Chapter Myco Gosiaco: Chapter 13

NAKAUPO lang sa isang tabi si Olympia habang nakikinig sa kanta ni Myco sa videoke. Dahil unang beses nitong nakihalo sa party, di lang bilang parte ng trabaho nito kundi bilang bisita ay di ito tinantanan ng mga guest. Maging ang celebrant ay di na ito pinaalis sa harap ng videoke nang malamang maganda ang boses ni Myco.

“Mukhang hindi ka nag-e-enjoy,” untag ni Sofiajade.

“Wala naman akong hilig sa party.” Kadalasan ay nabo-bore siya. Ang tanging na-enjoy niya ay makitang kumakanta si Myco. “Mukhang nag-enjoy naman si Sir Myco.”

“Kita mo naman. Hindi niya alam na may talent pala siyang kumanta. Ang alam lang niyan makinig sa music. Madalas nga natutulog pa iyan sa music class niya. At siyempre kapag ginising siya ng teacher para sermunan, tinitingnan lang niya nang matalim. But he is quite intelligent. Lagi naman siyang nag-e-excell sa klase niya. What’s annoying is he usually acts like a grown up. Akala niya alam na niya ang lahat.”

Mahina siyang tumawa. “Noong una pa lang, nakakatakot na siya. Kasi kapag tumingin siya, parang alam na agad niya ang sekreto at pagkatao mo.”

“So tell me. Paano niya sinabing mahal ka niya?”

“Ha?” Yumuko siya at ikinuyakoy ang paa. “Hindi naman niya sinabi na mahal niya ako. Ano… sabi lang niya what if magugunaw na ang mundo at sinabi niyang mahal ko siya. Ano daw ang isasagot ko?”

Tumawa ito nang malakas. “Ano? Ibig sabihin wala siyang planong aminin sa iyo na mahal ka niya unless magugunaw ang mundo? He is so pathetic! Hindi siya dapat nagdididkit kay Reiven. Parehong-pareho sila ng ugali.”

“Sino si Reiven?” usisa niya.

Lumungkot ang mata nito. “Wala!” Pilit itong ngumiti. “You are in love with my brother, right? Endure it. Nakakapikong mahalin ang tulad niya. Ipinapakita na niya ang lahat ng signs na mahal ka niya, di pa sasabihin.”

May tumilkhim sa tabi nito. Isang lalaking tsinito at matangkad ang nakatayo sa tabi ni Sofiajade. “Kung torpe pa rin si Bestfriend Myco hanggang ngayon, sa palagay ko dapat kumuha siya ng lesson sa akin.”

“Julian Veron Yun!” Dinuro ito ni Sofiajade. “Kung ikaw lang din naman ang pagmamanahan ng kapatid ko at paiiyakin niya ang mga kababaihan, huwag na!”

Hinatak nito ang babae sa kabilang table. “Arjhi, sabihin mo kay Manang Sofie na good boy na ako. Na ikaw na lang ang mahal ko.”

“Anong manang? Di pa ako matanda!” singhal ni Sofiajade at kinutusan ito. “Arjhi, binalikan mo na ang lalaking ito? Seryoso ka ba?”

“Good boy na siya, Ate.” Ngumiti si Arjhi sa kanya. “Hi!” Nawala ang ngiti nito. “Olympia? Olympia Montez? Ako ito! Si Eunice Arjhilleyne Reyes. Kaklase mo noong high school. Hindi mo na ba ako natatandaan?”

Ipininid niya ang bibig. Si Arjhi nga ito, na isa sa malapit niyang kaibigan noon. Madalas sila sa ibang bansa kaya di na sila nagkikitang masyado. Kaga-graduate pa lang niya ng college nang huli silang magkita. At si Arjhi ang taong matandain sa mukha kahit na lumipas pa ang ilang taon. Nakilala siya nito.

“Hindi siya si Olympia Montez. Iyong kaibigan mong reporter, mukhang siga. Mas guwapo pa nga sa akin,” sabi ni Eron. “Ang layo nilang dalawa.”

