Chapter Andreev Montinola: Chapter 4

Hindi mapakali si Jazzmire sa kinauupuan. Anong gagawin niya? Malay ba niyang sa mansion ng mga Montinola siya dadalhin ng Lolo niya. Bakit di siya nagtatanong? Bakit ba oo na lang siya nang oo? Malaking gulo ito. Saka niya naalala ang pag-uusap nila ni Andreev sa Stallion Island. Ang mga akusasyon nito. Lumalabas na totoo ang lahat ng iyon! O, hindi! Anong gagawin niya ngayon? Paano kung seryoso pala ang lola nito na ipapakasal sila?

Kinamayan nito ang lolo niya. “Mr. Ping Yun, it is good to see you again.”

“Ah, Andreev! Perhaps you've met my granddaughter.” Inilahad ng lolo niya ang kamay sa direksiyon niya. “Jazzmire.”

Walang ekspresyon ang mukha ni Andreev nang lapitan siya. “Miss Yun,” pormal nitong bati at kinayaman siya. "Why do I have a feeling that you will be our guest one of these days?"

Naging isang tuwid na linya ang mga labi ni Andreev. Kinabahan siya dahil alam niya ang tumatakbo sa utak nito. Na nagsinungaling siyang di siya kilala ng lola nito. Na nagsinungaling siyang wala silang sabwatan. Kung maipapaliwanag lang sana niya lahat dito.

"I invited them," wika ni Lola Milagros. "Hindi rin alam ni Jazzmire kung sino ako. Basta tinulungan niya ako nang may humablot ng bag ko noong nasa Baywalk ako. May mga bata kasing nang-snatch ng bag ko.”

"Lola, tumakas na naman kayo! Sabi ko naman po delikado sa labas," iritadong sermon ni Andreev. "Kita ninyo muntik pa kayong mapahamak."

"Kaya nga nagpapasalamat ako kay Jazzmire sa pagtulong niya sa akin." Humawak sa braso niya si Lola Milagros. "Let's continue this interesting conversation over dinner."

Kumapit si Lola Milagros sa braso ng lolo niya at si Fritzella naman sa kabilang braso ng lolo niya. Walang choice si Andreev kundi alalayan siya subalit ramdam na ramdam niya ang tensiyon sa katawan nito.

Isang malaking gulo na ito ang apo ni Lola Milagros na gustong ireto sa kanya. Kaya pala mainit ang ulo nito sa kanya. Akala nito ay set up niya iyon. Na nagsisinungaling siya na wala siyang alam tungkol sa lola nito. Baka isipin nito na sinulsulan niya ang lola nito para i-matchmake sila. Drat! Napaka-paranoid pa naman ni Andreev. Siguro siya na hindi ito basta-basta maniniwala na inosente siya sa mga pangyayari.

Sana nga ay hindi na lang ito ang apo ni Lola Milagros. Sana ay isang matabang lalaki na puro pimples at nalalagas ang ngipin na lang. Basta huwag lang siyang pag-iisipan ng masama at akusahan ng hindi magagandang bagay.

Sa dami ng ipina-date sa kanya ng lolo niya, di isang beses na naakusahan siyang gold digger o kaya ay manggagamit para maiahon ang nanganganib na estado ng pamilya nila sa negosyo. Okay lang sa kanya na akusahan ng di magagandang bagay pero huwag ang pamilya niya. Pero kailangan niyang mag-ingat kay Andreev. He was not just any man. Hindi ito mangingiming batuhin siya ng putik. At kung gaganti siya, tiyak na manganganib ang pamilya niya kaya kailangang maging maingat ang kilos niya.

Pinili niyang tumahimik na lang habang kumakain. She became a proper young woman infront of their eyes. Sumasagot lang siya kapag tinatanong siya. Kadalasan ay umiikot ang usapan sa negosyo at sa estado ng ekonomiya. Mukhang mas komportable si Andreev sa ganoong usapan.

