Chapter Myco Gosiaco: Chapter 12

“Eeee! Ang guwapo ni Doc Martin!” impit na tili ni Chiharu, isa sa mga kasama nila sa housekeeping. Nasa Stallion Riding Club Guesthouse sila.

Di pa umaalis ng riding club si Martin. Tinitingnan kasi nito ang posibilidad sa paggamit ng kabayo para maging gamot sa iba’t ibang sakit na dulot ng virus.

Halos tumulo naman ang laway ni Grasya habang nanonood mula sa bintana ng kuwarto ng suite na nililinis nila. Kausap ni Martin si Hiro Hinata ng Hinata Industries at amo ni Sofiajade. Nang mawala na ang virus threat ay saka lang nakalabas ng laboratory si Martin at nakihalubilo sa mga members. Pagkakataon din siguro nito para humanap ng sponsor para sa organization nito.

“Habang tinititigan si Doc Martin, may nakakahawig siya,” sabi ni Grasya at tinapik ng daliri ang baba.

“Sino?” tanong niya.

“Mukha siyang Alleje!”

Lumakas ang kaba sa dibdib niya. Kung ganoon ay nakakahalata na rin si Grasya sa pagkakahawig ng magkakapatid. Dali-dali siyang tumakbo sa bintana at kunwari ay tiningnan si Martin. “Hindi naman, ah!”

“Luka! Di mo ba nakita ang portrait ng lolo nila Sir Reid sa may lobby ng guesthouse? Hawig si Sir Reiven noong kabataan niya.”

“Ay! Kawawa naman si Doc Martin. May makakahawig lang na Alleje, iyon pang lolo nila. Eh, lolo pa nga ata sa tuhod iyon! Matanda na! Hindi na exciting na pangarapin, ambisyunin at pagnasaan,” reklamo ni Chiharu.

“Ang isang Alleje ay isang Alleje. Kahit na matanda na, macho fafa pa rin. Ang swerte naman ng babaeng nakadikit kay Doc Martin,” sabi ni Grasya.

“Hindi naman siya member ng riding club. Huwag nang pagnasaan,” sabi niya para ilayo ang atensiyon ng mga ito kay Martin.

“Ano pang ginagawa ninyo dito?” tanong ng head nila. “Aba! Magsisimula na ang earthquake drill. Gusto ninyo matikman ang balasik ni Sir Myco? Masama ang mood.”

“Bakit naman, Ma’am?” tanong niya.

“Tingnan na lang ninyo nang malaman ninyo.”

Nang bumaba siya sa lobby ng guesthouse ay narinig niya ang matinis na tilian ng mga babaeng guest. “Mamamatay na tayo!”

Ang isa naman ay nakayakap sa binti ni Myco. “I am gonna die! Save me, Myco! Please save me!”

Ang isa naman ay sapo ang dibdib habang nakasandal kay Myco. Di niya alam kung inaatake ito ng hika o may sakit sa puso. “Myco, mamamatay na ako. I-CPR mo ako. Save me.”

Napahalukipkip siya at nakataas na pinagmasdan ang mga babae. Umaatake na naman ang mga Flower Girls. Ang mga Flower Girls ang mga kababaihang akala ay pagmamay-ari ang members ng riding club. Kung sino ang single, doon dumidikit. At mukhang si Myco ang biktima ng mga ito ngayon.

“Anong ginagawa ninyo?” asik ni Myco habang pilit na kumakawala sa mga babae. “Kung lumilindol ngayon, ganyan ang gagawin ninyo?”

“Of course! Kung katapusan na ng mundo, kailangang samantalahin na namin ang pagkakataon para makalapit sa iyo,” anang isa at humagikgik. “Ang bango-bango mo, Myco. Hindi mo ba kami pagbibigyan bago kami mamatay?”

“Hindi pa ba magsisimula ang drill natin?” tanong ni Doc Martin.

Umasim ang mukha ni Myco. Hindi alam kung paano babaklasin ang mga babaeng nakapaligid dito. “Maximum tolerance,” anito at nilingon si Reichen. Hindi pwedeng sungitan ni Myco ang mga bisitang babae ng riding club kahit naiirita ito.

“Kawawa naman pala si Sir Myco kapag lumindol,” iiling-iling na sabi ni Chiharu. “Ang mga iyan ang makakasama niyang malibing sa lupa.”

Siya na lang kaya ang humila sa buhok ng mga babaeng iyon para mailayo ang mga ito kay Myco? Tiyak na magiging miserable siya kapag ang mga babaeng ito ang nakasama ni Myco sa hukay.

“At bakit nagging kawawa si Myco kapag kami ang kasama?” nakataas ang kilay na tanong ng isa sa Flower Girls na naulinigan ang sinabi ni Chiharu. “Hindi ba magiging maligaya siya sa kabilang buhay?”