“She’s Florecina. She works for the housekeeping department. Florecina, this is Julian Veron Yun. At ang girlfriend niya, si Eunice Arjhilleyne Reyes. Mga bisita sila sa riding club. Hindi rin mapapasok ang riding club ng mga reporters. Kaya imposibleng makapasok ang Olympia Montez na iyon dito,” singit ni Myco.

“Sorry, Myco! Medyo nanlabo talaga ang isip ko. Sorry din, Miss,” sabi ni Arjhi na titig na titig pa rin sa kanya. “Tama si Eron. Malayo ka nga kay Olympia.”

“Anong ginagawa ninyo dito?” tanong ni Myco.

Niyakap ni Eron si Myco. “Na-miss kita, bestfriend!”

“Hindi kita bestfriend!” Itinulak ito ni Myco palayo. “Saka huwag mo nga akong niyayakap. Pagbintangan pa tayong yaoi dito! Di ako pumapatol sa lalaki.”

“Mas mahal naman talaga kita kaysa kay Arjhi!”

“Go away! Nakakadiri!”

Tumawa sina Arjhilleyne at Sofiajade pero di niya magawang makisaya. “Excuse me. Pupunta lang po ako sa mga kasamahan ko.”

Di na siya komportable at di na nagtagal pa sa party. Maya’t maya kasi ay sinusulyapan siya ni Arjhilleyne. Parang kinikilala siya. Ni di na nga siya nagpaalam kay Myco. Namayani sa kanya ang matinding takot.

Sa pagdating ni Arjhilleyne, ipinaalala nito na di siya maaring magtago habambuhay. Bago pa sabihin ni Myco na mahal siya nito, dapat na rin niyang masabi dito ang totoo.

GUSTO nang magpahinga ni Olympia. Ngunit mukhang malayo pa ang umaga para sa kanya. Ini-request pa siya na maglinis sa isa sa suite sa guesthouse. Ayaw sana niyang tumapak sa Guesthouse lalo na’t naroon si Arjhi. Di na ligtas ang pakiramdam niya sa riding club ngayong may nakakaalam na ng tunay niyang pagkatao.

Kumatok siya sa pinto. “Housekeeping!”

Bumukas ang pinto at nabungaran niya si Eunice Arjhilleyne. “Come in.”

Di niya alam kung tatakbo siya o mananatili doon. Ang alam lang niya ay natatakot siyang harapin ang kaibigan.

Magsisimula na siyang maglinis nang pigilan nito ang kamay niya. “Olympia, kahit di ka magsalita, alam kong ikaw iyan. Kaibigan mo ako. Hindi mo na kailangang magtago sa akin.”

“Arjhi, hindi pwedeng…”

“Shhh…” Hinawakan nito ang baliakt niya. “You don’t have to explain anything. Kung anuman ang ginagawa mo dito, di mo kailangang sabihin. Kumusta ka na? Ang alam ng lahat nasa abroad ka. Kahit si Tito Ely, ang alam nasa abroad ka. Di niya alam na nandito ka lang. Nadalaw mo na ba siya sa ospital?”

Kumunot ang noo niya. “Anong ginagawa niya sa ospital?”

“Naka-confine dahil stressed out. Iyon ang sabi sa akin ng Kuya R-Jan mo. Si Mama ang nagsama sa akin sa ospital dahil magkasama sila ng Papa mo sa Rotary Club. Olympia, miss na miss ka na niya.”

Nanlulumo siyang umupo sa kama nito. May sakit ang papa niya at hindi man lang sinabi sa kanya ng kapatid niya. Alam nitong nasa Pilipinas siya.

“Si Papa! Kailangan kong makita si Papa.”

