EXCITED si Jazzmire dahil kasusukat lang niya ng pang-abay niyang gown para sa kasal ng Kuya Jairon niya at ng nobya nitong si Xandie. Sa isang linggo na ang kasalan at isa lang ang goal niya-ang masalo ang bouquet. Hindi talaga siya mahilig sa mga kasalan dahil di talaga siya maka-relate sa mga taong in love. Pero dahil kay Andreev ay nai-imagine na rin niya ang sarili na ikinakasal. Sasaluhin niya ang bouquet at iaalay dito.
Mahigit dalawang buwan na rin niya itong nobyo. Sa loob ng tatlong buwan na iyon ay pareho silang nag-grow sa relasyon nila. Noong una kasi ay natatakot siya na baka mangapa siya at di niya alam kung paano maging mabuting girlfriend kay Andreev. Pero inalalayan siya nito. Hindi ipinaparamdam ni Andreev na mas superior ito sa kanya. Akala pa mandin niya ay chauvinist ito at arogante pero pinahahalagahan siya nito. She was sure that her heart made the right choice. Sana ay di rin magsisi si Andreev na mahalin siya.
Pagdating niya ng bahay ay sinalubong agad siya ng Mama niya. “Jazzmire, may bisita kang naghihintay sa loob. Magdalena Cordova daw. Nanay daw ng kaibigan mong si Alfonso.”
Kumunot ang noo niya. Ano kayang kailangan ng nanay ni Alfonso sa kanya? Pagpasok sa sala ay masinsinan itong kausap ng Lolo at Papa niya. “Ma’am Magda, napadalaw po kayo.”
Wala siyang narinig mula dito matapos nitong gumawa ng eksena sa launching ng Human Loves Nature. Pasalamat na lang siya dahil mabilis na naibaling ang atensiyon ng mga tao sa produkto nila at mas marami pang eksenang nangyari kaya nakalimutan ng mga tao ang gulong ginawa nito. Si Alfonso lang ang humingi ng paumanhin sa ginawa nito.
“May importante siyang sasabihin sa iyo, hija,” sabi ni Lolo Ping at tumayo. “Magpahinga muna kayo.”
“Mas mabuti pang sa inyo na mismo marinig ni Jazzmire ang mga sasabihin ninyo,” sabi ng Papa niya at tumayo na rin para alalayan ang lolo niya. Malaman ang sinabi ng mga ito sa kanya dahilan para kabahan siya. Matapos ang eksenang ginawa ni Magda sa launching para ipahiya ang mga Montinola ay wala na siyang tiwala dito. Pakiramdam niya ay laging gulo ang dala nito.
“Ano po ‘yung importanteng sasabihin ninyo, Ma’am?” tanong niya sa nanay ni Alfonso at umupo sa sofa sa tapat nito.
“Pasensiya na sa nangyari sa launching mo. Ayoko naman talagang manggulo pero di ko rin kayang makipag-plastikan kay Doña Milagros at kay Fritzella.” Saka ito umismid. “Minamata nila ako dahil di ako ipinanganak na mayaman.”
“Kalimutan na po ninyo iyon.” Sa susunod ay di na lang niya ihahalo si Magda kapag naroon sina Fritzella at Milagros. Magiging maingat na siya sa pag-iimbita dito.
“Talaga? Pinapatawad mo na ako?” Nagningning ang mga mata nito. “Mabait ka nga tulad ng sinabi ni Alfonso. Kaya nga hindi ko matiis na hayaan ka lang lokohin ng ibang tao.”
Nagsalubong ang kilay niya. “Lokohin po ako? Nino?”
Naglabas ito ng cigarette case at di man lang nagpaalam nang maglabas ng sigarilyo at sinindihan iyon. Bumuga ito paitaas. “Pinapaikot ka lang ni Andreev. Ginagamit ka lang niya para makuha ang malaking porsiyento ng stocks na dapat sana ay para kay Alfonso. Gusto niyang makuha ang pagiging presidente ng East Dragon Bank.”
Napanganga siya sa pagtataka. “H-Hindi ko po maintindihan kung paanong napasok po ako sa East Dragon Bank.”
As far as she was concerned, Andreev deserved to be the president of East Dragon Bank. He is groomed to be its successor. At lalong walang kinalaman ang relasyon nila para makuha nito ang malaking porsiyento ng stocks ng bangko.
