Magandang-maganda ang ngiti ni Alfonso paglabas ni Seeress ng kuwarto niya. Kanina pa ito naghihintay sa lodge cottage at nauna na ring sinundo si Kaetria ng ka-date nitong si TJ. Nagkatinginan na lang silang dalawa paglabas niya. Parang walang gustong magsalita. Gusto na lang niyang titigan ito. He looked stunning in his black tuxedo.
“You look gorgeous,” bulong nito at parang di makagalaw sa kinatatayuan.
Naglakad siya palapit dito at inayos ang bowtie nito. “I have to look the part. Masyadong guwapo ang ka-date ko. According sa survey sa site ng Stallion Island, ako ang pinakagustong sabunutan ng mga babae dahil ako ang pinili mong maka-date ngayong gabi. The girls like you a lot. Dapat siguro ipa-insured ko ang buhok ko.”
Isinuklay nito ang daliri sa buhok niya. “No. They won’t even dare touch you. And I don’t really think I am that popular.”
“Pa-humble ka pa. Parang hindi yata bagay sa iyo.”
Huminga ito ng malalim. “Kinakabahan ako. Sometimes I wonder if I really fit in here. Parang hindi ako bagay maging member dito.”
Tumingala siya at noon lang niya napansin na parang wala itong kompiyansa sa sarili. Si Alfonso ang taong walang hiya sa katawan at parang pag-aari ang mundo. She had never seen this side of him. “You are here because you deserve to be here. Hindi ko na kailangan pang isa-isahin ang mga attributes mo na daan para tanggapin ka dito. Kaya huwag ka nang nerbiyusin diyan. This is your night after all.”
Mahigpit nitong hinawakan ang kamay niya. Nanlalamig ito. “Huwag mo akong bibitawan. Just stay with me.”
Tensiyonado pa rin ito hanggang makasakay sila ng cable car na magdadala sa kanila sa The Peak. Tinapik niya ang kamay nito. “Close your eyes. Just deep breathly.” Narinig niya ang paghugot nito ng hininga. “Then exhale,” aniya sa mahinay na boses.
Nang dumating sila sa party ay bumalik na ang kompiyansa nito subalit mahigpit pa rin ang hawak sa kamay niya. Sinalubong agad sila ng ibang mga members at may kakaibang interes sa mata ng mga ito. “Kayo na? Kayo na?” excited na tanong ni Maksim na isa sa naging malapit kay Alfonso sa isla.
Sumegunda agad ang bestfriend nitong si Conrad. “Huwag na kayong mag-deny, ha? Sweet na sweet kayong dalawa,” panghuhuli agad nito.
“Hindi pa sila,” kontra naman ni Oliver na head ng security.
Siniko ito ng bestfriend nitong si David na may-ari ng chain ng art galleries. “Huwag kang kontrabida. Aamin na ang mga iyan.”
“Oo naman! May confidence ako sa kaguwapuhan ng bago kong kaibigan,” nakangisi namang sabi ni Brent na may hawak sa isang community na tinutulungan ni Alfonso.
Magkasalubong ang kilay niyang inikot ang mata sa mga ito na may kasamang pagbabanta. Talagang seryoso ang mga ito na pagpustahan sila ni Alfonso. Parang gusto niyang pagbabatukan ang mga ito isa-isa.
“Anong meron?” nagtatakang tanong ni Alfonso. “Ganito ba talaga dito? Masyado naman kayong interesado sa love life ko. Hindi naman ako artista.”
“Basta umamin ka na lang,” sabi ni Jazzmire. “Sige. Ibulong mo sa akin.”
“Wala nga. This is just our first date. Kaya kung gusto mong huwag ma-trauma si Seeress at mayaya ko pa ulit siyang mag-date, huwag ninyo kaming kulitin,” mariin nitong sabi.
“I don’t think niligawan na niya si Seeress,” anang si Andreev sa malalim na boses at biglang inilahad ang palad kay Jazzmire. “Talo ka. I want my five grand.”
Napilitan si Jazzmire na maglabas ng five thousand sa pouch nito. Kasunod niyon ay narinig din niya ang angalan ng iba. Pawang mga natalo sa pustahan.
“Pinagpustahan ninyo kami?” usal ni Alfonso. “Pati ikaw, Andreev?”
Nagkibit-balikat si Andreev. “Alam ko naman kasi na matatalo sila.”
