“This is unacceptable. I will not marry Andreev Montinola. Ang kapal talaga ng mukha niya. Sinabi ba naman niya na sinadya ko daw ang lahat. Na planado ko ang pagsagip sa lola niya para mamanipula siya na pakasalan ako. Hindi naman ako ganoon kadesperada,” nagpupuyos na wika ni Jazzmire habang palakad-lakad sa opisina ng Human Loves Nature at kaharap ang mga kaibigang sina Freezia at Illiana. “At handa daw siyang bayaran ako para lang huwag ko siyang pakasalan.”
Dalawang araw na siyang walang tulog mula nang makipag-dinner sila ng lolo niya sa mga Montinola. Hindi talaga niya matanggap na kay Andreev Montinola siya makakasal.
“You know that most men in Stallion Island are arrogant much. Akala ko pag-aari nila ang mundo. They want everything to go their way. Ayaw niyang minamanipula sila,” wika ni Illiana.
“Kahit naman sino ayaw na manipulahin,” malumanay na wika ni Freezia. “Pero anong plano mo ngayon, Jazz? Ayaw mo naman sigurong makalaban si Andreev Montinola. Di pa aprubado ang application for loan mo.”
“Subukan lang niyang sirain ang mga plano ko. Pipikutin ko siya nang wala sa oras. Ewan ko lang kung makapalag pa siya,” nakangisi niyang sabi. May alas siya laban kay Andreev. Ayaw niyang pakasalan ito pero pwede niyang gawin, just to spite him. Siyempre gagawin lang niya iyon kapag napuno na siya dito.
“Kunyari ka pa. Gusto mo naman yata talaga siyang pikutin,” tukso ni Illiana. “For some reason, kumikislap pa rin ang mata mo kahit naiinis ka sa kanya.”
She stuck her tongue out. Hindi siya magpapaapekto sa panunukso nito. “Pupunta muna ako sa Silver Lining. Kailangan kong i-workout itong inis ko.” Kailangan niya ng paalala kung bakit kailangang makasama siya sa pagsosyo sa Human Loves Nature dahil may mga taong nangangailangan sa kanya.
Dumaan muna siya sa paborito niyang bilihan ng siopao at siomai sa Binondo bago tumuloy sa foundation. Bumili siya ng miryenda para sa mga mata. Katatapos lang niyang magbayad sa counter nang may tumawag sa cellphone niya. “Hello!”
“Miss Yun, this is Edwin Racelis from East Dragon Bank. I just want to inform you that your loan is already approved.”
Nahigit niya ang hininga. “Really?”
“Yes. You can pick up the cheque our branch starting tomorrow.”
“Thank you very much. This means a lot to me.”
Napausal siya ng dasal at gumaan ang mood niya habang nagmamaneho papunta sa foundation. Nasa isang tatlong palapag na lumang gusali sa Malate matatagpuan ang Silver Lining Sports Foundation.
Sinalubong siya ng mga bata edad anim na taon hanggang disiotso. Pawang mga batang kalye ang mga ito. Pero pinag-aral ang mga ito ng foundation at nagko-compete sa mga martial arts competition sa iba't ibang parte ng Pilipinas maging sa abroad. Kung mas malaki pa sana ang pondo ay gusto niyang mas maraming batang kalye at out-of-school youths pa ang matulungan.
Tahimik ang compound ng foundation nang mga oras na iyon. Weekdays noon. Ang ilan sa mga bata ay nag-aaral na kaya marahil ay nasa paaralan pa ang mga ito. Mamaya pa naman ang oras para sa training ng mga panghapong estudyante. Kung may mga bata man doon, marahil ay nasa art room para sa art activities ng mga ito o kaya ay nasa library para magbasa-basa.
Tumuloy siya sa opisina ng kaibigan. Si Kelly ang bunsong anak ng master nilang si Gabe Tan. Itinayo ang foundation limang taon na ang nakakaraan at masigasig ang pamilya niya at ang iba pang mga estudyante ni Master Gabe para itaguyod ang foundation. Malapit sila ni Kelly sa isa’t isa dahil sila ang magkaedad. Ito na ngayon ang direktor ng foundation mula nang namayapa ang ama nito noong isang taon at bitawan ng kapatid nitong si Gringo ang pagiging direktor.
