Nagsimulang mag-panic si Jazzmire. Wala siya sa mood na mapag-trip-an ngayon. Mas gugustuhin niyang makulong sa isang hawla kasama ang isang gutom na leon kaysa kay Andreev.
Hindi ito pwede! Hindi ito pwede! Naiiyak na ako. Ayoko dito sa loob kasama si Andreev. Ayoko! Kailangang makawala siya doon habang di pa siya tuluyang nanghihina. Habang kaya pa niyang kontrolin ang emosyon niya.
“Buksan ninyo ang pinto! May tao pa dito sa loob,” sigaw niya at kinalabog ang pinto.
“ Na-lock tayo?” tanong ni Andreev at pumalatak. “Damn! Baka naman inutos mo sa kanila na…”
Nilingon niya ito at sinibat ng matalim na tingin. “Huwag mong sasabihing kasalanan ko na naman na nakakulong tayo dito. Kung ako ang masusunod ayoko nang makita ka.”
“Hindi ko naman sinasabi na…”
“Masama kang tao. Mas gusto kong pakasalan ang isang magbobote na nirerespeto ako kaysa sa tulad mong mukhang pera ang tingin sa lahat ng babae. Di ko kailangan ng pera mo. Kaya kong magtrabaho. Wala naman akong kasalanan sa iyo. Bakit mo ako ginaganito?”
Di na niya napigilan at tuluyang bumigay ang emosyon niya. Napahagulgol siya ng iyak at napasandal sa pinto. She felt helpless. Ni hindi niya masaktan si Andreev para man lang ipagtanggol ang sarili niya o ang mga taong maaapektuhan ng ginawa nito. Ni hindi niya magawang makalayo dito.
“Please! Palabasin ninyo ako. Ayoko dito.” Sa inis niya ay tinadyakan na niya ang pinto. Wala siyang pakialam kung ireklamo man siya ng damage to property. Paano naman ang damage na ginawa ng mga ito sa kanya? “Maawa naman kayo sa akin. Ayoko dito! Ayoko!”
“Jazzmire, tumahan ka na. Baka akala nila may masama akong ginagawa sa iyo,” sabi nito at tumayo sa likuran niya.
“May masama ka naman talagang ginawa. Mas gusto mong manggipit ng tao para sa pera. At dine-deprive mo ng pagkakataon ang mga street children na ayusin ang buhay nila. Iniiyakan ko ang lahat ng mga sinira mo. Kaya huwag mo akong utusan na huwag umiyak. Magtiis ka dahil kasalanan mo ang lahat ng ito. Wala kang puso.”
Ano bang nangyayari sa kanya? Bakit siya pinaglalaruan ng tadhana? Wala naman siyang ginagawang masama. Bakit kailangang laging iharang sa daraanan niya si Andreev para lang sirain ang nga pangarap niya sa mga taong malalapit sa kanya? Napaka-unfair. Okay lang kung akusahan siya nito ng kung anu-ano dahil sa kapraningan nito pero hindi tama na madamay ang mga pangarap ng mga bata. Anong gagawin niya ngayon?
“Jazzmire,” anito sa malumanay na boses. Naramdaman na lang niya ang pagyakap nito sa kanya mula sa likuran at isinandig siya sa katawan nito.
Napapikit siya at dinama ang init ng katawan nito. Sa malambing na boses nito at init ng katawan nito ay unti-unting natutunaw ang galit niya. Bahagya rin siyang tumahan. Anong nangyayari? Bakit niyayakap siya ng impaktong ‘to? Hindi ba ito nga ang gusto nito? Ang maging kawawa siya at magmukhang busabos.
Hinaplos nito ang buhok niya. “I am sorry. Hindi ko talaga alam na hindi na ie-extend ang loan ng kaibigan mo. Believe me. Wala akong kinalaman doon.”
Gusto niyang iutos dito na huwag siyang yakapin o ayuin pero wala siyang lakas para tanggihan ito. “Sino ang pwedeng gumawa nito sa akin? Ikaw lang naman may kapangyarihan na pahindian iyon.” Alam niyang pagbibigyan siya dahil ang Lola Milagros mismo nito ang magba-back up sa kanila.
