Chapter Andreev Montinola: Chapter 3

The night was romantic. Hindi masyadong maalon ang dagat at panatag ang repleksiyon ng bilog na buwan sa ibabaw ng tubig. Nakasakay sa balsa sina Jazzmire at Andreev. Nakahain sa harap nila ang masarap na pagkain. Napapaligiran din sila ng mga Japanese lantern na siyang tumatanglaw sa date nila.

Hindi siya makapaniwala na siya ang pinili ni Andreev. Ramdam na ramdam pa nga niya ang kilig nang ideklara nito na siya ang gusto nito. Subalit naroon ang dismaya sa mga mata nito nang makita siya. Na parang pinagsisisihan nito ang pagpili sa kanya.

Tahimik ito at tago ang emosyon nang alalayan siyang sumakay sa balsa na magdadala sa kanila palayo sa pampang. Parang sila lang dalawa sa mundo nang mga oras na iyon. Pero mukhang kung si Andreev ang masusunod, mas gugustuhin na lang nitong lumangoy sa pampang kaysa makasama siya.

She couldn’t keep her eyes off him. Hindi pa rin siya makapaniwala na nanalo siya sa dating game at siya ang pinili ni Andreev – ang lalaking una niyang minahal, ang lalaking napaka-guwapo pa rin sa paningin niya hanggang ngayon, ang lalaking hanggang ngayon ay nagagawa pa ring pa-tumbilingan ang puso niya.

Kahit pa nga parang palaso ang mga mata nito nito at matalim ang tingin sa kanya. Na parang isang malaking pagkakamali na siya ang nanalo bilang ka-date nito.

“Kumusta ka na?” tanong niya dito at pilit na ngumiti. Wala siyang ibang maisip na panimula sa usapan nila kundi kumusta ka.

“As if you don’t know. Sinadya mo ang lahat ng ito. Ini-stalk mo ako. Ikaw din siguro ang nag-utos na kidnapin ako. Kasabwat mo sila,” mainit na akusasyon nito.

Napanganga siya. “Excuse me. Isa lang akong inosenteng contestant na gusto ng libreng pagkain. Di kita pipikutin. Kakain lang ako,” mariin niyang tanggi.

Iniwas niya ang tingin dito. Siyempre hindi niya aaminin dito na pumipintig-pintig ang puso niya nang makita ito. Kung may isang leksiyon siyang natutunan, iyon ay huwag ipakita kay Andreev Montinola na gusto niya ito. Masakit sa pride kapag nabasted.

Praning ba talaga ito? Nine years ago pa mula nang huli silang magkita. Iniisip ba nito na hahabul-habulin pa rin niya ito? Nagbabago ang mga tao. Nagiging mas matured. Hindi naman niya ito masisisi kung iisipin nito na may motibo siya dito pero masyado naman itong paranoid.

Umiling ito at ininom ang alak. Di pa rin nito inaalis ang tingin sa kanya. “I don’t believe you. Kagagawan mo ang lahat ng ito. Pinaghahandaan mo ang pagdating ko. Gusto mong mahulog ako sa patibong mo.”

Napasipol siya. “You give yourself too much credit. Tumaas ata ng ten times ang confidence mo sa sarili mo mula nang huli tayong magkita. Hindi naman ako masokista para habul-habulin ka after all these years.”

Nawalan na siya ng ganang kumain kahit masasarap ang pagkain sa harapan niya. Sinira na ni Andreev ang gana niya. Kumuha na siyang siya ng buko pandan dahil kanina pa siya takam na takam doon.

Nakipaglabanan ito ng tingin sa kanya. “Sinadya mo ang makasali sa contest, di ba? Gusto mong manalo at piliin kita.”

