Chapter Andreev Montinola: Teasers, Prologue and Chapter 1

“Sino naman ang may sabing liligawan kita? Mas lalaki ka pa nga sa akin, Jazzmire. Hindi tayo talo.”

Si Andreev Montinola ang first love ni Jazzmire. Sa kasamaang-palad ay binasted siya nito.

Sa muli nilang pagkikita sa Stallion Island, siya ang nanalo sa isang dating game na kasali ito. Sa kasamaang palad, pinagbintangan siya nito na tina-trap para makasal sila at lalo siyang kinamuhian nito.

She wanted to hate him but his kisses could make her knees weak. Hindi pa rin nawawala ang atraksiyon niya dito. Isusugal ba ulit niya ang puso niya sa dragon lord ng Stallion Island?

Umugong ang tawanan nang ibagsak ni Jazzmire sa buhanginan ang gustong manligaw sa kanya na si Johnston. Bakas ang pagkasindak sa mukha nito dahil mas maliit siya dito at payat pa. Maraming nagsasabi na mukha siyang Chinese porcelain doll kaya ang akala ay mahina siya. Walang ideya ang mga ito na kaya niyang magbalibag ng kalabang mas malaki sa kanya at bumali ng buto.

“Bago mo ako ligawan, tiyakin mo muna na marunong ka sa martial arts,” sabi niya at pinagpag ang kamay.

“Sino pa ang gustong manligaw sa kanya?” tanong ng kaibigan niyang si Illiana. “Puro lalaki ang ka-sparring ni Jazzmire at napapaiyak niya ang mga iyon. Kaya mag-ingat kayo.”

Nasa Bantayan Island, Cebu sila bilang volunteer ng One Hope. Tumutulong sila sa pagtatayo ng bahay para sa mga nasalanta ng bagyo at para na rin maglinis ng basura sa coastal area at magtanim ng mangrove trees. Isa rin sa regular volunteers doon ang kapatid at pinsan ni Illiana. Maraming kabataang kasali doon para magkaroon ng leadership training at makatulong sa iba. May dagdag naman siyang dahilan kung bakit nandoon. Paraan niya iyon para makaiwas sa mga lalaking idine-date sa kanya ng lolo niya. Kae-eighteen pa lang niya pero gusto na ng Lolo Ping niya na makahanap agad siya ng boyfriend. Natatakot daw kasi ito na lumaki siyang tomboy lalo na’t mas siga pa siya sa mga kapatid at pinsan niyang lalaki. Hilig pa daw niyang manindak ng manliligaw. Kahit daw gaano siya kaganda ay walang magtitiyagang lalaki sa kanya. Walang magawa ang mga magulang niya para gawin siyang mahinhing babae kaya gusto ng lolo niya na gawing babae ang bunsong apo nito.

Pwes, komportable siya kung ano siya. Hindi niya kailangang maging pa-girl para lang magustuhan ng isang lalaki. Naniniwala siya na kung gusto siya ng isang lalaki, magugustuhan siya nito kahit na ano pa siya. Hindi niya kailangang maging lalampa-lampa para lang masiyahan ang ego ng mga kalalakihan. Babae siya. Malakas siya. At alam niyang may lalaki sa kung saan na makaka-appreciate sa kanya.

“Anong kaguluhan ito? Jazzmire!”

Natigilan siya nang marinig ang mataginting at matapang na boses na ng isang lalaki. Biglang tumigil sa pagtibok ang puso niya. Hindi siya halos humihinga nang tumayo sa harapan niya ang may-ari ng boses. He was tall. Nasa 5’11” ang height nito kaya kailangan niyang tingalain. He looked intimidating. Nakikita kasi sa suot nitong sando at shorts ang malapad nitong balikat at lean muscles nitong alaga sa paglangoy. Matangos ang ilong nito na binagayan ng matiim na labi at maitim na mga mata.

Ito ang lalaking nakakapagpatunaw ng buto niya. Ang lalaking isang salita lang ay kaya siyang patahimikin. At higit sa lahat ay kaya nitong patibukin ang puso niya na parang yabag ng mga tumatakbong kabayo. Ang lalaking nakapag-realize sa kanya na in love siya sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay niya – si Andreev Montinola. Sa harap nito ay nagiging isa siyang normal na babae – nanghihina siya, nawawala ang katarayan niya at ang gusto lang yata niya ay kiligin at magpa-cute.

