Chapter Alfonso Cordova Montinola: Chapter 2

Inangat ni Seeress ang mata sa lalaking nagtanong. Nakita naman nitong magkatabi sila ni Joanna ay sisingit pa ito. Subalit bago pa siya nakapagsuplada ay natigagal siya nang masalubong ang nakangiti itong mga mata. Itim na itim ang mga iyon at medyo singkit. Matangos ang ilong nito at may mapang-akit na ngiti ang mga labi. He was tall. Siguro ay isa o dalawang pulgada lang ang baba sa anim na talampakan. The tuxedo looked good on him. Sino ba ito? Parang pamilyar ito sa kanya pero di niya maalala kung saan ito nakita.

“Pardon?” tanong niya dahil nakalimutan niya kung anong sinabi nito kanina.

His jovial smile was contagious. Subalit hindi siya pwedeng magpadala doon. Sa pananatili niya sa Stallion Island ay sa mga katulad nito siya nag-iingat. Beautiful smiling eyes and even more beautiful smile. A charmer. A playboy. At sa palagay nito ay makukuha nito ang lahat ng gusto nito sa isang ngiti lang.

“I asked if it’s okay to sit here.”

Itinuro nito ang kakapiranggot na espasyo sa pagitan nila ni Joanna. Lumingon siya sa likurang pew. Maluwag naman doon.

Umusod na si Joanna para bigyan ito ng espasyo sa pagitan nila. “Sure. Pwede kang umupo dito.” Tinapik pa nito ang espasyo na parang gustong-gusto na nitong makatabi ang lalaki. “Dito ka na.”

What a smooth operator. Hind niya alam kung bakit nahuhulog sa tulad nito ang kaibigan niya at maraming babae. Masarap lang titigan ang mga ito pero hindi niya tatangkaing ma-in love sa isa. They only cost heartbreak.

Nawalan siya ng choice ng umupo ito sa tabi niya. Susubukan na lang niyang mag-concentrate sa kasal at hahayaan si Joanna na makipag-flirt dito.

“Hi! I am Alfonso,” sabi nito at inilahad ang kamay sa palad sa kanya. “And you are…” Hindi niya ito pinansin. Hindi siya interesadong makipagkilala dito.

“I am Joanna,” anang si Joanna at ginagap ang kamay nito. “And that’s Seeress. Pareho kaming single and available. Actually mas available ako.”

Tahimik lang siya kahit na nararamdaman niya ang pagtitig sa kanya. She suddenly became aware of his masculine scent. Parang nilulukuban siya ng panlalaking amoy nito. Like he was making her aware that she was a woman.

“Kaibigan ka rin ba ni Orlando?” tanong ni Joanna.

Sinulyapan niya si Alfonso. No. Kilala niya halos ang mga kaibigan ni Orlando. Madalang kasi itong makipagkaibigan sa ibang tao. Mas malapit pa rin ito sa kanilang mga kaibigan nito mula pagkabata. Maliban na lang siguro kung kasamahan nito si Alfonso sa opisina o kaya ay kaibigan ni Janeth at naging kaibigan na lang nito.

“No. I am an old friend of the bride,” sa halip ay sagot ni Alfonso.

“Bakit hindi ka doon sa side ng bride umupo?” di niya mapigilang itanong. Hindi kasi niya alam kung bakit sumiksiksik ito sa pwesto nila.

“Kilala ko na halos lahat ng nasa side na iyon,” anito at sinulyapan ang mga nasa kabilang panig ng simbahan. “Gusto ko namang makilala ang mga tao sa side ng groom especially the beautiful ladies like you.”

Humagikgik si Joanna at hinampas sa braso si Alfonso. “Bolero ka pala.”

Ang corny! Magpasalamat ito dahil guwapo ito at suwabe ang pagkakadeliver kung hindi ay baka si Joanna mismo ang magpalayas dito sa kinauupuan nito.

Maya maya pa ay pumailanlang na ang musika para sa wedding march sa saliw ng organ. Lahat ng tao ay tumayo para silayan ang pagma-martsa ng wedding entourage. Ngumiti siya nang makita si Orlando. He looked good in his barong. Bahagya pa itong kumaway nang makita ang hilera nila. Kinuhanan niya ito ng picture sa cellphone niya nang maramdaman niyang may nakatitig sa kanya.