“Sa ingay ninyo, di siya matatahimik,Ma’am,”anang si Chiharu at humagikgik.

“Hindi kami mamamatay dahil sasagipin kami ni Myco!”

“Hindi naman Superman ang kapatid ko. Bakit kailangan niya kayong sagipin lahat? Kaya nga mag-e-earthquake drill para sagipin ninyo ang mga sarili ninyo,” sabi ni Sofiajade na kapapasok lang ng Guesthouse kasama si Doctor Martin.

“Ate, huwag ka namang ganyan,” malambing na sabi ng isa sa Flower Girls.

“Anong ate? Mas matanda ka pa sa akin.” Tinapik ni Sofiajade si Myco sa balikat. “Simulan na natin ang drill. Naka-ready na ba ang volunteers at disaster control group? Itong mga volunteer victims mo, di pa natin nagugulpi.”

Magsisilbing rescue team ang ilan sa mga empleyado ng riding club kasama na sila doon. By section ang gagawing earthquake drill. Ang Guesthouse ang unang magdi-drill sa araw na iyon. Habang rescuer ang iba ay magsisilbi namang casualty ng sakuna ang ilan na kailangan nilang gamitan ng first aid.

“Sandali lang,” sabi ni Myco. Lumapit ito sa kanya at ginagap ang kamay niya. “Florecina, kumain ka na ba? Baka kasi di ka pa kumakain. Mamaya na tayo mag-drill.”

Sinulyapan ang mga naghihintay dito. Nagtaasan halos hanggang kisame ang kilay ng mga Flower Girls. At may pagtataka rin sa mata ng iba pang guest at members. “Kumain na ako, Sir.”

Kung wala lang sila sa harap ng maraming tao, baka tumirik na ang mata niya sa sobrang kilig. Sisirain nito ang schedule para tiyakin lang na nakakain siya. Kahit na sabihin ng iba na malamig si Myco, maalalahanin pa rin ito.

“Myco, hindi pa kami kumakain!” sigawan ng mga Flower Girls.

“Hindi ko itinatanong!” masungit na sabi ni Myco. “Lahat ng volunteer na maging casualty, magpaayos na kayo. We don’t have all the time in the world.”

Bigla niyang binawi ang kamay na hawak ni Myco. Bumalik na naman kasi ang pagiging tigre nito kapag kaharap ang ibang tao. He was far from the gentle guy a while ago. Nakakatakot!

“Nee, chibisuke!” Nakahalukipkip na tawag ni Sofiajade dito. “Mamaya ka na magyaya ng date kapag tapos na ang trabaho nating lahat.”

“Hindi ko naman siya niyayang mag-date. Tinanong ko lang kung hindi pa siya kumakain,” palusot ni Myco.

“Binata na iyan! Hayaan mo nang manligaw,” kantiyaw ni Reichen. Natahimik na lang siya nang ulanin sila ng tuksuhan ni Myco. Kaya niyang maka-survive sa lindol pero di sa tuksuhan ng mga members ng riding club. Kahit si Myco kasi na laging kontrolado ang emosyon ay hindi makapalag sa mga ito.

“Myco, iyan lang bang babaeng iyan ang nililgawan mo? Paaano ako?” mangiyak-ngiyak na sabi ng isa sa Flower Girls. Ngayon ay may bahid na ng dugo ang mukha nito at may pasa-pasa. Mukhang itong nagmumulto sa isang horror film kaysa normal na casualty sa isang trahedya.

Iwinaksi ni Myco ang kamay. “Ring the alarm!”

Iyon na ang simula ng earthquake drill nila. At kung lilindol man at lalamunin siya ng lupa, di niya kakalimutan ang panahong nakasama niya si Myco.

“FLORECINA, thank you sa pagtuturo sa kanila ng tamang CPR,” sabi ni Yoanna, ang manager ng Stallion Riding Club Guesthouse. “Sa palagay ko mapapakinabangan namin iyon sa emergency. Dapat nga yata I-impose sa lahat ng staff na matuto ng CPR, hindi ba? Paano kung wala tayong dalawa dito?”

“Ma’am, magandang idea po na matuto tayong lahat ng first aid,” sagot ni Olympia habang inaayos ang mga gamit sa cleaning room ng guesthouse.

Dahil sa earthquake drill kanina, nabuksan ang isip ng lahat ng nasa riding club kung gaano kahalaga ang kaalaman nila tuwing may trahedya. Hindi iyon ang unang earthquake drill ng riding club. Pero lagi na lang ang mindset ng iba ay nariyan naman ang disaster team para tulungan ang mga ito. Sa pagsama niya sa disaster team, mas naging aware maging ang members at guests na lahat dapat ng tao ay matuto kung paanong haharap sa sakuna at tutulong sa iba.