Bumuntong-hininga siya at sumubo ng buko pandan. “Andreev, humabol lang ako doon para sa libreng pagkain. Okay? Saka ikaw ang pinapili kung sinong contestant ang gusto mo. Hindi nila ako ipinili sa iyo. Ikaw itong ayaw akong pakawalan. Ikaw itong namilit sa akin. Ikaw itong parang ayaw na akong pakawalan.”

“I just picked you randomly. Wala akong choice. Gusto ko na lang matapos ang dating contest na iyon,” anito at ininom ang red wine na idinulot dito.

Natigilan siya. He just picked her randomly. Nagkataon lang. Hindi talaga siya nito gusto. Parang sinampal siya nito. Of course. Napipilitan lang si Andreev sa pagsali sa dating game. Kung may choice lang ito, balita niya ay di naman talaga ito nakikipag-date. Ang gusto lang nito ay isubsob ang ulo sa pagtatrabaho para sa East Dragon Bank na pag-aari ng pamilya nito. Parang sinampal siya dahil ipinamukha nitong napipilitan lang ito.

“Alam mo, kung may choice lang ako, ayoko naman talaga na ako ang piliin mo,” sabi niya nang makabawi. Di niya aaminin dito na na-excite siya na muli itong makita. Na nanlambot ang tuhod niya nang langhapin nito ang leeg niya. At parang nag-awitan ang mga anghel sa langit nang hawakan nito ang kamay niya at ayaw na siyang pakawalan. Isa lang palang malaking joke ang lahat. “Pagkain lang ang habol ko. Kaya tapusin na natin ang dinner na ito at magkanya-kanya na tayo ng buhay.”

Her pride could only take so much battering. Sinubukan niyang maging cordial dito pero kung anu-anong ibinibintang nito. Hindi na talaga sila magkakasundong dalawa.

Mataman pa rin siya nitong pinagmasdan. “Ginayuma mo ba ako?”

Natigilan siya sa pagsubo ng lobster termidore. “Ano? May sapi ka na naman ba?” Anong gayuma ang pinagsasabi nito?

“’Yang pabango mo. ‘Yung amoy buko pandan.”

Inamoy niya ang sarili nang biglang may maalala. “Ah! Mist spray lang ‘to. Gawa ni Illiana. Hindi gayuma ‘yan. Baka naman ang susunod mong itatanong kung nahahati ang katawan ko kapag ipinahid ko iyan. Hindi ko pa malalaman. May four hours pa bago maghatinggabi,” kaswal niyang sabi. Malala talaga ang topak nito.

Naningkit ang mga mata nito. “Kahit anong gawin mong pang-aakit sa akin, hindi kita pakakasalan.”

Natigil siya sa pagsubo ng buko pandan. “Kasal? Bakit tayo nauwi sa kasal? Hello! Nagdi-dinner lang tayo. Baka matapos ang dinner hindi na tayo magkita kahit na kailan.”

Ngumisi ito. “I highly doubt that. Hindi ba iyon naman talaga ang pangarap mo? Ang pakasalan ako.”

Nagtaas-baba ang kilay niya sa sobrang pagka-imbyerna dito. “Masyado ka naman yatang nag-fast forward, Mr. Montinola. Minsan ko lang naman sinabing gusto kita, tingin mo naman pipikutin ka agad. Alam mo paranoid ka lang. Relax. Kumain ka para kumalma ka. Wala sa plano ko ang magpakasal sa iyo o sa kahit na sinong lalaki.”

Bigla itong tumayo. “No! Huwag mo na akong paikutin. I know that you are one manipulative woman. Paiikutin mo ang lahat ng tao sa paligid para makuha lang ako. Anong ipinakain mo sa lola ka at gusto niyang pakasalan kita?”

Bumagsak ang panga ni Jazzmire at maang na pinagmasdan ang galit na galit na anyo ni Andreev. “Lola mo? Sinong lola mo?”

“Si Milagros Montinola. As if you don’t know my grandmother.”

