“Martin, hindi basta-basta riding club lang ang puntirya ng intruder kagabi. He or she is after you,” sabi ni Myco. “Dalawang pangalan lang ang hinanap niya sa search engine. Martin de Guia and Reiven Alleje.”
“May nakuha ba siyang impormasyon?” tanong ni Martin.
“Information about Martin de Guia is highly classified. Iilan-ilang tao lang ang makaka-access doon. Ako, si Kuya Reid si Beiron, si Emrei, si Kuya Reid at si Myco,” sagot ni Reichen. “And of course, that sneaky girl.”
“Ako ang unang nakaalam ng totoo,” anang si Sofiajade.
“How about Reiven Alleje’s database?” tanong ni Martin.
“Wala na siyang malalaman. That database is designed to launch a virus once accessed. It’s under the red code,” sabi ni Sofiajade. “Malamang wasak na rin ang computer na gamit niya. Wala pang commercial anti-virus na naka-encounter ng virus na iyon. Kahit na mapatay pa niya ang virus na iyon, oras na pumasok siya may isa pang mas matinding virus siyang mae-encounter.”
“Hindi na tayo pwedeng maging kampante. They know who you are,” wika ni Reichen. “They used Sabrino Montreal’s access code. Member natin siya na naka-base na sa Canada.”
“May kinalaman si Sabrino Montreal dito?” tanong ni Martin.
“Not necessarily,” wika ni Myco. “Hindi galing sa Canada ang location ng access point. Nandito mismo ang riding club. Pero nagkaroon ng interruption habang tine-trace natin ang exact location.”
“Ang importante, alam natin na nandito lang din ang taong iyon,” sabi ni Sofiajade. “So you can’t just leave the riding club, Reiven.”
Tama ang kapatid niya. Di niya basta basta maiiwan ang riding club. Awtomatiko ay magiging suspect siya. Kung may makukuha man siyang impormasyon, gusto niyang makaalis sa riding club nang malinis ang pangalan.
“Mas dapat akong umalis. Kung pati dito masusundan ako, mas maraming manganganib dito. Hindi na ako dapat nagtagal dito,” sabi ni Reiven.
“Hangga’t di natin alam kung sino ang nakakaalam ng tungkol sa pagkatao mo. It might be still a hunch. Mas makakabuti na nandito ka sa riding club. We will protect you, bro. Responsibilidad ko iyon bilang kapatid mo,” mariing wika ni Reichen. “Di ka pwedeng mawala ulit sa amin.”
Sumilay ang ngiti sa labi niya. Natutuwa siya para kay Reiven. Maraming nagmamahal dito kahit na ilang taon na itong nawala. Mahal ito ng kapatid nito kahit na ano pa ang pinagdaanan nito. Sana man lang ay makaramdam din siya ng ganoong klaseng pagmamahal mula sa kapatid niya.
“Hoy, Florecina! Florecina!” sigaw ni Grasya sa tainga niya.
“Ahhh! Ano ba?” Napapikit siya nang mariin at mabilis na tinanggal ang earpiece sa tainga niya. Parang nabasag yata ang eardrums niya. Sampung beses o higit pa ang lakas ng ingay na nagagawa ng spy ear niya. Kaya halos sumabog ang utak niya sa lakas ng sigaw ni Grasya.
“Kanina pa kita tinatawag, di mo ako pinapansin. Ang tagal mong maglinis.”
“Medyo maalikabok dito,” aniya at pinunasan ang wooden cabinet. “Hindi mo siguro ginamit iyong wood polisher nang ikaw ang naglinis dito.”
Nanghaba ang nguso nito. “Nakakatamad kasi.”
“Kaya madalas kang napapagalitan. Hindi mo isinasaksak sa isip mo ang mga standard procedure natin.Paano kapag wala na ako dito?Paano ko ipapaalala sa iyo?”
“Hindi ka naman mawawala. Kapag ikinasal kayo ni Sir Myco, siyempre dito ka rin naman titira. At di na ako magiging tagapunas lang ng mga cabinet na iyan. Siguro naman matutulungan mo na akong humanap ng mayamang fafa noon.”
