Titingin-tingin lang si Jazzmire sa indoor arena habang nagpa-practice ng polo si Andreev. Pagkakisig-kisig kasi nito suot na riding uniform ng mga members. Maroon ang riding coat nito na siyang uniform ng Stallion Island Riding and Leisure Club para sa mga miyembro, naka-black riding trouser at boots. At sakay ito ng Argentinean polo horse nitong si Fierro. Kinatatakutan ang dalawa kapag naglalaro sa arena pero masarap ding panoorin ang mga ito. Both of them were fearless.
Hindi niya alam kung bakit lumipat siya ng arena para magtrabaho nang marinig na magpa-practice doon si Andreev at ang mga kaibigan nito. Matapos ang komprontasyon nila sa tahanan ng mga Montinola kung saan inakusahan siya ng binata na isang manipulador, dapat ay hindi na niya gustuhing makita pa kahit ang anino nito.
Pero parang isang droga si Andreev Montinola. She wanted to drink on the sight of him. Sa halip na layuan ito dahil masama ito sa kanya ay lalo pa siyang nahaharuyo. Malawak ang Stallion Island. Pwede naman niya itong iwasan kung gugustuhin niya. Pero heto siya at nakabantay dito. Nagkukunwaring walang pakialam dito pero nakasunod ang mga mata niya sa kilos nito. She was hopeless.
"Hanga lang talaga ako sa magagaling mag-polo," usal niya sa sarili at dali-daling ibinalik ang tingin sa laptop niya.
It was not Andreev in particular. Kung siya ang masusunod ay ayaw niya itong tingnan. She just couldn’t resist the lure of the sports. Nagkataon lang talaga na masarap panoorin ang binata kapag naglalaro ng polo. Iyon lang. Polo. It is the sports and not the player.
"Andreev, ang galing mo! I love you!" sigaw ng mga Sirens sa kabilang mesa.
Nag-init agad ang tainga niya. Matalim niyang sinibat ng tingin ang mga ito. "Pwede ba huwag kayong maingay? Nakakaabala kayo sa nananahimik."
Bumaling sa kanya ang leader ng Sirens na si Merian at namaywang. "Miss Chinatown, humingi kami ng permiso para i-cheer ang new members. Gusto naming malaman nila na nandito kami para suportahan sila." Kumaway ito sa mga nasa arena. "I love you, Mattheu."
"I love Krammer,” sabi ni Raine.
“Si Michigan ang mahal ko,” sabi ni JK at nagpapadyak sa kilig nang lumingon si Michigan dito na isang sikat na artist at sumaludo.
"Hindi naman new member si Andreev," bulong niya at umasim ang mukha.
"Audric! Steffanos! Super hot ni Lord Raddison!" halos mamaos na sa katitili si Francey. May iba pang tsini-cheer ang mga ito pero naiinis siya kapag tinitilian ng mga ito si Andreev. Kung makaasta kasi ang mga ito ay parang pag-aari ang mga Stallion Boys. Darn groupies! Hindi ba talaga mananahimik ang mga ito?
"Andreev, dahan-dahan baka malaglag ka!" At saka sabay-sabay na nagtilian ang mga Sirens. Naghiyawan ulit ang mga ito nang makabawi si Andreev at naipasok ang bola sa goal. Lumingon lang si Andreev sa direksiyon ng mga ito ay parang hihimatayin na. Napansin pa niya na kumaway si Andreev sa mga ito.
Asar! Samantalang siya ay parang hindi nito nakikita. Ni hindi man lang siya pinagbigyan nang gusto niyang makipag-usap dito tungkol sa engagement.
Wala namang magiging engagement kung ayaw nito. Pero sana ay kausapin siya nito ng maayos. Di siya interesado sa pera nito. Kaya naman niyang patunayan na di siya interesado sa pera nito kung pagbibigyan siya nito.
Ang nakakainis lang ay di siya nito pinapansin pero ngayon ay nakikikaway pa ito sa mga Sirens. Iniinis ba talaga siya nito? O ipinamumukha nito na ang mga babaeng walang ginawa buong maghapon kundi akitin ang mga Stallion Boys ay mas deserving sa atensiyon nito kaysa sa kanya.
Tinakpan niya ang tainga. “Ano ba? Basag na ang eardrums ko.”
"Kung naiingayan ka, doon ka sa sementeryo,” asik ni Merian.
Bigla siyang tumayo dahil hinahamon siya nito. Gusto niyang burahin ang mukha nito nang maramdaman niyang may pumigil sa balikat niya. "Don't lose your cool, my dear. Kung gusto mo talaga ng katahimikan, di ka dapat dito," sabi ni Andrya na resident psychologist ng Stallion Island. "Come on. Sa Banyan Tree tayo. Hindi ka makakapagtrabaho ng maayos dito at lalong hindi mo mapapanood ng maayos ang practice ni Andreev kung mamamatay ka sa selos.”
