Chapter Andreev Montinola: Chapter 8

LUMULUTANG ang utak ni Jazzmire habang nagmi-meeting. Alas nuebe pa lang ng umaga pero parang gusto pa niyang bumalik sa higaan. Kung bakit kasi sa araw na iyon pa natapat ang brainstorming ng materials nila para sa training ng promodisers nila. Importante ang role ng mga ito dahil sa training ipapaliwag ang advantage ng mga products nila na all-natural at kung anong harmful chemical components mayroon ang leading brand na nakakasira naman ng kalikasan.

"Jazzmire, okay ka lang? Mukhang wala kang tulog," untag sa kanya ni Freezia nang di niya masagot ang tinatanong ng mga ito. Samantalang nasa harap lang naman niya ang sagot.

Humikab siya. "Excited ako sa presentation kaya hindi ako nakatulog."

"Presentation? Ang sabihin mo excited ka sa date ninyo ni Andreev ngayon," kontra ni Illiana. Hindi na niya naitago sa mga kaibigan niya ang date nila ni Andreev. "Love is lovelier the second time around?"

"Date lang. Pagbibigyan ko lang dahil mapilit." Saka iniwas ang mga mata dahil ang totoo ay kinikilig siya. Baka sabihin ng mga ito na matanda na siya para kiligin. Hindi na siya teenager. Pero kahit na anong sabihin niya sa sarili na dapat ay di siya masyadong ma-excite ay hindi pa rin siya makatulog. Kung anu-anong scenario ang tumatakbo sa isip niya. Hindi kasi niya alam kung anong plano ni Andreev para sa date nila. Basta ang sabi nito ay sa Stallion Island siya pupunta sa weekend.

Hindi naman siya masisisi dahil first time siyang niyaya ng lalaking gusto niya. Pakiramdam tuloy niya ay ngayon pa lang siya nagdadalaga. Minsan ay nakatulala lang siya at nagde-daydream. Pakiramdam niya ay diyosa siya nang harangin ni Andreev ang pakikipag-date ni Alfonso sa kanya.

"Sige na. Kami na bahala dito. Mag-beauty rest ka dahil baka magbago isip ni Andreev kapag nakita ka. Mukha kang zombie," kantiyaw ni Illiana.

Hinalikan niya sa pisngi ang mga kaibigan. "Thank you. This day really means a lot to me. Babawi ako sa inyo."

"Maglagay ka ng pipino sa mata mo. Meron sa ref ko,” pahabol ni Illiana.

Ang totoo ay wala siyang hilig sa beauty regimen. Wala nga siyang pakialam sa itsura niya minsan kung mukha siyang di nagsusuklay. Pero para kay Andreev ay mag-e-effort siya.

Paglabas niya ng conference room ay nilapitan siya ng sekretarya niya. "Ma'am, nandito na po si Mr. Andreev Montinola. Hinihintay po kayo sa opisina ninyo."

"Ano? Sobrang aga naman niya." Alas diyes pa ang usapan nila ni Andreev. Mas maaga ito ng thirty minutes. Baka naman excited din ito sa date katulad niya.

Tinakbo niya ang opisina niya. Hindi na niya napigilan ang matinding excitement niya. Wala na siyang pakialam sa pipino na ten minutes lang niyang itatapal. Wala na siyang pakialam kahit mukha siyang panda dahil sa kakulangan ng tulog. Hindi na siya makapaghintay na makitang muli si Andreev.

Binuksan niya ang pinto. “Andreev! Aalis na ba tayo?" hinihingal niyang tanong.

Nagulat pa ang binata na may binabasa sa IPad nito. “O! Akala ko may meeting ka pa?”

"Tapos na kami. Alas diyes na sa relo ko. Bakit? Late ba 'yung sa 'yo?" nagpapalusot niyang tanong at pasimpleng in-adjust ang wristwatch niya. Hindi niya aaminin dito na sa sobrang excitement niya sa date nila ay di na niya tinapos ang meeting niya sa mga kaibigan.

Sumilay ang ngiti sa mata nito. "Buti pala maagang natapos ang meeting ko. Hindi ka ba nagugutom?"

