Chapter Myco Gosiaco: Chapter 17

Hinarang ni Olympia si R-Jan nang pabalik na ito sa kuwarto nito matapos patulugin ang papa niya. “mag-usap tayo, Kuya.”

“Tungkol saan? Gusto mo bang humingi ng advice kung paano ka makakawala sa isyu na ito?” tanong nito sa magaang boses, na parang isa itong huwarang kapatid at handang tumulong sa kanya.

Matiim niya itong tiningnan. “Bakit inilabas mo ang article na iyon sa pangalan ko nang hindi naman ako ang nagsulat?”

“Because the information you got me is totally useless. Ano ngayon kung may mga virus sa mundo? Hindi naman medical magazine ang pina-publish natin.”

“Useless? It is the truth! Madami pang istorya. Hindi mo kailangang gumawa ng istorya na walang katuturan. It is a lie!”

“A lie!” Naglakad ito paikot sa kanya. “Olympia, sino ba sa atin ang nagsisinungaling? Alam mo naman na sina Reiven Alleje at Martin de Guia ay iisa.”

“Wala tayong ebidensiya,” paalala niya.

“May ebidensiya ka sana kung nag-focus ka sa original story angle natin. Ang patunayan na iisa lang sila. But you didn’t. Pinili mo pang itago ang totoo at depensahan ang mga taga-riding club. The public needs to know the truth. Sa lahat ng lumalabas na article laban sa akin, hamak na mas totoo ang article ko.”

“Totoo? Sana nag-review ka muna ng news writing o sinumang nagsulat nga article na ipinagmamalaki mo bago mo ipinangalan sa akin.” Hinaklit niya ang harap ng polo shirt nito sa sobrang galit. “Bawiin mo iyon! Sabihin mo ang totoo!”

“Bawiin? Baliw ka ba? Bakit ko naman ilalagay ang sarili ko sa alanganin?”

“Magpa-public apology ako. Gawin mo din iyon!”

Di pa rin siya pinatatahimik ng konsensiya niya hanggang ngayon. Maraming tao siyang nasagasaan at nasaktan. At sa paglabas ng huwad na artikulo, inani niya ang galit ng maraming tao. Kailangan niyang ituwid ang lahat ng pagkakamali niya.

Tumawa ng pagak si R-Jan. “Public apology? Ako na nga ang gumawa ng trabaho mo. Iniwan mo ako sa ere nang magdesisyon kang hindi na isulat ang istorya ni Reiven Alleje. Isinalba ko lang ang magazine ko.”

“At ipinahamak mo ako para sa magazine mo?”

Tinapik nito ang balikat niya. “Thanks to you, my magazine is still alive. Dumami pa ang advertisement ko. Those who hate Stallion Riding Club love me. At nakuha ko na rin sa wakas ang atensiyon ni Papa.”

Mukhang ito ang pinakamasayang tao sa mundo. Wala itong pakialam kung siya man ang nagdadala ng lahat ng kasalanan nito.

Nakuyom niya ang palad. “Ito ba ang paraan mo para kunin ang pangarap mo at ang atensiyon ni Papa? Ang sirain ako sa maraming tao?”

“I am sick and tired of listening to him as he shower you with praises. You are the perfect daughter. Parang ikaw lang ang anak niya. At ako puro palpak.” Humalakhak ito. “Masarap pala ang pakiramdam nang ako naman ang pinupuri at minamahal. Ngayon, sa akin na niya ipinamahala ang lahat.”

At wala nang natira sa kanya. NI ayaw na siyang palapiti ng papa niya sa publication. Wala na rin itong tiwala sa kanya.

“Anong klaseng kapatid ka?” tanong niya sa nanginginig na boses. Sinadya nito ang lahat para masira siya. Ipinasok siya nito sa riding club dahil alam nitong malaki ang posibilidad na mahuli siya. Gusto nitong lalo siyang malubog sa kahihiyan.

Wala na siyang ginawa kundi umisip ng paraan kung paano sila magkakalapit at kung paano ito maa-appreciate ng Papa niya. Habang tinutulungan niya ito, ang tanging nais lang pala nito ay bumagsak siya. She fell right into his trap. At hinayaan lang niyang saksakin siya nito.

“I am an evil brother. Maswerte ka pa rin. Mukha namang walang plano ang mga Alleje na magsampa ng kaso laban sa atin.” Tinapik nito ang pisngi niya. “At kung magsampa man sila ng kaso, kaya mong gamitin kay charms mo sa mga member nila. Lalo na kay Myco Gosiaco. Patay na patay siya sa iyo.”

“Huwag na huwag mong idadamay si Myco dito!”

