Filipina Cornejo was a tough future lawyer. Pero pagdating kay TJ Javellana ay laglag agad ang panga niya. He was her dream man. Ito lang ang dahilan kung bakit gusto niyang tumapak sa sikat na Stallion Island. Kaya nang manalo siya ng free passes para makapasok sa eksklusibong isla dahil sa isang Trip to Jerusalem game, di na niya pinalagpas ang pagkakataon. She must seize the opportunity.
On her quest to see TJ, she had come face to face with her ex-boyfriend Leigh Armaund Lopez. Lee was her nightmare yet he was the only who could turn her heart around. Pero wala siyang magagawa sa isang lalaki na di kayang tanggapin ang lakas niya bilang babae at di rin nito kailangan ng babaeng tulad niya na kayang protektahan ang sarili.
Pero bakit sinasabi ng puso niya na kailangan pa rin niya ito sa buhay niya?
“CONGRATULATIONS! One year na kayo ni Lee!”
Magkasabay na niyakap nina Freya at Haellene si Pinay. Kabababa lang niya ng sala noon para sa date nila ng boyfriend niyang si Lee.
Magkaka-sama sila sa boarding house na pag-aari ng Tita Yolie niya sa Quezon City. They even formed an all-girl band Serenity. Si Andrya na may gandang pang-beauty queen ang vocalist nila. Si Haellene na mukhang inosente ang bassist nila. Si Freya ang lead guitarist nila at composer. Siya na madalas pagkamalang menor de edad ang nasa drums. Sa Conspiracy Bar sila tumutugtog.
Inabot ni Andrya ang bouquet ng assorted flowers sa kanya. “Heto! Pina-deliver ng boyfriend mong mga gulay. Congratulations dahil nakatagal pala siya ng isang taon sa pagpapaapi at pagpapakahangal sa iyo. Mabuhay ang mga under!”
“Mahal na mahal lang niya ako. Hindi siya katulad ng ibang lalaki diyan na nang-aapak ng babae mapatunayan lang na macho sila.”
Nakilala niya si Lee nang sa Conspiracy Bar. Nag-fill in ito sa absent na lead guitarist ng isang banda. Graduate ito ng Business Administration sa University of the Philippines. Habang siya naman ay Behavioral Science ang kinukuha sa University of Sto. Tomas. Nagkataon na may common friend sila.
Noong una ay ayaw niya dito. Parang may pagka-maangas at mayabang kasi. At dahil guwapo, tingin niya noong una ay playboy ito. Pero nang pagtiyagaan siya nitong kausapin, natuklasan niyang matalino naman ito at may sense kausap. Di rin ito mayabang. At dahil may talent din ito sa music, unti-unti siyang na-in love dito.
Kung madalas man nitong sundin ang mga gusto niya ay dahil mahal siya nito. Ginagawa nito ang lahat para pasayahin siya. Kaya maswerte siya sa pagkakaroon ng boyfriend na tulad nito. Di na niya ito pakakawalan pa.
Malungkot na kumagat sa ham and egg sandwich nito si Haellene. “Ibig sabihin di ka makakasama sa gig mamaya? Wala kaming drummer?”
“Next time na lang, girls. Sorry talaga. Importante lang ito.” Matagal din niyang pinaghandaan ang anniversary nila ni Lee. At excited din siyang malaman kung ano ang sorpresang ihahanda nito para sa kanya.
“Alam naman namin!” anang si Andrya at di na siya tiningnan. “Mula nang dumating iyang Lee na under na iyan sa buhay mo, balewala na kami.”
Niyakap niya si Andrya at kinintalan ng halik sa pisngi. “Huwag ka nang magtampo. Oras na ma-in love ka, maiintindihan mo rin ako.”
Ayaw naman niyang balewalain ang mga kaibigan sa araw na iyon pero gusto niyang sila lang ni Lee ang magkasama. Si Lee ang future niya. Si Lee ang buhay niya. At ngayong mahigit isang semester na lang sila sa kolehiyo, baka mag-propose na ito ng kasal sa kanya anytime.
Hindi pa rin kumibo si Andrya. Nagtatampo talaga ito.