Itinuro siya nito gamit ang sigarilyo. “Gustong-gusto ka ni Doña Milagros na ikaw ang mapangasawa ng apo niya. Kaya sinabi niya kay Andreev na kailangang makumbinsi ka niya na magpakasal sa loob ng isang taon para makuha ang majority ng stocks sa East Dragon Bank at matiyak na sa kanya rin maipapasa ang presidency. Hindi ka naman talaga niya mahal. Napipilitan lang siyang pakisamahan ka para maging totoong tagapagmana.”
Hindi ka talaga niya mahal. Hindi ka talaga niya mahal.
Parang may palasong tumama sa dibdib niya dahil sa rebelasyong iyon. Ginagamit lang siya ni Andreev? Lahat ba ng pagmamahal na ipinakita nito sa kanya ay palabas lang? Ang yakap, halik at pag-aalaga nito ay puro lang ba pagkukunwari?
“At bakit ninyo sinasabi ito sa akin? Dahil ba mapupunta kay Alfonso ang lahat ng mawawala kay Andreev kapag di natuloy ang kasal namin?” direktang tanong niya dito. Malay ba niya kung gawa-gawa lang nito ang lahat para siraan si Andreev. Hindi naman siya pupuntahan ni Magda kung wala itong mapapakinabangan o ang anak nito.
Nagkibit-balikat ito at tinapik ang sigarilyo sa ashtray. “Oo. Mapupunta kay Alfonso iyon. Pero hindi na iyon ang mahalaga. Gusto ka din ni Alfonso. Dapat liligawan ka niya kundi mo lang sinagot si Andreev…”
Huminga siya ng malalim at tumayo. “Ayokong maging bastos, Ma’am. Pero makakaalis na po kayo. Hindi po ako interesado sa mga sinasabi ninyo.”
Ayaw na niyang marinig ang mga kasinungalingan tungkol kay Andreev. Pati ang pagkakaibigan nila ni Alfonso ay nababahiran ng mantsa dahil sa nanay nito. Masaya sila ni Andreev. Mahal nila ang isa’t isa. Okay na rin ang relasyon ng magkapatid. Hindi niya kailangan ng ganitong isyu.
Hindi natinag si Magda sa kinauupuan. “Sabi ni Alfonso matalino ka. Huwag kang magtanga-tangahan. Katulad din iyan ng ginawa nila sa amin ni Henry. Pinaglayo niya kami dahil ibang babae ang gusto nila para kay Henry. Tinrato nila akong parang basahan pero ako ang mahal ni Henry. Habang pakakasalan mo naman ang lalaking hindi ka mahal. Hindi naman iyon patas dahil mahal mo si Andreev.”
“Makakaalis na po kayo, Ma’am,” mas mariin niyang wika. Nakuyom niya ang palad. Nanginginig na talaga siya sa galit.
Tumayo ito at nakangisi siyang pinagmasdan. “Tanungin mo si Andreev. Tanungin mo si Doña Milagros. Alam din tiyak iyan ni Fritzella dahil may kinalaman sa mana ng anak niya. Siyempre di nga naman siya papayag na mawalan ng mana ang anak niya. Gahaman sila sa pera. Pinaglalaruan ka lang nila. Huwag mong hayaang paikutin ka nila. Magiging miserable ka kapag hinayaan mo si Andreev na bilugin ang ulo mo,” sabi nito at naglakad na palayo.
Parang nasa limbo si Jazzmire ng mga oras na iyon. Parang hindi totoo. Nakita niya kung gaano siya kamahal ni Andreev. Pero malaki rin ang posibilidad na totoo ang sinabi ni Magda. Talaga minahal siya ni Andreev o isa lang siyang oportunidad?
Nilapitan siya ng mama, papa at lolo niya nang makaalis na si Magda. Alam na rin ng mga ito ang lahat. Ang mga ito ang unang kinausap ni Magda. "Anak, anong gagawin mo ngayon?" tanong ng mama niya. Mukhang alam na ng pamilya niya ang lahat bago pa man siya dumating.
"Hindi ko pa po alam,” mahina niyang usal. Naguguluhan pa rin kasi siya hanggang ngayon. Hindi niya alam kung anong dapat na paniwalaan.
