Nayanig ang mundo ni Seeress nang halikan siya ng isang guwapong lalaki sa gitna ng kasal ng ex-boyfriend niya. Ipinahiya siya nito sa harap ng maraming tao at sinabi pa nitong iniligtas lang siya sa kahihiyan at pinigilan siyang tumutol sa kasal.
Muling nag-krus ang landas nila ni Alfonso Cordova Montinola nang mapadpad ito sa Stallion Island kung saan under probation ito para maging member doon. At sa pagkakataong ito ay nasa kamay niya kung magiging member ito doon o hindi. Pero parang siya pa ang mahihirapan kaysa dito dahil mukhang desidido itong gawin ang lahat para maging member doon. And that includes seducing her over and over again.
Alfonso was tired. Dead tired. Halos hilahin niya ang sarili habang papasok sa condo niya. Katatapos lang niyang buksan ang pang-isandaang branch ng Veggie Good. Org vegetable siopao, siomai at burger ang products niya na patok na patok ngayon mapabata man o matanda. Isa iyong tagumpay lalo na sa tulad niya na itinuturing na nanggaling sa wala. At dadami pa ang mga branch na iyon sa mga darating na buwan.
Isang mahinang ngiti ang sumilay sa labi niya. It was his former father’s recipe. Former father. Eighteen years old siya nang mamatay ang tatay niya. Kasabay ng pagkamatay nito ay doon niya nalaman na ang kinikilala niyang ama at nagpalaki sa kanya na si Antonio Cordova ay hindi pala ang tunay niyang ama kundi si Henry Montinola.
Buntis na pala ang nanay niya sa ibang lalaki nang pakasalan ang tatay niya. At dahil patay na ang kinikilala niyang ama ay ipinaalam na ng nanay niya ang totoo para daw makahingi sila ng sustento mula sa tunay niyang ama.
Naglayas siya noon at nagtrabaho kung saan-saan. Nag-ipon siya ng pera at dinagdagan ang iniwang pamana ni Antonio. Ayaw niyang humarap sa mga Montinola nang iniisip ng mga ito na pera lang ang habol niya sa mga ito. Nagsumikap siya at ginamit niya ang mga pamanang recipe sa kanya ni Antonio para magtayo ng sarili niyang negosyo. He even used his face as his own model.
He was still Antonio Cordova’s son. Hindi niya kilala si Henry Montinola. Kaya kahit na gusto ng lola niya na si Milagros Montinola na palitan na niya ang apelyido para mapamanahan siya nito ay di niya tinanggap. Hindi niya kayang talikuran ang pagiging anak ni Antonio Cordova.
Ibinagsak niya ang sarili sa kama. He wanted to celebrate with a beautiful woman in his arms but he didn’t have the strength. Ni wala nga siyang lakas para mag-shower at magbihis. Maybe tomorrow he would do that. If only he could clear his schedule. Nami-miss tuloy niya ang panahon na pwede siyang ma-relax at mag-enjoy sa buhay.
Nagsisimula na siyang matulog nang mag-ring ang doorbell niya. Ayaw sana niyang pansinin iyon subalit nagsunud-sunod ang ring niyon hanggang halos mabingi na siya. Hindi rin siya makatulog at malamang ay sasakit pa ang ulo niya kapag di niya napatigil ang sinumang nambubulahaw sa kanya.
Sapo ang ulo niyang sinilip ang taong nambulahaw sa kanya. Nagulat siya nang makita ang dating nobyang si Janeth na nakatayo sa pinto. Namamaga ang mga mata nito at mukha itong multo dahil kumakatas ang mascara nito at kumalat na sa paligid ng mata nito. She looked like a mess.
Binuksan niya ang pinto. “Janeth, this is a surprise!”
“Pwede bang pumasok?” tanong nito at pinunasan ang luha.
“S-Sure,” aniya at niluwagan ang bukas ng pinto. “Do you still drink chamomile tea? That will help you.”
Malungkot itong ngumiti at umupo sa couch. Mukhang mas pagod pa ito sa kanya. “Thanks, Alfonso. Naaalala mo pa pala.”
