Chapter Myco Gosiaco: Chapter 16

“Asian journalist of the year?” bulalas ni Reichen habang maang na nakatitig sa kanya. “Nandito ang pinakamatinik na journalist sa Asia at hindi man lang tayo nagkaroon ng hint na siya iyon?”

Umangat ang gilid ng mata ni Myco. Di pa rin nito inaalis ang tingin sa kanya. “She’s so clever. Nagawa niyang magkunwaring ibang tao. Kaya din niyang makalusot sa lahat ng kwestiyon sa pagkatao niya. Nagawa niyang ma-penetrate ang mahigpit na security system natin. So tell me who are you working with? Sino ang kasabwat mo dito sa riding club?”

“May kasabwat siya dito?” tanong ni Martin.

“Di niya magagawang makapagpasok ng falsified documents at ipasok sa database natin at palabasing authentic iyon nang hindi siya nagkakaroon ng kasabwat. O baka naman sadyang matalino lang siya,” sarkastikong sabi ni Myco. “Kahit ang magaling na psychologist na pinagkakatiwalaan ko, napaikot niya para ibahin ang result ng test niya. She didn’t even have to bribe her or pay her anything. She really knows how to manipulate people.”

“Florecina… I mean Miss Montez, sino ang kasabwat mo dito?”

Katahimikan lang ang isinagot ni Olympia sa tanong ng lahat. Wala naman siyang masasagot dahil wala siyang alam. Di niya alam kung sino ang tumutulong sa kanilang magkapatid. Pakiramdam niya ay iniwan siya sa gitna ng dilim. Wala siyang ibang pwedeng ituro sa krimeng iyon kundi ang sarili niya.

“Pwede bang tawagan ang abogado ko kung tatawag kayo ng pulis?” tanong niya sa malamig na boses. Nag-iisa lang siya sa labang iyon. Kahit naman siguro may kasalanan siya, kailangan pa rin niya ng abogadong magre-represent sa kanya.

“Kung lalabas ito sa mga pulis, ikukulong ka agad nila,” sabi ni Martin sa mabait na boses. “Ayokong mangyari iyon. Naniniwala ako na may dahilan ka kaya ginagawa mo ito. Anong kailangan mo sa akin?”

“I want the truth between Martin de Guia and Reiven Alleje.”

“Paano mo nalaman ang tungkol diyan?” tanong ni Sofiajade.

“Lagi mong sinasabi na iisa lang sila,” aniya kay Sofiajade.

“At walang naniniwala sa akin.”

“Kung di lang may isang taong uhaw sa kasikatan na handang gamitin ang makakasama sa ibang tao para lang sa sarili niya. Right, Miss Montez?” akusa ni Myco. “That is where you are good at.”

“That is not fair!” she shot at him. “Sa bawat article na isinusulat ko, iniisip ko ang kapakanan ng nakararaming tao. Responsibilidad ko iyon gaya ng responsibilidad mo na pangalagaan ang mga tao sa riding club. What’s the fact here? Reiven Alleje is an alleged terrorist before he died. At kung buhay siya…”

“It is a Pulitzer prize potential.”

Naningkit ang mata niya. “Bakit ba lahat ng sabihin ko, iniisip mo na puro sarili ko lang ang iniisip ko? Kapakanan ng maraming tao ang iniisip ko.”

“How noble! Kaya pala mga taong pinagkakatiwalaan mo, kakagatin mo sa kamay para sa kapakanan ng maraming tao. Kahit na sabihin mong para sa general welfare ng publiko, may batas ka pa ring sinusunod. You don’t just barge into someone else’s computer and get all the information you want. Pribado ang impormasyon na iyon.”

“You are not supposed to know about what I did,” usal niya at iniwas ang tingin dito. Imposibleng di napatigil ng koneksiyon ng kapatid niya ang camera.

“Alam ko ang iniisip mo, Miss Montez.” Tumayo si Myco sa likuran niya. “Kung gumana ba ang plano ninyo ng kasabwat mo para I-manipulate ang images sa control system. The answer is yes. Napatigil niya ang camera at naipalit niya ang video mo na ito.” Nag-play ang video niya na kuha niya noong isang araw. “He inserted this one and kept it playing for five minutes.”