“Parang Girl Scout pala tayo kung ganoon,” sabi ni Grasya.

“Lahat naman talaga dapat laging handa.” Pinagpag niya ang kamay. “Ma’am, I-ready na lang po ninyo ang schedule ng training. I am sure makikipag-coordinate naman sa atin ang disaster team para turuan tayo. Hindi naman lahat alam ko.”

“Birthday ng night manager natin ngayon,” anang si Yoanna. “Imbitado kayo, di ba?”

“Opo. Pero maliligo muna kami bago pumunta doon. Sobrang istrikto kasi ni Sir Myco kanina. Kapag sinabing dumapa sa damuhan, dapa!” angal ni Chiharu. “Nangangati na tuloy ako.”

“Sige na! Magpaganda na kayo para naman magka-boyfriend na kayong tatlo. Balita ko may ibang member na pupunta sa party,” sabi ni Yoanna.

“Uy! Masaya iyon! Chance na natin iyon!” tili ni Grasya.

“Florecina, imbitahan mo rin si Myco. Hindi kasi siya mahilig sumama sa mga parties. Ang alam lang yata niya I-grade ang mga tao at events dito sa riding club kung hazardous sa security o hindi. Ni hindi na siya nakakapag-enjoy,” wika ni Yoanna.

“Ilang taon na ba si Sir Myco? Parang pasan kasi niya ang mundo sa balikat niya. Di naman siya mukhang matanda,” anang si Chiharu at tinapik ang sariling baba.

“Siguro sa klase ng trabaho niya, kailangan talaga niyang maging seryoso sa buhay. Habang nandito sa riding club, lahat tayo responsibilidad niya,” paliwanag niya. Magandang idea ang party para makapag-relax si Myco.

Round the clock man ang trabaho ni Myco sa riding club, siguro naman ay may oras pa ito para sa sarili nito. Isa pa, gusto rin niyang sulitin ang oras na makakasama niya ito. Gusto rin niyang mag-enjoy ito habang magkasama sila.

Tinawagan niya si Myco sa cellphone nito para tanungin kung nasaan ito pero di naman nito sinasagot. “Siguro busy siya.”

“Si Myco ba ang tinatawagan mo?”

Napapitlag siya nang makita si Sofiajade sa likuran niya. “G-Good afternoon. Err… nasaan po si Sir Myco?”

“Napagod siya sa earthquake drill. Malamang nasa tabi siya ng falls ngayon at nagpapahinga. Kanina ko pa nga siya dapat ginising kaso…” Napahawak ito sa sariling pisngi. “Nakakatakot siya kapag nagigising. Parang dragon. Wala ako sa mood maging si Eragon ngayon at magpaamo ng dragon.” Tinapik nito ang balikat. “Kaya ikaw na muna ang bahala sa kanya, ha? Gusto ko kasing magkasama kami sa party ni Eleonor. Yayain mo na siya para naman kahit paano maging tao ang kapatid ko.”

“P-Paano po kung magalit siya sa akin?” tanong niya. Precious kay Myco ang tulog. Minsan na niya itong nakitang nag-ala-dragon dahil nasira ang tulog.

“Believe me. Hindi siya magagalit sa iyo.”

Nagpahatid siya sa Forest Trail at nilakad na lang niya papasok ng falls. Malapit nang magdilim kaya kailangan niyang puntahan agad si Myco.

Tahimik na tahimik sa falls area nang dumating siya. Nakahiga si Myco sa kawayang open cottage sa tabi ng falls. Dahil weekdays kaya walang masyadong tao sa riding club. Solo ni Myco ang falls at ang buong Forest Trail.

Umupo siya sa tabi nito at pinagmasdan lang ito. Wala yata siyang puso para gisingin ito dahil pagod na pagod ito. Sa batang edad nito, nakaatang na sa balikat nito ang responsibilidad sa riding club. He had no time to enjoy or relax. Maliban na lang sa mga panahong mag-isa ito at walang kasama. O kaya ay natutulog.

Itinukod niya ang siko sa kawayang sahig ng cottage para mapagmasdan itong mabuti. Mukha itong inosenteng bata habang natutulog. No. He looked like a sleeping prince rather than a sleeping dragon. Naghihintay lang ito ng halik ng isang magandang babae para magising sa pagkakatulog. Paano kaya kung halikan niya ito? Magagalit kaya ito oras na magising ito?