"Hindi." Makita lang niya ito ay busog na siya. Tinitigan siya nito. "Bakit ganyan ka kung makatitig?" Huwag lang nitong sabihing mukha siyang panda bear. Magku-kung fu panda talaga siya. Kasalanan din naman nito kung magmumukha man siyang haggardo. Di siya nito pinatulog kagabi sa sobrang excitement niya sa date nila.

Tumayo ito at naglakad palapit sa kanya habang di pa rin inaalis ang tingin sa mukha niya. Hinaplos nito ang pisngi niya. "You are beautiful."

Nahigit niya ang hininga kasabay ng paggapang ng sensasyon sa buong katawan. Wala siya halos tulog pero biglang sumigla ang pakiramdam niya. Parang blooming na blooming siya. Pinagsalikop niya ang palad at ngumiti. Hindi na niya maitago ang kilig.

"Talaga? Thank you. Ang totoo wala pa akong tulog niyan,” kimi ang ngiti niyang wika at inipit ang hibla ng buhok niya sa likod ng tainga niya.

"Kaya pala parang panda ang mata mo."

"Ganoon?" Biglang naglaho ang ngiti niya at ang magandang pakiramdam niya. Hindi na niya magawang maglakad. Parang gusto na lang niyang maiyak.

"But you are still beautiful,” biglang bawi ng binata.

Tapos na. Nasaktan na siya. Ngayon pa ito babawi? Minsan na nga lang siya nitong sabihan na maganda. Ano iyon? Pampalubag-loob. Kailan pa nagkaroon ng magandang panda?

Humalukipkip siya dahil parang mas kumbinsido itong mukha siyang panda kaysa maganda. "Tagos ba 'yan sa puso o itinuro sa iyo ng mga members ng Stallion Island?"

“Itinuro?”

“How to flatter a woman. Alam ko naman na bolero ang mga members doon.”

Tumalim ang mata nito. "Mukha ba akong nagsisinungaling? Kayong mga babae umaangal kapag di sinasabing maganda kayo. Kapag naman sinabing maganda kayo, sinasabing binobola kayo. Tingin mo ba pangit ka?"

Itinaas niya ang baba. "Maganda ako. Ewan ko lang sa tingin mo."

Inilapit nito ang mukha sa kanya. "I think you are beautiful. Hindi ko na uulitin na tawagin kang panda. Maganda ka kahit na mukhang wala kang tulog. Is that better?"

“Pwede na,” nakalabi niyang sabi. Ay naku! Dapat ay makabawi ito sa kanya sa date nila. Mahirap nang bawiin ang mood niya.

Hinatak nito ang kamay niya. "Let's go. The jet is waiting for us."

Nang nasa kotse na sila at bumibiyahe ay saka niya naramdaman ang matinding antok. May itinatanong si Andreev sa kanya pero hindi pumapasok sa utak niya. Pumipikit na ang mata niya. "Inaantok ka?” tanong nito sa kanya.

"Ummmm..." ungol niya. "Sorry. I can't help it."

"Matulog ka lang. Kung saan ka komportable. That's fine with me."

"Talaga?" tanong niya. Hindi masakit sa ego nito na tutulugan ito ng ka-date nito? Ang alam niya ay mas gusto ng mga lalaki na naka-focus sa mga ito ang atensiyon ng ka-date nito.

"Malayo pa naman sa airport. Gigisingin kita kapag nandoon na tayo. Pwede kang mahiga kung gusto mo. Whatever makes you comfortable."

Di na siya nag-atubili. Tinangal niya ang sandals niya at isinampa sa upuan. Pagkatapos ay humiga siya sa kandungan ni Andreev. Doon siya pinakakomportable. "Thanks, Andreev."

"You're welcome," sagot nito at hinaplos ang buhok niya. Di nagtagal ay tuluyan siyang nakatulog sa kandungan nito. It was pure bliss.

"JAZZMIRE, we are here."

Nakangiti siyang dumilat nang marinig ang boses ni Andreev. Noong una ay nagtaka pa siya kung nasaan sila at kung bakit sila magkasama. Saka niya naalala na nasa kotse sila nito papunta sa airport at dadalhin siya nito sa Stallion Island para sa date nila.