“H-Hi, Andreev,” aniya sa mahinang boses at yumuko para itago ang kilig niya. Napakasarap pakinggan ng pangalan niya mula sa mga labi nito. Kinakausap na naman siya nito. Grabe! Team leader nila ito pero halos ayaw nitong kausapin ang mga babaeng nagpapa-cute dito. Pero siya ay kinakausap nito.

“Kagagawan mo na naman ‘tong gulong ‘to. Sino naman ang ginulpi mo ngayon?” madilim ang mukha nitong tanong.

“N-Nagkakatuwaan lang kami,” nagkakandabuhol ang dilang sabi ni Illiana.

Si Andreev ang team leader nila. Kinatatakutan ito ng mga babae dahil napaka-istrikto nito. Nakakatakot ito kapag galit. Habang naaangasan naman dito ang ibang lalaki. Kung ang ibang lalaki ay naaangasan dito, siya ay gustong-gusto niya ang kaangasan nito. Lalaking-lalaki kasi ang dating nito. Na-realize niya na attracted siya sa mga lalaking may strong personality. Scratch that. Hindi lang kung sinu-sinong lalaki na malakas ang personalidad. She wanted this man. She wanted Andreev Montinola.

“Si Johnston kasi kinukulit ako at gusto akong ligawan. Sabi ko tigilan na niya ako. Iyan! Ibinalibag ko siya. Ang yabang-yabang. Liligaw-ligaw tapos di naman pala marunong lumaban,” sumbong ni Jazzmire kay Andreev.

Tumalim ang mata ni Andreev nang tingnan siya. “Kababae mong tao, gusto mong makipagbasag-ulo. Gusto mong madamay ang lahat sa gulong ginawa mo?”

“Andreev, hindi na mauulit,” sabi agad ni Illiana at hinawakan ang kamay niya para pigilan siyang sumagot pa. Takot na takot ito na magalit si Andreev dahil nga naman makakasama sa pangalan ng team nila. Baka magkaroon pa sila ng masamang record doon.

Si Jazzmire naman ay nag-aalala na baka iniisip ni Andreev na masungit siya sa lahat ng manliligaw niya at matakot itong manligaw sa kanya. “Andreev, kapag ikaw ang nanligaw sa akin, hindi kita hahamunin ng sparring. Sasagutin agad kita,” aniya sa masayang boses. Kahit siya pa ang manligaw dito kung gusto nito.

Isang nakakainsultong tawa ang pinakawalan nito. “Sino naman ang may sabing liligawan kita? Mas lalaki ka pa nga sa akin, Jazzmire. Hindi tayo talo.”

Nag-init ang mukha niya. Hindi siya makapaniwala na di pa man siya nakakadiskarte ay basted na siya. Her heart was hurting. Parang may malaking maso na bumabayo sa puso niya. Ngayon lang siya nasaktan nang ganito dahil sa isang lalaki. Sa dinami-dami ng lalaking nagkagusto sa kanya ay inayawan siya ng lalaking gusto niya at sa harap pa ng maraming mga tao. Napakalupit nito.

Hindi kami talo? Mas lalaki pa daw ako sa kanya.

Nakikita niya ang pagngisi ng mga lalaking natanggihan niya at narinig niya ang hagikgikan na nagpapa-cute din kay Andreev. Nasopla nga naman siya. Pahiyang-pahiya siya. At hindi pa siya napahiya nang ganito sa buong buhay niya.

Pumalakpak si Andreev para kuhanin ang atensiyon ng lahat. “Okay. Everyone, let’s get back to our assignments. Sa halip na naglalaro kayo dito, mag-focus tayo kung bakit talaga tayo nandito. We still have one more day before we goof around. Move! Move!”

Narinig niya ang pag-angal ng mga kasamahan niya pero wala siyang pakialam. Masama ang tingin niya sa likod ni Andreev na naglalakad palayo sa kanya. Ganoon-ganoon lang kadali dito para talikuran siya matapos nitong wasakin ang puso niya?

Siya si Jazzmire Yun. Hindi siya ang babaeng basta-basta na lang tinatalikuran at sinasaktan. There is hell to pay. At dapat malaman ni Andreev Montinola kung anong ginagawa niya sa mga nananakit sa puso niya.

“Ang yabang mo!” sigaw niya at akmang susugurin ito pero napigilan siya ni Illiana. Hinawakan nito ang braso niya para di siya makahabol pa kay Andreev.