Malungkot niyang pinagmasdan ang kaibigan. Isa ito sa mga taong mami-miss niya oras na umalis siya sa riding club.
Di na siya pwedeng umurong ngayon. Ang tanging magpapatahimik sa kapatid niya ay kung mapapatunayan niyang inosente si Reiven Alleje. Hindi na nito kailangang malaman ang katotohanang sina Martin at Reiven ay iisa. All he wanted was the files on Martin de Guia’s computer. Iyon na ang katapusan ng misyon niya.
“FLORECINA, hindi ka ba sasama sa aming mag-horseback riding sa caldera?” tanong ni Myco nang daanan siya sa lodge na tinutuluyan niya. Alas singko y medya pa lang ng umaga noon pero nasa barge na ang mga kabayo para itawid sa lawa.
“Pasensiya na. May pasok ako.”
“Ipagpapaalam kita,” prisinta nito.
Umiling siya. As much as she’d love to, di na siya pwede pang makipaglapit kay Myco. “marami ka nang nagawang pabor sa akin. Tama na iyon.”
“Last day ko ngayon. Bukas na ang flight ko sa Peru,” sabi ni Reiven. “Kaya nga gusto ko makapag-enjoy ngayon kasama kayo.”
“Sorry, Doc Martin. Kailangan ko po talagang magtrabaho. Di naman siguro kayo aalis bukas nang di nagpapaalam, di ba?” Naging malapit na rin siya dito. Kung ganoon pala ay nagdesisyon na rin itong umalis ng riding club kahit di pa natutukoy mga ito kung sino ang intruder at gustong kumuha ng impormasyon nito. Mabuti na nga siguro iyon. Lalo itong paghihinalaan kung nasa riding club ito.
Ihinatid pa niya sa dock ang grupo saka siya bumalik sa lodge. Sayang. Iyon na rin sana ang isa sa pagkakataon para makasama niya si Myco sa huling sandali. Pero di na niya kayang makipaglapit pa dito. Nasasaktan lang siya dahil alam niyang di na siya naging totoo dito.
Nag-ring ang cellphone niya nang malapit na siya sa lodge. “Hello.”
“Miss Montez, ito na ang huling araw ni Martin de Guia sa riding club. Ito na rin ang pagkakataon mo para ma-access mo ang laptop niya,” sabi ng lalaking may malaking boses sa kabilang linya. Malamang ay ginamitan na nito ng voice changer device para di na niya makilala pa.
“Ikaw ang source ng kapatid ko, di ba? Nag-decide akong huwag nang I-access pa ang laptop ni Doc Martin.”
“Hindi pwede. Nakahanda na ang lahat. Lahat ng galaw mo, naka-report sa kapatid mo. I owe him. Hindi pwedeng di ko matapos trabahong ipinagagawa niya. Nangako ka rin sa kanya kaya tapusin natin ang trabahong ito. Nai-deliver na ang mga gagamitin mo para sa araw na ito. Nasa front porch ng lodge ang kahon.”
Nang dumating siya sa lodge ay nakapatong na nga doon ang kahon. Wala pang gising sa mga kasamahan niya dahil late ang shift ng mga ito. Dali-dali niya iyong ipinasok sa kuwarto. “Anong gagawin ko?”
“Nasa loob ng kahon ang earpiece. It’s a communication device. Gagamitin mo iyan sa pakikipag-usap sa akin kapag nasa bahay ka na ni Myco Gosiaco. May micro-hard disk din diyan kung saan mo isasalin ang files mula sa laptop ni Martin de Guia. And you have the fingerprint forger. Kailan mo iyang idikit sa dulo ng daliri mo para ma-access mo ang laptop niya.”
“Maraming camera sa bahay ni Myco. Di pwedeng di nila malaman kung ano ang ginagawa ko,” paalala niya.
