Chapter Andreeve Montinola: Chapter 13

Nang matahimik sila ay saka lang nila na-realize na silang dalawa lang ang tao sa paligid. “Ang ganda dito. Tayong dalawa lang,” sabi ni Jazzmire at umupo sa patay na katawan ng puno na nakahalang sa ilalim ng lilim ng puno.

Tumabi sa kanya si Andreev. “Matagal na pala nating di nagagawa ito. Ang mag-relax nang tayong dalawa lang. You are a full-pledge businesswoman now. Masyado ka nang busy.”

Marami na silang customers sa Human Loves Nature at ngayon pa lang ay pinag-iisip na siya nina Freezia at Illiana kung paano pa mas palalakihin ang sales nila. Abala din siya sa nalalapit na kasal nina Jairon at Xandie kung saan abay siya.

“Sus! Nagtampo ang hindi busy.”

Weekends na lang halos ang free kay Andreev dahil ang focus nito ngayon ay ang training nito bilang susunod na presidente ng East Dragon Bank. He was ready to take on the role from his mother.

“I just wish we could spend more time together. Sa palagay mo saan tayo pwedeng magkaroon ng privacy? Doon sa di nila tayo basta masusundan,” tanong ni Andreev. “Kung dito tayo, anumang oras ay babalik ang apat na iyon at siguradong hindi pa rin sila magkakasundo.”

Lumabi siya. “Ganyan din naman tayo dati. Pero dahil gusto mo na magsolo tayo, pwede tayong mag-rent ng isang treehouse. Walang manggugulo sa atin doon,” bulong niya dito sa nang-aakit na boses.

Nagsususpetsa siya nitong tiningnan. “May plano ka sa akin.”

“Kiss you all over,” usal niya sa ibabaw ng labi nito.

“Ooopps! You have to wait until you are married to me,” anito at itinulak ang noo niya palayo dito. “Akala mo ba easy ako?”

“Kakagatin ko na lang ang tainga mo,” aniya at malarong kinagat ang tainga nito.

“Hey! My ears are off-limits,” anito at tinakpan ang dalawang tainga.

Humagikgik siya dahil alam na niya ang weakness ng nobyo. Sensitive talaga ang tainga nito. Natigil ang kulitan nila nang makarinig sila ng malakas na putok.

“Putok ng baril iyon,” kinakabahang usal ni Jazzmire.

“Galing sa direksiyon kung saan nagpunta sila Alfonso,” sabi ni Andreev at dali-daling tumakbo papunta sa direksiyon kung saan galing ang putok.

Nakatago ang bahaging iyon sa kinalalagyan nila dahil pakurba ang shoreline. Habang tumatakbo ay sinikap ni Andreev na tawagan si Ridge, ang isa sa security officer ng Stallion Island na sumama sa kanila sa Nirvana Island.

Nakita nila sa bandang dulo ng buhanginan na ang border ay isang mataas na limestone formation ay naroon na ang apat. “Anong nangyari?” tanong ni Andreev bago pa nakalapit sa mga ito.

Nilapitan sila ng naluluhang si Akeesha. “May mga poachers na nakita sila Ravelle at sinubukan niyang pigilan pero may baril pala. N-Nabaril si Alfonso.”

“What?” bulalas ni Andreev at nakita niyang nakahiga sa kandungan ni Ravelle ang kapatid nito. Hawak nito ang balikat na may nakatapal na tela na sa palagay niya ay damit ni Dare na ginamit para pigilan ang pagdudugo.

“Huwag kang mag-alala,” sabi ni Alfonso at pilit na ngumiti. “Malayo naman sa bituka ang tama ko. Pero kailangang mahabol ang mga Chinese poachers na iyon. You have to alert the Coast Guards.”

“Saka mo na isipin iyon. Kailangan ka munang magamot,” halos histerikal niyang sabi. Kung may bala sa balikat nito, kailangan itong maidala agad sa Stallion Island kung saan mas maganda ang medical facilities.

Lumapit sa kanila si Dare na hawak ang cellphone nito. “Magpapadala sila ng chopper para sunduin si Alfonso. May susundo din ditong sasakyan para madala siya sa clearing area. Naka-alerto na rin sa Coast Guard ang tungkol sa mga poacher.”

Hinubad din ni Andreev ang checkered na polo na suot nito at inilahad ang kamay sa kanya. “Look for a flat board. Kailangan ng torniquet para di na maigalaw ni Alfonso ang kamay niya..”