"Papa, ano po bang plano ninyo kay Jazzmire?” may halong akusasyon na tanong ng Papa niya sa Lolo Ping niya. “Gusto ba ninyong saktan ang anak ko?”
"Wala na akong kinalaman sa kanila ni Andreev. Hindi namin sila ipinagkasundo. Sila ang nagligawan. Sila ang nagkagustuhan. Kung may iba pang usapan sina Andreev at Milagros, labas na ako diyan," depensa ng lolo niya.
Malungkot niya itong pinagmasdan. "Alam ko po na wala kayong kinalaman dito, Lolo.” Pwede naman nitong ipilit na ipagkasundo sila ni Andreev pero hindi nito ginawa. Hinayaan siya nitong magdesisyon. Siya ang kusang nagmahal kay Andreev. “Kakausapin ko si Andreev tungkol dito."
"Halata namang gusto lang niyang siraan si Andreev. Siya ang makikinabang kapag di ka pinakasalan ni Andreev,” sabi ng mama niya na di mapakali at nagpalakad-lakad. “Kahit naman sino ang tanungin mo, isang oportunista si Magda Cordova. Hindi ba’t nang naghihirap na si Henry ay iniwan niya para magpakasal sa mas matanda pero mas mayamang lalaki? Ipinaako pa sa ibang lalaki ang anak niya.”
At anong rason ni Andreev para pakasalan siya? Dahil ba mahal siya nito o dahil siya ang paraan para makuha nito ang kayamanan ng pamilya nito? Nagkukunwari lang ba itong mahal siya? Ano ba talaga siya sa buhay nito?
"Aalis po muna ako,” wika niya at dinampot ang bag niya.
"Jazzmire, huwag kang umalis nang magulo pa ang isip mo,” anang Papa niya.
"Mas lalo pong magugulo ang isip ko hangga't di ko po alam ang totoo.” Walang ibang oras para malaman ang totoo kundi ngayon.
"Ipapahatid kita kay Mang Mando,” anang lolo niya at ipinatawag ang driver nila.
Naipagpasalamat niyang pumayag siyang ihatid ng driver nila. Wala siya sa kondisyon na mag-drive. Nanginginig siya sa magkahalong takot, galit at sama ng loob. Kaya ba siyang linlangin ni Andreev sa ngalan ng salapi?
"Ma'am, saan po tayo?" tanong ni Mang Mando.
Huminga siya ng malalim at tinawagan ang opisina ni Andreev. "Hello, Maristella,” bati niya sa sekretarya nito. “Si Jazzmire 'to. Nandiyan ba si Andreev? Gusto ko siyang s-dalawin."
"Patapos na po ang meeting niya. Wala po siyang ibang schedule sa hapong ito. Matutuwa po siya kapag nakita kayo."
"Sosorpresahin ko siya." Malaking sorpresa talaga ang dala niya.
"Romantic talaga kayo, Ma’am,” kinikilig nitong sabi.
Wala yata siya sa romantic mood ngayon. Her whole being was screaming war. Sa lahat ng pagmamahal na ibinigay niya kay Andreev, deserve ba niyang paikutin nito?
Lutang pa rin ang isip niya hanggang makarating sa opisina ni Andreev. Nakangiti siyang sinalubong ni Maristela. "Ma'am, nasa loob po si Sir Andreev kasama si Sir Alfonso. Sasabihin ko pong nandito kayo."
Mahigpit ang pagkakakuyom niya sa palad niya. Di pa rin niya alam kung anong dapat niyang sabihin kay Andreev. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakaramdam siya ng panghihina. Ipinagmamalaki niya ang lakas ng loob niya. Kahit na minsan ay di pa siya nagpadehado. Pero ngayon ay inaalihan siya ng takot. Kung hindi talaga siya mahal ni Andreev, paano niya iyon tatanggapin?
"Pwede na po kayong pumasok, Ma'am," nakangiting wika nito.
"Thank you."
Walang kangiti-ngiti siyang pumasok sa opisina. "Hey, Jazzmire!" bati ni Alfonso. Madalas na ito sa opisina ni Andreev dahil na rin sa nabuong bond ng mga ito.
Nilagpasan lang niya ito at kusang sumara ang pinto. Direkta siyang lumapit kay Andreev. "Andreev, totoo ba na kapag di mo ako pinakasalan, ipapamana ni Lola Milagros ang stocks at presidency ng East Dragon Bank kay Alfonso?"