Umirap si Jazzmire kay Alfonso. “Malay ko ba namang mabagal ka pala pagdating kay Seeress. Hindi na talaga ako pupusta next time. Talo naman ako.”
“Akala ko ba liligawan mo na?” may halong paninising tanong ni Conrad.
“Hindi nga niya ako mayayang mag-date agad. Anong ligaw?” tanong niya at naa-amuse nang makita ang pamumula ni Alfonso.
Humawak ito sa baywang niya. “Can we discuss this ourselves? Baka mamaya may maisip na naman silang mapagpupustahan sa atin.” At inalalayan siya nito papunta sa garden.
“Totoo ba na plano mo akong ligawan?” lakas-loob niyang tanong.
“Kapag ba niligawan kita sasagutin mo ako?”
Natawa lang siya. “Alfonso, hindi ka pa nga nanliligaw. Saka hindi ako basta-basta sumasagot ng manliligaw.”
“Hindi naman ako nagmamadali. I still want to savor each moment with you. No pressure, Seeress. Di kita pipilitang sagutin agad ang kaguwapuhan ko.”
“At sana wala na ring pustahan.”
"ANAK, bilisan mo naman diyan. Baka ma-late ka sa date ninyo ni Alfonso,” anang mama ni Seeress at inaabot agad ang bag sa kanya samantalang di pa niya tapos kainin ang oatmeal cookies. Nasa wellness shop siya na pag-aari ng mga ito na puro organic products lamang ang laman. Kadarating pa lang niya nang umaga mula sa Stallion Island. Hapon pa kinabukasan ang balik niya sa Stallion Island.
Yumakap siya dito. "Ma, minsan lang tayong magkasama. Wag ninyo akong itaboy."
Tinapik nito ang braso niya. "Baka maagaw pa ng ibang babae. Mahirap na. Ang guwapo pa mandin ng boyfriend mo."
"Hindi ko pa po siya boyfriend,” pagtatama niya.
"Anak, sagutin mo na. Ako na nagmamakaawa sa iyo,” anang papa niya na nire-replenish ang mga organic lip balm ng Human Loves Nature na isa sa bestseller sa shop nila.
"Pa, dalawang linggo pa lang siyang nanliligaw,” aniya at tipid na ngumiti. Alfonso was an ardent suitor. Pero minsan ay parang close friends lang sila. She liked it better that way. No pressure. They were just enjoying each other’s company.
"Go now,” anang mama niya at tuluyan na siyang itinulak palabas ng pinto. “Magkita na lang tayo mamaya. Huwag kang uuwi sa bahay nang di mo pa siya boyfriend. Matanda ka na!"
Naging close si Alfonso sa mga magulang niya. He regularly visits the shop. Minsan ay ipinagluluto pa nito ng dinner ang magulang niya. Kapag daw kasi kasama nito ang parents nito ay parang parte ito ng isang buong pamilya. He was not Alfonso the playboy in her eyes anymore. Ibang Alfonso ang nakikita niya. Iyon ang Alfonso na mukhang iilang tao lamang ang nakakakilala. She knew that it was still too early to be sure but her cosmic vibration about him was good. She had never felt this good for a long time.
Pagdating niya sa bagong restaurant na pag-aari ni Darwayne na isa rin sa mga members ng Stallion Island ay iginiya agad siya ng waiter sa mesa ni Alfonso. Sinalubong agad siya nito nang makita siya at dali siyang kinintalan ng halik sa labi.
Pinanlakihan niya ito ng mata. “Alfonso!”
“Ipinapakita ko lang sa ibang babae na taken na ako. Ayokong umasa pa sila.”
“Ganoon? Kampanteng-kampante ka nang sasagutin kita?”
“Iyon nga ang nagustuhan mo sa akin, di ba? Come on. May naghihintay sa iyo.”
Nawala ang ngiti sa labi niya nang makitang si Janeth ang naghihiintay sa kanya. "Hello, Seeress,” anito sa nahihiyang boses. Kahit siya ay naiilang dito lalo na’t alam niya kung anong ginawa nito sa mismong kasal nito para mapahiya siya.
"Janeth,” aniya at dahan-dahang umupo. “You look good. Mukhang hiyang sa iyo ang pag-aasawa. Sana ganoon din si Orlando.”
“W-We are okay. Parehong nag-a-adjust sa buhay may asawa pero masaya kami.”
She gave her a polite smile. “I am happy to hear that.”