“Isang sipa lang, Illiana. Pagbigyan mo na ako,” nanggagalaiti niyang sabi at inunat ang paa dahil baka sakaling maabot pa niya ang binata. “Akala mo kung sino siya.”

Lumingon si Andreev sa kanya at saka ngumisi. Namaywang ito at parang nananadya pang lumapit sa kanya. “Gusto mo akong saktan? Sige. Gawin mo. Lalo mo lang pinatunayan na tama ang desisyon ko na di ka magustuhan. Behind your pretty face, you are just a spoiled amazon. Walang lalaking magtitiyaga sa iyo.”

Nangilid ang luha sa mata ni Jazzmire pero pinigilan niyang maiyak. Sobrang sakit. Parang sinampal siya nito.

“Andreev, lumayo ka na. Baka ma-roundhouse kick ka pa ni Jazzmire,” anang si Illiana. Tumalikod nga ang binata at naglakad palayo pero parang di naman nagmamadali. Parang di ito natatakot na gulpihin niya.

Wala siyang ibang nagawa kundi sumigaw na lang sa galit. “Tandaan mo na darating ang panahon, ikaw naman ang magmamakaawa para mahalin ko. Tandaan mo iyan, Andreev.”

Isang malakas na halakhak ang pinakawalan nito. “You wish!”

“Apo, tinakasan mo na naman ‘yung pinapa-date ko sa iyo.”

Napabuga ng hangin si Jazzmire at napatitig ng Manila Bay. Nasa Baywalk siya at naglalakad-lakad. Katatatapos lang niyang manggaling sa training ng taekwondo kung saan nagturo siya sa ilang kabataan. Kausap niya ang lolo niyang si Ping Yun sa cellphone. Nakarating na pala dito ang nangyari sa set up nitong date kagabi sa apo ng isang kaibigan nito.

“Lolo, nuknukhan po siya ng yabang. Akala mo kung sino siya. Pinapalabas niyang naghihirap na tayo kaya interesado tayo sa kayamanan ng pamilya niya.” Pinili na lang niyang umalis sa restaurant kung saan sila nag-date ni Reinier na apo ng may-ari ng isang malaking chain ng electronic gadgets and computer store kaysa magulpi pa niya ang impaktong iyon.

Nasa alanganin ang negosyo ng pamilya niya. At hindi lang naman ang negosyo nila kundi maging ang malaking porsiyento ng negosyo sa mundo. Nanganganib na bumagsak ang US stock market. At kapag nangyari iyon, madadamay ang iba pang malalaking ekonomiya sa mundo. Apektado unang-una ang electronics at computer business na pag-aari ng pamilya nila. Aminado naman siya na ang kita ng kompanya ang sumusuporta sa maalwan niyang buhay kaya mistula siyang prinsesa. At di naman kaila sa kanya na gusto ng lolo niya na mai-secure ang kabuhayan niya at ang nakikita nitong paraan ay ang pagpapakasal niya sa isang “suitable” na lalaki na makakatulong sa kanya at sa pamilya nila.

Kung mag-aasawa siya, gusto niya ay mahal siya. Kahit nga magbobote lang basta matino. Huwag lang mamaliitin ang pamilya niya dahil mas maraming pera sa kanya ang isang lalaki. Sa kasamaang-palad ay mahirap maghanap ng matinong lalaki na magugustuhan niya. Minsan lang siya na-in love at di na naulit pa.

“Nasa Stallion Island ang mga kapatid mo. Pero nang minsang dumalaw ka daw doon, kinatakutan ka lang ng mga lalaki dahil tinatanong mo agad kung kaya kang talunin sa sparring. Paano ka makakapag-asawa niyan?” sermon ng Lolo Ping niya.

“Paano po ako magkakagusto sa lalaking ang gusto ay mahihinang babae na laging nakadepende sa kanila at sasambahin ang kaguwapuhan nila? Saka parang mga kapatid ko lang mga members doon kasi kaugali sila nila Kuya na gusto laging pasunurin sa kanila ang mga babae,” nakasimangot niyang sabi.

