“Ate Xandie, it is the best date ever. I never thought that he could be fun and adventurous as well. At hindi ko inaasahan na mae-enjoy ko iyon. Alam mo ba na kanina nag-breakfast kami sa Hidden Mist Falls matapos naming mag-horseback riding. Nagpa-set up siya ng mesa sa tabi ng falls. And it was…”
“Romantic,” dugtong ng fiancee ng kapatid niyang si Jairon na si Xandie habang nakayukyok sa massage table. “I know, Jazz. I was there. Itinaboy mo pa nga ako nang lapitan ko kayo kasi sabi mo ayaw mong abalahin kayo sa date mo at gusto mo siyang masolo. At sampung beses mo na ring nai-kwento ang tungkol sa date ninyo mula nang sunduin ka niya sa office ng Human Loves Nature hanggang sa tumakas kayo mula sa mga dominanteng lalaki ng pamilya mo para lang masolo ninyo ang date ninyo. Yes. Alam na alam na alam ko na.”
Gulat niyang inangat ang ulo niya mula sa head hole ng massage table at nilingon ito. “Sampung beses ko nang ikinuwento sa iyo at kabisado mo na?”
Nasa Island Spa sila para sa girl bonding nila. Si Xandie ang masikap na magsama sa kanya sa pagsa-shopping at sa pagre-relax kagaya nito mula nang makabalikan nito ang kapatid niyang si Jairon. Nakikinig kasi siya dito pagdating sa fashion at sa girl stuff kahit paano. At dahil matapos ang lunch ay sinabi ni Andreev na may kailangan itong asikasuhin dahil may emergency sa trabaho nito ay niyakag muna siyang magpa-spa at magpa-massage ni Xandie. Dapat ay kasama nila ang nobya ng kakambal niyang si Julian na si Arjhilleyne pero may trabaho pa ito sa security command center ng Stallion Island na di nito basta-basta maiiwan. She was an IT specialist just like Julian.
Tumango si Xandie. “Yessss! Paulit-ulit ka kasi.”
“I can’t help it. Napaka-romantic kasi. Ngayon ko lang naramdaman ang ganito. Okay. Hindi ito ang unang beses dahil noong nakilala ko si Andreev sa Cebu ay ganito rin ako. Parang sirang plaka daw ako sabi ni Illiana at wala akong binabanggit kundi siya lang, Normal ba iyon?”
“Yes. It is perfectly normal. Maraming babae na akala nila ay kontrolado nila ang emosyon nila pero pagdating sa lalaking gusto nila ay nawawala sila sa sarili. And here I thought that Andreev Montinola doesn’t have a romantic bone in his body. Mukhang nag-enjoy din siya sa date ninyo.”
“Oo naman. Walang problema basta huwag lang eeksena ang mga kapatid at pinsan ko. Masyado silang OA.”
Natawa si Xandie. “Palibhasa mga babaero kaya natatakot na ikaw ang maloko.”
“Kaya ko ang sarili ko. Mabuti nga bumait na sila kay Andreev.”
Pwede na siyang mag-focus sa kanilang dalawa lang ng binata. Ano kaya ang plano nito para sa date nila? Saan kaya sila pupunta? Ano kayang gagawin nila? Sabi nito ay magkakita sila para sa hapunan mamayang gabi. Bukas ng umaga ang flight nila pabalik ng Stallion Island. Excited na siyang makita ulit ito. Dalawang oras pa lang silang magkahiwalay ay nami-miss na niya ito.
Nagsisimula na siyang makatulog dahil sa sarap ng pagmamasahe sa kanya nang biglang may kumatok. “Jazzmire! Jazzmire, nandiyan ka ba sa loob? May emergency!”
Bigla siyang dumilat. “Si Arjhilleyne iyon!” usal niya.
Dali-dali siyang bumangon at itinapis ang tuwalya sa sarili niya. Bahagya namang binuksan ng massage therapist na may hawak sa kanya ang pinto. “Papasukin mo na lang si Arjh,” sabi ni Xandie na bakas ang pag-aalala sa mukha.