“Kasalanan ko ito,” humihikbing sabi ni Ravelle. “Sana.. sana hindi na lang ako nagmagaling. Sana hindi na lang ako nagpakita sa mga poachers. Sana hindi nangyari ito.”

Inangat ni Alfonso ang isang kamay nito at hinaplos ang mukha ni Ravelle. “Hey! It is not your fault. Mas maganda nang ako ang nasaktan kaysa ikaw.”

“I won’t let those bastards get away with this,” anang si Andreev sa matatag na boses. “Wala silang karapatan na saktan ang kuya ko.”

Nahigit niya ang hininga. Kuya. Tinawag ni Andreev na kuya si Alfonso. Ibig sabihin ay kinikilala na talaga nito si Alfonso bilang kapatid nito?

Biglang umigik sa sakit si Alfonso. Naalarma silang lahat. “Bakit?” tanong ni Jazzmire at hinawakan ang balikat nito na walang tama.

“Kuya. Tinawag niya akong kuya. Ang alam ng mga taga-Stallion Island ay mas matanda si Andreev sa akin,” nakangiwing sabi ni Alfonso. “That will surely ruin my image.”

“Puro ka pa kalokohan samantalang muntik ka nang mamatay,” anang si Andreev na bahagyang ngumiti. “At wala ka talagang magagawa. Mas gurang ka sa akin, Kuya.”

“Mas gusto ko pang maoperahan nang walang anesthesia kaysa tawagin mo akong kuya. You really hate me, don’t you?”

“Hindi ko alam kung paano kita naging kapatid. You are crazy,” sabi ni Andreev. Ang kulitan ng mga ito ay sapat na para mawala ang mawala sa isip ni Alfonso ang sakit ng tama ng bala sa balikat nito.

Nang dumating ang chopper ay si Andreev ang sumama kay Alfonso pabalik ng Stallion Island. Habang iyak naman nang iyak si Ravelle.

“Kasalanan ko kapag… kapag lumala ang kondisyon ni Alfonso,” humihikbing wika ng dalaga. “Ang sama-sama ko pa mandin sa kanya.”

Nakangiti itong inakbayan ni Jazzmire. “Huwag kang mag-alala. Magiging okay din si Alfonso. Hindi siya pababayaan ni Andreev.”

“NAKA-detain na ang Chinese poachers at nabawi na rin ang mga hayop na nanakaw nila sa sanctuary at sa iba pang area dito sa Palawan. Magdadagdag din kami ng mga tauhan sa Nirvana Island para mabantayan ang mga poachers. Kailangan ng magpa-patrol sa area na iyon kung hanggang dito na pala sa area natin nakakaabot ang mga illegal poachers,” balita ng security head ng Stallion Island na si Oliver.

Nasa security control center ng Stallion Island sina Jazzmire at Andreev para makibalita sa nangyari. Halos di makausap si Andreev mula pa nang umalis sila sa Stallion Island Medical Center kung saan kasalukuyang nakalagak si Alfonso. Tapos nang tanggalin ang bala sa balikat nito na sa kabutihang-palad ay flesh wound lang. Iniwan nila itong natutulog sa suite nito at binabantayan ni Ravelle.

“Gusto kong matiyak na di na sila makakalabas ng kulungan. Hindi lang sila pumasok sa teritoryo ng Pilipinas. Nagnakaw pa sila ng likas na yaman natin at nanakit pa sila ng tao. Oras na para matuto sila ng leksiyon nila. Masyado nilang minamaliit ang mga tao dito sa Pilipinas,” wika ni Andreev sa mabigat na boses. He was really, really mad. Isa-suggest rin niya dito na huwag na nitong puntahan ang mga Chinese poachers sa kulungan dahil baka masaktan lang nito.

“Huwag kang mag-alala. First thing on Monday morning, we will file a case against them. Weekend lang ngayon kaya walang bukas na korte,” sabi ni Oliver. “Hindi natin ito palalampasin.”

Magiging mainit ang isyu na ito dahil sa agawan ng teritoryo sa Pilipinas pero kailangan ito. Malayo ang Stallion Island sa pinag-aagawang teritoryo ng China, Pilipinas at iba pang ASEAN countries pero mas nakakabahala na ang mga Chinese poachers ay nakakapasok na hanggang sa area nila na tago. Mahalaga para sa Stallion Island na alagaan ang kapakanan ng mga miyembro nito at ang likas na yamang nakapaligid sa isla.