“Jazzmire, tell me more about your company. Hindi ba kasama mo si Illiana del Rio at Freezia Ames?” tanong ni Fritzella. “All organics beauty products, right?”

“Opo. Gusto niyang i-market sa masses ang product niya para hindi lang mga mayayaman ang makaka-afford ng organic products,” paliwanag niya. “Beneficiary po namin ang One Hope para magkaroon ng trabaho ang mga mahihirap na residents nila. Nagbe-benefit din po ang Filipino farmers dahil sa kanila kami kumukuha ng raw materials. Magiging beneficiary din po namin ang mga bata sa Silver Lining Foundation. Ang mga street kids po na gusto ng mas magandang buhay ay tinuturuan namin ng martial arts at ginagawang scholar para po matulungan sila na magkaroon ng mas magandang kinabukasan at maiwas sa masasamang gawain.”

“Diyan mo ba pinapunta ‘yung mga batang nanghablot ng bag ko?” tanong ni Lola Milagros. “Kumusta nga pala sila?”

“Dumalaw po silang magkapatid. Medyo mahirap pong disiplinahin dahil akala nila sa martial arts puro basag-ulo. Pero ganoon naman po talaga ang maraming bata sa una. Later on nare-realize nila na masarap magkaroon ng pangarap. Na di nila kailangang mabuhay sa kalye para magkaroon ng opportunity,” paliwanag niya.

“So you can fight,” wika ni Fritzella.

“Lahat ng kapatid niya at pinsan marunong lumaban. Kayang makipag-sabayan ni Jazzmire sa kanila,” kwento ng lolo niya. “Ayaw daw niyang maapi.”

“Ayaw mong may lalaking magtatanggol sa iyo?” tanong ni Andreev na magkasalubong ang kilay.

“Hindi sa lahat ng pagkakataon may magtatanggol sa mga babae. Paano kung minsan kailangan din naming ipagtanggol ang mga mahal namin sa buhay? Tingin ko po importante para sa isang babae na ipagtanggol ang sarili niya,” katwiran niya.

Umangat ang gilid ng labi ni Andreev. “Pero paano ka naman magkaka-boyfriend kung ibinabalibag mo ang mga manliligaw mo?”

Nahigit ni Jazzmire ang hininga. Oh, no! Sisirain siya ni Andreev sa harap ng lolo niya at pamilya nito. Ipapamukha nito sa lahat kung bakit hindi siya nito nanaising pakasalan. Dudurugin siya nito kung kinakailangan.

“How did you know?” tanong ni Lola Milagros.

“We’ve met during a summer camp in Cebu,” sabi ng binata.

The most perfect form of defense is offense. Di siya papayag na magpadurog na lang dito. “Ah! ‘Yung muntik na kitang magulpi?” wika niya at uminom ng red wine. Bago pa siya nito ipahiya, uunahan na niya ito.

“Hindi mo lang matanggap na nabasted kita.” Biglang hinawakan ni Andreev ang kamay niya. “Sabi mo nga di mo ako ibabalibag kapag niligawan kita, di ba? Sasagutin mo agad ako.” At saka inilapit ang mukha sa kanya.

“D-Dati iyon,” katwiran niya. “Bata pa ako noon. Hindi ko nga alam kung bakit sinabi kong gusto kita noon. Hindi naman talaga kita gusto. Napaka-boring mo kaya… boring!” Sinadya niyang idiin ang salitang boring para ipaalala dito kung anong boring dito. His kiss.

“Ah! Boring ako? Wala ka nang gusto sa akin? Do you want to put that to a test? I think that’s interesting,” naghahamong wika ng binata.

Gusto niyang itulak ang mukha nito palayo sa kanya pero di niya magawa. Biglang bumalik sa alaala niya nang halikan siya nito. Nagbabaka-sakali ba siya na hahalikan ulit siya nito? Gusto niyang magdadamba sa kilig. Paano pa siya magagalit kung naalala niya ang halik nito? Ang boring nitong halik na nagpatulala sa kanya at dahilan para di siya makatulog.