“Huwag mo nang ikumpara ang love story mo sa kanya. Alam mo namang allergic iyan pagdating sa usapang love life.” Sinenyasan siya ni Haellene. “Sige na! Mag-enjoy ka na lang sa date ninyo ni Lee.”
“Paano ang gig mamaya?” tanong niya. Nakokonsensiya din naman siya dahil alam niyang nami-miss din ng mga kaibigan niyang tumugtog.
“Manghahatak na lang kami ng lalaki, ano pa?” masungit na sagot ni Andrya. Pero nakita niya ang pagngiti ng mga mata nito. Ibig sabihin ay di na ito galit.
Excited niyang nilaro-laro ang petals ng mga bulaklak habang nakasakay sa FX na papuntang SM Manila. Doon sila magkikita ni Lee. Medyo malayo iyon sa mga lugar kung saan sila nagde-date. Huwag nitong sabihin na sa Intramuros o Luneta sila magde-date. Sabagay, basta si Lee ang dumiskarte, tiyak na romantic iyon.
Inip na inip siya habang paparating ang sinasakyan niyang FX sa Welcome Rotonda. Tumigil ang FX at bumaba ang magkaparehang nasa tapat niya. She stiffened when she felt a rough hand touch her knee. Iyon ang lalaking pasahero. Di sana niya papansinin dahil baka kailangan lang nito ng alalay sa pagbaba sa FX. Masikip ang likuran ng FX kaya baka kailangan lang nito ng balanse.
Nahigit niya ang hininga nang pumailalim pa ang kamay sa laylayan ng dress niya at humagod sa balat niya. Nanlaki ang mata niya nang ngumisi sa kanya ang lalaki at saka tuluyang bumaba.
Pinigilan ng kamay niya ang pagsara ng pinto ng FX. Bumaba siya ng FX at hinabol ang lalaki. “Hoy! Maniac ka! Bumalik ka dito!”
Paglingon ng lalaki ay ihinagis niya ang bouquet na hawak niya at sapol ito sa mukha. Sinamantala niya ang pagkalito ng lalaki. Paglapit niya ay nagpakawala siya ng suntok. Sapol ang lalaki sa balikat.
Sinubukang dumepensa ng lalaki sa sumunod niyang suntok pero sadyang mabilis siyang magpakawala ng suntok. Gusto niya itong ibalibag. Malapit na. Kundi lang nagtitili ang babaeng kasama nito at sinubukang umawat.
“Anong ginagawa mo sa honey ko?” maarteng tanong ng babae.
“Maniac ang boyfriend mo!”
Nakuha nila ang atensiyon ng pulis na nasa police post. Sumilbato ito at lumapit sa kanila. “Anong gulo ba ito?”
“Mamang pulis, basta na lang po niyang sinaktan ang boyfriend ko,” maangas na sumbong ng babae.
“Basta-basta lang kasi akong hinipuan ng boyfriend mo. Act of lasciviousness! Ikulong ninyo ang maniac na iyan, mamang pulis o papatayin ko iyan!”
“KAPAL ng mukha mo! Dapat sa mga maniac na tulad mo pinapatay para wala nang babaeng mabastos sa mundo.”
Nagdilim na ang paningin ni Pinay sa sobrang galit niya habang pilit na inaabot ang manyakis na si Marc Fabio ayon sa ID nito. Nahawakan na niya ang batuta ng isang pulis at di alam paano siya aawatin. Murderous na siya.
“Huwag ka ngang mag-eskandalo. Nahawakan lang ang hita mo, nag-iinarte ka na,” kontra naman ng impakta nitong girlfriend na si Grace. “Ang hirap sa iyo suot ka nang suot ng dress na ganyan. Natural mababastos ka. Magtiis ka.”
Nanlaki ang mata niya. Mukha pa pala siyang bastusin nang lagay na iyon samantalang disente ang damit niya. Kumpara naman sa bruhang iyon na naka-micro mini na palda at wala na yatang itatago sa mundo.
Nagdilim ang paningin niya. Kundi lang babae ang bruhang kaharap niya, baka lumipad na ang paa niya sa mukha nito. Binalingan niya ang pulis. “Mamang pulis, tama bang katwiran na kapag naka-dress ang babae kaya dapat bastusin? Ibig sabihin iyong mga nare-rape at naha-harass gusto nila iyon?”