“Nandiyan sa kahon ang picture mo noong isang araw. Kailangang ganyan ang ayos mo ngayon. Nakapag-record na ako ng video mo sa araw na iyan. Iyon ang ipe-play natin kapag pumasok ka sa kuwarto ni Doctor de Guia. You have five minutes to finish your task. That’s enough time to copy his files.”
“Mister, gusto ko lang linawin bago ko gawin ito. I don’t agree with my brother’s ways. Hindi ako masaya sa ginagawa ko. Pero gaya mo, nangako rin ako sa kanya.” Dahil gusto pa niyang sagipin ang relasyon nilang magkapatid. Gusto niya na tanggapin siya nito at mahalin gaya ng pagmamahal ng mga Alleje kay Reiven.
Isinuot niya sa tainga ang earpiece nang lumabas pa lang siya ng bahay. Para kung sakaling may magbago sa plano ay alam niya ang gagawin. Mag-isa lang siyang maglilinis sa bahay ni Myco dahil di naman masyadong madumi. Gusto lang I-maintain ni Myco ang kalinisan ng bahay nito.
“Unahin mo ang kuwarto ni Martin de Guia,” utos ng boses sa kanya. “Oras na pumasok ka, simula na ng five minutes mo.”
Mabilis niyang nai-plug ang laptog at binuksan. Nakatigil ang camera sa kuwartong iyon at ang naka-feed sa monitor center ng riding club ay ang video na nai-record na noong nakakaraang araw. Kung ganoon ay naplano na ng kapatid niya ang gagawin. It was foolproof.
Nang hingin ng fingerprint para sa access ay idiniin niya ang daliri niya na may forged fingerprint ni Martin. Hindi siya nahirapan na buksan ang file nito dahil nasa isang folder lang iyon at nakalagay ay My Files.
Mahigit tatlong minuto lang ang itinagal para maisalin niya ang files ni Martin sa hard disk. “Dalhin mo ang hard disk sa basurahan sa bungad ng Forest Trail. May pi-pick up diyan at magde-deliver sa kapatid mo para siya ang mag-analyze.”
“Sabihin mo sa kapatid ko na gusto ko nang umalis dito,” mariin niyang utos. Nang mai-deposit ang hard disk sa basurahang sinasbai nito.
“Easy, Miss Montez. Bahala kayong magkapatid na mag-usap. Basta ang alam ko, tapos na ang trabaho ko para sa inyo.”
“Tama ka.” At ayaw na rin niyang maka-deal pa ang taong tulad nito. Paano ba niya masasabi kay Myco na nanganganib ito at ang riding club? Dahil mas mapanganib ang taong iyon kaysa sa kanya.
NAKATAYO sa harap ng lodge si Olympia habang hinihintay ang service bus ng riding club na maghahatid sa kanya hanggang sa Rotonda ng Tagaytay. Mula doon ay saka siya sasakay ng bus pabalik ng Manila.
Buo na ang pasya niya. Kailangan na niyang umalis ng riding club. Magaling na ang Papa niya. Kahit na yayain niya itong pumunta sa ibang bansa at magkasama silang magbabakasyon.
Nakuha na ng kapatid niya ang kailangan nitong impormasyon kaya wala na siyang responsibilidad dito. Hindi na niya gagawin pa ang article. Bahala ito kung kaninong writer nito ipapasulat at di na niya kailangan pa ng credit. Iyon na ang huling pabor na gagawin niya sa kapatid niya.
Tumigil ang isang kotse sa harap niya. Sakay niyon si Sofiajade. “Florecina, lalabas ka ba ng riding club?”
Tumango siya. “Pabalik po ako sa Maynila. Hinihintay ko lang ang service.”
“Sumabay ka na sa akin. Bibili kasi ako ng dadalhin ni Doc Martin sa flight niya,” anito at binuksan ang pinto ng kotse.
“Thank you.” Ngayon pala ang schedule ng flight ni Martin. “Hindi ba kayo nalulungkot na aalis si Doc Martin?”