Nang luminga siya ay halos lahat ng mga kaibigan nila at mga nakakaalam na dati siyang girlfriend ay nakatingin sa kanya na parang inaabangan ang reaksiyon niya. Siraulo talaga ang mga ito. Mukha ba siyang magpapalahaw ng iyak dahil ikakasal na si Orlando sa iba? Pero alam niyang pang-asar lang iyon ng mga kaibigan. Nang tingalain niya si Alfonso ay malungkot itong nakatitig sa kanya.

“May problema ba?” nakataas ang kilay niyang tanong.

Umiling ito. “Nothing.”

It was crazy. Napa-paranoid na yata siya. Wala naman itong alam sa kanya. Hindi nila kilala ang isa’t isa. Bakit pakiramdam niya ay may alam ito sa nakaraan nila ni Orlando?

Muli niyang ibinalik ang tingin sa mga nagmamartsa sa aisle hanggang sa wakas ay pagkakataon na ng bride para maglakad sa aisle. Pagpasok nito ng simbahan ay hindi niya maiwasang humanga sa magarbo nitong gown. Naniniwala na siya na ang bride ang pinakamagandang babae sa oras ng kasal nito.

Nakangiti si Janeth subalit biglang naging tensiyonado ang ngiti nito nang tumingin sa direksiyon niya. She didn’t know Janeth personally. Hindi niya ito nakakausap at nagtatanguan lang sila kapag nagkikita. Napapansin kasi niya na ito na ang umiiwas sa kanya siguro dahil dating nobya siya ni Orlando. Ayon sa mga kaibigan niya ay baka daw dahil mas maganda siya dito. Di naman siya nakikipag-kompitensiya dito.

She gave the bride an assuring smile that she looked pretty before she looked away. Mukha naman itong mabait at alam niyang mamahalin nito si Orlando.

“Don’t you wish that you are the bride?” tanong ni Alfonso.

“Huh?” aniya at tiningala ito. “Well, lahat naman siguro ng babae nangangarap na maging bride sa tamang lalaki. How about you?”

“No. Wala sa pangarap kong maging bride,” natatawa nitong sabi. “My father might turn over his grave once he sees me on a wedding gown.”

Tumaas ang kilay niya kahit muntik na siyang bumulanghit ng tawa sa imaheng sinabi nito. Lalaking-lalaki kasi ang dating nito. He would look ridiculous on a wedding gown. “I mean do you ever see yourself as a groom?”

Tumikhim ito at umiling. Parang kinilabutan pa nga ito. “No. I don’t see myself as a groom. Wala pang babaeng nakapagtulak sa akin na magmartsa sa aisle. Wala pang nagtagumpay na pumikot sa akin. Wedding is not in my vocabulary.”

“I see.” Sabi na nga ba niya’t hindi marrying kind ang tulad nito.

Inilapit nito ang labi sa tainga niya. “But I might change my mind with the right woman.” His voice was hypnotic, seductive. Parang dine-dare siya nitong subukang maging Miss Right para dito.

She might be Miss Right but he was Mr. Oh-so-Wrong. Baka magpapaluha muna ito ng isanlibong babae bago ito mag-asawa. At sa huli ay dusa rin ang dadanasin ng babae sa piling nito. Nah! Pansamantalang kaligayahan lang ang maaring ibigay nito sa isang babae. She won’t even dare indulge on an affair with him. Kahit sa bangungot ay di niya ie-entertain ang ideya.

“Hindi ka dapat dumidikit sa mga babae sa ganitong mga okasyon. Maraming mga bachelors ang napipikot sa ganitong mga okasyon,” aniya at pumalatak. “So beware. Baka mamaalam ka sa pagiging single mo bigla.”

“Shhh… magdadasal na,” saway nito sa kanya na parang siya ang walang pakialam sa kasalang nagaganap dahil mas gusto niyang kausap ito. As if she was too eager to have a banter with him.

