Chapter Alfonso Cordova Montinola: Chapter 6

KUNTODO distansiya si Seeress kay Alfonso habang nagpupulot sila ng mga basura sa beach. He was nice to her during breakfast. Inaasikaso siya nito habang pinipigilan naman niya ang sarili na mainis dito. Aside from that little kiss, he didn’t do anything untowards her. Maasikaso ito di lang sa kanya kundi pati sa ibang mga kasama nila. Ito pa ang nagprisinta kay Mamang na maghugas ng plato. She didn’t like this feeling. Nakikita niya ang pagiging natural nitong malambing. And it was not totally negative. Parang lumalambot na siya dito.

“Akeesha, may plastic sa paanan mo,” sabi ni Andreev. Nagsalubong ang kilay ni Akeesha dahil ultimo malililit na basura ay nakikita nito. “Dare, huwag kang tumitig lang kay Akeesha. Nalagpasan mo na ‘yung sirang tsinelas. Itong area na ito hindi pa nalilinis. Jazzmire, bilisan mo diyan."

Nakatayo si Andreev sa ibabaw ng bato habang parang heneral sa giyera kung makautos sa kanila. "Baka gusto mo ring magpulot ng basura,” angil ni Jazzmire dito. Puro utos na lang kasi ang ginawa nito.

Inangat nito ang luray-luray na fishnet. "Ito. May napulot ako. Nagiging maangal ka yata."

Nagkatinginan sila ni Akeesha at nagkatawanan. Tingnan nila kung uubra ang kasungitan ni Andreev kay Jazzmire. Ultimo ang mga tigasin nitong kapatid at pinsan na members ng Stallion Island ay napapaiyak daw ni Jazzmire.

"Lovers quarrel. Buti pa kami nitong si Seeress love ang isa't isa," sabi ni Alfonso na may bitbit na stick.

Nalukot ang mukha niya. "Naku! Pwede bang lumayo-layo ka sa akin? Naliligalig flow ng chakra ko sa 'yo." Nagsisimula na naman ito.

Ngumisi si Alfonso. "Dahil attracted ka sa akin?"

Tinalikuran niya ito at nagpulot ng latang lumulutang. "Ipe-petisyon kang di ka maging member dito. Nakakairita ka. Parang lamok na aali-aligid."

"You should celebrate. Kasi malapit nang maaprubahan ang membership ko dito. Pirmado na ni Andreev ang endorsement niya sa akin.”

Tinaasan niya ito ng kilay. “May final endorsement ka pang kailangan sa akin. Huwag kang masyadong kampante.”

Inilagay nito ang kamay sa tapat ng dibdib nito. “Kung titingnan mo ang laman ng puso ko, malalaman mo na hindi ako kasing sama ng iniisip mo.”

“Ang corny mo!” asik niya dito. Kapag tiningnan niya ang puso niya ay tiyak na santambak na babaeng nauto nito ang makikita niya. At wala siyang planong magpauto.

Tumikhim si Dare. “Parang gusto ko yatang haranahin sila. Nakaka-inspire kumanta.”

“Darian, huwag ka nang ma-inspire. Please lang. Huwag kang mag-ambisyon,” kontra ni Akeesha at binato ito ng maliit na bato sa ulo. “Kaya nga basted ka sa akin dahil di mo ako maharana ng maayos. Tapos gusto mo pang ‘yang pagkanta mo ang dahilan kaya magka-World War III. Gusto mong lalong masira ang flow ng chakra nitong si Seeress? Mawawalan ako ng yoga instructor.”

Natawa na lang siya sa pag-iinisan ng mga ito. Sa palagay niya ay gusto din ni Akeesha si Dare pero kine-claim nito na in love ito sa vocalist ng bandang Phantom na laging nakamaskara– isang lalaking minahal lang nito sa boses at di pa nito alam kung ano ang totoong itsura. Minsan talaga ay talo ng ilusyon ang realidad.

“You really look beautiful when you smile and laugh,” komento ni Alfonso habang nakatingin sa kanya. “Kahit nang ikakasal na ang lalaking mahal mo, maganda pa rin ang ngiti mo. That was so brave.”

“Dating mahal,” pagtatama niya at hinarap ito. “Look. Pwede bang dumistansiya ka sa akin kahit na konti? Kahit mga fifteen minutes lang huwag kitang makita. I just want to breathe. Hindi kita aawayin ngayon basta huwag mo akong masyadong kausapin. I hope that is not too much to ask.”