Napansin niya na masaya pa rin ito. Noong nakaraan lang ay tutol ito sa pag-alis ni Martin. Matagal nitong hinanap ang lalaking mahal nito. At ngayon natagpuan na nito, bakit hahayaan na lang nitong pakawalan?
“Nagpaalam naman siya sa akin. Ikaw, nagpaalam ka ba kay Myco na luluwas ka ng Maynila?”
Hindi siya nakakibo. Paano siya magpapaalam kay Myco nang di naiiyak? Kapag lumabas na siya ng riding club, di na sila magkikita. Sira na ang tulay na maaring mag-ugnay sa kanila. Kailangan na niyang putulin. Kahit na walang article na lumabas gamit ang impormasyong nakuha niya, hindi na rin niya kayang humarap dito at tingnan ito sa mata. She was guilty as hell.
“Dumaan muna tayo sa security headquarters,” anito at iniliko ang sasakyan papunta sa sentro ng riding club sa halip na sa daan palabas ng riding club. “Mas magandang magpaalam ka na rin kay Myco kung aalis ka.”
“Pero…”
Itinigil nito ang sasakyan at saka hinila siya palabas. “Sige na. Magpakita ka na kay Myco para di na siya mag-alala sa iyo.”
Blangko ang isip niya nang makarating sila sa conference room ng security headquarters. Di pa rin niya alam kung paano pakikiharapan si Myco. Di rin niya alam kung dapat pa niya itong makita sa huling pagkakataon.
Pagpasok nila ay di lang si Myco ang nandoon. Naroon din sina Martin at Reichen. Pare-parehong seryoso ang mukha ng mga ito. Hanggang ngayon ba ay pinoproblema pa rin ng mga ito ang intruder sa computer terminal ng riding club?
“Mabuti nandito ka na,” sabi ni Reichen kay Sofiajade.
Umupo si Sofiajade sa dulo ng conference table. “Isinama ko na si Florecina. Paluwas siya ng Maynila ngayon kaya isasabay ko na sana siya palabas dito.”
Ni hindi siya tiningnan ni Myco mula nang pumasok siya. Bigla siyang kinabahan. Parang may nagbabadyang panganib.
“We found the intruder,” anang si Myco sa malalim na boses.
“Miss Sofiajade, mauna na po ako. Mukhang importante po ang pag-uusapan ninyo,” sabi niya. Ayaw niyang marinig ang pinag-uusapan ng mga ito. Kung sinuman ang natagpuan nitong intruder, kailangan na niyang makaalis sa lugar na iyon sa lalong madaling panahon.
“I don’t mind if you stay. Mabuti nang alam mo kung ano ang nangyayari sa riding club. As one of the employees, this is also your concern,” pormal na pahayag ni Myco. Naglakad ito sa harap ng LCD screen. “Ilang araw na tayong ginugulo ng sinumang nag-hack sa system natin. At gaya ng inaasahan ko, hindi siya titigil hangga’t di niya nakukuha ang gusto niya.” Isang video ang ipinakita sa LCD screen. “This is the video of the intruder.”
Nanuyo ang lalamunan ni Olympia abang pinapanood ang sarili sa video. Mula sa pagpasok niya sa kuwarto ni Martin de Guia hanggang sa pagkopya niya sa files nito. Nanlaki ang ulo niya. Lahat ng ginawa niya ay nandoon. Paano nangyari iyon? Tiniyak sa kanya ng koneksiyon ng kapatid niya sa loob ng riding club na malinis ang trabaho. Walang makukuhang ebidensiya laban sa kanya.
Tumutok sa kanya ang mata ng lahat nang matapos ang video. Subalit pinakamatiim sa lahat ay ang mata ni Myco. Parang gusto siya nitong tunawin sa sobrang galit na mababakas sa mga mata nito.
“So tell me, Miss Intruder. Who are you?” tanong ni Myco.
Direkta niya itong tiningnan sa mga mata sa kabila ng distansiyang nakapagitan sa kanila. “Olympia Montez.”