Sampung taon na ang nakakaraan nang maging nobya niya si Janeth. Nasa third year college ito noon. She liked her for her innocence. Ito rin ang unang babaeng niligawan niya. Subalit nang gusto nitong may mangyari sa kanya at gusto nitong pakasalan niya ito para makatakas sa mahigpit nitong magulang ay umurong siya. Nahirapan ito na maka-recover sa kanya ayon sa mga kaibigan nito. Hindi maganda ang naging paghihiwalay niya at pinalitan agad niya ito ng girlfriend wala pang isang linggo. He had to be cruel to be kind. Hindi niya pwedeng sirain ang kinabukasan nito dahil mas gaganda ang buhay nito sa poder ng pamilya nito. Hindi solusyon ang kasal para makatakas ito sa istriktong mga magulang.
Natuwa siya nang malamang may boyfriend na ito na isang accountant din gaya nito. Ang alam niya ay malapit nang ikasal ang mga ito subalit hindi siya imbitado. Of course ex-boyfriends especially one as good looking as him were not invited in the wedding. Mahirap na dahil baka magbago ang isip ng bride.
Kaya nagtataka siya kung anong ginagawa ni Janeth sa condo niya. Kinakabahan siya. Wala siyang planong mapikot. Pero dahil may pinagsamahan naman sila ay susubukan niya itong i-accommodate. Hindi rin naman niya kayang talikuran si Janeth.
Inabot niya ang tsaa dito. “Bakit ka pala naligaw dito?”
Tahimik itong uminom ng tsaa at pagkuwan ay tinitigan siya nang matiim. “Sabi mo sa akin gagawin mo ang lahat para makabawi ka sa akin, di ba? That you will try to compensate since you broke my heart. Anything….”
“Oo naman.” Sinabi niya iyon nang minsang mag-birthday ito. Kamamatay lang noon ng kapatid nito at gusto niyang pagaanin ang loob nito.Gusto niyang malaman nito na may kaibigan ito sa kanya.
“Then you must help me. You owe me for breaking my heart.”
Nanlaki ang mata niya at nataranta dahil baka kung anong hingin nitong kondisyon. “S-Sandali. Huwag mong sabihin na gusto mong iwan ang boyfriend mo at ako ang magtatanan sa iyo? That won’t do.”
Una ay hindi siya nang-aagaw ng girlfriend ng ibang lalaki. Lalo naman ng isang babaeng ikakasal na. Baka ipa-salvage siya ng Papa nito kapag itinanan niya ito. Pangalawa ay wala siyang planong mag-asawa. He loved women. He loved to date women, make them laugh and even make love with them. Pero wala sa usapan ang kasal. Nasasakal siya kapag iyon na ang pinag-uusapan.
“Of course gusto kong matuloy ang kasal ko. I love Orlando. Ilang taon ko na rin siyang mahal. Kaya nga natatakot akong mawala siya sa akin.”
Nakahinga siya ng maluwag. “Mabuti naman. Pero anong problema mo sa kanya? Okay naman kayo ni Orlando, hindi ba?”
“’Yung ex-girlfriend niya at first love niya pupunta sa kasal namin.”
Humalukipkip siya. “And so? Ikaw na ang pakakasalan niya niya.”
“Pero sobrang tagal niyang niligawan iyon. Years. And she’s pretty and confident. Matalino din siya.”
“So are you. Come on. Kung hindi na siya binalikan pa ni Orlando, ibig sabihin ikaw talaga ang mahal niya. Ano ngayon kung imbitahan niya ang babae sa kasal? Napa-paranoid ka lang. Ikaw ang bride. I am sure walang ibang mas gaganda pa sa iyo sa araw ng kasal mo.”
Ito ang isang problema niya noon kay Janeth. She was insecure. Maganda naman ito pero simple lang kung mag-ayos. Samantalang ang mga babaeng nagpapapansin sa kanya ay sopistikada at puno ng kompiyansa. At first it was fine with him to always assure her that he loved her. Na wala siyang pakialam sa ibang babae. But it became tiring.