“Basta huwag kang lalayo. Hindi katulad ng Stallion Island ang lugar na ito na may proteksiyon tayo. This is not our territory. kapag kailangan mo ako, tawagin mo lang ako,” anito at naglakad palayo sa kanya. Akala niya ay makikipag-argumento ito sa kanya. Good. Kung madali itong kausap at didistansiya ito ay magkakasundo sila.

Humabol sa kanya si Akeesha. “Anong sinabi mo sa isang iyon at nilubayan ka? Isinama pa niya si Dare.”

“Sabi ko gusto ko namang makahinga kahit konti. Naawa siguro sa akin dahil pagod na ako sa kanya kaya iniwanan ako. Saka natakot siguro iyon na hindi ibigay ni Mamang ang recipe ng fried siopao sa kanya kaya sinusubukan niyang mag-behave.”

Inunat ni Akeesha ang mga kamay. “Malinis na ang area na ito. Saan naman tayo?”

Ngumuso siya sa batuhan sa harapan nila. “Doon tayo sa kabila.”

‘Yang bundok na ‘yan aakyatin natin?” tanong nito at umiling. “Naku! Di mo ako mapapasampa diyan. Baka mamaya mahulog ako.”

"Basta pupunta ako sa kabila. Ang alam ko mas mahaba ang beach sa kabila. Siguradong mas maraming lilinisin doon."

"Sandali tatawagin ko sila. Hindi pwedeng mag-isa ka lang diyan. Hindi mo kabisado ang area na 'yan. Baka mamaya may dinosaur diyan."

"Patawa ka rin, no?"

"Kung anu-ano kasi ang makikita ditong hayop. Sasabihan ko sila kung saan ka pupunta."

"What's life without a little adventure?" usal niya at nagsimulang umakyat sa mga batuhan.

Kumabila na siya ng batuhan. Nahigit niya ang hininga. She had the unspoiled white sand beach all for herself. May private beach din naman sa Stallion Island pero mga members lang ang may access doon. Makakapunta lang siya kung may kung may miyembro na magyayaya sa kanya.

Napansin niya na may bangka na nakadaong sa beach. Ang alam niya ay sila lang ang in-allow na pumasok doon. Ibig sabihin ay may basta na lang pumasok sa isla ng walang permiso. Mukhang hindi iyon nakita ng mga guwardiya ng isla.

May pwersang humatak sa kanya palapit ng bangka. Nagulat siya nang makita sa malaking container ang mga pagong. Kakaibang kaba ang naramdaman niya. May turtle sanctuary sa Nirvana Island na pinamamahalaan din ng mga staff doon. Naging target kasi ng mga poachers ang lugar na iyon na ginagawang pagkain ang mga pagong pati na rin ang itlog ng mga pagong. Hindi lang pagong ang hayop na nasa bangka. May black corals din na marami sa karagatan ng Palawan. And there was also a tiger cub inside a cage. Kailangan niyang pakawalan ang mga ito.

Muntik siyang tumili nang may humawak sa balikat niya. “Anong ginagawa mo dito?”

Nasapo niya ang sariling dibdib at hinarap si Alfonso. “Bakit ka nanggugulat? Akala ko kung sino ka na.”

Luminga ito sa paligid. “May mga poachers dito. Delikado ito. Kailangan nating umalis dito. Baka maabutan pa nila tayo,” anito at hinila siya palayo.

“Hindi ba natin pakakawalan ang mga hayop? Kawawa naman sila,” angal niya at nilingon ng tingin ang bangka habang hila-hila siya palayo.

Inilabas nito ang cellphone. “Tatawagan ko si Raschid para siya ang tumawag sa Coast Guard,” anito at maya maya pa ay kausap na nito si Raschid para i-report ang nakita nila pati na rin ang location.

“Darating ba sila agad?” tanong niya. Nandoon na sila. Gasino bang pakawalan na lang nila ang mga hayop.

“Darating agad sila. Nag-donate si Gianfranco ng high speed boats sa kanila para mas mabilis silang makapag-respond kapag may ganitong insidente. Hindi na tayo dapat makigulo.”

Nanlaki ang mata niya nang makita ang tatlong singkit na lalaki na bitbit ang dalawang white tiger cubs na anak ng dalawang white tiger na inaalagaan sa isla. Hinila siya nito sa harapan nito upang protektahan ang likuran niya. “Kahit anong mangyari kailangan mong makarating sa kabila. Nagkakaintindihan ba tayo? Huwag kang lilingon. Tumakbo ka lang ng tumakbo.”

Nilingon niya ito. “Alfonso…” Nanlaki ang mata niya nang maglabas ng baril ang isa sa mga ito at tumutok ang baril sa direksiyon nila. Dalawang putok ang pumailanlang at narinig niya ang pag-igik ni Alfonso. Basta na lang itong bumagsak at maagap niya itong sinalo. “Alfonso!”