Mariin siyang pumikit at huminga ng malalim. Yoga breaths. The breath that could clean her soul from impurities, anger and annoyance. Hindi siya dapat magpaapekto sa nakakainis na lalaking katabi niya. Wedding is a happy occasion. Kailangan niyang maging masama. Magtimpi kung kinakailangan.

Nang kumanta ang mga ito ng panalangin at naghawak ng kamay ay ipinikit din niya ang mga kamay matapos hawakan ang kamay ni Alfonso. His hand was calloused. Very manly. Ito ang lalaking sanay sa mga mabibigat na trabaho at hindi pang-opisina lang. She liked that.

“Umupo na daw,” bulong nito sa kanya at saka niya nalamang nakatayo pa rin siya at sila na lang ni Alekos ang nakatayo pa. Hawak pa niya ang kamay nito.

Binatiwan siya nito at sinapo ang noo. “Sorry. Nakatulog yata ako habang nakatayo.”

Bahagya itong tumawa. “I have lots of practice. I am a yoga instructor.”

“I see,” anito lang at tumango-tango. “So pwede pala akong magpatulong sa iyo para matahimik ang kaluluwa ko.”

“Hindi ako ispiritista or spiritual adviser.”

“Sino ang tumututol sa kasalang ito?” tanong ng obispong nagmimisa. “Inuulit ko, kung sinuman ang tumututol sa kasalang ito ay maaring magpahayag ng kanilang pagtutol.”

Nagulat na lang siya nang hawakan siya ni Alfonso ang balikat niya at iharap siya dito. “Bakit?” tanong niya.

“Huwag mong gawin ang pinakamalaking pagkakamali sa buhay mo,” sabi nito at inangkin ang labi niya.

NANLAKI ang ulo ni Seeress nang maramdaman ang halik nito. He was kissing him in front of all those people. But he was kissing her so expertly that the world around them disappeared. Her lips opened on their own accord before she knew it and she was kissing him back.

Oh, my! Nag-e-enjoy siya sa halik ng isang manyakis. Isang lalaking hindi niya kilala. Hindi ito pwede. Hindi pwede!

Itinulak niya ito sa dibdib at isang malakas na sampal ang pinakawalan. “Bastos ka!” humihingal sa galit niyang sigaw. Saka lang niya naramdaman na nakatuon sa kanila ang pansin ng lahat ng tao.

“Hija, ikaw ba ay tumututol sa kasalang ito?” tanong ng obispo.

“Hindi po. Pasensiya na po. Ituloy po ninyo ang kasal,” sabi niya at nakita niya ang ngiti sa labi ni Janeth. Isang nahihiyang ngiti ang ibinigay niya dito at kay Orlando. Dali-dali siyang lumabas ng pew. “Excuse me!” aniya at saka tinapakan ng takong ng sapatos niya ang balat na sapatos ni Alfonso. Mapilayan sana ito sa pamamahiya nito sa kanya.

Hindi niya narinig ang pag-igik nito sa sakit at mukhang di man lang ito nasaktan nang tapakan niya. Balat yata ng kalabaw ang balat nito kaya ganoon.

“Saan ka pupunta?” tanong ni Joanna. “Anong nangyari?’

“Mag-ingat ka sa manyakis na iyan,” sabi niya at matalim na tiningnan si Alfonso.

“Sasamahan na kita,” prisinta ni Joanna.

“Huwag na. Baka makaapekto pa iyon sa kasal ni Orlando. Dito ka na lang. Kaya ko na ang sarili ko,” sabi niya at mangiyak-ngiyak na lumabas ng simbahan. Nagtataka na lang siyang sinundan ng tingin ng iba niyang kaibigan na hindi alam ang nangyari.

Hindi na niya kakayanin manatili doon at harapin ang kahihiyan. That devil of a man kissed her like crazy infront of all those people. Pasalamat ito dahil ayaw niyang gumawa ng gulo kung hindi ay ibabaon niya sa noo nito ang takong ng sapatos niya. Nakakahiya. Baka isipin pa ng bride ni Orlando na gusto niyang gumawa ng eksena.

Hindi na siya babalik sa loob. Hindi na siya magpapakita kahit sa reception. Ide-deposit na lang siguro niya ang regalo sa mga ito pero di na siya babalik pa sa loob. Wala na siyang mukhang maihaharap sa mga ito.