Ang Stallion Island Riding and Leisure Club ay isang sikat na exclusive men’s club kung saan member ng mga kapatid niya at mga pinsan. Kung tutuusin ay pangarap ng maraming kababaihan na makapasok doon para personal na makilala ang itinuturing na authentic Prince Charming. They were good looking, rich and intelligent. Nagkataon lang na wala sa mga ito ang lalaking mamahalin niya. Hindi siya makadama ng atraksiyon sa mga ito.

“At anong plano mong gawin? Magpapakatandang dalaga ka na lang? Kung wala sa Stallion Island ang lalaking gusto mo, saan pa natin siya hahanapin?”

Bumuga siya ng hangin. “Masaya naman po ako sa buhay ko, Lolo. Don’t worry about me.”

“Anong masayang buhay? ‘Yung antique business mo pasara na dahil tinakasan ka ng business partner mo tangay ang pera mo. You need a man who will manage your finances. At twenty-seven ka na. Mahihirapan na tayong humanap ng lalaking pwedeng ipa-date sa iyo nang di mai-intimidate.”

“Lolo, I have to go. Pag-usapan na lang po natin ito pagbalik ninyo galing Shanghai.”

Ayaw na niyang ipamukha pa nito sa kanya na palpak siya pagdating sa pera. Lalo lang itong magkakaroon ng bentahe na ipa-date siya kung kani-kaninong lalaki.

“At pagbalik ko, sana naman naisip mo na kung anong gagawin mo sa buhay. You are not getting any younger. You really need a man,” mariing wika nito at sa wakas ay tinapos ang tawag.

That conversation didn’t make her feel any better. Alam ni Jazzmire kung anong gusto niyang gawin sa buhay. Gusto lang niyang may mapatunayan sa buhay. Siya ang pinakabunso sa magkakapatid. Sawang-sawa na siyang maging anino ng kapatid at pinsan niya. Ang kakambal niyang si Julian ay pinagkakatiwalaan sa Yun Electronics. Ito pa nga ang nag-design ng security feature ng Stallion Island na gusto nang gayahin maging sa ibang bansa.

Sa kapalpakan niya sa paghawak ng negosyo, wala ring tiwala ang lolo niya na kaya niyang hawakan ang buhay niya. Kailangan niyang makabawi. Kailangan niyang maipakita dito na kaya niyang mag-isa. At lalong kaya niyang pumili ng tamang lalaki para sa kanya. Hindi nito kailangang mamili ng para sa kanya.

Sa ngayon ay ibebenta na niya ang antique shop. Kailangan na niya iyong pakawalan. Tutulong muna siya sa martial arts training ng ilang mahihirap na kabataan na scholar ng kaibigan ng Kuya Jairon niya na si Alessandrace. Ilalaban ang mga ito sa competition sa Pilipinas at sa ibang bansa. Pansamantala lang iyon dahil kailangan niya ng seryosong negosyo para masuportahan ang mga ito pati na rin ang ibang mga foundation na gusto niyang tulungan.

“Huwag! Huwag ang bag ko!”

Napalingon siya sa pinanggagalingan ng sigaw. Dalawang binatilyo ang pilit na hinahatak ang bag ng isang matandang babae. Naagaw ang bag ng matanda at humandusay ito sa kalsada. Patakbo sa direksiyon niya ang dalawang binatilyo kaya naharang agad niya ang mga ito.

“Ibalik ninyo ang bag kung ayaw ninyong masaktan,” utos niya at inilahad ang kamay.

Tumawa nang mas malaki sa dalawang bata at sinubukang lagpasan siya. Mabilis niyang hinatak ang sando nito at hinila pabalik. Subalit maagap nitong ihinagis ang bag sa kasama. Binitiwan niya ang binatilyo at tinakbo ang bag. Nasalo niya iyon agad bago pa makuha ng kasama nito. Isang sipa ang ihinanda niya nang akmang susugurin pa siya ng bata at natulala na lang ang bata nang tumigil ang paa niya sa mismong mukha nito.

Akmang susugod ang binatilyong isa na may dala pang icepick pero nahuli ang kamay nito at piniga. Nabitiwan nito ang icepick at sinipa agad niya iyon palayo.

“Huwag na ninyo akong labanan. Bukod sa gutom na kayo, no match kayo sa akin.” Pinakawalan niya ang binatilyo. DInampot niya ang icepick at itinapon sa dagat. Parang gusto pang lumaban ng binatilyo dahil napahiya. “Kung gusto ninyo akong talunin, pumunta kayo sa address na ito. Tuturuan nila kayo diyan ng martial arts at may pagkain din diyan. Hindi na kailangan pang magnakaw,” sabi niya at inabot ang calling card sa mga ito. Nakakunot ang noo nitong hinablot ang calling card at tumakbo palayo.