Bumuntong-hininga nito. “I don’t know. Just give me a chance to make things right. Ako mismo ang mag-uutos na i-reevaluate ang loan status ng mga Tan. Ako mismo ang mag-a-assure na maaprubahan iyon basta pwede pang bagbigyan. Patutunayan ko sa iyo na di ako masamang tao.”
Kinalas niya ang mga braso nitong nakayakap sa kanya kahit pa nagprotesta ang buong pagkatao niya. Matalim siya nitong tiningnan. Di dahil niyakap-yakap siya nito ay magiging mahina na siya dito. “Hindi ko alam kung dapat kitang pagkatiwalaan, Andreev. Mula sa simula pa lang ay tinrato mo na akong kaaway. Your words are just words.”
Masyado na siyang nasaktan. Malay ba niya kung nagbabait-baitan lang ito para kumalma siya o kaya ay nakokonsensiya na ito kaya gustong makipag-ayos sa kanya. Pwede niya itong isumbong kay Lola Milagros o kay Fritzella kung gugustuhin niya. At siya ang kakampihan ng mga ito.
“Jazzmire, hindi ako masamang tao. I don’t do underhanded tactics,” anito sa boses na may halong pagmamakaawa.
Pinalis niya ang luha sa mata niya. “Then don’t force me to take things with my own hands. Pwede namang pakasalan na lang kita at magpapakasasa ako sa kayamanan mo para di na kailangang maremata o ibenta ang foundation. Mas madali ang buhay ko kung pipikutin kita ngayon kaysa patunayan kong hindi ko habol ang pera ninyo.”
Humalukipkip ito. Nakatapis pa rin ito ng tuwalya. Saka lang niya naramdaman ang pag-iinit ng pisngi niya. Kanina kasi ay nilalamon siya ng galit niya kaya hindi niya iyon pinansin. “Bakit nga ba hindi mo pa ako pinipikot?”
“Kailangan ko ng pagmamahal at respeto ng isang lalaki. Tulad ng nakita ko sa magulang ko. Sa lolo at lola ko. Kaya kahit na mahal ko pa ang isang lalaki, di ko siya pakakasalan kundi niya ibabalik sa akin ang pagmamahal at respeto na iyon.”
Huminga ito ng malalim. Animo’y nagulat ito sa sinabi niya. Mahabang sandali siya nitong tinitigan. Iniisip ba ng binata kung dapat siyang paniwalaan o hindi? Wala na siyang pakialam kung anong gusto nitong paniwalaan. Gusto lang niyang ayusin ang buhay niya.
“Tatawag na ako sa labas para pagbuksan tayo dito,” sabi nito at may pinindot sa wristwatch nito. Sort of a distress call that will be relayed to the command center of the club.
Niyakap niya ang sarili at sumandig sa pinto. Nanghihina siya. Kaya niyang magpatumba ng limang lalaki sa isang laban. Pero pagdating kay Andreev, nanghihina siya samantalang puro salita lang ang labanan nila. Hindi pa siya umuurong sa laban noon. But now she wanted to run away. Really. Hindi niya alam kung paano siya nakatagal sa verbal sparring nila nang nakatapis lang ito ng tuwalya. Niyakap pa siya nito. Ngayong humupa na ang galit niya at mabait na ito sa kanya, alam niyang di magandang ideya na manatili silang nakakulong doon. He was gorgeous. Magulo ang laging maayos nitong buhok dahil kagagaling pa lang nito sa paliligo at di pa nagsusuklay. And he smelled so divine. And his lean yet muscular body was to die for. Hindi siya ang tipo ng babae na nagnanasa sa mga lalaki, being one of the boys. Pero pagdating kay Andreev ay tumutulo ang laway niya. Damn hormones!
Narinig niya ang pag-click ng pinto. Nang pihitin niya ang seradura ay napihit na niya iyon at bumukas. “You may go now,” wika ni Andreev. “Paiimbestigahan ko kung sinuman ang di nag-grant ng extension ng loan mo ng mga Tan.”
“Salamat,” mahina niyang usal nang matigilan. He was the enemy. Hindi siya dapat maniwala sa anumang sasabihin nito pero nang mga oras na iyon ay naramdaman niya ang sinseridad nito. Malungkot niyang nilingon si Andreev. “Sorry sa babaeng nanloko sa iyo. Gusto ko lang malaman mo na di lahat ng babae katulad niya. Di lahat ng babae ay pera ang hahabulin sa iyo. Hindi ako ang ex-girlfriend mo.”