"This is better than I expected. You two look good together," komento ni Lola Milagros at pinagsalikop ang palad. “Mabuti naman at magkasundo na kayong dalawa. Hindi na pala ako mahihirapan sa inyo.

"I agree," sang-ayon ng lolo niya. “Wala pang nagiging boyfriend ang apo ko. Masyado siyang pihikan. Mabuti naman at may lalaki siyang nagustuhan.”

“At apo ko pa,” sabi ni Lola Milagros. “It must be destiny.”

“Maswerte ang mapapangasawa ng apo ko. Mabait, matalino at very loyal sa pamilya. Matulungin pa sa mga tao. At hindi rin magastos," pagmamalaki ang lolo niya.

“Maswerte din naman ang magiging girlfriend ng anak ko,” wika naman ni Fritzella na kuntodo build up din kay Andreev. Ang mga nanay nga naman. “Hindi siya katulad ng ibang lalaki na papalit-palit ng girlfriend. He devotes most of his time for the company. And despite the economic crisis, hindi apektado ang negosyo namin dahil na rin sa galing niya. He is even member of the prestigious Stallion Island.”

“When shall we announce the engagement?” biglang tanong ni Lola Mila.

Sabay silang lumingon ni Andreev sa mga nakatatanda. “Engagement?!” usal niya. Heto at halos magsakalan na sila pero tuwang-tuwa pa ito. They would really go ahead with the wedding plans that she had no idea of. Nahihilo na siya sa mga nangyayari.

“Kunyari ka pang hindi mo alam,” bulong ni Andreev sa pagitan ng mga ngipin nito. He was mad. Seething mad. Nagtitimpi lang ito pero nararamdaman niya na malapit na itong sumabog.

“Ayaw din naming maabala kayo kaya sa garden na lang kami magkukwentuhan,” sabi ni Lola Milagros at tumayo. “Mukhang kailangan ninyong magkasarilinan.”

BINITIWAN NI Andreev ang kamay niya at itinuloy ang pagkain nang magpunta na sa garden ang tatlo. Parang gusto ni Jazzmire na atakihin sa puso. Engagement sa lalaking ayaw na ayaw sa kanya? Ano bang ginagawa ng lolo niya? Ni hindi man lang siya nito kinonsulta bago gawin iyon. Una ay hindi iyon alam ng pamilya niya. Pangalawa ay hindi papayag si Andreev. Nararamdaman niyang gusto nang sumilakbo ng galit nito sa kanya. Idinadaan lang nito sa pagkain.

Ayaw niya ng ganito. Kung magpapakasal siya sa isang lalaki, dapat ay mutual ang nararamdaman nila. Yes, the marriage won’t be based on love. Pero gusto nila na magkasundo sila. At di niya alam kung makakasunod niya si Andreev.

“Andreev, wala akong alam dito. I swear. Kung alam ko lang, ako na sana ang unang tumutol,” apela niya sa binata at sinapo ang noo.

“Kung gusto mo palang kumontra, sana sinabi mo agad. I didn’t hear you complaining. Bakit ka nga naman kokontra? It was like serving me on a silver platter, right? Congratulations! Nakuha mo na rin ang matagal mo nang pinakaaasam-asam. May chance ka nang pakasalan ako,” pang-uuyam nito at uminom ng brandy.

Sinapo niya ang noo para pigilan ang pag-ikot ng mundo niya. “Andreev, nagulat din ako sa mga nangyayari.” Uminom siya ng malamig na tubig. Kailangan niya iyon para kumalma. Malaki ba talaga ang problema nila sa pera para ipilit ang arranged marriage na ito?