“Aba! Wala iyon sa katwiran, Miss!” sagot ng pulis. “Ang mga babae dapat igalang kahit na anong klase pa ang suot nila.”
Nginisihan niya ang babae na makapagtanggol lang sa boyfriend nito ay kung ano na lang ang maikatwiran. “Miss, narinig mo ang sinabi ng mamang pulis? Kung okay lang sa iyo na mabastos ang mga babae, hindi ako ganoon! At dapat sa mga bastos, sinesentensiyahan na!”
Gusto nang umigkas ang paa niya kundi lang nagtago si Marc sa likod ni Grace. “Miss, kung feeling mo nabastos kita, sorry na.”
“Nag-sorry na boyfriend ko! Masaya ka na?” maangas na tanong ni Grace.
Lalo lang nag-init ang ulo niya. Makapagsabi lang ng sorry dahil sa takot. Habang ang bruhang girlfriend nito ay inaangasan pa siya. As if kailangan niya ng sorry ng boyfriend nito.
“Kung okay lang ang sorry, e di sana wala nang pulis!” katwiran niya. Kahit lumuha ito ng centipede, di niya ito patatawarin.
“Tama iyon,” sang-ayon naman ng mga pulis.
Pilit pa ring nagtapang-tapangan si Grace at dinuro siya. “My dad works for the National Defense. You can’t get away with this.”
“Ipinagmamalaki mo sa akin ang tatay mo sa National Defense? Kaya maraming tiwali sa gobyerno dahil sa mga tulad mo. Ginagamit ang koneksiyon nila para takasan ang mga kalokohan nila at manggipit ng mga maliliit na mamamayan tulad namin? Aba! Kaming taxpayers ang dapat na pinagsisilbihan. Di kami dapat ginigipit! Palakasan na pala ito!”
Di siya natatakot kahit pa presidente ng Pilipinas ang iharap sa kanya. Nasa katwiran siya. Siya na nga ang naagrabiyado, siya pa ang sisindakin.
“Filipina, anong nangyari dito?” tanong ng Kuya Thorn niya na isang abogado. Kasunod nito si Lee na yumakap sa kanya.
“Pinay, are you okay? Are you hurt?” nag-aalalang tanong nito.
“Boyfriend ko ang ginulpi niya,” sabi ni Grace. Putok na ang labi ng nobyo nito at pasara na ang isang mata dahil talagang ginulpi niya. “At magsasampa kami ng kaso laban sa kanya. Physical injury. Magde-demand ako na bayaran niya ang pampa-ospital ng boyfriend niya. Di ito palalagpasin ng daddy ko!”
“Excuse me! Hangga’t di sumusuka ng dugo ang boyfriend mong maniac, di ko babayaran ang pampaospital niyan,” katwiran niya.
“Tama po siya, Ma’am. Gulpi lang ang inabot ng boyfriend ninyo. Tamang yelo at alcohol lang iyan,” sabi ng pulis.
“Dagdagan ko kaya para bayaran ko ang pampaospital niyan?” tanong niya.
Pinigilan ni Lee ang balikat niya. “That’s enough, Pinay!” mariin nitong saway.
Tiningala niya ito. Noon lang kasi siya nito ginamitan ng matigas na tono. Hinahayaan lang naman kasi siya nito noon sa gusto niyang gawin.
“I want to see the blotter,” wika ni Thorn sa pulis sa desk.
Sumunod siya sa pinsan niya habang kuyom ang palad. Parang bulkan siya na konti pa lang ang isinasabog na lagim. Nagpupuyos pa rin siya. Nag-aral talaga siya ng martial arts dahil ayaw niyang matulad sa mga babaeng nabastos pero di naipagtanggol ang sarili. Kulang pa ang ginawa niya.
“Filipina, sa uulitin kalmahin mo ang sarili mo. Parang amazona ka. Hanggang sa presinto nagwawala ka pa rin. Mabuti di sumuka ng dugo iyong ginulpi mo o di mo napatay. Kundi baka ikaw pa ang mas may seryosong kaso,” sermon ng Kuya Thorn niya habang kumakain sila sa isang restaurant.