Kumunot ang noo niya. Milagros Montinola? Milagros Montinola. Aba’y malay niya kung sino ang lola nito. Wala naman kasi siyang pakialam sa usaping negosyo. Wala siyang pakialam sa business news. Hindi rin niya hilig dumalo sa mga party na may kinalaman sa negosyo.

“Bakit naman gugustuhin niyang pakasalan mo ako samantalang di naman niya ako kilala?” tanong niya kay Andreev.

“My thoughts exactly. Dahil kung kilala niya, di niya gugustuhing ipakasal ako sa iyo. Di niya gugustuhing ipakasal ako sa isang baliw na katulad mo,” anito at itinuro siya.

Nanlaki ang mata niya. “Huwag mo akong maduro-duro. Kakagatin ko ‘yang daliri mo,” banta niya at tumayo na rin. Pinalis niya ang daliri nito. “Dalhin mo ako sa lola mo. Iharap mo siya sa akin para malaman mo mismo na di ko siya kilala. At wala akong ginawa para pilitin kang ipakasal ako sa iyo.”

Humalukipkip ito. “Of course you will say that. Di mo aaminin ang sabwatan ninyo ng lola ko. So stop using my grandmother. Hindi kita pakakasalan.”

“At lalong di ko pakakasalan ang katulad mo. Di ko nga alam kung paano kita nagustuhan noon. Ni hindi mo nga ako kayang patumbahin. Pustahan tayo kaya kitang halikan at wala kang magagawa para pigilan ako.”

“What? Are you crazy?”

Ngumisi siya at dahan-dahang lumapit dito. “How about a dare, Mr. Montinola? Kapag napigilan mo akong halikan ka, ako mismo ang magsasabi sa lola mo na di kita pakakasalan. Pero kapag nahalikan kita, pwede kitang pikutin.”

Humakbang ito paurong. “Hindi kita lalabanan tulad ng ibang manliligaw mo.”

“That’s what I like about you. May pagka-gentleman ka pa rin. O takot ka lang na mahalikan? Bakit? Virgin ka pa ba?” Isang malakas na halakhak ang pinakawalan niya. “Virgin pa si Andreev Montinola!”

Animo’y naestatwa ito sa kinatatayuan. “Jazzmire, tumahimik ka nga. Nakakahiya kapag may nakarinig sa iyo.”

“Sino naman ang makakarinig sa akin? Ang mga isda? Ang mga dikya? Ang mga sirena? Hoy! Si Andreev hanggang ngayon virgin pa rin!” sigaw niya sa direksiyon ng Stallion Island. Di siya sigurado kung talagang virgin pa ito pero nakakatuwa lang itong inisin.

“Hindi ka ba tatahimik?” asik nito at hinaklit ang balikat niya.

Nanlaki ang mata niya nang halikan siya nito. It was the last thing she expected from him. Memories of their first kiss came back to her. But this kiss was stronger, more potent, more passionate.

Tumigil na sa paggana ang utak niya. He was consuming her, making her knees weak and she felt like she was flying. Paano nito nagawang halikan ang babaeng inaayawan nito? Well, she shouldn’t kiss him back but she was enjoying it.

Why did she still feel this way? It felt so right. Parang nasa iba silang mundo na para lang sa kanilang dalawa.

Umilaw ang kalangitan dahil sa fireworks. Naramdaman na lang niya na hinihila na ang balsa nila pabalik ng pampang. Nanlalambot ang tuhod niya at napaupo sa upuan. Wala siyang naramdaman kundi ang init ng halik ni Andreev sa labi niya. How a man who didn’t like her could leave her crazy with a kiss?

Nanginginig ang tuhod niya. Marami na siyang nakalabang mas malaki sa kanya. Walang nakapagpasindak at nakapagpanginig ng tuhod niya. Paanong ang ganoon kasimpleng halik ay makakapagpanginig sa tuhod niya?