“And I don’t mind spending my own money for Nirvana Island’s security. Ayoko nang maulit ang nangyari sa kapatid ko sa iba,” wika ni Andreev. “Hindi na kami magtatagal. Babalik pa kami sa medical center. Salamat sa tulong.”

“No problem,” pormal na wika Olivier at kinamayan ito.

“Salamat,” sabi rin niya kay Olivier at kinamayan ito. Alam niyang mas lumawak ang responsibilidad nito ngayon dahil di lang Stallion Island ang aalalahanin nito kundi pati ang Nirvana Island.

“Andreev, magpahinga ka muna o kumain man lang. Ni hindi mo man lang binawasan ang kape mo kanina. Baka ikaw naman ang magkasakit diyan,” sabi niya dito at hinawakan ito sa braso nang maglalakad ito patungo sa medical center.

“Kailangan kong bantayan ang kapatid ko,” anito sa mariing boses.

“He is safe now. Nandoon din si Ravelle para bantayan siya.” Pinara niya ang e-jeepney na dumadaan at hinila pasakay si Andreev. “Sa Cosmic Café po tayo.”

Naalarma si Andreev. “Malayo iyon sa Centrail Town. Sa Rainbow Village pa ang Cosmic Café.”

“Iyon ang pinakatahimik na restaurant ngayon.” Dahil weekends ay buhay na buhay ang mga establishment sa Stallion Island. Maraming acts sa mga restaurant. Sinadya ng Cosmic Café na walang act sa gabing iyon para magkaroon ng lugar sa mga tao na gusto lang mag-relax, magbasa ng libro at ang tanging maririnig lang ay ang huni ng mga kuliglig sa kagubatan.

Walang nagawa si Andreev kundi umupo sa tabi niya. Nang dumating sila sa Cosmic Café ay pinili nila ang upuan sa labas kung saan natatanaw ang flower field at sa dako pa doon ay tanaw ang dagat na nasisinagan ng liwanag ng bilog na buwan. Umorder siya ng vegetable salad at melon-cucumber shake para sa kanya habang watermelon shake naman para kay Andreev.

“Alfonso will be fine,” aniya at pinisil ang kamay nito.

“Masama ba akong kapatid?” tanong nito sa kanya.

“Bakit naman?”

“Hindi ko matanggap si Alfonso noon. Kinamuhian ko siya at ang daddy ko lalo na nang i-claim ng nanay ni Alfonso na si Alfonso ang totoong may karapatan sa East Dragon Bank at orihinal na tagapagmana at hindi ako. At kahit ngayon, pakiramdam ko mas gusto ni Lola Milagros na siya ang maging tagapagmana. Na madali lang para sa kanya na isantabi ako samantalang siya mismo ang nag-groom sa akin para maging tagapagmana niya. Pakiramdam ko sinira ni Alfonso ang pamilya ko. He tried to reach out before but I just ignored him. I didn’t want to recognize his existence. Hanggang mangyari nga ito sa kanya.”

“Andreev, natural lang siguro na nasaktan ka. Hindi ito ang oras para sisihin mo ang sarili mo. Isipin mo na lang may pagkakataon pa para magkasundo kayong magkapatid. Na nandito ka na para sa kanya.”

Hinaplos nito ang kamay niya at nakita niya ang takot sa mga mata ko. “Parang mamamatay ako nang makita ko siyang duguan. A-Akala ko wala akong pakialam sa kanya. Na bato ako at di ko dibdibdin kung mawala man siya sa buhay ko. Hindi ko pala kaya. Kahit bali-baligtarin ko ang mundo, magkapatid pa rin kami.”

“Iyan ang sinasabi ko sa iyo dati, di ba? So don’t be so hard on yourself. Na-realize mo na ang mali mo. Hindi makakatulong kung sisisihin mo pa ang sarili mo. Pareho lang kayong biktima ng pagkakataon.”

Kinintalan nito ng halik ang likod ng palad niya. “Thank you. Jazzmire. Ikaw ang tulay na nagdugtong sa amin ni Alfonso. I mean, Kuya Alfonso. Kung wala ka, baka hanggang ngayon bato pa rin ang puso ko. Hindi ko rin maitutuwid ang mga pagkakamali ko.” Puno ng emosyon siya nitong tinitigan sa mga mata. “I love you, Jazzmire. Ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko.”

Niyakap niya si Andreev at hindi siya makapagsalita dahil parang sasabog ang dibdib niya sa emosyon. Masaya siya sa magagandang bagay na nangyayari dito. Masaya siya dahil naging bahagi siya nito. Sana ay hindi na matapos ito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.