HINDI magkamayaw ang mga tao sa activity center ng isang mall dahil sa launching ng Human Loves Nature. Umaga pa lang ay busy na si Jazzmire sa pag-aasikaso sa mga staff at sa pakikipag-usap sa mga reporters at sa mga customers. Pinupulsuhan na kasi nila kung ano ang nagustuhan ng mga ito na produkto.
Malaki ang naitulong ng pagiging endorser nina Cody na member ng Stallion Island at isang supermodel pati na rin ni Kaetria na isang international dance icon. Marami ring miyembro ng Stallion Island ang dumalo para sumuporta. Kahit ang mga village lords ay nag-declare na susuportahan ang mga produkto nila at istriktong organic products na ang gagamitin sa Stallion Island.
Lumapit sa kanya ang head ng sales department nila. “Ma’am, marami pong customers ang may gusto ng coconut mist spray natin.”
“Good,” aniya at ngumiti sa mga customers na tina-try ang peppermint lip balm nila. Ang kakambal kasi niyang si Julian ang nagse-sales talk sa mga ito. Proud na proud ang pamilya niya sa negosyo niya kaya pati ang mga kapatid niya ay nakikitulong sa pagbebenta.
“Kaso hino-horde po ni Sir Andreev.”
Saka niya napansin si Andreev na nasa may section ng mist spray at yakap ang malaking bote ng coconut mist spray. “Yang mango at strawberry scent na lang ang bilhin ninyo. Mabango din naman ang mga iyan. Huwag na itong coconut.”
“Yan ang gusto namin kasi unique. Gusto ko lang i-try. Please?” ungot ng isang customer at nagpa-cute pa dito nang isahod ang kamay. “Tester naman iyan.”
Umingos si Andreev. “Ayoko. Nabili ko na ultimo tester.”
Tinapik niya ang braso nito. “Anong ginagawa mo sa coconut mist spray namin? Bakit ayaw mong ipa-try sa mga customers? Paano kami makakabenta?”
“Don’t worry. Binili ko na lahat ng available stocks.”
Halos bumagsak ang panga ni Jazzmire sa pagkabigla. “Ano? Binili mo ang lahat ng available stocks namin?”
“Magkano ba ang kailangan para huwag nang i-release ang product na ‘to? Ayoko kasing may iba pang mag-aamoy buko pandan. Gusto ko ikaw lang ang exclusive na gagamit nito.”
Pinitik niya ang noo nito. “You are insane. Hayaan mo namang ma-enjoy iyan ng ibang mga babae,” aniya at ibinalik ang botelya ng tester.
“Why?” tanong nito.
“I also want them to find happiness. Maamoy ko pa lang ‘yang coconut mist spray, gumagaan na ang pakiramdam ko.” At malaki ang nagawa ng mist spray na iyon para magkatagpo sila ni Andreev.
“Gusto ko nga sa iyo lang maamoy iyan,” nagtatampo nitong sabi.
"Mukhang nangungulit ang apo ko,” sabi ni Lola Milagros na kadarating pa lang. Nagpatingin ito sa doktor kaya na-late ito ng dating.
"Lola, he is sabotaging our launching," sumbong ni Jazzmire. Napaka-unreasonable nito. As if they can easily pull out a specific product for his benefit.
"Andreev, hayaan mo rin kaming i-enjoy ang products," wika ni Fritzella. "Jazzmire, your products are too cheap. May kikitain pa ba kayo dito? Your organic products are 300% much cheaper than those I buy at the mall."
"Meron pa rin pong profit diyan. Don't worry,” wika niya. Tingin nga niya ay makakabawi agad sila dahil sa magandang feedback ng mga customers. Kahit ang mga kilalang personalidad maging environmental group ay handang i-endorse ang mga produkto nila.
Sa di kalayuan ay nakita niyang parating si Alfonso. Sinalubong niya ito. “Alfonso! Buti nakarating ka.”
Inimbitahan din niya ito. Di pa man kasi inire-release ang products nila ay nagpo-promote na ito. International orders are starting to pour in because of his connections.
May inabot itong bouquet ng bulaklak. "Jazzmire, flowers for you." Pagkatapos ay lumapit ito sa grupo nila Andreev. "Lola Milagros, Tita Fritzella.” Humalik ito sa dalawang babae at tinanguan naman nito si Andreev.
"Alfonso, sabi mo dadalhin mo ako sa sosyal na bilihan ng damit. Dito tayo napadpad sa puro mumurahin. Ayoko sa di sosyal,” angal ng isang babae na nakasunod kay Andreev. Di maipinta ang mukha nito habang iniikot ang tingin sa paligid.
"Kasama ko ang mommy ko, Jazzmire. Magdalena Cordova. Mommy, kaibigan ko po, si Jazzmire. Part-owner po siya at director for marketing ng Human Loves Nature," pagpapakilala ni Alfonso sa kanila.
