Naging maayos ang session niya nang umagang iyon. May mga female guests pa na nag-try din ng basic yoga class dahil din daw sa persuasion ni Alfonso.
Nang matapos ang lesson niya para sa tanghalian ay puno ang Mist Fusion. Malamig kasi sa bahaging iyon ng isla kahit na tanghaling tapat dahil nasa gitna ng gubat at malapit sa Hidden Falls.
Narinig niya ang tawanan sa isang mesa at nakita si Alfonso na kausap ang resident doctor na si Nathaniella at ang resident physician na si Andrya. Kumaway ang mga ito sa kanya at isang simpleng ngiti lang ang ibinigay niya sa mga ito. She wanted to join them for lunch. Pero dahil naroon si Alfonso ay baka sa ibang restaurant na lang siya sa isla mag-lunch.
"Ano ba ang nakita ng mga babae kay Alfonso?" tanong ng lalaki sa likuran niya. Nang lumingon siya ay malungkot na nakatingin si Doctor Arvind James Li na isang OB-Gyne kay Alfonso. "Lahat na lang ng babae binibili ang corny pick up lines niya."
Hindi lang pala siya ang di maganda ang vibration kay Alfonso. Hindi rin ito feel ng isa sa matitinik na playboy sa isla. "Nagseselos ka sa atensiyong nakukuha niya?"
"Naiinis ako dahil napapangiti niya si Nathaniella. Hamak namang mas corny ang mga pick up lines niya kaysa sa akin. Anong gagawin ko?"
"Kumain ka muna kaya para makapag-isip ka? Namumutla ka na kasi," aniya at inakay ito sa pinakamalapit na bakanteng mesa.
"Doc Arvind James, umorder na ba kayo?" tanong ni Alfonso nang lapitan sila.
Huminga ito ng malalim. "Wala akong ganang kumain. I really feel bad."
"Sasabihin ko kay Doc Nathaniella na masama ang pakiramdam mo para maalagaan ka niyang mabuti." Ngumiti ito sa kanya. "Huwag mong sabihing wala ka ring gana. Kakain ka pa rin. I prepared a special lunch for you."
"I am starting to like him," nakangiting sabi ni Arvind James bago bumalik sa pagiging matamlay nang makitang parating si Alfonso kasama ang nag-aalalang si Nathaniella. Great! Ano pa bang aasahan niya? Pagdating sa kalokohan ay magkakakampi ang mga lalaki. Lalong tumibay ang kapit ni Alfonso sa miyembro ng Stallion Island at kung siya lang ang dahilan para ma-reject ang pagiging miyembro nito ay tiyak na kontrabida ang labas niya.
Tahimik lang si Seeress habang kumakain ng tanghalian kasama si Alfonso. He offered her a feast. Kung tutuusin ay simpleng pagkain lang ang mga iyon. Ngunit dahil isang henyo sa pagluluto ay ginawan iyon ng twist ni Alfonso.
"Masarap ba?" tanong nito nang tikman niya ang kare-kare nito na may coco-alamang. "Allergic ka daw sa alamang kaya ginawan kita ng coco alamang. It is made of shredded coconut instead of small shrimp. Mae-enjoy mo na ang mangga."
"Thank you for being considerate."
She was not comfortable eating like this as if they were on a date. Na parang siya ang babaeng inaalala nito at gusto siya nitong ingatan.
"Nang ihanda ko iyan, ikaw talaga ang iniisip ko."
"Alfonso, magaling kang magluto. Just spare me your pick up lines. Hindi iyan gagana sa akin. You won’t get into my good graces that way."
Tinitigan siya nitong mabuti at hinaplos ang nakakunot niyang noo. “Huwag kang masyadong nagagalit sa akin. Alam mo ba na may gayuma ‘yang luto ko?”
“What?” bulalas niya sa mataas na tono.
“At mag-a-activate ang gayuma kapag nagalit ka sa akin. So you should be careful. Kagagalit mo sa akin, you will just find yourself in love with me.” Pumalatak ito at umiling-iling. “Wala pa manding paraan para i-reverse ang gayuma na iyon. So be nice.”