Hindi na nito kailangan pang bahiran ng kalokohan nito ang namagitan sa kanila ni Myco. Sirang-sira na siya kay Myco. At hinding-hindi na siya lalapit pa kay Myco para dagdagan ang galit nito sa kanya.

Isa siyang reporter. Mortal na kaaway ni Myco. Walang kahit anong paliwanag o kahit ang pagmamahal pa niya ang makakapagpalubag sa loob nito.

Pumalatak ito. “Sayang at kontrabida ako sa love story ninyo.”

“Sana naging masaya ka sa pagsira sa buhay ko.”

“I am still a loving brother, you know. Naniniwala ako na matalino ka. Pwede pa rin kitang ipasok sa tabloid. They’d be willing to accommodate you.”

Isang matagumpay na halakhak ang pinakawalan nito nang iwan siya nitong nakatayo sa hallway. Napasalampak siya at humagulgol ng iyak. Isa siyang talunan. Walang kakampi sa mundo.

Sino pa ba ang handang maniwala sa katotohanan niya?

MAYA’T MAYA ay malalim ang paghugot ng hininga ni Olympia. Nasa hotel suite siya sa Makati na kinuha ni Reid Alleje. Doon ito nag-set ng meeting nila. Ito ang unang pagkakataon na makakausap niya ang sikat na head ng riding club.

Nangasim ang sikmura niya nang makita ang isa sa mga diyaryong nasa ibabaw ng center table sa receiving area ng suite nito.

Olympia Montez, Uses her Claws on SRC Security Head

Muntik na niyang punit-punitin ang diyaryo nang makita ang picture niya at ni Myco. Naging parang nobela na ang buhay niya. Di lang kasi si Martin de Guia at Reiven Alleje ang puntirya ng mga article. Nang magsawa kay Martin de Guia dahil wala nang makuhang impormasyon, siya naman ang napagdiskitahan. Pati ang anggulo ng relasyon nila ni Myco ay binulatlat. Na ginamit lang daw niya ang katawan niya para makunan ng impormasyon si Myco.

“Damn you!” mahina niyang usal nang makitang dati niyang kaklase noong college ang nagsulat niyon. Isa sa mga taong malaki ang inggit sa kanya. Now it was their turn to strike back. Lalo pa siyang ilulubog sa putik.

“I hope I am not the one you are cursing, Miss Montez.”

Bigla siyang tumayo nang makitang nakatayo sa harap niya si Reid Alleje. “Sir,” nausal lang niya. She was suddenly speechless. The man in front of her was imposing. Mukhang dito yata nagmana ng pagiging imposing si Myco. But nothing beats the original. Dala na ata iyon ni Reid pagkapanganak pa lang nito.

Ngayon ay alam na niya kung bakit sa tingin pa lang nito, nanginginig na ang mga tao sa riding club. She felt his powerful aura right away.

“Take a seat. I hope you don’t mind if my security head is with me. Of course, you know Myco Gosiaco. Unless that article is lying. Baka di kayo magkakilala.”

Natigilan nang makita si Myco na nakatayo sa likuran ni Reid. Pailalim siya nitong tiningnan. “Regarding this article, it’s not entirely true.”

“Alin dito ang hindi totoo?” tanong ni Reid.

“Na may relasyon kami,” sagot agad ni Myco.

“Na ginamit ko siya para makakuha ng impormasyon tungkol kay Reiven Alleje o kay Doctor de Guia,” sagot naman niya.

“Another lie,” Myco said in a hiss.

Tumikhim si Reid. “Aside sa article na ito, ano pa ang pakay mo? Tungkol ba sa ginawa mong gulo sa riding club?”

“Yes.” Pinagsalikop niya ang palad. “Hindi ko alam kung dapat kong magpasalamat na di kayo nagsasampa ng demanda sa akin.”

“Is it needed?” tanong nito. “I heard that your publication is having a hard time getting advertisements. I just want to clear that it is not my doing. Naibalik na rin ang hard disk na may files ni Martin. Nabura na rin iyon sa system ninyo.”

“Well, I think I still owe you a public apology.”

“Para di ka na namin sampahan ng kaso?” tanong agad ni Myco.

“I don’t really care if you file a case against me. Handa akong harapin ang mga kasalanan ko sa korte. By breeching your security and faking my identity, I already committed a mistake. Di ko inaasahan na aabot sa ganito.” Inilapag niya ang folder sa harap ni Reid. “This is the draft of my public apology.”

Binasa iyon ni Reid at pagkatapos ay ipinabasa kay Myco. Paulit-ulit pa yatang binasa ni Myco ang article dahil natagalan ito sa pagbabasa. Inamin niya doon ang lahat ng kasalanan niya. Na kahit isa pa siyang miyembro ng media, dapat ay igalang niya ang karapatan ng ibang tao. Na may tamang paraan kung gusto niyang matuklasan ang katotohanan.