NAKAYUKYOK SA may bench sa likod ng Guesthouse si Olympia. Gulong-gulo ang isip niya. May sakit ang Papa niya at hindi siya pinayagang umalis ng riding club. Kailangan ng clearance mula sa head niya bago siya makaalis ng riding club. Kailangan pa daw niyang hintayin ang bukas bago siya makaalis. Dahil kahit sa gabing iyon ay on call pa rin sila at magiging abala. Paano kung hindi lang stressed out ang Papa niya? May hypertension din ito. At parang magkakasakit na rin siya kung di niya ito makikita.

“Florecina,” untag ni Myco sa kanya. Umiling siya at nanatiling nakayuko. Hinaplos nito ang buhok niya at umuklo sa harap niya. “Umiiyak ka?”

Pinahid niya ang luha at iniwas ang tingin dito. “Gusto kong makita ang tatay ko. Naka-confine siya ngayon sa ospital pero di daw nila ako palalabasin.”

“Maraming trabaho dahil malapit na ang monthly tournament. Di ka nila basta-basta papayagan,” paliwanag ni Myco.

“Alam ko. Pero gusto kong makita ang Papa ko. Kahit di na ako matulog pagbalik ko, magtatrabaho ako para mabawi ko ang oras na umalis ako. Hindi ako matatahimik hangga’t di ko siya nakikita.”

Tumango ito. “I understand.”

“Pero hindi daw ako pwedeng basta-basta umalis dito.”

Tumawag ito sa cellphone. “Sir Reid, kailangan kong I-pull out ang isa sa mga staff sa housekeeping. May sakit ang tatay niya sa ospital.”

Ipinagpapaalam siya nito kay Reid Alleje mismo? Ang alam niya ay istrikto ang lalaki pagdating sa trabaho. Dapat kapag oras ng trabaho ay walang ibang iniisip. “Kung di ako papayagan, okay lang sa aking mawalan ng trabaho,” sabi niya kay Myco matapos makipag-usap kay Reid.

“Siya mismo ang tatawag sa head mo.” Hinaplos nito ang buhok niya. “Don’t worry. Sa Bicol pa ba ang father mo? Magpapa-book ako ng flight mo.”

“Hindi. Sa Manila na siya naka-confine.”

“Then take the chopper instead. Iyon din ang maghahatid sa iyo pabalik.” Nag-dial ulit ito sa cellphone. “Mark Ashley, pwede bang ihatid mo si Florecina sa Manila? IT is urgent.”

Napahagulgol siya at niyakap si Myco. “Thank you! Thank you!”

“Stop crying, Florecina. Gagawin ko ang lahat para di lang kita makitang umiiyak. I hate to see you cry because I...”

“Alam ko na. Kaya salamat.”

Alam na niyang mahal siya nito. Pagbalik na niya sa riding club, sasabihin na niya dito ang totoo niyang pagkatao. Iyon ang maisusukli niya sa pagmamahal nito.

MARAHANG binuksan ni Olympia ang hospital suite ng tatay niya sa Makati Medical Center. Sa helipad niyon siya ibinaba ni Mark Ashley. Hindi rin naman siya aalis. Gusto lang naman niyang magkita silang mag-ama.

Naiwan si Mark Ashley sa chopper nito at siya na lang ang pumunta sa kuwarto. Walang tao doon maliban sa Papa niya.

Nakahiga ito sa hospital bed at mahimbing ang tulog. Napansin niya ang hapis nitong mukha. Di madali ang naging trabaho nito sa publication. Marami itong alalahanin. Wala siya sa tabi nito para lagi nitong alagaan.

“Papa, nandito na po ako ako,” mahina niyang usal para di ito magising. She missed him. She had always been a daddy’s girl. At ngayong kailangan siya nito, di agad siya nakatakbo dito.

Inangat niya ang kamay nito upang haplusin ang mukha nito. Binawi agad niya iyon nang bumukas ang pinto. Nang lumingon siya ay nakatayo doon galit niyang kapatid. “Olympia, what the hell are you doing here?”

“Kuya, dinalaw ko lang si Papa.”

Hinila siya nito palayo sa Papa niya. “Are you crazy? Nagpunta ka dito galing sa riding club?”