Humihingal si Arjhilleyne nang pumasok at pawisan pa. “Pasensiya na kung naabala kayo. Hindi kasi ninyo sinasagot ang tawag ko.”
“Ano bang emergency iyon?” tanong niya.
Inilabas nito ang cellphone at ipinakita sa kanya ang picture na naka-post sa shoutout ng Stallion Island. “This! Ginugulpi na ngayon nila Julian si Andreev sa Mist Fusion sabi ni Merian de Vera.”
“Ano?” bulalas niya at nanlalaki ang mata niyang tiningnan ang larawan. May shoutout board para sa mga bisita ng Stallion Island at maaring mag-post sa nangyayari sa isla. Doon pwedeng mag-post ang mga bisita ng picture at impormasyon na may kinalaman sa mga miyembro pero di pwedeng ilabas sa publiko.
Naka-blindfold si Andreev habang nakapaikot dito ang mga pinsan at kapatid niya. Bata pa lang sila ay trained ba sila sa martial arts. Their bodies were honed to be deadly weapons. “Bakit naman nila gugulpihin si Andreev? Akala ko ba magkakasundo na sila at boto na sila kay Andreev?” tanong ni Xandie.
“Hindi ko rin alam. Kaya nga sinabi ko agad sa inyo para mapigilan ninyo,” anang si Arjhilleyne sa nagpa-panic na boses. “Sabi nila normal na training lang iyon pero kung ganyang naka-blindfold si Andreev, ano nga naman ang iisipin ko? It was a private training. Di kami basta-basta makakapanghimasok.”
“Magbibihis na kami,” sabi ni Xandie sa dalawang massage therapist at nagpasalamat. “Magbihis ka na, Jazz. Ako na ang bahala dito.”
Nanginginig ang buong katawan niya sa galit habang nagbibihis. Naku! Huwag lang kantiin ng mga ito si Andreev ay babaliin niya ang buto ng mga ito. Those chauvinistic pigs. Baka tine-test ng mga ito si Andreev kung karapat-dapat sa pamilya niya. Hasa pakikipaglaban ang mga kapamilya niyang lalaki. Habang ang experience lang ni Andreev sa martial arts ay ang training nito kasama ang mga batang paslit sa Silver Lining Sports Foundation. Anong laban nito sa mga hardened warriors gaya ng mga kapamilya niya?
Nakaabang na sa lobby ng Island Spa si Arjhilleyne. Sinuklay lang niya ng daliri ang mahaba at tuwid na buhok saka ipinusod. She was on a war mode. “Ilan silang kasama si Andreev?”
“Lima sila – si Julian, si Kuya Jairon, si Doc Arvind James, si Warren at si Zach,” anito at dali-daling sumakay sa electric bike na gamit nito sa Stallion Island. Mas mabilis iyon kaysa maghintay sila ng e-jeepney na maghahatid sa kanila mula sa Island Spa na nasa Central Town patungo sa Mist Fusion na nasa Hidden Mist Village. Isinuot agad niya ang helmet na inabot nito at umangkas sa likod ng bike.
Kinalkula niya sa isipan niya kung kaya niyang manalo sa laban sa limang mas malalaking lalaki sa kanya. Kaya niyang patumbahin ang mga ito kung paisa-isa lang. Pero kung sabay-sabay niyang lalabanan ang mga ito… bahala na. Sa mood niya ngayon, di siya mangingimi kahit isandaan pa ang kalaban niya. Hindi siya papayag na saktan ng mga ito si Andreev.
Hindi na siya nag-abalang alisin ang helmet nang bumaba sa harap ng Mist Fusion. It was a Japanese-inspired building in the middle of the lush forest. Iyon ang nagsisilbing site para sa nais mag-aral ng martial arts, dance o kaya ay mag-relax lang, Di kalayuan doon ay ang Hidden Falls na nagbibigay ng idealic setting sa lugar.
Pero wala siya sa mood na pagtuunan ng pansin ang kapayapaang dala ng lugar na iyon. Nang mga oras na iyon ay kumukulo ang dugo niya.