Alam niyang walang gayuma ang kinakain niya pero pinili niyang itikom na lang ang bibig. Iyon siguro ang katatakutan niya – ang ma-in love sa isang playboy na tulad nito. That was worse than death. Hindi siya tutulad sa ibang babae na nauuto nitong sumunod-sunod dito.
“Bakit sinasabi mo sa mga babae na mag-enroll sa yoga class ko?” tanong nito. “Are you trying to tell me that you can bring in more people into my class using your charm? Tapos okay na ulit tayo.”
“No. I really like yoga. Nasubukan ko nang mag-yoga dati. It is good for the health. Huwag kang mag-alala. Hindi lang girls ang dadagsa sa klase mo.”
“Pati mga lalaki iimpluwensiyahan mo? Sasabihin mo rin na mag-enroll sila dahil in love ka sa marunong mag-yoga?” sarkastiko niyang sabi. “Wow! How macho.”
Nagsalubong ang kilay nito saglit pero pagkuwan ay ngumiti ito nang makahulugan. “Of course not.” Pinagkiskis nito ang mga palad. “Sinabi ko sa kanila ang benefit ng pagyo-yoga.”
“I already told the members about the benefits of yoga. Ano naman ang kaibahan ng sinabi ko sa sinabi mo sa kanila?”
Humalakhak ito. “You didn’t tell them that practicing yoga will give them more stamina and flexibility that will make girls crazy about them. Sabi ko iyon ang sekreto ko kaya maraming ex-girlfriend ko ang hindi ako makalimutan.”
Napanganga siya habang inaanalisa ang sinasabi nito. “Stamina? Flexibility? Why would girls go crazy about those?”
“Ibig sabihin hindi mo alam… Oh!” anito at tumango-tango. “Inosente ka nga.”
“Hindi ako inosente,” protesta niya. “I am a yoga instructress. Alam ko halos ang lahat ng bagay tungkol sa yoga. Huwag mo akong insultuhin.”
“I am not insulting you. Sa palagay ko hindi mo alam ang benefit na sinasabi ko dahil hindi mo pa nasusubukan...” Iniwas nito ang tingin sa kanya at napansin niya ang pamumula nito. Uminom ito ng tubig at hindi man lang siya sinulyapan. “Kumain ka lang diyan.”
Itinaas niya ang noo. Bakit ito namumula? Bakit naman ito magba-blush sa isang bagay na nag-improve ng flexibility at stamina nito. “Sasabihin mo ba sa akin ang sekreto na iyan o hindi?” Hinaltak niya ang manggas ng polo nito. “Hindi talaga kita tatantanan.”
“Huwag mo akong harass-in. Darating ang panahon malalaman mo rin iyon.” Ngumiti ito nang makita ang waiter na paparating. “Time for dessert.”
“This is our new peppermint ice cream, Ma’am,” magalang na sabi ng waiter na si Jeffrey. “Si Chef Alfonso po mismo ang nag-prepare niyan.”
“Wow! I love peppermint,” aniya at excited na tinikman iyon. Nakaka-relax kasi ang peppermint at nakakagising ng diwa. Kailangang lumamig ang ulo niya.
“I know. That’s why I made that ice cream just for you,” sabi ni Alfonso habang nakatitig sa kanya. He was looking at her as if she was the only woman in the world. Binalewala na lang niya ang titig nito at wala pang dalawang minuto ay mauubos na ang ice cream niya. Kailangan niya ng malamig na ice cream bilang pananggalang sa mainit na titig ni Alfonso. “Ikaw ang inspirasyon ko nang gawin ko ang ice cream na iyan. That’s why I called that Seeress’ Kiss. Your kiss tasted like peppermint.”