Nanlamig ang katawan niya nang makita ang pag-agos ng dugo sa likuran nito. May tama ito. Kung hindi siya pinrotektahan ni Alfonso ay baka siya na ang tinamaan ng bala.

“T-Tumakbo ka na,” paungol nitong utos sa kanya.

“H-Hindi kita iiwan.” Tinanggal niya ang jacket na nakatali sa baywang niya at itinakip sa sugat nito.

Mariin itong pumikit at bakas sa mukha nito ang matinding sakit. “Stubborn woman. Gusto mo bang pareho tayong mamatay dito? Go save yourself.”

Wala siyang pakialam kung anong mangyari sa kanila. Hindi na nga siya natatakot kung barilin man siya ng mga ito. Ang kailangan niya ay iligtas si Alfonso at tiyaking mabubuhay ito. Kinuha niya ang cellphone sa bulsa nito at tinawagan ang numero ni Raschid na huli nitong tinawagan.

“Ano ‘yung putok na narinig namin?” tanong nito.

“S-Si A-Alfonso nabaril ng mga poachers,” nanginginig niyang sabi at kumawala ang hagulgol sa labi niya. “Kailangan niya ng tulong. Ayokong mamatay siya. Please. Tulungan ninyo kami.”

“Hindi pa ako mamamatay,” narinig niyang sabi ni Alfonso sa mahinang boses at unti-unting pumipikit ang mga mata nito.

“Huwag kang mamamatay. Magiging mabait na ako. Kalilimutan ko na kung bakit galit na galit ako sa iyo. Aalagaan din kita kung gusto mo basta huwag ka lang mamatay.” Niyakap niya ito at hinayaan ang emosyon na kumawala sa kanya. “Please don’t die.”

Narinig niya ang sirena ng Coast Guard at nagmamadaling nagpulasan papunta sa bangka ang mga poachers. Inangat niya ang mukha. “Ligtas na tayo, Alfonso,” aniya subalit nakapikit na ang mga mata nito at mukhang di na ito humihinga. “No! Alfonso!”

TULALA at manhid ang pakiramdam ni Seeress habang naghihintay ng resulta ng operasyon ni Alfonso. Iyak lang siya ng iyak habang yakap ito kanina. Ayaw niyang humiwalay dito hanggang dumating ang medical team sakay ng helicopter. He was airlifted to Stallion Island where he was given proper medical attention.

Hindi pa rin niya mapigilang umiyak at tinawagan ang mga magulang niya. Kailangan niya ang suporta ng mga ito ngayon. “Ma, puntahan po ninyo ako dito.”

“Sa Stallion Island?” bulalas ng mama niya. “Anong nangyari sa iyo?”

“Nasa Nirvana Island po ako kanina. May mga poachers po doon. Tapos may nabaril po kasi dahil sa pinrotektahan ako. Puntahan po ninyo ako dito. Please.” Kapag down na down siya at di niya kaya ay sa pamilya niya ang takbuhan niya.

“Diyos ko! Hindi ka naman nasaktan?” tanong nito.

“Okay lang po ako. Hindi po ako nasaktan. Nahuli na rin po ‘yung mga poachers at bumaril sa kanya. Pero si Alfonso po nasa operating room pa rin. Puntahan po ninyo ako dito,” pakiusap niya.

“Sige. Gagamitin namin ang emergency pass namin. Be strong, hija. Magdasal ka lang. Everything will be okay.”

Those words somehow gave her comfort. Sana ay huwag pang kunin si Alfonso. Gusto pa talaga niyang bumawi dito. Gusto pa niya ng pagkakataon na mas ma-appreciate ito. Ayaw niyang isipin na huli na ang lahat.

“Magiging okay din si Alfonso,” sabi ni Jazzmire na kasama niyang nagbabantay sa lobby ng ospital. Inabutan siya nito ng tsaa. “Inumin mo ito para kumalma ka naman. You are so tense.”

“Do you think he will make it?” tanong niya dito.

“Oo naman. Si Alfonso pa. Marami pang babaeng paiibigin ‘yan,” puno ng kompiyansang sabi nito.

“I really apologize this happened,” sabi ni Yvankka na bakas din sa mukha ang pag-aalala. “Mas aggressive na ang mga poachers ngayon. Nahihirapan na kami na i-handle sila dahil masyadong malaki ang area.”

“Nag-aalala na rin ako dahil mga international poachers na ang nakakapasok sa teritoryo natin,” anang Village Lord na si Evandro na isang kongresista. “I will discuss this with my colleagues. Sana naman tanggapin na rin ninyo ni Raschid ang extra security na ino-offer namin. Kailangan ninyo ng mas mahigpit na bantay. Nasa panganib ang buhay ninyo.”