Binalikan niya ang matandang babae na tinutulungang tumayo ng isang pamilyang namamasyal din doon. “Lola, nasaktan po ba kayo?” tanong niya at sinipat-sipat ang braso nito na may gasgas. “Heto na po ang bag ninyo.”

“Maraming salamat,” anito at inabot ang bag.

“May galos po ang braso ninyo at binti. Umupo po kayo at lagyan natin ng ointment. Baka mamaya ano pa pong mangyari diyan.”

Pinaupo niya ito sa malapit na bench at inilabas ang first aid kit niya mula sa bag. Lagi niyang dala iyon lalo na’t kagagaling lang niya sa pagtuturo ng taekwondo sa ilang mga bata. May mga nasasaktan sa mga ito dahil sa training kaya kailangan niyang makatiyak na okay lang ang mga ito. At nagagamit din niya sa mga emergency kagaya nito.

“Pinakawalan mo ang mga bata? Hindi mo sila ipinakulong?” tanong nito ng matandang babae.

“Lalo lang pong magagalit sa lipunan ang mga iyan. Pakiramdam nila inaapi sila. Gusto lang naman nilang kumain pero wala naman po silang pagkakataon para maghanap-buhay o hindi nila alam kung may tsansa pa sila para kumita ng pera sa malinis na paraan. Kung mabibigyan po sila ng magandang pagkakataon, sigurado po ako iiwan nila ang buhay dito sa kalsada at magkakaroon ng maayos na buhay. Babalik sila sa eskwelahan at hindi na po magiging mga palaboy,” paliwanag niya.

Isang mabait na ngiti ang ibinigay ng matandang babae. “Napakabuti mo, ineng. Di lahat ng tao ganyan kung mag-isip.”

“Maswerte po ako dahil ipinanganak ako sa maayos na pamilya. Di po siguro kasalanan ng mga batang iyan kung ipinanganak silang mahirap at palaboy sa kalye. Kayo po, Lola? Wala po ba kayong kasama?” tanong niya at luminga sa paligid. Mukhang maayos naman ang pananamit ng lola. Di naman ito mukhang palaboy katulad ng ibang matanda na nanlilimos sa kalye. Pero dapat pa rin ay di ito pinababayaang mag-isa.

“Mas gusto kong mamasyal mag-isa,” malungkot nitong usal.

“Naku! Delikado naman po kung mag-isa lang po kayo. Kung gusto ninyo ihahatid ko na po sa bahay ninyo,” alok niya. “Ano po bang pangalan ninyo at saan kayo nakatira?”

“Tawagin mo na lang akong Lola Milagros at sa Quezon City ako nakatira,” wika nito. “Hindi naman kalayuan dito.”

“Naku! Opo. Pero di pa rin po kayo dapat na mag-isa. Paano po kung may manakit na naman sa inyo o magsamantala. Marami pong loko dito,” nag-aalala niyang sabi. “Dapat po hindi kayo iniiwan na mag-isa.”

“Mabait kang bata. May boyfriend ka na ba o asawa? Maswerte siya sa iyo.”

Pagak siyang tumawa. “Naku! Wala po iyan sa isip ko. Marami pa po kasi akong gustong gawin sa buhay. Saka mahirap pong humanap ng lalaking makakasundo ko.”

“Kung wala kang boyfriend, doon ka na lang sa apo ko. Guwapo iyon, masipag sa trabaho at tiyak na makakasundo mo.”

“Mabait po ba iyan at hindi mapang-mata? Tiyakin lang po niya na mas matapang siya sa akin kasi kawawa lang siya sa akin kundi siya marunong lumaban. Saka kailangan po maintindihan niya ang mga gusto kong gawin sa buhay,” paliwanag niya dito.

Tumango-tango ito. “Nakakatuwa ka talaga. Sana maging apo kita, hija. Tiyak na matatahimik ako na nasa mabuting kamay ang apo ko.” Tumayo ito. “Paano, aalis na ako. Magta-taxi na lang ako pauwi.”