Janeth clam up. Yumuko ito at parang di na alam kung ano pang sasabihin sa kanya. Ang totoo ay di rin niya alam kung anong sasabihin dito. Hindi niya alam kung hanggang ngayon ay iniisip pa rin nitong banta siya sa pagsasama nito at ni Orlando.
“May gustong sabihin sa iyo si Janeth,” wika ni Alfonso nang matapos siyang umorder.
Pinagsalikop ni Janeth ang mga kamay at narinig niya ang paghikbi nito habang nakayuko. “Ang totoo hindi ko alam kung paano magsisimula. Alam mo naman kung anong kasalanan ko sa iyo. I am sorry. Inutusan ko si Alfonso na i-distract ka para hindi mo mapigilan ang kasal namin ni Orlando. I was desperate that tiime. Natatakot ako na tuluyan siyang mawala sa akin. After Alfonso, natakot akong magmahal ulit. Kaya pakiramdam ko kung mawawala sa akin si Orlando hindi ko kakayanin.”
Huminga siya ng malalim. “Janeth, mahal ka ni Orlando. Kung hindi ka niya mahal, hindi ka niya pakakasalan.”
“S-Sasabihin mo ba sa kanya ang tungkol sa ginawa ko? Huwag mo sanang sabihin.” Mahigpit nitong hinawakan ang kamay niya. “Baka iwan niya ako. Mahal ko talaga siya.”
“I know. At wala akong planong sabihin ang ginawa mo. Wala na akong nararamdaman para kay Orlando. Magkaibigan na lang kaming dalawa.” Tipid siyang ngumiti at inabutan ito ng tissue. “Wala akong planong makasira sa inyo. Whether you believe me or not, I am happy for you and Orlando. Kung gusto ko siyang bawiin, hindi ko na paaabutin ng kasal ninyo.”
“Patawarin mo sana ako. Sana kung nakontrol ko ang emosyon ko, hindi ko uutusan si Alfonso na gawin iyon,” sabi nito at bumaling kay Alfonso. “Sorry din. Hindi ko alam na malaking gulo ang ginawa ko sa iyo dahil sa pagtulong mo sa akin.”
“It is over now, Janeth. Pare-pareho na tayong masaya. Kung hindi dahil sa ginawa mo, hindi ako magagayuma ng halik nitong si Seeress,” nakangising sabi ni Alfonso.
“Hindi ako marunong manggayuma. Ikaw nga itong magaling manggayuma,” aniya at pinanlakihan ito ng mga mata.
“Sana nga ikaw ang makapagpatigil sa pagiging playboy ni Alfonso,” sabi ni Janeth na tumahan na sa pag-iyak. “He is the sweetest boyfriend ever. Baka magselos si Orlando kapag narinig iyon sa akin. But it’s true.”
“Ang mahalaga mahal mo siya kahit na di kami pareho ng kakisigan,” sabi ni Alfonso saka nito inilapit ang mukha sa kanya na parang hahalikan siya. “Kailan mo naman sasabihing mahal mo ako at tanggap mo ang nag-uumapaw kong kakisigan?”
Hindi siya nakasagot dahil naparalisa na siya. She was anticipating Alfonso’s kiss instead. Umuugong na lang ang tainga niya at nakalimutan niya ang itinatanong nito.
Tumikhim si Janeth. “Nandito na ang order natin,” untag nito sa kanila.
Dali-dali siyang lumayo kay Alfonso at napapalatak naman ito nang makitang naghihintay ang waiter ng permiso para i-serve na ang order nila. Kailan nga ba niya sasabihing mahal niya si Alfonso? Mahal? Mahal na niya ito? Napalunok siya. It was too fast. Paano ito nakapasok sa puso niya nang di niya nalalaman? But she was sure that she’d accept him, imperfections and all.
NAG-ALALA si Seeress nang hindi dumating si Alfonso sa yoga class niya. Nagsasabi ito kapag hindi ito makakarating sa usapan nila. Alam niyang abala ang mga tao dahil sa nalalapit na kasal nina Jairon at ang nobya nitong si Xandie na kapatid ng boss niyang si Alessandrace. Ni hindi man lang ito nag-text o nagpaiwan ng mensahe sa kanya. And that was not him. Nang tawagan niya ang cellphone nito ay hindi rin nito sinasagot. Anong nangyari dito?