May tinawagan si Andreev sa cellphone nito. "We're going back. Dinner is over," anito sa malamig na boses. Di nagtagal ay nagsimulang gumalaw ang balsa pabalik ng pampang. Ayaw na siya nitong makasama. At parang di man lang ito naapektuhan nang halikan siya.

Hindi siya nakakibo dahil parang may aftershock pa siyang naramdaman. Ano bang ginawa nito sa kanya?

Nagulat siya nang makitang nakalahad ang palad nito habang nakatayo ito sa harap niya. "Ano 'yan?" tanong niya.

"Aalalayan kitang bumaba. Huwag mong sabihing maiiwan ka pa dito?"

"Gutom pa ako. Hindi ako makakain nang mabuti dahil sa iyo." Saka siya humarap sa mesa. "Ito naman talaga ang habol ko dito. Pagkain. Hindi ikaw."

"Hindi kita pwedeng iwan dito ng mag-isa. Ihahatid pa kita."

Tinaasan niya ito ng kilay. "Huwag mo akong intindihin. Kaya ko sarili ko. Umalis ka na kasi naaalibadbaran akong kumain kasama ka."

Huminga ito ng malalim. "Ikaw kasi..."

"Wala akong kasalanan sa 'yo. At tinitiyak ko sa iyo na wala akong kinalaman sa gusto ng lola mo. Humahanap ka lang yata ng butas para sindakin ako. Paranoid ka lang."

"Mas maganda ka kapag tahimik ka."

Biglang tumikom ang bibig niya. "Hmmm..."

Tumango ito. "Yes. You definitely look more feminine when I kiss you and your mouth is shut afterwards."

"T-Talaga? Mas maganda ako?" Ibig sabihin ay mas mabuting huwag niya itong awayin. Di siya masyadong magtaray.

"Naniwala ka naman."

Nakuyom niya ang palad. Bakit ba nagpapadala siya sa sinasabi nito? Naku! Kundi lang talaga ito guwapo, kanina pa niya ito binato ng sipit ng lobster sa mukha. "Ikaw..." Nag-ring ang cellphone niya. Napilitan siyang sagutin iyon. "Hello."

Naku! Magpasalamat ito dahil may tumawag sa kanya. Kung hindi ay buburahin talaga niya ang mukha nito.

"Hija, sinabihan ko na si Jairon na pauwiin ka dito bukas. We are invited for dinner by an old friend. Gusto niyang makilala mo ang apo niya. Wala daw girlfriend and he is in his thirties."

"Sure, Lolo. Excited na ako sa dinner na iyan,” nakangiti niyang sabi.

"Be nice to my friend's grandson."

"No problem, Lolo. I will look my best. Siguradong bagay kami ng guwapong apo ng kaibigan ninyo." At saka isang matamis na ngiti ang ibinigay kay Andreev. Gusto niyang ipakita sa binata na hindi niya ito hinahabol. Na may ibang lalaking naghihintay para sa kanya. Hindi naman siya ganoon kadesperada.

"Jazzmire, may sakit ka ba at di ka kumokontra? Baka takasan mo ako. Mapipilitan akong itakwil ka kapag ipinahiya mo ako,” banta ng Lolo Ping niya.

"I will be there, Lolo,” mariin niyang sabi.

"Bukas ng umaga daw ang flight mo. Ipapasundo kita sa airport. This is pretty important for me. Huwag mo akong bibiguin."

"Yes, Lolo." Hindi niya inaalis ang ngiti kahit na karaniwan kapag may ipapakilalang lalaki ang lolo niya ay daig pa niya ang nakalulon ng buong kalamansi sa asim ng mukha niya. Ibinalik niya sa pouch ang cellphone. "I guess I am having an early night after all. Kailangan kong mag-beauty rest dahil may importanteng dinner kaming pupuntahan ni Lolo. Matulog ka na ng mahimbing dahil may ipapakilala siyang guwapong apo ng kaibigan niya."

Humalukipkip ito. "Sino naman daw iyon?"