Isinara ni Myco ang folder. “Bakit hindi kasama sa mga inamin mo ang pagsulat mo sa article?”

“Dahil hindi naman ako ang nagsulat.”

“Paanong nangyari iyon? Your family owns the publication. Kapatid mo ang editor in chief mo. Ginamit lang ba ang pangalan mo? Sino ang gumawa nito sa iyo?” sunud-sunod na tanong ni Myco. “O dahil sikat ka na reporter, akala mo tama na ang lahat ng gagawin mo?”

Kahit ang papa niya ay iyon ang tingin sa kanya. Pati ang ibang reporters ay iyon din ang komento sa kanya. “Alam ko ang responsibilidad ko.” Tumayo siya. “I just want to show you the draft of my public statement. Lalabas iyan sa lahat ng major newspapers. Or do you want me to have an interview on TV as well?”

“This public apology is fine with me. Hindi lahat ng tao ay aamin sa pagka-kamali niya at handang harapin ang konsekwensiya,” anang si Reid at tumango.

“Thank you for the opportunity, Mr. Alleje.” He looked like a just and fair man. Kaya nirerespeto ito ng marami. Nakakalungkot lang na nagkalaban sila.

“Florecina!” tawag sa kanya ng boses ni Myco nang makalabas na siya sa hallway. “Miss Montez!”

Hinarap niya ito. “Yes, Mr. Gosiaco?”

Hindi siya sanay na tawagin itong Mr. Gosiaco gaya nang di ito sanay na tawagin siyang Miss Montez. Noong isang linggo lang, handa na silang aminin ang pag-ibig nila sa isa’t isa. Sa labis na galit na namamagitan sa kanila ngayon, sino ang maniniwala na minsan silang nagmahalan? O may maniniwala ba na naging totoo ang pagmamahal niya dito hanggang ngayon?

“Sino ang nag-utos sa iyo na I-cover ito? Kapatid mo ba?” tanong nito.

“Nasabi ko na ang lahat ng kailangan mong malaman. Kung ipapakulong ninyo ako, hihintayin ko ang subpoena. At kung gusto ninyong malaman ang totoo, magsagawa kayo ng sarili ninyong imbestigasyon.”

“Pinoprotektahan mo ang pamilya mo. Bakit hinahayaan mong ikaw lang ang mahirapan? Kung sinuman ang nag-utos sa iyo, dapat ding magbayad. Pati ang sumulat ng article na iyon at ipinangalan sa iyo, di ka dapat hinahayaang mag-isa.”

“Salamat sa concern pero kaya ko itong mag-isa.”

Hinaklit nito ang balikat niya at matiim siyang tiningnan. “Umalis ka na ng Pilipinas kung gusto mong matahimik.”

Pumiksi siya. “At bakit ko naman gagawin iyon?”

“Para makaiwas ka sa disgrasya.”

Naningkit ang mata niya. “Pinagbabantaan mo ba ako?”

Binitiwan siya nito. “I just want you to be safe.”

“OLYMPIA, why don’t you extend your vacation? Hindi ka naman nakapagbakasyon habang nasa riding club ka, hindi ba?”

“Tita Siza, gusto ko na po sanang bumalik sa trabaho.”

Nasa opisina siya ng Hot Link International News Agency at kausap ang regional bureau chief nila na si Siza. Ito ang may hawak ng opisina nila sa buong Southeast Asian Region kung saan nasa Manila ang head office.

Gusto na niyang ituloy ang trabaho sa Vietnam sa pakiusap na rin ng bureau chief nila sa Ho Chi Minh City. Sa Pilipinas lang naman ang isyu niya tungkol sa riding club. Sa Vietnam ay walang epekto ang balita. Paraan na rin niya iyon para makatakas sa tsismis. Hanggang ngayon ay di pa rin siya tinatantanan.

“Remember that book of yours? It’s very promising. Kung iyon na muna ang asikasuhin mo habang nagbabakasyon ka?” suhestiyon nito.

“Bakit hindi ninyo ako direktahin? Na ayaw na ako ng agency.”

“Mainit pa ang isyu tungkol sa iyo. Yes, the Vietnam office wants you back. Pero ang main office natin sa Hot Link New York ang nagsabi na huwag ka munang bumalik. Responsibilidad kita kung hindi maging maganda ang performance mo kapag bumalik ka sa trabaho. Baka magulo pa ang isip mo.”

Akala niya ay magiging maayos na ang lahat kapag nag-public apology na siya. It didn’t work. Marami pa rin ang detractors niya.

“Alam mo na magaling akong mag-focus sa trabaho!”