Binuksan niya ang pinto at patakbong lumabas. Di niya pinansin ang curious na mga matang nakasunod sa kanya. Pwede niyang mahalin si Andreev kung pagbibigyan lang siya nito.
MADILIM ang mukha ni Andreev nang ihimpil ang BMW niya sa harap ng mansion ng mga Montinola. Dapat ay magtatagal pa siya sa Stallion Island para panoorin ang gaganaping dressage tournament. May nakatakda din siyang meeting sa ilan sa mga member tungkol sa tie up ng bangko niya sa iba’t ibang negosyo ng mga ito. He had to cancel everything just to get home.
Sinalubong agad siya ng kawaksi at binati. "Nasaan si Lola?" tanong niya agad.
"Nagbabasa po ng libro sa tabi ng pool, Sir."
Matapos magpasalamat ay malalaki ang hakbang niyang tinungo ang pool area. Nang makita itong nakahiga sa lounging chair ay kinalma niya ang sarili. He was seething mad actually. Matapos niyang malaman ang ginawa nito.
“Lola, pwede ba tayong mag-usap?” tanong niya nang tumayo sa harapan nito.
“Andreev,” anito sa malambing na boses at inalok ang kamay sa kanya.
Wala siyang choice kundi halikan ang likod ng palad nito kahit na gusto niyang sumabog anumang oras. His grandmother was already in her late sixties. Pero mukhang nasa late fifties pa lang ito. Hindi iyon dahil sa mahilig itong maglagi sa mga health spas o sa kung anumang modernong treatment ang ginagawa ng mga babae ngayon para magmukhang bata. Lagi nitong sinasabi na nakukuha nito ang batang anyo sa pagiging masayahin. She was known for her kind nature. Isang bagay na nagustuhan ng lolo niya dito. Pero sa tinagal-tagal ng pagkakakilala niya dito ay ngayon lang niya nalaman na may itinatago pala itong lihim.
“Akala ko nasa Stallion Island ka pa. Papunta doon ngayon si Alfonso. Alam mo ba na may invitation siya para maging member…”
Pinutol niya ang iba pang sasabihin nito tungkol sa kapatid niyang si Alfonso. Hindi niya iyon kailangan sa ngayon. "Lola, totoo po ba na kayo ang nag-utos na huwag nang i-extend ang loan ng mga Tan?" mahinahon tanong niya subalit naroon ang tinitimping galit.
Sinapo nito ang dibdib at ininom ang plum iced tea na paborito nito at saka magaang tumawa. "Oh! I never thought you'd care. Ano ba naman sa iyo iyon? Nandoon lang naman ang mga batang nagnakaw ng gamit ko. Sabi mo pa nga ay diskumpiyado pa sa foundation lalo na’t nandoon si Jazzmire.”
Naningkit ang mga mata niya. Ni hindi man lang nag-abala ang lola niya na ikaila iyon. He was appalled. Noong una ay ayaw pang aminin ng loan officer na si Mr. Racelis kung saan galing ang utos. Pero sa huli ay napilit din niya ito at nagimbal siya nang sabihin nitong pinagpipitaganang si Doña Milagros Mondragon ang may kagagawan ng lahat. Ito ang nagdala ng kamiserablehan kay Jazzmire at sa kanya.
"That's not the point,” aniyang di mapigilang magtaas ng boses. “I thought you like her. Dahil sa ginawa ninyo, ako ang napagbintangan niyang humarang sa extension ng loan ng mga Tan. Galit na galit si Jazzmire sa akin."
And Jazzmire cried. When she cried, it almost ripped him to shreds. Hindi si Jazzmire ang tipo ng babaeng gagamit ng luha para makuha ang gusto o para magpaawa. At kahit na di siya ang nag-utos na huwag i-extend ang loan, nakaramdam siya ng guilt. Parang kasalanan niya kung bakit ito umiyak at nasaktan. Mas masakit dito na maparatangang gold digger. Kung gusto siyang pikutin nito, kayang-kaya nitong gawin. Pero hindi nito ginawa. Mas mahalaga dito ang pagmamahal at respeto. At sa huli, naintindihan din niya ang inisip nito.
