MAHIGPIT ang hawak ni Andreev sa kamay niya nang bumaba sila ng jet ski. Papalubog na ang araw nang makabalik sila sa Stallion Island. Mula nang pumasok sila sa premises ng club ay naramdaman niya ang tensiyon nito. "Bakit?" tanong niya.
"Baka kasi bigla na lang sumulpot ang mga kapatid at pinsan mo tapos ilayo ka sa akin. Baka di na nila tayo payagang mag-date sa susunod."
Luminga siya sa paligid at nakiramdam. Mukha namang di nagbabantay ang mga kapatid at pinsan niya. Kung mainit pa rin ang ulo ng mga ito sa pagtakas nila ni Andreev, dapat ay nakaabang na ang mga ito.
Nagkibit-balikat siya. "Huwag mong isipin iyon. Tiniyak ni Nanay Selina na hindi nila tayo kakantiin. Wala naman tayong ginawang masama." Maasim siyang ngumiti. "Ni hindi mo nga ako hinalikan man lang kanina."
Kahit nga anong kain niya ng buko pandan kanina para halikan siya nito ay hindi man lang ito na-tempt. Sayang lang ang effort niya.
"I am tempted. But it is our first date. No kissing on first date."
Iniikot niya ang mga mata. Nagpapaka-gentleman pa ito. They were beyond first date. Nahalikan na siya nito nang mapanalunan niya ang dating game nito. Nakita na niya ang buong katawan nito. Wala na itong itatago sa kanya. Ngayon pa nito naisip na isipin ang mga rules sa pakikipag-date. But she appreciated the respect.
Kinuha nila ang gamit nila sa locker room kung saan nila iniwan ang mga gamit nila. Napansin niyang ngingiti-ngiti ito nang hawakan nito ang cellphone. "I can't believe that I left my cellphone here. Hindi ako sanay nang di ko hawak ang cellphone ko. There's always business on my mind. Lagi kong iniisip na baka may ma-miss akong transaction or important call."
"Sorry. Marami ka bang na-miss na importanteng tawag?" tanong niya.
"It doesn't matter. Hindi ko na nga naisip ang cellphone ko o ang trabaho ko. I enjoyed being with you. Ngayon lang ako nakapag-relax ng ganito. I think we should do this more often."
“Of course.” Hindi niya iyon tatanggihan. She loved spending time with him. Alam niyang ginto ang oras nito kaya malaking bagay na handa siya nitong paglaanan ng panahon nito para mag-enjoy, mag-relax at i-enjoy ang company ng isa’t isa.
Napansin ni Jazzmire na mas maaliwalas ang mukha ni Andreev. Parang walang masyadong iniisip na malalim at parang di pasan ang problema ng mundo. He actually looked younger and happier. "Ibig sabihin di mo pa naranasang mag-relax dito kahit minsan?" tanong niya nang naglalakad na sila sa wooden pathwalk na pabalik sa main road.
"It is always work for me. Iyon namanang rason kung bakit ako nagpunta dito. This is an extended workplace. A place where I have the chance to do more business."
"That's boring. Maikli lang ang buhay kaya dapat mag-enjoy ka. Para saan ang lahat ng pinaghihirapan mo kundi mo rin naman ie-enjoy. Ilang oras mo lang namang di iisipin ang lahat ng responsibilidad mo. Just let go, laugh and be happy." Hinila niya ang magkabilang gilid ng labi nito. "Smile."
Natawa ito. "Oo na. Kailangan ko lang siguro ng taong magpapalimot sa akin sa trabaho at magpapaalala sa akin na kalimutan ang mga problema." Hinapit nito ang baywang niya at kinintalan siya ng halik sa mata. "Thank you for making my day. Sana maulit ito."
Yumakap siya sa leeg nito at hinaplos ang labi nito. She wanted to kiss him so damn bad. Kung ayaw siya nitong halikan, siya na lang ang hahalik dito. Magagalit ba ito? Iisipin ba nito na masyado siyang forward at liberated? Mawawala kaya ang respeto nito sa kanya?