Tumayo ito at magkasalikop ang kamay na nagpalakad-lakad sa harap niya. “Pakiramdam ko may gagawin siyang hindi maganda sa kasal ko. Gagawa siya ng paraan para hindi matuloy iyon.”
“Ano? Tataniman niya ng bomba ang simbahan?”
Ipinadyak nito ang paa. “Hindi ko pa alam. Pero talagang gusto niyang gumawa ng eksensa. Gusto niyang agawin ang atensiyon ng mga tao sa akin. Alam mo bang nang malaman niyang ikakasal na kami ni Orlando, nagpagawa na agad siya ng damit na isusuot sa kasal namin? Mas nauna pa siyang magpatahi sa akin kaysa sa wedding gown ko.”
“Surely she won’t wear a gown on your wedding. That would look stupid.”
“Tapos siya pa ang nagprisinta na tumulong kay Orlando na ayusin ang honeymoon namin para matuloy kami sa Bohol. What if she screw things up?” Ibinagsak nito ang sarili sa sofa. “Sabi ko naman kay Orlando huwag na lang kaming mag-honeymoon kung tutulungan lang siya ng babaeng iyon. Sinisira niya ang kasal ko. Gusto niyang agawin sa akin si Orlando.”
Hinaplos niya ang batok. Pakiramdam niya ay mapuputulan siya ng ugat sa paghihisterya nito. “Janeth, no need to freak out. Baka imahinasyon mo lang iyan. You know, pre-wedding jitters. Mabuti pa umuwi ka na. Ihahatid kita. Kailangan mong magpahinga para maganda ka sa kasal mo. I am sure wala kang kailangang intindihin sa ex-girlfriend ni Orlando.”
Hinawakan nito ang braso niya. “Please, Alfonso. You have to help me. Do something. Tiyakin mo na huwag sirain ng babaeng iyon ang kasal ko. Seduce her if you must…”
“Come on, Janeth.”
Hinatak nito ang braso niya. “You owe me, Alfonso. You owe me. Kapag hindi natuloy ang kasal ko, mamamatay ako. Konsensiya mo iyan.”
Mariin siyang pumikit at bumilang ng sampu. Nahihilo na talaga siya sa antok at pagod. Ang huling kailangan niya ay dalhin pa niya sa konsensiya niya at alalahanin ang nalalapit nitong kasal. “Alright! Alright! Pumapayag na ako.”
Gusto na lang niyang magpahinga na at matulog. Siguro naman ay di niya kailangan pang alalahanin ang babaeng iyon. Malamang ay wala naman itong gagawing makakasira sa kasal ni Janeth. Praning lang ito.
Niyakap siya nito. “Thank you. Thank you!”
“So what’s the girl’s name?”
“Seeress Cariño.”
EXCITED na sinalubong si Seeress ng mga kaibigan sa harap ng St. Peter’s Church sa Commonwealth Avenue. Kasal ngayon ng kaibigan niyang si Orlando. Kaklase niya ito noong elementary at ang first crush niya. Kaya kilala niya halos ang mga bisita doon na kabarkada pa rin niya hanggang ngayon.
“Bongga ka, mare!” sabi ng kaibigan niyang si Joanna. “Talagang pinaghandaan mo ang kasal na ito. Baka naman talbugan mo ang ganda ng bride. Baka ikaw ang pakasalan ni Olan at itanan niya.”
Natawa lang siya sa biro nito. She was wearing a V-shape gray charlotte dress. Bagsak ang tela niyon at manipis. Nakahubog iyon sa katawan niya. She paired it with diamond earrings and sparkling three-inches of silver stilettos to match.
Iyon ang paborito niyang dress. Nang maisip niyang ipatahi ang dress ay naisip niyang bagay iyon sa pormal na okasyon gaya ng kasal. Nagkataon na kasal ni Orlando ang pinakamalapit na kasal sa schedule niya kaya naisipan niyang iyon na lang ang isuot kaysa magpatahi pa o bumili ng bago.
“Actually naisuot ko na ito noong mag-open ang Stallion Island. So it was not really made for this wedding. At hindi ko naman gugustuhing itanan ni Orlando. Come on! I am working at Stallion Island. Maya’t mayang pumaparada ang mga guwapo sa harap ko.”