Nasalubong niya si Dare sa labas ng Mist Fusion. Kasama nito si Timothy na isang music prodigy at kasabay na pumasok ni Alfonso sa Stallion Island. “Dare, nakita mo ba si Alfonso?”
Umiling ito. “Hindi nga siya nagpakita sa amin ni Timothy samantalang usapan namin na magho-horseback riding kami.”
Sa sobrang pag-aalala ay napilitan siyang tumawag sa security center para ipa-trace ito. Ang assistant head ng security na si Ridge ang sumagot sa tawag n iya. “Bakit gusto mong mahanap si Alfonso? May lover’s quarrel kayo.”
“Ridge, hindi ko alam na tsismoso ka na ngayon,” may bahid ng iritasyon niyang sabi.
“It is my job to know. This is a matter of security.”
“No. Wala kaming lover’s quarrel. So where is he?”
Nakahinga siya ng maluwag nang malamang nasa tuktok lang ito ng falls. Wala ngang signal ng cellphone doon. Dali-dali siyang umakyat sa kawayang pathwalk paakyat ng falls. Isa iyon sa mga lugar kung saan gustong mag-meditate ni Alfonso. Nataranta siya nang makarinig ng sigaw na parang galit. Boses iyon ni Alfonso.
Tumakbo siya sa pinanggalingan ng sigaw at naabutan niya ito na akmang susuntukin ang malaking puno. “Alfonso!” tawag niya dito at natigil sa pagsuntok. “Anong ginagawa mo?”
Ibinaba nito ang kamay subalit hindi siya hinarap. “Just let me be.”
“Hindi kita pwedeng iwang mag-isa. baka kung anong gawin mo.” Hinawakan niya ang kamay nito at nakahinga ng maluwag dahil wala iyong galos. Subalit nabahala siya nang makitang umiiyak si Alfonso subalit bakas ang galit sa mukha nito. “Anong problema?”
“Si Mama. Gumawa na naman ng gulo sa pamilya. Sinabi niya kay Jazzmire ang tungkol sa kasunduan nila Lola at Andreev na mawawala kay Andreev ang presidency ng East Dragon Bank at ang mana niya oras na hindi pakasalan si Jazzmire. Pakiramdam tuloy ni Jazzmire ginagamit lang siya ni Andreev dahil sa mana. Na hindi talaga siya mahal.”
“Bakit naman iyon ginawa ng mama mo?” tanong niya.
“Gusto niyang sa akin mapunta lahat ng mamanahin ni Andreev. Naisip niya na kung sakaling masiraan niya si Andreev kay Jazzmire, sa akin na mapupunta ang lahat.”
Hinaplos niya ang pisngi nito na basa ng luha. “I am sorry.”
“Jazzmire, hindi ako interesado sa kayamanan ng mga Montinola. Gusto ko lang makasama ang pamilya ko. Mula nang mamatay si papa at nalaman kong hindi niya ako tunay na anak, pakiramdam ko wala akong lugar sa mundong ito. I was not a Cordova and I was not even a Montinola. Kinailangan kong hanapin ang sarili ko. Hindi madali para kay Andreev na tanggapin akong kapatid. Nito na lang kami nagkasundong dalawa tapos masisira agad.”
“Pero hindi mo naman kasalanan iyon. Maiintindihan ka niya.”
“Minsan iniisip ko kung bakit di na lang si Tita Fritzella ang naging nanay ko. O kaya katulad ng nanay mo.”
“Hindi tayo nakakapili ng magulang natin. Ang importante maituwid mo ang mali niya. Tulungan mo rin si Andreev na ayusin ang gulo nila ni Jazzmire. I am sure makikinig si Jazzmire sa iyo.” Tumingkayad siya at mariing hinalikan ang labi nito. “Will that make you feel better?”
“Not quite. Kulang pa.” Hinapit nito ang baywang niya at inangkin ang labi niya. Unti-unti niyang naramdaman ang pagkawala ng tensiyon nito. Yumakap siya sa leeg nito at hinayaan ang sarili na madala sa halik. He could keep on kissing her forever if that would make him feel better. “Thank you. That kiss was inspiring. Mukhang alam ko na ang gagawin ko para matulungan si Andreev.”
“Inspiring ka diyan. Can you kiss and think at the same time?”
“Only when I am kissing you.”
Hinaplos niya ang pisngi nito. Alam niyang hindi madali ang problema nito. “May maitutulong ba ako sa iyo?”
“Another kiss perhaps?”