Nabitin sa bibig niya ang kutsara at maang itong tiningnan. Her lips tasted like peppermint. Her kiss tasted like peppermint. Dumagundong ang tibok ng puso niya habang maang na nakatitig dito. He had that teasing look in his eyes, the same look in his eyes before he kissed her at the church. She stopped breathing entirely. Bumalik siya sa panahon kung saan naramdaman niya ang mainit ntiong halik at nakalimutan niya ang lahat ng nasa paligid nila.
Bumagsak ang kutsara sa kopita at lumikha iyon ng ingay. “Nananadya ka ba? I am trying my best to be civil to you but you keep on pushing your luck.”
Nangalumbaba ito na parang hindi nabahala kung parang bagyo siyang sasabog sa galit dito. “The kiss was unforgettable. Hindi ko naman maaatim na ipangalan sa ibang babae ang creation ko kung sa iyo ako na-inspire. That’s how artists work. Kahit na magalit ka pa sa akin, hindi mo maiaalis sa akin ang inspirasyon ko. I am just being true to myself.”
“Ganyan ba ang ginagawa mo? You treat women like your food?”
Sobrang insulto na ito sa pagkababae niya. Hindi na ito natuwa na ipahiya siya at halikan sa harap ng maraming tao. Kailangan pa nitong ipaalala sa kanya sa pamamagitan ng peppermint ice cream. Actually, it was not just the ice cream. Lahat ng bagay na may kinalaman sa peppermint mula sa lip balm na ginagamit niya hanggang sa peppermint candy na bigay nito sa kanya ay magpapaalala ng halik na iyon.
“Ikaw lang ang babaeng naka-inspire sa akin ng ganito.”
Kinuyom niya ang palad at huminga ng malalim bago pa umigkas ang kamao niya at mapatulan ito. How could he be so insensitive about her feelings? “Know what? Hindi tayo pwedeng magsama sa islang ito. Hindi talaga kita matitiis! Wala kang aasahang approval mula sa akin. Tandaan mo iyan,” aniya at tinalikuran ito.
“Isang linggo pa lang ako dito. May three weeks pa ako para magkasundo tayo, di ba? Nag-enjoy ka rin naman sa ice cream.”
“You are horrible!” bulyaw niya dito at pumunta sa lodge niya para magsepilyo. The ice cream was great but it would remind her of Alfonso’s kiss. Well, the kiss was better than ice cream. Saglit siyang natulala habang nagtu-toothbrush. Drat! Bakit ba niya pinagpapantasyahan ang halik na iyon? She was screwed! Mukhang nagayuma nga siya nito.
"THIS is too much. Really too much. 'Yang Alfonso na 'yan talagang gustong labuin ang mundo ko. Mantakin mo sinabi niya sa mga members dito na kapag nag-yoga daw sila, titindi ang sexual prowess nila," reklamo ni Seeress habang pabalik-balik ng lakad sa organic beauty store na pag-aari ni Illiana. Sa tindahan muna nito siya tumambay habang wala siyang klase. Kung magtatagal siya sa Mist Fusion ay baka tuluyan na siyang sumabog. Inuubos ni Alfonso ang pasensiya niya.
"Ano naman ang masama doon? Nakakatulong ang yoga para i-prolong ang sexual pleasure ng isang couple. Hindi ka ba natutuwa na tumutulong pa si Alfonso para lumawak ang clientele mo?"
"Some men were expecting me turn them into kama sutra gods or Superman in bed."
"Hindi mo na kasalanan iyon. Pero totoo kaya kay Alfonso 'yon? He must be an extremely good lover."
"Babatukan kita kapag pati ikaw nauto ng isang 'yon."
"Masyado kang high blood. It was just a kiss. He was trying his best to make it up to you."
"By naming an ice cream after my kiss? Nang-aasar siya."
"Mafa-flatter ako kung ako iyon."
"Kaibigan ba talaga kita? Ni minsan di mo ako kinampihan." Inilabas niya ang peppermint lip balm at inilapag sa harap nito. "Palitan mo nga 'to. Bago pa 'yan. Di pa nagagamit. Ayoko nang gumamit ng peppermint lip balm."