“Sa anong room naka-reserve ang mga Yun?” tanong niya sa receptionist.
“Ma’am, sa Room 10 po sila. Tatawagan ko po sila…”
“Don’t bother. I will find my way. Kasama ako sa training nila,” sabi ni Jazzmire at dali-daling umakyat sa second floor kung saan naroon ang silid na nabanggit.
“Ma’am, hindi po kayo basta-basta pwedeng pumasok…”
Hindi na niya iyon pinansin at hinayaan na si Arjhilleyne na harapin ito. Wala na siyang oras. Baka ngayon ay lasog-lasog na ang buto ng lalaking mahal niya. Sa wakas ay tumapat siya sa Room 10. Mula sa loob ay naririnig niya ang sunud-sunod na sigaw ng “Yaaa!” ng mga tao doon.
Ubod nang lakas niyang binuksan ang pinto na may takip na Japanese rice paper at may intricate art ng cherry blossoms. “Itigil ninyo iyan!” sigaw niya.
Naglingunan sa kanya ang mga ito at nanlaki ang mga mata. “Jazzmire! Bakit ka nang-aabala dito?” tanong ni Jairon sa mataginting na boses.
“Hala! Nasira mo ang pinto,” nakatigagal na sabi ni Julian.
Wala siyang pakialam kung mawasak man ang buong building. Mapapalitan iyon pero si Andreev ay hindi. “Nasaan si Andreev?” tanong niya.
“Nandito ako,” anang si Andreev sa mahina at hinihingal na boses.
Nanlaki ang mata niya nang makitang nakasalampak na ang binata sa kahoy na sahig. Napapaikutan ito ng limang kamag-anak niya pero sa pagkakataong ito ay wala na itong blindfold. “Andreev!” sigaw niya sa pangalan nito at dali-dali itong nilapitan. Sumalampak siya sa tabi nito at niyakap ito. “Diyos ko! Sabihin mo sa akin kung anong masakit.”
“Ang buong katawan ko?” usal nito at huminga ng malalim.
Hinaplos niya ang noo nito. “Anong ginawa nila sa iyo?” Matalim niyang inikot ang paningin sa mga kapatid at pinsan at hinawi ang mga ito. “Lumayo kayo! Huwag ninyong lalapitan si Andreev. Kapag sinaktan ninyo siya, ako ang makakalaban ninyo!”
Napanganga si Zachary sa kanya. “Anong problema mo? Tinuturuan lang naman namin siya…”
“…ng leksiyon?” dugtong niya. “Hindi talaga totoo na gusto ninyo siyang maging parte ng pamilya natin. Ayaw ninyo sa kanya para sa akin kaya ninyo siya ginugulpi. Well, I like him. At di ako papayag na saktan ninyo siya.”
“Pwede bang mag-water break muna tayo?” tanong ni Warren. “Medyo mabilis maka-pick up si Andreev. Napagod din akong i-training siya.”
“Ako naman inuuhaw sa drama. Ano bang drama ni Jazzmire?” sabi naman ni Arvind James at naglakad na palabas ng silid. “Sabi ko naman huwag magpapapasok ng babae sa training room natin. Kung kailan naman ako ginaganahan.”
“Hoy! Hindi pa ako tapos sa inyo. Hindi ninyo ako pwedeng takasan,” galit na galit niyang sabi. “Pagbabayaran ninyo ang paggulpi kay Andreev.”
“Jazzmire, hindi nila ako ginugulpi. Nagte-training lang kami ng street fighting,” depensa ni Andreev.”Hindi naman ako naano.”
“Hindi ka nila ginulpi? Sabi mo masakit ang buong katawan mo.”
“Dahil sa martial arts training. Tinuruan nila ako ng basic sa pagsipa at pagsuntok at kung paano makipaglaban sa maraming kalaban,” paliwanag ni Andreev. “Kailangan ko daw iyon kung gusto kong maging parte ng pamilya ninyo.”