"Hindi ako nagseselos," tanggi niya at iniligpit ang mga gamit niya.
"Hindi ko naman ipagsasabi lalo na kay Andreev na nagseselos ka. Come on. Mahirap kapag kinikimkim ang mga ganyang bagay."
Talo siya kay Andrya dahil nababasa nito ang utak niya. Kung bakit kasi di niya napigil ang sarili na panoorin si Andreev sa practice nito. Uminit din ang ulo niya nang marinig ang pag-cheer ng Sirens kay Andreev.
Nagtungo sila sa Banyan Tree Restaurant na di kalayuan sa indoor arena. Madalas ay puno iyon kapag dinner pero nang alas dos ng hapon ay tahimik doon. Pag-aari iyon ng village lord na si Rouen Arezmendi na isang Michelin starred chef.
Umupo siya sa mesa sa patio ng Banyan Tree Restaurant. Walang masyadong customers sa labas dahil na rin sa init. It was safe. “Anong problema kay Andreev?” tanong ni Andrya sa kanya matapos umorder ng juice para sa kanya.
Mariin niyang pinagdikit ang labi niya. May tiwala naman siya kay Andrya. Ito ang pinagkakatiwalaang psychologist ng club. Alam niyang may professional oath ito na huwag ipagsabi sa iba kung anumang mapag-uusapan nila. And she was a professional. Alam niyang lagi itong magbibigay ng sane advice sa kanya.
"Ayoko siyang magustuhan. Ayoko talaga. Pero kung sino ang ayaw sa iyo, siya pa ang nagugustuhan mo. Akala ni Andreev inteesado ako sa pera niya."
"May dati siyang girlfriend na pera lang ang interes sa kanya. Kaya tingin niya sa mga babae pera lang ang habol sa kanya,” sabi nito. “Wala bang nakapag-kwento sa iyo? College pa siya noon.”
Umiling siya. “Hindi ko alam ang tungkol doon. Saka bakit naman pati ako madadamay sa ginawa ng ex niya? Di naman ako gold digger." Kung interesado siya sa pera, may iba namang mayamang inireto sa kanya ang lolo niya. Iyon na lang sana ang pinatulan niya sa simula pa lang.
"Kung gusto mo siya, kailangan mong habaan ang pasensiya mo. Hindi madali na palambutin ang puso niya. Mahirap magtiwala ang isang pusong nasaktan."
Umingos siya. "Ayoko naman talaga sa kanya. Ginagawa ko ang lahat ng paraan para mawala siya sa sistema ko. Naiinis na nga ako sa sarili ko. Pwede mo ba akong tulungan kung paano ko na lang siya makakalimutan?" tanong niya at bumuntong-hininga. “Pwede mo ba siyang burahin sa memorya ko?”
Parang komplikadong magustuhan at ma-in love kay Andreev. Minsan na niyang hinayaan ang sarili na magustuhan ito pero napahiya lang siya. Tuwing makikita siya nito, lagi na lang siya nitong ipinapahiya. At anong magagawa niya sa isang lalaki na sa kanya isinisisi ang kasalanan ng ibang babae?
Pagak itong tumawa. “Come on. Kung kaya ko lang sigurong burahin sa memorya ng isang tao ang mga taong mahal nila pero ayaw sa kanila, mayaman na ako ngayon. That’s complicated. Mahirap kontrolin ang nararamdaman. Minsan kasi may pusong masokista. Kahit na sinasaktan na, nagmamahal pa rin. Sometimes the solution is just to try harder and get your man. Tingin ko kailangan ni Andreev ng isang lalaking magpapatunay na mali siya. Na magpaparamdam sa kanya na malungkot din na mag-isa at walang pinagkakatiwalaan. So are you up for the challenge? Sa palagay ko kung maipapakita mo sa kanya na pwede kang pagkatiwalaan, mag-iiba din ang tingin niya sa iyo.”
Hindi niya nasagot ang tanong nito. Kung ganoon ay may masamang karanasan si Andreev sa pag-ibig dati. Hindi na niya kasalanan iyon. Pero may masama rin siyang experience sa akin. At ngayon ay baka wala akong ipinagkaiba sa ex-girlfriend niya na pera lang ang habol sa kanya. After all, doon naman iikot ang kasal nila – sa isang business arrangement.
Matapos ang pagmimiryenda nila ni Andrya ay nagpaalam na rin itong umalis dahil ipinapatawag ito ni Evandro, ang isa sa village lords. Napansin agad niya ang tensiyon sa mukha ng dalaga na noon lang niya nakita. She was always cool and composed. “May problema ba?” tanong ni Jazzmire.