Naglabas siya ng calling card at ibinigay sa matandang babae. “Lola, tawagan lang po ninyo ako kung may kailangan kayo. Sa susunod po huwag kayong mag-isa lang dito. Marami pong luko-luko ngayon. Kung maluwag po oras ko, sasamahan ko po kayong mamasyal.”

Binasa nito ang calling card. “Jazzmine Rebecca Yun.”

“Jazzmire na lang po ang itawag ninyo sa akin, Lola.” Ginagap niya ang kamay nito. Pinara niya ang taxi at pinasakay ito. “Manong, kayo na ang bahala sa lola ko. Ingatan po ninyo ‘yan kundi lagot kayo sa akin.”

Sumaludo ang taxi driver na nasa sisenta anyos na. “Ako ang bahala, Ma’am.”

Ginagap ni Lola Mila ang kamay niya at pinisil. “Huwag kang mag-alala, Jazzmire. Magkikita ulit tayo.”

“ANDREEV, gusto ko nang mag-asawa ka na at magkaanak.”

Muntik na siyang mabilaukan sa sinabi ng Lola Milagros niya. It was a family dinner. Madalang mangyari iyon na makasama siya sa family dinner dahil sobrang busy siya sa trabaho. Siya ang Vice President ng East Dragon Bank. Bagamat ang ina niyang si Fritzella ang presidente, inaako niya ang trabaho nito dahil na rin nagkaka-edad na ito at bilang paghahanda niya sa pagiging tagapagmana ng East Dragon Bank.

Isa rin sa dahilan kaya umiiwas siya sa hapunan ng pamilya gaya nito at makaharap ang lola niya ay dahil iniiwasan niya mismo ang usapin tungkol sa kawalan niya ng nobya o kaya ay ang pag-aasawa niya.

“Lola, I am too busy for that. Maybe we can have this conversation after three or five years.” Or maybe never. Kung kailan siya mag-aasawa o kung gusto man niya ay sa kanya na lang iyon. Pakiramdam niya ay kasal siya sa East Dragon Bank.

“Ma, hayaan po muna natin si Andreev,” depensa ng mama niya. “Member naman siya ng Stallion Island. I am sure makakakita din siya ng babaeng magugustuhan niya habang nandoon. Let’s not rush him.”

“I don’t have a choice, Fritzella. Tumatanda na ako. Gusto ko namang magkaroon ng apo dito kay Andreev,” anang lola niya sa mataginting na boses.

Muntik na siyang mapangiwi. Sensitive siya sa usapin ng mga bata. He was not really that fond of children. At lalong wala siyang planong makipag-date at i-tolerate ang pagpapa-cute ng mga babae. He’d rather spend a lifetime alone.

“Bata pa kayo, Lola. Matagal pa kayong mabubuhay sa mundong ito.”

Minsan na siyang nagmahal pero nalaman niyang di siya ang mahal nito kundi ang pera niya. It was devastating. Pakiramdam tuloy niya ay iyon ang tingin sa kanya ng mga kababaihan. Isang bangko na pwedeng kunan ng pera.

“Andreev, hindi pwedeng puro trabaho lang ang isipin mo. Anong gagawin mo sa pera mo kung wala ka namang anak na pamamanahan? Para saan ba ang lahat ng pagtatrabaho mo? Look at Alfonso. Busy rin naman siya sa trabaho niya pero may oras siya na makipag-date. Mukhang seryoso siya sa bagong idine-date nila. Gustong-gusto siya nu’ng anak ni Mr. Ching. Iyon sana ang ipapa-date ko sa iyo kaso lagi mong di maisingit sa schedule mo. Mabuti pa si Alfonso…”

Naggiyagis ang ngipin niya at mahigpit niyang hinawakan ang kubyertos. “Huwag ninyo akong itulad sa kanya.”

Alfonso. Ang anak ng Papa niya sa labas. Eighteen na siya nang matuklasan niya na may iba palang anak ang Papa niya sa dati nitong nobya. Matanda ito ng anim na buwan sa kanya. Subalit mas pinili ng Papa niya na pakasalan ang Mama niya. Sa club lang kasi nakilala ng Papa niya ang nanay ni Alfonso na isang dancer doon. Di daw karapat-dapat para mapangasawa ng isang Montinola.

Masakit iyon para sa kanila ng Mama niya dahil inakala niya na sila lang ang pamilya ng papa niya. Naging faithful ang Papa niya sa mama niya pero doon niya nalaman na kung hindi lang isang Montinola ang Papa niya, di nito pakakasalan ang Mama niya. Bagamat mahal ng Papa niya ang Mama niya, hindi niya gusto ang konsepto na pinagkasundo lang ang mga ito.