Naging malamig ang anyo nito. "I like Jazzmire. Pero kailangan pa bang pagbigyan ang mga Tan? Masyado nang mahaba ang extension na ibinigay natin sa kanila lalo na’t namatay ang padre de pamilya nila last year. Sobra na iyon.”
“Sinusubukan nila na kumalap ng pondo para magbayad.”
“Gusto mong tulungan si Jazzmire at ang Silver Lining Foundation? Then marry her. She will have unlimited access to our money then as a Montinola to help her business and her favorite charity,” his grandmother declared then clicked her fingers.
Naningkit ang mga mata niya. "Jazzmire is not a gold digger."
Tumaas ang gilid ng labi ng lola niya. "You finally realize that. At sana ma-realize mo din kung gaano kalaki ang mawawala sa iyo kung hindi mo siya pakakasalan. Tandaan mo na may isa pa akong apo na mas matanda sa iyo at gagawin ang lahat para sa akin.”
Alam niya kung anong nakatakdang mawala sa kanya oras na hindi niya pakasalan si Jazzmire – ang East Dragon Bank, ang pamilya niya. Lahat ng mga bagay na nakaladlad sa paanan niya mula nang ipanganak siya ay mawawala sa kanya sa isang iglap lang at mapupunta kay Alfonso.
Naalala niya ang sakit sa mga mata ng ina niyang si Fritzella nang tumanggi siyang pakasalan si Jazzmire. Maraming sakit na pinagdaanan ang ina niya sa buong buhay nito. At tumindi pa ang sakit na iyon nang malaman nito na may anak ang ama niya sa ibang babae. Sa babaeng unang minahal ng ama niya. Sa babaeng pinili nitong ipaglaban sa mga Montinola pero iniwan ito para ipagpalit sa ibang lalaki na mas mayaman dito. It was his mother who was there for his father during his downfall. Sinikap ng ina niya na buuin ang pamilya nila. At ngayon ay parang mawawasak ang pangarap nito oras na mabigo siya.
Mukhang wala siyang choice kundi ang pakasalan si Jazzmire. Para sa nanay niya. Para sa mga pangarap nila.
Jazzmire didn’t want to marry him anymore. Of course, wala siyang gusto na di niya nakukuha. Madali lang para sa kanya na i-pressure si Jazzmire para pakasalan siya ngayon. At presto! Walang mawawala na kahit isang kusing sa kanya. He would gain the presidency of East Dragon Bank. Parang isang bitag na ihinanda sa kanila ni Jazzmire.
Hindi magbabago ang isip ng lola niya. Posibleng mawala sa kanya ang lahat. Pero isusugal ba niya ang kaligayahan ni Jazzmire at ang mga pangarap niya para sa pansarili niyang interes? Malaya naman nitong matutupad ang pangarap nito kahit na hindi siya pakasalan. While he would be left with nothing. He was trapped just the same.
Kailangan na niyang magdesisyon. Kailangan niyang makuha ang kooperasyono ni Jazzmire sa lalong madaling panahon bago pa tuluyang mawala ang oras.
MABIGAT man ang loob ay ihinanda ni Jazzmire ang ngiti nang tumigil ang kotse niya sa harap ng Silver Lining Sports Foundation.
"Masterrrr!" sigawan ng mga bata at pumaikot sa kanya. “Master” ang tawag sa kanya ng mga ito dahil may black belt siya sa taekwondo at siya rin ang instructor ng mga ito.
"Okay ba ang training ninyo?" tanong niya. Ilang araw din siyang nawala dahil sa pananatili niya sa Stallion Island. It was stressful on her part. Hindi niya alam kung paano pa hahanap ng sapat na pondo ngayong dalawang linggo na lang ang at palalayasin na ang foundation sa kinatatayuan nito. Problemado si Kelly at plano nang ibenta ang condo nito o iyon ang idagdag na prenda sa bangko. It was tough. Alam niyang iyon na lang ang huling alas ng kaibigan niya. Nagdesisyon siyang bumalik sa Maynila dahil nagbabaka-sakali siyang may iba pa siyang malalapitan.
"Opo. Pero may gusto pong sumali sa training namin. Nakakatawa nga po kasi matanda na siya," sabi ng anim na taong batang si Ronald.
Kumunot ang noo niya. "Sino?"
