it, Vix. A dream wedding for my dream woman. Kaya nga dine-delay ko ang honeymoon natin. Dahil pakiramdam ko hindi tayo totoong kasal sa unang kasal natin.”

“Oo nga pala. Pinikot lang kita doon. But thank you for not letting go of me, Trick. Kahit na kung anu-anong kalokohan ang naisip ko, mahal mo pa rin ako. I will make sure that you won’t regret it. Pwede bang advance honeymoon.”

Tinampal nito ng libro ng noo niya. “Magre-review pa ako para sa exam. Mas advance ka kasi sa akin. Baka maiwanan ako.”

Umalingawngaw ang halakhak niya sa buong villa subalit pinatahimik siya ng mainit na halik ni Trick.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.