“Kailangan ako ni Papa. At ni hindi mo sinabi sa akin na nandito siya,” sumbat niya. “Kung wala pang nagsabi sa akin, di ko pa malalaman.”

“Damn!” Ihinalamos nito ang mukha sa palad. “Now someone knows that you are at the riding club as a housekeeper.”

“Hindi sasabihin ni Arjhilleyne ang totoo.”

“Hindi pa nga siguro nila alam pero ngayon alam na nila.” Hinaklit nito ang braso niya. “Sinasayang mo ang pagkakataong ito. Oras na malaman nila kung sino ka, pare-pareho tayong mapuputukan. It’s like giving me a ticket to hell! Masisira ang pangalan natin pati ang publication ni Papa.”

“Mas mahalaga pa ba ang iniisip mo kaysa sa kalusugan ni Papa? Kailangan niya ako. Dito lang ako. Bibitiwan ko na ang assignment.”

“No!” he said in a hiss. Mariin nitong hinawakan ang baba niya. “Listen, Olympia! You may be Papa’s darling princess but that won’t work on me. Nangako ka sa akin kaya tutulungan mo ako.”

“Hindi masamang tao si Martin de Guia! Patay na si Reiven Alleje. I don’t know if you can still make a story out of it. Kaya tapusin na natin ito.”

Gusto na lang niyang matapos ang lahat. Wala nang halaga kung ano ang katotohanan. Hindi naman iyon ang katotohanang nalalaman ng lahat. So be it. Marami pa namang ibang balita sa mundo. Kahit na si Reiven pa si Martin de Guia, wala na siyang planong patunayan pa iyon.

“Kung totoong di masamang tao si Martin de Guia. Kung di nga siya si Reiven Alleje at wala siyang tie up sa mga terorista, mapapatunayan mo iyan. Pasukin mo ang database nila.”

Umiling siya. “No!”

“Kahit doon nakasalalay ang kaligtasan ng maraming tao. Anong nangyari sa iyo? Dahil kay Myco Gosiaco, natatakot kang galawin ang mga taong malapit sa kanya. Olympia, you have a duty to uphold the truth. Let the public know the truth.”

“Mahigpit ang security ng riding club. I am not a super hacker who can crack codes. Hindi sila government office na madali kong makukunan ng impormasyon,” paalala niya. “At sa ating dalawa, source natin ang ginagamit mo. Wala akong koneksiyon sa kanya.”

“Malaki na ang nagagastos ko para sa assignment na ito.” Huminga nang malalim si R-Jan. “Tatawagan kita oras na makagawa ako ng paraan para mapasok ang database nila.”

“Hindi mo ba pwedeng sabihin sa akin kung sino ang source mo?”

Umiling ito. “No. Ako lang ang pinagkakatiwalaan niya.”

“I understand.” Kinakabahan na rin siya sa source ng kapatid niya. He made Stallion Riding Club vulnerable. Kung sinuman ang taong ito, isa itong banta sa riding club at kay Myco.

Maaring maganda ang intensiyon niya sa pagpasok sa riding club pero paano kung masama siyang tao at gusto niyang tuluyang sirain ang riding club? Si Myco ang unang mapuputukan.

“Remember what this assignment means to me, Olympia. Remember what it means to everyone. At ikaw lang ang pinagkakatiwalaan ko. Don’t let me down.”

Kailangan siya ng kapatid niya at ng pamilya niya. Sa kanya nakasalalay ang kinabukasan nito. Ang pagtanggap dito ng Papa niya. Kahit na ayaw niya sa ugali ng kapatid niya at sa paraan nito, nangako siya dito.

Kung alam lang niya na magiging komplikado ang lahat, di na sana niya tinanggap ang assignment.

“Oras na mapasok ko ang database ng riding club, si Reiven Alleje man o hindi si Martin de Guia, lalabas na ako. Makakasama ko na si Papa?” paniniyak niya.

“Yes. At ito na lang din ang huling pabor na hihingin ko sa iyo.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.