“Come on. This is your revenge, right? Noong nasa Bantayan Island tayo, sinabi mo na titiyakin mo na ako ang magmamakaawa sa iyo. Is this it? Ginawa mo talaga ang lahat para makuha ako. Baka nga kasabwat mo pa ang mga street kids na iyon para kunyari ay nakawan ang lola ko at saka tutulungan mo para makuha ang loob. Planado mo ang lahat ng ito.”

Nanlaki ang mata niya. “Ingat ka sa pananalita mo. Malapit na talaga akong mapuno sa iyo. Wala akong plano na kahit ano. At kung anuman ang sinabi ko noong nasa Bantayan tayo, kailan pa ba iyon? Naka-move on na ako sa katangahan ko sa iyo. Move on ka na rin sana.”

“Magkano ba ang kailangan mo para lang huwag mo akong pakasalan? This is all about the money, right? What do you want? Endless financial backing from East Dragon Bank for Human Loves Nature? I can provide you that. Basta huwag mo lang akong pakasalan.”

Parang sinampal siya ni Andreev. Pinalalabas ba nito na pera lang ang habol niya dito? Hindi lang siya ang iniinsulto nito kundi maging ang pamilya niya. Nararamdaman niya ang paggapang ng pamamanhid sa katawan niya habang pinakikinggan ang patuloy nitong paglitanya.

“Ganoon lang naman ang interes sa akin ng mga babae, hindi ba? They are after my portfolio. They are after what I represent. You are not any different. It all boils down to money. I won’t sign up for this kind of set up. I won’t fall for your trap. Di na nga ako magtataka kung noon pa lang pinlano mo na ‘to. Baka sinadya mong sinundan ang lola ko. Then you staged the snatching and helped her out.”

“Tama na, Andreev,” babala niya dito at kinuyom ang palad niya.

Parang hinihiwa ng blade ang puso niya. Ganoon ba siya kababang babae? Ganoon ba siya kasama? Na para lang makuha ito ay magpapanggap siya at gagawa ng kung anu-anong pakulo? Na pati ang isang inosenteng matanda ay mamanipulahin niya para lang makuha ito?

Hindi ito nagpapigil at nagpatuloy sa pagsasalita. “Tapos bilang kapalit sa pagtulong mo sa kanya, gusto mong pakasalan kita. I was even pressured to…”

Hinampas ni Jazzmire ang mesa. “Tama na sabi! I am out of here.”

“Aalis ka agad-agad? Bakit? Dahil totoo ang sinasabi ko? Na nalaman ko ang mga plano mo? I am not that stupid, you know.”

“Oo nga. Sobrang talino mo. Grabe ang imahinasyon mo.” Praning ka! Hambog! Marami pa siyang gustong sabihin pero para di na lang tuluyang masira ang pagdalaw niya sa bahay nito at di siya mapahiya sa nanay at lola nito na maayos silang inimbita sa bahay ng mga Montinola ay pinili na lang niyang huwag ituloy ang iba pang insultong lalabas sana sa bibig niya.

Tumayo si Jazzmire at malalaki ang hakbang na tinungo ang garden. Galit siya. Galit na galit. Iniwan na lang niya si Andreev dahil baka maihampas niya sa mukha nito ang plato. Malalim ang paghugot niya ng hininga. Gusto nga niya ito pero wala itong karapatan na isampal sa mukha niya ang pagkagusto niya dito. Hanggang umabot sa punto na mukha siyang desperada para makuha ito. She had her pride. At hindi siya papayag na tapakan siya nito at ang pamilya niya.

“Jazzmire, bakit nagmamadali ka?” nag-aalalang tanong ni Fritzella.

Sinapo niya ang noo niya. Ayaw niyang mahalata nito na nagkasagutan sila ng anak nito. O masama ang loob niya. Pumikit na lang siya at nagkunwaring masakit ang ulo kahit ang totoo ay mabigat na mabigat ang dibdib niya. Parang hindi nga siya makahinga sa bigat.

“M-Masakit na po kasi ang ulo ko, Tita. Sa kotse na po muna ako. Kahit doon ko na lang hintayin si Lolo. Pasensiya na po. Talagang masama lang ang pakiramdam ko. Ayoko naman pong makaabala pa sa inyo.”