“Kulang pa iyon sa kanya, Kuya.” Binayo ng nakakuyom niyang palad ang mesa. “Tuwing naaalala ko ang ngisi ng ungas na iyon na parang nakakaloko, parang sinasabi niya na lahat ng mga bastos nakakatakas sa mga ginawa nila.”
Sa ginawa niya, parang naiganti niya ang lahat ng mga babaeng nabastos. It was not enough though. Pero at least di siya nasama sa statistics ng mga kababaihan na iiyak-iyak na lang sa isang tabi at walang nagawa. Habang ang mga maniac ay malaya at nagsasaya. Baka nang-aabuso pa ng iba.
“Lee, pag-isipan mo bago mo pakasalan iyang pinsan ko. Baka gulpihin ka rin niyan. Ngayon pa lang, mag-aral ka na ng self defense at ano karapatan mo bilang tao,” sabi ni Thorn at tinapik ang balikat ni Lee.
Nanatiling matiim ang anyo niya hanggang makaalis si Thorn. Mukha bang monster ang tingin nito sa kanya na dapat katakutan? Mas nakakatakot namang hamak ang mga naglipanang maniac sa mundo kaysa sa kanya.
“Ano? Natatakot ka rin sa akin?” tanong niya kay Lee.
“Hindi.” He uncurled her finger then laced it with his. “Okay ka na ba?”
Saka lang siya lumambot nang marinig ang pag-aalala sa boses nito. Kanina ay on guard siya dahil ayaw niyang malamangan pa ulit. “I feel violated, Lee. Nakikita ko pa rin ang mukha ng lalaking iyon matapos akong bastusin.” Kundi siya naawat kanina, baka tuluyan na siyang nakapatay. And it won’t be enough.
Kinabig siya nito pahilig sa balikat nito at kinintalan ng halik sa noo. “Sana nandoon ako para protektahan ka. I am sorry.”
“It’s okay. I can handle him.”
“Mas gusto ko kung nandoon ako para sa iyo.”
Nanlumo siya nang maalala ang anniversary nila. “Nakakainis! Anniversary natin ngayon tapos sumulpot pa ang unggoy na iyon. Sa presinto pa tayo nag-date.” Tumuwid siya ng upo nang maalala ang bulaklak na padala nito. “Iyong flowers…”
“Anong nangyari sa bulaklak na bigay ko?” tanong nito.
Ngumisi siya. “Naihampas ko kay Maniac. Sorry.”
Ngumiti ito at hinaplos ang pisngi niya. “Gusto mo pa ng flowers?”
Tumango siya. “Oo! Bibilhan mo ulit ako?”
“Ikaw na ang pipili ngayon kung ano ang gusto mo.”
Sumakay siya ng taxi. Wala siyang ideya kung saan siya nito dadalhin noong una. Nakapangalumbaba siya habang dinadaanan nila ang mga nagkalat na tindahan ng bulaklak sa Dangwa. “Nandito na tayo,” sabi nito.
“Saan tayo?” tanong niya.
Ibinuka nito ang mga kamay. “Pumili ka na ng gusto mong bulaklak.”
“Ito ba ang sorpresa mo sa akin?”
“Dapat sana sa Corregidor tayo buong maghapon. Pero nakaalis na ang ferry na papunta sa island. Kaya dito na lang tayo. E, ang sorpresa mo sa akin.”
Hinawakan niya ang magkabilang gilid ng palda. “Ito! Na finally nagsuot na rin ako ng pambabaeng damit. Kaso naman takaw-disgrasya. Di na ako uulit.”
“Ang importante safe ka. Happy anniversary.”
Pumikit siya nang kintalan nito ng halik ang noo niya. Kahit na di natuloy ang romantic date nila sa Corregidor, pwede na niyang pagtiyagaan ang Dangwa.
Ilang oras din silang nagpaikot-ikot pero isang dosenang calla lily lang ang nagustuhan niya. “Wala ka na bang ibang gusto?”
Umiling siya. “Tapos na ang sorpresa mo sa akin. Ako naman.”