Ngayon lang nagkakaroon ng puwang sa pamilya si Alfonso at kinilala ng Papa niya kung kailan patay na ang ama niya. Ngayon na lang kasi ito nagsimulang mag-settle sa bansa at humarap sa kanila bilang isang Montinola kung kailan matagumpay na ito. Masyadong lagalag si Alfonso. Kung saan-saang parte ng mundo nakakarating bilang isang photographer at busy sa pambabae.

“Sabi ni Alfonso sa akin okay lang daw sa kanya na mag-relax dahil katatapos lang ng assignment niya sa New York. At malaki na pala ang kinikita niya sa stock market,” wika ni Lola Milagros.

Proud na proud ang lola niya kay Alfonso. Alfonso was a self-made millionaire. Malaki ang kinikita nito bilang isang fashion photographer pero kahit mukha itong bulagsak ay nai-invest nito sa stock market ang pera nito. He was quite proud in a way. Gusto daw nitong ipakita na hindi pera ang habol nito sa pamilya. But he was starting to worm his way inside their grandmother’s heart. Walang bukambibig ang lola niya kundi kung paano itong napapasaya ni Alfonso samantalang siya itong mula pagkabata ay walang ginawa kundi gawin ang lahat upang maging karapat-dapat bilang isang Montinola at tagapagmana ng East Dragon Bank.

Bagamat proud ang lola niya sa kanilang magkapatid, nauungusan siya ni Alfonso pagdating sa pangarap ng lola niya na magkaroon ng apo. Lagi kasi itong open sa pakikipag-date. He was a womanizer. Mas mabuti na daw iyon sabi ng lola niya kaysa sa katulad niyang walang balak na makipag-date man lang.

Bumuntong-hininga siya. “Alright. Give me time. Iaayos ko po ang schedule para makipag-date…” napipilitan niyang sabi.

Hindi niya alam kung paano isisingit iyon. His hands were full right now. Wala naman siguro siyang time limit sa lola niya. Sinong makakapagsabi kung kailan siya magkakaroon ng panahon? In a hundred years maybe?

“Ayokong bulabugin ang schedule mo, hijo. Alam ko na maraming buhay ang nakasalalay sa kamay mo. So I saved you time. Ako na mismo ang pumili ng babaeng pakakasalan mo,” anito at inabot ang isang A4-sized picture sa kanya.

“Pakakasalan?” bulalas niya at nanlalamig ang mata na kinuha ang larawan mula dito. Nanlamig ang buong katawan niya. Hindi “date” lang ang gusto nito kundi “pakakasalan” na.

Tsinita ang mata ng babae. Mahaba ang itim at tuwid na tuwid nitong buhok. Mukhang eighteen years old lang ito. Isang Chinese porcelain doll na hindi tumatanda. Ang babaeng mukhang mahina pero kayang bumali ng buto ng isang lalaki. Ang babaeng kumagat sa tainga niya siyam na taon na ang nakakaraan. Si Jazzmire Yun – ang prinsesang amazona. Galing ito sa buena familia na may Chinese ancestry pero kung umasta akala mo ay siga lang sa kanto.

Bigla niyang nabitiwan ang picture na parang napaso. “Lola, this is not a good joke. Ipapakasal ninyo ako sa babaeng ito?”

“Why not? She’s pretty, intelligent, galing sa disenteng pamilya, may sariling negosyo at wala pang boyfriend hanggang ngayon. She’s Jazzmine Rebecca Yun,” sabi ng lola niya. “Don’t worry. I had her thoroughly investigated. Kaya alam ko na siya ang perfect match for you. Galing din siya sa maayos na pamilya.”

“Yun of Yun Electronics?” tanong ng mama niya at pinagmasdan ang larawan. “Hindi ba kasama mo sa Stallion Island ang mga pinsan at kapatid niya? Maganda ang relasyon ng pamilya nila sa bangko natin. She’s a good catch. At tiyak na kung magkakaapo ako sa kanya, magiging maganda at guwapo ang mga apo ko.”

Pati ang Mama niya ay nakikihalo sa kahibangan ng lola niya tungkol sa pagkakaroon niya ng anak. Ibig sabihin ay sumasang-ayon ito sa gusto ng lola niya na ipakasal sa tsinitang amazona. This is hell. Bakit di na lang bumuka ang lupa ngayon at lamunin ako?