"Hi!" He was the most beautiful sight. Napaka-intimate ng pakiramdam na paggising niya ay ito agad ang makikita niya.

"Masarap ang tulog mo?" tanong niya. “Hindi ba masakit ang ulo o leeg mo? Nandito na tayo sa hangar ng Swan’s Flight.” Iyon ang chartered airline na pag-aari ng pamilya ni Raddison Archer, ang isa sa village lords ng Stallion Island. Ang airlines nito ang nagha-handle sa mga chartered flight na patungong Stallion Island.

Inunat ni Jazzmire ang dalawang kamay at ihinilig lalo ang pisngi sa kandungan ni Andreev. "I am fine. Pwede bang dito na lang ako?"

Hinaplos nito ang buhok niya. "Maiiwan tayo ng flight natin. Saka palapit na dito si Doc Arvind James.”

Bumangon siya bigla. Anong ginagawa dito ng pinsan niya? Isang OB-Gyne ang pinsan niya at miyembro ng Stallion Island. Isa sa pinakababaerong miyembro doon. Ang alam niya ay kagabi pa ito sa Stallion Island. Awtomatiko niyang pinunasan ang labi niya. Nanlaki ang mata niya nang maramdamang basa ang likod ng palad niya. Sa sobrang sarap ng tulog niya ay tumulo ang laway niya. Lumipad ang mata niya sa pantalon ni Andreev at may mantsa iyon. Nakakahiya!

Naglabas siya ng tissue mula sa bag at dali-daling pinunasan iyon. "Andreev, sorry talaga. Napasarap ang tulog ko..."

"No. It's fine."

"Hindi fine 'yon. Nakakahiya talaga ang ginawa ko," tutol niya at masigasig na kinuskos ang pantalon nito. Nahigit nito ang hininga at kasunod ay ang pag-ungol.

Natigilan siya sa ginagawa at saka lang nakita ang implikasyon ng ginawa niya. Andreev was swelling under his pants. Oh! Not a good mood. Anong gagawin niya? Hindi pa tuyo ang pantalon nito. Kailangan na nilang bumaba ng kotse pero paano ang pantalon ni Andreev. Hihipan ba niya para matuyo agad? Drat! Lalo siyang nataranta. Baka mas lalong lumaki ang nasa ilalim ng pantalon nito.

Kumatok si Arvind James sa windshield ng kotse. Ibinaba ni Andreev ang bintana. "Anong ginagawa ninyo?" At masama ang tingin sa kamay niyang nasa pantalon ni Andreev.

Nakangisi niya itong tiningnan. "Hi, kuya! Namantsahan kasi si Andreev dahil..."

Nagdikit ang mga labi ng pinsan niya. "So much for your first date. Gumagawa ka agad ng kababalaghan at sa gitna pa ng traffic. How could you be so brazen about it?"

Nanlaki ang mata ni Jazzmire. "Anong pinagsasasabi mo, Kuya? Nakatulog lang ako sa kandungan ni Andreev. May kababalaghan na ba doon?"

"Wala kaming ginagawang masama ni Jazzmire. I won't subject her to love act in public. I respect her,” depensa agad ng binata.

Her heart swelled. Nirerespeto siya ni Andreev. Malaking bagay sa kanya na nirerespeto siya ng isang lalaki. Gusto niyang yakapin si Andreev. Hindi nito dinepensahan ang sarili nito. Siya ang higit na inalagaan nito. Kundi nga lang masama ang tingin ni Arvind James sa kanila ay baka hinalikan din niya ito. Nakakainis talaga kapag may asungot sa buhay.

Tinitigan ni Arvind James si Andreev. "Nagba-blush ka, Montinola."

"Ha?" Nilingon ni Jazzmire si Andreev para kumpirmahin kung nagba-blush nga ito. Subalit ipinaling nito ang tingin palayo kaya di niya nakumpirma. May lalaki pa bang nagba-blush ngayon? O baka naman dahil kinuskos niya ang pantalon nito kaya ito namula.

"Jazzmire needs to refresh herself. Magbibihis din ako," pormal na wika ni Andreev. Tumabi si Arvind James at binuksan ni Andreev ang pinto.