“Kailangan ni Andreev iyon para depensahan ang sarili niya sa iyo,” nakangising sabi ni Julian. “It is for his own good. Wala siyang kalaban-laban sa iyo kung magiging masungit na banker lang siya.”
“Talaga? Tinutulungan lang ninyo siya?” tanong ni Jazzmire. “Pero ipinost ni Merian de Vera ang picture ni Andreev na naka-blindfold.”
“To heighten his senses. Mahirap kang kalaban lalo na’t mabilis kang kumilos. Wala palang kalaban-laban sa iyo si Andreev dati nang kagatin mo siya sa tainga. Kaya kailangang kahit paano madepensahan man lang niya ang sarili niya sa iyo,” paliwanag ni Zachary. “Saka bakit naman namin siya sasaktan? Gustong-gusto mo siya. Siyempre gusto rin namin siya para sa iyo kaya nga namin siya tinutulungan.”
“We, guys, stick together,” sabi ni Julian at kinuyom ang kamao saka isinuntok din sa nakakuyom na kamao ni Andreev.
“Oh!” Sinapo niya ang dibdib. “I-I guess I overreacted.”
“Mag-waterbreak muna tayo,” sabi ni Jairon. “Maiwan ka muna dito, Andreev. Padadalhan ka na lang namin ng tubig.”
Nanlulumo siya nang umupo sa sahig. “Andreev, I am sorry. Akala ko talaga sinasaktan ka nila.”
Kinuha nito ang towelette at pinunasan ang sarili. “Wala kang dapat ipag-alala sa akin. Kaya ko naman ang sarili ko.”
Inagaw niya ang towelette dito at siya mismo ang nagpunas ng pawis sa leeg nito pababa sa dibdib nito na lumalabas mula sa upper garment ng ji nito na bumubuka at nagpapakita sa makinis nitong dibdib. “Yes. I know. Pero iba ang martial arts training ng mga kapatid at pinsan ko. Natakot talaga ako. Baka tuluyan mo na akong ayawan kapag sinaktan mo sila.”
“At ano naman ang gagawin mo kung sakaling naabutan mo silang ginugulpi ako?”
“Babaliin ko mga buto nila. Walang pwedeng manakit sa iyo,” aniya at hinaplos ang mukha nito.
“Gagawin mo iyon para sa akin?”
Tumango siya. “Oo naman. Siguro ngayon ka lang nakarinig na may babaeng makikipaglaban para sa iyo. Well, that’s me. Poprotektahan kita hangga’t kaya ko. Kung na-offend ka man, pasensiya na. But I care for you a lot. I don’t care if you are an alpha male and oh-so-powerful.”
Umangat ang gilid ng labi nito. “I am an alpha male?”
“Yes. You are the leader of the herd type. At sigurado ako na hindi mo gusto na may isang babaeng mas mahina sa iyo na magpoprotekta sa iyo.”
“Alpha male.” Napailing na lang ito. “Now that we are discussing it, na-realize ko naman na di pala ganoon ka-bloated ang ego ko. Akala ko rin maiinis ako dahil kailangan pang ikaw ang magtanggol sa akin. But I really appreciate your strength. Some may think that I am a sissy but I love the feeling that you are willing to protect me. Hindi pa nangyari sa akin iyan dati.”
“Wala pang nagprotekta sa iyo?”
“Nag-iisa akong anak. I was trained to be leader at a young age. Nasanay akong alagaan ang sarili ko at sa ibang tao.” Isang payapang ngiti ang nabuo sa labi nito. “I don’t mind if you want to take care of me and protect me. Thank you. I am glad that there’s a strong woman who is willing to take care of me.”
Nahigit niya ang hininga nang kintalan nito ng halik ang dulo ng ilong niya. “Andreev…”
Naramdaman niyang tinitigan nito ang labi niya. Naramdaman niya ang pag-iinit ng buong katawan niya. Hahalikan siya nito. Sa wakas. Mula kahapon pa ay hinihintay na niyang maramdaman ulit ang labi nito sa labi niya. Pumikit siya at hinintay ang pag-angkin nito sa labi niya. Parang isa siyang ambisyosang prinsesa na naghihintay ng halik ng Prince Charming niya.