Akmang kakatok siya sa opisina nito nang may marinig siyang umiiyak sa loob. “Kelly? Kelly, nandiyan ka ba?” tanong niya at di na hinintay pa ang permiso nito. Binuksan agad niya ang pinto. Naabutan niya ang kaibigan na nakasalampak sa sahig habang hawak ang cellphone nito. Dali-dali niya itong dinaluhan. “Kelly, anong nangyari?”
“M-Mawawala na ang lahat ng ito sa amin. Itong lupa, itong building… dumating na ang notice ng bangko at kailangan daw naming umalis dito. Oras na mawala itong lupa, di ko alam kung paano magpapatuloy ang foundation. Kahit na ibenta ko ang condo ko, di iyon sapat para punuan ang utang sa bangko.”
Hinawakan niya ang balikat nito. “P-Paanong nai-loan ang lupa nitong foundation?”
“Nakapangalan pa rin ito kay Papa hanggang sa mamatay siya. Hindi na niya naipangalan sa foundation gaya ng plano niya. N-Nakakahiya mang aminin pero nang si Kuya ang humawak sa finances ng foundation dahil mahina na si Papa, nadispalko niya ng donasyon ng mga donor. Napilitan si Papa na punan iyon kaya isinanla muna niya sa bangko itong property namin. P-Pero bago pa namin matubos ay ito na nga ang nangyari.”
Sakit ng ulo ang Kuya Axel ni Kelly. Kahit noong mga bata pa sila ay pasaway na ito at mahilig gumawa ng kalokohan. Wala itong hilig sa martial arts. Pero di niya alam na aabot sa ganito ang kalokohan nito. Gumastos ito ng pera na para sa mga bata at ngayon ay si Kelly ang magdadala ng lahat ng problema. At sa nakikita niya ay malaking sakit ng ulo ang iniwan nito sa kaibigan niya.
“Wala na bang ibang paraan para masolusyunan ito?” tanong niya.
“Tumawag sa akin si Kuya Axel kanina. May offer daw siya mula sa Mega Consortium para bilhin itong lupa namin. More than enough to pay for our loans. P-Pwede pa daw naming paghatian ang matitira.”
“Wow! Makikihati pa siya. Ang kapal talaga ng mukha,” nausal niya at nakita niya ang paglungkot ng mata ni Kelly. “Pasensiya na sa nasabi ko tungkol sa kuya mo. Nakakainis naman kasi siya. Puro sarili na lang niya ang iniisip niya.”
“Tanggap ko naman iyon. Nagkaroon ako ng kapatid na sira ulo. Pero ayokong pakawalan itong property na ito. Ipinundar ito ni Papa. At pangarap talaga niyang itayo ang foundation para sa mga batang nangangailangan. You see, he used to be a street urchin himself. Martial arts ang nagsalba sa buhay niya. Kaya gusto kong buhayin ang legacy ni Papa sa pamamagitan ng ibang bata. Kapag nawala itong property na ito, kaya ko pa namang magpatuloy sa buhay. Pero paano ang mga bata? Dito nabuo ang mga pangarap nila. Oras ang foundation, babalik na naman ba sila sa kalye? Magnanakaw na naman ba sila at magkakalkal ng basura? Ayaw kong mangyari iyon.”
Ginagap niya ang kamay ng kaibigan. “Baka naman pwede nating pakiusapan ang bangko para magbigay ng extension.”
Umiling ito. “Ayaw na ng manager ng East Dragon Bank. Ilang beses na daw kaming nakiusap para sa extension.” Humikbi ito. “P-Paano na ito?”
“May isang buwan pa naman kaya pwede pa tayong humingi ng tulong. Pwede nating ilapit sa members ng Stallion Island.” Sigurado siya na ipa-prioritize ito ng Kuya Jairon niya at ni Alessandrace na pawang paboritong estudyante ni Master Gabe. “And as for the East Dragon Bank, pwede ko namang kapalan ang mukha ko.”
Nag-dial siya ng numero ni Lola Milagros. Gagawin niya ito para sa kinabukasan ng mga batang sinusuportahan nila.
JAZZMIRE was exhilirated. Maganda ang response ng mga miyembro ng Stallion Island sa maliit na cocktail party na ihinanda nina Alessandrace at Jairon para sa Silver Lining Foundation. Matapos ang floor exhibition ng mga ilan sa pinakamagagaling na bata na under ng foundation ay nagsimula nang dumagsa ang pledge para makatulong sa foundation. At ngayong nakikita niyang ang mga bata pa mismo ang nagtuturo sa mga village lords, sa palagay niya ay tataas pa ang pledge na makukuha nila. Kahit si Kelly na mukhang kinakabahan noong una ay nagagawa nang makipagtawanan ngayon sa nobya ng Kuya Jairon niya na si Xandie.