“Thank you,” sabi ni Yvankka at lumingon sa kanila ni Jazzmire. “Pasensiya ulit sa inyo.”

“Hindi mo ginusto ang nangyari, Yvankka,” sabi niya at pilit na ngumiti. “Walang may gusto sa nangyari. Ipagdasal na lang natin na hindi na pagtangkaan pa ng poachers ang Nirvana Island.” Mas magiging kampante na rin siya dahil sa dagdag na security na ipo-provide ng Stallion Island.

“Nasaan si Alfonso?” bungad ng matriarka ng mga Montinola na si Milagros. Kasunod nito si Fritzella, ang nanay ni Andreev.

“Nasa operating room pa po,” sagot ni Jazzmire at humalik sa pisngi ng mga ito. Sinalubong din ito nina Evandro at Yvankka at nagpaliwanag ang mga ito.

Subalit hindi ang dalawa ang sinisi nito kundi Andreev. “Andreev, bakit hinayaan mong mabaril si Alfonso?” paninisi ni Milagros dito. “Saka bakit nakakapasok ang mga Chinese poachers sa teritoryo ng Pilipinas? Kung kailangang mag-donate ako ng malaking halaga para hindi na makapasok ang mga iyan sa teritoryo natin, gagawin ko talaga. Hindi ko sila mapapatawad sa pagnanakaw nila at pananakit sa mga Pilipino.”

“Ma’am, ako po ang may kasalanan bakit nabaril si Alfonso,” pag-ako niya sa kasalanan at nakayukong lumapit.

“Ikaw ba ang girlfriend niya?” mahinay na tanong ni Fritzella.

Umiing siya. “H-Hindi po. Wala po kaming relasyon. Ako po si Seeress Cariño. Yoga instructor po ako dito sa Stallion Island. Sinundan po niya ako nang kumabila ako ng batuhan kung saan po dumaong ang mga poachers. He protected me. Kung wala po siya, baka ako po ang nabaril. Sorry po talaga.”

“You don’t have to apologize,” sabi ni Fritzella. “Mas malulungkot siguro kami kung hindi ka niya naprotektahan. I am sure that Alfonso will be okay. He is a survivor. Marami na siyang pinagdaanan kaya malalagpasan niya ito.”

“Hindi po kami magkasundo ni Alfonso. Ang totoo po ginagawa niya ang lahat para po magkasundo kami pero ayaw ko po talagang makipag-ayos sa kanya.” Nagi-guilty siya dahil kailangan pang umabot sa ganito bago lumambot ang puso niya kay Alfonso. Her bad impression of him clouded her judgment.

“We don’t hold it against you, hija,” sabi ni Milagros. “Siguro may dahilan kung bakit hindi mo nagustuhan si Alfonso. Pero matutuwa ako kung sakaling makaligtas man siya dito ay magkakasundo kayong dalawa. Mabait ang apo ko na iyon. He is a fighter.”

Maya maya pa ay lumabas na ang surgeon na si Princeton. Isa ito sa aspiring members ng riding club at kaibigan ni Andreev. Pero dahil emergency ay napilitan itong mag-perform ng operasyon. “He is safe. Walang tinamaan na vital organ sa kanya. He is lucky. Malapit ang tama ng isang bala sa baga niya. Natanggal na namin ang bala at kailangan niyang magpahinga. We have enough facilities here at the medical center to cater to him. Pero kung gusto ninyong dalhin siya sa Manila, kayo po ang bahala.”

“No. Here is fine,” sabi ni Andreev. “Baka isipin niya ang trabaho niya kapag ibinalik siya sa Manila. Tiyak na dadagsain siya ng mga tauhan niya at mga kakilala. Mas maganda kung magfo-focus siya sa pagpapagaling niya.”

“Hinahanap din niya ang mama niya,” sabi ni Princeton.

Nagkatinginan sina Milagros at Fritzella. “Nasa Europe pa siya ngayon,” sabi ni Andreev. “Tinawagan na namin siya. Sana makabalik siya para kay Alfonso.”

“Pwede ko ba siyang makita?” tanong niya. She just wanted to make sure that he was okay.

“Later. Nasa recovery room pa siya ngayon. Makalipas ang ilang oras, pwede na siyang dalhin sa regular room. Madadalaw na ninyo siya.”

“Magpahinga ka na,” sabi ni Andreev sa kanya.

Umiling siya. “Dito lang ako hangga’t hindi ko natitiyak na okay talaga siya. Ako ang magbabantay sa kanya.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.