“Jazzmire, Andreev, heto na ang tubig ninyo!” putol ni Arjhilleyne sa magandang sandali.
Mariing nagdikit ang labi niya sa inis. Wrong timing na naman! Ano ba?! Kailan pa ba siya mahahalikan ni Andreev nang malaya? Lagi na lang may panira ng sandali.
“Be patient, Jazzmire. You will get what you want soon,” bulong ni Andreev sa kanya bago tumayo at kinuha ang tubig mula kay Jazzmire.
"SARAP naman ng buko pandan cake mo, Jazzmire. Okay lang masira ang diet ko basta matikman ko lang 'yan," tatakam-takam na sabi ni Illiana habang nakatitig sa berdeng cake na padala sa kanya ni Andreev.
Inangat niya ang tingin sa laptop. Nasa opisina sila ng Human Loves Nature para i-check ang mga woven baskets at sinamay bag na gagamitin nila sa launching nila. Hindi lang produkto nila ang environment-friendly kundi pati ang packaging. Di rin sila gagamit ng plastic para sa package. May brown paper bag sila at canvass bag para recycleable. Proud siya dahil idea niya iyon. Kahit si Andreev ay hinangaan ang ideya niya.
Every weekend ay magkasama sila ni Andreev. Kung wala sila sa Stallion Island ay magkasama lang sila sa Manila. Ipinapasyal nila sa park si Lola Milagros at sumasama ito sa martial arts training kasama ang mga bata.
"Aamagin lang 'yan. Ipinadala 'yan sa 'yo ni Andreev para kainin at hindi titigan. Hindi ka ba nagugutom?" tanong ni Illiana.
Humawak siya sa braso nito. "Illiana, sasagutin ko na ba si Andreev? Kasi wala pa kaming isang buwang nagde-date at di pa niya sinasabing mahal niya ako."
"Mahirap mag-isip kundi pa ako kumakain. Sabi ng utak ko dapat kumain muna ako ng buko pandan cake.”
"Gusto mo lang kainin ang bigay niya sa akin, eh! Puma-paraan ka lang.” Bumuntong-hininga siya. "Kukunan ko muna ng picture itong cake."
Inilabas niya ang cellphone niya at kinuhanan ng picture ang cake. Ganoon din ang ginawa niya sa mga simpleng regalo ni Andreev sa kanya. Di nga naman pwedeng amagin na lang ang cake. Saka nagugutom na rin siya.
“Attack!” excited na sabi ni Illiana nang sa wakas ay matapos na ang picture taking niya sa cake. Ito na rin ang naghiwa para sa kanya. "Sarap!" usal ni Illiana nang matikman ang cake. "Sa cake pa lang pwede mo nang sagutin."
"Seriously..."
"Seriously, sa tingin ko naman seryoso si Andreev sa iyo. Di nga nakikipag-date 'yan. Isang buwan na kayong nagde-date sa ibang babae. Ikaw lang ang nagustuhan niya. I think its okay to take it to the next level." Saka siya nito kinindatan.
"Kahit di niya sinasabing mahal niya ako?"
"Some men don't know how to say those words. Alam ko excited kang maging boyfriend siya. E di tanungin mo kung mahal ka niya kundi ka makatiis. Masyado na kayong matanda para patagalin pa 'yan."
Kinuyom ni Jazzmire ang palad. Lalakasan na lang niya ang loob niya. She seriously wanted a relationship with him. Next time na magkita sila, sasabihin na talaga niya ang nararamdaman niya. Hindi na siya magpapakipot. Buong buhay niyang hinintay na ma-in love siya. Ito na ang second chance niya kay Andreev kaya di na niya sasayangin ang pagkakataon.
May kumatok sa pinto at sumilip ang assistant niya. “Ma’am, may naghahanap po sa inyo. Si Doña Milagros Montinola.”