“Paano mo nakuha ang video na iyan?” tukoy niya sa video na nagpakita kung paano niya kinopya ang files ni Martin.

“I have a hidden camera that automatically records once the other one stops. Nakakabit iyon sa sarili kong TV room.”

“Miss Montez, importante ang laman ng computer ko. Di dahil terrorist ako kundi dahil tulad mo, gusto ko ring sumagip ng maraming buhay,” katwiran ni Martin. “That’s why it is protected.”

“I am just doing my job.”

“Your job.” Idiniin ni Myco ang kamay sa sandalan ng upuan niya. “Alam mo ba kung gaano kadelikado ang mga impormasyong nakuha mo? You are well aware of the biological warfare. Paano kung mapunta iyon sa kamay ng masasamang loob na gustong pumatay ng maraming tao.”

“Nasaan ang hard disk?” mariing tanong ni Sofiajade. Maging ito ay naging tensiyonado sa isyu ng hard disk.

Umiling siya. “Wala sa akin ang hard disk.”

“I am afraid we have to search your room, Miss Montez,” sabi ni Sofiajade.

“Sasama ako,” wika naman ni Martin.

“Kailangan kong tiyakin na normal pa rin ang lahat ng operasyon dito sa riding club. Ayokong may makatunog na may security breech tayo,” sabi ni Reichen at tinapik sa balikat si Myco. Ni di man lang ito nilingon ni Myco. Nakatuon lang ang atensiyon ni Myco sa kanya na parang takot itong matakasan niya.

“Wala akong ibang kinuha maliban sa files ni Doc Martin. I-Ipapabalik ko ang hard disk,” aniya sa nanginginig na boses at inilabas ang cellphone. Alam niyang delikado pero kailangang malaman ng kapatid niya ang nangyayari sa kanya.

Pinigilan nito ang kamay niya. “Sino ang kasabwat mo? Si Doro?”

“Nagtanan na si Doro at ang totoong Florecina,” sagot niya.

Naggiyagis ang ngipin nito. “I really hate your type.”

“Alam ko.”

She was starting to hate herself as well. Habang inaani niya ang galit nito, doble naman ang galit niya sa sarili kung bakit hinayaan niyang mangyari iyon sa kanya. Pero naging matigas ang ulo niya. Pinili niyang pahabain at palalimin pa ang pagkakakilala ni Myco at ngayon ay lumulubog siya sa sariling kumunoy.

“You should rot in hell.” Hinaklit nito ang balikat niya at itinayo siya. “Pinagsisisihan ko na nakilala kita. Pinagsisisihan ko na…”

“Minahal mo ako?” dugtong niya nang di na nito naituloy ang sasabihin.

Padarag siya nitong binitiwan. “Hindi kita mahal. Si Florecina ang mahal ko at hindi si Olympia Montez.”

Nang lumabas ito ng kuwarto ay pabalabag nitong isinara ang pinto. Parang nagsara na rin ang pinto ng puso nito para sa kanya.

Isang malaking pagkakamali na ninais pa niyang makita si Myco sa huli pang pagkakataon. Di na niya makikita ang ngiti sa labi nito. Di na siya titingnan ng mga matang puno ng pagmamahal. Napalitan na iyon ng pagkamuhi.

At habang namumuhi ito sa kanya, higit siyang namumuhi sa sarili niya.

MALUNGKOT na nakatanaw si Olympia sa labas ng cottage na nasa compound ng security center. Maganda ang cottage na iyon at may sariling TV at DVD player. Lagi din siyang hinahatiran ng pagkain. Kung tutuusin ay bisita siya doon kundi lang sa mga guwardiyang nakabantay sa labas na nagpapaalala sa kanya na isa siyang preso. Malaki ang kasalanan niya sa mga tao sa riding club.

“Hindi ka pa kumakain mula kaninang umaga. Gabi na,” sabi ni Sofiajade. “Wala namang lason ang ipinapakain namin sa iyo. Kumain ka na.”