“Aalalayan na kita sa kotse,” sabi ni Andreev na sumunod pala sa kanya. “Gusto mo bang ikuha kita ng gamot?”

“No,” she answered in a curt voice.

Bwisit! Akala mo kung sinong gentleman. Samantalang kanina ay nilait-lait nito ang pagkatao niya. Kuyom niya ang palad at pinigilan ang sariling pumiksi habang inaalalayan siya nito. Bakit ba sinasaktan siya ng ganito ni Andreev? Hindi ba sapat na sabihin nitong ayaw nito sa kanya?

Nagagalit siya pero wala na siyang lakas para magwala o manakit. Gusto na lang niyang magkulong sa kuwarto niya at umiyak.

“Kindly inform us once you are better,” magalang na wika ni Andreev.

Di nagtagal ay tinabihan na siya ng lolo niya sa kotse. “Sayang at sumakit ang ulo mo. Natutuwa ako dahil mukhang nagkakasundo kayo ni Andreev.”

Nagkakasundo? Malabo na nga yata ang mata ng lolo niya at di nito nakita na halos magsakalan sila ni Andreev. Pinigilan niya ang sariling huwag gumawa ng eksena dahil alam niyang importante ang East Dragon Bank sa negosyo niya. Kahit siya ay may request na loan sa mga ito. Sa mga bangkong in-apply-an niya, ang East Dragon Bank na lang ang di pa nagde-decline ng loan niya.

“Matutulog po muna ako, Lolo,” aniya sa malamig na boses. Ayaw niyang ipaalam pa dito ang ginawa ni Andreev na pang-iinsulto sa kanya. Ayaw niyang masaktan ang lolo niya.

Ginagap ng lolo niya ang kamay niya. “Hija, huwag ka sanang magalit sa akin. Si Milagros ang nagsabi sa akin na gusto ka niyang ipakasal sa apo niya. Sa huli ikaw naman ang magdedesisyon. Hindi kita mapipilit kung ayaw mo.”

Napansin niya ang mga guhit sa noo ng lolo niya. He was obviously stressed out. Marami itong pinagdaanan nitong nakakaraang buwan. Una ay mas pinili ng Kuya Jairon niya ang babaeng mahal nito kaysa sa babaeng sinasabi ng manghuhula na tutulong sa kanila para lumago ang negosyo nila. Kasunod niyon ay ang pagbagsak ang kompanya. Mabuti na lang at nakahingi ng tulong ang kakambal niyang si Julian kay Ryuji Tezuka, ang nakatatandang kapatid ng village lord na si Ryuhei Tezuka. Subalit di madaling makabawi dahil kahit ang malalaking kompanya sa ibang bansa ay di pa nakakabangon mula sa pagkakasadlak ng ekonomiya.

Tinapik din niya ang kamay nito. “Lolo, hindi naman po ako galit sa inyo. Alam ko naman po na ginagawa lang ninyo ito dahil gusto ninyong maging secured ako. Ayaw ninyong makita kaming naghihirap katulad ninyo dati.”

Galing sa hirap ang lolo niya. Tumakas ito mula Tsina para makalayo sa giyera at sa kahirapan. Nagsumikap ito hanggang maitayo nito ang Yun Electronics. Siya ang higit na inaalala nito. Sa kanilang magkakapatid ay parang siya ang malas sa negosyo. At dahil babae siya, mas kakailanganin niya ng isang asawa na pwede niyang masandalan.

Tiyak na madidismaya ang lolo niya oras na malaman kung gaano kababa ang tingin ni Andreev sa kanya. Kahit naman ganoon ang lolo niya ay may pride pa rin ito. Itinaguyod nito ang pamilya sa kabila ng katandaan nito. Ayaw nitong mawala sa mundo nang hindi sila nailalagay sa ayos.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.