“Si Lola Milagros? Papasukin mo!” excited niyang sabi at sinalubong ang matanda sa pinto pa lang ng opisina niya. “Lola! Mabuti po napadalaw kayo.”
Humalik ito sa pisngi niya. “Alam ko kasi na busy ka kaya ako na lang ang dumalaw sa iyo. Kasama ko ang apo ko.”
Biglang bumilis ang tibok ng puso niya. “Si Andreev po?”
“Hindi. Ako,” sabi ni Alfonso na lumabas mula sa likuran ni Lola Milagros.
“O! Alfonso!” Nawala ang ngiti sa labi niya at bumagal din ang tibok ng puso niya. Nadismaya siya. Akala niya ay si Andreev lang ang nag-iisang apo ni Lola Milagros. “P-Pasok kayo ni Lola, Alfonso.”
“Bakit parang hindi ka masaya nang makita mo ako?” tanong ni Alfonso nang pumasok ng opisina niya.
“Hindi naman. Nagulat lang ako. Hindi ko alam na apo ka rin pala ni Lola Milagros,” marahan niyang sabi.
"Kapatid niya si Andreev,” direktang wika ni Lola Milagros.
Kumunot ang noo sa pagtataka. Magkapatid ang mga ito pero bakit iba ang apelyido ni Alfonso? Hindi ito isang Montinola.
"Andreev is my half-brother," sagot ni Alfonso sa piping tanong niya. "Let’s say na hindi ko alam na isa akong Mondragon dahil buntis na ang nanay ko nang magpakasal siya sa kinilala kong ama. Eighteen ko na nalaman na isa akong Montinola.”
"Oh!" usal niya at tumango. Bigla siyang nailing dahil usapang pamilya iyon at parang di pa alam ng marami. Parang di pa naman siya parte ng pamilya. "Cake. Baka po gusto ninyo ng cake. Padala po ni Andreev sa akin."
"May date ba kayo ni Andreev ngayon?" tanong ni Alfonso.
"Wala naman kaming usapan ngayon. Di ko lang alam kung sosorpresahin niya ako." At di maiwasang mag-init ng pisngi niya. Minsan kasi ay basta na lang itong bumibisita sa kanya. Magnanakaw lang ito ng halik sa pisngi niya at aalis na.
"Sumama ka sa amin na mag-ballroom dancing. Pasunurin natin si Andreev kung gusto mo," sabi ni Lola Milagros. "Minsan lang naman ito. Gusto ko ring makasama si Andreev. Sige na, apo."
May piping pakiusap sa mga mata ni Lola Milagros. Alam naman niyang di magkasundo sina Andreev at Alfonso. Matindi ang tensiyon nang magkaharap ang mga ito sa Silver Lining Sports Foundation. Andreev definitely had a major issue with his brother. Di siguro madali para dito na magkaroon ng ibang kapatid sa ama. At gusto nitong hingin ang tulong niya para magkasama ang mga ito.
"Sige po. Sasama po ako sa inyo. Maluwag naman po ang schedule ko,” sang-ayon niya.
Mahirap ang mabuhay sa hinanakit at may sama ng loob. Gusto niyang maging masaya si Andreev. Gusto niyang mabuo ang pamilya nito. Mabait si Alfonso. Sa palagay niya ay magiging mabuting kapatid ito kay Andreev.
MAGKASALUBONG ang kilay ni Andreev nang pumasok sa Fuego Dance Club. Kasabay niya ang may edad nang babae na inaalalayan ng mas batang lalaki na sa palagay niya ay dance instructor ng club. Regular member doon ang lola niya pero pangalawang beses pa lang siyang tumapak sa club.
Na-trauma siya dahil nang unang beses siyang isama doon ng lola niya ay inireto lang siya sa kung sinu-sinong apo ng mga amiga nito. Pakiramdam nga niya ay di na siya makakalabas ng buhay dahil sa mga babaeng nakakunyapit sa kanya. Kaya nang magyaya ang lola niya kanina ay tumanggi siya. Nagulat na lang siya nang tumawag ang kaibigan niyang si Darwayne at ibinalita na nasa Fuego din sina Jazzmire at Alfonso kasama ng lola niya. He automatically saw red. Iniwan niya ang trabaho at sumugod sa club. Hindi niya gusto na magkasama sina Jazzmire at Alfonso sa isang lugar.