Hindi niya malalaman hangga’t di niya nasusubukan. Dahan-dahan niyang inilapit ang mukha dito. It would be just a peck on the lips. Hindi naman siguro ito magigising. Just one peck on the lips and she would be happy for the rest of her lips. Pumikit siya. Malapit na malapit na siya. Sasayad na ang labi niya sa labi nito. Just one kiss.

“Florecina?”

“Hmmm…” usal niya nang nakapikit pa rin.

“Anong ginagawa mo?”

Bigla siyang dumilat at sinalubong ang matalim na tingin ni Myco. Malapit na malapit ang mukha niya dito at magkatapat din ang mga mata nila. “G-Gising ka na?”

“Oo! Anong ginagawa mo sa akin?”

Bigla siyang umupo patalikod dito. “A-Ano… kasi… akala ko anong nangyari sa iyo.” Gusto niyang ingudngoid ang mukha sa sahig. Nahuli siya nito. Ni di man lang niya ito nahalikan bago pa ito nagising. So unfair!

“May hangover ka pa yata sa earthquake drill.”

“Oo nga!”

Pumunta ito sa falls para maghilamos. Tama. Isipin nitong wala siyang pagnanasa dito. Na nagmamagandang-loob lang siya. Ligtas siya!

Umupo ito sa tabi niya. “So tell me. Lahat ba ng tao gusto mong I-CPR kahit na natutulog lang?”

“Malay ko ba kung natutulog ka lang din? Di ka naman pala dapat I-CPR. Good.”

“Malay ko din kung gusto mo talaga ako ng I-CPR.”

Nanlaki ang mata niya. “Kung di kita isi-CPR, ano dapat ang gagawin ko?”

“Kiss me, molest me and rape me while I sleep perhaps.”

“Teka! Wala akong planong molestiyahin at rape-in ka. Ano lang…”

“Hahalikan mo lang ako?”

Tumayo siya at pinagpag ang uniform niya. “Kanina pa kayo hinahanap ni Miss Sofiajade. Imbitado daw kayo sa party.”

“Hindi ako sasama doon kung di mo sasagutin ang tanong ko.”

Naglakad siya palayo. Kahit na gusto niya itong halikan, di niya aaminin dito. “Papagabi na, Sir Myco. Mag-aayos pa kami para sa party.”

Hinawakan nito ang kamay niya at sumabay ng paglalakad sa kanya. “Aamin ka lang naman sa akin. Hindi naman ako magagalit.”

Tiningala niya ito. “Hindi ka magagalit kahit aminin ko?”

Umangat ang gilid ng labi nito. “Ano? Gusto mo akong halikan kanina?”

Binawi niya ang kamay dito. “Wala. Wala naman talaga.”

Hinawakan ulit nito ang kamay niya pero sa pagkakataong ito ay magkasugpong mga daliri nila. Mas mahirap nang paghiwalayin ang kamay nila ngayon. “Paano kung sabihin kong mahal kita?”

Bigla siyang ngumiti at nilingon ito. “Talaga? Mahal mo ako?”

Di niya pinangarap na mamahalin din siya ni Myco. Pero ngayong nasa harap na niya ito at handang sabihin na mahal siya nito, buong puso niya itong tatanggapin. Hinding-hindi niya ito tatanggihan!

“What if?”

What if lang pala. Akala naman niya ay mahal na siya nito. “Ewan ko.”

Ginagap nito ang dalawang kamay niya at tinitigan siya. “Paano kung lumindol at mamatay na tayo. Tapos sinabi kong mahal kita. Anong gagawin mo?”

Pinagmasdan lang niyang mabuti ang mukha nito. It was full of emotion. Parang marami itong gustong sabihin pero hindi nito alam kung paano. Nakapaloob na siguro sa what if nito ang gusto nitong sabihin. Maybe he loved her. Mahal din naman niya ito. Subalit nakadama siya ng takot. Malapit na niyang iwan si Myco. Baka sa susunod nilang pagkikita, di na siya si Florecina. Babalik na siya sa pagiging Olympia.

Humawak siya sa balikat nito at tumingkayad. Saka niya ito kinintalan ng halik sa labi. “Salamat sa pagmamahal.” Saka siya naglakad palayo.

Naiwan niya itong nakatulala. Natuloy na rin ang naunsiyami niyang halik dito.

“Florecina, hintayin mo ako!” tawag nito sa kanya at tumakbo. “Bakit hinalikan mo ako? Anong ibig sabihin noon?”

“Wala, Sir! What if lang iyon!” sabi niya at hinabol ang lumagpas na golf cart. Nang tumigil iyon ay sumakay agad siya doon. Di na niya nilingon si Myco.

Paano kung malaman na nito ang totoo? Paano kung dumating ang lindol na sinasabi nito at iyon na ang huling pagkakataon na pwede silang magkasama, sasabihin pa kaya nitong mahal siya nito?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.