"Gusto mo ako na ang maglinis ng pantalon mo?" alok niya kay Andreev.

Tinanggal nito ang coat at isinampay sa braso nito para di mapansin ang mantsa sa pantalon nito. "Hindi na. Baka Kuya Warren mo ang piloto natin. Baka kapag nasa ere na tayo, i-eject pa ako sa eroplano nang walang parachute."

"Jazzmire, magpasalamat ka dahil alam kong pa-virgin pa 'tong si Andreev. Kung hindi lagot 'to sa amin nila Jairon kapag may ginawang kalokohan sa 'yo,” banta ni Arvind James.

Iniikot niya ang mga mata sa bantang iyon. "Kuya, di na ako minor. Kaya ko na ang sarili ko." Kung hahayaan niyang bantayan siya ng mga kapatid at pinsan niya, forty years old na siya ay virgin pa rin siya. Humawak siya sa braso ni Andreev. "Huwag ninyong kakantiin si Andreev." Ikinuyom niya ang kamao at itinaas. "Dadaan kayo dito bago ninyo siya masaktan."

Humalakhak si Arvind James. "Wala na akong sinabi. Basta nandito lang ako para bantayan ang puri ni Andreev."

Nagdadabog siyang pumasok sa restroom. Baligtad na ang sitwasyon. Siya pa ang banta sa puri ni Andreev ngayon. Well, if he would only allow her to let go, malamang ay wala nang puri si Andreev bago matapos ang date nila. He was so yummy. She couldn’t help it.

Hindi yata magandang ideyang sa Stallion Island sila magde-date. Di lang si Arvind James ang magbabantay sa kanila. Naroon ang mga kapatid niya at ibang mga pinsan. Daig pa ng mga ito ang security cameras ng Stallion Island kung makasunod.

Hindi na maipinta ang mukha niya. Ang aisle lang ang pagitan nila kay Arvind James. Di na siya basta-basta makakadikit kay Andreev dahil parang may laser beam ang mata ng pinsan niya na nakatutok sa kanila. DI na siya makakatulog sa kandungan ng binata.

"Sorry. Mukhang guguwardiyahan tayo ni Kuya Arvind James,” sabi ni Jazzmire kay Andreev.

"That's okay. Wala naman akong gagawing masama sa iyo."

Paano naman siya? May di siya inosenteng hangarin dito. E di bulilyaso ang plano niya. Sheesh! Baka kapag tinangka niyang halikan si Andreev ay may tunog ng wang wang na papailanlang sa buong Stallion Island at paghihiwalayin silang dalawa ng angkan niya.

Ginagap nito ang kamay niya at tinapik ang balikat. "Okay lang sa akin kung gusto mong matulog."

"Baka maulit na naman 'yung kanina. Nakakahiya naman kasi…” Hindi niya maituloy na baka matuluan na naman niya ito ng laway niya. So unlady-like.

"Kapag pinakasalan mo na ang isang tao, di mo na maitatago 'yan. You must accept the person, flaws and all."

Di na niya napigilang ngumiti nang humilig sa balikat nito. Ibig sabihin ay ikino-consider siya nito bilang future wife. Gusto niya iyon. Gustong-gusto.

She loved the quiet moment. Kahit hindi ito magsalita basta hawak lang nito ang kamay niya at nakahilig siya dito ay okay na sa kanya. She never thought that she could have such a quiet time with Andreev. Di niya alam na gugustuhin niyang tumahimik kapag kasama ito. Marami kasi siyang gustong sabihin dito. Gusto niya kapag nakipag-date siya sa lalaking gusto niya ay masasabi niya ang lahat. But this was enough.

Pagdating sa terminal ng Stallion Island ay hawak niya nang mahigpit ang braso ni Andreev habang binibigyan ng nagbababalang tingin ang mga guests na nagpapapungay ng mata dito. Kanya lang si Andreev. Hindi nito maaagaw.

“Namamanhid na ang braso ko sa higpit ng hawak mo. Wala namang mang-i-snatch sa akin. Relax,” bulong ni Andreev habang inaayos ang pagpasok nila.