"Kailangan mo pa bang malaman kung sino? Siguro naman hindi mo katulad iyon na boring humalik."

His jaw clenched. "Boring akong humalik?"

Umangat ang gilid ng labi niya. "Ay! Di mo napansing naidlip ako kanina." Pumalatak siya at tumayo. "Napapahiya ang Stallion hunks sa ginagawa mo. That can damage the club's reputation, Andreev. Paano ka nakapasa dito? No wonder ihinahanap ka ng date ng mga kaibigan mo. Work on your kiss, lover boy. Wala kang maipagmamalaki sa akin."

Nakaramdam siya ng tagumpay nang mamula ang mukha nito sa pagkapahiya.

Oras na ng paghihiganti. Akala ba nito ay palalagpasin niya ang pang-aapi nito. Danasin naman nitong bumaba ang self-esteem.

"You..."

"Kalma ka lang. Hindi ko naman ipagsasabi sa lahat. So be nice to me." Tinapik ng daliri niya ang labi nito. "Ayaw mong malaman ng marami ang sekreto mo."

"I am not a boring kisser," he protested.

"Sino naman maniniwala sa iyo? Mga members dito? Malalaman lang nila ang katotohanan kapag nahalikan mo rin sila." Isang nakakalokong tawa ang pinakawalan niya. Saka siya nag-flying kiss dito. "Next time na hahalik ka, tiyakin mong magaling ka."

"Take that back! That's not true."

Isang mas malakas na tawa ang pinakawalan niya dahilan para pagtinginan siya ng mga kasalubong niya. Iniisip marahil ng mga ito na nababaliw na siya. Pakiramdam niya ay nakaganti siya sa aroganteng si Andreev Montinola.

Subalit unti-unting nawala ang saya niya nang pabalik na siya sa guest lodge na nasa Central Town kung saan sila tumutuloy na magkakaibigan. Alam naman niyang di pa rin siya nanalo dahil matindi pa rin ang epekto ni Andreev Montinola sa kanya. At matapos ang halik na iyon ay malabo itong mawala sa sistema niya.

“KUMUSTA ang date ninyo?” bungad agad ni Freezia kay Jazzmire pagpasok pa lang sa suite nila. “Okay ba?”

There was expectant look on their faces. Malamang ay iyon din ang tanong ng buong Stallion Island. Kung kumusta na ang date nila ni Andreev.

“Anong okay? Alam mo naman kung gaano kabato si Andreev Montinola. Wala ka yatang makukuhang reaksiyon sa isang iyon. Kinausap ka ba? At least iyon lang ang pwede niyang gawin kung pagbabasehan ang nakaraan ninyo,” sabi ni Illiana.

“Anong nakaraan? Di yata ako aware na nag-date sila ni Andreev. Wala ka naman kasing naikwento na may guwapong ipina-date sa iyo ang pamilya mo,” sabi ni Freezia. Hindi ito nakasama sa kanila sa summer camp sa Bantayan Island, Cebu dahil tumulong ito sa flower shop na pag-aari ng pamilya nito sa Pangasinan.

Umungol si Jazzmire. “Uh! Iyan ang parte ng nakaraan ko na mas gusto ko na lang ibaon sa limot.” Bagamat kilala siyang palaban, di niya masyadong maipagmalaki ang sarili niya.

“Sabihin na lang natin na si Andreev Montinola lang naman ang nag-iisang lalaking nakakuha ng interes ng kaibigan natin,” sabi ni Illiana na may imbing ngiti sa labi. “Siya ang team leader namin sa One Hope noong nag-summer camp kami sa Cebu noong college.”

“Hindi ko yata alam na nagkaka-interes si Jazzmire sa lalaki. At si Andreev Montinola pa. Well, he is an alpha male after all.”