Nilingon niya ito. “Dumating na ba ang abogado ko?”

Umiling ito. “Di pa siya makaalis sa Davao dahil kapapanganak pa lang ng anak niya. Bukas ka na niya ng umaga mapupuntahan. At hindi ka namin mapapakawalan nang wala kang abogado o isang taong mapagkakatiwalaan mo.”

“Nakahanda na ba kayong mag-file ng kaso laban sa akin?” tanong niya.

“The lawyers are discussing it. Uuwi si Reid Alleje para personal na asikasuhin ang nangyayari dito. Kahit na di impormasyon mula sa riding club ang nakuha mo, importante pa rin ang nasa laptop ni Doctor de Guia. Doon nakasalalay ang kaligtasan ng napakaraming tao.”

“Alam ko. Pero ginawa ko lang naman iyon para patunayan na di siya masamang tao. And I assure you, wala akong isusulat na pwedeng makasama kay Doctor de Guia o kay Reiven. Nag-decide na akong huwag magsulat ng kahit ano tungkol sa kanya.”

“Paano kami nakakasiguro?”

“Dahil hindi masamang tao si Doctor de Guia. Nararamdaman ko iyon. Kung wala akong makukuhang masamang impormasyon tungkol sa kanya, wala akong isusulat.”

“Pero alam mong sina Reiven at Martin ay iisa?”

Marahan siyang tumango. “I know you want to protect him. May dahilan kung bakit itinago niya ang totoo niyang katauhan. Di ko siya pipiliting sabihin. At matagal na akong nagdesisyon na di ko sasabihin ang totoo.”

Biglang pumasok si Myco, madilim na madilim ang mukha. “Huwag kang maniwala sa sinasabi niya. Pinapaikot ka lang niya.”

“Myco!” bulalas niya.

“Napaikot mo na kaming minsan, di na mauulit iyon.”

“Pero hindi daw niya sasabihin na sina Reiven at Martin ay iisa,” wika ni Sofiajade.

“Say that again!” At ihinagis ni Martin ang bagong issue ng Focal Point magazine sa paanan niya.

Pinulot niya iyon. Nagulat siya nang mabasa ang banner headline. Reiven Alleje: Back from the Dead. SRC, harboring a terrorist? By Olympia Montez

Namanhid ang katawan niya nang mabasa iyon. “P-Paano…”

“Why don’t you tell me? It is your byline,” wika ni Myco. “Read your garbage.”

Binuklat niya ang magazine. She scanned the article. “Hindi ako ang nagsulat nito. Nakalabas na ba ito?”

“Locally, not yet. Bukas pa iyan lalabas sa market dito. Pero naunang inilabas ang article na iyan sa Hong Kong at Singapore. Kaya nakakuha ako ng copy dahil nai-deliver na ito sa Four Leaf Clover Bookstore sa labas ng riding club. Ibinigay sa akin ni Trizia.”

“Can we stop the distribution and publication?” tanong ni Sofiajade.

“You need a temporary restraining order from the court to do that,” wika niya. “Gawin na ninyo ngayon kung gusto ninyong itigil ang publication.”

“This is all your fault!” mariing wika ni Myco. “Ganito ka pala kung magserbisyo sa mga tao.”

“Hindi ako ang nagsulat nito.”

“Talk to your lawyer about this. We have another case against you.”

NAPAPITLAG si Olympia nang ihagis ni Eleuterio Montez ang wireless phone nito at nabasag iyon sa sahig. “Look what you’ve done, Olympia! Isa na naman sa advertiser natin ang nag-back out. Isa sa pinakamalaki nating advertisers. Hindi nila nagustuhan ang article mo tungkol sa kay Reiven Alleje.”

Napayuko siya. “I am sorry, Pa.”

Nasa library sila para I-discuss ang malaking problema. Di na niya magawang itago sa ama ang mga pangyayari nang magsunud-sunod nang magtawagan dito ang mga colleagues nito at humihingi ng interview.