“Seeress, Seeress, sandali lang,” anang si Alfonso na hinabol siya hanggang sa labas.

“Ang kapal ng mukha mo! Wag kang lalapit sa akin! Huwag kang lalapit. Dahil kung hindi kita ipapapulis dahil sa pagiging manyakis mo, baka mapatay pa kita.”

“Nagkakamali ka. Hindi ko gustong pagsamantalahan ka.”

“Ano? That’s the most ridiculous thing I’ve ever heard. Basta mo na lang akong hinalikan sa harap ng maraming tao nang walang dahilan. Gawain mo ba talaga iyan? Kundi iyon pagsasamantala, anong tawag mo doon?”

“I am just helping you out.”

“Helping me out?” It was becoming more and more absurd every minute. “Ikaw yata ang kailangan ng tulong. Gusto mong ipatawag ko ang mental hospital para sunduin ka?”

Marahan itong lumapit sa kanya na may lungkot at awa sa mga mata. “Alam ko kung anong pinagdadaanan mo. Alam ko na masakit na mapanood na ikinakasal ang lalaking mahal mo sa iba. Parang pinapatay ka.”

“Lalaking mahal ko?” Ibinalik niya ang tingin sa simbahan. “Akala mo mahal ko si Orlando?”

“Hindi ba dati mo siyang boyfriend? At nandito ka para huwag matuloy ang kasal nila. Nakita ko na gusto mong tumutol sa kasal nila ni Janeth kanina kaya pinigilan kita.”

“Akala mo tututol ako sa kasal nila?” bulalas niya. “Kaya mo ako hinalikan at ipinahiya para maituloy nila ang kasal nila?”

Tumango ito at hinawakan ang balikat niya. “Kung hinayaan kong mangyari iyon, gagawin mo ang pinakamalaking pagkakamali sa buhay mo. Hindi ka mahal ni Orlando. Si Janeth ang mahal niya. Kailangan mo nang mag-move on sa buhay mo. May lalaking nakalaan talaga para sa iyo.” Niyakap siya nito at tinapik ang balikat niya. “Kaya iiyak mo lang iyan.”

Iiyak? Gusto niyang maiyak sa buwisit. His speech was so touching. Kaso ay mali naman ito dahil hindi naman niya gustong guluhin ang buhay ni Orlando at lalong di niya ito mahal.

“Pwede ba bitiwan mo ako at baka masaktan lang kita?” tanong niya sa malamig na boses.

“I am just trying to comfort you,” anito at pinapungay pa ang mga mata.

“Let me set the record straight. Orlando is my friend. Mas nauna kaming magkaibigan kaysa naging boyfriend ko siya. Um-attend ako ng kasal niya dahil gusto kong makita siyang masaya. After all, iyon naman ang hiniling ko nang maghiwalay kami. Wala akong planong tutulan ang kasal niya dahil alam ko na mabuting girlfriend si Janeth sa kanya. Kaya di ko maintindihan kung anong kapraningan ang pumasok sa utak mo para isipin na kokontra ako sa kasal nila. I am happy for them!”

Nagkibit-balikat ito at ibinulsa ang kamay sa itim na trousers. “That’s your excuse. Sinasabi mo lang iyan para itago mo ang sakit na nararamdaman mo. Pwede mong iiyak iyan. You can use my shoulder.”

“Your shoulder? Baka baliin ko pa iyan. Huwag mo na akong susundan. Oras na makita pa kitang sumusunod sa akin, idedemanda kita,” aniya at pumasok sa kotse niya. Isang malakas na lagabog ang narinig nang isara niya iyon saka niya pinaharurot palayo ng simbahan.

Baliw na lalaking iyon. Lahat ba ng ex-girlfriend ng ikakasal ay binabantayan nito at hinahalikan para di makatutol sa kasal? Ano iyon? Gigolo na kinuha ni Janeth para pigilan siya?

Hindi naman siguro ganoon kapraning ni Janeth. Sayang din ang Alfonso na iyon kung iyon man ang totoo nitong pangalan. Guwapo sana kundi lang maniac at may topak. Sayang.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.