Hindi naman niya sinasabing hindi guwapo si Orlando. He was good-looking in his own way. Hindi naman niya ito sasagutin at magiging boyfriend kundi ito guwapo kahit paano. Pero kaga-graduate pa lang nila ng college nang maging nobyo niya ito. Hindi rin sila nagtagal dahil magkaiba ang lifestyle nila. He was a busy accountant while she was a yoga intructor. Minsan ay wala siyang oras dito dahil hanggang hatinggabi siyang nagtatrabaho para sa mga kliyente niya na late night na ang available schedule.
He broke up with her and decided to go out with Janeth instead. Subalit nanatili silang magkaibigan at magkabarkada ni Orlando. After all, marami silang common friends. Masaya naman siya dahil nahanap nito ang babaeng babagay dito.
Nakapag-move on na rin siya. Isa na siyang yoga instructor sa Stallion Island Riding and Leisure Club. Isa iyong exclusive resort kung saan miyembro ang ilan sa popular at mayayamang gorgeous bachelors sa bansa. Pag-aari iyon ng pito sa mga pinagkakaguluhang lalaki sa mundo at tinatawag na Village Lords ng isla. Maswerte siyang napili para magtrabaho doon. Parang lagi siyang nakabakasyon sa isang exclusive resort. Hindi rin kasing hectic ng schedule niya doon ang schedule niya nang nasa Maynila pa. Wala pang isang buwang nagbubukas ang club. Hindi nga siya dapat umalis doon subalit kailangan niyang um-attend ng kasal ni Orlando. Magtatampo ito kapag hindi siya pumunta.
Siniko siya ni Joanna nang nakaupo na sila sa pew at hinihintay ang pagsisimula ng kasal. “Balita ko ikaw din daw ang tumulong kay Orlando sa honeymoon nila sa Bohol.”
“Oo. Nagka-problema daw sa travel agency nila so I decided to volunteer. You know how much I love Bohol. May mga contacts ako sa ibang resort owner doon at marami akong kaibigan doon. Hindi ba muntik na nga akong doon magtrabaho kundi lang ako natanggap sa Stallion Island? Perfect ang lugar na iyon sa honeymooners.”
“No hurt feelings talaga kay Orlando?” nang-iintrigang tanong nito.
“Wala! Masaya ako para sa kanya.”
“Sabagay sa dami ng guwapo sa Stallion Island, wala ka nang mahihiling pa. Pero may mga umaaligid na ba sa iyo? Baka naman nililigawan ka ng isa sa mga village lords o kaya si Prince Rostam. Ibalato mo na lang siya sa akin. Pangarap ko kasing maging prinsesa.”
Isa sa village lords ng Stallion Island ay isang tunay na prinsipe. Prince Rostam Al Ramiz was the Crown Prince of Middle Eastern Kingdom of Al Ashiq. Nakakatulala ang kaguwapuhan nito gayundin ang mga kaibigan nitong village lords na parang prinsipe rin. Hindi na kailangan pang korona. They were leaders in their own rights. Kaya naman pinapangarap ng mga kababaihan na makatapak ng Stallion Island. Hindi rin kasi magpapahuli sa kaguwapuhan ang mga miyembro doon.
“May nagpapahaging pero ganoon naman ang mga lalaki doon. Liligawan ka ngayon pero may nililigawan din silang iba. Pero wala namang nanliligaw sa aking village lord. I don’t think they hit on their workers.”
“Kailangan mo na ring maghanap ng bagong boyfriend. We are not getting any younger. Baka sobrang busy mo sa trabaho, makalimutan mo nang mag-asawa,” paalala nito.
Hindi niya iniisip iyon noong una. Pero ngayong ikakasal na ang dating nobyo, the realization hit her hard. Nasaan na ba ang lalaking mamahalin niya at makakasama habambuhay? Wala pa kasing nakakapagpabilis ng tibok ng puso niya, to the point na halos mawala na siya sa sarili. That was the kind of love she had never felt before. Masyado kasing mild ang pagmamahal na naramdaman niya kay Orlando.
“Hi! Do you mind if I sit here?”