Napilitan din siyang humarap dito para aminin ang totoo. Nasa panahong dapat ay nagbabakasyon siya ay nasa Stallion Riding Club lang siya at kumukuha ng impormasyon. Sa bawat araw na nagdadaan, lumalaki nang lumalaki ang isyu. Di nagbibigay ng komento ang riding club. At ang tanging impormasyong lumalabas sa publiko ay kung paanong isang magaling at pinagpipitaganang virologist si Martin de Guia. Hindi rin ito si Reiven Alleje.

“Alleje! Alleje ang binangga mo. Kapag binangga mo ang mga Alleje, binangga mo na ang buong Stallion Riding Club. It’s suicide! Hindi ko alam kung bakit gumawa ka ng ganitong kalokohan, Olympia.”

“Hindi masama ang intensiyon ko, Pa,” malumanay niyang sabi.

“Di bale sana kung sapat ang ebidensiya mo. Nabasa mo ba ang article mo? It’s baseless. Wala kang nai-present na solid evidence. It’s very malicious. This is irresponsible journalism! Ginawa lang para makakuha ng atensiyon.”

Hindi na siya makahinga sa sobrang sama ng loob. Mula nang malaman ng Papa niya ang nangyari, di na siya nito tinantanan ng sermon. Wala na siyang magawa kundi tanggapin ang lahat ng iyon. Kulang na lang ay sabihin nito na itinatakwil na siya nito bilang anak.

“Pa, sinesermunan na naman ninyo si Olympia,” anang kapatid niyang si R-Jan na kadarating pa lang mula sa publication. Ito ang pumalit sa Papa niya. Sa dami ng problema, baka di kayanin ng Papa nila ang pressure.

“I am so disappointed.” Umupo ito at huminga ng malalim. “Hindi ko pinalaki ang kapatid mo para gumawa lang ng ganitong article. Pinababa lang niya ang tingin sa atin ng mga tao, sa klase ng produktong nagagawa ng kompanya natin.”

Naging maingay ang paglabas ng issue ng Focal Point magazine tungkol sa katauhan nina Martin de Guia at Reiven Alleje. Bumenta ang magazine maging ang diyaryo nila. Pero sa huli ay sila rin ang nabuweltahan.

Maraming tao ang di naniniwala sa article lalo na’t walang lumalabas na negatibo tungkol kay Martin de Guia. Bayani pa nga ang tingin dito ng iba lalo na’t nalaman ng mga tao kung ano ang role ng mga virologist. Siya ang binuntunan ng sisi. Sa labas ng village nila at ng publication ay nagra-rally ang mga babaeng haling na haling sa members ng Stallion Riding Club. Maging ang kasamahan niya sa media ay naging kritiko na niya.

Wala siyang masagot sa mga ito. Wala siyang depensa. May kasalanan siya. Kahit di man siya ang nagsulat, hinayaan niya ang taong iyon na sirain ang pangalan at pagkatao niya. Ng sarili niyang kapatid.

Tiningnan niya ng matalim ang Kuya R-Jan niya na kuntodo karinyo sa Papa niya. Naging malapit ito sa Papa niya habang unti-unti siyang lumalayo sa ama niya.

“Pa, mamamatay din ang isyu. Marami pang malalaking balita ngayon. Makakalimutan din iyan ng mga tao,” pang-aayo ni R-Jan.

“Bago pa mamatay ang isyu, limot na rin nila ang publication natin. Ikaw? Bakit pinayagan mong lumabas ang article ng kapatid mo?”

Inilahad ni R-Jan ang palad. “What can I do? She’s Olympia Montez. Pinagkatiwalaan ko siya na solid ang article niya. I didn’t expect this to happen.”

Of course. Kasalanan na naman niya. Pinalalabas pa ng kapatid niya na may utang na loob siya dito. Na siya ang nagpilit na ma-publish ang article. That wretched article cost her career, reputation and family.

“Pagsabihan mo ang kapatid mo,” mariing utos ni Eleuterio. Napatawad nito ang Kuya R-Jan niya pero kailanman ay di siya nito mapapatawad. Nagbabayad siya sa kasalanang hindi niya ginawa.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.