She gave her a cool smile. “Nah! Ito lang si My Lord Evandro gusto na namang iwan ko ang lahat ng ginagawa ko para pagsilbihan siya. Seriously, I am a psychologist here. Not his personal slave or anything.”
Nakataas ang kilay niya habang pinapakinggan ito. “Something going on between you two?”
“Nothing. There is just one arrogant lord who wants my attention. Di yata niya alam na hindi naman niya ako personal slave at entertainer.”
“Pero sinusunod mo pa rin siya?”
“Depende kung anong kailangan niya at kung anong iuutos niya. Ayos ka lang ba na mag-isa dito?”
Tumango siya. “Patapos na rin naman ako dito. Mas mabuti pang iwas-iwasan ko na lang si Andreev. He is nothing but trouble.”
“But trouble is attractive. Minsan kahit anong iwas natin, parang kusang lumalapit pa sa atin. Parang nanadya,” wika nito at tinapik ang balikat niya.
Sa pagkakataong ito ay iiwas na talaga siya kay Andreev. Kung ayaw siya nitong kausapin tungkol sa engagement nila ay walang problema. Pero kailangan niyang kausapin ang lolo niya tungkol doon. Palpak lang ang matchmaking ng mga ito kung ipipilit sa kanya si Andreev. It won’t work.
Paalis na siya ng Banyan Tree Restaurant nang makatanggap siya ng tawag mula kaibigan niyang si Kelly. “Hello, Kelly!”
Narinig agad niya ang hagulgol nito. “Hindi na nila pagbibigyan ang extension ng loan ko. Tumawag na ang bangko kanina para sabihin na three weeks na lang kami dito.”
“Ganoon lang?”
“Nakiusap pa nga ako pero galing daw sa taas ang utos para huwag nang i-extend ang loan ko. K-Kailangan na daw naming umalis. Hindi ko alam ang gagawin ko. Paano na ang mga bata? Paano na ang pangako ko kay Papa?”
“Sandali lang,” wika niya. “Tawagan mo sila Kuya Jairon at Kuya Drace. May kakausapin lang ako.” Kailangan niyang kausapin ang responsible sa lahat ng gulong ito.
Isa lang ang tumimo sa isip niya. Galing sa itaas ang utos na huwag nang i-extend ang loan ng kaibigan niya. At kung itse-check ang heirarchy sa bangkong iyon, isang tao lang ang nakikita niyang nasa taas na pwedeng maging dahilan ng kalupitang iyon.
“Andreev Montinola!” mariin siyang pumikit habang nararamdaman ang pagdaloy ng galit sa ugat niya kasabay ng pagbalik ng lakas niya. Sumosobra na ito. Oras na para turuan ito ng leksiyon.
MALALAKI ang hakbang ni Jazzmire nang bumalik sa arena. Pagdating niya sa arena ay ibang member na ang nagpa-practice. Katatapos lang daw ng batch nila Andreev mag-practice at tumuloy na sa shower room.
Sa pinto ng shower cum locker room ay nakabantay ang mga Sirens. Parang nagtatangka pang sumilip sa mga member sa kabila ng makapal na pinto.
“Tumabi kayo diyan!” utos niya.
“Bakit naman kami tatabi? Kami ang nauna dito. Kung gusto mo, pumila ka,” nakataas ang kilay na sabi ni Merian.
"Wala akong pakialam sa paninilip ninyo sa mga lalaki diyan. Tumabi-tabi kayo diyan kung ayaw ninyong isumbong ko kayo," banta niya.
"Wala nga kaming masilip tapos isusumbong pa kami," angal ni JK.
"Basta papasok ako. I have business to attend to. O gusto ninyong sa inyo ko ibunton ang init ng ulo ko?" Talagang kapag hindi pa siya pinadaan ng mga ito ay magwawala na siya. Kinabukasan at pangarap niya ang nakasalalay dito.
Biglang gumilid si Merian at binigyan siya ng daan. "Pwede palang pumasok sa loob ng shower room kung may business ka," sabi ni Merian.
"Wala naman tayong negosyo. Si Jazzmire meron," wika naman ni Francey. "Buti pa siya."
Taas-noo siyang pumasok sa shower room. Natigagal ang mga members na nakatuwalya at magbibihis na. Tinakpan pa ni Michigan ang harap nito kahit naka-bathrobe. "Miss, anong ginagawa mo dito?"
"Nasaan si Andreev?" pasigaw niyang tanong at namaywang.
Sabay-sabay na tumuro ang mga ito sa shower stall sa dulo. "Swerte naman ni Andreev. Pinapasok ng babae kahit sa shower room. Sarap ngang member dito," sabi ni Krammer.
"Bilisan mong magbihis. Ayokong masaksihan ang pagdanak ng dugo dito,” sabi ni Mattheu na nakakaamoy na ng dugo. Alam nito na hindi maganda ang mood niya.