Natahimik ang kuwarto at nakita niya ang pagkabigla ni Andreev. Naobserbahan niya na dumapo ang tingin nito kay Alfonso.
"Jazzmire, sino naman ang nagsabi sa iyo niyan?" tanong ni Alfonso na may bahid ng panginginig ang boses.
"Ang nanay mo," nakataas ang kilay niyang sagot at nilingon si Alfonso. "May alam ka rin ba dito?"
"Sinabi ni Mommy sa iyo?” bulalas ni Alfonso at namutla.
Tumango siya. “Nagpunta siya kanina sa bahay namin. Mas una niyang kinausap ang pamilya ko.”
“Jazzmire, alam mong di magkasundo sila Mommy at ang side nila Andreev,” apela ni Alfonso.
"Alam ko. Pero sinabi niya sa akin na di niya kailangang umimbento ng kwento. Kaya nandito ako para malaman ang totoo. Totoo bang inutusan ni Lola Milagros si Andreev na pakasalan ako para tiyaking di mo makukuha ang stocks ng bangko at ang presidency?"
"It’s not what you think." Sa tono ni Alfonso ay parang gusto siya nitong pakalmahin. But she was calm. It was the calm before the storm.
"Alfonso, ako na ang bahala sa kanya. Kindly leave us. Thank you,” pormal na wika ni Andreev at inilahad ang palad sa direksyon ng pinto.
Huminga ng malalim si Alfonso. Parang ayaw nitong iwan silang dalawa ni Andreev. "Kung kailangan mo ng tulong..."
"It's about me and Jazzmire. I can handle this," Andreev declared in a morose tone.
Ihinanda na niya ang sarili sa pagtutuos nila ni Andreev. Sa piping komunikasyon ng magkapatid, she must prepare herself for the worst.
"Take a seat, Jazzmire,” utos ni Andreev.
"Hindi ako magtatagal. Gusto ko lang malaman ang totoo. Totoo ba ang sinabi ng nanay kailangan mo akong pakasalan para makuha ang stocks ng bangko at ma-secure ang presidency ng bangko?" walang gatol niyang tanong. May piping hiling siya sa puso na sana nga ay paninira lang ang lahat. Na ginagawa lang iyon ni Magda para guluhin sila.
Mahabang sandali siya nitong pinagmasdan bago sumagot. "Iyon ang gusto ni Lola Milagros. Gustong-gusto ka niyang maging apo at gusto niyang maging parte ka ng pamilya namin. She wants me to get married soon. At ikaw ang napili niya..."
Napailing siya at sinapo ang noo. Pakiramdam niya ay may palaso sa puso niya dahil sa nalaman. "Kaya pala galit na galit ka sa akin noon. Akala mo mina-manipulate at ginigipit kita sa tulong ng lola mo para lang mapilitan kang pakasalan ako. Now I know,” aniya sa mapait na tono.
Akala niya ay paranoid lang ito sa simpleng matchmaking ni Lola Milagros. May valid reason pala ito para maghinala nang di maganda sa kanya. Malay ba niyang bina-blackmail pala ito ng lola nito.
"Nalaman ko naman na wala kang kinalaman sa mga desisyon ni Lola. Pareho lang naman tayong walang alam,” wika nito.
Isang mapait na ngiti ang sumilay sa labi niya. "Alam mong inosente ako kaya nagawa mong makipaglapit sa akin at papaniwalain ako na mahal mo ako. Tanga ako kasi akala ko gusto mo talaga ako."
Dumilim ang mukha nito at tumayo. "Pinapalabas mo bang sinungaling ako?"
"Liar. Manipulator. Come on! Huwag mong sabihing ipipilit mo pa ring mahal mo ako. Andreev, gusto ko lang malaman ang totoo. Sabihin mo na lang. Huwag na tayong maglokohan." Gusto niyang magwala sa galit. Huwag nitong sabihing lilinisin pa nito ang imahe nito at dedepensahan ang sarili samantalang malinaw dito ang lahat. Ginamit lang siya nito.
"Hindi ako nagsisinungaling sa nararamdaman ko."
"Huwag mo nang sabihin, Andreev. Hindi naman ako tanga."