"Subukan mo lang na halikan siya, Jazzmire. Lagot ka."
Nasira ang lahat ng plano sa utak niya nang marinig ang boses ni Julian. Nakapamaywang ito na parang hinahamon pa siya. "Hoy, Julian! Di kita pinakikialaman ang pakikipag-date mo sa mga babae. Di ko nga kayo ibinubuko ni Kuya Jai sa mga girlfriend ninyo kapag tinu-two time mo sila."
"Dati iyon. Di na ngayon. Faithful na ako kay Arjh.”
"Whatever! Bakit pinanghihimasukan ninyo ang love life ko? Di na ako menor de edad. Twenty-seven na ako. Stop treating me like I am just sixteen."
"You still look like you are in your teens," Andreev confirmed. "Kinakabahan pa nga rin ako dahil baka idemanda ako ng corruption of minor."
Pinanlakihan niya ng mata si Andreev. "Isa ka pa!" Kailan ba siya tatratuhin ng mga ito sa edad niya? Kaya naman niyang magdesisyon sa sarili niya.
"Nag-aalala lang sa iyo ang pamilya mo. Babae ka pa rin, Jazzmire. Kailangang alagaan ka nila at tiyakin na di kita niloloko,” paliwanag ni Andreev.
"Di ako tumanda ng ganito para lang magpaloko sa lalaki. Saka hindi ako lolokohin ni Andreev." May pagsusumamo niyang tiningnan si Andreev. "Di ba hindi mo naman ako lolokohin?"
"Takot ko lang sa 'yo," natatawang wika ng binata.
Hindi takot sa kanya si Andreev. Sa lahat ng lalaking nagka-interes sa kanya, ito lang ang di intimidated sa kanya. Biased din siya siyempre. May allowance siya pagdating kay Andreev. Di niya ito sinusungitan maliban na lang kung ito ang magsusungit sa kanya. Ganoon yata siya pagdating kay Andreev. Gustong-gusto niya ito kaya siya mismo ang wawasak sa mga patakarang siya mismo ang gumawa.
"Nasa villa sila ni Kuya Arvind James. Hinihintay nila kayo,” sabi ni Julian sa seryosong tono.
Humawak siya sa braso ni Andreev. "Baka anong gagawin ninyo kay Andreev. Ipagtatanggol ko siya."
"Jazzmire, hindi naman ako masamang tao. Wala akong ginawang masama sa 'yo. Bakit naman sila magagalit sa akin?" tanong ni Andreev.
"Pero si Jazzmire may ginawang kababalaghan," kantiyaw ni Julian.
Kung wala lang si Andreev ay baka binigwasan na niya ang kakambal niya. Malakas talaga itong mang-asar. “Wala akong ginawang kababalaghan!” protesta niya. Hindi nga siya naka-first base kay Andreev dahil bawal daw iyon sa first date.
Tahimik siya habang nakasakay ng e-jeepney papunta si villa ni Arvind James sa Wind Village. Ihinanda na niya ang sarili. Di niya alam kung anong tumatakbo sa utak ng mga lalaki sa pamilya niya. Baka alam na ng mga ito ang pagsugod niya sa men's shower room at ang pagkaka-lock nila ni Andreev doon.
Pumitlag siya nang hawakan ni Andreev ang kamay niya. "Relax. Ako ang bahala sa iyo."
Nagulat siya nang pagpasok ng villa ay masayang mukha ang sumalubong sa kanila at maraming pagkaing nakahain sa mesa.
Sinalubong ng Kuya Jairon niya si Andreev at kinamayan. "Kumusta ang date ninyo ni Jazzmire? Hindi ba niya pinasakit ang ulo mo?"
"No. We had a great time. Siya nga ang nagpasyal sa akin sa Nirvana Island at nagpakilala sa mga inampon ninyong hayop,” kwento ni Andreev. “Nag-zipline din kami.”