"Ako," sabi ng boses sa pinto ng training room.
Parang namalik-mata siya nang makita si Andreev na nakasandal sa hamba ng pinto. Nakasuot ito ng ji o uniform na ginagamit sa martial arts. Pa-V ang neckline niyon at nakabuka. Nasilip niya ang pagtaas at pagbaba ng maskulado nitong dibdib at biglang nag-flash sa utak niya kung anong itsura nito kapag walang damit.
Ipinilig niya ang ulo. Kung anu-anong iniisip niya. Puro mga bata pa mandin ang kasama niya. "Anong ginagawa mo dito?"
"Nanliligaw po siya, Master Ganda," sagot ni Budoy, ang batang nanghablot ng bag ni Lola Milagros. Nagsisimula na ng training ang mga ito at bahagyang nadidisiplina.
"Tinuturuan po namin siyang manligaw," sabi ni Kokoy, ang mas bata sa magkapatid.
"Nagtuturo na kayong manligaw. Ibig sabihin perfect na ang mga sipa ninyo. Kabisado na rin ninyo ang kata na itinuro ko sa inyo," tukoy ni Jazzmire sa floor exhibition.
Napakamot si Budoy. "Pwede namang bakbakan na agad."
“Sige. Bumalik na kayo sa training room.” Nakapilang bumalik ng training area ang mga bata. Dati ay mahirap pasunurin ang mga ito subalit ngayon ay may disiplina na. Hinarap niya si Andreev na mukhang hinihingal pa dahil sa training. "Anong ginagawa mo dito?"
"Dumalaw dito si Alessandrace. Sumabay na ako dito. At gusto kong makita..." Umangat ang mga mata nito at tinitigan siya.
Napigil niya ang paghinga. Gusto ba siya nitong makita? Naisip na nito na di niya habol ang pera nito? Na hindi naman talaga siya masamang babae?
"Gusto kong makita ang foundation at ang mga bata,” pagpapatuloy nito. “Nag-training na rin ako. Dati akong nag-taekwondo noong bata ako. Kaso white belt lang ako. Na-bore kasi ako dahil hindi agad nagsipaan. Mabuti na lang mas mahaba ang pasensiya nila."
"Ito na kasi ang buhay nila. Dati sa kalsada sila nakatira. Di nag-aaral at madungis. May nagbebenta ng kung anu-ano, may nagnanakaw tapos ibibili lang nila ng rugby. Gusto lang nila ng tamang pagkakataon. Kita mo naman. Iba na ang itsura nila ngayon. Lahat sila hindi na mukhang mga gusgusin. May mga pangarap na rin sila."
"At nagtuturo ka sa kanila? Tapos inaasikaso mo pa 'yung negosyo mo. Sa mga batang makukulit pa lang, masakit na sa ulo. Parang may beinte kang anak."
"Mas makulit pa ako sa kanila noong bata ako. Kaya okay lang sa akin kahit makulit sila dahil kung gusto nilang tumagal dito, kailangan nilang sumunod."
Tumango ito at ilang sandaling di nagsalita. "Jazzmire, aprubado na ang loan mo. Ako mismo ang tumiyak na maa-aprubahan iyon."
She was relieved. Gusto niyang magtatalon sa tuwa nang mga oras na iyon pero di na yata siya nagulat sa balita nito. Tumaas ang kilay niya. "Nakonsensiya ka sa ginawa mo?"
"Hindi ako ang nag-utos na huwag i-extend ang loan,” paglilinaw nito.
"Sino?"
Iniwas nito ang tingin at namulsa. "Di na 'yun mahalaga. Ang importante ay extended na ang pagbabayad ng loan ng mga Tan. Pwede silang huwag munang magbayad sa loob ng anim na buwan. At sabihin lang ninyo kung may iba pa akong maitutulong sa inyo”
Nakalabi niya itong tinitigan. Mukha naman itong sincere. Siguro ay nakonsensiya na ito sa ginawa sa kanya at gustong bumawi. "Seryoso ka na gusto mong tumulong at extended na ang loan?"
"Oo naman. Kung gusto mo samahan pa kita sa bangko ngayon kung wala kang tiwala sa akin. Nasabi ko na kay Kelly at ang loan officer mismo ang kumumpirma sa kanya."