"Naghahabol ka din ba sa anak ko?" nakataas ang kilay na tanong ni Magda.
"Hindi po. Girlfriend po ako ni Andreev,” paglilinaw niya at pilit na ngumiti. Hindi niya gusto ang aura ng nanay ni Alfonso. Malayong-malayo sa nanay ni Andreev na si Fritzella na refined at magiliw. Na kahit na mayaman ay simple lang kung mag-ayos at manamit. Mukhang may kamalditahan si Magda.
Humawak si Lola Milagros sa braso niya. "Si Jazzmire ang ikinukwento kong gusto kong maging apo. Bagay na bagay sila ni Andreev."
"Ah! Siya na pala iyon,” matabang nitong sabi at bumaling sa Mama ni Andreev. “Bakit nagsa-shopping ka dito, Fritzella? Puro mura lang dito ang presyo ng mga products dito. O baka naghihirap ka na." At saka ngumisi.
Isang regal at kampanteng ngiti naman ang ibinigay ni Fritzella. "Di mo malalaman kung anong sosyal at hindi, Magda. I bet you'll buy a fake even is the price is sky high. And I know my money’s worth."
Classy. Iyon ang pwede niyang itawag sa ina ni Andreev. She looked elegant and sleek in her lilac dress. Habang ang ina naman ni Alfonso na si Magda ay masyadong sexy ang pananamit para sa edad nito. She was wearing a fuschia dress with plunging neckline. Hanggang kalahati lang din ng hita umabot ang damit nito. Kumikinang din ito sa dami ng alahas sa katawan.
Tumalim ang mata ni Magda. "Wag ka nang mag-English. Wala akong pakialam sa sinasabi mo. Mayaman na rin kami ng anak ko lalo na kapag sa kanya na ang East Dragon Bank. Sabagay, dapat kami naman talaga ang may-ari ng bangkong iyon sa simula pa lang. Kung hinayaan lang sana ninyo si Henry na pakasalan ako.” May kapaitan sa tono ng babae. Mukhang malalim ang galit nito sa mga Montinola. Ang alam nga niya ay mas matanda si Alfonso kay Andreev.
"Mommy, tama na iyan. Nakakahiya ang sinasabi ninyo," awat ni Alfonso na mukhang frustrated sa inasal ng ina. “We are here for the launching. We are here to enjoy.”
“Anak, gusto ko lang ipakita sa mga taong ito na wala silang maipagmamalaki sa atin. Lalo na ang Fritzellang mang-aagaw na iyan. Kundi pa gipitin ng pamilya niya si Henry, di naman siya pakakasalan,” maanghang na wika ni Magda.
Hindi niya alam ang gagawin. Nakita niya ang tensiyon sa mukha ng mga Montinola. Naiiling na lang si Lola Milagros habang blangko naman ang mukha ni Andreev pero di ibig sabihin ay di ito apektado.
Bumuntong-hininga si Alfonso. Nahihiya nitong inikot ang paningin dahil nakakakuha na sila ng atensiyon ng ibang tao.
"I am sorry. This is supposed to be a nice occasion,” sabi ni Fritzella at humalik sa pisngi niya. “Babalik na lang ako sa opisina. Pwede bang si Andreev na lang ang magdala ng orders ko?” Bumaling ito kay Milagros. “Mama, sasama po ba kayo sa amin?” She was still poised and graceful despite the tension. Hindi nito pinatulan ang mga patutsada ni Magda.
"No, Tita. Kami na lang ang aalis. Pasensiya na sa gulo," sabi ni Alfonso at hinaklit ang kamay ni Magda. "Mommy, aalis na tayo."
"Magsa-shopping na ba tayo?" excited na tanong ni Magda na parang balewala lang ang ginawa nito.
"Hindi po. Uuwi na tayo,” mariing wika ni Alfonso at hinila ito palayo.
Hinarap niya ang pamilya ni Andreev. "I am sorry. Ako po ang nagsabi kay Alfonso na isama po si Aling Magda. Hindi ko alam na ganito ang mangyayari. Gusto ko lang naman po na magkaayos kayo. Maging… isang pamilya.”
"Ganoon lang talaga si Magda. Hindi mo iyon kasalanan,” anang si Lola Milagros sa magaang boses. “Ang totoo wala naman nang pumapansin sa kanya. Hinahayaan na lang namin. Pwede na namin sigurong ituloy ang shoppping namin.”
Hindi pa rin bumabalik ang masayang mood ni Andreev hanggang maihatid niya ang lola at nanay nito sa sasakyan na maghahatid sa mga ito pauwi ng mansion. Naiwan sila sa mall at nagmiryenda pero nananatili pa rin itong tahimik.