Maasim siyang ngumiti. Kahit ang malapit na kaibigan niyang si Freezia ay inaakalang isa siyang babaeng bato at walang lalaking makakakuha ng atensiyon niya. After all, she grew up in a male dominated household. Ang mga pinsan at kapatid niya ay mga guwapo at makikisig na lalaki. She was used to competing and most of the time winning against them. Hindi siya madaling ma-impress ng kung sinu-sinong lalaki lang. At si Andreev Montinola ay hindi kung sinu-sinong lalaki lang. Sa kasamaang-palad ay mas bato pa ito sa kanya.

“Anong nangyari sa kanila?” tanong ni Freezia at nagniningning ang mga mata sa sobrang excitement.

Na-anticipate na niya ang susunod na isasagot ni Illiana kaya naman pinili niyang lumayo sa mga ito. “Magbibihis muna ako. And I think I need a cup of tea. Pwede ninyo akong ipag-brew?” tanong niya.

“Sure,” sabi ni Illiana at tumayo para lapitan ang brewer na nasa mini kitchen nila. “Kaso nabasted siya.”

Napangiwi siya nang mahabol pa iyon ng pandinig niya bago siya nakapasok sa bedroom nila at isinara ang pinto. Pagod na pagod talaga ang pakiramdam niya nang tanggalin niya ang high heeled shoes. Nag-shower siya at baka sakaling mawala ang inis niya. Isang malaking katatawanan ang lahat sa kanya sa araw na iyon. Pakiramdam niya ay pinagti-trip-an siya ng tadhana. Sa dinami-dami naman ng lalaking makaka-date niya ay si Andreev Montinola pa. He was as gorgeous as ever and he hated her guts. Hindi naman niya maintindihan kung bakit attracted pa rin siya dito hanggang ngayon. Marami namang ibang lalaki diyan.

When he kissed her, it shook her world. Umungol siya nang maramdaman niya ang pagpintig ng labi niya. Kasabay ng pagpatak ng tubig mula sa shower sa labi niya. Pakiramdam niya ay hinahalikan pa rin siya nito. Impit siyang tumili. Ayaw na niyang maalala pa iyon. Nanghihina lang ang buong katawan niya. Ayaw na niyang maging mahina pagdating dito.

Hinablot niya ang tuwalya at kinuskos ang mukha. Mas lalo lang siyang mababaliw kaiisip kay Andreev kapag mag-isa siya. Nang makapagbihis na siya ng pantulog ay binalikan niya ang mga kaibigan niya at umupo siya sa sofa.

Dali-dali naman siyang dinulutan ng chamomile tea ni Illiana at may honey sa tabi ng tasa ng tsaa. “Tapos na kaming mag-throwback. Kailangang i-update mo kami sa kwento,” sabi ni Freezia. “Alam mo bang naghuhurumentado si Merian kanina dahil dapat daw siya ang ka-date ni Andreev. Mas bagay daw sila kaysa sa inyo.”

“Nag-kiss ba kayo?” walang kagatol-gatol na tanong ni Illiana.

Muntik na niyang mabitiwan ang mainit na tasang hawak. Nanginginig ang kamay niyang ibinalik ang tasa sa platito. “Kiss agad? Totoy Bato si Andreev. Paano naman ako hahalikan no’n?” Wala siyang balak na sabihin sa mga kaibigan ang nangyari. “Saka napaka-praning niya. Kung anu-anong inaakusa niya sa akin. Na kesyo pakana ko daw ang dating game na iyon at gusto ko daw siyang pikutin. Na parang sa loob ng siyam na taon mula nang kagatin ko ang tainga niya ay wala akong ibang pinlano sa buhay ko kundi ang magkaroon ng pagkakataon na maangkin siya.”