"Ay naku! Ibebenta ko rin ang halik mo. Sasabihin ko sa lahat na ito ang lip balm na ginamit mo kaya di makalimutan ni Alfonso ang halik mo."
"Ewan! Ayoko na ngang makipag-usap sa 'yo."
"Anong problema?" tanong ni Akeesha.
"Kaaway si Alfonso."
"Mga lalaki talagang 'yan sakit ng ulo. Feeling nila porke't guwapo sila okay lang kahit anong gawin nila."
"Tama. Gusto ko ngang umalis bukas. Day off ko. Ayokong makita si Alfonso dahil mai-stress lang ako."
"Sa Nirvana Island tayo. Walang mga panggulong lalaki doon."
"That sounds ideal."
HUMINGA ng malalim si Seeress habang dinadama ang hangin na pumasok sa baga niya. Iyon ang unang beses niyang tumapak sa Nirvana Island. It was a sanctuary mostly for rescued animals. Doon niya pinanood ang pagsikat ng araw at ang paglabas ng mga hayop sa malawak na damuhan. It was Stallion Island’s twin island. Mas tahimik nga lang doon at hindi nakakaligalig. Pwede siyang huminga doon at makaramdam ng kalayaan. Higit sa lahat ay walang Alfonso na mambubulabog sa kanya.
Ngumiti siya nang marinig ang pag-ilanlang ng musika mula sa violin ni Akeesha. A whole day in Nirvana Island would be a nice escape from work and men.
“Gusto ba ninyong tumulong sa paglilinis ng beach mamaya?” tanong ni Yvankka na siyang manager ng sanctuary.
Inunat niya ang mga kamay pataas. “Sure.” Wala namang masyadong kalat sa beach dahil natural nang malinis ang lugar na iyon. May mga naliligaw lang na basura minsan. Mangilan-ngilan lang ang mga tao sa Nirvana Island. Hangga’t maari nga ay iilan lang ang pwedeng dumalaw doon para hindi maging crowded.
“Breakfast is ready. Sabi ni Mamang sumabay na daw kayong mag-breakfast sa ibang nag-volunteer na maglinis dito,” sabi ni Yvankka matapos basahin ang text message sa cellphone nito. “Bilisan ninyo dahil baka ubusan tayo ni Raschid ng pagkain.” At ito na ang naunang naglakad sa pathway mula sa beach papunta sa main treehouse na nagsisilbing headquarters at lodging area ng mga tauhan doon.
Si Raschid at ang nanay nito ay kasama sa staff ng Nirvana Island. Maraming taong nanatili sa isang safari sa Kenya ang mga ito bago lumipat ng Nirvana Island. Raschid was intriguing. Kamukhang-kamukha kasi ito ni Prince Rostam.
“Masisira na naman ang diet ko,” angal ni Akeesha. Kahit siya ay napapakain ng marami kapag ang mama ni Raschid ang nagluto.
“Nami-miss ko naman ang luto ni Mama.”
Narinig niya ang mga boses habang paakyat ng tree house. Hangga't maari ay eco-friendly ang disenyo ng bahay sa Nirvana Island para mag-blend in sa lugar. Narinig niya ang pagkukulitan ng magnobyong Andreev at Jazzmire. Ibang-iba si Andreev kay Alfonso. Parang hindi nga magkapatid ang mga ito dahil malayo ang personalidad sa isa't isa. Sobrang seryoso ni Andreev at madamot ngumiti. Ayaw nitong madidikit kung kani-kaninong babae. While Alfonso was the one with an easy smile. Hindi ito madamot ngumiti sa mga tao kaya nga charming ito.
Charming? Kailan pa ito naging charming sa paningin niya. Mas charming pa siguro ang kinatatakutan niyang buwaya kaysa dito.
Bago pa man sila makapasok ng tree house ay bumungad na sa kanila si Dare. “Akeesha!” tuwang-tuwa nitong bati at nakabuka pa ang mga kamay. Hindi alam ni Akeesha kung tatakbo pababa ng hagdan o tatalon na lang pababa para maiwasan ito kasehodang two-storey ang taas ng punong kilalagyan nila.