“Sama kasi ng tingin sa iyo ng ibang babae. Parang kakainin ka ng buo. Kahit buto hindi ititira sa iyo. Iba nga naman ang nagagawa ng pera at kaguwapuhan.”

“I don’t notice them at all,” he said in a casual tone.

Gulat niya itong tiningala. “Talaga?”

“I only have my eyes on you.” Kung ibang lalaki ay hindi siya basta-basta maniniwala. But this was Andreev. Wala itong dahilan para bolahin siya.

“Fine. Hindi ko na dudukutin ang mga mata nila kapag nakatitig sa iyo.”

Humalakhak ito. “Gagawin mo talaga iyon?”

“Nope. Baka sabihin mo masyado naman akong uncivilized. Mamatay na lang sila sa inggit dahil ako ang ka-date mo.”

“That’s better. Saan mo gustong mag-lunch?” tanong nito.

“Oo nga. Saan tayo magla-lunch?” singit ni Arvind James na nang mai-clear na sa terminal ay dumikit na naman sa kanila.

Tinaasan niya ito ng kilay. “Bakit hindi mo na lang yayain si Doc Nathaniella na mag-date nang di ka bubuntot-buntot sa amin, Kuya? Hindi na ako minor. Hindi ko kailangan ng chaperone sa date ko.”

Namaywang ito. “Hindi. Okay lang ako dito. Mabuti ngang hindi muna ako makita ni Nathaniella para ma-miss niya ako.” May ilusyon ang pinsan niya na patay na patay dito ang resident physician ng Stallion Island. Ilang beses na itong nagyaya ng date pero nabasted naman ito ng dalagang doktor dahil babaero ang pinsan niya. Pero ayon sa pinsan niya ay nagpapakipot lang daw ang doktora para habul-habulin ito.

“Sure ka? Ang alam ko gusto siyang i-date ng isa sa member ng Phantom band?” pamba-bluff niya dito.

Bigla itong tumuwid ng tayo at naningkit ang mata. “Sinong member?” tanong nito. Pagdating kay Nathaniella ay alerto agad ito.

“Yung nakamaskara,” sabi niya.

Natigilan ito at napaisip. “Lahat sila nakamaskara. Sino nga sa kanila?”

Nagkibit-balikat siya. “Tanungin mo sa kanila kung sino. O kaya si Doc Nathaniella ang tanungin mo.” Sekreto ang identity ng mailap na Phantom Band. Kahit nga siya ay di niya alam kung sinu-sino ang mga miyembro sa likod ng maskara ng mga ito.

“Isa lang ang kilala kong member at alam ko na hindi siya ang manliligaw kay Nathaniella.” Tinapik ng daliri nito ang baba. “Babakuran ko na lang si Nathaniella. May tiwala naman ako kay Andreev.” Hinawakan nito ang balikat ni Andreev. “Montinola, ikaw na ang bahala kung papapikot ka o hindi sa pinsan ko. Kailangan kong bantayan si Nathaniella. Kung naka-maskara lang pala ang gusto niya, magmamaskara na rin ako para sa kanya.”

At di niya mapigilang tumawa nang makita kung paanong magkumahog na lumabas ng terminal si Arvind James. Ang nagagawa nga naman ng pag-ibig. Yes! Malaya na sila ni Andreev. Wala na siyang asungot.

“Wala ka namang masamang tangka sa puri ko, di ba?” tanong ni Andreev sa kanya. “Of course I trust you. Alam kong di mo ako pipikutin.”

“Of course not. Hindi kita pipikutin.” Sa ngayon.

She must earn Andreev’s trust. Di muna niya ito pipikutin sa araw na iyon. Hindi na muna niya iisipin na nakawan ito ng halik. Hanggang holding hands lang sila. Okay na ‘yun.

Natigagal siya nang makitang hinahalikan ng resident vampire ng Stallion Island na si Draco ang assistant nitong si Tennessee. It was not a sleazy kiss. She was moved by the power of that kiss. Naroon ang matinding emosyon at pagmamahalan ng mga ito.

It was like being hit by a tidal wave. Ganoon din ba ang halik na ibinigay ni Andreev sa kanya? Siyempre hindi dahil di siya nito mahal. Nakakainggit naman. Gusto din niyang mahalikan ng lalaking mahal siya.