Marahan itong umiling. “Hindi nagustuhan ng big bosses ang article na lumabas tungkol sa kay Reiven Alleje at Martin de Guia. It’s very malicious and baseless. At wala kang nabanggit tungkol sa article sa public apology mo. Parang kine-claim mo na tama ang isinulat mo.”

“Wala akong ike-claim dahil wala naman akong isinulat na article,” paglilinaw niya. “Isa kayo sa mentor ko. Basahin nga ninyo ang article. Ganyan ba ako kung magsulat?”

“Hindi. Kaya nga nagtataka ako kung bakit ganito ka magsulat. It’s garbage! Kahit ako, ire-recommend ko na sampahan ka ng libel. Magpasalamat ka na lang na hindi ka sinampahan ng kaso ng mga Alleje.”

“Hindi ako ang nagsulat ng article.”

“Then someone else did it?” Tumango siya. “Kapatid mo ba?”

“Sinabi ko sa kanya na hinid ko na isusulat ang article dahil wala akong sapat na ebidensiya. Nagalit siya sa akin. Di daw siya papayag na di mailabas ang balita.”

“At ipinangalan niya sa iyo? Bakit di mo sabihin ang totoo?”

“Wala naman akong ebidensiya. Who will back me up?”

“Ako. I have a blog. Pwede kong sabihin doon ang observation ko sa pagkakaiba ninyong magsulat. I am sure you still have friends out there. Susuportahan ka pa rin nila.”

“Pero paano si Kuya R-Jan? Magagalit si Papa sa kanya.”

Kung kailan pa nagiging malapit na sa R-Jan sa Papa niya. Walang ibang pangarap ang kapatid niya kundi mapalapit sa Papa nila. Tiyak na masasaktan na naman ito dahil lalayo ulit ang loob ng papa niya dito.

“Hindi mo kasalanan iyon. It is his fault. Kahit kailan wala akong tiwala sa kapatid mo. Mayabang. Parang di gagawa ng maganda.”

“Kaya nga gusto kong bumalik sa trabaho. Gusto kong makilala ng mga tao ang totoong ako. Na di ako tulad ng mga isinusulat ng ibang reporter na gusto akong sirain sa halip na tulungan.”

“Oh, yes! You have a new reputation. The Seductress.”

“Tita Siza, sana di ka rin maniwala sa article na iyon tungkol kay Myco. I respect him so much. At kahit kailan, di ko siya sinadyang lokohin para lang makakuha ng impormasyong kailangan ko.”

Si Myco ang nagpasaya sa kanya habang nasa riding club siya. He made her realize the best things in life that she was missing. Tinuruan siya nitong magmahal. Ang masakit lang, si Myco ang pinakanasaktan niya. She betrayed his trust. And he was ready to believe the worst in her.

Niyakap siya ni Siza. “Olympia, di ka masamang tao.”

“Thank you, Tita.”

Sana lang ay iyon din ang paniniwala ng ibang tao sa kanya. She was a scarlet woman now. Bukas-makalawa ay baka jueteng queen na din siya o kaya ay drug lord. Kahit ano na lang na gustong ibato sa kanya.

Isinuot niya ang shades bago pa man lumabas ang kotse niya sa parking lot ng Hot Link News. Ayaw niyang may mga taong nakakakilala sa kanya. Kung tingnan kasi siya ng mga ito ay parang isa siyang kriminal. Wala daw siyang karapatan na saktan ang mga Stallion Boys lalo na sina Myco at si Martin.

Matindi talaga ang impluwensiya ng Stallion Riding Club sa mga tao. Bruhang kontrabida na ang tingin sa kanya ng mga tao sa buong Pilipinas. Kung alam lang ng mga ito, nasasaktan din siya.

Maingat ang pagmamaneho niya nang nasa EDSA na siya. Pabalik na siya sa bahay nila sa Quezon City mula sa opisina ng Hot Link News Agency sa Makati.

Dapat nga siguro ay mangibang-bansa na muna siya. Baka walang mangyayari sa kanya sa Pilipinas. Ultimo ang Papa niya ay di siya kukunin sa publication nito. At lalong magwawala ang papa niya kung sa tabloid na lang siya magsusulat. Gusto lang naman niyang magsulat ulit.

Tumayo ang balahibo niya sa batok. Pakiramdam niya ay may sumusunod sa kanya. Isang blue na van ang nasa likuran niya.

Iginilid niya ang sasakyan niya para hayaan itong mag-overtake. Subalit nanatili pa rin itong nakasunod sa likuran niya at nakatutok.

Napahiyaw siya nang banggain nito ang likuran ng sasakyan niya. Sinubukan muli niyang umiwas ngunit huli na. Lalong ginitgit ng mga ito ang sasakyan niya. Mas malaki ang van kaya halos inararo siya nito.

“Ahhh!” sigaw niya nang makitang babangga na siya sa concrete barrier.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.