Chapter Alfonso Cordova Montinola: Chapter 11

“Kailan mo ba sasagutin si Alfonso?” tanong ni Rayanne kay Seeress nang palabas na siya ng locker room. Katatapos lang ng yoga class niya at naghahanda para sa lunch break. Sikat na ballerina ito at paminsan-minsan ay nagbibigay ng ballet lesson para sa Mist Fusion. Nobyo nito ang member na si Yzaak Argoncillo.

“Bakit naman?” tanong niya at pinunasan ng tuwalya ang braso.

“Para naman makasama ka na sa club namin,” sabi nito. “Huwag mo nang pahirapan si Alfonso. Mukha namang seryoso siya sa iyo. He would be a great boyfriend.”

Natawa siya dahil kuntodo endorso ito kay Alfonso. May sariling club ang mga asawa at official girlfriends ng Stallion hunks. Karamihan sa mga ito ay malapit sa kanya at itinuturing niyang mga kaibigan. Mukhang bukod sa magulang niya ay nakuha din ni Alfonso ang boto ng mga ito.

“Hindi naman kami nagmamadali.”

Iniikot nito ang mga mata. “Huwag ka nang magpakipot. You obviously like him. Sayang ang pagkakataon. You will enjoy his company more once he is your boyfriend. Mas maipapakita niya ang pagmamahal niya sa iyo.”

Sumilip si Kaetria sa pinto. “Seeress, nandiyan na ‘yung corn muffin na in-order mo kay Chef Darwayne. Dalhin mo na daw kay Alfonso habang mainit pa.”

“Thanks,” sabi niya at ngumiti nang maalala kung gaano katakaw si Alfonso sa muffin at iba pang baked products. Hindi kasi ito marunong mag-bake kahit na gaano pa ito kagaling magluto. Paborito nito ang corn muffins ni Darwayne.

“Sign na ba iyan na sasagutin mo na si Alfonso?” nanunuksong tanong nito.

“Kayo ang unang makakaalam kapag nangyari iyan.”

Kompirmado naman niya na seryoso si Alfonso sa kanya at sa palagay niya ay magiging masaya siya kung magiging boyfriend niya ito. Bakit pa nga ba niya patatagalin samantalang aminado na siya sa sarili niya na gusto rin niya ito? Kailangan lang niya ng pagkakataon para masolo ito. And she wanted everything to be romantic.

“Sa Stallion Wave siya magla-lunch,” sabi ni Kaetria na isa pa sa kuntodo ang build up kay Alfonso. “Puntahan mo na. Kung hindi mo siya makakasabay mag-lunch, tawagan mo lang ako para sabay na tayong mag-lunch.”

“Thank you,” aniya at sumakay na sa naghihintay na e-jeepney.

Alfonso added more excitement to her life. Noong nasa Stallion Island siya, puro trabaho lang ang iniisip niya. Now she had something else to look forward to. Alfonso made her feel so alive. He made her feel things.

“Welcome to Stallion Wave,” bati sa kanya ng waitress na si Leica. “Hinahanap mo ba si Alfonso? May reservation siya. Parating na iyon.” Lumagpas ang tingin nito sa balikat niya. “O! Nandito na pala siya. Good morning, Sir, Ma’am! Welcome to Stallion Wave!”

Nakahanda na ang ngiti niya para kay Alfonso ngunit pagharap niya ay hindi ito ang una niyang nakita kundi si Sheena. “Seeress!” tili ni Sheena at niyakap siya. “I am so happy to see you. Na-miss kita.”

“Na-miss din kita.” Wala na kasi siyang balita dito mula nang magkaroon ng bagong nobyo. Nakikita na lang niya paminsan-minsan ang pictures nito sa Facebook account nito. “Hindi mo man lang sinabi sa akin na dadating ka. Nasalubong sana kita.”

“Hindi na. Nandito talaga ako dahil isinama ako ni Tita Magda.” Saka niya nakita ang ina ni Alfonso na nakaismid sa kanya.

Isang tipid na ngiti ang ibinigay niya dito. “Good afternoon, Ma’am.”