Natutop niya ang bibig. Totoo nga. Extended na ang loan. Ilang araw din siyang di makatulog dahil doon. Akala niya ay di niya matutupad ang mga pangarap niya para sa foundation. Naramdaman niya ang pamamasa ng mata niya. Wala na siyang poproblemahin.
"Andreev, thank you." Niyakap niya ito ng mahigpit. "Malaking bagay talaga 'to para sa akin at sa mga bata. Hindi mo pagsisisihan 'to."
Tuluyan nang nawala ang mga alalahanin niya. Sa wakas ay matutupad na ang pangarap nilang magkakaibigan. Matutupad na rin ang pangarap ng mga taong umaasa sa kanila.
Hinaplos nito ang likod niya. "Basta huwag ka lang umiyak. Baka magulpi ako dito. Baka akala nila pinapaiyak kita."
Pumikit siya. Di niya alam kung dahil sa approval ng loan niya kaya sobrang gaan ng pakiramdam niya o dahil yakap-yakap siya ni Andreev. Huminga siya ng malalim. Gusto niya ang natural na amoy nito at ang panlalaking cologne nito.
Kumalas siya sa pagkakayakap dito at pinahid ang luha niya. "Ikaw lang naman talaga ang nagpapaiyak sa akin."
Hinaplos ng daliri nito ang pisngi niya. May bahagyang lungkot sa mga mata nito. "I am sorry. Hindi na mauulit. Next time na paiyakin kita, may lisensiya ka nang pikutin ako."
Kumunot ang noo niya. "Okay lang sa 'yo na mapikot? I want that one in writing, signed and notarized."
Bahagya itong ngumiti. "Of course I won't make you cry anymore."
Parang may sumipa sa dibdib niya nang makita ang bahagyang pagngiti nito. Ngayon lang yata niya ito nakitang ngumiti at lalo itong naging guwapo. Her legs became mushy again. Parang gusto yata niyang paiyakin siya nito para mapikot niya ito. Pwede naman siya nitong paiyakin dahil sa tuwa, hindi ba?
"Jazzmire, my princess! I am here as I promised!"
Lumingon siya sa pinto at nakitang nakatayo doon ang bago nilang sponsor na si Alfonso Cordova na may dalang dalawang malalaking paper bag. “Hey!” masaya niyang sinalubong ito. “Akala ko next week ka pa babalik.”
“I can’t stay in Stallion Island forever. Ano naman ang gagawin ko doon kung wala ka? Ayokong ma-miss mo ako kaya sinundan kita dito.”
Natawa na lang siya. Smooth as jazz. Iyon ang masasabi niya kay Alfonso Cordova. He was a world-renowned fashion photographer. Kadalasan ay naiinis siya sa mayayabang na playboy na tulad nito pero na-realize niya na nakakapagod lang kung lagi niya itong babarahin kaya sinasakyan na lang niya ang mga pagpapa-cute nito. He was cute after all.
Naramdaman niyang lumampas ang paningin nito sa kanya. “May bisita ka pala.”
“Oh!” Nilingon niya si Andreev.
Akmang ipapakilala niya ang mga ito sa isa't isa nang magsalita si Andreev. "What are you doing here?" Nahimigan niya ang animosity sa boses ni Andreev at tiningala ito. Bakas ang disgusto sa mukha nito.
Itinaas ni Alfonso ang dalawang kamay. "Relax, Andreev. Nandito ako para dalhan ng pagkain ang mga bata dito."
“May problema ba?” tanong niya at pumagitna sa mga ito.
Hinatak siya ni Andreev palapit sa kanya. “Huwag kang lalapit sa lalaking iyan. He is dangerous,” bulong nito sa kanya.
"Ha? Siya ang pinakabagong sponsor namin,” wika naman niya. Anong problema ni Andreev? Lahat na lang ba ay kalaban nito?
"How about you? Huwag mong sabihing bagong scholar ka dito," tatawa-tawa nitong tanong kay Alfonso at pinagmasdan ang suot nito. "Aampunin kita kung gusto mo."
Dumilim lang ang mukha ni Andreev at di sinakyan ang biro ni Alfonso. May namumuong tensiyon sa pagitan ng mga ito. As if there was a silent war. Hindi niya nagugustuhan ito. May nangyayari bang hindi niya alam?