Kailangan niyang bawiin ang lahat ng masasamang nangyari sa araw na iyon. Kailangan niyang bumawi kay Lee.
Tumuloy sila sa Conspiracy Bar. Naghihintay na doon ang mga kaibigan niya. “Happy anniversary!” bati ng mga kaibigan nila.
Nakataas ang kilay ni Andrya. “Great! Huwag mong sabihin na tititigan mo lang kami. Looks like we have to live without one. We are doomed.”
“Pwede akong maging drummer ninyo pero sa isang kondisyon.”
Matiyagang naghintay si Lee sa isang table habang nagpa-practide sila at hinihintay ang set nila. “Ano ba ang surprise mo sa akin?” tanong nito.
Ngiti lang ang isinagot niya at pumunta na sa stage. Pumuwesto si Andrya sa microphone. “Good evening! We are Serenity. And this is a special night for our drummer, Pinay. Anniversary nila ng boyfriend niyang si Lee. Lee, dahil nabuo ang banda namin ngayong gabi at ipinahiram mo sa amin si Pinay, this is for you.”
Dumilim ang stage at pumailanlang ang boses niya. “I had no choice but to hear you. You stated your case…” Kanta niya sa Head Over Feet ni Alanis Morisette. Nagbulungan ang mga regular customers ng bar. Hindi kasi iyon ang boses ni Andrya.
Tumutok sa kanya ang spotlight at kay Lee. “You’ve already won me over inspite of me. And don’t be alarmed if I fall head over feet.”
Nagsalubong ang mata nila ni Lee. Nang mga oras na iyon, ito lang ang tao sa mundo para sa kanya. The audience, even her bandmates faded. It was just him and the music. Bumuka ang bibig nito. “I love you.”
She didn’t even have to hear it. She just knew. Iyon din kasi ang nararamdaman niya. Muntik na siyang mawala sa tono. Their anniversary was perfect after all.
“NAIPADALA ko na kanina ang blotter sa company ng maniac na iyon,” sabi ni Andrya na may himig ng panggigigil sa boses. “Gusto ko nga sanang makita kanina para mahampas ko ng takong ng sapatos ko sa mukha.”
“Thank you!” pasasalamat ni Pinay dito. “Kundi lang ako busy sa research ko, baka matikman ulit ng ungas na iyon ang kamao ko.”
Sa Philcoa sila nagkita. Papasok na ito sa UP habang pupuntahan niya si Lee sa bahay ng kaibigan nitong si Hendrick. Na-promote si Hendrick sa trabaho kaya may kaunting selebrasyon.
Dalawang araw ang nakakaraan mula nang mabulilyaso ang anniversary celebration nila. Bagamat nakabawi siya sa pagkadismaya dahil naging masaya naman sila ni Lee sa mga sorpresa nila para sa isa’t isa, di pa rin siya matahimik tuwing naiisip ang manyakis na si Marc. Di siya matahimik.
Kaya naman pinadalhan niya ng kopya ng police blotter ng pinapasukan nito. Gusto niyang matiyak na magtatanda ang ungas na manyakis na iyon at malaman ng kompanyang pinapasukan nito kung anong klaseng tao ito. Para naman magsilbing leksiyon sa mga lalaking mapang-abuso at di na umulit pa.
“Dapat lang ang ginawa mo. Kailangan malaman ng mga lalaking iyan kung ano ang kayang gawin nating mga babae para mabigyan natin ng hustisya. Kung alam ng babae ang dapat gawin sa ganyang mga klaseng tao, tingnan ko lang kung gustuhin pang mag-take advantage ng mga kumag na iyan,” sabi ni Andrya. “Alam ba ni Lee ang tungkol dito?”
Nagkibit-balikat lang siya. “Di na niya kailangang malaman.”
“Sa palagay ko dapat sabihin mo sa kanya,” anito bago sila maghiwalay.