Bakas ang pagkadismaya sa mukha ni Freezia. “Sayang. Guwapo pa mandin siya at mukhang responsable kaso parang akala mo naman lahat na lang ng babae gusto siyang i-trap. Sabagay di ko naman siya masisisi. Marami talagang naghahabol sa Stallion Boys. Tingin nila sa mga kapatid natin ay Prince Charming at meal ticket sa mas magandang buhay. I am actually tired of the girls vying to be my brother's girlfriend or wife. Mabuti na lang talaga matino ang girlfriend ni Kuya Noah at hindi maarte."

Nobya ng kapatid ni Freezia na si Noah Ames ang host ng Windy Café at song master na si Olay. Natutuwa rin naman siya sa mga choice na girlfriend ng mga kapatid niya at pinsang si Warren na seryoso na.

"Di kaya umakyat ang rabies mo sa utak ni Andreev? Parang sobra naman yata siya para isipin na pipikutin mo siya. Naka-blindfold naman siya. Paano mo naman siya ima-manipulate kung siya mismo ang pumili sa iyo?"

"Malala talaga ang saltik niya. Hindi ko nga alam kung bakit attracted pa rin ako sa isang iyon?" usal niya habang nakatingala at iniisip kung paanong parang magneto si Andreev. Kahit na gaano pa kapangit ang trato nito sa kanya ay di ito mawala sa sistema niya.

"Gusto mo pa rin si Andreev kahit na praning siya?" bulalas ni Freezia.

"No. Wala akong sinasabing gusto ko pa rin siya," tanggi niya.

"Kasasabi mo lang kanina."

"I didn't really mean that. I must be dozing off." Ipinilig niya ang ulo. "Saka nilinaw ko sa kanya na pagkain lang na libre ang habol ko sa dating game na iyon at hindi para mamikot ng lalaki. Ay naku! Hindi naman ako masokista. Kung ayaw niya sa akin, ayaw ko rin sa kanya."

"Di mo naman siguro ulit siya pinagbantaangg gulpihin para lang ipakita ang point mo," anang si Illiana.

"No. Pero ipinarinig ko sa kanya na kausap ako ni Lolo at may ide-date akong iba. Na hindi ko siya kailangang habul-habulin dahil marami pang ibang lalaki diyan."

"Sana naman hindi ka niya personalin. May application ka ng loan sa East Dragon Bank," paalala ni Illiana sa kanya na biglang naging seryoso.

Huminga siya ng malalim. "Hindi naman siguro. I am off the hook. Wala naman na akong interes sa kanya."

"Paano pala ang ipinapa-date sa iyo ng lolo mo?" tanong ni Freezia.

Isang masayang ngiti ang ibinigay ni Jazzmire sa kaibigan. "Huwag kayong mag-alala. Ako ang bahala doon."

MANAKA-NAKANG hinaplos ni Jazzmire ang red silk dress na suot niya. Kinakabahan siya dahil mukhang seryoso ang lolo niya sa matchmaking nito dahil kasama niya itong makipag-dinner sa pamilya ng lalaki. O baka tinitiyak nitong di na siya makakatakas pa sa pagkakataong ito.

“Thinking about business again?” untag sa kanya ng Lolo Ping niya na katabi niya sa kotse na magdadala sa kanila sa mansion ng kaibigan nito sa Quezon City.

Kinalimutan niya ang alalahanin at nakangiti niya itong nilingon. “Can't help it. Importante sa akin ang Human Loves Nature. It is not just about me. Maraming tao rin po akong matutulungan. Katulad ninyo nila Papa kaya ayaw ninyong isuko ang Yun Electronics."

Naalala niya nang inakala ng lolo niya na mawawala na nang tuluyan ang Yun Electronics dito. Tahimik itong umiyak sa kuwarto nito. Inaalala nito ang mga trabahador na mawawalan ng hanapbuhay. Kung may itinanim sa utak nilang magkakapatid, iyon ay ang pagpapahalaga sa mga trabahador nila. Inalagaan nila ang mga ito kaya maraming loyal sa kanila.