"Andreev, galit ka ba sa akin?” Hindi ito kumibo. “Gusto ko lang naman na maging malapit kayo ni Alfonso sa isa't isa. Na maging isang pamilya kayo. Akala ko kasi okay na matapos ang maraming taon."
"I appreciate the concern pero hindi ganoon kasimple ang lahat. Malaking gulo ang idinala nila Alfonso sa pamilya namin."
Kinagat niya ang pang-ibabang labi. “I-I thought his mother is like Tita Fritzella.”
“Hindi snobb ang pamilya ko. Inayawan si Magdalena Toledo ni Lolo at Lola para kay Papa dahil di siya magandang impluwensiya. She works in a seedy bar as an exotic dancer. Doon natutong uminom si Papa at di na siya pumapasok sa klase niya kung kailan graduating na siya. He was so in love. Nagtanan sila at doon pinutol nila lolo ang sustento sa kanya. Akala ni Magda ay madaling paraan iyon para pakasalan siya ni Papa at tanggapin muli ng mga Montinola. Nagmatigas sila lolo. Kaya lang bumalik sa amin si Papa dahil nagpakasal si Magda kay Arsenio Cordova, isa sa customers niya sa club na may-ari ng chain ng jewelry stores. Siya ang tumayong ama kay Alfonso. Nalaman na lang ni Alfonso na isa siyang Montinola nang mamatay ang ama-amahan niya. Nang sila sa pamamahay namin kasama si Magda ay nagulo ang pamilya namin. Sa unang pagkakataon ay narinig kong nagtalo ang mga magulang ko. I thought my family is perfect. Hindi namin naresolba ni Papa ang isyu na iyon. Hanggang ngayon ay masama ang loob ko dahil inilagay niya kami ni Mama sa alanganing sitwasyon.”
Ihinilig niya ang pisngi sa balikat ni Andreev. "Nakaraan na iyon. Maswerte ka pa nga dahil maraming pinagdaanan si Alfonso bago marating ang kinalalagyan niya ngayon. Nalaman niya na hindi niya tunay na ama ang kinikilala niyang ama. Hindi rin naman niya matanggap agad na isa siyang Montinola, di ba? Sa palagay ko ay iba siya sa nanay niya. Hindi siya humingi ng tulong sa mga Montinola. Nagsikap siya. Dapat maging proud ka sa kapatid mo. Ilan na lang kayong pamilya niya tapos di pa kayo magkasundo. Nag-iisa lang siyang kapatid mo."
Bumuntong-hininga ito at kinintalan siya ng halik sa noo. "I will try. I am sorry. Pati ako inaalala mo."
"We'll take care of each other, remember?"
Tumawa ito. "I can't believe that I am allowing a girl to take care of me. Kundi lang kita mahal."
Kinintalan niya ng halik ang dulo ng ilong nito. "I love you, too, Andreev."
"ITONG area na ito hindi pa nalilinis. Jazzmire, bilisan mo diyan."
Matalim ang mata niyang nilingon si Andreev habang nakapamaywang at kuntodo utos sa kanila na maglinis. Nasa isang parte sila ng Nirvana Island. Minsan ay may naliligaw na basura sa baybayin ng isla na mapanganib sa mga hayop. Nagulat siya dahil biglang nagprisinta si Andreev na maglilinis sa parteng iyon ng isla. Kasama nila ang mga volunteer na member at staff ng Stallion Island. Kung makautos ito ay parang alipin siya nito.
Naghati-hati sila ng area. Sa kanila napunta ang ang shoreline area na nakaharap palayo sa Stallion Island. Kasama sa grupo nila sina Ravelle at ang violinist na si Akeesha na sinundan naman nina Alfonso at Dare.
"Baka gusto mo ring magpulot ng basura,” maanghang niyang suhestiyon.
Inangat nito ang luray-luray na fishnet. "Ito. May napulot ako. Nagiging maangal ka yata. Di ka naman ganyan noong bata ka pa."
“Bulag na bulag pa ako sa pag-ibig noon. Kaya kahit anong utos mo gagawin ko. Pero tigil-tigilan mo na utusan kami na parang aliping saguiguilid mo lang kami. Ni wala ka man lang kalambing-lambing.”
"Lovers quarrel? Buti pa kami nitong si Ravelle love ang isa't isa," sabi ni Alfonso na may bitbit na sako ng basura at dumikit kay Ravelle na busy sa pamumulot ng mga plastik ng basura. Ang mga basura doon ay di naman galing sa mismong isla kundi tinangay na basura mula sa malalayong lugar.
Nagulat siya dahil hinayaan ni Andreev na sumama ng kapatid nito sa team nila. Akala niya noong una ay tatanggi ito. Pero dahil malinaw na si Ravelle ang target ni Alfonso at hindi siya kaya siguro hinayaan lang ng nobyo niya.