Nahalikan na siya ni Andreev noon pero di katulad ng nakikita niya kina Tennessee at Draco. They had so much passion. Nakakainggit. Parang gusto niyang hatakin din si Andreev at halikan ito.

“Okay. Hindi dapat gayahin ng mga bata,” sabi ni Andreev na tinakpan ang mata niya.

“Hindi na ako bata,” angal niya at pinalis ang kamay nito. Umaatake na naman ang pagpapa-virgin nito. As if hindi pa ito nahahalikan. “Nakita ko na kaya ang lahat-lahat sa iyo.”

Huli na para mabawi niya iyon. Even the image of him naked assaulted her. Di niya napigilang pagalain ang mga mata sa katawan nito.

“Ssshhhh!” saway nito at tinakpan ang bibig niya. Sinibat nito ng matalim na tingin ang ibang nasa terminal na na nakatingin dito. “Wala siyang nakita sa akin, okay? Wala!” Pinanlakihan siya nito ng mata.

Napangiwi siya nang makitang palapit ang pinsang niyang si Zach na nakaabang din sa terminal. “Anong sabi mo?” tanong ni Zach. Mukhang di nito alam ang nangyaring insidente sa men’s shower room kung saan sinugod niya si Andreev. Ngayon ay malalaman ng buong isla ang lahat dahil sa kadaldalan niya.

Hinatak niya ang kamay ni Andreev at tumakbo palabas ng terminal. Mabuti na lang at tapos na silang i-scan ng security kaya malaya silang nakalabas. “Jazzmire, bakit tayo tumatakbo?”

“Mag-uusisa si Kuya Zach kung paano kita nakitang nakitang walang damit. Kung mag-freak out ang mga iyan. Gusto mong huwag matulog ang date natin?”

“Pero hindi tayo pwedeng tumakas. Wala tayong ibang puntahan dito na di nila tayo nasusundan. It is silly to run away. Kaya nila tayong i-trace dito sa Stallion Island.”

Hinila niya ito papunta sa part ng pantalan kung saan nakaparada ang mga jet ski. “Kung sasakay tayo ng jet ski papuntang Nirvana Island, di nila tayo masusundan. At Nirvana Island, we can lose ourselves. Bahala silang maghanap.” Kinindatan niya ito at kinaladkad papunta sa shop ng swimwear. “Let’s go.”

Ang Nirvana Island ay ang kakambal na isla ng Stallion Island. Hindi niya alam kung bakit samantalang sanctuary ng hayop ang kabilang isla at kinalalagyan ng mga rescued animals na karamihan sa nag-i-sponsor ay mga miyembro din ng Stallion Island. Mas payak iyon at simple kumpara sa eleganteng Stallion Island and Leisure Club. At ang maganda ay mas may privacy sila doon at di basta-basta masusundan ng mga kapamilya niya.

“Pero… hindi ito ang plano ko,” angal ni Andreev.

“Nasaan ang sense of adventure mo? Minsan lang ito, Andreev. Mas gusto mo ba na sunud-sunuran na lang tayo sa mga kapatid o pinsan ko?”

“Of course not.”

“If you want this date to be perfect, just follow my instructions.”

Namili siya ng magandang swimsuit at hinayaan niya si Andreev na mamili. Pwede din naman itong di mag-swimsuit. They could go skinny dipping on the beach.

Nag-ring ang cellphone niya habang nagbibihis siya sa fitting room. Ang Kuya Jairon niya. In-off niya ang cellphone. Hindi na niya ito kailangan pang kausapin. Susundan sila nito ni Andreev at babantayan. At ang masama ay baka umabot ang sinabi niya na nakita na niya ang lahat kay Andreev at iba na ang iniisip nito. Her brothers and cousins had taken their liberties with women. Pero pagdating sa kanya ay guwardiyado siya ng mga ito. Baka pareho silang balatan ng buhay ni Andreev.

Nagulat na lang siya nang makarinig ng katok. "Jazzmire, let's go!" There was urgency in Andreev's voice. "Kumalat na sa community gossip ang tungkol sa sinabi mo. Mas mabuti yata kung harapin natin sila at magpaliwanag tayo."