Kumapit si Sheena sa braso niya. “Sinabi kasi niya na gusto daw ni Alfonso na magkaayos kaming dalawa. I broke up with my boyfriend. Naisip kong sumama na dito para mabigyan ng pagkakataon si Alfonso na makabawi sa akin. After all, siya naman talaga dapat ang naging boyfriend ko kung hindi lang kayo nag-away na dalawa.”

Gusto ni Alfonso na bumawi dito? She was not aware of that. Maybe he wanted to mend wounds. Tutal ay kaibigan niya si Sheena. Pero parang di niya nagugustuhan ang tinatakbo ng kwento. Sheena was expecting something from him. Na parang gusto nito na ibalik ang nakaraan. And where would that leave her?

“Bakit hindi mo kami samahang mag-lunch para makakwentuhan mong mabuti si Sheena, hija?” malambing na wika ni Magda. “I am sure you have a lot of catching up to do. Gusto rin niyang makatiyak kung okay na kayo ng anak ko.”

Siya pa ang biglang nailang. Anong sasabihin niya kay Sheena? Na nagde-date sila ng lalaking gusto nitong balikan? Na malapit na niya itong maging boyfriend? That would be heartless of her. Nagsisimula pa lang itong maka-recover sa break up nito ng boyfriend nito. Parang siya pa ang nagi-guilty ngayon. At sa ngiti ni Magda, parang sinasabi nito na hindi siya ang babae para kay Alfonso kundi si Sheena. Hinahamon siya nito.

Isang tipid na ngiti ang ibinigay niya dito. “Thanks for the offer. Hindi na po ako mang-aabala. Kailangan ko rin pong bumalik sa Mist Fusion dahil may klase pa ako.”

“You are supposed to have a lunch break. Hindi ka pwedeng malipasan ng gutom,” protesta agad ni Alfonso. “You have to eat.”

Nilingon niya ito. “Thanks for the concern. Pero may dinaanan lang talaga ako dito.” Hindi naman pwedeng makisalo siya sa mga ito. That would be too awkward. Di niya kayang magkunwari na walang espesyal na relasyon sa pagitan nila ni Alfonso. Kailangan ay malaman niya kung saan siya lulugar. Humalik siya sa pisngi ni Sheena. “Dalawin mo na lang ako kapag free ka na. I would really love to catch up with you.”

Ni hindi niya sinulyapan si Alfonso nang umalis ng Stallion Wave at tumuloy sa Mist Fusion. Mabigat na mabigat ang dibdib niya. Parang hindi niya makahinga. Hindi rin niya sinagot ang tawag nito. Kung anuman ang nangyayari, hindi niya ito nagugustuhan.

Maraming ipapaliwanag si Alfonso sa kanya.

HINDI na nakakain ng tanghalian si Seeress. Nagkulong siya sa cottage niya at kinain ang kalahating dosenang corn muffin na para sana kay Alfonso. Anong plano nitong gawin sa kanya habang bumabawi ito kay Sheena? Hindi niya alam kung paano haharapin si Sheena nang di sinasabi dito ang tungkol sa kanila ni Alfonso. At bakit di sinabi ni Alfonso sa kanya ang tungkol sa plano nitong bumawi kay Sheena para hindi siya mukhang tanga. Idinaan na lang niya sa pagkain ang sama ng loob at pangamba niya.

Mabigat ang katawan niya nang lumabas ng cottage kahit na wala naman siyang sakit. She was not even in the mood to work. How could she teach her students how to find their inner peace when she had her own inner battles to work with? Ano bang dapat niyang gawin?

Nagulat siya nang makasalubong si Alfonso sa porch. "Seeress, let's talk."

"Nasaan si Sheena?" sa halip ay tanong niya.

"Kasama ni Mama. Magpapa-spa sila. Babalikan ko daw sila matapos ang isang oras."

Humalukipkip siya. "So you are spending the whole day with them. Hindi ko alam na may plano ka palang bumawi kay Sheena at dalhin siya dito."

"Si Mama ang nagdala sa kanya dito. Nagulat na lang din ako kanina nang dumating si Mama kasama siya. Maniwala ka sa akin. Ako ang pinakanahihirapan dito. As far as I am concerned, Sheena and I are over."