Anong nararamdaman nito? Na hindi siya nito mahal at pagkukunwari lang ang lahat? Lahat ng pagmamahal nito ay kasinungalingan lang? Di niya mapigilan ang damdamin at napaiyak. Kusang umagos ang luha sa mata niya at wala siyang nagawa kundi talikuran lang ito habang lumuluha.
Kaninang umaga lang ay masayang-masaya siya. It was like building sandcastle dreams. Pero naglahong lahat iyon.
Hinaplos nito ang pisngi niya. "Jazzmire, please don't cry."
Pinalis niya ang kamay nito. "Shut up! Hindi ako nagpapaawa sa 'yo."
"I know. Hindi ikaw ang tipo ng babae na dadaanin sa luha para makuha ang gusto."
Tanga lang talaga siya dahil hindi niya magawang saktan si Andreev kahit na sinasaktan siya nito. "Andreev, stop acting like you care. Sabihin mo na sa akin kundi mo ako mahal. Hindi mo na ako kailangang paikutin. Tutulungan pa rin kitang makuha 'yung deserve mo sa kompanyang 'to. Pwede kang magkunwari na mahal mo ako sa harap ng ibang tao pero huwag kang magkunwari sa akin."
"Bakit tutulungan mo pa rin ako?"
"Because I am stupid. Because I still love you. Mamahalin pa rin kita kahit di mo ako mahal pero kailangang maging totoo ka sa akin. Matatanggap ko na di mo ako mahal. Huwag lang sinasabing mahal mo ako para sa pansarili mong interes. Para kung wala ka nang pakinabang sa akin at itatapon mo ako, maihanda ko na ang sarili ko."
Who would have thought that she'd be this pathetic. Kahit naman kasi anong gawin niya ay mamahalin niya si Andreev. She was willing to make the ultimate sacrifice for him. Ganoon ito kahalaga sa kanya. Pero bilang kapalit ay gusto niyang malaman kung ano siya sa buhay nito.
"Gusto kong sabihin ang totoo pero alam ko di ka maniniwala. So give me a few minutes and I'll give you the answer you need." Tumawag ito sa cellphone nito. “Attorney Panlilio, please bring the shares transfer document to my office. Five minutes max. This is important.”
Tensiyonado si Jazzmire habang naghihintay. Hindi niya alam kung para saan ang dokumentong iyon. Pero sa palagay niya ay marami siyang matutuklasan kaya lalo siyang kinabahan. Maya maya pa ay pumasok ang isang matandang lalaki.
"Attorney Panlilio of the legal department,” pagpapakilala ni Andreev.
“Attorney,” aniya sa pormal na boses at kinamayan ito.
"Ito na ang papeles na kailangan ninyo,” sabi nito kay Andreev at inabot ang isang blue folder. Inabot naman ni Andreev ang folder sa kanya.
"Ano ito?" tanong niya at binuklat ang folder.
"Sinasabi diyan na noong isang buwan pa nakasalin ang thirty-five percent ng share of stocks ng East Dragon Bank sa pangalan ni Andreev,” paliwanag ni Attorney Panlilio.
"Thank you, Attorney Panlilio,” wika ni Andreev at umalis na ang butihing abogado.
Legal jargons were swarming before her eyes. Pero malinaw ang nasa dokumento. Nakapangalan na ang thirty percent ng shares ni Milagros Montinola kay Andreev. Iyon ang shares na makukuha lang ni Andreev oras na pakasalan siya nito.
"Anong ibig sabihin nito?" tanong ni Jazzmire at inangat ang tingin kay Andreev.
"Na hindi kita kailangang pakasalan para makuha ang stocks ng East Dragon Bank,” paliwanag nito.
Nagsalubong ang kilay niya. "Nag-iba ang kasunduan ninyo ni Lola Milagros?"
"Jazzmire, the deal is off. Nang gabing nasa Fuego Dance Club tayo, sinabi ni Lola Milagros na ibibigay niya sa akin ang stocks ng East Dragon Bank kahit di kita pakasalan. Sa palagay daw niya mas magiging masaya ka kung kay Alfonso ka na lang. Hindi ko na kailangang makipaglapit sa iyo. Wala na akong dahilan.”
"Why didn't you let me go? Nasa iyo na ang shares. Di mo na kailangang gawin 'to. Wala naman na kayong competition ni Alfonso."