"Anong miryenda ang dala mo?" tanong niya kay Alfonso para alisin ang tensiyon sa dalawa.
"Vegetarian siopao. Siyempre meron ka. Kaya nga iyon ang idinala ko dahil alam kong paborito mo 'yon. Kung available ka this weekend, pwede kitang i-tour sa factory ko,” alok ni Alfonso. “I am part owner of the company. It is my latest venture.”
Nagningning ang mga mata niya. “Talaga? Itu-tour mo ako?”
Weakness niya ang vegetarian siopao at siomai. Na-amaze si Alfonso nang makasabay siya nitong kumain sa buffet matapos ang dressage competition sa Stallion Island kung saan nag-booth ang Veggie Good na nagse-serve ng puro vegetarian dishes. Biniro siya nito na lugi daw ang negosyo kapag siya ang may-ari dahil malakas siyang kumain. Di naman siya na-offend doon. Na-appreciate naman kasi niya ang pagkain.
"Hindi siya available this weekend. May date kami," maagap na sabi ni Andreev at humawak sa baywang niya.
Nahigit ni Jazzmire ang hininga at gulat na tininangala ang binata. "Andreev..."
Biglang naging possessive ang binata sa kanya. Hindi niya maintindihan. Aprubado na ang loan niya. Nalinawan na rin si Andreev na wala siyang intensiyon na perahan ito o pakasalan ito. Pero di ibig sabihin ay gusto na siya nito. Bakit ngayon ay bigla itong magdedeklara na magde-date sila? Saan nanggaling iyon?
"Hindi ba ise-celebrate natin 'yung good news na sinabi ko sa 'yo?" anito at kinintalan siya ng halik sa gilid ng labi. "Hindi mo pwedeng kalimutan 'yon."
Tuluyang tumigil ang mundo niya nang maramdaman ang halik nito. Parang tinamaan siya ng kidlat. He kissed her as if he really meant it. Okay. It was not a real, sensual kiss. But it was as good as that for someone who hasn’t been properly kissed. Anong ginagawa ni Andreev? Kung kailan sinukuan na niya ito, saka naman nito ginugulo ang mundo niya.
"Sige. Sa ibang pagkakataon na lang. Enjoy your date." Sumaludo si Alfonso kay Andreev. "Kung kailangan mo ng tip sa pakikipag-date, sabihin mo lang sa akin. Alam ko naman na hindi ka sanay makipag-date."
"I don't need help from you," mariing wika ni Andreev.
"I am just being...brotherly," sabi ni Alfonso sa suwabeng boses.
“Alfonso, you are here,” anang si Alessandrace na lumabas mula sa training room ng mga bata. “Gusto mo ba ng tour sa foundation?”
“Sure,” anang si Alfonso at sumama dito.
"Nanliligaw ba 'yun sa 'yo?" madilim ang mukhang tanong ni Andreev nang silang dalawa na lang ang nasa lobby.
"Hindi. Mabait lang talaga siya sa akin at saka willing siyang tulungan ang mga bata,” aniya at nagkibit-balikat.
"He is a flirt. He has a girlfriend. Hindi mo ba alam?”
"Break na daw sila. Saka ano naman ngayon? Hindi ko naman siya type. Naaaliw lang ako sa kakulitan niya but that’s it. Huwag mong sabihing gusto mo akong protektahan kay Alfonso kaya niyaya mo akong makipag-date?” tanong niya at humalukipkip.
"No. I really came here to ask you out and I am not giving you a chance to say no."
Mataman niya itong tinitigan. "Bakit? Sa lahat ng pagkakataong nagkikita tayo, malinaw mong sinabi sa akin na wala kang interes sa akin. That I am just a good for nothing brat. Makikipag-date ka sa babaeng mas lalaki pa sa iyo."
"Mukhang mali ang pagkakakilala ko sa iyo. Let's start all over again. That is if you will give me a chance. Will you go out on a date with me?"
“Yes,” sabi agad niya at di na niya kinuwestiyon pa ito. “I just have an early meeting at the office of Human Loves Nature. Alas diyes tapos na ako. I am free for the rest of the day. You can fetch me there.” Hindi na siya magpapakipot pa. She wanted to be with Andreev.
He stared at her. His eyes had a sensual glaze on it. “You won’t regret it.”