Nalukot ang mukha ng laging kalmadong si Ravelle. "Naku! Pwede bang lumayo-layo ka sa akin? Gusto kong mag-concentrate sa art ko."
Sining para sa dalaga ang magpulot ng iba’t ibang basura. Mula daw doon ay bumubuo ito ng konsepto para sa sining nito.
Ngumisi si Alfonso. "Dahil attracted ka sa akin?"
Tinalikuran ito ni Ravelle at nagpulot ng latang lumulutang. "Wala ka bang ibang babae na pwedeng buntutan. Baka may serena sa dagat na pwede mong kulitin?”
“Ikaw ang gusto kong ipakilala sa lola ko,” sabi ni Alfonso at tumayo sa harapan ni Ravelle. “Hindi serena. Hindi ibang babae.”
Tumikhim si Dare. “Ito na ba ang cue ko para kantahin ang theme song ninyo?”
“Darian, huwag ka nang ma-inspire. Please lang. Mababasted lalo si Alfonso,” kontra ni Akeesha na isang sikat na violinist at binato ito ng maliit na bato sa ulo. “Kaya nga basted ka sa akin dahil di mo ako maharana nang maayos. Mandadamay ka pa ng iba. Gusto mong magalit sa iyo si David at Maggie kapag hindi umabot sa deadline niya ang artwork ni Ravelle?”
Nagulat na lang siya nang hilahin siya ni Andreev palayo sa mga ito at idinala sa mas mapuno na parte ng Nirvana Island. “Saan mo ako dadalhin?” tanong niya.
“Mahirap nang mapagitna sa crossfire. Baka pati tayo mag-away,” sabi nito at binitbit ang sakong net na lalagyan niya ng mga basura. “Naalala mo ba noong first time nating nagkita sa Bantayan Island? Ikaw lang ang hindi natakot sa pagsusungit ko sa mga babae.”
“Bakit naman ako matatakot sa iyo? Ikaw yata ang pinakaguwapong masungit na nakilala ko. Feeling ko nga ginayuma mo ako.”
“Ikaw ang nanggayuma sa akin. Alam mo ba kung anong tawag nila sa iyo? Dragon Tamer. Ikaw daw ang nakapagpaamo sa akin.”
Light pa ang Dragon Tamer na tawag sa kanya kung tutuusin. Pagdating kasi kay Andreev ay kinakantiyawan itong under niya. But he didn’t mind. Alam kasi ni Andreev na kapag siya ang may mali ay kaya siyang pasunurin nito. Pareho sila ni Andreev na may kontrol sa relasyon. Siguro dahil na rin sa respetong ibinibigay nito sa kakayahan niya. Higit sa lahat ay napatunayan niya na mahal siya nito. Pakiramdam tuloy niya ay maswerte siya dito.
Yumakap siya sa baywang nito. “You have a kind heart, Andreev. Masyado ka lang naging matigas dahil sa mga pinagdaanan mo. Kailangan mo lang ng isang babae na magpapakita sa iyo na di lahat ng tao sasaktan ka.”
“Hindi ka ba natatakot na ikaw ang saktan ko?”
Pinagpag niya ang balikat nito. “Andreev, ako pa ang masasaktan mo?” Ikinawit niya ang braso sa leeg nito. “Ikaw ang masasaktan sa akin pero ako hindi mo masasaktan. Dahil gugulpihin muna kita bago mo ako masaktan.”
“Jazzmire, kapag hindi mo ako pinakawalan ngayon, isang linggo kitang kikibuin at hindi kita hahalikan. At bawal ka ring halikan ako nang galit ako sa iyo dahil may penalty,” banta nito.
Bigla niyang niluwagan ang pagkakasakal dito. “Sorry na. Nasaktan ka ba?” Hinaplos niya ang pisngi nito at hinalikan sa labi. “Bati na tayo ha? Lambing ko lang naman iyon.”
Nakarinig sila ng palakpak. Nakatayo sa di kalayuan sina Alfonso at Dare. “Ayos! Naniniwala na akong hindi ka under, Andreev,” sabi ni Dare.
Hinaplos ni Alfonso ang sariling baba. “Di ko alam ‘yang strategy na iyan, ah! Masubukan nga kay Ravelle,” anito at tumalikod. “Ravelle! Gulpihin mo rin ako. Dali! Okay lang sa akin.”
Nag-thumbs up si Dare sa kanya. “May ibubuga ka rin naman pala pagdating sa babae. Isasama na kita sa mga idol ko.”
“Goodluck,” nausal ni Andreev at kinintalan ng halik ang noo niya. “Di nila alam sa iyo lang gumagana ‘yung strategy na iyon.”
Nagtawanan sila nang marinig nila ang matataas na boses nina Ravelle at Akeesha. Palpak nga ang plano nina Alfonso at Dare.