"Pero mukhang iba ang plano ng Mama mo. She's playing Cupid. Si Sheena ang ideal na daughter-in-law para sa kanya." At least his mother was upfront. Alam niyang ayaw nito sa kanya. Nakakatawa dahil hindi sumagi sa isip niya na posibleng maging problema niya ang mama ni Alfonso sa relasyon nila. She thought his mother had no hold on him.

"Business partner ni Mama sa itatayo niyang negosyo ang tita ni Sheena."

"And you won't do anything to jeopardize that."

Dumilim ang mukha nito at mariing nagdikit ang mga labi. "Look. Gusto ko lang maintindihan mo na hindi ito madali para sa akin. Ngayon na lang magkakaroon ng sariling negosyo si Mama niya. For the first time, she wanted to do something for herself. Kaya gusto ko sanang i-handle nang mas maayos ito."

"Kung ganoon, di pa natin pwedeng sabihin kay Sheena ang tungkol sa atin? Aasa pa rin siya na may pag-asa pa sa inyong dalawa. Saan ba ako tatayo sa buhay mo ngayon? At anong gusto mong gawin ko?” Hindi ko kayang harapin si Sheena at magkunwari na di ito importante sa kanya. “Sasabihin mo ba sa kanya ang tungkol sa atin?”

“Hindi iyon ganoon kadali. She’s still vulnerable right now. Kabe-break lang nila ng boyfriend niya.”

“Do you want me to stay away? For how long?”

Alam niyang nahihirapan din si Alfonso. He was in a tight spot. Hindi niya alam kung tama din ang tanong niya. Baka mamihasa si Alfonso nang malayo siya dito at tuluyan rin itong mawala sa kanya. But she didn’t have any hold on him, did she?

Hinawakan nito ang balikat niya at ihinarap siya dito. “Just give me a few days. I will find a way to fix it.”

“Hindi ganoon kadali ang lahat.”

Niyakap siya nito. “Ilang araw lang ang hihingin ko sa iyo. Gusto ko lang ma-enjoy ni Sheena ang ilang araw niya dito hanggang maka-recover siya. Then I will tell her everything about us. Just trust me on this one.”

Trust? She wanted to trust him. Pero hindi niya alam kung kaya niyang ipikit na lang ang mga mata. Gusto na niyang isigaw na mahal niya ito sa lahat pero di niya magawa. Alam niyang may masasaktan siya at ayaw niyang lumikha pa ng gulo. Alfonso’s life was hard as it is.

Kumalas siya sa pagkakayakap dito at naglagay ng distansiya sa pagitan nila. “Mag-usap na lang tayo kapag okay na lahat. Kapag nasabi mo na kay Sheena ang lahat. Mas mabuti pang iwasan muna natin ang isa’t isa habang nandito siya.”

“Hindi madali iyon. Kaya ba kitang iwasan?”

“Kailangang gawin natin iyon.” Malungkot siyang ngumiti at pinigilan ang sarili na haplusin ang mukha nito. “Not until you are really mine, Alfonso.”

Tumalikod siya at naglakad palayo. Masakit din sa kanya na iwasan ito. But it was the right thing to do. Hangga’t hindi niya alam kung saan tatayo sa buhay ni Alfonso, mas mabuting umiwas na siya. Para kung sa huli ay naisip nitong hindi siya ang para dito ay hindi siya gaanong masasaktan. Sana lang ay kayanin iyon ng puso niya.

HINDI maiwasang mainggit ni Seeress nang isa-isang sunduin ng asawa at nobyo ng mga ito ang mga estudyante niya matapos ang yoga class nila sa tabi ng lake. Funny. Nang nakaraan lang ay tinatanong siya ni Rayanne kung kailan niya sasagutin si Alfonso para makasama na siya sa club ng mga ito. Ngayon ay mukhang malabo na. Hindi niya alam kung paano siya naka-survive sa klase niya sa araw na iyon nang mabigat ang pakiramdam. She never felt this bad. Napakadali para sa kanya na balewalain ang mga problema. Ngayon ay hirap na hirap siyang alisin si Alfonso sa isip niya.