“A beauty with a cause,” narinig niyang usal ng suwabeng boses sa likuran niya. “I think champagne is perfect for you.”
Nang lumingon siya ay isang guwapong lalaki ang nakaharap niya. Akala pa nga niya noong una ay si Andreev iyon dahil parang may hawig ito sa unang tingin pero nawala iyon agad nang makitang di ito ang lalaking ipapakasal sa kanya.
“I don’t just accept drinks from strangers,” sabi niya at tinaasan ng kilay ang lalaki. Di gaya ni Andreev na laging nakasimangot, mukhang palangiti naman ang isang ito. O mas tamang sabihin na sanay itong mang-akit at mambola ng babae. Ngayon pa lang niya ito nakita doon.
“Well then,” inabot nito ang kamay sa kanya, “Alfonso Cordova, one of the candidates for Stallion Island Riding Club and the official photographer of the event.” At saka niya napansin ang DSLR camera na nakasabit sa leeg nito.
Kinamayan niya ito. “Jazzmire Yun. And no, I am not a champagne girl. I am happy with my peach iced tea,” aniya at itinaas ang hawak na baso ng iced tea.
Lumungkot ang anyo nito. “Ngayon lang yata ako nagkamali pagdating sa gustong drinks ng babae.”
“Well, I am not most girls.” Malamang ay sanay ito sa mga babaeng handa itong i-accommodate. Na kapag sinabi nitong muriatic acid ang bagay na drinks sa ibang babae ay willing naman laklakin para i-please lang ito.
Ibinaling nito ang tingin sa mga bata. “I am interested with the foundation. I hope I can be of help. Pwede ko ba silang kuhanan ng picture habang nagte-training sila? I have friends abroad. They might be interested to help out.”
“That would be cool. Kahit anong tulong ay tatanggapin namin. Salamat.”
“Nandoon ka ba sa foundation kapag pumunta ako?”
Kung ibang pagkakataon ay baka soplahin niya ito pero dahil para naman sa foundation ay tumango na lang siya. “Of course. That can be arranged. Mag-set ka ng appointment kay Kelly. Pupunta na lang ako. Thank you very much, Mr. Cordova.”
“Call me Alfonso.”
“Alfonso,” pagtatama niya. Nailang siya sa paraan ng pagtitig nito na parang tutunawin siya. Iniwas niya ang tingin dito. Nang lumingon siya ay nakita niyang nakasiksik lang si Kelly sa likod ng malaking paso ng halaman at parang may pinagtataguan. “If you’ll excuse me, Alfonso. Pupuntahan ko lang ang kaibigan ko.”
Inilahad nito ang braso at bahagyang yumukod. Sigurado naman siya na makakahanap ang binata ng ibang babae na pwede nitong pagpa-cute-an.
Nilapitan niya si Kelly. “Anong ginagawa mo dito?”
“Nandito siya.”
“Sino?”
Tumuro ito sa isa direksiyon ng wine bar. “Ang lalaki doon.”
Kumunot ang noo niya. Dalawang lalaki lang naman ang nandoon. Si Andreev at ang isa pang lalaking kasama nito. “Si Andreev ba? Sabihin mo lang sa akin kung may ginawang di maganda ang kumag na iyan sa iyo.”
“Hindi. ‘Yung isa pa. Si Denmark Ledesma. Siya ang nag-aalok sa kapatid ko na bilhin ang lupa namin para pagtayuan ng condominium.”
“Hindi niya makukuha ang lupa ninyo. Nag-request tayo na bigyan ng extension ang loan ninyo, di ba?” aniya at pinisil ang kamay ng kaibigan.
“Huwag mo na silang tingnan. Ayokong makita niya ako.”
Subalit huli na dahil parang may laser ang mga mata ni Andreev nang tumutok sa kanya. Wala siyang nagawa dahil mistula siyang usa na tinapatan ng headlights ng sasakyan at naestatwa na lang. Sinenyasan pa ni Andreev ang kasama nito at naglakad ang mga ito palapit sa kanila.