Hinawakan nito ang balikat niya. "Hindi mo ba naiintindihan? I love you. Aaminin ko na nakipaglapit ako sa iyo noong una dahil di ko papayagan na mapunta sa side nila Alfonso ang lahat ng pinaghirapan ko. Pero nang makita kitang kasama si Alfonso, nagselos ako. Kahit nang sabihin ni Lola na di na kita kailangang pakasalan, I couldn't let go."
"Why?"
"Because you make me happy. You made me want to care. Because I prefer having your love than getting the shares."
Hindi siya makapaniwala sa sinasabi nito. It was too good to be true. Kaya ba talagang gawin iyon ni Andreev para sa kanya?
"Pero mahalaga sa iyo ang bangko,” paalala niya.
"Yes. Pero marami pa akong kayang patunayan sa negosyo. Alfonso started his business from scratch. Kaya ko rin iyon. Pero mahihirapan na akong makahanap ng tulad mo. Baka nga di na ako makatagpo ng tulad mo. Ikaw lang magmamahal at magpapasaya sa akin ng ganito. Without you, I can't start from scratch. Without you nothing else matters."
Natunaw ang galit sa puso niya at napaiyak na naman siya. She was hearing the sweetest things from him. Akala niya kanina ay bumagsak ang mundo niya pero ngayon ay nabuo muli ang kastilyong binuo niya. Pero nakikita niya ang sinseridad sa mga mata ng binata. Nararamdaman niya kung gaano siya kahalaga dito. Naidaan na lang niya sa pag-iyak ang kaligayahan niya.
Niyakap niya ito at humagulgol ng iyak kasabay ng halakhak. "Andreev, I hate you. Pinapaiyak mo ako."
"I am sorry. Alam ko na hindi maganda ang simula natin. Na may ulterior motive ako. I could easily let you go. Baka iniisip mo na may mas deserving pang lalaki kaysa sa akin. Kung ayaw mo na sa akni, maiintindihan ko."
Kumalas siya dito at kinintalan ito ng halik sa labi. "But I love you. I just never thought that this is possible. Na mamahalin mo ako nang ganito." Akala niya ay simpleng emosyon lang ang pagmamahal. Akala niya ay siya lang ang possessive kay Andreev pero nahigitan pa nitong patunayan ang pagmamahal nito sa kanya.
"No. You are a blessing. Kung wala ka sa buhay ki, baka may bangko nga ako pero di ko naman alam ang kahulugan ng buhay ko. Ikaw."
Dahan-dahang lumapit ang mukha nito sa kanya. Pumikit siya at hinintay ang pagdampi ng labi nito sa kanya. One thing she enjoyed having Andreev with him was his kisses. lalo niyang nararamdaman na siya ang pinakamagandang babae sa paningin nito at mahal siya nito.
Subalit sa halip na dumampi ang labi nito ay isang malakas na katok sa pinto ang narinig nila. "Andreev, buhay ka pa diyan?”
Dumilat siya at umasim ang mukha nang marinig ang sigaw ni Alfonso. Nasa boses nito ang pag-aalala kay Andreev. Baka kundi pa sumagot si Andreev ay pwersahin na nitong pumasok ng pinto sa lakas ng katok nito.
Napilitan si Andreev na buksan ang pinto. “Nag-uusap pa kami.”
Hinawakan ni Alfonso ang balikat nito. “Wala ka bang galos? Hindi ka ba nasaktan? Baka ginulpi ka na. Baka kailangan ng ambulansiya. Medics."
Ngumiti si Andreev saka siya inakbayan para ipakitang kontrolado na nito ang lahat. "Ginulpi niya ako ng pagmamahal kaya wag mo kaming abalahin kung ayaw mong magulpi ni Boss."
Ngumiti at tumango na lang si Alfonso. "Pasensiya naman. Concern lang. Muntik na akong mainggit sa gulpihan ninyo. Sige ituloy lang ninyo 'yan. Di ko na kayo aabalahin."
Ngingiti-ngiti si Andreev nang isara ang pinto at inililis ang manggas ng polo nito. "Round two. Fight!"
Tumalon siya at sinalo siya nito. Pumaikot ang hita niya sa baywang nito at mapusok na inangkin ang labi nito. This was the game she wouldn't mind losing. The way she lost her heart to Andreev.