Kinatok ni Kaetria ang pinto ng classroom niya at sumilip. “Hi! Lalabas kami nila Rayanne at Summeria. Gusto mo bang sumama. TJ will play tonight.” Saka ito ngumiti na parang kinikilig na teenager. Gone was the sensual woman who was hardened by adversity. She was simply a woman in love and happy. Nadagdagan na naman ang inggit niya. Nakikita kasi niya ang sarili dito nang panahong lagi silang magkasama ni Alfonso. Ganoon din siya kasaya.

“Ayoko munang lumabas ngayong gabi. Gusto ko lang magpahinga. Kayo na lang.”

“Isama natin si Alfonso. Alam ko di ka makakatanggi kapag kasama siya,” nanunukso nitong sabi.

Iniwas niya ang tingin dito. “He is busy. Kaya kayo na lang.”

“Okay. Magpahinga ka na lang. Mukha ngang wala ka sa mood lumabas. Sana naman wala kayong LQ ni Alfonso,” panghuhuli nito.

Pagak siyang tumawa. “Wala. Sige na. Baka unahan ka pa ng ibang babae kay TJ.”

Nang sabihin niya iyon ay nagkukumahog na itong nagpaalam at narinig niya ang tumatakbong yabag nito sa hallway. Ipinagpatuloy na lang niya ang pagliligpit ng mga CD niya na pinapatugtog niya kapag nagyo-yoga. Dapat ay nandito si Alfonso ngayon para sunduin siya at baka ito pa ang mamilit na lumabas sila.

Naiisip din kaya siya ni Alfonso? Matitiis din ba siya nitong hindi makita?

“So this is your classroom,” anang boses ng babae sa likuran niya.

Nagulat na lang siya nang makita ang mama ni Alfonso na si Magda. Umaalingawngaw sa buong kuwarto ang takatak ng stiletto heels nito sa cherry wood na sahig. Hindi ba nito nabasa ang instruction sa labas na bawal ipasok ang kahit anong pansapin sa paa?

“Good evening, Ma’am,” magalang niyang bati.

“Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa.” Tumayo ito sa gitna ng silid at hinarap siya. “Huwag ka sanang gagawa ng kahit ano na makakasira kina Alfonso at Sheena. Si Sheena ang gusto kong maging manugang. At kundi dahil sa pakikialam mo dati, baka kasal na sila ng anak ko ngayon. Pakawalan mo na sana ang anak ko. Marami namang lalaki dito sa Stallion Island. Guwapo at mayaman tulad ng anak ko. Who knows? Baka gawan pa kita ng pabor kung sakaling hahanap ka ng iba.”

Mariing nagdikit ang labi niya. Gusto niyang isigaw dito na mahal niya si Alfonso at hindi ganoon kadaling talikuran iyon. Pero ano bang naiintindihan nito sa pagmamahal. She doubted if she ever loved anybody her whole life beside herself. That must be lonely. Ngayon ay gusto nitong ganoon din ang gawin ni Alfonso sa buhay nito.

“Depende po kay Alfonso kung anong magiging desisyon niya. Kung si Sheena ang gusto niya, irerespeto ko po iyon.” Pero kung siya ang pipiliin ni Alfonso, hindi niya mao-obliga si Magda na irespeto din iyon. Tiyak na magwawala ito. That battle would be between him and Alfonso. Anuman ang mangyari, si Alfonso ang magdedesisyon sa buhay nito.

Umangat ang gilid ang labi nito. “Kung ganoon ay nagkakaintindihan naman pala tayong dalawa. Good day, hija. Who knows? Baka isang araw maging close pa tayong dalawa. I also want to try yoga. Balita ko nakakabata daw iyan.”

Mahigpit ang kuyom niya sa palad hanggang makaalis ito ng silid. Hindi si Sheena ang dapat niyang alalahanin o si Magda. Nasa kamay ni Alfonso ang lahat ng desisyon. At may piping dasal sa puso niya na sana ay siya ang piliin nito. Na puso nito ang susundin nito.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.