“H-Huwag kang lalapit,” babala ni Akeesha at pumorma na kakaratehin si Dare.
“Sweetheart, maaga akong gumising para masundan ka dito. What kind of reception is that? Alam mo naman na ayokong nag-aaway tayo. Nandito ako para di mo ako masyadong ma-miss,” malambing na wika ni Dare.
“Ang aga naman ninyong mag-away. Hindi pa kayo nagkakatuluyan, parang matagal na kayong mag-asawa,” anang si Alfonso at tinapik si Dare sa balikat.
“Anong matagal nang mag-asawa? Hindi ang lalaking iyan ang type ko!” bulyaw ni Akeesha at nagliparan ang mga ibon na nakadapo sa sanga ng puno pero parang wala siyang narinig. Hindi siya makapaniwala na di lang si Akeesha ang sinusundan ng kamalasan. Nandoon din si Alfonso.
“Sinusundan mo ba ako?” tanong niya kay Alfonso sa mataray na tono.
“Good morning, Seeress! Sa maniwala ka at sa hindi, nagkataon lang na dito rin ang schedule ko. Ayokong isipin na sinusundan mo ako. Let’s say that this is destiny. Sinasadya talaga ng pagkakataon na magkasama tayong dalawa,” anito sa suwabeng tono. He looked so cool while she wanted to explode like a volcano. Nasira na naman ang balanse niya.
“Ibig sabihin magkasundo-sundo na kayo,” sabi ni Mamang na nakasuot pa ng apron at sumilip sa pinto. “Kundi kayo magkakasundo, walang kakain ng agahan.”
“Mag-truce na kayo,” payo ni Raschid. “Hindi pwede ang lover’s quarrel sa amin ni Yvankka bago mag-agahan dahil hindi niya kami pakakainin. Hindi ba, love?”
Pinanlakihan lang ito ni Yvankka ng mata subalit hindi na makapagtaray pa. Ibig sabihin ay lulunukin nito ang pride at kokontrolin ang galit para sa pagkain.
Inabot ni Alfonso ang kamay sa kanya. Then he offered her a bright smile. “Truce?”
Pakiramdam niya ay hindi simpleng truce ang inaalok nito sa kanya. He was also offering seduction with that smile. Na oras na tanggapin niya ang pansamantalang peace treaty sa pagitan nila ay gagawin nito ang lahat para akitin siya. At wala siyang kawala.
Nanuot sa pang-amoy niya ang mabangong aroma ng ulam at sinangag. Kumalam ang sikmura niya dahil nag-oatmeal drink lang siya kanina bago umalis ng Stallion Island. Mariin niyang kinagat ang labi at ginagap ang kamay nito. “Ngayon lang ‘tong agahan. So be nice.”
Natigagal siya nang dahan-dahan nitong iangat ang kamay niya at kinintalan ng halik ang likod ng palad niya habang di inaalis ang tingin sa kanya. “I am always more than nice.”
Gumapang ang kuryente sa buong katawan niya. Ganito rin ang pakiramdam niya nang halikan siya nito. Hindi niya magawang gumalaw. She just let the sensation kick in and thrill her. And the way his eyes held hers made her feel heady. Anong ginawa nito sa kanya?
“Nakakatuwa naman. Ang sweet ninyong dalawa. mas okay kapag magkasundo, di ba?” sabi ni Mamang. “Kumain na tayo.”
Hinaklit niya ang kamay mula kay Alfonso. “Maghuhugas lang ako ng kamay.”
Gigil na gigil siya habang naghuhugas ng kamay. Naiinis siya sa sarili. Kamay lang nito ang hinalikan niya pero apektado na siya. Hindi nga siya nagkamali. Sasamantalahin nito ang pagkakataon para maka-tsansing sa kanya. She was annoyed really. Pero hindi niya maintindihan kung bakit magaan at parang kiniklig siya sa simpleng halik na iyon.
Uh oh! Baka naman tinatablan na nga siya ng gayuma nito.