Bukod sa mga taong mabibigyan nila ng trabaho, magsisilbi din niyang beneficiary ang sports foundation na nagtuturo ng martial arts sa mga street kids. Malaking bagay sa kanya ang mga buhay na nababago nila.

"Natutuwa si Mila sa iyo nang ikwento kita. Kung pakakasalan mo daw ang apo niya, tutulungan niya tayo di lang sa Yun Electronics kundi pati sa business mo. Mabait ka daw at matulungin. Katulad mo daw ang gusto niyang pakasalan ng apo niya."

Isang simpleng ngiti lang ang isinagot niya. Kung bakit pagdating sa pagrereto ay wala siyang tiwala sa lolo niya. Mukhang okay naman ang mga lalaking ipina-date nito. They just don't excite her. Hindi katulad ni Andreev. His mere presence could make her blood stir. Boses lang nito ang marinig niya ay nanlalamig siya na nag-iinit. At di lang siya basta natulala at napipi sa halik nito. Magdamag siyang di nakatulog. Karma yata iyon dahil nagsinungaling siya na boring itong humalik.

Ngayon ay di niya matiyak kung sino ang may problema-ang lolo niya o siya na mas gusto ang aroganteng lalaki tulad ni Andreev na di naman interesado sa kanya.

"We are here," anang lolo niya at pumasok ang sasakyan sa malaking gate. Nalula siya sa malaking garden at mansion na bumungad sa kanya. Pagbaba ng sasakyan ay sinalubong sila ng isang eleganteng babae na parang nasa late-forties pa lang. But she was not so sure. Sa sobrang advance ng teknolohiya ngayon, baka kahit ang isang sixty years old ay maari nang magmukhang kaedad lang niya. The woman also looked regal in her blue dress. Kahit ang figure nito ay kaiinggitan ng mga babaeng kaedad niya.

“Don Ping,” bati ng babae at hinalikan sa magkabilang pisngi ang lolo niya.

“Ping is fine, Fritzella. Pakiramdam ko tumatanda ako kapag tinatawag akong “don”.” At kahit kailan ay di nagpatawag ng don ang lolo niya.

Nakangiti itong tumingin sa kanya. “And this must be your granddaughter.”

“Jazzmin Rebecca Yun, Ma’am,” pakilala niya.

Humalik ito sa pisngi niya. “Hello! Call me Tita Fritz. You look fabulous in that red dress.”

"Thank you po."

"I told you that she looks like a Chinese doll, Fritzella."

Natuwa siya nang makita ang nagsalita. Ito ang matandang tinulungan niya sa Baywalk. Tuwang-tuwa siyang nagmano dito. "Lola Mila, kumusta na po kayo?"

"I feel better. Lalo na ngayong nakita ulit kita."

“Nag-alala po ako nang hindi ninyo ako tawagan, Lola. Baka ano na kasing nangyari sa inyo.” Pero nakikita naman niyang okay na okay ito. “Hindi po ako makapaniwala na magkikita tayo ulit at dito pa po sa bahay namin.”

“Natutuwa naman akong malaman na apo ka pala ng kaibigan ko,” sabi nito at hinaplos ang buhok niya. “Small world indeed.”

“Where is your grandson?” tanong ng lolo niya.

Her shoulder tensed. Heto na. Makikilala na niya ang apo nito. Ano naman kaya ang itsura nito? Baka naman babaero ito o kaya ay mayabang. O kaya ay lalaki rin ang type kaya wala pang girlfriend. Sana naman ay kasing bait ni Lola Milagros ang apo nito.

Narinig nila ang ugong ng paparating na sasakyan. “He is here.”

Parang ayaw na niyang tumayo sa kinauupuan. Bigla siyang kinabahan. “You are late,” puno ng akusasyong sabi ni Fritz.

“Sorry, Ma. Traffic.”

Nanginig ang kamay niyang may hawak ng baso ng cockatail nang makita kung sino ang lalaking bagong dating. Si Andreev Montinola.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.