Lumabas siya ng fitting room at itinali ang buhok niya. "Anong magpaliwanag? Wala na akong oras para doon. Pwede bang mag-date na muna tayo saka na natin intindihin 'yung sasabihin nila Kuya? Unless ayaw mo akong maka-date."

Iiling-iling nitong ibinigay ang access card sa cashier. "I still think we should talk to them."

"Hayaan muna natin silang kumalma."

Matapos ma-scan ang purchase nila ay inilagak nila sa locker room ng Wave Sports ang gamit nila. Naulinigan niya ang sunud-sunod na ring ng cellphone nito. "Tumatawag si Julian."

Kinuha niya ang cellphone mula dito at pinatay. Saka inilagay sa locker nito. "Wala na tayong problema. Let's start hitting the waves."

Inaayos niya ang lifevest niya nang may naulinigan siyang paparating na yabag ng mga kabayo. Parang mga yabag din ng kabayo ang tibok ng puso niya nang mamukhaan si Jairon na sakay ng kabayo nito. Sa likuran nito ay si Julian at ang ibang mga pinsan niya. "Andreev, nandito na sila."

Nauna ang binata na sumakay sa nakahandang jet ski. "Isang jet ski na lang gamitin natin.” Umangkas siya sa likuran nito. "Yumakap ka sa baywang ko. Huwag na huwag kang bibitaw."

Yumakap siya ng mahigpit sa baywang nito at humilig sa pisngi nito para proteksiyunan ang mukha niya sa hagupit ng hangin. Si Andreev ang poprotekta sa kanya. Sa unang pagkakataon ay hinayaan niya ang isang lalaki na protektahan siya. Lumaki siya na parang prinsesa pero tiniyak niya na kaya niyang alagaan at ipagtanggol ang sarili niya. Ngayon ay nakilala na niya ang lalaking di siya mangingiming maging mahina dahil alam niyang aalagaan nito ang puso niya.

Naulinigan niyang may tumawag sa pangalan niya. Nang lumingon siya ay nasa pantalan ang mga kapatid at pinsan niya pero di makasunod dahil di naka-proper water sports attire ang mga ito. Humalakhak siya at kumaway sa mga ito. "Bye!"

Lumingon si Andreev at napailing na lang. "I think this is crazy. It is immature to runaway like this. Iisipin nila na may ginawa tayong kalokohan."

"Huwag mong sabihing di mo pa naranasan 'yung magtakas ng girl para makasama mo siya."

"I don't have to. Ikaw?"

"Ngayon ko lang tinakasan ang mga kuya ko to be with someone. Only with you."

She never thought that she could be this reckless for a man. At hindi na siya teenager. She was already twenty-freakin-seven. But she felt giddy and excited. Maraming sasabihin ang mga kapatid at pinsan niya dahil dito. Kahit na ipinagpapamigayan siya ng lolo niya para magpakasal sa ibang lalaki, overprotective pa rin sa kanya ang mga pinsan niya. Pero kailangan niyang gawin ito kung gusto niyang maging memorable ang date nila ni Andreev. It would be her own adventure.

"Relax. I will make sure na mae-enjoy natin ang date natin bago ka pa nila mabawi sa akin,” sigaw ni Andreev sa kabila ng ugong ng motor. Sa harapan nila ay palapit sila nang palapit sa Nirvana Island kung saan mas mae-enjoy nila company ng isa’t isa.

Ihilig niya ang pisngi sa likuran nito. Wala siyang pakialam sa matinding sikat ng araw o sa manaka-nakang tilamsik ng tubig o kaya ay ang malakas na hampas ng hangin. Si Andreev ang bahala sa kanya. Sa araw na iyon ay ipapamahala niya ang lahat dito. It would be the first time that she would act like this – young and free and somewhat in love. And she would just enjoy this feeling. Dahil kay Andreev lang niya ito nararamdaman. At alam niyang sa simula pa lang ay ito na ang lalaking may kakayahang magpatibok ng puso niya. Hindi niya sasayangin ang pagkakataong ito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.