“Lola, sa dinami-dami ng babaeng ipapakasal ninyo sa akin, bakit isang lunatic pa ang napili ninyo? Nanggugulpi ng lalaki iyan,” sumbong niya at namula nang maalala ang mga nangyari dati sa Bantayan Island.

Limang araw silang nagkasama ni Jazzmire para sa isang activity kung saan makakatulong sila sa kalikasan at matututong mabuo ang leadership qualities nila. Sa lahat ng mga babaeng nagpapa-cute sa kanya noon ay si Jazzmire Yun ang pinaka-malakas ang personalidad. She was too sure of herself. Mukha itong delicate na Chinese doll pero mistulang character sa video games na si Chun Li kung mambalibag ng lalaki. Kung magkakaroon man siya ng girlfriend ay mas gusto niya ang masunurin at malleable. Hindi tulad nito na mas siga pa yata sa kanya. Kaya nang sabihin niya dito na gusto siya nito ay pinagtawanan lang niya ito.

“Wala akong pakialam kung nahahati ang katawan niya sa gabi. She has a good heart. I like her. Baka ibang Jazzmire ang sinasabi mo. I like her. Bibigyan kita ng isang taon na mapapayag siyang pakasalan mo. Kung hindi, isasalin ko kay Alfonso ang share of stocks ko sa East Dragon Bank.”

Natulala siya si Andreev. Pakiramdam niya ay tinadyakan siya sa sikmura. Dahil lang ayaw niyang pakasalan si Chun Li ay isasalin ng lola niya sa kapatid niya ang share of stocks nito na dapat ay para sa kanya? Siya na nagsikap mula pagkabata para maging karapat-dapat na tagapagmana ng East Dragon Bank ay maisasantabi lang?

“Mama, you can’t do that!” bulalas ng ina niyang si Fritzella. “Si Andreev ang tagapagmana ng East Dragon Bank…”

“Na kailangan din naman ng tagapagmana. Ano naman ang pag-asa ko kay Andreev kung ayaw niyang magpakasal? Paano ako magkakaapo? At least kay Alfonso may pag-asa pa ako. Oo nga’t anak siya sa labas at babaero pero handa siyang bigyan ako ng apo.” Tumayo ang lola niya. “I want to retire to my room. Kung ayaw mong mawala sa inyong mag-ina ang majority control sa shares, kausapin mo ang anak mo. Nakausap ko na si Attorney Panlilio tungkol dito. Nakahanda na ang documents para diyan.”

“Ma, is this even legal?” tanong ni Andreev sa nanay niya nang makalabas ng dining area ang lola niya. Pakiramdam niya ay umiikot ang ulo niya sa mga nangyayari. This can’t be!

“I guess so. Hindi papayag si Attorney na gawin ang dokumento nang di pinapayuhan ang lola mo sa legalities,” kalmanteng wika ng mama niya.

He knew she was hurting. Ayaw lang nitong ipakita. Her mother was the President and CEO of East Dragon Bank even if his grandmother holds the major stocks. Minsan lang niyang nakitang nag-breakdown ang mama niya. Iyon ay nang namatay ang papa niya.

“That’s it? Wala na tayong gagawin?” tanong niya.

“Like what? Contest it? That is silly. Use your proverbial charm that you and your fellow Stallion Boys love to brag about. Go get Jazzmire Yun.”

“Ma…”

Tumalim ang mata nito. “Andreev, ayokong mapunta sa anak sa labas ng papa mo ang pinaghirapan natin. Kung gusto mong ituloy ang pagmamatigas mo, ngayon pa lang mag-practice ka nang tumira sa kalsada. At nasa konsensiya mo iyon. Keep that in mind.”

Naiwan siyang tulala ng ina. Saka umalingawngaw sa isipan niya ang huling sinabi ni Jazzmire Yun nang beses na nagkaharap sila. “Tandaan mo na darating ang panahon, ikaw naman ang magmamakaawa para mahalin ko. Tandaan mo iyan, Andreev.”

Kinilabutan si Andreev. Heto na ang paghihiganti ng isang babaeng binigo niya. Tinupad nga nito ang pangako nito.

Revenge is a dish best served cold.

And this was Jazzmire Yun’s revenge.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.