Pagpasok ng maliit na lobby ay nakaabang na agad sa kanya si Darwayne. Regular ito sa club kapag wala sa Lighthouse Restaurant nito sa Stallion Island. "Nasaan na si Jazzmire?"
"Nagsasayaw sa dance floor. Si Alfonso ang kasayaw niya.”
Dali-dali siyang pumasok ng club at tumutok agad ang mata niya sa dance floor. Umakyat ang dugo sa ulo niya nang makitang nagsasayaw ng swing sina Jazzmire at Alfonso. Malakas ang tawa ni Jazzmire habang iniikot-ikot ni Alfonso.
Parang musika ang tawa nito sa tainga niya ang pagtawa nito. Laging gumagaan ang pakiramdam niya kapag nakikita ang ngiti nito at naririnig ang pagtawa nito. Subalit sa pagkakataong ito ay hindi para sa kanya ang halakhak nito. Para iyon kay Alfonso.
Akala ba niya ay siya ang gusto ni Jazzmire. Bakit nag-e-enjoy itong kasayaw si Alfonso? Gusto niyang hatakin ito palayo kay Alfonso. It should be his arms wrapped around her. Dapat ay siya ang kasayaw niyo. Hindi ibang lalaki. Hindi si Alfonso.
Humakbang siya para patigilin ang pagsasayaw ng mga ito nang humarang ang Lola Milagros niya sa dadaanan niya. "Andreev!" Humalik ito sa pisngi niya. "I thought you are not coming."
"Maaga pong natapos ang meeting ko." At nilingon sina Jazzmire at Alfonso na paikot-ikot sa dance floor. Nakadama siya ng iritasyon. Ano bang nangyayari dito? Bakit magkasama ang mga ito? Alam ba ni Jazzmire na dadating siya? They were exclusively dating. Di niya maiwasang mapaisip kung mas gusto ni Jazzmire ang company ng kapatid niya.
"Samahan mo ako sa table. I want to rest.”
At kumapit ang lola niya sa braso niya saka sila iginiya ng dance instructor nito sa mesa nila. May sinabi ito sa dance instructor nito kaya sa huli ay sila lang din ang natira sa mesa. Hindi niya maalis ang tingin sa dance floor kung saan masayang nagsasayaw sina Jazzmire at Alfonso.
Nakakainis. Ni di man lang siya nakita ni Jazzmire. Ni hindi nito alam na naroon siya. Kung makikita kaya siya ni Jazzmire, iiwan kaya nito si Alfonso? O wala itong pakialam sa kanya at ie-enjoy lang nito ang pagsasayaw?
“What do you want to order? Nag-dinner ka na ba?” tanong ng lola niya.
“No. I am okay, Lola,” aniyang di inaalis ang tingin sa dance floor.
"Do you like Jazzmire?"
Nagulat siya sa direktang tanong ng lola niya. Hindi niya inaasahan sa ibabatong tanong nito. Di agad siya nakapagsalita at nilingon ito. "We are dating,” tanging nasabi niya. “Exclusively dating.”
Siyempre gusto niya si Jazzmire. Di naman siya tatagal ng pakikipag-date dito kundi niya ito gusto. Subalit di niya mapigilang lingunin ulit si Jazzmire na tinuturuan ng bagong step ni Alfonso. He was not really good in dancing. Parang gusto niyang pagsisihan na di siya nag-master ng pagsasayaw. dapat ay siya ang nagtuturo kay Jazzmire ngayon.
"Mukhang masaya sila sa company ng isa't isa. Alfonso can make her laugh. Magkasundo sila,” magkasundo silang dalawa.
"Magkasundo din kami ni Jazzmire. She can make me laugh,” defensive niyang wika.