Di na niya ininda ang payo nito. Di naman na niya kailangan pang ipaalam kay Lee. Habang nasa taxi papunta kina Hendrick ay nag-retouch siya. Di siya marunong mag-ayos dati. Pero mula nang marinig niya sa isang barkada ni Lee na wala siya sa kalingkingan ng ex-girlfriends ni Lee, natuto siyang magpaganda. Gusto niyang patunayan sa mga ito na may ganda rin naman siya at hindi nagkamali si Lee sa pagpili sa kanya.
Nagkakaingay ang mga ito sa lakas ng kwentuhan at kantiyawan. Sa get together ng mga barkada ni Lee, tamang tagapakinig lang ang mga babae sa usapan ng mga ito. Unang beses nga siyang dinala ni Lee doon, parang shock na shock ang mga ito nang makarinig ng opinyon mula sa kanya. Na parang dapat lang sa mga kababaihan ay manahimik sa isang tabi at huwag nang magsalita. May nagtanong pa nga kung saan siya napulot ni Lee.
Wala siyang pakialam sa opinion ng mga ito. Ang importante ay mahal siya ni Lee at nagkakaintindihan sila.
Pagkakita sa kanya ng lahat ay nagtahimikan ang mga ito. Iyon na ang karaniwang reaksiyon ng mga ito. She knew that they despise her. Pero iba ngayon ay may nakita siyang takot at pagkasindak sa mata ng mga ito.
“Hello, everyone!” bati niya at bahagyang kumaway. Hinalikan niya sa pisngi si Lee at saka ibinigay ang regalo niya kay Hendrick. “Congratulations!”
“T-Thank you!” sabi ni Hendrick sa nanginginig na boses. Parang takot ito na kausapin man lang siya. “Nag-abala ka pa.”
“Nakatuwaan ko lang bumili,” sabi niya. “Sana bumagay sa desk mo.”
“Baka bomba iyan, dude!” tatawa-tawang sabi ni Bob, ang pinakaburangas na kaibigan ni Lee. Natameme ito nang tingnan niya ng matalim.
Bumawi naman siya at ngumiti ng matamis. “Nakakatawa ang joke mo.”
Dahan-dahang umupo si Bob at di na nagtangkang tingnan pa siya. “Gusto mo bang kumain?” tanong ni Hendrick. “Baka may gusto kang kainin na wala dito, magpapabili ako o magpapaluto.”
“Hindi! Okay lang ako.” Himala na bumait sa kanya si Hendrick. Mabuti nga iyon. Baka tanggap na siya ng mga ito bilang nobya ni Lee.
The atmosphere was weird. Parang napipilitang tumawa ang mga kaibigan ni Lee sa mga joke niya ngayon. Ni hindi nagsisikontra sa mga opinion niya. Habang si Lee naman ay tahimik.
“Kumusta iyong ginulpi mo? Buhay pa?” biglang singit ng tanong ni Bob.
“Tinuruan ko ng leksiyon para hindi na umulit,” nakangisi niyang sabi.
Biglang tumayo si Lee at hinawakan ang kamay niya. “Hendrick, aalis na kami ni Pinay. Maaga pa pasok ko bukas.”
“Ha? Aalis na agad tayo? Maaga pa!” Kung kailan siya nag-e-enjoy.
“Let’s go!” mariing utos ni Lee.
Nagtataka man siya ay sumunod siya dito. Pinaki-alaman agad niya ang CD sa kotse ni Lee at isinalang ang CD ni Jason Mraz at sinabayan iyon ng kanta.
“Pinay, wala ka bang balak sabihin sa akin ang pagpapadala mo ng blotter sa pinapasukan ni Marc Fabio?”
Nagulat siya at nilingon ito. “Bakit nalaman mo?”
“Pinsan siya ng girlfriend ni Hendrick. Baka mawalan daw ng trabaho ang pinsan niya.”
Kaya pala pailalim ang tingin sa kanya ng girlfriend ni Hendrick. “Dapat lang iyon sa kanya. Malamang di siya makatingin sa mga tao sa kahihiyan.”
“Don’t you think that’s a bit too harsh?”
Gulat niya itong nilingon. “Harsh? Kulang pa nga iyon.”
“No! It’s too much! Paano kung may pamilya ding binubuhay iyong tao? Napahiya na siya noong isang araw. You were short of beating him to death. Hindi pa ba sapat iyon?”