"Andreev, upo ka. Gusto mo ng wine?" alok ni Zach dito. "Baka gutom ka. Maraming pagkain dito." Nakapagtataka talaga. May fiesta ba? Meron bang may birthday? Anong okasyon?
Lumingon si Andreev sa kanya. "Jazzmire, baka gusto mong kumain."
"Kakain iyan kahit na di alukin. Ikaw ang inaalala namin," sabi naman ni Warren at saka hinatak ng mga ito si Andreev sa mesa kung saan nakalatag ang pagkain.
Napamaang siya. Bakit mababait ang mga ito kay Andreev? Kuntido estima pa. Samantalang kanina ay sobrang higpit ng mga ito sa kanila at binantaan pa si Andreev. "What's going on?" tanong niya kay Julian at kay Jairon na naiwan kasama niya. "Kanina lang galit na galit kayo sa amin dahil tinakasan namin kayo. Ngayon parang panauhing pandangal si Andreev.” She smelled something fishy.
“Did you enjoy your date?” tanong ni Julian.
“Very much. Kaya huwag ninyong sirain ang araw ko. Ngayon pa lang ako nag-enjoy sa date ko,” sabi niya. Ito ang unang date niya na hindi inutos ng lolo niya. Si Andreev ang nagyaya sa kanya at pumayag siya. And it was fantastic.
“He didn’t take advantage of you?” tanong ni Jairon na biglang naging suspetyoso ang anyo.
“If he took advantage of me, I am not complaining.”
“What?” bulalas ng dalawa. Parang handa na namang sugurin si Andreev. Once they get their hands on him, they will beat him to the pulp. Di niya papayagan na sumayad ang kahit isang daliri ng mga ito sa binata.
Itinaas niya ang dalawang kamay at hinarang ang mga ito. “Relax. He is a perfect gentleman. Siya pa nga ang nagsabi sa akin na ‘no kissing on first dates’. Happy?” Humalukipkip siya. “Ngayon pwede na ba ninyong sabihin sa akin kung bakit maganda ang reception ninyo kay Andreev?”
"Na-realize namin na gusto mo talaga si Andreev. Nang tawagan namin si Illiana, sabi niya noon mo pa daw gusto si Andreev kaso nabasted ka lang,” nakangising kwento ni Julian at pinisil ang pisngi niya. “Naks! Dalaga ka na pala dati pa. Akala ko pareho tayong binata.”
Tinampal niya ang kamay nito. “Oo. Second chance na namin ito kaya huwag kang kontrabida diyan.”
“Hindi na kami magiging kontrabida. Noong una akala ko ginagawa mo lang ito dahil kay Lolo.”
Huminga siya ng malalim. “No. We really want to give this a try. Kaming dalawa lang. Walang kinalaman ang pamilya namin. At nakikita ko naman na nag-e-effort din siya. I really want this to work.”
“Good,” anang si Jairon at tumango-tango. “Unfair naman kung pipigilan ka namin sa kaligayahan mo dahil ayaw naming may manloko sa iyo. Kahit na amazona ka at kaya mo kaming ibalibag, we are still your princess.”
“Pakiramdam ko kasi naiwanan kita noong puberty age. Ako nag-mature na. Ikaw bata pa rin. Paano di ka naman nagkaka-crush. Akala nga namin hindi lalaki ang gusto mo. Kaya nang sabihin mong makikipag-date ka, parang noon ka pa lang nagdalaga,” paliwanag ni Julian.
"Ibig sabihin okay na si Andreev sa inyo?" nanlalaki ang mata niya.
"Basta masaya ka sa kanya at hindi ka niya sasaktan," anang si Jairon.
Niyakap niya ito at si Julian. “Thank you! Thank you, Kuya!”
Iyon lang naman ang mahalaga sa kanya. Na maging masaya sa kanya ang mga mahal niya sa buhay. Masaya siya dahil malaya na niyang magugustuhan si Andreev at hindi na makikialam sa date nila ang mga kuya niya. Ang kulang na lang ay ang matamis na oo ng binata.