Maasim itong ngumiti at ininom ang cocktail drink nito. Saka siya matamang pinagmasdan. "Kailangan niya ng isang lalaking magpapasaya sa kanya, hijo. Mag-aalaga sa kanya. Know what? You can forget about our silly deal. Hindi mo na siya kailangang pakasalan dahil sa stocks at presidency ng East Dragon Bank."
"What?" Napatitig siya sa lola niya na parang nababaliw na ito. Tama ba ang dinig niya. Hindi na niya kailangang pakasalan si Jazzmire at kusa nang ibibigay sa kanya ang presidency pati na rin ang stocks ng kompanya? Ganoon lang? “Bakit naman gagawin ninyo iyon, Lola? How about Alfonso?”
"Jazzmire is such a sweet girl. Kung sa palagay mo hindi mo siya kayang mahalin, kay Alfonso na lang siya."
Hindi siya makapaniwala. Ganoon na lang ba iyon? Ipipilit nito sa kanya si Jazzmire pagkatapos ay basta na lang ibibigay kay Alfonso. "Pagkatapos ng lahat saka ninyo sasabihin sa akin 'yan?" may halong iritasyon niyang tanong. Pinaglalaruan ba siya ng lola niya? Ngayon pa siya nito palalayuin kung kailan malapit na sila ni Jazzmire sa isa't isa.
"I am sorry, hijo. Na-realize ko na mas mahalaga si Jazzmire kaysa sa bangko. I mean she deserves a man who will make her happy. Alam ko na ipinilit ko siya sa iyo. I just want you to have a woman who will take care of you. Naisip ko na si Jazzmire iyon pero unfair naman iyon sa kanya kung di mo talaga siya gusto. Kaya hindi na kita pipilitin kung ayaw mo sa kanya. Gustong-gusto ko lang maging apo si Jazzmire. Mabait siya at masayahin. Naisip ko na kailangan mo ng tulad niya sa buhay mo. Anyway, magiging apo ko pa rin naman siya kung magkakagustuhan sila ni Alfonso. Sa palagay ko nga kung di kayo nagde-date ni Jazzmire, liligawan agad siya ni Alfonso."
Pinapalaya na siya ng lola niya. He should be relieved. Ayaw naman talaga niya kay Jazzmire noong una, hindi ba? Hindi na niya ito kailangan pang tiyagain. Di na niya kailangang tiisin ang kakulitan nito. Di rin niya kailangang ayusin ang schedule niya para mayaya itong mag-date o kaya naman ay di na niya pag-iisipan kung saan pupunta sa next date nila. Di na rin siya makakantiyawan ng mga kaibigan niya na maa-under siya kapag asawa na niya si Jazzmire.
Babalik na siya sa normal niyang buhay. Makakapagtrabaho na siya nang matiwasay. Di na niya kailangan pang intindihin ang banta ni Alfonso sa posisyon niya sa kompanya. Nasa kanya na ang lahat ng hinihiling niya.
“Andreev!” tili ni Jazzmire at yumakap agad sa kanya. “Nandito ka! akala ko talaga hindi ka magpupunta. Magtatampo talaga ako.” Idinikit nito ang pisngi sa pisngi niya. “Mabuti talaga iniwan mo ang trabaho mo. Kumpleto na ang araw ko.”
“Of course. I am always here for you. Anong gusto mong kainin?”
“Wala. Ikaw lang.”
Magaan ang pakiramdam niya habang yakap siya ni Jazzmire. Nawala lahat ng pagod at alalahanin niya. Kahit na gaano kahirap ang trabaho niya at gaano kainit ang mga problema sa bangko, nawawala iyon sa presensiya ni Jazzmire.
“Hello, brother,” bati ni Alfonso sa kanya. “Akala namin di ka dadating.”
“Iiwan ko ang lahat para kay Jazzmire,” aniya at hinapit ang dalaga palapit sa kanya.
Pero hindi na niya kailangan si Jazzmire ngayong nasa kanya na ang East Dragon Bank. Handa na ba siyang makita ito sa piling ni Alfonso?