“Pupunta muna ako sa restroom,” sabi ni Kelly.
Pinigilan niya ito. “Dito lang tayo. Bakit ka matatakot samantalang wala ka namang ginagawang masama?”
“Good evening, Miss Yun, Miss Tan,” bati ni Andreev sa kanila. “That was a nice presentation. Congratulations with the approval of your loan, Miss Yun.” At may kakaibang igting sa boses ni Andreev nang banggitin ang loan niya.
“Thank you. Dahil sa loan na iyon, mas marami pa akong matutulungang tao kapag nagsimulang mag-boom ang Human Loves Nature. Kasama na doon ang Silver Lining Sports Foundation.”
“Inaasahan din namin ang tulong ninyo, Mr. Montinola,” anang si Kelly sa malumanay na boses at ngumiti. Sana lang ay di nito mapansin ang tensiyon nilang dalawa ni Andreev. Ayaw niyang mag-alala pa ito lalo na’t parang di ito komportable na makaharap si Denmark.
“This is my friend Denmark Ledesma of Mega Consortium,” pagpapakilala naman ni Andreev sa kaibigan nito. Kinamayan niya ito. Kung may kakambal siguro ang aura ni Andreev ay si Denmark iyon. It was dark and bleak. Bagay dito ang mahaba nitong buhok na hanggang balikat. He was like a bad boy in suit. He had a hawk-like feature. Na parang isa itong lawin at dadagitin nito ang kawawang sisiw na biktima nito. At alam niyang si Kelly ang biktimang iyon.
Kinamayan niya si Denmark at sumunod naman nito kinamayan. “It is a pleasure to see again Miss Tan,” sabi nito kay Kelly.
Mabilis na binawi ni Kelly ang kamay nito. “The pleasure is not mine.” At saka mabilis na binawi ang kamay mula kay Denmark.
“Bakit hindi mo na lang ibenta ang property ninyo, Miss Tan?” malumanay na tanong ni Denmark. “You see, pwede naman kong doblehin ang alok ko para maipagpatayo mo sila ng mas maluwag na area at mas marami ka pang batang ma-accommodate. May isa-suggest ako sa iyo na murang property na mas maaliwalas.”
“What’s the point of transferring to another place, Mr. Ledesma? Nasa area na iyon ang beneficiary ng foundation.”
“Yes. Pero kahit na tanggihan mo ang alok namin, malaki pa rin ang problema mo. I heard may dati na kayong donors na ayaw na munang magbigay dahil sa nadispalko ng kapatid mo ang donasyon,” anang si Denmark at naramdaman niya ang tensiyon sa katawan ni Kelly.
“Ang alam ko ibinalik namin ang nararapat sa foundation kaya nga nakasangla ang property namin, di ba?” maanghang na sagot ni Kelly nang makabawi. “At ako na ang humahawak sa foundation ngayon. At gagawin ko ang lahat para manatili ang legacy ng ama ko.”
“Sana nga ay hindi na mawala ang donasyon na para sana sa mga batang kalye na tinutulungan ninyo,” anang si Denmark at umangat ang gilid ng labi.
That was a low blow. Nang mga oras na iyon ay parang puro pula na ang nakita niya at nakuyom niya ang palad. Mariin na pumikit si Jazzmire. “Andreev, pakilayo na ang kaibigan mo sa amin bago ko paduguin ang mukha niyan.” Nang dumilat siya ay binigyan niya ng matalim na tingin si Denmark.
“Excuse us,” wika ni Andreev at hinatak palayo si Denmark.
“What did I do wrong? Sinabi ko lang naman ang totoo,” naulinigan niyang katwiran ni Denmark.
Tumakbo papunta sa labas ng Mist Fusion si Kelly at dali-dali ito sinundan ni Jazzmire. Naabutan niya ito front porch ng gusali. “Kelly, sandali lang!”
Humagulgol ito ng iyak. “Paano kundi na nila ako pagkatiwalaan? Paano kung wala na rin silang tiwala sa akin dahil sa ginawa ni Kuya? Paano na ang mga bata?”
“Huwag kang magpa-intimidate sa lalaking iyon. Tutulungan ka namin. Naniniwala kami na hindi mo pababayaan ang mga bata at malinis ang intensiyon mo. Pagtutulungan natin ito. Okay? At hindi na makakaulit ang kaibigan ni Andreev na bastusin ka. Ako mismo ang makakalaban niya.”