“Hindi ba natin sasagipin si Andreev?” tanong ni Michigan. Kahit di lingunin ay alam niyang bakas ang takot sa mukha nito.
“Malaki na siya. Kaya na niya ang sarili niya,” wika ni Steffanos.
“Babae lang iyan. Kaya niyang solusyunan,” dugtong ni Audric.
Babae lang pala. Tingnan niya kung ano ang magagawa ng pagiging babae niya. “Pakisara ang pinto paglabas ninyo. At huwag muna kayong magpapapasok ng ibang tao. Magtutuos pa kami.”
Hinintay niyang maglabasan muna ang lahat bago tumapat sa stall ni Andreev. Lumalagaslas pa ang agos ng tubig sa loob. Makalipas ang ilang sandali ay tumigil ang pagdaloy niyon. “Steffanos, saan mo gustong mag-lunch?” tanong ni Andreev. “Steff! Audric!” Binuksan nito ang stall at nakatapis lang ito ng tuwalya. Nanlaki ang mata nito nang mabungaran siya. “What the heck are you doing here?”
Di siya nakapagsalita at dahan-dahang bumaba ang paningin niya. Mula sa malapad nitong balikat hanggang sa well-sculpted nitong dibdib at abs. Pero mas matindi ang ebidensiya na nakita niya nang bumababa-baba pa ang mata niya. Nanuyo ang lalamunan niya. Bumalik siya sa panahon noong volunteer pa sila. Pinapanood niya si Andreev na basang-basa ng pawis at bakat na bakat ang damit nito sa katawan. Sa harap niya ay walang kiyeme itong nagpapalit ng shirt nito. But he looked hotter now. Well-sculpted din ang muscles nito. Mmmm… Yummy!
“Anong tinitingin-tingin mo?” bulyaw nito sa kanya at saka biglang itinakip sa ibabang bahagi ng katawan nito ang tuwalya.
Saka lang siya biglang natauhan at bahagyang ipinilig ang ulo. Wala siyang oras para pagnasaan ito. Nandito siya para labanan ito sa pang-aapak sa kanya. Hindi para maging mahina dahil lang nakita niya ang halos hubad nitong katawan.
Inisip niya ang mga taong gustong umahon sa hirap. Paano na ang mga batang kalye magkakaroon sana ng bagong buhay?
“Wala nang extension ang loan para sa property na kinatatayuan ng Silver Lining Foundation and it is all your fault! Wala ka talagang puso! Wala ka talagang kaluluwa!” buong lakas na sigaw niya. Iyon na lang ang magagawa niya nang mga oras na iyon kahit ang gusto niya ay burahin ang guwapo nitong mukha.
“Wala akong kinalaman diyan,” kaila nito sa malamig na boses.
Inaasahan na niyang magkakaila ito. “Kapal din naman ng mukha mo. Gagawin mo ito tapos di mo aaminin ang totoo? Ang sabi ng loan officer ay utos galing sa itaas. Sino ba ang nasa taas na iyon? Hindi ba ikaw lang?”
“And why would I do that?”
“Para mapilitan ang kaibigan ko na ibenta sa kaibigan mong si Denmark Ledesma ang properties nila. At alam mong malapit din sa akin ang mga bata. Gusto mong parusahan ako dahil akala mo ako ang nag-set up ng kasal natin. Ipinakita mo sa akin kung anong kaya mong gawin. Na pwedeng maging mas miserable ang buhay ko kapag pinakasalan kita. Pwes, miserable na ako ngayon. Pinaparusahan mo ako kahit wala naman akong kasalanan sa iyo. Nandadamay ka pa ng iba.”
Pumunta ito sa locker at inilabas ang damit nito. “Hindi ko pinakialaman ang loan ng kaibigan mo.”
Kinuyom niya ang palad. “Huwag kang magsinungaling. Gusto mo akong gantihan. Gusto mo akong sumuko. Why not hit two birds with one stone? Masaya ka na ba ngayon? Babalik na naman ang mga bata sa kalye oras na mawala ang foundation. Inaalisan mo sila ng pagkakataon na mas pagandahin ang buhay nila. Sinisira mo ang pangarap nila at ang pangarap ko sa kanila.”
Naramdaman niya ang pamamasa ng luha sa mga mata at tinalikuran ito. Hindi niya ipapakita dito na mahina siya. Di siya iiyak sa harap nito kahit na nasasaktan siya. Nasabi na niya ang mensahe niya. Saka na lang niya ito gugulpihin kapag hindi na siya naiiyak. Ang gusto na lang niya ngayon ay ang makalayo dito para malaya siyang makaiyak.
Binuksan niya ang pinto subalit naka-lock iyon mula sa labas. She was trapped inside the shower room with Andreev. An almost naked Andreev at that.